Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 8: Overtime


      Gaya ni Gabbie, nawindang din ang grandmotherearth ni Phoenix sa isinagot ng amo niya. Ilang sandali ring tumitig lang sa kanya ang matanda. Maya-maya pa, inalis ng matanda ang salamin bago naglakad palapit sa pwesto niya. Naningkit nang kaunti ang mga mata nito habang sinisipat siya nang malapitan. Mabango ang matanda. Kahalimuyak nito ang mga sosyal na naging pasyente niya. Kapag kuwan, dumiretso ito ng tayo, tumango-tango bago muling sinuot ang eye glasses nito.

      "Bueno, welcome to the family, hija," anito, malapad ang ngiti bago siya niyakap nang mahigpit.

      Lalong nawalan ng reception ang lohika ni Gabbie. Naguguluhan siyang sumulyap kay Phoenix. Sumenyas ito na itikom ang bibig niya. Gusto niyang magreklamo, magwala, kutusan ang amo niyang sinungaling at ngayon ay inilagay siya sa alanganin. Kaya lang magiliw siyang inaya ng lola ni Phoenix patungo sa sala at pinaupo sa tabi nito.

      "Ano na ngang pangalan mo?" anito habang hinahalughog ang bag nito. Ilang sandali pa naglabas ito ng ballpen at maliit na notebook.

      Jusko! Ba't may notebook? Ano ito reporter?

      "Maamo ang mukha mo, hija," magiliw na komento ng matanda habang nakatitig sa kanya.

      "S-Salamat po, M-Ma-am-"

      "Lola Candi. Call me Lola Candi."

      Alanganing tango, ngiti at ngiwi lang ang naisagot niya. Pairap niyang sinulyapan ang amo niyang sinungaling. Pinanlakihan lang siya nito ng mga mata, nagbabanta.

      "Hija, ano na ngang pangalan mo?" untag sa kanya ng matanda maya-maya, kuntodo ngiti pa rin.

      "G-Gabbie, po,"alanganin niyang sagot.

      Kumunot ang noo ni Lola Candi. "Is that your real name?"

      "Maria Gabriela Tereza Centeno po a-ang full name ko."

      Sandaling natigilan sa pagsusulat sa notebook ang matanda at namamangha siyang tinitigan. "My, my! You have a beautiful name,hija! Both derived from women revolutionary heroes!" komento nito bago excited na muling nagsulat.

      Plastik siyang ngumiti. Pakiramdam niya inaaltapresyon siya at biglaang nangati ang mga kamay niya, parang trip manakal. Lumipad ang tingin niya kay Phoenix na noon ay nakaupo na sa pang-isahang upuan sa sala. Hindi niya napigilang samaan ito ng tingin.

      "Mamaya ka sa 'kin," pabulong niyang banta.

      "Ano 'yon?" anang matanda na noon ay nagsusulat pa rin sa notebook nito. Muli siyang tinignan pagkatapos.

      "W-Wala po."

      Tumaltak si Phoenix. "Lola, why are you doing this?"

      Nginitian siya ng matanda, dineadma ang tanong ng apo nito. "Ilang taon ka na, Gabbie?"

      "Twenty six po."

      "Good! Just the right age!" anito bago muling nagsulat sa notebook nito.

      "Saan ka nakatira?"

      Pabuka na ang bunganga niya para sumagot kaya lang sumabat si Phoenix. "Here. She lives here."

      Natigilan ang matanda. "Again?"

      "Yes. We are living together, Lola," kaswal na sagot ni Phoenix. Panandaliang nawalan ng kulay ang mukha ng matanda bago ibinaling ang tingin sa kanya.

      Hindi niya tuloy alam kung ngingiwi, ngingiti o magwawala.

      "You don't look promiscuous, Gabbie. Did my grandson force you into this?" nag-aalang tanong nito.

      "C'mon, Lola! You make it sound like I'm a perv!" reklamo ni Phoenix, panay ang hagod ng buhok.

      "Oh shut up, cupcake! I just want things clear."

      Naihilamos na ni Phoenix ang kamay sa namumulang mukha nito. "Cupcake? I'm not a kid anymore!"

      "You will always be my cupcake Phoenix, no matter how many pubes you'll grow."

      Pabulong na nagmura si Phoenix. Pinigil naman ni Gabbie ang matawa. Mukhang tiklop ang amo niya sa mga birada ng lola nito.

      "Where were we?" baling sa kanya ng matanda. "Oh yes, did my grandson force you to live with him?"

      Alanganin siyang umiling siya.

      "So you agreed... willingly?"

      Hindi lang siya willing, pumirma pa siya ng kontrata. Marahan siyang tumango at ngumiti ng alanganin.

      "See, she was willing!" sabad ulit ni Phoenix.

      Umiling ang matanda bago bumuntong-hininga. "I will never really understand you kids nowadays. Why should there be a trial period for marriage? Marriage is a sacred thing. It ain't a game!"

      "Lola, we've had this talk─."

      Itinaas ng matanda ang kanyang kamay. "No. I never understood it with you and Penny and I will never understand it now with you and Gabbie."

      Penny.

      As in si Penelope Grace Estavillo Gonzales? 'Yong model at influencer na crush yata ng kalahati ng populasyon ng mga kalalakihan sa Luzon, Visayas At Mindanao?

      Tama. Nakita niya ang picture ng model sa article na pinabasa sa kanya ni Brandy kanina. Nag-switch ang buton ng pagkachismosa niya. Nagkatinginan sila ni Phoenix pero ito rin ang unang umiwas.

      "Bueno, you are both consenting adults. You are free to make mistakes. But I want you to listen to me, there are some mistakes that you cannot undo. Once you've made it there's no turning back and you will have to carry the consequences for the rest of your lives."

      Napalunok siya sa sinabi ng matanda. Nasundot ng litanya nito ang kunsensya niya. May punto ito. At bakit nga ba njya sinasakyan ang pagsisinungaling ni Phoenix gayong pwede namang hindi?

      Magtatapat na sana siya kaya lang naunahan siyang magsalita ng matanda. "I just hope, something good will come out of this. And I sincerely hope it's a baby." Hinawakan ng matanda ang kamay niya. "My grandson is stubborn as hell. He got it from his Lolo Paquito, my dead husband. I just wish you'd never drop him like a used toy like Penny did."

       "Lola!"

      "What? You never told me about that stubborn ex-girlfriend of yours when you broke up. I have to rely on those horrible and malicious chismis articles for news about you. At ano pa bang kinakatakot mo? Gabbie is part of our family now. Ibinahay mo na nga, ngayon ka pa ba mahihiya?" Muling bumaling sa kanya ang matanda. "H'wag kang mag-alala, hija. Sosolusyonan ko itong nagawa ng apo ko. Hindi ako papayag na maisisilang ang magiging apo ko sa tuhod na hindi kayo ikinakasal. Bukas na bukas din, mamamanhikan kami sa inyo."

      Awtomatikong nagmura si Phoenix, kasabay niyon ang paghigop ni Gabbie ng limang galong oxygen.

*****

      Matapos ang mahabang usapan nina Lola Candi at Phoenix, nagsalo silang tatlo sa hapag. Napakiusapan ni Phoenix si Lola Candi na h'wag nang ituloy ang pamamahankin. Idinahilan nito na saka na nila 'yon gagawin kapag magaling na ito nang tuluyan. Nawiwindang man sa mga ganap, sinegundahan na lang ni Gabbie ang sinabi ni Phoenix nang matapos na ang usapan.

      Pagkatapos nilang kumain, minadali niya ang pagliligpit sa kusina. Gusto niya kasing makausap si Phoenix. Hindi naman dahil magaling siyang umarte at sinakyan niya ang kasinungalingan nito sa lola nito, okay na lang siya sa gano'n.

      Palabas na si Phoenix sa kuwarto nito nang makita niya.

      "Hoy! Anong drama 'to?" mataas ang boses na bungad niya rito.

      "Shhh... H'wag kang maingay. Marinig tayo ni Lola." Ikiniling nito ang ulo sa pinto ng kuwarto nito. "She's tired. Pinauwi niya 'yong driver namin sa San Gabriel. She'll be staying for the next three days."

      Biglang tumirik ang lohika niya sa narinig. Tatlong araw pa siyang magpapanggap na fiancee ng amo niyang masungit! Juskopong tunay! Masasagad ang nangangalawang na niyang acting skills!

      "E pa'no─"

      Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin nang idaiti nito ang hintuturo nito sa bibig niya. "Mag-usap tayo sa taas," anito bago marahang tinumbok ang hagdan patungo sa 2nd floor.

      Tahimik niyang sinundan ang lalaki. May pagkakataong gusto niya itong tulungan sa pag-akyat dahil nahihirapan ito sa gamit nitong crutches pero nagpigil siya. Alam niyang importante sa mental health ng mga nadidisgrasya ang mobility independence.

       Maya-maya pa tumapat sila sa isang pinto. Pagbukas nito, tumambad sa kanya ang isa pang kuwarto. Kung tutuusin mas maluwag iyon kaysa sa dalawang kuwarto na nasa ibaba combined. Hindi pa nararating ng chimini-a-a cleaning skills niya ang 2nd floor kaya hindi niya iyon napansin nitong nakaraang araw. Hindi gaya ng mga kwarto sa ibaba pati na rin ng salas nang madatnan niya kahapon, maayos ang kwarto. Halatang alaga. Parang hindi ito kasama sa nasalanta ng delubyong tumama sa ibang parte ng bahay. Dominante ang kulay abo at puti sa silid, mula sa carpet, sa floor to ceiling na kurtina at sa mga pillows at bedsheet sa kama. Moderno rin ang mga muwebles na sadyang naka-blend sa tema ng silid. Subalit mas nakamamangha ang view mula sa glass wall panels na nakapalibot sa buong kwarto. Tanaw doon ang nagkikislapang mga ilaw na nakakalat sa kabuoan ng siyudad. Kung tutuusin, para iyong view sa isang pelikula na maraming tukaan at kemerluhan ang mga bida.

      Tukaan at kermerluhan.

      Nanlaki ang mga mata niya sa naisip. Juskolerd! Kung saan-saan napupunta ang isip niya!

      Pumihit siya paharap kay Phoenix. "Explain," seryosong utos niya kay Phoenix na noon ay hinahalughog ang personal ref na nakapatong sa isang counter.

      "Anong explain?" balik-tanong nito, iritado. Panay pa rin ang halungkat sa ref.

      "Kaninong kuwarto 'to?"

      "Natural akin. Bahay ko 'to di ba?" Naglabas ito ng bottled water at isinara ang ref.

      Naimbyerna siya. Mukhang may part-two ang naudlot nilang pagwawarla kanina sa kusina.

      "Dalawa ang kuwarto mo sa bahay mo? Iba din," puno ng sarkasmong komento niya.

      Nahinto ito sa pag-inom ng tubig mula sa bottled water. "So what are you trying to imply? This is my house. I can do whatever I want with it."

      Umirap siya bago naglakad patungo sa pinto. Magwo-walk out na lang siya. Gabi na at wala siyang planong matulog habang inaaltapresyon. Baka hindi na siya magising bukas, mahirap na.

      "Wait! Saan ka pupunta?" pigil nito sa kanya.

      "Sa baba. Matutulog."

      Ibinaba nito sa mesita ang basyo ng bottled water na wala nang laman bago bumuntong-hininga. "You will sleep here with me."

      "Ano?" pasigaw niyang tanong.

      "Dammit, Gabbie! H'wag kang maingay!" saway nito sa kanya, pabulong pero puno ng diin ang bawat salita.

      "Naririnig mo ba ang sarili mong siraulo ka? Matutulog tayong dalawa dito? As in ditey?"

     "I said lower down your voice! Baka marinig tayo ni Lola!"

      Tensiyonado niyang hinagod ang kanyang buhok patalikod. "E kung inaayos-ayos mo sana ang page-explain nang hindi ako natataranta at inaaltapresyon!"

      "Fine! This room is the master's bedroom. Yung dalawa sa baba are both guests rooms. Why am I staying downstairs instead of here, I have my reasons you don't need to know. At dito tayong dalawa matutulog dahil kung hindi natin mapapaniwala si Lola na ayos lang ako dito, dadalhin niya 'ko sa San Gabriel para do'n magpagaling. Ayos na bang explanation 'yon?"

      Kumibot ang labi niya. Hindi pa ayos sa kanya 'yon kasi nga chismosa siya. May mga gusto pa siyang itanong kaya lang mukhang wala talaga ito sa mood mag-explain. Baka 'pag nagpilit siya baka doon mismo sa kuwartong iyon magsimula ang ikatlong digmaang pandaigdig!

      Umirap siya. "Ayus-ayusin mo rin kasi ang pagpapaliwanag minsan. Lagi mo na lang akong binibigla. Mabuti na lang best actress ako no'ng high school sa Ibong Adarna. Napakinabangan mo ang acting skills ko." Namaywang siya nang may maalala. "E bakit mo pa kasi sinabi sa lola mo na ako ang magbibigay sa kanya ng apo niya tuhod. Jusko, ha? Manginig ka naman, Mr. Castro!"

      Tumaltak ito, nagbuga ng hininga bago tinumbok ang sa tingin niya'y pinto patungo sa walk-in closet nito. Sinundan niya ito.

      "Don't worry. That's nothing," kaswal na sagot ito habang namimili sa salansan ng t-shirts.

      "Anong nothing? Jusko! Inilista niya lahat ng sagot ko sa interview portion namin kanina. Baka pagkatapos ng siyam na buwan hanapin sa akin ang apo niya sa tuhod tapos 'pag wala akong maibigay, ipatapon niya 'ko sa Ilog Pasig!" nahihindik na sabi niya.

      Natigilan si Phoenix, tinignan siya. "My grandmother is not violent, I assure you. Ayoko lang talagang umuwi sa San Gabriel hence the lie. But if you are really that concerned, we can do something about it. That is..." Hinagod siya nito ng tingin. "If your game."

      Napalunok siya sa sinabi ng lalaki. Niyakap niya ang sarili bago alanganin napaatras.

      "M-manyak ka talaga, 'no? Nakuha mo rin 'yan sa Lolo Paquito mo?"

      Bahagya itong natawa bago itinuloy ang pagbubukas ng drawer. "Sa Lolo Pedro ko, 'yong father ng Daddy ko. He's actually a ladies man in San Gabriel. He fathered 13 kids from five different women. Si Lolo Paquito, is a one-woman man and a perfect gentleman."

       "So, nasa lahi niyo pala talaga ang pagiging manyak."

       Hinarap siya nito, nakangisi. "I'm not a perv, Gabbie. Virgin ka lang at judgemental kaya ka ganyan mag-isip."

      Tumikwas ang nguso niya. "Iniinsulto mo ba 'ko?"

      Natawa ito. "Of course not! What I'm saying is, you are just too prude. And you're really not my type."

      Lalong nagdikit ang mga kilay niya. "Excuses me, ha! Mas lalong 'di kita type, 'no?"

      Isinampay nito sa balikat ang kinuha nitong towel sa drawer."Fine! It's settled then, we don't like each other. But for the love of God, I need you to act as my girlfriend for the next three days."

       Nanikwas ulit ang nguso niya. "Sandali lang po, 'ha? Pagyayayey lang po sa 'yo ang ipinunta ko rito. Hindi ang magpanggap na dyowa mo."

      "I'll pay you."

      Dumiretso siya ng tayo. "M-magkano?"

      "Five thousand."

      Tumikhim siya, inayos ang pagkaka-ipit ng buhok sa likod ng tenga niya. "Mahirap umarte lalo pa at hindi ako sanay magsinungaling."

      "Fine, ten thousand."

      Ngumisi siya. "Ten thousand plus papayagan mo akong lumabas ng tatlong oras kada hapon ng Lunes, Miyerkules at Biyernes."

      Nagsalubong ang kilay nito. "Why?"

     Humalukipkip siya at taas noong ginaya ang sinabi nito kanina. "I have my reasons you don't need to know."

       "Tatlong beses kang makikipag-date sa isang linggo?"

      Inis siyang napakamot ng ulo. "E napaka-judgemental mo naman kasi talagang lalaki ka. Hindi nga ako nakipag-date kanina. May inasikaso ako, important!"

      Umiling ito. "I stand by my word. Kargo kita, Gabbie. And whatever you say, the answer is still no."

      Napakurap siya. Kapag kuwan'y nagkibit-balikat. "E 'di no. Ikaw bahala." Tumalikod siya, nagkunwaring lalabas ng walk-in closet.

      "Saan ka pupunta?"

      "Sa kuwarto ko, matutulog. Pero gigisingin ko muna si Lola Candi tapos sasabihin ko sa kanyang hindi mo 'ko dyowa kaya puwedeng-puwede ka niyang bitbitin papuntang San Gabriel bukas na bukas din."

      Nalukot ang mukha ni Phoenix pagkatapos ay mahinang nagmura. Tumingala ito at pagod na pinisil ang pagitan ng mga mata. "Fine! I agree," anito maya-maya.

      Lihim siyang napangiti. "'Yan! O e 'di mag-dyowa na ulit tayo!" Panay ang iling nito habang sinusuyod ng tingin ang closet nito, tila may hinahanap. Kinuha niya ang pagkakataong 'yon para muling magtanong. "E bakit pinagpapanggap mo pa kasi ako e may girlfriend ka naman."

      "Who? I don't have a girlfriend at the moment."

      "E sino 'yong kasama mo no'ng maaksidente ka?"

      "She's not my girlfriend. Well, she wants to be but..." Umiling ito.

       Napairap siya nang wala sa oras. "Hindi mo pala girlfriend 'yon. Pero kung makatingin sa 'kin parang sinusumpa na niya ang buong lahi ko."

      Natatawa itong tumingin sa kanya. "Well, what can I say? I'm loveable."

       "Jusko! Gabing-gabi na puno pa rin ng hangin 'yang utak mo," aniya, naiirita.

       Ngumiti ito. "I'm telling the truth and you know it."

       Mahina niyang ginaya ang ang huling sinabi nito, kumikibot pa ang bibig. Naiimbyerna na naman siya nang husto sa kahanginan nito.

       Maya-maya pa, isinabit nito sa leeg niya ang hawak nitong tuwalya pati na rin ang isang t-shirt at boxer shorts.

      "Maligo ka muna. Saka natin ituloy ang pag-uusap."

      "E kung doon na lang kaya ako sa kuwarto ko sa baba maligo?" aniya, alanganin.

       "Mababaw matulog si Lola. She wakes up even at the slightest noise. I don't want to give her any doubt about us. Besides, you don't have anything to worry about. Like I've said, you're not my type," deklara nito bago lumabas ng walk-in closet.

      Naiwan siyang nagngingitngit. Palagi na lang nitong hina-highlight na hindi siya type nito. E hindi niya rin naman ito type. Kaya quits lang sila. Hitsura nitong guwapo! Bwiset!

      Minadali niyang mag-shower. Paglabas niya ng banyo, nadatnan niya si Phoenix na nakaupo sa gilid ng kama, hawak ang cellphone nito. Hindi gaya kanina, wala nang bakas ng kapilyuhan sa mukha nito.

       "Phoenix," tawag niya rito, pabulong. Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Bakas ang kakaibang lungkot sa mga mata nito. "Okay ka lang? M-May masakit ulit sa 'yo?"

       Marahan itong umiling bago tumayo. Binuksan nito ang personal ref at naglabas doon ng canned beer.

      "Sandali, bawal pa 'yan sa 'yo," saway niya rito.

      "Just this once, h'wag mo kong pagbawalan," anito sa seryosong tinig, may halong pagbabanta.

      Paika itong naglakad patungo sa may veranda, umupo sa sunchaise na naroon at tahimik na uminom ng alak habang nakatingin sa madilim na langit.

      Tumunog ang cellphone nito na nasa kama. Naka-flash sa LCD niyon ang Penny.

      "P-Phoenix, tumatawag yata si─"

       "Leave it." Lumagok ito ng alak. "Sleep, Gabbie," utos nito pagkatapos.

       Naupo siya sa gilid ng kama. Nakatingin siya sa cellphone hanggang tumigil iyon sa pagtunog. Sinipat niya ang orasan sa sa bedside table. Alas-onse na ng gabi.

      Mukhang overtime na naman siya sa pagiging chimini-a-a. Nahiga siya sa kama pero hindi siya pumikit. Lihim siyang nakatingin sa bulto ni Phoenix na nasa veranda─ tahimik.

      Mag-aalas dose na ng hatinggabi nang maglakas-loob siyang lapitan ito. Nakalaylay na ang kamay nito sa gilid ng sunchaise. Inangat niya ang lata ng beer na nakapatong sa kalapit na maliit na garden set table. May laman pa iyon, abot pa sa kalahati. Napabuga siya ng hininga. Kumuha siya ng kumot sa kuwarto at kinumutan ang amo niyang nakatulog na.

      Naupo siya sa upuan ng garden set, nangalumbaba at pinakatitigan si Phoenix. Tulog na ito pero ramdam pa rin niya ang lungkot na nakita niya sa mga mata nito kanina. Parang may kung anong pumiga sa puso niya. Ganito ba talaga kalungkot ang buhay ng isang Phoenix Castro?

       "Bakit ka ba kasi malungkot?" wala sa sarili niyang tanong. "Pero alam mo, ayos lang 'yan. Ayos lang maging malungkot paminsan-minsan. Pero h'wag mong tambayan, ha? Dapat bukas, paggising mo, tuloy pa rin ang buhay."

       Napangiwi siya. Mukhang wala siyang magawa sa buhay pati tulog kinakausap niya. Umiling siya bago tuluyang isinubsob ang mukha sa mesa. Ilang sandali pa, tuluyan na siyang nakatulog. ###

3024words/10:327pm/04272020

#AccidentallyInLoveHDG


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro