Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 19: Dream Of Me


      Panay ang hikab ni Gabbie habang nasa sasakyan sila ni Phoenix. Patungo raw sila sa bahay ng isa sa pinakamatalik nitong kaibigan sa San Gabriel. Kung siya ang masusunod, baka bumorlogs na lang siyang maghapon dahil for two days in a row, puyat na naman ang ganda niya.

      Paanong hindi siya mapupuyat kagabi, matapos nilang sumayaw nang magkayakap sa veranda, inaya siya nito sa mancave nito sa basement ng mansiyon. Kumpletos rekados ang mancave ng masungit. Mayroong game area, bar, at mini-theater. Doon sila nagbabad sa mini-theater. Puro comedy ang pinanood nila at hindi sila tumigil sa katatawa hanggang alas-dos ng umaga. Ang akala niya, makakabawi siya ng tulog ngayong araw kaya lang, wala pang alas-otso ng umaga, kumakatok na ang masungit sa kuwarto niya at ginigising siya para puntahan ang kaibigan nito.

      Patamad siyang sumandal sa backseat ng kotse, inayos ang shades niya bago nagbuga ng hininga.

      "Ayos ka lang?" ani Phoenix na nasa tabi niya.

      "Inaantok ako. H'wag kang magulo," supladang sagot niya, bago pumikit.

      Bahagya itong natawa. "Weak. We just watched movies. Paano na lang pala kung sa ibang bagay tayo napuyat?"

      Nagmadali niyang inalis ang shades niya at bumaling dito. "E anong ibang bagay pa ba ang pagpupuyatan natin?" naiimbyernang tanong niya.

      Natawa lang ito bago ibinaling ang tingin sa labas. Pati si Mg Nanding na nasa manibela, nakitawa rin. Napairap siya. Mukhang may sariling mundo ang mag-amo. Muli niyang isinuot ang kanyang shades at sumandal ulit sa upuan. Inabala niya ang sarili sa pagbibilang ng mga puno.

      Ilang sandali pa, naamoy na niya ang tubig-alat. Napatuwid siya ng upo at nagpalinga-linga. Nasa daan na sila na naliligiran ng mga puno ng niyog. Sa 'di kalayuan, naroon ang puting dalampasigan at asul na dagat.

      "Wow, beach!" bulalas niya. Bata pa siya nang huli siyang magtungo sa beach kaya naman sobra siyang natutuwa nang makita iyon.

      Nilingon siya ni Phoenix. "I thought you're sleepy?"

      Umingos siya. "E may beach e. Bakit ba?"

      Humugong ito. Bumulong-bulong din nang hindi niya maintindihan. May hanash na naman siguro, naisip niya.

      Tumigil sila sa harap ng isang lumang beach house na gawa sa bato at kahoy. Luma subalit halatang alaga ang bahay. Patunay niyon ang luntiang bermuda grass at ang mga namumulaklak na potted plants sa paligid niyon.

      Unang bumaba ng kotse si Phoenix. Nagpatiuna itong naglakad papasok sa entrada ng white picket fence na nakapalibot sa buong bahay. Tahimik siyang sumunod habang ipinapaikot ang tingin sa paligid.

      "There you are, psycho!" anang malagom na boses mula sa loob ng bahay. Lumabas mula sa front door ang isang guwapong lalaki na hindi nalalayo ang tangkad kay Phoenix. Gray ang kulay ng mga mata nito at halatang may lahing banyaga. "How's the leg, psycho?" anito.

      "Bad news for you, I'm still gonna walk," sagot ni Phoenix, nagyayabang.

      Natawa ang lalaki bago bumaling sa kanya. Mabilis itong nagpagpag ng kamay bago iyon inilahad sa kanya. Alanganin niya iyong tinanggap. "Hi! I'm Carlo Reyes. I'm so glad to finally meet you, Ms. Maria Gabriela Tereza Nunez Centeno. Twenty six years old. Eldest among four siblings. A resident of Zone 6 Lot 11 Brgy Happy Village."

      Alanganin niyang binawi ang kamay sa lalaki at napatingin kay Phoenix.

      "Dammit, Carlo! You're freaking her out!" saway ni Phoenix sa kaibigan, kunot ang noo.

      "Sorry, old habits die hard," natatawang sabi ni Carlo. "Kung hindi ka pina-background check sa akin nitong si Phoenix, I wouldn't know."

      Napanganga siya. Tama ba ang dinig niya? Pina-background check siya ng masungit!

     "Carlo!" saway ulit ni Phoenix.

      Hindi pa man siya nakakapagpasya kung anong reaksyon niya sa nalaman, lumabas naman si Dax at nakangising tinapik-tapik ang balikat ni Phoenix. Mas lalo itong gumuwapo sa paningin niya ngayong naiilawan nang husto ang mukha nito. Napaka-outgoing din ng aura nito sa suot nitong kaswal na boardshorts at kamiseta. Nang dumako ang mata nito sa kanya, nilapitan siya nito at nagpakilala rin.

      "Hi! We've met the other day. But my psycho friend Phoenix did not properly introduce us." Masuyo nitong kinuha ang kaliwang kamay niya, hinalikan iyon bago, "I am Dax Lavigne, mon cherie. At your service."

      "Shut it, Dax!" abot-langit na reklamo ni Phoenix, pulang-pula ang mukha. Binitiwan ni Dax ang kamay niya at nawiwiling nakipag-apir kay Carlo. Kung anong nakakatawa, malay niya.

     Nangunot-noo siya, wala sa sariling bumulong. "L-Lavigne? Kaano-ano mo si Dr. Matthew─"

      "He's my brother," mabilis na sagot ng lalaki.

      Hindi naglipat sandali, sinalubong sila ng isang mala-diyosa sa gandang babae. Namimintog na sa laki ang tiyan nito subalit maganda pa rin. Lumapit ito sa kanya at ngumiti.

      "Boys will be boys. Pasensiya ka na. Kulang pa 'yan sila. Mamaya pa ang dating ni Trevor at ng iba pa. By the way, I'm Raine. I'm Carlo's wife. You must be Gabbie, right?" Tumango lang siya. Inilahad nito ang kamay sa kanya, alanganin niya iyong tinanggap. "Nice to meet you. Come inside. We've prepared breakfast." anito, bago siya iginiya papasok ng bahay.

      "M-may okasyon ba?" hindi niya napigilang tanungin nang makitang nagkalat ang mga party banners at blue balloons sa loob ng bahay.

      "It's actually my baby shower," nakangiting sagot nito bago marahang hinaplos ang tiyan nito. "Kabuwanan ko na kasi. But we can't go back to Italy yet kaya dito na lang muna kami magse-celebrate sa San Gabriel, with some of our close friends. Sorry we have to drag you all here this early because my pregnancy hormones are acting up late in the afternoon until evening," kaswal na paliwanag nito.

       Isang walang tunog na ah lang ang naisagot ni Gabbie. Pinag-aaralan niya kasi si Raine. At base sa pananaliksik ng kanyang mga braincells na minsan ay inggitera, walang duda, ka-lebel din ng mga sosyalera ng San Gabriel si Raine. Pero magaan ang loob niya rito. Hindi kagaya ng mga babaeng umokray sa kanya sa party kagabi. Maya-maya pa, iginaya siya ni Raine sa mahabang mesa sa komedor.

      "Uy, kilala kita!" bulalas ng may katabaang lalaki na noon ay kasalukuyang kumakain sa harap ng hapag.

      Nangunot-noo siya. Pamilyar din sa kanya ang mukha nito.

      "Rolly, si ano o..." sabi pa nito, bago sinitsitan ang isa pang lalaki na kasama rin nitong kumakain. Nag-angat din ng tingin ang isa pang lalaki at tumingin sa kanya. Pamilyar din ang mukha nito.

      "Kilala niyo si Gabbie?" ani Raine.

     "Gabbie! Oo, ikaw nga!" bulalas ng matabang lalaki. Tumayo ito at nilapitan siya. "Hindi mo ba ako natatandaan? Ikaw ang nag-therapy sa amin nitong si Rolly sa ospital noong madale kami dahil inupakan namin 'yong grupo ni Boy Todas," paliwanag nito, tila nagyayabang.

      Sandali siyang nag-isip, kapagkuwan'y umiling.

      "Paanong hindi mo 'ko natatandaan e ako nga 'yong star player ng Brgy. Happy Village sa basketball. Gan'to o?" Pumorma ito na parang magsu-shoot. Kaya lang, hindi niya talaga ito maalala.

      Kapagkuwan'y may luminaw na eksena sa memorya niya. "Si Kuya lang po ang naaalala ko e," nakangiwing sabi niya bago nahihiyang tinuro ang tinawag ng lalaki na Rolly. Bumaling siya rito. "'Di po ba dati kayong tanod sa Barangay Happy Village?"

      Umaliwalas ang mukha ng lalaki, napatayo na rin sa hapag. "Oo! Ako nga 'yon," masayang sagot nito. "Si Kuya Lui hindi mo naalala? Siya 'yong huling napagtripan nina Boy Todas noon. 'Yong nalaglag pa sa kanal. 'Yong nakomang."

      "Langya naman Rolly e. Kung anu-anong pinapaalala mo," reklamo ni Kuya Lui, nagkamot pa ng ulo.

      Natutop niya ang bibig at pinigil ang mapahagikgik. Natatandaan na nga niya ito! Natatandaan na niya ang Pamilya Reyes. Pumupurol na talaga ang memory niya. Paano bang hindi niya agad naala ang mga ito, e bukod sa naging pasyente niya noong OJT pa lamang siya sina Kuya Lui at Kuya Rolly, favorite topic din nina Aling Lolita at ng buong sandatahan ng mga chismosa ng barangay ang Pamilya Reyes nitong nakalipas na maglilimang taon? Dito pala sa San Gabriel napadpad ang mga ito mula nang umalis sa Barangay Happy Village.

      "Ba't ka nga pala nandito?" si Kuya Rolly, maya-maya.

      "Kasama siya ni Phoenix," sambot agad ni Raine.

      "Nand'yan si idol kung gano'n," bulalas ni Kuya Lui, umaliwalas na ang mukha.

      Noon naman pumasok sa komedor sina Dax, Carlo, at Phoenix.

     "Idol!" ani Kuya Lui, nilapitan pa si Phoenix at kinausap. "Nakakulong na ba ang may gawa sa 'yo niyan idol? Magsabi ka lang kung hindi pa," dugtong pa nito bago pinag-flex ang taba nito sa braso.

      Hindi sumagot si Phoenix, bagkus ay ngumisi lang sa kanya. Agad namang rumolyo ang mata niya. Kotang-kota na siya sa pagbabanta ng mga die-hard fans ng amo niya.

      Ilang sandali pa, may pumasok sa komedor na dalawang lalaki. Ang isa naka-man bun, ang isa naman army cut ang gupit. Maraming pagkakahawig ang facial features ng mga ito, maging ang hubog ng katawan hindi rin nagkakalayo. Sigurado siya, kung hindi magkapatid ay magpinsan ang mga ito. Napansin din niya na parehong may earpiece ang dalawa, 'yong gamit ng mga bodyguards na nakikita niya sa mga pelikula.

       "Paul's here," anunsiyo ng naka-man bun bago lumapit kay Carlo at bumulong.

      Lahat sila napatingin sa entrada ng komedor nang bumungad doon sina Paul at ang isinumpa niyang babaeng may malaking boobelya na si Nikki Salvatierra. Magkahawak-kamay ang mga ito na labis niyang ipinagtaka.

      Nahigit niya ang kanyang hininga. Lumipad ang tingin niya kay Phoenix. Mabilis itong nakipagkamay sa mga bagong dating. Kuntodo pa ang ngiti na parang wala lang.

      "Congratulations on getting hitched!" nakangiting bati ni Carlo kay Paul at Nikki.

      Bigla siyang naguluhan. Hitched? 'Di ba ibig sabihin no'n ikinasal? Ikinasal si Paul at Nikki? Pero hindi ba si Phoenix ang...

      Napaigtad siya nang may biglang magsalita sa kung saan. Nang lingunin niya, isang ale na may pamilyar na mukha ang nakita niya. Nakasuot ito ng makulay na daster na katerno ng tsinelas nitong alpombra. "Puno na naman pala ng mga higante ang komedor," walang ganang komento nito.

     "Nay, bisita silang lahat nina Carlo at Raine," saway ni Kuya Lui.

      'Nay? Namilog ang mata niya. Tama, ito ang mananahing si Aling Cion! Naranasan niyang magpa-repair ng uniform dito noong high school. Gusto sana niya itong kausapin upang magpakilala kaya lang umasim ang mukha nito.

       Sandaling umirap ang ginang, tumikhim, tila nag-iinternalize. Kapagkuwan'y ngumiti bago ibinuka ang mga braso at bumulalas ng, "Welcome to Reyes Beach House! Your house away from your house! Roses are red. Violets are blue. The grass is green and so are you. The purpleheaded mountain. The river running by. The sunset and the morning. That brightens up the sky. Welcome to Reyes Beach House!"

      Napanganga siya sampu ng mga kasama niya sa komedor. Marahil gaya niya, may dalang slight na windang sa braincells nila ang pa-welcome ni Aling Cion. Maya-maya pa, namaywang ang ginang. "E ano pang tinatanga ninyo? Aba'y magsiupo na kayo nang makakakain na kayo. Alangan namang ipaghila ko pa kayo ng upuan─"

      "Nay!" si Kuya Lui ulit, kunsomido na.

      Sandaling nanulis ang nguso ng ginang bago ngumiti, inilahad ang kamay sa mesa. "Ladies and gentlemen, come and eat the table... este come..." Natigilan ito, tila nag-iisip. "Basta kumain na lang kayo," dugtong nito tunog aburido, nagkamot pa ng ulo.

      Nagmadaling umupo ang ilang bisita at nagsimula nang kumain. Siya naman ay kusang lumapit kay Aling Cion na noon ay kasalukayang kausap sina Carlo, Paul at Nikki. Nakita pa niya kung paano sinuyod ng tingin ni Aling Cion si Nikki bago ito tinawag na pinagpala.

      Nang bumaling ang ginang sa kanya, agad itong nangunot-noo. "Pamilyar ang mukha mo, hija?"

      Awtomatiko siyang ngumiti, "Aling Cion─"

      Malakas itong tumikhim. "Madam Cion na ako ngayon, hija."

      Napangiti siya kahit na napahiya. "M-Madam Cion, ako po si Gabbie. Taga-Barangay Happy Village po ako. Tatay ko po si Armando Centeno, 'yong nag-aayos po ng sasakyan at nagda-drive po ng jeep ni Aling Lolita."

      Umaliwalas ang mukha ng ginang. "Aba'y oo nga! Natatandaan na kita. Ikaw 'yong panganay na anak ni Manding. Ikaw rin 'yong kasamang nag-therapy kina Lui at Rolly sa ospital." Sinuyod din siya ng tingin ng ginang. "Napaka-cute mong talaga!" anito.

      Pinilit niya ang ngumiti. Naging aktibo na naman kasi ang pagiging insekyora niya. Bakit si Nikki sinabihan nito ng pinagpala samantalang siya cute lang?

      "Aba'y bakit ka naparito sa San Gabriel, Gabbie?" pukaw na tanong nito maya-maya.

      "Kasama ko po siya, Tita," mabilis na sagot ni Phoenix habang palapit sa kanya.

      Kitang-kita niya kung paano pinakatitigan ni Madam Cion si Phoenix. Naningkit ang mata nito pagkatapos. "Gelprend mo ba itong si Gabbie, Phoenix?" dire-diretsong tanong ng ginang.

      "Naku hindi po!" mabilis niyang tutol. Marahas siyang umiling. "Ano ko lang po siya... ano... pasyente?"

      Tumitig sa kanya si Madam Cion bago tumango-tango. "Mabuti naman kung gano'n. Hindi muna kita papangaralan ng mga adhikain ng isang dalagang pilipina," anang ginang. Muli, alanganin siyang ngumiti.

      Ilang sandali rin silang nag-usap tungkol sa mga ganap sa barangay bago siya tuluyang pinaupo ng ginang sa hapag. Magana silang kumain pagkatapos. Nang matapos ang agahan, dumiretso sila sa likod bahay kung saan naka-set up ang party area malapit sa pool. Doon niya nakilala ang iba pang miyembro ng pamilya Reyes─ mula sa mga asawa nina Kuya Lui at Kuya Rolly, hanggang sa pinagpalang lahi na mga anak nina Raine at Carlo.

      Nang sandali siyang iwan ni Phoenix upang kausapin sina Carlo, Dax at ang bagong dating na kaibigan din daw nito na si Trevor, nilapitan siya nina Paul at Nikki.

      "Can we talk," ani Nikki, bago ngumiti.

      Natensyon siya. Ayaw sana niya. Imbyerna pa rin siya sa babaeng pinagpala e. Kaya lang, mas lamang ang lohika niya nang mga oras na iyon kaya umoo na lang din siya.


*****


      Matagal na siyang iniwan nina Paul at Nikki sa gazebo sa lawn ng beach house, kaya lang hindi pa rin siya makaalis doon dahil sa mga nalaman.

      Apparently, sina Paul at Nikki pala talaga ang matagal nang magkarelasyon. Kaya lang hindi boto ang super controlling step-mother at manager ni Nikki sa relasyon ng dalawa. Kahit daw kasi na galing sa kilalang angkan si Paul, hindi ito sikat at walang maitutulong sa status ni Nikki bilang model. Kaya rin daw nag-stage sila ng barbecue date noon sa penthouse ni Phoenix para isipin ng step-mother ng babae na si Phoenix ang bago nitong idini-date. At upang wala nang magawa pa ang stepmother ni Nikki sa relasyon ng dalawa, lihim na nagpakasal ang mga ito at nag-honeymoon sa penthouse ni Phoenix. Ibig sabihin, noong nagpunta siya sa penthouse, si Paul ang kasama ni Nikki at hindi ang masungit!

      Hindi niya alam kung matutuwa siya o maiimbyerna sa nalaman. Naiimbyerna siya dahil alam na niya ngayon na walang silbi ang ipinagngalngal niya ng ilang araw. Wala palang basis ang pagngawa niya to death. Nag-ipon lang siya ng eyebags at sama ng loob. Dapat sana natutuwa siya sa nalaman kaya lang lalo siyang naguluhan. Hindi kasi sinagot ni Paul ang tanong niya na "Kung kayo ni Nikki, bakit mo 'ko binalak ligawan?"

      Nginitian lang siya ni Paul at sinabing, "Itanong mo na lang kay Phoenix."

     Nanulis na naman ang nguso niya. Bakit siya magtatanong kay Phoenix? Totoong nananalaytay sa dugo niya ang pagiging chismosa pero hindi naman gano'n kakapal ang mukha niya para kuwestiyunin pa si Phoenix. Baka maisip pa nito na umabot hanggang sunod na planeta ang pagseselos niya kay Nikki kaya niya gustong i-achieve nang bonggang-bongga ang pagpapakalayo-layo.

      "Na siya naman talagang totoo," hirit ng isang parte ng isip niya.

      Umirap siya sa hangin at hinarap ang baybayin. Nagkokontrabida na naman ang isip niya. Hindi niya tuloy alam kung paano na naman papakiharapan si Phoenix. Nag-inarte siya e. Nagmaganda pa. For what?

      "Hey, I've been looking for you everywhere," ani Phoenix na noon ay nasa likod na pala niya. Magaan ang ngiti nito, pati ang mukha nitong gwapo, maaliwas.

      Masarap mahalin, anang puso niya.

      Napalunok siya at hinamig ang sarili. "A-ano... n-nagpahangin lang ako. Oo, nagpahangin lang ako kaya ako nandito," natatarantang paliwanag niya.

      Ngumiti lang ulit ito bago tuluyang lumapit sa kanya. "Did they tell you why they were at my house when you visited?"

      Kumabog ang dibdib niya. Pinanatili niya ang tingin sa baybayin bago tumango.

      "I gave the newly weds access to my house on Monday morning and rented again a suite at Gold Hotel. Henri comes by everyday to continue my therapy with our team's in-house physical therapist. Not that I don't trust your skills pero si Henri ang walang tiwala sa akin. Kasi alam niyang magpapabaya ako kapag walang nagbabantay sa akin."

      Napakurap-kurap siya, nanikwas ang nguso. "K-kaya ba hindi mo man lang ako nagawang i-text?" aniya, may bahid hinanakit.

      "That... was my fault." Bahagya itong natawa. "Naiwan ko ang cellphone ko sa penthouse. And I don't want to barge in my own house just like that. Who knows what those two were doing? I called the land phone many times but Paul, being as horny as he had always been, didn't want to leave my house and give me my phone. Not until last Thursday when I had to go home and pick up the things I'd be needing in going home here in San Gabriel." Mahina itong nagmura bago umiling-iling.

      Nanulis naman ang nguso niya kahit na sana gusto na niyang mag-victory dance. Kumpirmado, wala talaga itong relasyon kay Nikki, ang babaeng pinagpala.

      "Were you jealous of Nikki?" diretsong tanong nito maya-maya.

     Agad siyang naeskandalo sa tanong. "H-hindi a!" natatarantang sagot niya.

      "Then why do I feel like you're distancing yourself from me eversince Nikki and I's supposed date?"

      Nakagat na niya ang pang-ibabang labi, lalo siyang nataranta. "Ha? Ano... ano lang 'yon.. f-feeling mo lang 'yon. Oo, feeling mo lang."

     Humugong ito, ngumiti. "So, what's your decision?"

      "S-saan?"

      "Will you still push through with the new agreement?"

      Napalunok siya. Oo nga pala, kahit na anong tanggi niya ngayon, may ebidensya ang pagmamaganda niya. Subalit bago siya makasagot, tinawag na sila ni Paul. Mag-uumpisa na raw ang party. Napilitan silang muling bumalik sa pool side.

      Malapit nang magtanghali nang mag-umpisa ang party. Nagkaroon ng mini parlor games ang mga bagets sa pangunguna na rin ni Ate Jenna, ang asawa ni Kuya Rolly na siya rin tumayong emcee. Matapos niyon, nagbigay ng message ang mga kaibigan nina Carlo at Raine. Sumunod ang opening of gifts para sa baby. Isang sosyal na klase ng baby bouncer ang regalo ng masungit. Tuwang-tuwang nagpasalamat si Raine sa regalo ng amo niya. Si Carlo naman nagbiro na hindi na raw kuripot si Phoenix.

      Bigla tuloy niyang naisip kung ganoon din ba kagalante si Phoenix kapag ito naman ang naging tatay. Magiging spoiled din ba ang mga anak nila?

      Nila.

      Nanlaki ang mga mata niya. Naeskandalo siya nang bonggang-bongga sa naisip! Mabilis niyang ininom ang juice na nakasilbi sa harap niya dahil biglang nanuyo ang lalamunan niya. Juskolerd! Kung saan-saan na naman nagsususuot ang lintek na isip niya!

      "Kumanta naman tayo mga madlang pipol!" pukaw maya-maya ni Ate Jenna. "Sayang ang renta sa videoke o," dugtong pa nito. Bumaling ito sa lamesa nina Trevor at Dax. "Dax kanta ka," aya nito.

      Ngumiti ang lalaki, ipinagmalaki ang dimples bago tumayo at tinanggap ang mic. "I want to sing a duet. Sino ang puwede?" deklara ng lalaki habang ipinaiikot ang mata sa lugar.

      "Si Gabbie!" ani Ate Jenna. "Tanda ko pa, dati 'yang member ng choir sa parokya."

      Napasinghap siya, nataranta. Mahigit isang dekada na 'yon, bago pa mamatay ang nanay niya. Puno na nga ng lumot at agiw ang lalamunan niya e sa sobrang tagal na niyang hindi kumakanta.

      Juskolerd!

     Ngumiti si Dax at nilapitan siya. Inilahad nito ang kamay sa harap niya. "Mon cherie, will you sing this duet with me?"

     Ayaw sana niya kaya lang nag-cheer na ang mga kasama niyang bisita. Bumaling siya kay Phoenix. Wala itong imik, busy sa pagkalikot ng phone nito. Napilitan tuloy siyang tanggapin ang kamay ni Dax at nagpagiya malapit sa videoke machine.

      Nanginig pa siya nang pumailanlang sa ere ang kantang Destiny. Magaling kumanta si Dax, swabe ang boses nito at masarap pakinggan. Kaya naman kinarir din niya ang pagkanta. Tinodo niya ang effort hindi lang ng kanyang lalamunan pati na rin ng kanyang puso, atay at balunbalunan. Ilang sandali pa, nairaos din nila ang hindi inaasahang duet.

      Nagpalakpakan ang lahat. Maganda raw ang boses niya, parang siya. Hinalikan pa siya ni Dax sa pisngi at nagpasalamat.

      Pagbalik niya sa upuan niya, naka-display na ang pre-sungit look sa mukha ng amo niya. Hindi na siya pinansin ni Phoenix maghapon.


*****


      Hapon na sila nakauwi mula sa beach house. Napasarap kasi ang kuwentuhan ng mga magkakaibigan na ayon sa kuwento ni Raine ay tinaguriang SGA Hotties noong highschool. Maging siya masayang nakipagkwentuhan kina Aling Cion, Ate Paula, ang asawa ni Kuya Lui, at Ate Jenna. Nang magpaalam ang mag-asawang Paul at Nikki, sumunod na rin sila ni Phoenix. Wala silang imikan habang pabalik ng mansyon. Maging nang makauwi sila, ganoon pa rin ang aura ng amo niya. Gusto sana niyang magtanong kaya lang madalas naman itong gano'n─ nagsusungit kahit walang dahilan.

      Pagdating ng hapunan, nang hindi sumabay sa kanila ni Lola Candi ang masungit, sigurado na si Gabbie, may pinaglalaban nga ang amo niyang masungit.

      Mag-aakyat na sana si Manang Aida ng hapunan sa kuwarto nito kaya lang nagprisinta siya na siya na lang ang gagawa. Abot-langit ang kaba niya habang bitbit ang tray ng pagkain at patungo sa kuwarto ni Phoenix. Subalit agad din iyong napalitan ng pagkamangha nang may marinig siyang naggigitara sa loob ng kuwarto nito. Bahagyang naka-ungap ang pinto ng kuwarto nito, doon niya sinilip ang amo.

      May kalong itong acoustic guitar─ seryosong kinakalabit iyon habang kumakanta.

      And this could be good
      It's already better than that
      And nothing's worse
      Than knowing you're holding back
      I could be all
      That you needed
      If you let me try

      You said it again
      My heart's in motion
      Every word feels like a shooting star
      Watching the shadows burning in the dark
      And I'm in love
      And I'm terrified
      For the first time
      In the last time
      In my only life

      Nakagat niya ng pang-ibabang labi niya. Umalon ang walang pagsidlan ng kilig mula sa tiyan niya patungo sa puso niya. Hindi kasing ganda ng boses ni Dax ang boses ni Phoenix, pero para sa kanya, sa puso niya, wala nang iba pang gaganda sa boses ng mahal niya.

      Nanatili siya sa puwesto niya hanggang sa matapos ang kanta. Maya-maya pa, nag-angat ito ng tingin. Nagulat pa ito nang magtama ang mata nila.

      Awtomatiko itong nangunot-noo. "Kanina ka pa?"

      Napalunok siya, alanganing tumango. Marahas itong nagbuga ng hininga, isinandig nito sa kalapit na dingding ang gitara bago tumayo mula sa kama. Lumapit ito sa pinto at niluwangan ang pagkakabukas niyon.

       "A-ako na nagdala ng dinner mo," aniya, may halong nginig ang tinig bago tuluyang pumasok sa kwarto nito.

      "Just put it on the side table," malamig na utos nito.

      Nang mailapag niya ang tray, plinano niyang umalis na sa kwarto nito kaya lang, iniharang nito ang sarili sa pintuan. Sandali siya nitong pinakatitigan bago marahang sinara ang pinto sa likod nito.

      Nataranta na siya. Nililigalig na naman ng mga mata nitong may agimat ang huwisyo niya. "P-Phoenix..." bulong niya, nanginginig ang labi.

      "Hmm..."

      "B-baka pwede na 'kong magpahinga?" sagot niya, natataranta pa rin.

      Hindi ito umimik, nanatiling nakatitig sa kanya. Maya-maya pa, humakbang ito palapit sa kanya. "Gabbie..." usal nito nang tuluyan itong makalapit bago masuyong hinaplos ang kanyang pisngi. Napalunok siya, nangatog na rin ang mga tuhod niya.

      Nang unti-unti nitong ilapit ang mukha nito sa kanya, kusa na siyang napapikit. Nagra-riot na ang mga hormones niya! Jusko! Magtutukaan na ba talaga sila?

      Maya-maya pa, tuluyan nang lumapat ang malambot nitong labi sa kanya. Masuyo noong una, tila dinadama nang husto ang kanyang labi, pinag-aaralan. Hanggang sa hapitin na nito ang beywang niya at lalong pinagdikit ang kanilang mga katawan. Lumalim na ang halik, naging mapaghanap ang mga labi ni Phoenix. Nagsimula na rin siyang manghina. Kusa na siyang napakapit sa leeg nito dahil kapag hindi niya ginawa 'yon, sigurado, dadausdos na siya sa sahig. Wala na siyang lakas. Ang lohika niya, kanina pa naglayas, wala nang iba pang naiisip kundi ang matitipunong braso nito Phoenix at ang maekspertong paghalik nito sa kanya. Kusa na siyang nagpatangay sa sensasyon na dulot ng halik ni Phoenix. Tuluyan na siyang nagpalunod sa sandali.

      Subalit nang maglumikot ang kamay nito at pumisil sa kanyang dibdib, natilihan siya at pilit na kumalas kay Phoenix. Naguguluhan siyang napaatras siya. Taas-baba ang kanyang dibdib habang manghang nakatitig sa lalaki. Habol din ito ang hininga habang seryosong nakatitig sa kanya. Sa mga mata nito, nakabakas ang hindi maikakailang pagnanasa.

      "I won't say sorry for that," anito sa pagitan ng mararahas na paghinga.

      Hindi siya sumagot, wala sarili siyang napahawak sa kanyang dibdib. "M-matutulog n-na ko," nauutal niyang paalam bago binalak tunguhin ang pinto. Subalit bago siya makalayo, hinigit nito ang isang braso niya, mabilis na sinapo ang kanyang batok bago siya muling siniil ng halik. Bumalik sa pagiging masuyo ang halik. Hanggang sa maramdaman niyang kusa na siyang tumutugon sa halik ng lalaki. Mahina itong nagmura bago puno nang pag-aalinlangang tinantanan ang mga labi niya.

      "Dream of me and no one else," bulong nito bago siya tuluyang binitiwan.

      Wala sa sarili siyang tumango. Kalat-kalat ang lohika niyang lumabas ng kwarto. Nang marating ni Gabbie ang kanyang kuwarto, nanghihina siyang nahiga sa kama. Dinama niya ang kanyang mga labi at pumikit.

      Si Phoenix ang kanyang first kiss.

      Napangiti siya.

      Pinagbigyan niya ang sariling mangarap hanggang umaga.###

4400words/4:30pm/06172020

#AccidentallyInLoveHDG







































Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro