Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 3: The Clash


      Tanghali na kinabukasan nang makalaya pansamantala si Gabbie. Agad na trinabaho ni Atty. Sandejas, ang abogadong kaibigan ni Mac, ang pag-grant sa kanya ng bail pagputok na pagputok ng araw kinabukasan. Sa buong mag-damag hindi siya iniwan ni Mac. Ang kababata na rin ang nag-prisintang magbayad ng bail niya. Kahit na ngayon na nasa bahay na siya at kaharap ang tatay at mga kapatid niya para sa pampamilyang interogasyon, hindi pa rin siya iniiwan ni Mac. Kung sabagay, ganoon naman sila talaga mula pagkabata, sanggang-dikit. Idagdag pa na nangako sila noong kinder pa lamang sila na walang iwanan. Dahil ang mang-iiwan bubungiin ni Batman.

      Nakagat ni Gabbie ang pang-ibabang labi niya. Natatawa siya kasi sa pangakong 'yon nila ng kababata. At sa itsura ni Manding Centeno, ang tatay niya, kailangan pumormal siya dahil mukhang binitbit nito ang hangin, kulog at kidlat mula sa kalangitan at handang isambulat sa kanya anumang oras dahil sa bigat ng kasalanan niya.

      "O pa'no na ngayon 'yan?" anang tatay niya, hinigpitan ang pagkakahawak sa saklay nito bago bumuntong-hininga.

      Hindi makasagot si Gabbie. Paano na nga kaya? Jusko, kung alam lang niya kung paano, e 'di sana hindi siya natulog nang magdamag sa presinto!

      Si Mac na ang sumagot, maya-maya. "Susubukan pong kausapin ni Atty. Sandejas ang kampo ni Mr. Castro, Tay Manding. Baka sakaling pumayag sila sa areglo." Sumulyap si Mac sa kanya bago muling ibinalik ang tingin sa tatay niya. "Pero 'yong owner ni Mg Berto, mai-impound po muna 'yon hanggang sa hindi tapos ang kaso."

      Mahinang nagmura si Tatay Manding bago umiling. Napangiwi si Gabbie.

       "E Tay, a-ako na lang po muna ang kakausap kay Mg Berto para po─"

      "H'wag na, Gabriela," mabilis na sambot ni Tay Manding sa akmang pagrarason niya. "Ako ang katransakyon ni Berto at hindi ikaw. Kung sabagay, pinapa-revive lang naman niya sa akin 'yong owner niya na matagal nang nakatambak. Hindi naman siya maaabala talaga dahil may iba pa siyang sasakyan na pwedeng gamitin," Malakas na nagpakawala ng hininga ang ama at tumayo sa pang-isahang upuan sa sala sa tulong ng saklay nito. "Kumain na ba kayo? Nananghalian na ba kayo?"

      Nag-angat ng tingin si Gabbie. Wala na ang delubyo sa mata ng ama, lumambot na ang mukha nito habang nakatingin sa kanya. Agad na nangilid ang luha niya. Hindi naglipat sandali, yakap na niya ito.

      "T-Tay, sorry po. Hindi ko naman po talaga sinasadya e," nauutal na paliwanag niya, panay patak ang luha.

      Gumanti ng yakap ang tatay niya. "Alam ko naman 'yon, anak e. Hindi kita sinisisi. Sadyang minsan, hindi talaga natin maiiwasan ang aksidente. Sa katunayan, mas nag-aalala ako sa 'yo." Kumalas sa pagkakayakap ang ama, sinapo ng isang kamay ang pisngi niya bago siya pinakatitigan. "Hindi ka ba nila sinaktan doon sa presinto? Baka naman nasugod na ang Bataan, hindi ka lang nagsasabi."

      Lumabi siya bago umiling. "Hindi po, Tay. Takot lang nilang masampolan ng pompyang ala-Manding. At saka sinamahan po ako ni Mac, Tay." Binalingan niya ang kababata na noo'y nakaupo sa mahabang sofa sa sala. Naka-dekuwatro na ito habang panay ang dutdot sa cellphone nito. Sinitsitan niya ito. Agad itong nag-angat ng tingin. Minulagatan niya ito bago pasimpleng ikiniling ang ulo sa direksyon ng ama.

      Tumuwid ang likod ni Mac, bago ngumisi. "Opo, Tay. Wala talagang magtangka. Tama po talaga ang sinabi ni Kulasa este ni Gabriela."

      Napabungisngis sina Tori at Manny na tahimik na nakatayo malapit sa divider patungong kusina. Pati ang tatay niya natawa na rin. Sa lahat ng ipapalayaw sa kanya, sa kulasa talaga siya nangigigil. Malakas makapangit!

      "Aba'y mahusay kung ganoon. Puwedeng-puwede pa kitang ibenta sa Raon." Ngumisi ang tatay niya, nangingislap ang mata.

      "'Tay, ano 'ko pyesa?" reklamo niya, nakatiwas ang mga nguso.

      "Aba'y oo, naman! Sa lakas ng radar mo sa chismis, tiyak pag-iinteresan ka pati ni Boy Abunda!"

      Humalakhak si Mac. Nilingon niya ito. "Mamaya ka sa akin, Macario," banta niya, naniningkit ang mata.

      Lalong lumapad ang pagkakangisi nito. "Hintayin ko 'yan, chismosang mimosa de kulasa."

      Naghagikgikan ulit sina Tori at Manny. Nalukot naman na ang mukha niya. Wala talaga siyang laban kapag nagsama-sama ang mga kampon ng kapintasan sa buhay niya.

      Nalaman niyang hindi pumasok si Manny ng araw na iyon dahil wala itong baon. Habang si Tori naman ay naghahanda patungo sa part-time job nito. Buti na lang din wala pa si Lala at wala nang dagdag pa sa mga manlalait sa kanya nang todo. Pero kahit na inaalaska siya ng mismong pamilya niya, mas gusto na niyang naroon siya sa piling ng mga ito kaysa naman sa loob ng malungkot na presinto.

      Inirapan niya kunawari ang mga kapatid. "Kabagin sana kayong mga undin kayo!"

      Natatawang tumalikod si Manny, sinabi nitong maghahanda ng merienda. Si Tori naman nagpaalam na magbibihis na. Muli niyang hinarap ang tatay niya na noon ay masuyong tinapik-tapik ang pisngi niya. Napuno ang puso niya ng pagmamahal para sa kanyang pamilya. Bumangon sa dibdib niya ang kagustuhang ayusin ang gusot na kinasangkutan niya. Na dapat lamang talaga. Dahil kung makukulong siya, na 'wag naman sana, tiyak kawawa ang pamilya niya

      "Pangako, Tay. Aayusin ko po ito,' may pinalidad na sabi niya.

      Ngumiti lang ang tatay niya bago tumango-tango.


*****


      "Girl, ano ka ba? Ayoko nga! Nandadamay ka pa talaga sa kamalasan mo! At saka lalo kang pag-iinitan ni Fafa Phoenix kapag nagpumilit kang pumasok sa kwarto niya, 'no," saway ng nurse na si Brandy kay Gabbie.

      Ka-batch niya ito noong high school at nagta-trabaho rin sa Angelicum Hospital. Sa katunayan isa siya sa mga nagka-crush noon dito. Sino ba naman ang hindi mahahalina sa malalantik nitong pilik-mata, makakapal at natural na maarkong kilay, matangos na ilong at malinis na pananamit. Naglalaro rin ito ng basketball noon. Isa rin siya sa mga nagtitili rito. Kaya lang, nang tumuntong sila sa kolehiyo, nagbago ang lahat. Mas malakas na ang tili nito; numipis na nang numipis ang kilay nito, ang pisngi nito may contour na rin at ang hitad, mas mapula pa ang lipstick kaysa sa kanya. Ladlad galore ang bakla! Marami ang nadismaya, siya, slight lang. At dahil sa parehong college lang sila pumasok, kinaibigan na lang niya si Brandon na ngayon nga ay Brandy na.

      Ngumuso siya at hinawakan ang braso ng kaibigan. Umirap naman ito.

      "Sige na, Brandy. Ito lang kasi ang naiisip kong paraan para makausap ko nang direkta si Mr. Castro," pakiusap niya.

      Rumolyo na ang mata ng bakla, nagtuloy sa nurse's station at inilapag doon ang dala nitong BP App at chart bago humarap sa kanya nang nakapamaywang.

      "Hindi nga puwede, Gabbie." Tumikwas ang nguso nito. Inilabas ang compact mirror sa bulsa at nanalamin. "Nakasalalay ang trabaho at lisensya nating dalawa rito, girl. Ayokong mabahiran ng kahit kudlit man lang ang record ko dito sa ospital." Nag-project ito nang makailang beses sa salamin─ ngumiti, nagpa-cute, at idinisplay ang malalantik na pilik-mata, bago siya muling hinarap. "Ganda ko, 'no?"

      Siya naman ang rumolyo ang mata. "Mas maganda ka kung papayagan mong ako ang kukuha ng blood pressure at temperature ni Mr. Castro!"

      Gumanti ng pagrolyo ng mata si Brandy. "Ayoko nga! Buong araw ko kayang hinintay ito, 'no! Alas dies ng gabi ang duty ko pero alas-kwatro pa lang ng hapon, naka-make up na 'ko ghorl."

      "E isang beses lang naman e. May dalawang beses ka pang pagkakataon na makuhanan siya ng vital signs. Sige na kasi, Brandon Anthony Mijares!"

      Umasim ang mukha ng bakla. "Nagtatawag ka ng isang matagal nang namayapa, girl!"Muli nitong kinuha ang BP app at chart.

      "E sige na nga kasi, Brandy," pilit pa rin niya sa kaibigan.

      Sandali siya nitong pinakatitigan bago, "Mangako kang wala kang gagawing masama ro'n sa loob."

      Tinaas niya ang kanang kamay niya. "Promise!"

      "Hindi lang talaga kita kaibigan..." Iniaabot na nito ang BP App at chart sa kanya nang may maalala. "Sandali, givesung mo muna ang number ni PO3 Rodriguez."

      Nalukot ang mukha niya. "Si Mac?"

      Mabilis itong tumango, namula pa ang mukha.

      "Pinagnanasaan mo si Mac?"

      Pinagdikit ng kausap ang mga labi nito at inipit sa likod ng tainga ang invisible na mahabang buhok nito. "Afflusism, ghorl!"

      Natawa siya bago kinuha ang cellphone sa bulsa ng scrubsuit niya. Mabilis niyang ibinigay ang hinihingi ng bakla. Sigurado siya maghuhurumintado si Mac kapag kinulit-kulit ito ni Brandy. Ilang sandali pa, magpakapanabay silang dalawang nagtungo sa suite ni Mr. Castro. Nabibingi siya sa lakas ng tambol ng dibdib niya. Aba dapat lang! Haharapin niya ang taong nadisgrasya niya na desididong buruhin ang ganda niya sa loob ng seldang maginaw!

      "Tandaan mo, dalawang minuto ka lang sa loob," bilin ni Brandy nang nasa tapat na sila ng suite. Mabilis siyang tumango, huminga nang malalim bago tinulak pabukas ang pinto ng suite.

      Malawak ang VIP suite na kinaroroonan ni Mr. Castro. Kumpleto iyon sa ameneties. May carpeted na receiving area at sala set na gawa sa high quality leather. Sa ibabaw ng center table ay may flower vase na puno ng fresh malaysian mums na kulay puti, yellow, at pink. Sa bandang kaliwa, naroon ang pang-apat na dining set na gawa sa matibay na kahoy, ang personal ref at mini-kitchen. Hindi nalalayo doon ang toilet at bathroom na ayon sa radar niya ay kumpleto sa toilet, rainshower system at bathtub. Humugot siya ng hininga at maingat na humakbang lampas sa frosted glass wall partition patungo sa mismong kinaroroonan ni Mr. Castro.

      Bumungad sa kanya ang magarang hospital bed at ang tahimik na paghihilik ng higante este ni Mr. Castro. Tanging ang malamlam lamang na ilaw mula sa lamp ang ilaw sa parteng iyon ng suite. Ngunit kahit sa distansiya niya mula sa lalaki, tanaw na tanaw pa rin niya ang kagwapuhan nito.

      Gaga! Tinawag ka niyang retarded! paalala ng isip niya. Umingos siya. Oo nga pala.

      Pinatatag niya ang sarili kahit na pakiramdam niya nahihilo na siya sa sobrang kaba bago siya humakbang patungo sa kama. Kaya lang, imbes na gisingin ang pasyente, walanghiya -hiya muna niya itong pinagmasdan. Mahahaba ang pilik, makakapal na kilay na may pahabang pilat sa gitna ang bandang kanan, matangos na ilong, mapupulang labi─ pasok sa kategorya niya ng guwapo. Umahon ang kilig mula sa sikmura niya patungo sa puso niya.

      'Langya! Naiintidihan na niya kung bakit alanganing pumayag si Brandy sa request niya kanina. Kung siya naman talaga ang nurse, kahit tatlong araw siyang walang tulog kaka-duty, masilayan lang niya ang kaguwapuhang iyon, talagang kakaririn niya ang pagpapa-cute. Gagawin din niyang plakado ang contour niya. At kung puwede, magka-camping siya sa kwarto ng basketbolista. Kaya lang, naglaho ang lahat ng ilusyon niya agad nang makita ang naka-cast na paa nito.

      "Are you done, staring?" anang malagom at mamaos-maos na tinig. Nang ibalik niya ang mata sa mukha ng lalaki, dalawang maiitim na mata ang nakatutok sa kanya.

      "M-mag-aano l-lang po ako─"

      "Mag-aano?"

      "A-ano po─"

      "Ano nga?"

      "'Y-yong ano po..." Natatarantang lumunok si Gabbie.

      Inabot ng basketbolista ang remote sa bedside table. Ilang sandali pa bumaha na ang liwanag sa silid. Lalong kumunot ang noo ni Mr. Castro habang nakatitig sa kanya.

      "You were saying?" anito sa awtorisadong tinig.

      "Kukunin k-ko lang po ang BP ninyo at temp."

      Nagbuga ng inis na hininga ang basketbolista. Magkasalubong ang mga kilay na tumitig sa kanya. "Do it quick. I'm sleepy."

      "O-okay."

      Akma na niyang aabutin ang braso nito nang biglang, "Wait!" Agad siyang nag-angat ng tingin, sinalubong ang naniningkit nitong mga mata. "You look familiar."

      "P-po?"

      Lalong naningkit ang mata ni Mr. Castro kapagkuwan'y ngumisi. "You're that retard driver who hit me with your old jeep."

      Umuwang ang mga bibig niya, matalas pala ang memorya ng lalaki. Gusto niyang magrason kaso blangko ang isip niya, natataranta "A... e.."

      "What are you doing here? Ano tutuluyan mo na 'ko?" anito sa nang-iinsultong tinig.

      "S-Sir, h-hindi po-"

      "Sabihin mo nga, sino nag-utos sa 'yo na gawin 'yon sa 'kin?" Umiling siya. "So, ikaw lang 'yon? Why? May personal kang galit sa 'kin?" Ngumisi ito at malisyosong hinagod ng mata ang kabuuan niya. "Bakit, hindi ba kita napagbigyan? Well, you're pretty but not really my type. Pero puwede nang pampalipas oras."

      Napasinghap siya, gulat na gulat sa mga narinig. Hindi niya lubos akalain na manyakis pala ang lalaking basketbolista!

      Lumapad ang pagkakangisi nito. "Well, don't you just stand there. Come and ride me, babe. I swear, I'll give you the best ride of your life."

      Lalo siyang napanganga. Nagpanting na ang tainga niya sa narinig. Tuluyan nang tumaas ang presyon niya.

      "Ang bastos ng bunganga mong hayop ka! Manyak!" Ibinagsak niya ang hawak na chart sa mismong nadisgrasyang paa ng lalaki. Sumigaw ang lalaki, namilipit sa sakit.

      Pabagsak na bumukas ang pinto ng suite. Iniluwa niyon ang gulat na gulat na si Brandy, kasunod ang iba pang nurses at staff na naeskandalo sa lakas ng alarm sa suite na maaring pinindot ng manyak na lalaki.

      Hinarap niya ang kasamahan.

      "Kapag naghingalo, h'wag niyong ire-revive ang hayop na 'yan! I repeat! Do not resuscitate!Do not resuscitate!" Nanggigigil na pahayag niya bago nagmartsa palabas ngsuite. ###

2208words/10:33am/02042020
#AccidentallyInLoveHDG

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro