Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Epilogue: Living The Dream


      "Palayasin niyo siya, 'Tay!" nanggagalaiting utos ni Gabbie sa Tatay niya sabay turo kay Phoenix na noon ay prenteng nakasandig sa hamba ng pintuan ng kanilang bahay.

      Nagtatakang nagkamot ng ulo ang Tatay niya, lukot ang mukhang tumitig sa kanya. "Aba'y bakit na naman ba, Gabriela? Halos araw-araw mo nang nilalayasan at sinusungitan itong asawa mo a."

      Nanulis ang nguso niya at umirap.

      Asawa. Tama, asawa na niya ang guwapong MVP Hall of Famer, model, endorser, tinitilian ng mga bata, matanda, may ngipin o wala, at pantasya ng mga babae lalo na ng mga bakla na si Phoenix The Masungit Castro.

      Mahigit isang taon na rin silang kasal. Pinakasalan siya ni Phoenix, not just once but thrice! Bentang-benta talaga para dito ang kagandahang niyang taglay.

      Matapos nitong mag-propose ulit noon sa ospital, pinagana agad nito ang connections nito. Within two weeks, kasal na sila ng masungit sa huwes. Bumalik siya sa trabaho habang inaalagaan si Phoenix. Nang gumaling ang balikat nito after two months, nagpakasal silang ulit sa simbahan sa San Gabriel. Saksi lamang ang malalapit nilang pamilya at kaibigan. Hindi nakarating ang Mommy Melissa ni Phoenix dahil kasalukuyang naka-rehab at nagte-therapy. Doon din niya nakilala ang tatay ni Phoenix na si Enrico Villareal, kasama ang girlfriend nitong mas bata pa sa kanya. Maganda raw siya sabi ng Daddy Enrico ni Phoenix. Mahusay raw pumili ang anak nito. Na totoo namang talaga.

      Matapos ang intimate wedding nilang iyon, nasundan pa iyon ng isang bonggang-bonggang church wedding sa Tagaytay. Binigay ni Phoenix sa kanya ang isang celestial inspired wedding kung saan ang reception ay ginanap sa isang sikat na garden sa Tagaytay under the moon and the stars with Taal volcano as their backdrop. Pinag-usapan ng buong bansa ang kasal nila hindi lang dahil sa gara niyon kundi dahil na rin maraming undin ang nangisay at nagwala sa inggit! Matapos ang kasal nilang iyon, nag-honeymoon sila sa Maldives at...

      Napabuga siya ng hangin at dahan-dahang umupo sa upuan sa kusina. Nangangawit na kasi ang mga paa at balakang niya. Ikaw ba naman ang magdala sa sinapupunan mo ng anak ng basketball superstar na tila nagba-basketball din mag-isa sa loob ng tiyan sa likot, kung 'di ba naman bumigay ang mga tuhod mo sa ngalay.

      Mula nang mabuntis siya, laging nakataas ang bandila ng pagiging insekyora niya. Paano, kahit kasal na sila ni Phoenix, marami pa ring babae ang nama-magnet sa kagwapuhan ng asawa niya. 'Buti na lang, hindi na ito madalas magsungit. Singlawak din ng Manila Bay ang pasensiya nito sa kanya tuwing nagtotoyo siya at inaatake ng saltik dahil sa pagiging insekyora niya.

      Kaya lang may mga pagkakataon talaga na tagos hanggang buto ang pagwawala ng pregnant hormones niya na hindi kayang alisin ng pagpapa-cute ng asawa niya. Gaya na lang ngayon. Abot-langit na naman ang pinaglalaban niya. Mag-aalas-siete pa lamang ng gabi at kagagaling lang nila sa mall para sa kanyang daily walk dahil kabuwanan na niya kaya lang...

      "Kanina habang naglalakad kami sa mall, pinagchi-chismisan ako no'ng dalawang babae na nakasalubong namin. Sabi nila 'yong mga legs ko raw parang longganisang malapit nang pumutok sa taba." Lumabi siya at wala sa sariling napahikbi nang manariwa sa isip niya ang eksena kanina sa mall. Gusto niya kasing gumanti pero hindi niya magawa. "Tapos 'yan, 'yang magaling na lalaking 'yan na apo ng Lola niya, nginitian pa 'yong mga babae─ tuwang-tuwa! Hindi man lang ako pinagtanggol. Nag-agree siya, 'Tay! Nag-agree siya!" naiinis niyang sumbong.

      "Babe, I told you, hindi ko narinig 'yong sinabi nila," malumanay na sagot ni Phoenix, naglakad pa palapit sa kanya habang nakangiti.

      "Diyan ka lang! Tatadyakan kita 'pag lumapit ka, sinasabi ko sa 'yo!" Inis siyang tumayo at namaywang. "So ano, sinasabi mo na gawa-gawa ko lang lahat? Ano 'ko, nagha-hallucinate?"

      "Baka nga!" mabilis na singit ng tatay niya. Tumalim na naman ang mata niya. "Este ang ibig kong sabihin baka nga nagkamali ka lang ng narinig, anak. At saka, maano ba namang mukha kang siopao na bola-bola ngayon Gabriela, e ikaw nga ay buntis."

      Nagtinginan ang dalawang lalaki, pagkatapos ay nagngitian. Bakit parang may secret code ang mga ito na hindi siya aware? Naimbyerna na siya nang tuluyan. Nasa critical level na talaga ang paghihimagsik ng pregnant hormones niya!

      Tumayo na siya at nagmamadaling tinawid ang sala patungo sa puwesto ng asawa. Abot-langit ang ngiti ni Phoenix, parang inuuto siya.

      "Tigil-tigilan mo 'yang pagngiti mo kung ayaw mong ihamblos ko 'tong pata ko sa 'yo," pagbabanta niya. "Akin na 'yong susi ng sasakyan!"

      "Why?" kunot ang noong tutol nito.

      "Basta, ibigay mo!" singhal niya.

      Tumitig ito sa kanya, seryoso. "No."

      Napapadyak na siya sa inis. Nagpalinga-linga siya at hinanap ang susi ng kotse na bagong project ng tatay niya. Nang makita niya ang susi sa estante, madali niya iyong pinulot at dumiretso sa kotse na nasa garahe.

      "Babe, what do you think you're doing?" si Phoenix sa nag-aalalang tinig. Tinangka pa siyang hawakan subalit inunahan niya ito ng hampas sa braso. Abot-langit ang inis niya kay Phoenix. Kung puwede lang niya itong tirisin, kanina pa niya siguro ginawa. Kaya lang, mas malaki ito sa kanya. Baka siya ang mapisa. Gigil na gigil siyang tunay! Hindi na siya talaga magtataka kung paglabas ng baby nila, carbon copy ito ng ama.

      "Hoy, Gabriela, ano na namang binabalak mo?" mabilis na sita ng tatay niya bago siya makasakay sa sasakyan.

      "Lalayas po muna 'ko, 'Tay! Magpapahangin ako sa Pluto! Basta do'n sa hindi ko muna makikita 'yang mukha ng lintek na manugang ninyo!"

      "C'mon, babe. I swear to God, hindi ko narinig 'yong sinabi ng mga babae!" si Phoenix, sa tarantang boses, iniharang pa ang sarili sa nakabukas na pinto ng kotse bago niya iyon maisara.

      "H'wag mo nga akong utuin!" Hindi niya napigilang mapalabi. "Nginiti-ngitian mo pa sila. Bakit, dahil magaganda ang kurbada nila? Maninipis ang mga braso nila? 'Yong mga legs nila hindi gaya ng sa akin na parang longganisa na puputok na sa taba? At higit sa lahat, dahil ba hindi sila bundat?"

      Pagod na bumuntong-hininga si Phoenix. "God, Gabbie! How many times do I have to tell you that no matter how look right now, you're still the most beautiful for me because you are my wife and you're carrying our child."

      Lalong nagpanting ang tenga niya. "Sinungaling!"

      Umirap lang siya at ini-start ang ignition. Nagrebolusyon ang makina. Nilunod niyon ang kung anumang paninita at pakiusap nina Phoenix at ng tatay niya.

      Subalit, agad din siyang natigilan nang humilab ang kanyang tiyan. Mabilis siyang umiling at binalewala iyon. Nagbuga lang siya ng hininga at pinagrebolusyon ulit ang makina. Ilang sandali pa, naramdaman na lamang niya ang paglabas ng maraming likido sa kanya. Akala niya naihi lang siya subalit nagtuloy-tuloy lang ang paglabas ng likido. Mabilis na bumangon ang kaba sa kanyang dibdib. Humigpit ang hawak niya sa manibela at taranta siyang napayuko. Basa na ang laylayan ng kanyang bestida, maging ang upuan ng kotse, basa na rin.

      "Gabbie, what's wrong?" ani Phoenix.

      Namumutla siyang napatingin sa asawa. "P-parang... m-manganganak na 'ata ako."

      "Ha?" sabay na bulalas ng tatay niya at asawa.

      "P-pumutok na 'ata 'yong bag of water ko," dugtong pa niya bago napangiwi nang muling humilab ang kanyang tiyan─ mas matagal at mas masakit.

     Hindi na nag-aksaya pa ng oras si Phoenix, mabilis siya nitong binuhat palabas ng kotse papunta sa nakaparadang F-150 King Ranch Pick-Up nila na nasa kalsada.

      "Hang in there, babe. We'll reach the hospital in no time," paniniguro nito sa kanya. Kinintalan pa siya ng mabilis na halik sa noo bago nagmamadaling umikot patungo sa driver's seat.

      Sumakay na rin sa sasakyan ang tatay niya. Pati si Manny na nakita nilang naglalakad sa daan pauwi, pinick up na rin nila.

      Minuto lang ang binilang, tumindi na ang paghilab ng kanyang tiyan. Nagsimula na rin siyang mag-ingay. Kombinasyon ng talak, iyak at ngawa ang ginawa niya na may manaka-nakang sabunot kay Manny tuwing umaatake ang paghilab. Ibang klase pala ang labor pains─ makapugto-hininga at parang negrerebolusyon ang bahay bata niya.

      Mukhang na-stress ang anak niya sa pagsusungit niya at minamadali ang paglabas upang may kakampi ang tatay nito.

      Pagdating nila sa ospital, agad siyang diniretso sa delivery room. Kinumpirma ni Dr. Angel Pedroza, ang OB-Gyne niya, na minuto na lang ang bibilangin, lalabas na talaga ang baby niya.

      "Palayasin niyo siya Doc! Ayoko siya rito!" tutol niya nang makita niyang nagsusuot ng scubs si Phoenix upang makapasok ng DR.

      "Babe, this is a part of our birth plan," anito bago tinangkang lumapit sa kanya.

      "A hindi! Umalis kang lintek ka! 'Pag tumambay ka rito, sinisiguro ko sa 'yo na walang irihang magaganap! Hindi ako iiri! Promise, hindi ko ilalabas itong bata─" Naputol ang pagsusungit niya nang muli siyang namilipit sa paghilab ng kanyang tiyan. Agad niyang nakalimutan ang pinaglalaban ng kanyang insekyorang hormones. Papalabas na si Phoenix ng DR nang muli niya itong tawagin. "Phoenix!" Mabilis itong lumingon. "D-dito ka lang. B-binabawi ko na. D-dito ka na lang, please," napahagulgol na siya, hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Lintek na toyo! Kung kailan kailangan niyang magtino, saka naman umaatake.

      Nag-suot ulit ng scrubs si Phoenix at mabilis siyang dinaluhan. Nanghihina siyang yumakap dito bago tuluyang umiyak.

      "S-sorry..." aniya sa pagitan ng paghikbi.

      "Sshhh... It's okay, babe. Don't cry anymore. I'm not angry. I can never get angry at you. We're in this together, remember?" Maingat siyang binitiwan ni Phoenix bago kinintalan ng mabilis na halik ang kanyang noo.

      Humihikbi siyang tumango. Inayos na ng nurse ang pagkakahiga niya sa kama. Inilagay na rin nito ang dalawang paa niya sa stirrup.

      "You can do this, Gabbie. We'll meet our baby boy soon," ani Phoenix na pumuwesto sa gilid niya, hawak ang kanyang kamay.

      Tumango lang siya at humawak nang mahigpit sa asawa. Nang mag-umpisa na siyang pairihin ni Doc Angel, hindi niya mapigilan ang mapasigaw. Pakiramdam niya, nahahati ang kanyang kaibuturan. Tuloy-tuloy siyang nagreklamo, kulang na lang magwala siya. Nasapok na rin niya nang ilang beses si Phoenix subalit nanatili ito sa tabi niya. Sa huli, inipon niya ang kanyang natitirang lakas at ibinuhos iyon sa pag-iri. Ilang sandali pa... napuno ng iyak ng sanggol ang buong DR.

      "Congratulations! It's a baby boy!" masayang balita is Doc Angel.

      Inilagay nila ang baby niya sa kanyang dibdib. Muli siyang napaluha. Hindi siya makapaniwala na ang munting anghel na iyon ay nanggaling sa kanya.

      "Welcome to the world, Atticus Ezequiel Castro," nakangiting sabi ni Phoenix, bago masuyong hinaplos ang pisngi ng kanilang anak.

      Mabilis na dumaan ang sumunod na ilang minuto. Dala na rin ng pagod, agad na nakatulog si Gabbie. Naitulog niya ang buong magdamag. Nagising siyang mag-uumaga na. Nagulat pa siya nang mamulatan niya si Phoenix na nakaupo sa tabi niya at nakatunghay sa kanya. Halatang wala itong itinulog subalit maaliwalas pa rin ang bukas ng mukha.

      "How are you feeling?" anito, marahan pang ginagap ang kanyang kamay.

      "A-ayos lang ako. S-si baby?" namamaos niyang tanong bago ibinaling ang tingin sa bassinet sa tabi ng kanyang kama.

     "He slept the whole night. Mabait. Mana sa akin," anito, kuntodo ngiti.

      Umirap siya at umiling. Umagang-umaga, pinapasok ng hangin ang utak ng asawa niya. Tumayo si Phoenix at maingat na inahon si Baby Quiel sa bassinet nito bago inilagay sa mga bisig niya.

      Agad na nangilid ang luha niya habang nakatunghay sa anak. Hindi niya akalaing ganoon pala ang pakiramdam ng maging isang ina. Masyadong masaya. Akala niya noong pakasalan siya ni Phoenix, 'yon na ang pinakapaboritong araw niya, hindi pala. Habang tumatagal ang pagsasama nila ng asawa, madaragdagan pala ang mga paboritong araw niya. At isa ang araw na iyon na daragdag sa mga listahan niya.

      "Kamukha mo," nakangiting komento niya maya-maya.

      Marahang tumawa si Phoenix, may himig ng pagmamalaki. Hinawakan niya ang maliit na kamay ng kanyang anak at marahan iyong hinagkan. Sa puso niya naroon ang pangako. Pangako na aalagaan at mamahalin niya ang munting regalo na iyon ng Diyos sa kanilang mag-asawa hanggang sa kanyang huling hininga.

      "Gabbie?"

      "Hmm?"

      "Thank you."

      Bumaling siya rito. "Para saan?"

      "For making my dream of having a family come true."

      Naluluha siyang napangiti at hinaplos ang pisngi ng asawa niya. "Kulang pa nga e, 'di ba?"

      Ngumiti ito, may malisya. "We can always work on that," anito bago siya binigyan ng matamis na halik sa labi.

      Tunay nga, they did work on that. Matapos ang limang taon, nabiyayaan sila ng kambal. Isang babae at isang lalaki. Sina Ares at Athena.

      Lumipat din sila sa isang bahay na mayroong garden at basketball court. Nagretiro na rin si Phoenix sa PBA. Coach na ito ngayon ng isang collegiate basketball team habang siya naman ay naging abala sa pagma-manage ng wellness at therapy center na pinatayo niya.

      Tuwing weekend, umuuwi sila sa kanila para bisitahin ang kanyang pamilya. Dalawang beses sa isang buwan naman kung umuwi sila sa San Gabriel. Subalit nitong huli, ginagawa na nilang thrice a month, para na rin hindi ma-miss masyado ni Lola Candi ang mga apo nito sa tuhod.

      Kasalukuyang siya ngayong nasa veranda ng kanilang kuwarto sa mansiyon sa San Gabriel. Matapos niyang patulugin ang mga bata, para siyang nahalinang pagmasdan ang langit na puno ng bituin. Mula ng ikasal sila ni Phoenix, naging parte na ng bonding nilang mag-asawa ang star gazing. Malaking bahagi kasi ng kwento nilang dalawa ang mga bituin sa langit.

      Ilang sandali pa, niyakap siya ng pamilyar na mga bisig ni Phoenix mula sa kanyang likuran. Isiniksik nito ang ulo nito sa leeg niya.

      "Let's dance, babe," bulong nito maya-maya. Humalik-halik pa sa batok niya para mas convincing. Humahagikgik siyang umoo sampu ng kanyang marurupok na hormones.

      Pinihit siya nito paharap dito. Agad niya itong niyakap at tiningala. Nakangiti naman siya nitong niyuko. Phoenix started humming a love song and they swayed through it. Maya-maya pa natigilan ito at tumitig sa kanya.

      "Why?" aniya.

      "I just realized, we're living the dream, aren't we?"

      Natigilan na rin siya. Dinala siya ng kanyang mga alaala sa eksena minsan isang gabi sa ituktok ng bundok maraming taon na ang nakararaan, kung saan siya unang nangarap para sarili niya kasama si Phoenix. Wala sa sarili siyang napangiti.

      Tama nga ang sabi nila, walang aksidente o maling kaganapan at pagkakataon sa buhay. Lahat ay nakatakda at planado ng Maylikha. At ang mga patuloy lang na naniniwala at nagtitiwala, ang siyang binibigyan ng gantimpala.

      Kapag kuwan'y naluluha siyang tumango, napuno ng pasasalamat ang kanyang puso.

      Tumingkayad siya at hinalikan sa labi ang asawa bago, "Yes we are, Phoenix. We're living the dream."


-THE END-
2015words/9:16pm/07222020









Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro