Chapter 6: Chimini-a-a is Life
Humihingal na lumabas ng kuwarto ni Phoenix si Gabbie bago nanghihinang sumalampak sa sahig sa salas. Para siyang mandirigmang nakipagbakbakan sa mga agiw, alikabok at iba pang elemento ng dumi sa nakalipas na apat na oras sa loob ng kuwarto ng masungit na lalaki. Ilang oras pa lang siyang naninilbihan bilang chimini-a-a nito pero nasisiguro niyang hindi lang manyakis at masungit ang amo niya, burara rin ito at sinungaling.
Sabi nito isang linggo lang ito hindi umuwi roon pero bakit pakiramdam niya isang siglong hindi nabisita ng tao ang kuwarto nito? Maraming agiw, maalikabok, makalat at pansin na pansin na naglipana sa buong kabahayan ang sama ng loob! Jusko! Kung may kalahating milyon lang siya, isasampal na niya niyon sa pagmumukha ni Phoenix nang matapos na ang paghihirap niya. Ang kaso, mahirap pa siya sa daga! Hindi niya afford mag-inarte ngayon. Kaya nanginginig man sa pagod, pinilit niyang tumayo.
Ipinagala niya ang tingin sa magiging lungga ng paghihirap niya sa loob ng ilang buwan. Isang open-space penthouse ang bahay ng masungit. Puti at gray ang dominanteng kulay. Gawa sa makapal na glass wall panels ang dingding na nakaharap patungo sa patio sa labas. Kaya naman malakas ang buhos ng natural light sa salas na nakapuwesto sa gitna ng bahay. Itim ang kulay ng sofa set na gawa sa leather, walang anumang throwpillows. Sa gitna niyon ay mayroong center table na gawa sa salamin. Tanaw mula roon ang swimming pool sa labas, ang malaking patio umbrella na nakatiklop, ang garden set na nakataob ang mga upuan, at ang hanging bed na gawa sa rattan at nakasilong sa pergola. Sa bandang kanan, naroon ang kusina. Makintab ang counter, parang hindi nagagamit. Hindi na siya magtataka kung ang mga cooking appliances na nakapatong doon ay mas nagagamit sa pangongokleta ng alikabok kaysa sa totoong gamit ng mga 'yon. Katabi ng kusina ang kitchen island na gawa rin sa itim na granite countertop na napapalibutan ng matataas na stool na kulay itim. Sa bandang dulo ng penthouse, sa ilalim ng hagdan patungo sa 2nd floor, naroon ang mini bar. Ngunit hindi ang mga mamahaling alak ang mas naka-agaw-pansin sa kanya, kundi ang katabi ng bar na lumang bureau na gawa sa matibay na kahoy at pulos nakataob na picture frames ang nakapatong.
Bumuntong hininga siya. Marami pa talaga siyang lilinisin. Sinilip niya ang mumurahin niyang wristwatch. Alas-tres na ng hapon! 'Langya! Kaya pala nanginginig na ang mga kalamnan niya sa gutom!
Ibinaling niya ang tingin sa labas. Naroon nga ang amo niya, nakahilata sa malapad na hanging bed habang nakapatong ang paa nitong injured sa upuan ng garden set sa malapit.
Agad niya itong nilapitan. "Alam niyo po ba kung anong oras na?" pigil na pigil ang inis na bungad niya.
Marahas itong bumuntong-hininga, hinawi sa mukha ang nakadagan doon na throwpillow, binuksan ang isang mata at tinignan siya.
"Do I look like a clock to you?" sarkastikong balik-tanong nito.
Kusang rumolyo ang mga mata niya. Tinawag niya ang espirito ng pagtitimpi na sumanib sa kanya, now na!
"Alas-tres na po ng hapon. At kahit na sinong trabahador magrereklmo dahil hindi niyo na nga pinakain ng lunch pati merienda sa hapon wala rin."
Maingat itong bumangon sa pagkakahiga sa malapad na hanging chair na gawa sa rattan. "E sino ba ang katulong sa ating dalawa?"
"Ako."
"Sino dapat ang magluluto?"
Kumurap siya, ngumiwi. "A-Ako?"
Ngumisi ito. "Siyempre, ikaw. See, it's your fault why you missed your meal. Dapat nga ako ang nagrereklamo sa ating dalawa ng gutom ngayon e kasi ako ang pasyente, di ba? I needed extra care. But apparently, my househelp forgot to feed me." Pumalatak ito, umiling. "What took you so long cleaning my room anyway?"
Agad na nag-init ang ulo niya sa sinabi nito. "Nagtanong ka pang talaga e mukhang kahahango lang mula sa jurassic era no'ng kuwarto mo sa kapal ng alikabok at dumi roon. Ikaw nga umamin ka, 'yong totoo, ilang siglo mo nang hindi binibisita 'tong penthouse mo?"
Humugong ang lalaki, nagkamot ng batok. Kinuha nito ang crutches bago marahang tumayo. "Two months isn't that long."
"Two months? Ang sabi mo kanina isang linggo ka lang na─"
"I get my clothes here once in every two weeks, okay?" putol nito sa kanya, mataas ang boses. "I've been staying at the Gold Hotel since two months ago. Satisfied?"
Napalunok siya nang i-display ng mga mata nito ang galit na pamilyar sa kanya. Kung siya ang papipiliin, dapat naghahanap na siya nang mapagtataguan bago pa ito tuluyang maghasik ng kasungitan. Kaya lang sa talas ng tingin nito sa kanya, parang kasalanan ang anumang gawin niya. At habang nakatingala siya sa malaking bulto nito, pakiramdam niya, titirisin siya nito anumang oras. Saka lamang siya nakahinga nang maluwag nang tumalikod ito at paikang naglakad palayo. Inis niyang hinagod ang buhok bago sumunod sa amo niyang masungit.
"Sandali, kailangan mo munang kumain bago ka magpahinga sa kuwarto mo," maagap niyang sabi nang akmang papasok na ito sa kuwarto nito. Mabilis itong pumihit paharap sa kanya, puno pa rin ng galit ang mga mata nito.
"You know what, I've changed my mind. Let's stop this arrangement. Itutuloy ko na lang 'yong kaso," anito sa seryosong tinig.
Napanganga siya. Seryoso? Talagang nagwawala ito dahil lang sa tinanong niya kung kailan ito huling umuwi? Ang OA ng pagka-sensitive nito, ha?
"E... ano... sandali lang naman." Natataranta niya itong nilapitan. "Sorry na, Sir Phoenix."
"Phoenix."
"Ayon nga. S-Sorry na, P-Phoenix. Nag-aadjust pa 'ko sa set-up natin." Tensiyonado niyang hinagod ng kamay ang buhok niya. "H-Hindi na mauulit 'yong kanina." Alanganin niyang itinaas ang kanang kamay. "P-Promise." Napangiwi siya bago unti-unting yumuko.
Mahina itong nagmura at bumulong-bulong nang 'di niya maintindihan. Nang tumikhim ito, nag-angat siya ng ulo. "Just to be clear, ako ang boss mo. And you do whatever I tell you."
"O-okay. H-Hindi na talaga mauulit," mababa ang boses na sagot niya.
Sandali pa siya nitong pinakatitigan bago nagbuga ng hininga. Binunot nito ang wallet sa likurang bulsa ng cargo shorts nito at naglabas doon ang credit card. "Walang laman ang ref ko kundi alak at bottled water. Mag-grocery ka na rin pagkatapos mong maglinis." Tumango siya at inabot ang card. Tumalikod na ito ngunit muli rin siyang nilingon. "There's a box of pizza on the kitchen island. You can eat that. Nauna na 'kong kumain, hindi na kasi kita mahintay," anito bago tuluyang pumasok sa kuwarto nito.
Ilang minuto nang nakapasok sa kuwarto nito si Phoenix pero nanatili lang si Gabbie na nakatanga sa tapat niyon. Paulit-ulit kasing prinoproseso ng lohika niya ang sinabi nitong hinintay siya nito sa pagkain. Bakit? E hindi naman sila close. Kulang na nga lang magtagaan sila tuwing magkakausap sila tapos gusto nito sabay silang kakain?
Ipinilig niya ang ulo kapag kuwan. Hindi dapat sa pagbibigay ng meaning sa linyahan nito siya nakatuon. Marami pa siyang kailangang gawin. Kailangan na niyang magmadali.
Pumihit siya patungo sa kitchen island. Tunay nga, naroon ang isang box ng pizza na mula sa isang sikat na pizza store. Lalong kumalam ang sikmura niya. Gutom na siyang talaga. May initiative naman pala ang Masungit kahit paano. Nakangiti niyang binuksan ang pizza box. Kaya lang, kusang tumikwas ang nguso niya pagkatapos makitang isang slice ng pizza at isang sachet ng ketchup lang ang laman ng box!
Naimbyerna na naman siya. Nagtira pa talaga ito. Nilamon na lang sana lahat nito ang pizza at nilulon pati ang box!
Umirap siya nang wala sa oras. Kung sabagay, sa laking mama nito talagang bakulaw levels ang appetite nito at walang sinasantong diet. Gusto man niyang magreklamo, kinain na rin niya ang pizza. Babawi na lamang siya sa pagkain mamayang gabi.
*****
"What the hell is this?" mataas ang tinig na tanong ni Phoenix sa kanya habang pinapasadahan nito ng tingin ang inihanda niyang panghapunan.
"Magic meat in soy and vinegar reduction sauce," aniya, pinilipit pa niya ang boses para magtunog sosyal.
Nilingon siya nito, magkadikit ang mga kilay. "Ano?"
"Adobong magic meat."
"And what the hell is magic meat?" singhal nito.
Namaywang na siya. "Tofu. Adobong tofu ang ulam!"
Napapantastikuhang tinampal nito ang noo. "Who in their right mind would cook something like that? No! I can't eat that." Naiiling itong humakbang patungo sa ref. Siyempre masayang kumaway sa masungit ang mga gulay at prutas na pinamili niya. Paulit-ulit itong nagmura habang iniinspeksiyon ang laman ng ref nito.
"Bakit puro gulay ang laman ng ref ko? Anong akala mo sa akin kambing? I need my red meat, Gabbie!" Muli itong nagmura bago humakbang palapit sa kanya.
Siyempre, hindi lang siya umatras. Tumakbo siya papuntang sala para mag-explain, mahirap na."Maganda ang temporary plant-based diet para sa healing process ng injury mo. Makakatulong 'yon to regulate the inflammation in your body. At saka nakalagay 'yon sa diet plan na binigay ni Dr. Lavigne. Sinunod ko lang."
Huminto ito ilang metro ang layo sa kanya magkasalubong pa rin ang nga kilay. Diskumpiyado pa rin sa sinabi niya.
"Kung ayaw mong maniwala, tawagan mo si Dr. Lavigne," aniya.
Mabilis nitong hinugot sa bulsa ang cellphone nito. "Matt, it's me. I'm calling because the girl told me about my diet plan." Sumulyap ito sa kanya bago binawi ang tingin.
Nalukot ang mukha niya.
Girl. Girl pala ang tawag nito sa kanya kapag ibang tao ang kausap. Inaninag niya ang repleksyon sa glass panel wall. Kung ikukumpara kay Phoenix, mukha siya talagang nene kahit sa height niyang 5' 6". Hindi rin siya pinagpala ng maumbok na hinaharap, pero meron naman talaga kung dadaanin sa kapaan. At sa suot niyang scrubsuit na pink, para lang siyang papasok sa day care center nang naka-uniform. Napairap siya. Mukha nga siyang nene.
"Fine, you won!"
Napaigtad siya sa sinabi nito at dali-dali itong hinarap. Masama pa rin ang tingin nito sa kanya pero hindi na salubong ang kilay.
"E 'di go ka na. Kain na. Masarap 'yan. Ginawa kong extra special." Tinamisan niyang ngumiti para mas makumbinse ito.
Panay ang bulong nito habang paikang naglalakad pabalik sa hapag gamit ang crutches. Hindi siya sumunod. Pinagmasdan lang niya ang lalaki mula sa salas. Pagkaupo nito, ilang segundo rin nitong tinitigan ang mga nakalatag na pagkain sa mesa. Matapos magpakawala ng mabigat na hininga, nagsimula na itong kumain. Panay ang igting ng panga nito habang ngumunguya. Hindi niya tuloy malaman kung matatawa siya o ano. Tipikal sa mga tulad nito ang sumusuway sa diet plan. Pero hindi ito uubra sa kanya. Gusto niya itong gumaling agad-agad dahil 'yon lang ang susi para makauwi rin siya nang mas mabilis.
Nang mag-angat ito ng tingin, nagkunwari siyang itinuloy ang pag-aayos sa sala.
"How long will I keep on eating grass?" tanong nito, tunog reklamo.
Tumuwid siya ng tayo bago tumikhim. "Tanungin natin si Dok sa susunod na check-up mo."
"And when will that be?"
"Wednesday next week."
"That's still six days from now!" anito, abot langit ang boses.
Hindi siya sumagot, muli niyang itinuon ang atensyon sa kunwa'y paglilinis. Narinig niyang nagmura ulit ang lalaki. Napairap siya. Kung kapatid lang talaga niya ito, kanina pa niya binatukan. Mukhang hindi ito naturuan na bawal ang pagmumura sa harap ng grasya. At bago pa man niya ito mapangaralan nang 'di oras, tinungo niya ang lumang bureau na nakapuwesto malapit sa mini-bar.
Napakunot-noo siya. Sinong magdi-display ng pictures na pataob? Napailing siya at lihim na pumalatak. Akma niyang kukunin ang isang picture frame doon nang biglang magsalita si Phoenix.
"Hey, don't touch that!" mabilis na saway nito.
Nilingon niya ito. "Magulo e."
"I said don't touch it!" anito, puno ng pagbabanta ang tinig.
"E 'di h'wag," bulong niya, kumikibot ang labi.
Lumipat na lang siya sa bar at pinunasan ang counter niyon. Noon lang niya napansin na marami ding walang laman na bote na nagkalat sa loob niyon. Pinulot niya ang mga iyon at inilagay sa walang laman na trash bag. Hindi niya 'yon itatapon. Ibebenta niya ang mga 'yon kapag nagka-oras siya.
"Hey, Gabbie," tawag nito sa kanya maya-maya. Agad niya itong binalingan. "Kumain ka na rin," anito.
May sumirko nang slight sa tiyan niya na hindi niya mawari kung ano. Mabilis talagang magbago ng anyo ang masungit. Parang nagmemenopause na naglilihi na may sapi. Mahirap talaga itong ispellengin.
Tumango lang siya bilang sagot. Nagtungo sa sink at naghugas ng kamay. Pagkatapos, bumalik din siya sa salas at kinuha ang pagkain na tinake-out niya kanina nang mag-grocery siya. Naupo siya sa sofa at nagsimulang kumain. Kaya lang hindi pa siya nagsisimulang sumubo, nagsalita ulit ang masungit.
"Bakit d'yan ka kakain? Come and join me here," utos nito.
Jusko! Sabay silang kakain sa iisang mesa? Baka hindi niya malulon ang chicken joy na paborito niya!
"D-Dito na lang a-ako," alanganing tanggi niya.
"No. I insist."
At dahil ayaw niyang magsagutan na naman sila, napilitan siyang lumipat sa hapag, bitbit ang two-piece chicken joy meal na panghapunan niya. Pagkaupong-pagkaupo niya doon, masama na agad ang tingin ni Phoenix.
"Why are you eating that?" anito.
"Kasi paborito ko 'to," aniya bago kumagat sa hita ng manok.
"Give me some," anito, magkasalubong ang kilay.
Nanulis ang nguso niya. "Ayoko nga!"
"You bought that with my money!"
Nanlaki ang mata niya. "Excuses me, ha? Pera ko pinambili ko rito, no?" aniya sabay irap.
Natigilan ito, nagbuga ng hininga bago walang imik na itinuloy ang pagkain. Tahimik itong nagpatuloy sa pagkain. Ni hindi na ito nag-angat ng tingin.
Nalukot ang mukha niya nang umeksena ang kunsensya niya. Umalingawngaw sa isip niya ang golden rule sa bahay nila para sa kanilang magkakapatid, sharing is caring.
Pairap siyang tumayo, dumiretso sa counter at kumuha ng platito. Nilagay niya roon ang isang piraso ng chicken joy at inihain iyon sa tapat ng masungit. Nag-angat ito ng ulo at tumitig sa kanya.
"Last na 'yan na karne para sa 'yo. Sa susunod na mga araw hanggang sa check-up mo, fully enforced na 'yong plant-based diet mo," deklara niya, bago muling bumalik sa kanyang puwesto.
Pag-upo niya, nginitian siya nito na parang bata, labas ang dimples sa magkabilang pisngi. "Thanks, Gabbie," anito bago itinuloy ang pagkain.
May umalon na naman na kung ano mula sa tiyan niya. Hindi niya alam kung dahil ba 'yon sa pagngiti nito, sa pag-thank you o dahil feeling niya, nakaramdan ito ng joy sa chicken joy na bigay niya. At dahil wala rin siyang alam na sagot, itinutok niya ang buong atensyon sa kanyang plato.
*****
Alas-onse na ng gabi ngunit ayaw pa rin dalawin ng antok si Gabbie. Pabiling-biling siya sa sofa sa sala. Doon niya piniling matulog dahil hindi pa niya tapos linisin ang guest room na ani Phoenix ay siyang magiging kuwarto niya.
Muli siyang umayos ng higa at itinuon sa mataas na kisame ang mga mata. Ayaw pa ring maalis sa isip niya ang pamilya niya. Kanina bago siya naghanda sa pagtulog, tumawag siya sa kanila. Siniguro naman ng tatay niya na maayos ang mga ito at wala siyang dapat na ipag-alala. Pero hindi pa rin talaga siya makampante. Iniisip niya kung paano niya patuloy na bubuhayin ang pamilya niya sa susunod na ilang buwan ngayong wala siyang suweldong aasahan. Nag-iwan siya ng limang libo kaninang umalis siya. 'Yon na lang ang ekstrang natira sa buong sweldo niya ngayong buwan. Hindi niya alam kung hanggang kailan aabot 'yon. Pati ang kulang-kulang singkwenta mil na ipon niya sa bangko, hindi rin niya alam kung hanggang kailan tatagal.
Napabuga siya ng hininga at lihim na nagdasal. Hindi siya puwedeng magtumanga lang nang ganoon, kailangan niya nang mapagkakakitaan.
Tumunog ang cellphone niya. Patamad niya iyong kinuha mula sa mesa. Nag-text si Brandy. May ire-refer daw ito sa kanyang stroke patient na kasalukuyang naghahanap ng therapist. Napaupo siya sa sofa. Mabilis pa sa ala-kwatro siyang umoo sa sinabi ni Brandy na raket. Hindi siya puwedeng mag-inarte sa mga raket ngayon dahil gipit siya.
Kakausapin na lang niya si Phoenix bukas. Hindi naman ito masyadong alagain. Nakakalakad naman ito kahit paano. Masungit lang kapag gutom. Papayag naman ito sigurong mag-part-time siya.
Siguro.
Hindi pa man niya nahihintay ang sagot ni Brandy, tumunog ulit ang cellphone niya. Tawag 'yon mula sa unknown number. Alanganin niya iyong sinagot.
"Hel─"
"Gabbie, get the hell inside my room, now!"
Napakunot-noo siya. "Phoenix? Paanong─"
"Just get inside now! God! It hurts so much─"
Natataranta niyang tinapos ang tawag at pinuntahan ang kuwarto ng lalaki. Pagbukas niya ng pinto, tumambad sa kanya ang bulto nitong pahalang na nakahiga sa kama at tanging boxers lang ang suot!
Napasinghap siya. Unang araw pa lang niya bilang chimini-a-a pero may pa-public display of pandesal na agad ang amo niya!
"Don't just stand there! Do something!" bulyaw nito habang hawak ang hita ng injured nitong paa.
Para siyang nabuhusan ng malamig ba tubig. Natataranta niya itong nilapitan. "B-Bakit? Anong nangyari?"
"I took a shower. Basta paglabas ko, bigla na lang sumakit!" sigaw nito habang namimilipit sa sakit.
"Baka bigla mong na-stretch na hindi mo namalayan. Sandali lang, kukuha ako ng ice pack," aniya bago pumihit palabas ng kuwarto.
"Bilisan mo!" pahabol pa nito.
Nagmamadali niyang kinuha ang ice pack sa ref bago binalikan si Phoenix sa kuwarto nito. Lumuhod siya sa tapat ng paa nitong injured upang sana i-apply ang dala niyang ice pack. Kaya lang nakapa niyang medyo basa ang surgery wrap. Nakuha marahil nito sa pag-shower nito kanina. Napapalatak siya. Maingat niyang kinalas ang surgery wrap. Buti na lang hindi na-penetrate ng tubig ang mismong sugat nito. Agad niyang ibinalik ang wrap nang tumindi ang pag-aray nito.
"Kailangan mong umayos ng higa, Phoenix." Tumayo siya at inilahad ang kamay sa lalaki. "Let me help─"
Sa gulat niya, mabilis na kumapit sa kamay niya si Phoenix. At dahil hindi niya napaghandaan ang bigat nito, imbes na matulungan niya itong bumangon, siya ang bumagsak sa kama─ sa mismong dibdib ng amo niya!
Natataranta siyang nag-angat ng tingin. Napasinghap pa siya nang matanto niyang gagahibla na lang ang pagitan ng mukha nila ng lalaki!
Kumurap siya. Tumitig lang ito sa kanya, hindi kumukurap. Lumunok siya. Pumaypay naman sa mukha niya ang mabango nitong hininga.
Juskolerd! Parang eksena sa pelikula bago magtukaan ang mga bida!
Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. At ang isip niyang nakahandang ipaglaban ang kapurian ng kanyang kabibe sa mga ganitong sitwasyon, blangko─ kung hindi brownout, nawalan marahil ng reception.
"Gabbie," tawag nito sa kanya maya-maya.
"Hmm?"
"My foot still hurts," bulong nito bago ngumiwi.
"Ay, oo nga pala!" Para siyang nakuryenteng tumayo. Natataranta niyang pinulot ang ice pack na nalaglag sa carpeted floor. Pagbaling niya kay Phoenix, maayos na itong nakahiga. Natatabingan na rin ng kumot ang tiyan hanggang hita nito. Agad niyang kinuha ang isang unan at maingat na ipinatong doon ang paa nitong may pinsala. Hinila rin niya ang towellete na nakita niya sa malapit at inilagay iyon sa ibabaw ng surgery wrap bago niya dahan-dahang in-apply ang ice pack sa paa nito.
Pumikit ito, panay ang reklamo. Panay mura rin. Sinilip niya ang orasan sa bedside table. Kapag hindi pa rin ito kumalma sa loob ng isang oras, itatakbo na niya ito sa ER. Kundangan ba naman kasing magshower ito nang hindi sinasabi sa kanya. Gusto niya itong pangaralan pero nagpigil siya.
Pagkatapos ng labing-limang minuto, kalmado na si Phoenix. Pantay na rin ang paghinga nito. Marahil nakatulog na. Kaya lang, hindi pa niya puwedeng bitiwan ang ice pack. Kailangang naroon iyon ng higit isang oras pa.
Humikab siya, sumulyap ulit sa orasan. Kumpirmado, overtime siya sa pagiging chimini-a-a.###
3275words/10:17pm/03282020
A/N: I pray that God will cover you with His mantle of protection wherever you are. Keep praying! This too, shall pass 🙏
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro