Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 15: Expectations and Reality


      Tensyonado si Gabbie habang pinagmamasdan ang tatay niya na abala sa paglalagay ng tagay ng lambanog sa tatlong magkakaparehas na baso. Ayon na rin sa suhestiyon nito, lumipat sila sa garahe upang hindi magsiksikan ang mga bisita niyang higante sa masikip nilang sala. Kaya heto siya ngayon, tahimik na nakatayo sa gilid ng lumang mesita kung saan nakaharap at magkakatabing nakaupo ang mga bisita niya sa lumang bangko─ tahimik ding hinihintay ang sintensya mula sa katotohanang dala ng lambanog.

      "Tay, h'wag po masyadong madami," paalala niya sa tatay niya nang makitang lampas kalahati na ng baso ang paglalagay nito ng tagay. Napatingin siya kay Phoenix, kalmado lang itong nakatingin sa ginagawa ng tatay niya. Si Paul puno ng kumipyansiya, pangiti-ngiti pa. Si Mac naman, hindi mapakali sa upuan nito, palinga-linga pa. Halatang tensyonado rin gaya niya. Hindi nga lang niya alam kung bakit.

      Pasimple niyang sinitsitan si Mac. Tumingin din ito sa kanya, halatang disoriented noong una. Pagkalipas ng ilang sandali, ngumisi ito bago nag-finger heart. Napangiwi siya. Kung siya ang masusunod, baka kanina pa niya ito binatukan. Hindi niya gets ang hanash nito e at lalo lamang 'yon dumaragdag sa tensyong nararamdaman niya.

      "Ate bakit─" Mabilis siyang lumingon. Gulat na mukha ni Tori ang nakita niya, nakakurus ang mga kamay sa dibdib at nakatayo sa may pintuan. Napasinghap ito at naguguluhang tumingin sa kanya. Ilang sandali pa, nagmamadali itong bumalik sa loob ng bahay pagkatapos.

      "Ayos na!" deklara ng tatay niya.

      Humila ng upuan ang tatay niya at naupo sa kabilang bahagi ng mesita, paharap sa mga bisita niya. "Bueno tayo'y magsimula na." Itinulak nito ang tatlong baso sa harap ng mga bisita.

      "T-Tay Manding," nag-aalalang tawag ni Mac sa tatay niya. Nagkatinginan ang dalawa. Napabuga ng hangin si Mac, nagkamot pa ng batok. Umiling-iling naman ang tatay niya.

      Nalukot ang mukha niya. Anong nangyari? Nagtitigan lang mga ito pero bakit parang nagkaintindihan na agad.

      "E bakit ka kasi nand'yan?" Ikinumpas nito ang isang kamay. "Hayaan mo na. Tutal naman nariyan ka na, e 'di panindigan mo na," anang tatay niya, tumikhim pa pagkatapos. "Ganito ang gagawin natin mga hijo. May ilan akong katanungan. Pero bago kayo sumagot, iinumin niyo muna ang tagay sa inyo. Kung sino man ang hindi pa senglot sa inyo kapag naubos na itong lambanog, siya ang unang kakausapin nitong si Gabriela ko. Nagkakaintidihan ba tayo?"

      "Opo," si Phoenix ang unang sumagot, sumulyap pa sa kanya. Awtomatiko namang lumundag ang puso niya.

      "Yes, Sir," sabi ni Paul, idiniretso pa ang upo sa bangko.

      "Oo na nga po?" si Mac naman, lukot ang mukha.

      "Bakit patanong ang sagot mo, Macario?" anang tatay niya.

      "H-ho?" si Mac ulit tensyonado, hindi mapakali.

      "D'yan ka lang. Hindi ka na puwedeng umatras. Mabuti na ito nang isahan na lang ang pagkilatis ko. Tapos na ang usapan," sabi ulit ng tatay niya.

      Naguguluhan niyang pinaglipat-lipat ang tingin sa tatay niya at kay Mac. Ano bang usapan ng mga ito? At kailan pa nagchi-chikahan ang tatay niya at si Mac nang sila-sila lang? Magtatanong sana siya kaso nagsalita ulit ang tatay niya.

      "Bueno, mag-umpisa na tayo. Pangalan," anang tatay niya.

      Sabay-sabay na tinungga ng mga lalaki ang alak na nasa kani-kanilang mga baso. Unang naglapag ng baso si Phoenix. Ngumiwi ito, naubo nang slight ngunit agad ding nakabawi.

      "Phoenix Castro po."

      Sunod na nagbaba ng baso si Paul, namumula ang mukha. "Paul Andrius Samaniego, Sir," anito.

      Panghuli si Mac. Panay ang iling nito. Iniinda marahil ang mainit na hagod ng lambanog sa lalamunan. Maya-maya pa, dumiretso ito ng upo at tinambol ang dibdib na parang si Tarzan. "Macario Rodriguez po. Walang kaso. Hindi rin lasenggo. Malinis po ang intensyon ko sa anak ninyo."

      Nanikwas ang nguso ng tatay niya. "Aysus, pabibo! Pangalan lang ang tinatanong ko."

      Kumibot-kibot ang labi ni Mac bago tumingin kay Manny na nasa tabi niya. "Manny, pahinging chaser."

      "Walang chaser!" mataas ang boses na anunsiyo ng tatay niya. "Manny, refill," utos pa nito. Mabilis na tumalima si Manny at nilagyan ulit ng alak ang mga baso. "Pangalawang katanungan. Edad at trabaho."

      Sabay-sabay ulit na tinungga ng mga lalaki ang alak sa baso. Sabay-sabay din na umubo.

      "Thirty po. Basketball player," ani Phoenix.

      "Thirty, Sir. Security Agency Co-owner," sabi naman ni Paul.

      "Bente-sais. Pulis. Wala pang misis," ani Mac, nagtatapang-tapangan kahit na namumula na ang mukha. Napapalakpak naman si Manny. Halatang kampi ito sa kababata.

      Humugong ang tatay niya, muling inutusan si Manny na lagyan ng tagay ang mga baso. "Pangatlong katanungan, kayo ba'y may mga girlfriend na?"

      Uminom ng alak ang tatlong lalaki. "Wala po," sabay-sabay na sagot ng mga ito.

       Mabilis na naglagay ng tagay si Manny. Juskolerd! Halos tig-dadalawang baso na ng lambanog ang nainom ng mga ito na walang chaser! Sigurado siyang ilang simsim na lang, may mapa-plakda na sa tatlong bisita niya. Lalo siyang natensyon.

      "Naparito ba kayo para ligawan itong si Gabriela ko?" tatay niya ulit.

      Sa pagkakataong iyon, nauna si Paul na tumungga ng alak at sumagot. "Yes, Sir. I'm here to court your daughter."

      "Opo! Manliligaw po ako!" malakas ang boses na sagot ni Mac. Pawisan na ito at lalong namula ang mukha. Tumatama na marahil ang dalawang baso ng lambanog sa huwisyo nito.

      "Hindi po 'ko nandito para manligaw," seryosong sagot ni Phoenix, marahang ibinaba sa mesita ang baso. Tumingin ito sa kanya, tumitig. Kahit gusto man niyang umiwas ng tingin, hindi niya magawa. May agimat ang mga mata nito at siya ang laging biktima. At kahit na naririnig niya ang lihim na pag-aray ng kanyang puso dahil sa sagot nito, nanatili siyang nakatitig kay Phoenix.

      "Seryoso ka?" si Paul, lukot ang mukha.

      Hindi sumagot si Phoenix.

      "Kung hindi mo liligawan itong si Gabriela ko, bakit ka narito at nagbibigay ng bulaklak?" segunda naman ng tatay niya, kunot ang noo.

      Hindi ulit ito sumagot, yumuko at tumitig lang sa baso sa harap nito.

      "'T-Tay, n-next question na," pukaw niya maya-maya, kabado.

      "Bueno, diretso tayo sa susunod na katanungan." Hinintay nitong malagyan ni Manny ang mga baso bago binitawan ang tanong. "Para ito sa inyong dalawa, Paul at Macario. Talaga bang gusto ninyo itong dalaga ko?"

      Bago pa man makasagot ang dalawa, mabilis na inagaw ni Phoenix ang baso ng mga ito at diretsong tinungga ang laman ng mga 'yon. Napasinghap siya.

      "No! You both can't answer that!" seryosong pahayag nito bago inabot ang bote ng isang litro ng lambanog na hawak ni Manny at tinungga rin ang natitira pang laman niyon. Pagbaba nito ng bote sa mesita, muntik na itong matumba.

      Nataranta siya. Agad niya itong nilapitan. Isinandal niya ang ulo nito sa katawan niya bago tinapik-tapik ang pisngi nito.

      "P-Phoenix! Phoenix! A-ayos ka lang?" nag-aalalang sabi niya.

     Tiningala siya nito. Juskolerd! Senglot na senglot na ang itsura nito. Halos pikit na ang mga mata nito ngunit nagawa pang ngumisi. "You talked to me first. I won," bulong nito bago tuluyang pumikit.


*****


      Napabuntong-hininga si Gabbie habang nakatitig sa malaking bulto ni Phoenix na nakahiga sa kama niya. Pinagtulungang buhatin nina Paul, Mac at Manny ang masungit patungo sa kwarto niya dahil hindi na talaga ito makatayo sa sobrang kalasingan. Hindi niya lubos maisip na ang kagaya nitong mahilig sa alak, mabilis na pa-plakda sa lambanog!

      "Are you sure it's okay that he sleeps here?" ani Paul na noon ay nasa pintuan na ng kwarto. "I can get my car. Pwede ko siyang balikan," dugtong pa nito.

      Unang remedyo na naisip nila kanina nang tuluyang bumigay ang huwisyo ng masungit, iuuwi ito ni Paul sa penthouse nito. Kaya lang, naka-big bike lang si Paul. Si Mac naman, coding ang owner. Kaya ang talagang solusyon na lang nila, matulog sa kanila ang masungit.

      "Bukas na lang siguro. Balikan mo na lang siya rito bukas," aniya.

      "Okay," sagot nito bago nagkibit-balikat. Sandali nitong sinipat ang writswatch nito bago muling tumingin sa kanya. "Is it okay if I go then?" anito. Tumango lang siya.

      "T-Thank you ulit sa pagdalaw," alanganin niyang sabi. Makahulugan lang itong ngumiti, sumulyap sa natutulog na bulto ni Phoenix bago maliit na sumaludo sa kanya. Naiwan sila ni Mac sa loob ng kwarto.

      "Dito rin kayo matutulog ni Tori?" tanong nito.

      Umingos siya, "Hindi 'no! Do'n kami sa kwarto ni Manny magsisiksikan nina Tori at Lala. Tapos si Manny ang matutulog diyan sa taas ng double deck. Mahirap iwanan mag-isa 'tong amo ko." Lumapit siya sa electric fan at itinutok iyon kay Phoenix.

      "Bakit kapag iniwan niyo bang mag-isa 'yan dito, kikidnapin ba 'yan ng mga aswang?" mapaklang tanong ulit ni Mac, sumandal pa sa hamba ng pintuan.

      Sinamaan niya ito ng tingin. "Anong pinaglalaban mo? Bakit ka ganyan mag-isip?"

      "Mahal mo ba talaga 'yan? Hindi nga makatagal sa─"

      Mabilis niyang tinutop ang bibig ng kaibigan. Naeskandalo siya sa sinabi nito. Paano kung may makarinig sa sinabi nito? Taranta siyang nagpalinga-linga. Mabuti na lang walang sinumang miyembro ng pamilya Centeno ang nakatambay sa paligid.

      Tinulak niya palabas ng kwarto si Mac at kinaladkad patungo sa gate. "Ano ba kasing drama mo? Kanina ka pa, ha! Naiinis na 'ko sa 'yo, Macario!" Umirap siya. "'Yong sinabi mo kay tatay kanina, t-totoo ba 'yon, ha?" naiilang na tanong niya.

      Ngumisi ito. "E alin ba do'n? Madami akong nasabi."

      Hinampas na niya ang braso nito. "Siraulo ka talaga! Kung anu-anong pinagsasabi mo! Ako talaga liligawan mo?"

      "Bakit ayaw mo?"

      "Mac!" Minulagatan na niya ito. "Hindi 'to magandang biro!"

      "O e 'di seryosohin natin." Tumikhim ito bago tumitig sa kanya, pinapungay pa ang mga mata. "Gabbie, manliligaw ako sa─"

      Mabilis niyang itinakip ang mga kamay sa tainga. "Ayokong marinig!" singhal niya sa kaibigan.

      Yumuko ito at nagkamot ng batok. "Ang damot mo naman! Nagpapaalam na nga 'ko nang maayos e."

      Lalo lang siyang naguluhan. Hindi niya lubos maisip na liligawan siya ni Mac! Jusko! Napakamot siya sa ulo nang 'di oras.

      "Umuwi ka na muna. Bukas, kapag mas matino ka na, mag-uusap tayo," aniya bago ito tinulak palabas ng gate.

      "Ang sungit mo naman, Ate," hirit pa nito.

      Agad siyang naimbyerna. "Excuses me ha! Magka-edad lang tayo, Macario! Maka-ate kang senglot ka! Umuwi ka na!"

      Humahalakhak itong naglakad palayo. Pagtalikod niya, nadatnan niya ang tatay niya na nakaupo sa bangko sa garahe. Malawak ang ngiti nito, mukhang may balak siyang sutilin.

      "Sina Lala at Tori, 'Tay?" aniya.

     "Nililinis na 'yong kwarto ni Manny. Alam mo naman si Tori, maarte pagdating sa bahay."

      "E si Manny po?"

      "Ayon, binuburo ng talak ni Victoria."

      Natawa siya. Malinis sa bahay si Tori, palibhasa nurse in-the-making at na-training niya nang husto sa gawaing bahay. Habang si Manny naman, ang dakilang tagapaghasik ng kalat sa bahay nila.

      Tinapik ng tatay niya ang espasyo sa tabi nito sa bangko. "Upo ka muna, 'Nak," anito. Mabilis siyang tumalima. "Magtapat ka nga sa akin, anak. Sigurado ka bang wala ka pang nararamdaman para kay Sir Phoenix?"

      Napakurap siya. "W-wala po!" mariing tanggi niya. "P-pa'no niyo naman po naisip 'yan, Tay?" kunwari inis na tanong niya, isinuklay pa ang kamay sa buhok.

      Natatawang tumingin sa langit ang tatay niya. Tumingala rin siya. Maraming bituin sa langit. Masarap panoorin.

      "Alam mo anak, ang pag-ibig parang utot. Pigilan mo man, hindi mo maitatago."

      Nalukot ang mukha niya, nandiri. "Ang bantot naman ng example niyo, Tay!"

      Natawa ang tatay niya. "O bakit hindi ba totoo? Kapag nauutot ka at pinipigil mo, ikaw ang nahihirapan. Ganyan din kapag nagmamahal ka. Kapag nililihim mo, pinipigil mo, ikaw lang din ang masasaktan." Bumaling ito sa kanya, tumitig bago marahang tinapik ang kanyang pisngi. "O siya, hindi na kita tatanungin. Pero lagi mong tatandaan, kung sakaling dumating ang panahon na nagmahal ka at nasaktan, narito lang ako at ang mga kapatid mo para sa 'yo. Patuloy kitang mamahalin, itakwil ka man ng mundo."

      Tumagos sa puso niya ang sinabi ng ama. Napalabi siya. "Bakit po tayo nagda-drama 'Tay?"

      Marahan itong natawa. "Na-miss lang siguro kita. Hindi ko na naririnig 'yong araw-araw na speech mo e, Mayora." Ngumisi ito bago umakbay sa kanya. Inihilig naman niya ang ulo sa balikat nito. Sabay silang tumingala sa langit na mag-ama. "Alam mo kapag may gusto akong sabihin sa Nanay mo, kinakausap ko ang langit. Gaya ngayon. 'Nay, nagdadalaga na ang Gabriela natin. Bentang-benta ang ganda niya parang ikaw lang din noon."

      Napahagikgik siya. "Nay nilasing po ni Tatay 'yong amo ko," segunda niya.

      Manghang sumulyap ang tatay niya sa kanya. "Aysus! Kasalanan ko bang hayok pala sa lambanog 'yang si Sir Phoenix?" Muli itong bumaling sa langit. "Nay, tinungga ang kalahating bote ng isang litrong lambanog. Ayon, pinatulog ni Gabriela sa kwarto niya at may balak tumabi itong dalaga natin."

      Napasinghap siya at tumuwid ng upo. "'Tay naman e!"

      Natawa ulit ang tatay niya. "Binibiro lang kita. Sige na. Pakitignan mo nga 'yong mga kapatid mo sa loob, Nak. Dito lang muna ako. Kakausapin ko pa ang nanay mo."

      Malungkot siyang ngumiti at yumakap sa tatay niya. Saksi siya sa kung paano nagmahalan ng tapat ang mga magulang niya. Saksi rin siya sa lungkot na pinagdaanan ng tatay niya nang mawala ang nanay niya. At mula nang magka-isip siya, pinangako niya sa sariling hahanap siya ng pagmamahal na gaya ng sa kanyang mga magulang- walang hanggan.

      Pero mukhang malabo na 'yon. Sa masungit at babaero siya na-in-love e. Sa taong alam niyang kung patuloy niyang mamahalin, madudurog siya.

      Hinigpitan niya ang yakap sa tatay niya. "Love you, 'Tay," aniya.

      "Love you too, 'Nak," sagot naman ng tatay niya bago bumitaw sa kanya.


*****


      Kinabukasan

      Kanina pa gising si Gabbie at hindi mapakali sa pagpaparoo't-parito sa sala. Wala ang buong pamilya Centeno. Isang maliit lang na note ang iniwan ng tatay niya sa ref at sinabing lahat daw sila ay magsisimba. Ni hindi man lang siya ginising ng mga ito.

      Napatingin siya sa nakapinid na pinto ng kuwarto niya. Ibig sahibin, mag-isa lang din si Phoenix sa kuwarto niya. Hindi niya tuloy alam kung sisilipin ba niya ito o hahayaan na lang niya itong magising at lumabas ng kuwarto.

      Tumingin siya sa wall clock. Pasado alas-siete na ng umaga. Kagabi, matapos niyang masiguro na maayos ang pagkakahiga ni Phoenix, inihabilin na niya ito kay Manny. Pero kahit na halos ilang hakbang lang ang pagitan nila, hindi pa rin maayos ang tulog niya sa buong magdamag dahil iniiisip niya pa rin ang masungit. Tapos ngayon naman na umagang-umaga, may extension na naman ang stress niya dahil pa rin sa masungit! Lintek talaga! Dalawang araw na niyang kinakarir ang pag-eengot a!

      Natigilan siya sa pag-iisip nang umikot ang seradura ng pinto ng kanyang kuwarto. Ilang sandali pa, bumukas iyon at iniluwa ang bulto ni Phoenix. Magulo ang buhok nito at hindi maipinta ang mukha. Subalit nang makita siya, agad itong ngumiti.

      "Goodmorning, Gabbie," anito sabay ngiwi. Humawak ito sa hamba ng pintuan.

      Sumikdo ang dibdib niya. "G-goodmorning," alanganin niyang tugon. "N-nahihilo ka pa?"

      Nagbuga ito ng hininga. "Kind of," anito bago isinuklay ang kamay sa buhok nito. "Can I... use your bathroom?" paalam nito. Tumango siya at iginiya ito sa banyo.

      Imbes na matensyon sa paghihintay sa paglabas nito, nagtimpla siya ng kape nilang dalawa. Ilang sandali pa, lumabas na ito ng banyo.

      "Can I borrow a towel?" anito, alanganin.

      Tumango siya at mabilis na tinung ang cabinet sa kwarto niya. Pagbalik niya, ibinigay niya ang malinis na tuwalya sa lalaki. Pinasya niyang bumalik sa hapag pagkatapos at inabala ang sarili sa paghalo sa sarili niyang kape. Natetensyon kasi siya. Kahit siguro kailan, hindi na siya masasanay sa presensiya ni Phoenix.

      "Thank you, " pukaw nito maya-maya bago lumapit sa kanya. "Ipapa-laundry ko na lang 'to bago ko isauli─"

      "H-hindi na. Akin na," aniya bago inagaw sa kamay nito ang tuwalya. Mabilis niya iyong inilagay sa hamper basket sa kuwarto niya. "Coffee?" alok niya rito pagbalik niya sa kusina.

      "Yes, please," anito bago dumalo sa hapag. Inilapag niya sa harap nito ang baso ng umuusok na kape. Naupo naman siya sa tapat nito.

      Namayani ang katahimikan pagkatapos.

      "Gabbie," tawag nito sa kanya, maya-maya.

      Sinalubong niya ang titig nito. "H-ha?"

      "I'm sorry for last night," anito, naiiling na ibinaba ang baso sa mesa.

      Pilit siyang ngumiti. "A-alin do'n?"

      'Yong sagot mo na hindi mo 'ko liligawan o dahil na-senglot ka? gusto sana niyang idugtong kaya lang nagpigil siya.

      "That I got drunk out of my wits. Nakakahiya sa tatay at mga kapatid mo." Nagkamot ito ng batok. Isang walang tunog na ah lang ang naisagot niya. Nagso-sorry ito dahil nasenglot ito.

      "Just so you know, mataas ang alcohol tolerance ko." Pinamulahan ito ng mukha. "It's just that... I don't drink too often these days. Kaya... kaya..." Nagbuga ito ng hininga at muling uminom ng kape.

      "Kulang pa bang praktis 'yong inuman session niyo ni Nikki noong isang araw?" wala sa sarili niyang komento bago umirap.

      "What?"

      Pinanlakihan siya ng mga mata, mariin niyang pinagdikit ang mga labi niya. Lintek talaga na bibig! Ipinangangalandakan ang pagmamapait niya.

      Pilit itong ngumiti. "Would you believe me if I say, Nikki and I are just friends?"

      "H-ha?" Napalunok siya.

      "Nikki and I are just friends," seryosong anito bago muling sumimsim ng kape. Hindi na siya umimik, uminom na lang din siya ng kape.

      Maya-maya pa tumunog ang cellphone nito. Mabilis nito iyong sinagot. "Yeah, I'm awake. Yeah." Tumingin ito sa kanya. "I'm having coffee with her. Okay, it won't be long. Just ring me when you're here. Bye." Ibinaba nito ang cellphone nito sa mesa pagkatapos. "It's Paul. He's going to pick me up. Malapit na raw siya," anito.

      Tumango-tango lang siya. Umayos siya nang upo sa silya nang may maalala. "Ano nga palang free day mo next week? Wala ka bang pupuntahan or activities?"

      Nangunot-noo ito bago umiling. "None that I know of. Why?"

      "Gusto kasi kitang kausapin," aniya, alanganin.


      "Tungkol saan?"

      Kumurap-kurap siya. Hindi siya sigurado kung dapat ba niyang sabihin dito ngayon ang tungkol sa desisyon niyang bayaran ang kalahati ng danyos na hinihingi nito noon. Ngunit bago pa man siya makapagsalita, nagsalita ulit ito.

      "Oh! It's Lola's birthday next weekend. Uuwi ako ng San Gabriel. Would you like to come?" imbita nito.

      Bigla siyang nataranta. Kung magkikita sila ni Lola Candi, ibig sabihin aakto siya ulit na girlfriend nito. Juskolerd! Nakikinita na niya ang iba't ibang aktibidades na hindi makakatulong para sa pagbabagong-buhay na gusto niya.

      "A-ano...h'wag na lang. Baka kasi... baka..."

      Ngumiti ito. "It's okay. You don't need to force yourself, Gabbie. Ako na lang bahalang humanap ng rason 'pag nagtanong si Lola."

      Sasagot pa sana siya nang makarinig sila ng busina sa tapat ng bahay. Mabilis niyang tinungo ang gate. Pagbalik niya, kasama na niya si Paul.

      "You still look wasted to me," bungad ni Paul kay Phoenix, nakangisi.

      Tumaltak ang masungit. "Shut up, psycho," supladong sagot nito bago naglakad patungo sa sala kasunod ni Paul. Nang nasa garahe na sila, muli siya nitong hinarap. "Thank you for last night," anito, ngumiti bago siya kinabig papunta sa dibdib nito. "I'm not pressuring you, but you can come back anytime. Don't make me miss your nagging too much," bulong pa nito bago siya binitawan.

      Hindi siya agad nakasagot, mangha niya itong tiningala. Nagra-riot na naman ang puso niya dahil sa ginawa nitong pagyakap sa kanya.

      "Me too, Gabbie. Thanks for last night," pukaw ni Paul maya-maya. Lumapit din ito sa kanya at umaktong yayakap. Kaya lang, mabilis itong hinarang ni Phoenix.

      "No. The fun stops here," seryosong sabi ng masungit, nagdilim pa ang mukha. "Let's go, psycho. Before I break even your funny bone," banta nito.

      Natawa si Paul. "Hot tempered, eh? The Phoenix is burning y'all!" tuya pa nito. Pormal na nagpaalam si Paul sa kanya. Kumaway pa ito bago tuluyang lumabas ng gate. Walang-lingon-likod namang sumunod ang masungit.

      Nang tuluyang makaalis ang kotse, nagmadali siyang pumasok ng bahay, naglock ng kuwarto at nahiga sa kama. Pakiramdam niya aatakihin siya sa puso! Kung saan-saan na naman napunta ang interpretation ng puso niya tungkol sa pa-hug ni Phoenix! Lintek! Dalawang magkasunod na araw nang nililito ni Phoenix ang puso niya at gusto na niyang magreklamo... kunwari.

      Wala sa sarili siyang napayakap sa isa sa mga unan na nasa tabi niya. Naiwan pa ang magkahalong amoy ng alak at ni Phoenix sa higaan niya. Lalo niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa unan.

      Maya-maya pa, sunod-sunod na tumunog ang cellphone niya. Nang tignan niya, may messages sa kanya sina Mac, Brandy at Phoenix.

      Si Mac, nag-aaya ng agahan. Si Brandy, nag-send ng chismis item tungkol sa isang walang mukhang Facebook user na nagpo-post ng nakakakilig na messages tungkol sa anonymous na mahal nito. At si Phoenix, nag-text ng simpleng 'Take care' na may emoji heart na kumikinang.

      Heart emoji na kumikinang.

      Napapadyak siya sa hangin. Una siyang nag-reply sa text ni Phoenix. Magka-text sila buong maghapon.


*****


      Kabadong pinindot ni Gabbie ang pincode sa pinto ng penthouse ni Phoenix. Nang tumunog iyon, maingat niyang itinulak pabukas ang pinto. Huwebes at tatlong araw na niyang hindi ma-contact si Phoenix. Ang huling message nito sa kanya noong Lunes pa. Isang goodmorning na may heart emoji na kumikinang. At hindi niya mapigilan ang mag-alala. Paanong hindi e mag-isa lang ito at limitado ang kilos. Kung hindi nga lang ba siniguro ni Coach Henri sa kanya nang i-text niya ito na maayos si Phoenix at regular na uma-attend ng game practices, baka noong isang araw pa siya sumugod sa penthouse.

      Pero ngayon, nagpasya siyang sumulpot sa penthouse nito upang personal itong kumustahin at kausapin. Dala na rin niya kasi ang perang ipinautang ni Mac sa kanya. Kahit pa kasi halos buong araw silang naglandian noong Linggo, hindi pa rin nagbabago ang pasya niya─ kailangan niyang layuan si Phoenix para sa kapayapaan ng puso niya.

      Tuloy ang naunang usapan nila ni Mac, pinautang siya nito. Nang kinompronta niya ito tungkol sa hanash nitong panliligaw sa kanya, ang sagot lang nito, isang nakaka-imbyernang basta. Taliwas sa inaasahan, walang nagbago sa pagitan nila ng kaibigan. Hindi naman na ito humihirit ng kung anu-anong pick up lines. 'Yon lang, lalong dumalas ang pagbisita nito sa kanila at pagdadala ng kung anu-anong pagkain. Tuwang-tuwa tuloy si Lala.

      Nagbuga siya ng hininga, inalis ang kung anumang isipin niya. Maingat siyang humakbang patungo sa sala. Malinis naman, hindi rin magulo. Maliban na nga lang sa nagkalat na mga damit sa carpet.

      Kunot-noo niya iyong pinulot. Napasinghap pa siya nang matantong hindi iyon t-shirt kundi bestida ng babae! Maya-maya pa, nakarinig siya ng kaluskos sa 2nd floor ng penthouse. Tinambol ng kaba ang dibdib niya nang makitang may babaeng pababa ng hagdan at nakatapis lang ng maikling tuwalya.

      Noong una nagulat ito nang makita siya, subalit ngumiti rin pagkatapos. "Are you the househelp?" anang babae na ngayon ay unti-unti nang naging pamilyar sa kanya.

      Ito si Nikki Salvatierra.

     Nilunok niya ang bikig sa kanyang lalamunan bago alanganing tumango. "Y-yes."

      Ngumiti ang babae. "Great! It was a wild night last night," anito pabulong, puno ng malisya. "Just clean the kitchen and the living room. Then you can go after," utos pa nito bago naglakad patungo sa ref. Mabilis itong kumuha ng bottled water at umakyat din sa hagdan pagkatapos.

      Ilang minuto rin siyang nakatanga lang sa sala. Prinoproseso ng lohika niya ang mga pangyayari. Ngunit kahit na saang anggulo niya tignan, nasasaktan pa rin siya kahit wala siyang karapatan. Masama ang loob na tinungo niya ang kusina. Kumuha siya ng gloves, sinuot iyon at sinimulang linisin ang kusina. Panay ang patak ng luha niya habang inaayos ang lungga ng lampungan ng masungit at ni Nikki. Gusto niyang ngumalngal kaya lang hindi puwede.

      Lintek kasi talaga ang puso niya. Bakit ba ayaw niyang magtanda? Lagi na lang siyang gano'n. Magpapadala sa mga birada ni Phoenix, mage-expect, buburuhin ang sarili sa iba't ibang meaning na gusto niyang ikabit sa lahat ng kilos nito. Tapos iiyak-iyak siya kapag dumating ang nagdudumilat na katotohanan na lahat ng ginagawa ng lintek na masungit, wala pala talagang meaning!

      Pinahid niya ang luha. Minadali niya ang kilos. Malapit nang magtanghali at ayaw niyang magisnan siya ni Phoenix doon. Pinapangako niyang iyon na ang huling pagkakataon na tutungtong siya sa makasalanang penthouse na iyon ng masungit.

      Napalabi siya, parang kailan lang, sinabi rin niya sa sarili niya na hindi na niya iiyakan si Phoenix pero heto na naman siya, iniiyakan ang masungit. Lalo lang tuloy siyang naawa sa sarili niya.

      Nang malinis niya ang salas, sakto namang bumaba ulit si Nikki. Nakadamit na ito na parang wala ring silbi. Nakasuot ito ng maikling-maikling short, iyong kita ang kuyukot, at kulay dilaw na spaghetti top, bakat ang pinagpala nitong hinaharap.

      Napairap siya nang wala sa oras.

      "You're done?" anito.

      Tumango siya, inayos ang kanyang huwisyo. "Can I... can I leave something for Phoenix?"

      Sandali itong nag-isip bago, "Yeah. Sure."

      Maingat niyang inilabas ang envelope sa bag niya at ibinigay iyon sa babae. "Please tell him, it's... just half of the payment for the damages he required. But I am working for the other half and that my attorney will contact him."

      Nagsalubong ang kilay ng babae ngunit ngumiti rin pagkatapos. "Okay. I'll tell him."

      "I'll... I'll go ahead," bulong niya bago nagmamadaling tinungo ang pinto.

      Nakalabas na siya ng bahay nang muli siyang humarap sa nakapinid na pinto. Alam niya, pag-alis niya ngayon, malaki ang posibilidad na hindi na niya makikita nang personal si Phoenix... kahit kailan. Kumirot ang puso niya sa naisip. Tumulo ulit ang luha niya. May mga gusto pa sana siyang sabihin kaya lang hindi na niya magawa.

      Napahikbi siya.

      "Please love him. More than I do," bulong niya sa hangin bago nagmamadaling tinungo ang elevator. ###

4179words/4:39pm/06032020

#AccidentallyInLoveHDG












Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro