Chapter 7: Agimat
Masarap na haplos ng malamig na hangin sa kanyang pisngi ang nagpagising kay Gabbie. Wala sa sarili siyang napangiti. Masarap ang tulog niya nang nagdaang gabi. Pikit-mata niyang niyakap ang kanyang kumot at sininghot ang bangong nagmumula roon.
Ano kayang ginamit ni Tori na fabric conditioner? Ibang level ang bango ng kumot niya e. Pati ang lambot ng unan at kama niya, kakaiba ngayon.
Parang inaaya siyang humilata maghapon at 'wag na lang pumasok sa duty niya sa ospital at...
Ospital.
Malalaki ang mga niyang nagmulat. Parang rumaragasang tren na dumaan sa isip niya ang mga nangyari sa loob ng nakalipas na apat na araw. Ang aksidente. Si Phoenix. Ang bago niyang buhay bilang chimini-a-a. Ang hindi inaasahang public display of pandesal ng amo niya kagabi habang namimilipit ito sa sakit. At ang eksenang hango mula sa tukaan ng mga bida sa pelikula.
Jusko!
Bumalikwas siya ng bangon at umupo sa kama, namumula ang mukha . Magkasabay niyang tinapik ang kanyang mga pisngi sa pagtatangkang gisingin ang kanyang lohika na marahil ay tulog pa dahil hindi niya mabigyan ng sagot kung bakit nasa kama na siya gayong natulog siya na nasa upuan kaninang madaling-araw!
Mabilis siyang tumayo habang pinakakalma ang isip niya. Kaya lang lalo siyang nataranta nang makitang alas-nuwebe na ng umaga. Kaya pala wala na siyang katabi sa kama.
Katabi sa kama.
Juskopong tunay! Bakit ba siya nasa kama ni Phoenix?
Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala naman siyang kakaibang nararamdam. Tiyak rin niyang nakakandado pa ang sisidlan ng kanyang perlas ng silanganan. Pero bakit nga siya nasa kama ni Phoenix?
Marahas niyang ipinilig ang ulo at nagmamadaling lumabas ng silid.
"Glad you're awake. I thought you're already in a coma," anang pamilyar na boses na nagmumula sa 2nd floor, kung nasaan ang gym.
Tumingala siya. Naroon si Phoenix, nakadungaw sa balustre g 2nd floor. Naka-simpleng kamiseta at short─ pawisan, humihingal at nakangisi sa kanya. At anak ng tokneneng talaga, ang walanghiyang puso niya, lumundag ulit papuntang kalawakan. Namimihasa!
"Be ready with my breakfast in 10 minutes," anito, nakatutok pa rin ang mga mata sa kanya. "By the way you have something on the side of your mouth."
Napahawak siya sa gilid ng kanyang bibig. Jusko, naglaway ba siya? Nahindik siya sa naisip. Dali-dali niyang tinignan ang sarili sa salamin sa malapit kaso wala naman siyang nakita roon. Agad siyang tumingla nang humalakhak si Phoenix.
"I was kidding," anito, natatawa pa rin. "Bilisan mong mag-ayos. Malapit nang matapos 'tong upper body exercise ko. Gutom na 'ko," dugtong pa nito bago bumalik sa bench press.
Nanikwas ang nguso niya, inuumaga siya ng amo niya. Sandaling nawala sa isip niya kung bakit sa kama siya nito nagising ngayong umaga.
Dali-dali siyang pumasok sa kuwarto niya. Nagmamadali siyang nag-shower at nagpalit ng damit. Paglabas niya, agad niyang inihanda ang almusal ni Phoenix. Saktong naisalin niya ang smoothie sa baso, siya namang pagbaba ni Phoenix sa hagdan. Ingat na ingat itong bumaba sa tulong ng cructhes.
Ang buong akala niya, magsa-shower pa ito sa kwarto nito. Kaso pagbaba nito, nakapagpalit na ito. Bukod sa basa na buhok, ebidensiya ring maituturing na bagong paligo ang amo niya dahil amoy na amoy niya ang after shave nito.
Mukhang masarap, anang isip niya.
Nanlaki ang mga mata niya. Tumalikod siya, tinumbok ang sink at kinuskos ang walang-malay na pan na ginamit niya sa pagluluto pancake habang pasimpleng kinutusan ang sarili niya.
Bakit gano'n? Ang lantod na ng isip niya gayong wala pang bente-kwatro oras siyang chimini-a-a ni Phoenix. Dahil ba ito sa close-tukaan-enounter nila kagabi o baka dahil windang pa rin ang lohika niya dahil 'di pa rin niya alam kung bakit siya nagising sa kama nito? Jusko! Pinakulam ba siya nina Brandy at Jelaine at unang naapektuhan ang isip niya o sadyang may epektong kakaiba si Phoenix sa mga babaeng katulad niyang inosenteng marurupok?
"What's this?"
Napaigtad pa siya nang marinig niya ang tinig ni Phoenix sa malapit. Natataranta siyang lumingon. Nakaupo na sa hapag ang amo niya.
"Ano 'yan... ano... p-pancake," tarantang sagot niya.
"Plant-based?"
"O-Oo." Ngumiwi siya, ayaw magtino ng dila niya.
Nilingon siya nito. "Even the smoothie?" Tumango lang siya. Inabot nito ang smoothie at uminom. "Not bad. What's in it?" anito nakatingin ulit sa kanya.
"Almond milk, banana, mango, spinach, pumpkin seeds, at vegan protein powder," nagmamadali niyang sagot. Tumango-tango lang ito bago muling hinarap ang plato nito.
"When you're done there, come and join me for breakfast," anito.
Ngumiwi siya. Hindi pa maayos ang takbo ng lohika niya tapos sabay sila ulit kakain? Juskopong tunay na mahabagin!
Binagalan niya ang paghuhugas ng mga ginamit niya sa pagluluto. Nagbabakasaling mabagot ang amo niya kahihintay sa kanya sa hapag. Kahit buong maghapon niyang kuskusin ang buong kusina, h'wag lang niyang makaharap ulit ang amo niyang hindi naman nagsusungit pero ginugulo ang takbo ng isip niya.
Kaya lang, nag-text si Brandy. Nire-remind siya sa appointment niya mamayang tanghali. Tinampal niya ang kanyang noo. Bakit niya ba nalimutan ang raket niya ngayong araw? Magpapaalam pa pala siya kay Phoenix.
Labag man sa loob niya, binilisan niyang tapusin ang ginagawa. Nagtimpla siya ng kape at alanganing sinamahan sa hapag si Phoenix. Kumuha siya ng pancake. Papasubo na siya nang biglang itong tumikhim at nag-angat ng tingin sa kanya. Nahihiya niyang itinikom ang kanyang bibig.
"B-Bakit?" aniya.
Kumurap ito bago unti-unting ngumisi. "Who's Mac? Boyfriend mo?"
"H-Ha?"
"Kaninang madaling araw, nagsasalita ka habang tulog. You were talking to some 'Mac' at sabi mo malamig. I turned the AC down. Then you stood from the chair at tinabihan mo 'ko sa kama 'ko, like it's the most natural thing. So, who's Mac?"
Napanganga siya nang bongga bago siya nahihiyang nagyuko ng ulo. Juskopong tunay! Nag-sleep talk at sleep walk na naman siya na nangyayari lamang kung sobrang siyang pagod. At siya pala talaga ang kusang tumabi kay Phoenix! Wala palang kung anumang milagrong dulot ang close-tukaan-encounter nila kagabi!
"Gabbie?" pukaw nito sa kanya maya-maya.
"A... ano... si Mac, bestfriend ko."
Nagsalubong ang kilay nito. "Tabi kayong matulog ng bestfriend mo?"
"M-Minsan."
Uminom ito ng smoothie. "So, friends with benefits kayo?" kaswal nitong tanong.
Napasinghap siya. "Hoy, excuses me, hindi 'no! Magkaibigan lang kami no'n. At saka huli kaming nagtabi noong college, sa isang retreat." Naeeskandalo siyang humigop ng kape.
Ngumiti si Phoenix nang may meaning bago nagpatuloy sa pag-nguya. "Okay, sabi mo e."
Nanikwas ang nguso niya, agad siyang dumepensa. "Hoy, para sabihin ko sa 'yo─"
"Virgin ka pa," putol nito sa kanya.
Hindi siya sumagot. Ngumiti lang ulit si Phoenix, may meaning ulit. Kung anong meaning, malay niya! Lunod sa kahihiyan ang isip niya e. Sablay sa interpretation of data.
Alanganin siyang humigop ng kape. Nai-stress siya sa mga ganap. Buti na lang nag-text ulit si Brandy kaya dumiretso ang andar ng isip niya.
"M-May pupuntahan nga pala ako mamaya," alanganin niyang umpisa.
Nag-angat ito ng tingin. "Saan?"
"D'yan lang sa malapit. May ano... may aasikasuhin lang saglit. Mabilis lang ako, promise."
Hindi ito agad sumagot, tumitig lang sa kanya bago, "Okay, basta bilisan mo. Alam mo namang hirap ako sa pagkilos dito sa bahay even if I have these damn crutches," pasupladong sagot nito bago ibinalik ang atensyon sa pagkain.
Kumibot ang labi niya. Nakaakyat nga ito sa 2nd floor at nag-excerise e, tapos mag-iinarte itong maiwan nang saglit. Tumango na lang siya para 'di na humaba ang usapan. Ang importante, nagpaalam na siya. Tahimik nilang tinapos ang pagkain.
*****
"Dali na, magkuwento ka!" excited na sabi ni Brandy habang umiinom ito ng milktea na tinake-out nila matapos ang therapy session ng inirekomenda nitong pasyente. Naglalakad sila patungo sa sakayan ng jeep. Mabait ang pamilya ng matandang pasyente niya. Limandaan ang kada isang oras na session nila, tatlong araw sa isang linggo. Ayos na 'yon kaysa wala.
"Ano namang iku-kuwento ko?" kunsumidong niyang sagot bago sinipat ang kanyang wristwatch. Alas-tres na ng hapon. Dalawang oras na siyang nasa labas. Kailangan makauwi siya bago mag-alas singko. Lunch at meriendang panghapon lang ang naihanda niya para sa amo niya. Baka magsungit na naman ito kapag atrasado siyang umuwi.
Umirap si Brandy. "Ang damot, ha? Siyempre yayey ka na ni Phoenix. May access ka sa personal niyang buhay. Wala ka man lang bang insider report para sa mga gaya naming matinding tinamaan ng Phoenix Charm?"
"Phoenix Charm?" salubong ang kilay na tanong niya. Tumango lang ang bakla, sumipsip ulit sa matabang straw ng milktea. "Ano 'yon agimat?"
"Gaga! Agimat ka d'yan." Umirap ito nang mabilis bago muling pumormal. "Walang halong anumang kababalaghan 'yong charm ni Fafa Phoenix, 'no? Lahat kaming mga babaeng nasilo niya, na-experience ang charm na sinasabi ko."
Natawa siya. "Isinama mo pa talaga ang sarili mo sa mga babaeng nasilo ni Phoenix. Ilusyonada ka, 'no?"
Umirap ang bakla. "Alam mo very honest ka rin talaga, 'no? Sarap mo talagang sakalin minsan."
Humalakhak siya.
"A tawang-tawa," puno ng sarkasmong komento ng Brandy bago nagmamadaling inilabas ang cellphone nito. Sandaling tumipa roon at muling nagsalita. "Ito ang ilan sa babaeng na-link kay Fafa Phoenix."
Inabot niya ang cellphone nito tinignan ang mga girlalo na nahumaling sa amo niya. May mga artista, model, at iba pang hindi niya kilala.
"Daming nauto ng manyak a," natatawang komento niya.
"Nauto? Girl, hindi sila nauto. Ayon sa survey ng mga babaitang itey, kayang-kayang magpa-fall ni Phoenix ng babae in three simple steps."
Kumurap siya. "T-Tatlong steps lang?"
"Truli! Step one, eye contact. Mysterious and guileless, ganyan i-describe ng mga babae ang mata ni Phoenix. At kapag tinitigan ka niya at tumitig ka rin sa kanya, ibig sabihin, na-hook ka na sa bitag niya at puwede na siyang mag-proceed sa step two. Step two, he calls your name. Husky, fruity and naturally seductive, ganyan magsalita si Phoenix kapag bet niya ang girlalo. At kapag napansin niyang may epek ang pagtawag niya sa namesung ng girl, didiretso na si fafa sa last step."
Tumikhim siya. Nagpunas ng biglang namuong pawis sa noo. Sumipsip muna sa straw si Brandy bago nagpatuloy.
"At step three, for the last, smile."
"Smile?"
"Truli, nginingitian ka niya. At kapag ngumiti ka rin at hindi mo tinutulan ang paghawak niya sa kamay mo, nadale ka na ng Phoenix Charm."
Tumikhim siya, kabado. Mabilis na prumoseso ang isip niya sa halos bente-kwatro oras na nagdaan. Nakipagtitigan na siya kay Phoenix, tinawag na rin nito ang pangalan niya, at nginitian siya nito kaninang umaga.
Napasinghap siya.
Mabilis niyang inagaw kay Brandy ang inumin nito. Bigla kasing nanuyo ang lalamunan niya. Walanghiya! Binibiktima ba siyang talaga ng lintek na charm-charm na 'yan ng manyak na masungit kaya nawiwindang ang huwisyo niya kahapon pa?
"Ay, uhaw ka, girl?" komento ni Brandy.
"O-Oo," alanganin niyang sagot.
Umirap ang bakla. "Sana sinabi mo na bet mo rin mag-milktea para ni-libre kita. Sige, ubusin mo na lang 'yan, iyo na lang."
"S-Salamat ha." Sinaid niya ang milktea. Kaso parang kulang pa rin para sa natataranta niyang isip.
Walang nagsabi sa kanya na inialay pala niya nang kusa ang sarili sa agimat ng masungit nang pumayag siyang maging chimini-a-a nito!
"Actually, sa official list ng mga na-jowa ni Phoenix, apat ang nasa listahan ng pa-fall moves niya."
Nabuhayan siya ng pag-asa. "Ano 'yong pang-apat?"
"He takes you to his game."
Nabuhayan siya ng loob. Malabong maglaro ng basketball ang masungit dahil injured ito ngayon. Ibig sabihin hindi pa siya bumibinggo!
Nagmamadali niyang tinapon ang baso ng milktea sa trash can sa malapit. Hinila niya si Brandy palayo sa sakayan ng jeep.
"Ay! Sa'n tayo girl?"
"Samahan mo muna ako sa nadaanan nating chapel."
"E bakit?"
"Magtitirik ako ng kandila para iaadya ako ni Lord."
"Iaadya ka saan?"
Hindi na siya sumagot. Binilisan na lang niya ang lakad patungo sa chapel.
*****
Kabadong pinindot ni Gabbie ang pincode ng unit ni Phoenix. Halos alas-sais na kasi ng gabi dahil na-traffic siya sa daan pauwi. Nang mag-beep ang electronic lock, maingat niyang tinulak ang pinto. Dahan-dahan siyang pumasok ng unit. Ayaw niyang gumawa ng anumang ingay dahil baka makarinig siya ng sermon kay Phoenix.
"Where the hell have you been?"
Napaigtad siya nang dumagundong sa apat na sulok ng penthouse ang boses ng amo niyang masungit. Alanganin siyang pumihit paharap dito. Magsasabi na lang siya siguro ng totoo kahit na wala siya sanang balak. Kaya lang, hindi pa man niya naibubuka ang bibig upang magsalita, nanlalaki na ang mga mata nitong itinutok sa kanya ang dulo ng isang saklay na gamit nito.
"What the hell are you wearing?"
Naiinis niyang tinabig ang saklay na nakatutok sa mukha niya. "Siraulo ka ba? Hahambalusin mo 'ko dahil lang nagsuot ako ng shield?" Inalis niya ang shades at face mask na binili niya kanina sa bangketa para sa proteksyon niya laban sa 'agimat' ni Phoenix.
"Anong shield?"
Umingos siya. "Shield sa b-basta."
Pumalatak ito bago tumawa. "You looked like a member of Akyat-bahay or a driver of Angkas."
Nanikwas ang nguso niya. Mapanlait talaga ang amo niya. So, hindi lang pala siya mukhang nene, mukha rin siyang mama gano'n? Kumibot ang labi niya. Pakiramdam niya tumaas nang slight ang presyon niya dahil sa inis.
Mali talaga siya ng naiisip kanina. Imposible kasing bibiktimahin rin siya ng agimat nito gaya ng pinagsasabi ni Brandy. May iba lang talaga sigurong rason kung bakit sumisirko ang lohika at lumulundag ang puso niya mula pa kahapon. Baka talagang nasisindak lang siya rito o kaya naman nagde-develop na siyang tunay ng sakit sa puso dahil sa nerbyos at altapresyon. A bahala na! Saka na lang niya iisipin 'yon kapag may pagkakataon na siyang magmuni-muni. Basta ang importante hindi pa siya nabibiktima at hindi siya kailanman magiging biktima ng agimat ng amo niya.
Dumiretso na siya sa kusina upang magluto. Sumunod ito.
"Hey, hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Where have you been?"
Naglabas siya ng romaine lettuce sa crisper at muli itong hinarap. "May inasikaso lang ako saglit."
"I hate liars," anito, may pagbabanta sa tinig.
"Hala judgemental! Na-traffic lang liar na agad!"
"Sabi mo mabilis ka lang?" Sinipat nito ang mamahalin nitong wristwatch. "You've been gone for 5 solid hours, Gabbie. Were you on a date?"
Rumolyo ang mata niya, nilapag ang lettuce sa counter at tinignan ang amo niya. "Excuses me ha, pero alam mo, kalalaki mong tao pero intregero ka, 'no? May inasikaso nga akong importante at sinisiguro ko sa 'yong hindi ako naglumandi."
Dumiretso ng tayo ang lalaki, umigting ang panga. "Ms. Centeno, may I remind you, you agreed to work for me. Whatever happens to you during your stay here is my responsibility. Don't be disillusioned that I care about your affairs. You can build an effin A-bomb with that temper of yours or prostitute yourself to half a dozen men in the city every day for all I care! Just make sure na hindi mo 'ko isasabit sa huli."
Naikuyom ni Gabbie ang kanyang mga kamay. "Alam mo, bastos talaga 'yang bunganga mo, 'no?" Nagbuga siya ng marahas na hininga. "H'wag kang mag-alala, kung anuman ang ginawa ko sa labas kanina, hindi ka sasabit! Dahil hindi naman ako gaya mong masungit na, manyak pa at kabilang sa mga talipandas na kalahi ni Adan na hindi na dapat nabuhay pa at ipinutok na lang sa kumot!" Gulat niyang tinutop ang kanyang bibig. Kaya lang, huli na.
Naningkit ang mga mata ng lalaki, lalong nagtagis ang mga bagang. "You are on dangerous grounds, woman. How dare you insult me inside my house!"
"Yes I dare!" aniya, taas-noo at nakapamaywang.
Saka lamang siya natauhan nang humakbang ito palapit sa kitchen counter na kinaroroonan niya. Sigurado siyang may balak itong daganan o kaya tirisin siya dahil sa sinabi niya. At habang natataranta ang isip sa kung saang direksiyon siya puwedeng tumakas, may tumawag sa lalaki mula sa salas.
"Phoenix?"
Magkasabay na lumipad sa sala ang kanilang mga mata. Bulto ng matandang babae na pulos puti ang buhok, nakasuot ng silk light green dress, at may bitbit na handbag na puti ang nakita niyang nakatayo roon. Sa unang tingin, kamukha nito si Queen Elizabeth.
"Lola?" ani Phoenix.
Nanlaki ang mga niya. At grandmotherearth pala ng masungit na amo niya ang matanda. Kaya pala may pagkakahawig ang mga ito.
Hindi agad nagsalita ang matanda. Pinaglipat-lipat muna nito ang tingin sa kanila ni Phoenix bago ito bumuntong-hininga.
"Is she the one who'll give me a great-grandson?"
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ng matanda. Kasama ba sa kontrata nila ng masungit na amo niya ang pagpaprenta ng bahay-bata niya? Mukhang wala naman siyang nabasa na gano'n sa kontrata nila, a. At bago pa man siya makatutol, sumagot na si Phoenix.
"Yes, Lola. She is."
At tuluyan na ngang nalaglag ang mga panga niya sa narinig.###
2664words/11:58am/04222020
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro