CHAPTER 12
Talaga ba?
KABADO ako habang hinihintay na mag-load ang website kung saan naka-upload ang resulta ng licensure exam. Magkatabi kami ni Zia rito sa computer shop.
Napapikit ako nang unti-unti nang lumabas ang listahan. Pakiramdam ko parang inaasar pa ako ng internet connection dahil mabagal. Parang nagpapa-suspense pa. Agad kong hinanap ang apelyido ko.
"Yes!"
Napatayo ako sa upuan sabay talon sa sobrang tuwa. Napatingin tuloy sa akin ang nagbabantay ng computer shop, pati na rin ang iba pang customers.
Pumasa ako! Licensed teacher na ako!
Sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Nang kumalma na ako ay muli akong umupo saka tiningnan ulit ang listahan. Hinanap ko rin ang pangalan ng iba ko pang classmates, pati na rin ang kay Zia.
Pero natigilan ako nang mapansin ang pananahimik ni Zia. Hinanap ko ang pangalan niya. Kumurap-kurap pa ako kung totoo nga ang nakikita ko, pero hindi ko talaga makita.
"Besh?"
Humarap siya sa akin na namumula ang kanyang mga mata. Nagbabadya ang mga luha roon.
"Besh..."
Umiling siya, na tila sinasabi niya sa akin na okay lang siya.
"Out na po sa 8 at 9," malakas na sabi ko saka nag-abot ng pambayad sa nagbabantay.
Pagkatapos kong makuha ang sukli ko ay hinila ko na si Zia sa labas.
"Congratulations, Besh!" biglang sabi niya sabay yakap sa akin.
Napangiwi ako dahil hindi ko magawang maging masaya.
"Salamat, Besh! Sa wakas!" wika ko. Kunwari ay nakangiti ako.
Idinipa ko ang magkabilang braso ko at nakapikit na tumingala sa kalangitan.
"Sa wakas, natupad na rin ang pangarap mo. Masaya ako para sa 'yo, Divina."
Hinawakan niya ako sa kamay saka muling niyakap. Natigilan ako nang maramdaman kong nabasa ang balikat ko.
"May masaya bang umiiyak?" untag ko. Tiningnan ko siya diretso sa mga mata.
"Masaya naman talaga ako. Ano ka ba?" Pasimple niyang pinahid ang mga luha niya ngunit tuloy-tuloy lang ang mga iyon sa pag-agos. Hinaplos ko siya sa likod.
"Zia Lynn..."
Naiyak na rin ako. Hindi ko kasi kayang maging masaya nang lubos. Pakiramdam ko isa akong ibon na walang pakpak.
"Ayos lang, Divina. Huwag mo akong intindihin. Ang mahalaga ay naabot mo na rin ang mga pangarap mo. Dapat nga mag-celebrate tayo, 'di ba? Tara, libre kita ng banana cue."
Hinila niya ako sa kamay pero hindi talaga ako mapakali. "Besh, sa tingin mo ba masisikmura kong magsaya nang ganyan ka?"
Napaiyak muli ako sa sobrang lungkot. Hindi kasi pumasa ang BFF ko. Paano ko naman isi-celebrate ang pagkapasa ko?
"Marami pa namang pagkakataon, 'di ba? Huwag kang titigil dahil kahit anong mangyari, nandito lang ako para sa 'yo, Zia Lynn," untag ko sa kanya. Sana kahit papaano ay gumaan ang loob niya.
Hinigit ko siya at niyakap. Humagulgol siya kaya nataranta ako..
"Tahan na, Besh. Huwag kang mag-alala, sasamahan pa rin naman kita kapag magre-review ka ulit at sasamahan din kita sa pag-retake. Kaya ngiti na, hindi bagay sa 'yo ang umiiyak, pumapangit ka."
Huminga siya nang malalim at ngumiti sa akin kahit may luha pa sa mga mata niya.
"Maraming salamat, Divina. Pero huwag mo na akong alalahanin. Kaya ko ito. Kakayanin ko. Ang mahalaga ngayon ay mai-celebrate natin ang tagumpay mo. Tara na?"
Hinila niya ako palapit sa food cart kung saan may nagbebenta ng banana cue. Agad akong kumuha ng pambayad pero naunahan niya ako sa pag-abot ng bayad sa nagtitinda.
"Ako na nga, 'di ba?" asik niya. Napa-roll eyes naman ako. Kapag broken talaga si BFF, nanlilibre. Sana lagi na lang siyang broken. Napangisi ako.
"Sigurado ka diyan? Baka wala ka nang pera, ha?"
"Hindi, ah. Ayos lang. Ano ka ba? Itinabi ko talaga 'yon pambili ng banana cue natin."
Hinila niya ako paupo sa damuhan saka sinimulang kainin ang dalawang tuhog ng saging.
"Ang sarap talaga nito. Kapag ako nakaipon, bibili ako ng maraming saging tapos magbebenta rin ako ng banana cue," deklara ko. Tinawanan ako ni Zia.
"Baka wala kang kikitain dahil sa tiyan mo lang lahat mapupunta," kontra ni BFF. Napangisi ako dahil hanggang ngayon ay may natira pang pera sa mga ibinigay sa akin ni Timothy. Bago kasi iyon umalis ay nag-iwan siya ng malaking halaga.
"Bibilhin ko rin naman ang kakainin ko para may kita. Ano ka ba?" konta ko.
Napailing si BFF.
...
HATI ang saloobin ko habang pauwi. Masaya akong nakapasa ako pero hindi ko pa rin kayang tanggapin na hindi nakapasa si Zia. Sa aming dalawa kasi ako ang mas nanganganib na hindi makapasa. Matalino kasi si BFF at mas masipag pang mag-aral kaysa sa akin.
Kung hindi lang talaga inatake sa puso sa mismo araw ng examination ang Papa niya ay baka nakapasa siya. Distracted kasi siya noon habang nag-e-exam kami. Awang-awa nga ako sa kanya. Tapos sa kanila pa isinisisi ng pamilya ni Patrick ang pagkamatay nito. Naaksidente kasi si Patrick habang papunta sa bahay nina BFF. Hindi siya nakaligtas. Masyado pa siyang bata pero hanggang doon lang siguro talaga ang buhay niya. Kaya dahil sa mga nangyari ay ilang buwan ding naging usap-usapan ang pamilya nila.
Pansin kong sarado ang pinto ng bahay namin. Kung saan-saan na naman siguro naglakwatsa ang mga magulang at kapatid ko. Balak kong tawagan mamaya si Timothy para ibalita sa kanya ang resulta ng exam. O baka nga alam na niya sa mga oras na 'to. Kahit nasa malayo pa siya ay hindi kami nawalan ng communication. Ginamit ko na lang kasi ulit 'yong luma kong cellphone. Pero sa loob ng mahigit isang taon na iyon ay hindi alam ni Zia na nakikipag-communicate pa rin ako kay Timothy.
In fairness naman kay Payatot, ayaw niya raw na ma-distract si Zia sa pag-aaral at ayaw niyang dumagdag sa iniisip ni Zia kaya ayaw niyang ipaalam na nag-uusap pa rin kami. Kahit na ilang beses akong na-tempt na sabihin kay BFF kung nasaan si Payatot ay pinigilan ko ang sarili ko. Mahal nila ang isa't isa pero siguro hindi pa tamang panahon para pumasok sila sa isang relasyon.
"Congratulations!"
Nagulat ako nang pagkapasok ko sa pinto ng bahay ay bumungad sa akin ang pagputok ng confetti. Marami ring balloons at may nakalagay pang tarpaulin sa dingding ng sala.
"Alam n'yo na?" wala sa sariling tanong ko.
Pero ang nagpaagaw ng pansin ko ay ang presensya ng taong hindi ko inaasahan.
"Tiyang Sol! Umuwi kayo!"
Mabilis ko siyang dinamba ng yakap kaya muntik na kaming mabuwal.
"Ano ka bang bata ka! Dahan-dahan naman!" bulalas niya.
"Grabe, na-miss ko kayo! Buti umuwi po kayo."
Pinaghahalikan ko si Tiyang. Lalo siyang gumanda sa paningin ko. Tingin ko sa kanya talaga ako nagmana.
"Buti naisipan n'yo pong umuwi?"
"Aba'y bakit hindi? Dito ako ipinanganak at lumaki—"
Niyakap ko na lang ulit siya. "Congrats, teacher ka nang tunay, 'te!" bulalas ni Dave sabay sundot sa tagiliran ko kaya napatili ako.
Niyakap din ako nina Nanay at Tatay. Sobrang proud nila sa akin. Feeling ko tuloy ang laki ng ambag ko sa lipunan ngayon.
"Naiisip mo ba kung baka nagkamali lang sila ng encode, 'te? Baka hindi pa official 'yong resulta. Tingnan kaya natin ulit? Hindi ako makapaniwalang naisama ang pangalan mo ro'n," pang-aalaska sa akin ni Dave kaya sinamaan ko siya ng tingin.
"Wala ka bang tiwala sa ate mo? Kahit ganito lang ako malakas ako kay Lord, 'no!"
"Aba, first time kitang narinig na nagbigay ng credits sa langit, ah! Kailan ka pa nasapian ng mabuting espiritu—aray!"
Binatukan ko si Dave. Inawat naman kami ni Nanay.
"Tama na 'yan. Kumain na tayo. Divina, maupo ka na."
"Buti na lang talaga pumasa ka, 'te. Kung hindi baka masama ang loob ngayon ni Nanay habang kumakain," nakangising turan ni Dave.
"Nay, 'di ba ampon lang naman talaga si Dave? Bakit kaya hindi na lang natin 'yan ibalik sa tunay niyang mga magulang? Tutal palamunin lang naman 'yan dito," sabi ko sabay amba ng kamao ko kay Dave.
"Sa ating dalawa, ikaw kaya ang mas mukhang ampon, 'te!"
"Aba't sumagot-sagot ka pa!"
"Tama na sabi. Kayong dalawa kapag hindi tumigil ibabalik ko kayo sa tiyan ko," sabat ni Nanay.
Napatingin naman kami ni Dave sa tiyan ni Nanay. Naisip kong sa sobrang payat ng kapatid ko ay parang magkakasya siya roon.
Ang dami nilang niluto. Halos lahat ay paborito ko. May fried chicken, may sea food, inihaw na liempo, at kung anu-ano pa. Parang in-assume na nilang papasa nga ako. Tama naman si Dave, buti pumasa ako. Kundi baka lahat ng lasa ng pagkain ay puro maalat.
"Bakit pala ngayon lang kayo umuwi, Tiyang?" tanong ko nang magsimula kaming kumain.
"Siyempre nasabik din akong makita kayo. At saka naghahanap ako ng pansamantalang papalit kay Manang Inday mo. Buntis kasi siya. Hindi na siya muna makapagtatrabaho sa mansyon."
"Wow! Talaga po?"
"Wow! Tuwang-tuwa ka, ah. Balak mo bang pumalit sa kanya?"
"Puwede po ba?" mabilis kong sagot kay Tiyang.
Hindi makapaniwalang tiningnan nila akong lahat, na parang nakakita sila ng dinosaur.
"Para ka talagang tanga, Divina. Minsan hindi ko alam kung seryoso ka sa kurso mo, e. Wala ka bang balak magturo?" pambabara ni Nanay. Napangiwi ako.
"Ito naman, hindi na mabiro. Siyempre magpapa-rank muna ako."
"Masyado kang excited, 'te. Wala pa ngang oath taking—umph!" singit ni Dave. Kumuha ako ng chicken at isinalsal iyon sa bunganga niya. Wala na kasing nakita kundi ako.
"Nakapasok ba si Zia sa top 10?" biglang tanong ni Nanay.
Natigilan ako't parang may kumurot sa puso ko. Nagkibit-balikat lang ako.
"Oh, bakit? Matalino si Zia, malamang pumasok 'yon sa top 10."
"Kapag hindi para sa 'yo, hindi 'yon ibibigay kahit ikaw ang pinakamatalino sa buong mundo, Nay."
"Ha?" sabay-sabay nilang bulalas sa akin.
"Wow! Ilang taon mo 'yon inaral, 'te?" ani Dave.
"Hindi nakapasa si Zia. Distracted kasi siya noong nag-e-exam kami. Alam n'yo naman ang nangyari kay Tito Rosendo."
Dumaan ang mahabang katahimikan sa lamesa. Pagkatapos ay sabay-sabay silang bumuga ng hangin.
"Kawawa naman pala si Zia. Tiyak na malungkot iyon ngayon," ani Tatay.
"Si Zia, 'yong best friend mo na anak ni Rosendo ba ang tinutukoy mo?" tanong ni Tiyang.
Opo. Na magiging future amo n'yo rin kapag nagkabalikan sila ni Timothy. Gusto ko sanang isagot iyon pero pinili ko na lang na tumango.
Pagkatapos ng kainan ay nagkuwentuhan pa kami ni Tiyang. Ang dami nga niyang pasalubong kaya tuwang-tuwa naman si Dave. Pero kahit ano'ng gawin ko ay hindi ko na ma-appreciate ang mga 'yon. Naaalala ko lang kasi ang mga bagay na dapat ko nang kalimutan.
Tinawagan ko si Timothy kinagabihan. Napansin ko kasing may dalawang missed calls sa cellphone ko. Pagka-dial ko ay sinagot niya na iyon wala pang limang segundo.
"Wow! Ang bilis, ah! Parang naghihintay ka talaga ng balita mula sa akin," bungad ko sa kanya.
"How's Zia? Is she okay? Is she upset? Did she cry?" sunod-sunod niyang tanong sa kabilang linya kaya napairap ako.
"So, alam mo na?" wika ko.
"I checked the exam results, how could I not know?"
Halatang nag-aalala siya sa tono ng boses niya.
"Grabe! Mahal na mahal mo talaga ang BFF ko, 'no? Bakit kasi hindi ka na lang bumalik dito at magpakita sa kanya? Alam mo bang hinahanap ka niya sa 'kin?"
"She asked about me?"
Aba! Mukhang tuwang-tuwa ang loko. Ang hindi niya alam ay dati pa siyang hinahanap ni Zia Lynn, buhat nang umalis siya.
"Tuwang-tuwa ka naman. Okay lang naman si BFF. Huwag kang mag-alala, nandito naman ako para sa kanya. Kailan ka ba babalik dito?"
"Are you sure you're asking about my return or someone else's?"
Napairap na naman ako. "Sinong someone? Ikaw lang naman ang kausap ko. Tigilan mo nga ako, Payatot!"
Rinig ko ang halakhak niya sa kabilang linya. "I'm really surprised na hindi ka na nagtatanong about kuya," aniya.
"Siyempre, matagal na akong naka-move on. Kaya wala na akong pakialam kung humihinga pa siya o naaagnas na sa ilalim ng lupa."
"Talaga ba? Kuya is going back to Negros in a few days."
Bumilis ang tibok ng puso ko. Pero huminga ako nang malalim para pakalmahin iyon.
"E ano naman ngayon? E 'di bumalik siya. Hindi ko naman hawak ang mga paa niya."
"You really sound like a sulky girlfriend," pang-aasar niya.
"Tigil-tigilan mo nga ako, Payatot! Kundi hahanapan ko na ng bagong manliligaw si Zia Lynn."
"Don't you dare! I might come back soon. Pero dadaan pa akong Negros," aniya.
Humalakhak ako bago tinapos ang tawag. Akala naman ng payatot na iyon ay maiisahan niya ako.
...
Kinabukasan ay hinintay ko si Zia sa mall. Tumawag siya kagabi at sinabi niyang maghahanap siya kaagad ng trabaho. Hindi na yata siya mapakali dahil sa resulta ng exam. Kailangan na kailangan niya raw ng mapagkakakitaan ngayon.
Kanina pa ako tumatambay rito sa food court pero hindi pa rin siya dumadating. Mukhang lahat yata ng puwedeng pasukang trabaho ay in-apply-an niya. Ang tagal niya naman. Ang dami ko nang text sa kanya.
Binuksan ko ang cellphone saka nag-text sa kanya. Pero makaraan ang ilang segundo ay bigla na lang may sumundot sa tagiliran ko.
"Ay biga mo aswang!" bulalas ko at napahawak sa dibdib. Tumayo ako at agad na sinamaan ng tingin si Zia. Tinawanan niya lang ako.
"Grabe, kanina pa ako text nang text sa 'yo kung nasaan ka na hindi ka na nagre-reply!" sumbat ko sa kanya.
"Sorry, expired na kasi ang unlimited text ko," aniya sabay upo sa katapat kong upuan. May binili na akong burger saka sago't gulaman.
"O, kumain ka muna." Iniusog ko iyon sa kanya. Mukha kasing gutom na gutom siya. May pawis pa sa noo niya.
"Sabi ko naman kasi sa 'yo kagabi sasamahan kitang maghanap ng trabaho, hindi mo man lang ako hinintay," talak ko habang kumakagat sa burger.
"Sabi ko naman sa 'yo 'di ba huwag mo na akong intindihin? Masyado na kitang naaabala dahil lagi mo akong sinasamahan sa mga lakad ko," aniya. Sinamaan ko siya ng tingin.
"Sa akin ka pa talaga nahiya. Hindi naman issue iyon dati, eh. Lagi naman talaga kitang sinasamahan kahit sa mga pasikretong date n'yo ni Hugh."
Nakonsensya ako sa sinabi ko nang biglang nagbago ang timpla ng kanyang mukha.
"Sorry na kung pinaalala ko pa, Besh." Pinisil ko siya sa kamay.
"Wala iyon. Nakalimutan ko na siya, Divina. Hindi ko lang naiwasang mag-isip kung kumusta na kaya siya ngayon. Sana kung nasaan man siya ay natupad na niya ang mga pangarap niya. Napakabuti at sipag niyang tao kaya nakatitiyak akong malayo ang mararating niya."
Tumango-tango ako kunwari. Actually ang layo na nga ng narating niya. Nasa Maynila kasi siya, ang daming trabaho.
"So, kumusta ang paghahanap mo ng trabaho? Nakahanap ka na ba?"
Bumagsak ang balikat niya saka umiling.
"Heto, maghihintay kung kailan tatawagan para ma-interview. Hindi rin sigurado kung papasa nga ba talaga ako sa interview kung sakali man."
"Alam mo, Besh, kulang ka sa confidence. Dapat kasi positive lang ang iisipin mo para positive rin ang maa-attract mong mga pangyayari sa buhay mo," wika ko.
"Ayaw ko lang paasahin ang sarili ko, Divina. Alam mo naman ang dahilan ko, 'di ba?"
I shrugged. Napakadrama ng babaeng ito. Kaya naman ay may naisip ako.
"Ikaw? Ano bang balak mo? Hindi ka ba maghahanap ng trabaho?"pag-iiba niya ng usapan.
"Sabi ni Nanay ay magpahinga raw muna ako. Pero magpapa-rank na ako, 'no. Ayaw kong mabakante. Nga pala, maiba tayo. Speaking of trabaho, umuwi kasi iyong tiyahin ko."
Mataman siyang nakikinig sa akin habang kumakain. "Sino sa mga tiyahin mo? Marami ka namang tiyahin, ah."
"Sino pa ba? E 'di 'yong paborito kong tiyahin. Si Tiyang Soledad. Umuwi siya galing Negros," untag ko.
Ano kaya kung sorpresahin ko si Payatot para bigyan niya ulit ako ng bente mil?
"O, tapos?"
"'Di ba nga mayordoma siya sa isang mayamang pamilya sa Negros? Ayon, nabuntis daw kasi ang isang kasambahay kaya kailangan ng pansamantalang kapalit habang naka-maternity leave iyon."
"Huwag mong sabihing balak mong ikaw ang pumalit? Akala mo ba mas bet mong magpa-rank muna?" nakataas-kilay na tanong niya.
Napangisi ako. Alam na alam talaga ni BFF ang hilatsa ng bituka ko, e. Pero hindi ko naman puwedeng gawin iyon para lang sa taong ayaw sa akin. Isa pa ay graduate na si BFF kaya puwede na siyang lumandi.
"Gaga, hindi. Ang akin lang naman e sayang 'yong offer. Bente mil isang buwan 'yong sahod, may kasama pang health benefits at monthly contribution iyon, ha."
Namilog ang mga mata ni Zia.
"Seryoso? Gano'n kalaki ang sahod ng isang kasambahay?" Gulat na gulat siya. Malamang kapag nando'n na siya baka bigla pa siyang gawing señorita. Si Payatot pa ba.
"Kaya pala galante 'yong tiyahin mong iyon."
"Kaya nga hindi na umalis si Tiyang doon, 'di ba? Kasi sobrang bait daw ng amo niya. At saka alam mo naman, hindi rin nakapagtapos ng pag-aaral iyon noon kaya sabi niya kami na lang na mga pamangkin niya ang bumawi. Dati pa nga namin siyang sinabihan na umuwi na rito para magpahinga pero mas gusto niya raw doon na lang siya. Nakasanayan na niya, e. Hindi niya na maiwan."
Napangiti si Zia. Halatang interesado siya kaya kaunting gatong pa.
"Praning nga iyon si Tiyang, e. Kumuha na rin iyon ng Life Insurance para kung sakali raw na oras na niya wala na kaming iisipin na gastos. Paglalamayan at ililibing na lang namin siya, kaloka."
"Ibang klase si Aling Sol. Pero totoo ba talagang gano'n kalaki ang sasahurin ng kasambahay roon?" tila hindi pa rin makapaniwalang tanong.
"Oo nga. Ang kulit. At saka stay-in iyon kaya buo ang sahod mo. Walang bawas. Libre rin kasi ang pagkain. Siguro mga luho na lang sa katawan ang pagkakagastusan mo."
Napansin kong tila nag-iisip siya. Aba, mukha makakakuha na naman ako ng talent fee nito kay Payatot.
"Natahimik ka? Huwag mong sabihing interesado ka?" napapantastikuhang untag ko. Napangiwi naman siya.
"Naisip ko lang kasi, kung sakaling matanggap ako sa hotel na in-apply-an ko kanina, gaano ako katagal magtitiis sa minimum wage? Tapos gagastos pa ako ng pamasahe at pagkain sa araw-araw. Kakasya kaya iyon sa gastusin sa bahay at saka sa maintenance na mga gamot ni Papa?"
"So, are you telling me na balak mong maging kasambahay?" nakataas-kilay kong tanong.
Tumango siya, tila nahihiya. "Marangal naman na trabaho iyon, Divina. At saka kung gano'n kalaki ang sahod, malaki ang maitutulong niyon sa pamilya ko. Saka, pansamantala lang naman, 'di ba? Kung hindi ko siya magugustuhan, e 'di saka ako maghanap ng trabaho na pang-opisina."
"At sa tingin mo ba papayag si Tito Rosendo na pagkatapos ka niyang pag-aralin sa kolehiyo nang apat na taon e isang katulong din pala ang babagsakan mo? I mean, hindi naman sa mababa ang tingin ko sa gano'ng trabaho. Ang ibig kong sabihin ay 'yong trabaho na nararapat sa pinag-aralan mo. Sayang din naman ang kurso mo kung hindi mo magagamit, 'di ba?"
"At sa tingin mo ba magagamit ko iyon gayong ligwak naman ako sa board?" kontra niya.
Tumango-tango ako. Ang galing ko talagang magdrama, puwedeng pagkaperahan. Huwag na lang kaya akong magturo sa school?
"Alam mo, ang talino mo sa lagay na 'yon. May punto ka naman, Besh. Pero ito seryosong tanong, ha?"
"Interesado ka ba dahil sa sahod o interesado ka dahil sa Negros ka magtatrabaho?" nakangising tanong ko.
Ang alam lang kasi ni Zia ay taga-Negros si Timothy. Pero hindi pa rin niya alam na haciendero ang payatot na 'yon doon. Tiyak na magkakagulatan silang dalawa kapag nagkita sila roon. Nai-imagine ko na ang eksena nilang dalawa. Puwede nang gawing eksena sa nobela.
"Ang mahalaga sa akin ngayon ay magkaroon ng pagkakakitaan para may pantustos sa mga kapatid ko at sa maintenance ni Papa, Besh."
Sus. Kunwari pa isang ito. Halatang namang lumiwanag ang mga mata niya kanina. Sayang at wala na akong cellphone na mamahalin. Paano kasi nasira noon ni Zia. Hanggang ngayon nga ay hindi niya pa rin alam na natabig niya ang cellphone ko dati kaya nasira. Hindi ko na lang sinabi dahil poproblemahin pa niya at hahanap siya ng paraan para mabayaran ako. Actually bayad na iyon ni Payatot. Hindi lang ako bumili ng bago.
Wala na kasing dahilan para magkaroon pa ako ng gano'n. Isa pa ay ayaw ko na talaga siyang maalala.
©GREATFAIRY
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro