Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

CHAPTER 28

Gone

NAPATULALA ako sa dalawang pulang linyang nakaguhit sa PT. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Hindi ako makapaniwalang buntis na nga ako dahil isang beses lang nangyari iyon.

Isang linggo na ako rito sa Maynila pero ngayon lang ako naglakas ng loob na bumili para kumpirmahin ang hinala ko. Mabuti na lang at hindi naman ako nagsusuka araw-araw. Kapag may naaamoy lang akong hindi ko nagugustuhan. Pero napapadalas ang hilo ko at lagi rin akong inaantok. Ganitong-ganito rin ang nararamdaman ko noong nasa probinsya pa ako pero hindi ko napapansin dahil akala ko ay epekto lang iyon ng masyadong lungkot.

Dalawang PT pa ang ginamit ko para tiyakin pero pareho rin ang resulta.

Paano na ito? Kaya ko bang buhayin ang batang ito?

Napahawak ako sa aking tiyan na flat pa naman. Hindi naman halatang buntis ako.

Si Puppy Gaston.

Sasabihin ko ba sa kanya?

Napaiyak ako. Paano ko naman sasabihin gayong wala na akong communication sa kanya? Isa pa ay hiwalay na kami. Baka maging sagabal pa kami lalo sa kanya. Ang dami pa naman niyang problema ngayon.

Pero baka kapag lumaki na ang batang ito, susumbatan niya ako na hindi ko siya ipinakilala sa tatay niya.

Natatakot ako. Paano kung magagalit sina Nanay? Hindi pa naman nila alam ang tungkol sa naging relasyon ko kay Puppy. Isa pa ay wala pa akong trabaho. Magde-demo pa lang sana ako sa school na pinapasukan din ni Ate Angelica.

"Divine, gusto mo bang pumun-"

Nanlaki ang mga mata ko nang biglang pumasok si Ate Angelica sa kuwarto ko. Dali-dali kong ibinulsa ang dalawang PT na hawak ko. Nakalimutan ko palang i-lock ang pinto!

"Ano 'yan? Bakit namumutla ka?" usisa niya.

Lalong bumilis ang pagtibok ng puso ko.

"Wa...Wala po, Ate."

"Anong wala? Kitang-kita ko kayang may ipinasok ka sa bulsa mo. Ano nga 'yan? Bakit mukha kang takot na takot? Okay ka lang ba?"

"Ate kasi..."

"Oh, bakit? Ano'ng problema?"

Nag-init ang sulok ng mga mata ko.

"Ate..."

Yumakap ako sa kanya saka umiyak sa balikat niya. Agad niya naman akong inalo.

"Oy, bakit? Ano'ng problema? Naho-homesick ka ba? Nami-miss mo ba sila Tiyang Solome?"

Umiling ako saka humagulgol. Hindi ko kasi alam ang gagawin ko. Nagtatalo ang loob ko. Paano ko sasabihin kay Puppy na nagbunga ang ginawa namin noon? At saka magbebente-dos pa lang ako. Ang bata ko pa para maging ina.

"Kako gusto mo bang mamasyal? Punta tayo sa BGC?"

Umiling ako. Bakit parang gustong-gusto kong makita si Puppy ngayon? Gusto ko siyang mayakap.

"Eh, ano'ng gusto mong gawin? Weekend naman, e. Wala naman na akong gagawing lesson plan. Gusto mo ba mag-mall tayo?"

Umiling ulit ako.

"Eh, ano'ng gusto mong gawin?"

Humiwalay ako ng yakap kay Ate Angelica saka pinahid ang mga luha ko gamit ang likod ng mga kamay ko.

"Ate, may...may sasabihin sana ako pero huwag kang mabibigla, ah?"

"Ano ba 'yan?"

"Basta mangako ka munang huwag kang mabibigla. At saka hinaan mo lang ang boses mo."

"Paano ko naman malalaman kung mabibigla-"

"Bu...Buntis ako."

"Ha?!"

Parehong nanlaki ang mga mata namin. Siya ay nagulat sa sinabi ko. Ako naman ay nagulat sa lakas ng boses niya. Kaya dali-dali kong tinakpan ang bunganga niya.

"Baka marinig ka ni Tiyang Solana."

"Wala rito si Nanay. Nasa palengke yata."

Nakahinga ako nang maluwag.

Hinila ako ni Ate Angelica paupo sa kama.

"Seryoso ka ba sa sinabi mo, Divine?" hindi makapaniwalang untag niya.

Marahan akong tumango saka inilabas ang dalawang PT mula sa bulsa ko. Gano'n na lang ang pagkasinghap niya nang makita ang mga iyon. Nagpabalik-balik pa ang tingin niya sa akin at sa PT.

"Pa...Paanong? Teka, teka! May naging dyowa ka ba sa probinsya? Bakit hindi ko alam? Ang sabi ni Tiyang Solome hindi ka pa raw nagkaka-boyfriend ever. Paanong-?"

Napangiwi ako. "Hindi kasi nila alam, Ate. Itinago ko."

"Ano?! Bakit mo naman itinago? At saka sino ba 'yong lalaking naglakas-loob na galawin ka?"

Napasinghot ako. "Hi...Hiwalay na kami, Ate."

"What?!"

This time ay napatakip na ako sa magkabilang tainga ko. Napakalakas kasi ng boses niya.

"Ate naman."

"E kasi nagugulat ako sa 'yong bata ka! Bakit kayo naghiwalay? Dahil ba buntis ka? Ayaw ka ba niyang panagutan?"

Umiling ako. "Hindi niya alam, Ate. Ngayon ko nga lang din nalaman."

"Diyos ko! Paano na 'yan? Mahihirapan kang makapasok sa trabaho niyan. Bawal pa naman sa school ang teacher na buntis nang hindi kasal. Dapat ipaalam mo 'yan sa kanya at magpakasal kayo sa lalong madaling panahon-"

"Hindi puwede, Ate!" agarang tanggi ko.

"Aba'y bakit naman? Responsibilidad niya rin 'yan, hindi lang sa 'yo. Ano? Pagkatapos niyang magpakasarap, hahayaan ka niyang mag-isang palakihin ang batang 'yan?" eksaheradang bulalas ni Ate Angelica.

Napatungo na lang ako. Bakas sa itsura ni Ate na problemado rin siya sa sitwasyon ko. Ano na lang kaya kung malalaman nina Nanay? Baka bigla nila akong pauwiin nang wala sa oras.

"Ate, puwedeng tayo na lang muna ang makakaalam nito? Huwag mo munang sasabihin kay Tiyang Solana at kina Nanay. Please?" pakiusap ko.

Pinanlakihan niya ako.

"At sa tingin mo ba maitatago mo 'yan? Kahit hindi mo naman sabihin mahahalata ni Nanay kapag lumaki na ang tiyan mo."

"E 'di saka na natin sabihin kapag lumaki na at halata na ang tiyan ko. Sa ngayon gusto ko munang pag-isipan ang gagawin ko."

Bumuntonghininga si Ate Angelica saka isinabit sa likod ng tainga ko ang buhok na nakatabing sa mukha ko.

"Siya, sige. Kung 'yan ang desisyon mo, susuportahan kita. Pero paano na ngayon 'yan? Itutuloy mo pa ba ang application mo sa school? Hindi naman puwedeng magsinungaling ka tungkol sa pagbubuntis mo."

"Hindi na muna siguro, Ate. Maghahanap na lang ako ng ibang trabaho."

"At sa tingin mo ba makakahanap ka nang ganyan ang sitwasyon mo? Kahit private companies nunkang magha-hire ng buntis. Siyempre lalabas 'yan sa medical exam mo."

Kagat-labing tiningnan ko na lang si Ate sabay iling.

"Medyo malaki pa naman ang pera na naitabi ko, Ate. Kasya pa iyon kung lilipat ako ng apartment na malayo rito. Sabihin na lang natin kay Tiyang na nasa malayo ang trabaho kaya hindi kakayanin kung dito ako uuwi."

Namilog ang mga mata ni Ate Angelica.

"Ang bilis mong makaisip ng paraan, ano? Pero hindi mo habang buhay maitatago iyan. At saka sa tingin mo ba ay papayag akong mag-isa kang titira sa isang bahay nang ganyan ang kondisyon mo? Paano kung sumama ang pakiramdam mo? Sino'ng tutulong sa 'yo?"

"Kaya ko naman-"

"Tumigil ka. Huwag kang mag-alala, gagawan ko ng paraan. Sa ngayon ay kailangan muna nating pumunta ng doktor para magpa-checkup. Hala, magbihis ka na nang makaalis tayo habang wala pa si Nanay."

Tumango ako at dali-daling sumunod sa sinabi niya. Pagkalabas niya ay itinago ko ang PT sa loob ng mga gamit ko. Ayaw kong itapon dahil remembrance din 'yon.

Nagsuot lang ako ng plain na dress na hanggang sa itaas ng tuhod ko ang haba. Naghahalo-halo ang nararamdaman ko. Nae-excite ako na natatakot.

Pumunta kami ni Ate Angelica sa pinakamalapit na OB-gyne clinic. Mabuti na lang at hindi pa nakakauwi si Tiyang Solana. Ayaw kong malaman niya dahil tiyak na sasabihin niya kina Nanay.

"Tayo na raw. Tara na," aya sa akin ni Ate Angelica.

Kinakabahang pumasok ako. Kinuhanan na ako kanina ng vital signs ng nurse saka ibinigay niya iyon sa OB-gyne na nasa loob. Marami siyang itinanong sa akin na signs at symptoms na nararamdaman ko.

"Shyr Divine Ramos?"

Ngumiti ako at tumango sa babaeng doktor. Pinaupo niya ako saka kinuhanan ng pulso.

"Actually, lahat ng ibinigay mong details sa nurse, these are early signs of pregnancy. Gusto mo bang diretso na lang tayong ultrasound?"

Tumango naman ako.

Kinuha ko ang gown na iniabot niya sa akin saka pumasok sa isang kuwarto para magpalit. Pagkalabas ko ay pinahiga niya ako. Naglagay siya ng gel sa tiyan ko. Nakahawak naman sa kabilang kamay ko si Ate Angelica. Panay pisil niya roon para palakasin ang loob ko.

"There you go."

Napatingin ako sa monitor. Namangha ako nang makita iyon. Sobrang liit pa. Halos hindi kita.

Nagkatinginan kami ni Ate Angelica. Nakita kong nanubog din ang mga mata niya. Hindi ko lang sire kung dahil sa tuwa o naaawa siya dahil walang tatay ang baby ko.

Pagkatapos ng ultrasound ay hinintay namin ang sonogram. Tiningnan ulit iyon ng doktor.

"You're 7 weeks pregnant, Ms Ramos."

Napaawang ako at hindi makapaniwala. Magdadalawang buwan na pala pero flat pa rin ang tiyan ko. Napansin yata ng doktor na napahawak ako sa tiyan ko kaya napangiti siya.

"First baby, right?"

Tumango ako.

"Normal lang 'yan. May mga babae talagang maliit ang tiyan kapag nagbuntis. At saka masyado pang maaga para magkaroon ka ng baby bump. Kahit nga siguro umabot na ng 5 months hindi pa rin mahahalata dahil sa pangangatawan mo. Don't worry, so long as iniingatan mo ang sarili mo ay magiging healthy pa rin ang baby mo."

Nagpasalamat ako kay Doc. Niresetahan niya ako ng vitamins na pampakapit ng baby saka gatas na rin.

Nakinig ako sa lahat ng ibinilin ng doktor. Kulang na lang ay ilista ko ang mga iyon. Kinakabahan kasi ako na baka magkamali ako.

Dumaan muna kami ni Ate Angelica sa mall para bumili ng bagong cellphone. Iyong touch screen. Pasira na kasi ang lumang cellphone ko. Sana pala dinala ko na lang ang cellphone na bigay ni Puppy, wala namang gagamit no'n.

"Gusto mo bang doon ka muna sa apartment ng isang kaibigan ko? Wala namang nakatira roon ngayon dahil nasa labas pa siya ng bansa. Ayaw niya namang i-give up kasi nando'n ang mga gamit niya at gusto niyang may babalikan siya pagkauwi niya," untag ni Ate Angelica habang pauwi kami.

Agad naman akong tumango.

"Kaso medyo pricey ang renta roon. Kaya lang wala akong ibang maisip, e. Puwede naman nating sabihin kay Nanay na nasa ibang campus ka ng school naka-assign kaya kailangan mong magbukod malapit sa school."

"Sige, Ate. Okay sa 'kin. 'Wag mo nang isipin ang bayad. May pera pa naman ako."

"Wow! Kung makapagsalita ka parang ang laki ng ipon mo, ah? Samantalang isang buwan ka lang namang nagtrabaho noon. Saan nanggaling ang ipon mo?"

Ngumisi lang ako. "Secret."

Inirapan niya ako.

"Loka-loka ka talaga. Kung hindi lang kita paboritong pinsan. Hay naku. Pero hindi ibig sabihin niyan ay tino-tolerate kita, ha? Mangako ka sa akin na gagawan mo ng paraan para makausap ang ama ng batang 'yan."

Napakamot ako ng ulo saka alanganing tumango.

"Opo, Ate. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala roon."

"Pero paano ka makakahanap ng trabaho niyan? Kung ako ang masusunod, huwag ka munang magtrabaho. Bibigyan na lang kita ng panggastos hanggang sa makapanganak ka."

"Huwag na, Ate. May ipon naman ako, 'di ba?"

"Gaano ba kalaki ang ipon mo at ganyan ka kakampante? At saka sa tingin mo ba ay hindi mauubos 'yan? Ang mamahal pa naman ng mga bilihin ngayon."

Napabuntonghininga ako.

"3 months, Divine. Kailangan sa loob ng 3 months makausap mo na ang ama ng dinadala mo. Hindi ako papayag na mag-isa ka habang lumulubo ang tiyan mo. Kung hindi mo magagawa 'yan, ako na mismo ang hahanap sa ama niyan."

Kumalabog ang dibdib ko. "O...Opo, ate. Gagawan ko ng paraan."

Tiningnan niya ako nang mariin bago pumasok sa bahay.

...

NANG mga sumunod na araw ay paunti-unti na kaming nagbibigay ng hint kay Tiyang Solana na bubukod ako. Mukha namang hindi siya nakakahalata.

Madalas akong nagki-crave sa sili na green. Hindi naman ako mahilig sa sili dati. Pero pinipigilan ko na lang at baka mapansin ni Tiyang. Naging sensitive din ang pang-amoy ko kaya madalas akong nasusuka. Ingat na ingat akong mahuli ni tiyang. Mabuti na lamang at napagtatakpan ako ni Ate Angelica.

"Sigurado ka bang kaya mong bumukod mag-isa? Hindi ka pa naman sanay sa buhay rito sa Maynila," untag ni Tiyang pagkatapos naming sabihin na aalis na ako.

"Kailangang po, Tiyang, e. Huwag po kayong mag-alala dahil dadalaw naman po ako rito sa tuwing rest day ko o kung may free time."

Bumuntonghininga siya.

"Sabagay mapapagod ka nga naman kung araw-araw kang babiyahe nang malayo para makapasok sa trabaho. Hassle pa naman bumiyahe dahil laging mabigat ang traffic."

"Kaya nga, Nay. Saka maganda na rin 'yan para matuto siyang maging independent," panunulsol pa ni Ate Angelica.

Tiningnan ako ni Tiyang Solana sabay buntonghininga ulit.

"Nag-aalala lang ako. Pero may punto naman ang ate Angelica mo. Nakatitiyak ba kayong safe ang tutuluyan mo?"

"Sa kaibigan ko nga, Nay. Safe iyon, huwag kang mag-alala," ani Ate Angelica.

Tila nag-isip pa nang ilang segundo si Tiyang bago tumango.

"O, siya sige. Basta mag-iingat ka palagi. At tumawag ka kapag kailangan mo ng tulong."

Sabay kaming nakahinga nang maluwag ni Ate Angelica. Nag-usap kami gamit lang ang mga mata. Sa wakas nalusutan na namin si tiyang. Pero hindi ko pa rin alam kung paano ko lulusutan ang dini-demand ni Ate Angelica na kailangan kong kausapin ang tatay ng baby ko sa loob lang ng 3 months.

"Kailan ka lilipat niyan?"

"Baka sa makalawa na po, Tiyang."

"Ha? Agad-agad?"

Pasimple kaming nagsikuhan ni Ate Angelica. Kumikibot-kibot ang mga labi niya.

"Kasi po-"

Naputol ang pag-uusap namin nang bigla na lang tumunog ang luma kong cellphone. Agad kong sinagot iyon nang makitang numero ni nanay ang tumatawag. Hininaan naman ni Tiyang ang volume ng TV.

"Oh, Nay? Napatawag ka?" bungad ko sa kanya.

"Kumusta ka diyan? Hindi ka na nakatawag nang ilang araw."

"Busy kasi kami, Nay."

Rinig ko ang pagbuntonghininga ni Nanay na parang may pinoproblema.

"Ano'ng nangyari, Nay? Bakit ang lalim ng buntonghininga n'yo?"

"Ano kasi... Nawawala si Bambi mula pa kahapon."

"Ha?!"

Napatayo ako sa sofa.

"Bakit n'yo naman pinabayaan, Nay? Paano kung nasagasaan iyon? 'Di ba kabilin-bilinan kong bantayan n'yo siya?"

Nanikip ang dibdib ko.

"Pinakawalan kasi ni Dave dahil nag-iingay. Hinahanap ka yata. Kampante naman kami kasi marunong namang umuwing mag-isa iyon. Pero hindi na nakauwi kagabi. Akala ko nasa kabilang bahay lang, wala naman pala. Hinanap namin kanina pero hindi talaga namin nakita."

Nasapo ko ang ulo ko. Nagsimulang pumatak ang mga luha ko.

Si Bambi ko.

"Hayaan mo at magpapatulong kami sa paghahanap. Babalitaan kita kapag nahanap na namin siya."

Nanghina ang mga tuhod ko. Nabitawan ko ang cellphone kaya bumagsak iyon sa sahig. Basag.

"Bakit? Ano'ng nangyari? Sinong nawawala?" nag-aalalang usisa ni Ate Angelica.

"Si Bambi ko nawawala, Ate."

Pumalahaw ako ng iyak. Nataranta naman ang mag-ina.

©GREATFAIRY

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro