Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 16: The Chase


      Panay ang hikbi ni Gabbie habang minamarathon ang mga pelikula ni Vice Ganda. Kasalukuyan siyang nanonood ng Beauty and The Bestie nang may tumampal sa noo niya.

      Galit siyang nag-angat ng tingin. "Masakit 'yon, ha!" singhal niya kay Brandy na nakatayo na pala sa tabi niya nang 'di niya namamalayan.

      Umingos ang bakla, namaywang. "Gaga ka ba? Pelikula ni Meme Vice 'yang pinapanood mo. Girl, comedy 'yan tapos ngumangalngal ka diyan! Nakakaibyerna ka talagang babae ka!"

      Lumabi siya, lalong ibinuro ang bigat niya sa sofa at hinigpitan ang pagyakap sa throw pillow. Nasa apartment siya ng kaibigan. Doon siya dumiretso matapos mawindang ang kanyang buong katauhan sa eksenang natagpuan niya sa penthouse. Naisip niya kasi, hindi siya puwedeng ngumalngal sa bahay nila. Kaya heto siya ngayon, naglulungga sa bahay ni Brandy.

      "Kaya nga 'ko naiiyak kasi hindi ako makatawa e," sagot niya sa pagitan ng paghikbi.

        Nakunsumi ang bakla, ilang beses inihilamos ang kamay sa mukha. "Juskolerd! Ang wrinkles ko, puwede nang ikilo!" umpisa nito bago umupo sa tabi niya. "E ano ba kasing nangyari? Kanina pa kita kinakausap ayaw mo namang magsabi."

      Tumulo ulit ang luha niya sa sinabi ng kaibigan. Nag-replay kasi sa isip niya ang eksenang nadatnan niya sa penthouse─ kung paanong kumirot at nadurog ang puso niyang inosente na mahilig magbigay ng meaning.

      Nagpunas siya ng luha at umayos ng upo sa sofa. Sa mabilis na salita, ikinuwento niya ang nadatnan niyang eksena sa penthouse ng masungit. Muli siyang napalabi pagkatapos. "Bakla, ang ganda niya. Makinis tapos malaki..." Napahikbi siya at wala sa sariling itinakip ang kamay sa kanyang dibdib. "Nagmukha akong luray-luray na basahan."

      "U-huh."

      Naguguluhan siyang sumulyap sa katabi. Nalukot ang mukha niya nang makitang abala ito sa pagba-browse ng cellphone nito at halatang hindi nakikinig sa kanya.

      "Bakla, nakikinig ka ba?" naiinis at naghihinanakit na sita niya.

      "Oo naman!" Nagpatuloy ito sa pagkalikot sa cellphone nito. "Kabogera sa ganda si Nikki. Talo ang kutis mo. Wala ring panama ang suso mo. In short, bog ang beauty mo."

       Naiinis niyang hinampas ang braso nito.

      "Aray ha! Bakit ka ba nananaket? Nagsasabi lang naman aketch ng sa true?" reklamo nito, ibinaba sa center table ang cellphone nito at hinarap siya. "Girl, tingin ka do'n sa bintana." Nilingon niya ang tinuro nitong sliding window na halatang hindi pa nalilinisan kaya maalikabok. "Nakikita mo ba 'yong maliit na alikabok do'n sa pinakagilid ng salamin?"

      Nagpunas siya ng luha at pinasingkit ang kanyang mga mata na para bang kapag ginawa niya 'yon, makikita niya ang tinuturo ng kaibigan. "Sa'n d'yan?"

       "Hindi mo rin makita, no? Pero hindi ibig sabihin wala d'yan. Mas visible nga lang 'yong ibang dumi kaya 'yon ang napapansin natin. Ayon, gano'n ka kay Phoenix. Nandiyan ka sa harap niya, pero hindi ka niya makita dahil may ibang girlalo na mas visible sa paningin niya. Kaya kahit na mag-cartwheel, split at kandirit ka pa sa harapan ni Fafa, hindi ka niya mapapansin kasi sa iba siya nakatingin. It all boils down to focus."

      Bumaling siya sa kaibigan. Nasaktan siya sa sinabi nitong katotohanan. "So invisible ako?" Napalabi siya. "Gago 'yon, a! Ano 'ko, hangin?"

      "Malamang! Sabi mo, noong pumunta sa bahay ninyo at nasenglot, hindi naman manliligaw. E baka kasi hindi naman talaga manliligaw, dumadalaw lang bilang... friend."

      Muli niyang niyakap ang throw pillow at sumandal sa sofa. "Maghapon kaming magka-text no'ng Linggo ," mangiyak-ngiyak niyang sumbong.

      "Bored lang 'yon kaya ka niya pinagtiyagaan."

      Sinamaan niya ng tingin ang bakla. "Ang sakit mo namang magsalita! Sabunutan kita d'yan e!"

       Nalukot ang mukha ng bakla. "Alam mo ikaw, magulo ang utak mong babaita ka. Akala ko ba ayaw mo na sa kanya? Akala ko ba ia-achieve mo na ang pagmo-move on kasi nga sabi mo hindi siya magiging iyo kahit na kailan? E ano ba kasing script ang gusto mong sabihin ko? Na mahal na mahal ka ni Phoenix at mangingisay siya at bubula ang bibig kapag nawala ka sa buhay niya? 'Yon ba?"

      'Yon ba ang gusto niya? Siyempre! Pero sarili lang niya ang lolokohin niya 'pag gano'n dahil hindi naman 'yon ang totoo. Invisible nga talaga 'ata siya para kay Phoenix at kahit na saang anggulo niya tignan, hindi siya nito gusto.

      Nagbuga siya ng pagod na hininga bago ibinuro ang mukha sa throw pillow at doon muling ngumalngal. "Ayoko na. Bakit naman kasi ang hirap magmahal?"

      "E kasama 'yan sa lahat. Ginusto mo 'yan e. E di magtitiis ka," anang bakla, kaswal.

      Bumaling siya sa kaibigan. "Bitterela ka 'no?"

      Tumaas ang kilay ito, umirap. "Matagal na! May doctorate degree na nga ako."

      Bahagya siyang natawa sa sinabi nito. Siguro kaya ito ang lagi niyang pinupuntahan kapag may problema siya dahil kahit na gaano man kasama ang pinagdaraanan niya, kaya pa rin siyang patawanin nito. Wala talagang duda, si Brandy ang happy pill niya at masaya siya na may kaibigan siyang gaya nito.

      Lumabi siya at sinitsitan ito. "Salamat, ha? Lagi mo 'kong inaampon kapag nage-engot-engot ako kay Phoenix."

       Awtomatikong rumolyo ang mga mata nito. "May choice ba 'ko?" anito, suplado. Tinawan lang niya ito bago magaang hinampas ang braso nito. Maya-maya pa, siya naman ang tinapik nito sa balikat. "Basta girl, kung anuman ang desisyon mo, support ako d'yan. I know you know better. At saka─"

      Hindi na nito naituloy pa ang ibang sasabihin nang tumunog ang doorbell sa apartment nito. Nagkatinginan pa silang dalawa bago nito tinungo ang pinto at binuksan. Agad na pumasok ang bulto ni Jelaine sa apartment.

      "Ay, tuloy po kayo, Ma'am! Okay lang, wala rito 'yong may-ari!" puno ng sarkasmong sabi ng bakla sa bagong dating.

       Walang imik na sumalampak sa carpet ng sala si Jelaine na mukhang pagod na pagod at disoriented. Ilang sandali pa, humagulgol na ito, pumadyak at pinagbabayo ang sahig. Nagkatinginan sila ni Brandy. Kinabog nito ang lebel ng pagda-drama niya. Siya na ang unang lumapit.

       "Jelaine, bakit?" aniya.

      Nag-angat ito ng tingin, puno ng luha ang pisngi nito. "Hayop na Jerikow 'yan! May asawa't anak na pala ang gago!" anito bago sinuntok ang sofa at humagulgol ulit.

       Pinagdikit niya ang mga labi. Ayaw niyang magsalita gayong may pinaglalaban din ang kaibigan. Bahagya rin siyang lumayo rito, baka kasi mabiktima siya ng suntok nito, mahirap na.

      "Jusko, ha! I did not sign up for this!" Umikot ang mga mata ng bakla at namaywang. "Hindi ako kumuha ng sarili kong apartment para lang maging lungga ng mga crying ladies! At lalong hindi ako nagduty ng 16 hours para lang icover ang shift mo kagabi dahil mas pinili mong makipaglampungan sa talipandas na heredero ng bagoong industry na Jerikow na 'yan para lang bulabugin mo lang din ang pahinga ko, Jelaine Anitha!"

      Lalong lumakas ang pag-iyak ni Jelaine. Naglitanya naman ulit si Brandy. Pakiramdam tuloy ni Gabbie, natabunan na ang kagustuhan niyang pagngawa para sa puso niyang sugatan. Maya-maya pa, nag-aya ng inuman si Jelaine kahit alas-dos pa lang ng hapon. Nang hindi sila nito maaya, nag-solo ito sa paglalasing. Inubos nito ang beer na nasa ref ni Brandy. Kaya naman wala pang isang oras, senglot na ito. Napalayas siya tuloy sa mahabang sofa na puwesto niya kanina pa dahil doon natulog si Jelaine.

       Pagdating ng hapon, in-on niya ulit ang cellphone niya. Kaninang tanghali, matapos niyang magpaalam sa tatay niya na tatambay muna siya sa kung saan, in-off niya iyon dahil ayaw niya munang makararinig ng anumang tsismis at distractions. Gusto niyang mag-focus sa pagngangalngal. Kaya lang, pati pagngawa niya nang bongga, hindi rin natuloy.

       Ilang segundo pa lang na bukas ang cellphone niya panay na ang tunog niyon. Sunod-sunod ang pasok ng messages sa Messenger niya. May galing kay Mac at Tori, tinatanong kung nasaan siya. May text din galing kay Atty. Sandejas. Tinatanong nito kung nakuha na raw ba niya ang bagong agreement na ni-request niya. Nagpagawa siya kasi ng bagong agreement kahapon tungkol sa bagong proposed settlement nila ni Phoenix. Kalakip 'yon sa envelope na iniwan niya sa penthouse ng masungit. Una siyang nag-reply sa abogado. Sinunod niya si Tori. Tumitipa pa lang siya ng reply kay Mac, nag-ring ulit ang cellphone niya. Sa pagkakataong iyon, tawag na iyon galing kay Phoenix.

       Agad na prumoseso ang kapilyahan sa isip niya. Napatingin siya kay Brandy na noon ay nililinis ang mga kalat ni Jelaine sa kitchen.

       "Bakla, magboses lalaki ka nga, tapos tawagin mo 'kong babe."

       Nanikwas ng nguso nito. "Ikaw tatawagin kong babe?" Umikot ang mga mata nito. "Jusko ha! Kilabutan ka naman Gabriela!"

      "Sige na, isipin mo na lang si Mac ang tinatawag mo," pangungumbinsi pa niya.

       Natigil ito sa pagpupunas ng mesa, sandaling nagningning ang mga mata. "Si Fafa Mac?"

      "Oo!"

      Lalong lumawak ang pagkakangiti nito. Ibinuro na marahil ang sarili sa isang drum ng pag-iilusyon at kilig.

      "O kapag tumingin ako sa 'yo, tawagin mo 'kong babe, ha?" Tumango ito, abot-tainga pa rin ang ngiti. Pagdating talaga kay Macario, uto-uto ito parang siya lang din kay Phoenix.

      Huminga muna siya nang malalim bago sinagot ang tawag ng masungit.

      "Gabbie, where are you?" Mataas ang boses ng masungit pero ayaw niyang magpadala sa sindak.

       "Wala ako sa bahay. Bakit?" kalmado niyang sagot.

      Mahina itong nagmura. "Ano 'to?" tanong nito, iritable.

      Napairap siya. "Anong ano 'yan? Malay ko sa 'yo. Nakikita ko ba hawak mo?"

      "Dammit, Gabbie! Ano 'tong iniwan mo sa bahay ko?"

      Tuluyan na siyang nakunsumi. "E 'di pera at bagong kontrata," naiinis na paliwanag niya.

      "I know! I'm not stupid!" singhal nito sa kabilang linya.

      Napahawak siya sa batok niya. Jusko! Inaaltapresyon na 'ata siya, pero pinili niyang h'wag itong patulan.

      "Why?" anito maya-maya.

      "Anong why?"

      "Why did you come up with this?"

      Natigilan siya. Dapat ba niyang sabihin na hindi na niya kayang maging katulong nito dahil nasasaktan siya tuwing nakikita niya ang lampungan nito at ni Nikki? Dapat ba niyang sabihin na mahal na niya ito kaya hindi na niya kaya itong pakitunguhan na walang halong malisya? Dapat na ba siyang umamin? Walang lambanog pero oras na ba ng katotohanan?

      Umirap siya sa hangin. Siyempre hindi nito dapat malaman 'yon! Mamamatay muna siya bago nito malaman ang tungkol sa nararamdaman niya para dito.

      "Come to my house right now! Mag-usap tayo," anito, pagalit pa rin.

      "Ayoko nga! Kausapin mo na lang 'yong abogado ko!"

      Nagbuga ito ng marahas na hininga. "Fine! Nasaan ka ngayon? Pupuntahan kita."

      Bigla siyang nataranta siya. Ayaw na niya itong makita. Nag-drama na nga siya kanina sa pinto ng penthouse e. Nagba-bye na siya tapos makikipagkita pa rin pala siya rito? Ano siya, bale?

       Wala sa sarili siyang napatingin kay Brandy.

       "Babe," tawag nito sa kanya sa malagom na tinig.

      "Who the hell is that?" ani Phoenix sa kabilang linya.

      "H-ha?" Naguguluhan siyang napatingin ulit kay Brandy.

      "Babe, who's that? Come back to bed," dugtong ulit ng bakla.

      Pinigil niya ang mapasinghap.

      "Gabbie, sino 'yan?" si Phoenix ulit, seryoso na, may diin ang bawat salita.

      "H-ha? A-ano... a-ano..." Minulagatan na niya si Brandy. Kaya lang, lumapit ito sa kanya at nilakasan pa ang boses.

      "Babe, come back to bed. Come and ride me. We're not quite done," sabi pa ng bakla sa pinalalim na tinig bago nandidiring tinutop ang bibig.

      Namumula ang pisnging tinutop niya ang bibig. Naeskandalo siya nang husto sa sinabi ni baklitang si Brandy!

      "Shit, Gabbie! Sino ba 'yan? Where are you? Dammit!" singhal ulit ng masungit. Panay-panay ang buga nito ng marahas na hininga. Wala ring patid ang pagmumura nito. "I swear kung sino man 'yang kasama mo... Damn! Don't hung up the phone, I'll track you!"

      Track? Ano siya terorista?

       Lalo siyang nataranta. Nagmamadali niyang in-off ang cellphone niya. Hindi siya pwedeng magmabagal. Kung kayang makuha ni Phoenix ang cellphone number niya nang hindi niya sinasabi at mahanap ang bahay nila kahit hindi niya pinapaalam kung saan, natitiyak niyang kayang-kaya rin i-locate ng connections nito kung nasaan man siya naroon!

      Hinampas niya sa braso si Brandy. "'Langya! Kinilig ako sa diri bakla!" aniya, lukot ang mukha.

       Nagkunwaring naduduwal naman ang bakla. Mabilis niyang ipinilig ang ulo upang makalimutan ang pinagsasabi ni Brandy na nakatatak na 'ata sa tainga niya.

       "Pero, epek?" tanong nito.

      "Epek! Highest level of all levels!" aniya bago nakipa-apir sa kaibigan.

       Natatawang bumalik sa kusina ang bakla, nangangasim pa rin ang mukha.

       Matapos ang ilang sandali, hiniram niya ang cellphone ni Brandy at mabilis na nag-message kay Tori. Sinabi niya sa kapatid kung nasaan siya at nagsabing male-late siya ng uwi dahil dinadamayan niya si Jelaine dahil brokenhearted ito. Nagsend pa siya ng picture ni Jelaine na senglot para convincing. Nagbilin din siya kung sakaling mapadaan si Phoenix sa kanila at hanapin siya, h'wag nitong ipagsasabi kung nasaan siya dahil basta.

       Matapos niyon, tensyonado siyang bumalik sa panonood ng comedy movies. Naghintay siya nang hanggang alas-nuwebe ng gabi bago muling binuksan ang cellphone niya. Nagtext si Tori. Apat na oras na raw na nakatambay sa bahay nila si Phoenix. Lintek na masungit, makulit! Mabilis siyang nag-reply sa kapatid. Hindi na muna siya uuwi.


*****

Kinabukasan

       Pagod na bumaba ng traysikel si Gabbie, ilang kanto mula sa bahay nila. Alas-onse na ng umaga pero ngayon pa lang siya uuwi. Dumaan kasi siya sa agency na pinag-applyan niya dati. Tumawag kasi ang agency sa kanya na may fly-now-pay-later plan na ang mga ito para sa mga tulad niyang willing magtrabaho abroad pero walang pambayad ng placement fee. Muli siyang nagpa-assess. Pumasa naman siya sa initial assesment at sinabihan siyang kailangan na lang niyang kumuha ng employment certificate sa Angelicum Hospital para makumpleto na niya ang requirements para sa final assesment at interview. Ipinasya niyang sa Lunes na lang 'yon trabahuin dahil abot-langit na talaga ang pagod niya. At pakiramdam niya, daig pa niya ang bangenge dahil hindi rin siya nakatulog nang maayos kagabi. Nakakaengot man, inokupa pa rin ng lintek na masungit ang isip niya.

      Malala na talaga ang pag-eengot-engot niya. Balak na nga niyang magpatawas e. Mabuti na lang umaayon ang tadhana sa plano niyang paglayo sa masungit. Hindi bale, nasisiguro niya, kapag nasa abroad na siya at malayong-malayo na siya sa masungit, magiging okay na ang puso niya. Kaya?

      "Ate!" masayang salubong ni Lala sa kanya sa gate ng bahay nila. Naalala niyang wala nga pala itong pasok dahil may seminar daw ang lahat ng teachers sa school nito. Kaya heto ito ngayon, pinangunguhan ang interogasyon. "Bakit ngayon ka lang Ate?"

      "Bakit, na-miss mo 'ko?" balik-tanong niya sa kapatid bago ginulo ang buhok nito.

      Nagkanda-haba na naman ang nguso nito habang nag-aayos ng buhok. "Ate naman e," reklamo pa nito bago umirap. Natawa siya. Gaya rin ito ni Tori noong nagdadalaga, alagang-alaga ang buhok nito.

      "Aba Gabriela, nakauwi ka na pala. Bakit ngayon ka lang?" bungad agad ng tatay niya nang tuluyan siyang makapasok ng bahay. Tumayo ito mula sa panonood ng TV at lumapit sa kanya. "Ano na naman ba kasi ang nangyari, anak? Aba'y kulang na lang matulog dito si Sir Phoenix kagabi kahihintay sa 'yo a."

      Umirap siya, nag-mano sa tatay niya at pagod na ibinaba ang shoulder bag sa mesita. Dumiretso siya sa kusina at uminom ng tubig. Sumunod ang tatay niya.

      "Anak, ayos ka lang?" anito.

      Tumango siya. "Oo naman, Tay!" sagot niya sa pinasiglang tinig bago ibinaba ang baso at pitsel sa lamesa. "Dumaan nga po pala ako sa agency, 'Tay. Pumasa ako sa initial interview. May kailangan lang akong kunin sa Angelicum na dagdag na requirement para mapa-schedule na ako sa final assessment at interview. Sabi sa agency, 4-6 weeks lang daw po ang processing kapag nakapasa ako." Hinawakan niya sa braso ang ama at ngumiti. "Tay, makakapag-abroad na 'ko!" aniya sa pinasayang tinig.

      "Wala bang sabit 'yan? Lalo na at may kumpromiso ka pa kay Sir Phoenix."

      "Nakausap ko po si Atty. Sandejas, Tay. Nadala naman daw po sa areglo 'yong sa aksidente kaya wala pong na-file na kaso. Ang poproblemahin ko na lang 'yong sa lisensya ko. Pero fine lang daw po 'yon, Tay. Mabilis gawan ng paraan sabi ni Mac," aniya bago tipid na ngumiti.

      Ilang sandali ring tumitig lang sa kanya ang tatay niya. Malungkot itong ngumiti pagkatapos. "Masaya ako sa ibinalita mo, anak. Pero ikaw?" Tumaas ang isang kamay nito sa pisngi niya. "Masaya ka ba?"

      Sandali siyang natigilan sa sinabi ng tatay niya. Masaya ba siya talaga na inaayunan ng tadhana ang plano niyang paglayo kay Phoenix? Masaya ba siya na sa wakas, matutupad na nag pangarap niyang makapag-abroad upang maiahon sa hirap ang pamilya niya subalit ang kapalit niyon ay ilang taon niyang hindi makakasama ang mga ito?

      Napuno ng agam-agam ang dibdib niya. Alanganin siyang tumango. "O-oo naman po, Tay. M-masaya po ako."

      Nagbuga ng hininga ang tatay niya. "O sige, sabi mo e. Basta ang importante anak, masaya ka." Marahan nitong tinapik ang balikat niya. "Siya nga pala. May iniwan si Sir Phoenix." Humakbang ito patungo sa divider at kinuha doon ang isang envelope na pamilyar sa kanya. "Iniwan ito ni Sir Phoenix kagabi. Ang sabi niya, hindi ka na raw niya mahihintay dahil maaga siyang uuwi sa San Gabriel ngayon. Ang sabi niya, sabihin ko raw sa 'yo na mag-uusap kayo pagbalik niya rito sa Maynila pagkatapos ng dalawang linggo."

      "Dalawang linggo?" mataas ang boses na sabi niya.

       "Aba'y oo. Bakit ba kasi hindi matawagan 'yang cellphone mo? Nag-away ba kayo ng amo mo?"

      Humaba ang nguso niya. "Hindi po," sagot niya, pigil ang inis.

       Inabot sa kanya ng tatay niya ang envelope. Sa harap niyon ay nakasulat ang malaking NO na maraming exclamation point. Ang lintek! Ramdam na ramdam niya ang pagtutol ng masungit sa proposal niya sa dami ng sinulat nitong exclamation point! Napairap siya at madaling binuksan ang envelope.

       Intact pa ang bundle ng pera, pero ang proposal na pirmado na niya, punit-punit na. Kumuyom ang mga kamay niya at napabuga siya ng inis na hininga. Sinusubukan talaga siya ng masungit! Mabilis niyang pinulot ang cellphone niya at nagkulong sa kuwarto. Pabalagbag siyang humiga sa kama at mabilis na nag-search kung saang lupalop ng mundo naroon ang sikat na bayan ng San Gabriel. Nang makita niyang halos limang oras lang ang layo niyon sa Maynila, mabilis siyang naligo at muling nagbihis. Kinuha niya ang bag niya at naglagay doon ng isang pares ng pantalon, blouse at underwear. Hindi na siya makakapaghintay pa ng dalawang linggo. Kailangan mapapayag na niya si Phoenix sa bagong agreement proposal niya sa lalong madaling panahon.


*****


      Panay ang linga ni Gabbie sa sementadong daan na pinagbabaan sa kanya ng mamang traysikel driver. Wala siyang makitang kabahayan sa pagilid─ panay luntiang bukirin. Ang sabi ni mamang traysikel driver, tumbukin lang niya ang sementadong daan na 'yon at mararating din niya ang hinahanap niya. Private property daw kasi ang Hacienda Castro, bawal pumasok ang public transport. Pero jusko, kanina pa niya nilalalakad ang daan na 'yon na hindi niya alam kung saan patungo pero wala pa siyang nakikitang tao, hayop, bagay o kaya pangyayari! Hindi nga niya masiguro kung nasa earth pa ba siya o sumuot na siya sa ibang dimensyon nang hindi niya namamalayan! Sinipat niya ang wristwatch niya. Pasado alas-singko na ng hapon. Ilang sandali na lang lalatag na ang dilim. Pa'no na lang kapag dumilim na at hindi pa rin niya makita sa liblib na lugar na 'yon si Phoenix Masungit?

      Juskolerd!

      Napapadyak na siya sa inis. Bakit ba niya kasi naisipang sundan ang masungit doon? Kanina habang nasa bus siya patungo ng San Gabriel, na-realize niya na hindi magandang ideya na sinundan niya si Phoenix doon. Paano, matapos niya itong pagtaguan nang nakaraang gabi, susundan lang din pala niya ito sa San Gabriel! Para talaga siyang ewan. Kaya lang gustuhin man niyang bumalik ng Maynila kanina, nakapangalahati na siya sa biyahe kaya tinuloy na lang niya. Kaya heto siya ngayon, lost in the point of no return.

      Ilang minuto pa siyang naglakad kaya lang gano'n pa rin, nasa sementadong daan pa rin siya na napapalibutan ng luntiang bukirin. Nahahapo na siyang napaupo sa semento. Hindi na talaga kaya ng powers niya. Sanay siya sa mahabang lakaran at makipagbalyahan sa mga kapwa niya commuters pero ibang lebel ang sementadong daan na 'yon. Literal na the long and winding road ang lintek!

      Humihingal niyang tinanggal ang isang sneakers niya at minasahe ang namamaltos na niyang kanang paa. Tumingala siya sa langit pagkatapos. Nakasabog na ang maraming kulay sa langit─ nagbabadya na ilang minuto na lang, didilim na ang paligid. Nilingon niya ang pinanggalingan niyang highway kanina. Hindi na niya iyon matanaw. Hindi niya tuloy matukoy kung saan ang mas malayo─ ang pinanggalingan niya o ang pupuntahan ba niya.

      Makailang ulit siyang humugot at nagbuga ng hininga. Gusto niyang pakalmahin ang sistema niyang natataranta. Hanggang sa maisip niyang ang tanging pag-asa niya para makaalis sa lugar na 'yon ay si Phoenix lang din. Kaya ayaw man niya sana, nilabas niya ang cellphone niya at sinimulang i-text ang masungit. Ayaw niya itong tawagan. Baka kasi mautal siya, mapahiya pa siya.

     Tutok ang atensyon niya sa pagte-text nang bigla siyang makarinig ng malakas na busina sa kanyang likuran. Napaigtad siya sa sobrang gulat. Natadyakan niya ang hinubad niyang sneakers, naihagis din niya ang cellphone niya. Magkasabay na nag-landing ang mga gamit niya sa gilid ng pilapil─ sa mamasa-masa pang bukirin.

      Taranta siyang tumayo. Agad na idinikta ng instinct niya na kailangan niyang makuha ang mga gamit niya! Kandahirap siyang bumaba sa gilid ng kalsada upang sana sagipin ang mga gamit niya. Kaya lang, hindi niya natantiya na madulas ang pilapil na aapakan niya kung kaya't pati siya, nag-dive din sa putikan.

      Plumakda ang buong kanang bahagi ng katawan niya sa putikan. Mabuti na lang alerto niyang itinaas ang kaliwang kamay niyang nakabenda pa dahil may sugat, kaya hindi iyon napaano. Nang makabawi ang huwisyo niya sa gulat, inipon niya ang buong lakas at naupo sa putikan.

      "Miss, are you alright?" anang malagom na boses sa likuran niya. Lumingon siya. Ilang hakbang mula sa puwesto niya, may lalaki na pababa mula sa kalsada. Kahit sa papalubog na sinag ng araw, hindi maitatago ang kaguwapuhang taglay ng lalaki. Matangkad ito, maganda rin ang hulma ng katawan at higit sa lahat, striking ang mga mata nitong kulay kape na ngayon ay nakatitig na sa kanya. "Ayos ka lang?" anito nang tuluyang makalapit sa kanya.

     Wala sa sarili siyang tumango. Habang tumatagal kasi parang nagiging pamilyar ang features nito sa kanya.

     "Okay, give me your hand. I'll help you up." Inilahad nito ang isang kamay nito. Sandali siyang nag-alangan ngunit inabot din ang kamay niyang naputikan. Ito na rin ang pumulot sa sneaker at cellphone niya bago siya inalalayan paakyat sa sementadong daan. Nang marating nila ang sasakyan nito, naglabas ito ng tissue at inabot sa kanya. "Use this to clean your face," anito sa simpatikong tinig. Mabilis siyang tumalima. Halos maubos niya ang isang box ng tissue kakapunas ng putik sa mukha, buhok, katawan at damit niya. Hindi niya lubos maisip na sasalubungin siya ng ganoong klaseng kamalasan para lamang mapuntahan si Phoenix!

     Imbyerna siguro ang tadhana sa kanya. Nagmaganda siya kahapon e. Tapos hahabul-habulin din pala niya si Phoenix ngayon.

     "Are you going to the mansion?" anang lalaki, maya-maya. Hindi siya sigurado kung saan siya pupunta pero um-oo na lang din siya sa sinabi nito. "Okay, hop in," anito.

     "P-pero m-madumi─"

      "It's okay. I can clean afterwards," anito bago tipid na ngumiti.

      Alanganin siyang sumakay sa pick-up ng lalaki. Amoy lemon ang sasakyan. Malinis. Hiyang-hiya siya tuloy na naupo sa passenger's seat.

     "What's your name? You're not from here are you?" anang lalaki sa kanya habang binabaybay nila ang wala na 'atang hanggang na sementadong daan.

      Umiling siya. "G-Gabbie ang pangalan ko."

     "Gabbie. Is it Gabriela?"

     Tumango lang siya.

     Tipid itong ngumiti. "Your feminized name... reminds me of someone." Nagbuga ito ng hininga. Hindi na ito umimik pagkatapos.

     Matapos ang ilang minuto, tumambad sa kanya ang isang malaking bahay na gawa sa bato at kahoy. Nakaharap ito sa malawak na lawn na napapalibutan ng hilera ng santan na hanggang beywang ang taas. Nakapalibot din sa solar ang mga post lights. Sa gitna niyon mayroong bilog na fountain na naiilawan naman ng blue lights. Sa dulong bahagi ng hilera ng santan, naroon ang gate na gawa sa wrought iron at may nakaukit na ornate na letrang C sa itaas.

     Mayroong binatilyong nagbukas ng gate. Matapos niyon, idiniretso ng lalaki ang sasakyan patungo sa mismong front porch ng malaking bahay.

     "We're here!" anunsiyo nito maya-maya bago nagmamadaling lumabas ng sasakyan. Alanganin siyang sumunod rito. Pagkababa niya ng sasakyan, mabilis niyang ipinagala ang tingin sa lugar. Malaki ang bahay, luma subalit halatang alaga.

     "Ser, sino po itong maruming kasama niyo?" anang binatilyong nagbukas ng gate kanina.

      "Siya daw si Gabbie. Hindi mo ba siya kilala?" anang lalaki.

     Umiling ang binatilyo. Maya-maya pa, may lumabas na matabang babae sa front porch.

     "Kayo po pala, Ser. Tuloy po kayo," anang babae bago bumaling sa kanya. "Ay, may kasama po... kayo?" Alanganing sumuyod ang mga mata ng babae sa kabuoan niya. Pati ang lalaking tumulong sa kanya nag-aalangan na rin ang tingin.

     "Nakita ko siya on the way here. Her name's Gabbie. Hindi mo rin ba siya kilala Manang Aida?" sabi ulit ng lalaki. Umiling ang matabang babae. Nagtatakang bumaling sa kanya ang lalaki. "Miss, dito ba talaga ang punta mo?"

      Nataranta siya. Hindi niya mahanap ang tamang mga salita para umpisahan ang paliwanag niya. Pagod siya, windang at gulat. Pakiramdam niya nasa loob siya ng isang mexican telenovela na may maraming kontrabida! At kahit na anong pigil niya, naiiyak na siyang talaga.

      "Hey psycho you're here," anang pamilyar na boses mula sa loob ng kabahayan. Awtomatikong lumundag ang puso niya. Si Phoenix 'yon, sigurado siya. Maya-maya pa lumabas ang may-ari ng boses sa front porch.

     Agad na nagtama ang mga mata nila. "G-Gabbie? How did you..." hindi makapaniwalang usal nito.

     Tuluyan nang tumulo ang luha niya. Kotang-kota na siya sa tensyon, nerbyos at kamalasan. At dahil wala na siya huwisyo, walang sabi-sabi niya itong tinakbo at niyakap. Awtomatiko naman nitong ipinulupot ang kamay nito sa beywang niya. Sa puntong iyon, napahagulgol na siya. Kung bakit niya ginawa 'yon, hindi na niya alam. Ayaw na niyang mag-isip. Basta ang alam niya, masaya siya na nakita na niya si Phoenix.

     "What happened to you? Bakit puno ka ng putik?" nag-aalalang tanong nito. Hindi siya makasagot. Bagkus, lalo lang niyang hinigpitan ang pagyakap dito at nilakasan ang paghagulgol.

     "What the hell did you do, Dax?" anang masungit maya-maya.

     "I didn't do anything! I just helped her got out of the muddy field," anang lalaking tinawag nitong Dax.

     Mahinang nagmura si Phoenix. Sandali ring humigpit ang pagyakap nito sa kanya. "Gabbie," masuyong tawag nito sa kanya maya-maya. Wala sa loob siyang napatingala rito. "Is it true that this psycho here didn't do anything to you?"

     Pasimple niyang nilingon si Dax bago ibinalik ang tingin kay Phoenix. Agad siyang tumango.

     "Are you sure?" Mabilis nitong pinalis ang luha sa pisngi niya. "He did not grope you... abused you or harassed you in any form?"

     "C'mon! I just helped her! I'm the hero here!" mataas ang boses na reklamo ni Dax.

     "I was just making sure, you psycho!" sagot ni Phoenix bago muling tumingin sa kanya. "Let's get you clean before Lola sees you like this."

     Iginiya siya nito papasok ng mansyon, patungo sa isang silid. ###

4635words/7:51pm/06072020

#AccidentallyInLoveHDG

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro