Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9: Lost


      Humikab si Gabbie bago patamad na sinipat ang mga kuko niya sa kamay habang nakikinig sa mahihinang pagmumura at ungol ng paghihirap ni Phoenix. Kasalukuyan itong nakaupo sa bench press at tinuturuan niya kung pa'no ie-exercise ang napinsala nitong paa.

      "Dammit!" anas nito maya-maya, panay pa ang buga ng mararahas na hininga.

       Kusang rumolyo ang mga mata niya bago siya namaywang. "Sus! Puro ka naman kasi reklamo. Twenty reps ng ankle flexion at ankle circles lang ang pinapagawa ko sa 'yo. Ang dali nga lang niyan e."

      Tinignan siya nito, masama. "Easy for you to say, Miss Virgin," patuyang tawag nito sa kanya. "Palibhasa hindi mo nararamdaman! May I remind you this is all your fault!" Umuklo ito, hawak ang binti. Sunod-sunod itong nagmura pagkatapos.

      "Sabihin mo baby damulag ka lang kaya ka ganyan," bulong niya sabay irap sa hangin.

      "Ano?"

      "Wala! Sabi ko kung tapos ka na mag-exercise, maligo ka na at bababa na 'ko para magluto ng breakfast!"

      Humugong ito, iritado. "Oo na! Sige na! Bumaba ka na, Miss Virgin."

      Tumikwas ang nguso niya. Patuya niyang ginaya ang itinawag nito sa kanya.

      "Masungit!" singhal niya. Nagngingitngit siyang bumaba ng hagdan at dumiretso sa kusina. Kaya lang may nauna na pala sa kanya doon. Nadatnan niya si Lola Candi na masayang inihahanda ang hapag.

      "Goodmorning, hija! Tapos na ba kayo sa lambingan ninyo ng apo ko sa taas? Sana hindi ka pa bumaba," nakangiting bungad nito sa kanya.

      Namula siya sa sinabi ng matanda. Naglaro ulit sa ngiti at ngiwi ang mga labi niya. Nawala sa isip niya na oo nga pala, mula ngayon hanggang sa makalawa, dyowa niya si Phoenix 'The Masungit' Castro. Sandali siyang nag-internalize bago kinarir ang pagpapanggap.

      "Tinuruan ko lang po siyang i-exercise 'yong paa niya, Lola," mabilis niyang paliwanag habang sinusuyod ng tingin ang mga nakahandang pagkain sa mesa. May pancakes, bacons, hotdogs, at sinangag na ginisa sa maraming bawang. Amoy na amoy din niya ang aroma ng mainit na kape.

      "May fiesta po?" hindi niya napigilang itanong.

      Natawa si Lola Candi. "Wala naman. This is just Phoenix's typical breakfast in San Gabriel." Humigop ito ng kape sa tasa nito. "Oh before I forgot to ask, are you a vegetarian?"

      Nalilito siyang umiling.

      "I see. Puro gulay lang kasi ang nakita ko sa ref. I had to ask one of the guards to do the grocery shopping for me on the nearby 24/7 supermarket." Humigop ulit ito sa tasa nito.

      Pasimple niyang sinipat ang orasan na nakasabit sa dingding sa sala. Alas-otso pasado pa lamang ng umaga. Nai-imagine na niya kung gaano kaaga nagising ang matanda. At hindi naman siya ganoon kawalang puso para sabihing bawal sa apo nito ang inihanda nitong almusal.

      "H-Hindi pa po kasi ako nakapag-grocery," pagdadahilan niya, alanganin. Ngumiti lang ulit ito, tumango-tango. At dahil masayang nanginginain sa isip niya ang kanyang kunsensya, nagpaalam siya sa matanda na maliligo lang muna. Wala sa sarili siyang tumuloy sa kanyang kuwarto.

      "Gabbie, hindi ka ba sa itaas maliligo?" pigil nito sa kanya.

      Natigilan siya, sandaling nataranta. "N-Nandito po 'yong ibang gamit ko kasi... k-kasi... hindi po kasya s-sa taas."

      Kumurap ang matanda, tila nag-iisip.Napangiwi naman siya. Nakikini-kinita na niya ang unti-unting pamamaalam ng sampung libong talent fee niya sa sandaling mabuking siya ng matanda.

      Bumuntong-hininga si Lola Candi maya-maya bago umiling. "Phoenix and his legion of unnecessary things. Shoes, clothes and other whatnots. Sorry, he got that from my late husband. Hayaan mo, pagsasabihan ko na bawas-bawasan niya ang mga gamit niya to make room for your things."

      "S-Sige po," aniya, mas nakangiwi kaysa nakangiti.

      At bago pa man siya tuluyang ipahamak ng nangangalawang na niyang acting skills, nagmadali siyang pumasok sa kuwarto. Binilisan niya ang paliligo at pagpapalit ng damit. Paglabas niya, wala pa rin sa hapag si Phoenix. Aakyatin na niya sana ito nang masilip niya ang dahan-dahan nitong pagbaba ng hagdan. Dumiretso na lang siya sa coffee maker at nagsalin ng kape sa mug. Paupo na sana siya sa hapag nang tawagin siya ni Phoenix. Sinulyapan niya muna si Lola Candi na noon ay tahimik na nagbabasa ng broadsheet sa kabisera ng dining table bago pinuntahan ang tila naghuhurumentado nitong apo.

      "Ikaw ba ang may gawa nito?" bungad nito sa kanya, matalas ang mga mata at nakaturo ang daliri sa lumang bureau. Hindi gaya noong isang gabi, nakaayos na ang mga picture frames doon ng mga lumang retrato. May picture ni Phoenix noong bata pa ito, picture ng babae na tila younger version ni Lola Candi, picture ng isang lalaki na kamukha ni Phoenix at isang lumang family picture.

      "Answer me dammit!" Dumagundong sa buong penthouse ang galit na boses nito. Napapitlag siya sa nerbyos.

      "H-Hindi ako," mangiyak-ngiyak niyang sagot.

      Bigla namang sumulpot sa likod niya si Lola Candi. "Ano ba naman, kay aga-aga─"

      "Lola! Did you do this?" putol ni Phoenix sa matanda. Tinuro ulit ang bureau.

      Nalilitong napahawak sa dibdib nito ang matanda. "Yes. Why?"

      Lalong namula ang mukha ni Phoenix. Kumuyom na rin ang kamao nito, tanda ng pinipigil na galit. Paika itong humakbang palapit sa bureau at pinagtataob ang mga picture frames.

      "I told you, stop touching my things! I didn't even want this here in the first place! Kayo lang ang mapilit!" Pinukpok nito ng kamao ang bureau. Lalong nagsitumba ang mga nakapatong doon.

      "Sinverguenza!" sigaw ni Lola Candi. Nilapitan nito si Phoenix at tiningala. "What did those pictures ever do to you? May I remind you they are still your parents, young man! You are here because of them. And I did not raise you to be this disrespectful!"

      Sumulyap sa kanya si Phoenix, nagbabaga ang mata.

      "A, ngayon nahihiya ka kay Gabbie? Dapat lang na malaman niya na ang taong kinakasama niya walang respeto sa magulang!" banat ulit ni Lola Candi.

      "Just shut up and leave!" sigaw ni Phoenix bago muling umakyat ng hagdan.

      "Fine! I'll leave! Don't you even come to my funeral! Ingrato!" anang matanda bago nagmartsa sa kuwartong tinuluyan nito. Napapitlag pa siya nang pabagsak nitong isinara ang pinto pagkatapos.

      Naiwan si Gabbie na gulat at lito. Mag-lola nga ang mga ito. Parehas mahilig mag-walk-out at magkasing-lebel din ang warla skills ang mga ito. Tinapunan niya ng tingin ang masaganang agahan na nasa hapag. Sayang. Pati ang mga biyaya naging biktima ng clash of the titans.


*****


      Pagdating ng pananghalian, wala pa ring nagpatinag sa mag-lola. Nagkulong pa rin ang mga ito sa kani-kanilang kwarto. At ayaw man ni Gabbie, hindi niya mapigilan ang mag-alala lalo na kay Lola Candi. Kanina, narinig niya ang mahihinang paghikbi nito. Ininda nito marahil ang sagutan nila ng apo nito.

      Kahit matanda pinapatulan ni Phoenix. Hindi nito nilulugar ang kasungitan nito. Umirap siya. Hindi puwede sa kanya 'yon. Plano niya itong pahirapan sa therapy sessions nila sa susunod na mga araw.

      Nang hindi na siya nakapaghintay, kinatok na niya ang kuwarto ng matanda.

      "Come in," anito.

      Pagbukas niya ng pinto, nadatnan niyang nage-empake na si Lola Candi ng mga gamit nito.

      "Lola─"

      "Don't worry about me. I'm okay."

      "P-Pero─"

      "Tinagawan ko na si Nanding, 'yong driver namin. Nagpapasundo ako. He'll be here in an hour or two," anito habang patuloy nitong pinupuno ng gamit ang suitcase nito.

      "B-Baka po nabigla lang si Phoenix at saka─"

      Nag-angat ito ng tingin sa kanya bago siya nilapitan. "I know you mean well, hija. But it's best for both of us na hindi muna kami magkita ng apo ko."

      "L-Lola─"

      Ginagap nito ang kamay niya bago siya pinakatitigan. "You are different from all the girls Phoenix introduced to me. I can see the goodness of your heart into your eyes. You are a good person, Gabbie. At totoong gusto kita para sa apo ko. Sana hindi ka magsawa sa kanya. H'wag mong masyadong alalahanin si Phoenix. Lilipas din ang sumpong niyan."

      Alanganin siyang ngumiti. "Tulungan ko na po kayo," alok niya. Nagkibit-balikat lang ang matanda.

      Nang matapos nila ang page-empake. Nagpahatid ang matanda sa cafe sa ibaba ng condo tower. Doon na lang daw nito hihintayin ang sundo nito. Nang ayain siya nitong kumain, hindi na siya tumanggi. Kape lang ang inagahan niya kanina matapos niyang masaksihan ang pagwawarla ng maglola.

       "Phoenix used to be a sweet boy," umpisa ng matanda habang ibinababa ang tasa ng kape sa mesa. "When his parents were still together, he was a very happy boy." Nagbuga ito ng hininga. "But everything changed when my daughter found out that Phoenix's dad was cheating on her. Phoenix witnessed everything─ the fighting, the shouting, and all the mess. His once happy family broke apart right in front of his eyes. And it was too much for a little boy. Too much." Natigilan ito, tila may inaalala. "He was seven when my daughter and her ex-husband had their annulment. After that, let's just say, they gave Phoenix to me. And they both went on with their lives as if Phoenix never existed. They had completely forgotten him, like a memory they didn't want to be part of." Yumuko ang matanda at tumitig sa kape nito, puno ng lungkot ang mga mata.

      Agad na bumigat ang dibdib niya para kay Phoenix. Paanong nagawa ng isang magulang na kalimutan ang anak nito? At sinong mag-aakala na ang sikat at iniidolong bastketball superstar na gaya ni Phoenix ay mayroong malungkot na nakaraan? Kaya siguro nakataob ang mga pictures na naroon sa lumang bureau. Ayaw nitong makita ang mga magulang nito.

      Bumuntong-hininga ang matanda bago nagpatuloy. "Mabait namang lumaki si Phoenix. He was an obedient boy. But no matter how much love I've given him growing up, he longs for a love different from mine. Before he was asked to play for the PBA, my daughter tried to reach out to him. But I know it was too late. Phoenix had grown a calloused heart. That's why when he moved here, ipinilit kong dalhin niya rito ang lumang bureau na 'yon mula sa dati nilang bahay kasama na rin ang mga family pictures nila. I want him to remember them. I want him to learn to forgive them for their mistakes. Because I don't want him to continue living in hate and then later regrets. But everytime I try, we would end up fighting just like this."

      Hindi siya makaimik. Iniisip niya 'yong eksena kagabi bago sila nakatulog na dalawa sa veranda. Mukhang maraming sekreto nga ang nasa isip ni Phoenix. Mga sikretong itinatago ng yaman, kasikatan at kasungitan nito. Parang may kumudlit sa puso niya sa naisip.

      Inabot ng matanda ang kamay niya. "My grandson is a lot of work in progress, Gabbie. I have taught him many things, but he never learned how to forgive. So, please love him beyond his shortcomings. He needed love the most," nangingilid ang luhang pakiusap nito.

      Hindi niya alam kung may dalang magic ang mga salita ng matanda o sadya lang niyang kina-career ang pagiging dyowa niya kuno ni Phoenix ng mga sandaling iyon.

      Ang alam lang niya parang nagsasabi siya ng totoo nang sinabi niyang, "Opo, Lola. Mamahalin ko po si Phoenix."


*****


      "Leave," seryosong sabi ni Phoenix nang puntahan niya ito sa master's bedroom.

      Nakaupo ulit ito sa sunchaise, parang hinihintay ang tuluyang pamamaalam ng araw at paglatag ng dilim. Papagabi na pero hindi pa rin ito lumalabas ng kuwarto. Kanina pa nakaalis si Lola Candi pero mukhang nakataas pa rin ang bandera ng digmaan para rito. Hindi niya tuloy maiwasang mag-alala lalo pa at hindi pa ito umiinom ng gamot mula kaninang umaga.

      "Hindi ka pa kumakain," aniya, na parang hindi narinig ang sinabi nitong nauna.

       Bahagya itong bumangon sa sunchaise at nilingon siya. "Umuwi ka na muna, Gabbie. I want to be alone. Just come back tomorrow or the next day. Or just comeback whenever you feel like it or don't come back at all. It's up to you. Basta iwan mo muna ako."

      Muli itong humiga sa sunchaise, tiningala ang papadilim na langit. Muli, may pumiga sa puso niya. Naisip niya kung ilang beses nang nangyari ang eksenang 'yon mula pagkabata nito hanggang ngayon. Kung ilang beses na nitong sinarili ang lungkot. Kung ilang beses na itong naghanap ng sagot mula sa madilim na langit.

      Gusto niya itong lapitan, tanungin kung bakit ito malungkot, pero nagpigil siya. Mas maganda nga talaga sigurong iwan muna niya ito para makapag-isip nang maayos.

      Walang imik siyang lumabas ng kuwarto nito. Pero imbes na maghanda sa pag-uwi, dumiretso siya sa kusina. Nagluto siya ng puwedeng kainin ni Phoenix habang wala siya. Nag-iwan din siya ng note sa ref tungkol sa mga niluto niya at sa mga gamot na dapat nitong inumin. Pagkatapos no'n, saka pa lamang siya umuwi.


*****


      "Baka ininis mo nang husto kaya pinalayas ka na lang at gusto nang ituloy 'yong kaso, Ate?" ani Tori habang nagsusuklay ito ng buhok sa tapat ng aparador nito. Pang-umaga raw ang duty nito sa ospital kaya nadatnan niya ito sa bahay pag-uwi niya.

      Pairap niyang kinuha ang isang unan at niyakap iyon. "'Sus ang tiyaga ko nga do'n. Chimini-a-a to the maximum level of all levels! Kanarir ko nga ang pagiging yayey at sekyu niya e."

      "E baka naman trip lang mag-emo nang mag-isa. Nag-away sila kamo ng lola niya ."

      Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa kisame. Kinapa niya ang tabi niya. Hindi tatabi sa kanya si Lala ngayon dahil may sleepover daw ito kina Lovely.

      "O baka naman may balak siyang masama Ate, kaya gustong mapag-isa?" Suminghap ito, nanlalaki ang matang humarap sa kanya. Tiningala siya sa pwesto niya sa double deck. Napaupo siya tuloy nang wala sa oras.

      "Ano namang babalakin no'n? Hindi pa nga maayos na nakakapaglakad," naiimbyernang saad niya.

      "Hala! Baka balak na no'n mag-tegi kaya ka pinalayas!"

      May kung anong sumuntok sa tiyan niya sa sinabi ng kapatid. Hindi na bago sa kanya ang mga pasyenteng dumadaan sa matinding depresyon pagkatapos madisgrasya. May napasyente pa nga siyang nagpasagasa ulit dahil gusto nang mamatay na lang para matapos na ang paghihirap nito e.

       Tapos si Phoenix, ayaw na ngang kausapin ang ex nito, nakipag-warla pa kay Lola Candi. Tapos iniwan pa niya nang mag-isa.

      Napasinghap siya. Baka sa sobrang lungkot at kaiisip, lumundag ito mula sa condo nito!

      Juskolerd!

      Taranta niyang pinulot ang kanyang cellphone sa kama. Nagmamadali niyang hinanap doon ang number na ipinantawag sa kanya ni Phoenix nang nakaraan. Sandali siyang nag-atubili. Pero dahil mas malakas ang udyok ng nerbyos at pag-aalala niya sa dyowa niyang hilaw, lakas-loob niyang pinindot ang call button.

      Ring lang nang ring ang kabilang linya. Nang pumasok ang voice message prompt na out of reach ang numero, pinindot niya ang end button at tumawag ulit. Kaya lang gano'n pa rin, panay ring lang ang kabilang linya.

      Wala sa sarili niyang nginatngat ang pang-ibabang labi niya. Nagfa-flash sa isip niya ang kung anu-anong masasamang eksena.

      Juskopong tunay! Mauuna 'ata siyang ma-tegi sa nerbyos.

      Nang muling pumasok ang voice prompt nagmadali siyang bumaba ng kama. Pupuntahan na lang niya si Phoenix.

      "Hindi mo na-kontak, Ate? Baka nasa mga SOCO na 'yong cellphone niya. Ebidensya sa crime scene!" Natutop ni Tori ang bibig, bakas sa mukha ang pag-aalala.

      Hindi siya umimik. Minadali niya ang pagpapalit ng damit. Papalabas na siya ng kuwarto nang mag-ring ang phone niya.

      Nagkatinginan pa silang magkapatid. Rumehistro ang numero ni Phoenix sa screen. Mabilis niyang pinulot ang cellphone niya sa tokador at sinagot ang tawag.

      "What the hell, Gabbie! I was sleeping!" singhal sa kanya ni Phoenix sa kabilang linya.

      Hindi siya sumagot, bagkus ay pinutol niya ang tawag at in-off ang cellphone niya. Sandali siyang natigilan. Kapag kuwan ay sinamaan niya ng tingin si Tori na inosenteng nakatanga sa kanya. Wala sa sarili niya itong binatukan.

       "Buhay pa!" singhal niya sa kapatid bago ito inirapan.

      Natatawang hinimas ni Tori ang ulo nito. May pagka-lukaret din minsan kasi itong mag-isip. Mahilig kasing manood ng crime series at kung anu-anong libro.

      "E bakit ngiting-ngiti ka na nalaman mong buhay pa?" Ngumisi si Tori. "Siguro, bet mo na 'yang amo mo 'no, Ate?"

      Kusang tumaas ng kilay niya. "Anong bet? Bet-betin ko 'yang mukha mo e!"

      Lalong lumawak ang pagkakangiti ni Tori. "Marami na 'kong nabasang ganyang kuwento sa Wattpad, Ate. Kunwari ayaw, pero deep inside, super bet pala nila ang isa't-isa."

      "He!"

      Tumikwas ang nguso nito. "Bakit parang choosy ka pa, Ate e ang pogi-pogi nga ng amo mo? Okay lang kung bet mo si Mr. Phoenix Masungit. Hindi kita ija-judge. At saka Ate, the truth will set you free!"

      Sinamaan niya ito ng tingin. "E kung pinopompyang kaya kita ngayon Victoria nang matauhan ka. Tumigil ka na sa pang-iintriga. Sasabunutan na kita!"

      Natatawang humiga sa kama si Tori. Tinantanan din siya. Muli siyang nagpalit ng pantulog at umakyat sa puwesto niya sa double deck. Tumitig siya sa kisame at kinapa ang dibdib niya. Hindi na siya ninenerbyos ngunit bakit parang kakaiba pa rin ang tibok ng puso niya. Dahil ba 'yon sa masaya siya dahil walang nangyaring masama kay Phoenix? Pero ang tibok ng puso niya, iba sa saya, iba rin sa nerbyos.

      Basta, iba.

      Pinilit na lang niyang matulog.


*****


      Alas-sais Ng Gabi, Kinabukasan

      Maingat na pinindot ni Gabbie ang passcode sa pinto ng penthouse ni Phoenix. Kahit na gusto niyang mag-extend pa ng forced vacation sa bahay nila, hindi rin siya mapakali sa kanila. Iniisip niya ang amo niyang mahilig magsungit at mag-emo.

      Pagbukas niya nang pinto, wala ni anino ng lalaki sa sala. Tinapunan niya ng tingin ang kusina. Nakadikit pa rin sa ref ang mga notes na iniwan niya doon kahapon pero nakasalansan na ang ilang containers ng pagkain na inihanda niya bago siya umalis kahapon. Napangiti siya.

      Umakyat siya sa 2nd floor at dumiretso sa master's bedroom. Kaya lang ni anino ng masungit wala rin doon. Nagmadali siyang bumama at pumunta sa patio, sa swimming pool. Wala rin ito doon. Pati sa mga guest rooms wala rin.

      Kumabog na ang dibdib niya sa nerbyos.

      Lumabas ba ito? Nag-shopping? Nagparteh-parteh? Saan naman ito pupunta gayong hindi man lang ito makapaglakad ng maayos?

      Natataranta niyang inilabas ang cellphone niya at tinagawan ito. Napatingin pa siya sa center table sa sala nang makarinig siya ng tunog doon. Naroon ang cellphone ni Phoenix at hindi nito dinala!

      Natampal na niya ang kanyang noo. Nilunod ng kung anu-anong eksena ang isip niya. Naisip niya rin si Lola Candi. Inihabilin pa man din nito sa kanya si Phoenix. Baka ipa-hunting siya ng matanda kapag may nangyaring masama sa apo nito.

      Mabilis siyang lumabas ng condo at sumakay sa lift. Hindi niya alam kung saan siya mag-uumpisa sa paghahanap kay Phoenix. Pero alam niya sa puso niya, hahanapin niya ito kahit saan man ito makarating.

      Natigilan siya. Gaya kagabi, kakaiba ulit ang tibok ng puso. Iba sa kaba, iba sa takot.

      Basta, iba.

      Hawak niya ang dibdib nang nagmamadali siyang lumabas ng lift. ###


3080words/1;03pn/05022020

#AccidentallyInLoveHDG






Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro