Chapter 13: Unspoken Words
"I-dressing mo na lang itong sugat mo the day after tomorrow, Ms. Centeno." ani Dr. De Asis, ang head ng surgery sa Angelicum Hospital. "Kapag hindi mo kaya, balik ka lang dito," dagdag pa nito habang inilalagay ang huling micropore tape sa gasa ng sugat niya.
Sampung sticthes ang tinamo niya mula sa pananakit sa kanya ng babaeng baliwag kay Phoenix. Nagtamo rin siya ng pasa sa binti at sugat sa tuhod. Nakuha niya marahil nang bumagsak siya sa sahig. Wala sa sarili siyang napahawak sa kanyang ulo. Masakit pa rin ang parteng sinabunutan ng babae.
Napapikit siya. Akala talaga niya kanina, katapusan na niya. Buti na lang...
"You're done!" nakangiting anunsiyo ng doktor. Noon naman pumasok sa treatment area ng ER si Brandy.
"Hi Doc!" bati nito sa doktor bago bumaling sa kanya. "Anyare sa 'yo, 'Te? Victims of love?" lukot ang mukhang komento nito bago lumapit sa kanya.
Umirap siya. "Anong ginagawa mo rito? 'Di ba nakaduty ka?"
Lumapit ito sa kanya, plastikadang ngumiti. Hinaplos nang marahan ang buhok niya bago hinigit ang ilang hibla niyon. Lihim siyang napahiyaw. Minulagatan siya nito at ikiniling ang ulo sa direksyon ni Dr. De Asis na noon ay abala sa pagsusulat ng reseta sa paanan ng kama.
Aburido niyang minasahe ang kanyang ulo. "Masakit 'yon a!" pabulong na reklamo niya.
"Shut up ka kasi," anang bakla, lalong nanlaki ang mga mata.
Pumormal sila nang muling humarap ang doktor. Nag-explain ito nang kaunti, ibinigay ang reseta sa kanya bago umalis.
"O dali, magkuwento ka!" excited na sabi ni Brandy bago umupo sa tabi niya.
Kusang rumolyo ang mga mata niya. "Dapat talaga ngayon din? Nakita mo na ngang muntik na 'kong ma-tegi dahil sa krung-krung na babaita ni Phoenix ngayon mo pa gustong maging updated sa chismis."
Umasim ang mukha nito. "E kanino mo 'ko gustong maki-chismis? Kay Phoenix?"
Umirap siya, pasimpleng lumabi. "And'yan pa ba?"
"Naman!" Hinawi nito nang bahagya ang kurtina sa treatment room. Nasilip niya si Phoenix na nasa waiting area. Kausap nito sina Dr. Lavigne at Dr. De Asis. Panay-panay ang daan ng mga nurse mula sa iba't-ibang ward at pasimpleng pinipicturan ang amo niya. Napabaling siya tuloy sa kaibigan.
"Ikaw? Sinong ipinunta mo talaga rito? Ako o si Phoenix?"
Hindi agad sumagot ang bakla. Bagkus inayos muna nito ang ilang hibla ng buhok niya at maingat iyong inipit sa kanyang tainga. "H'wag ka nang magtanong, girl. Masasaktan ka lang?"
Tinampal niya ang noo ng chismosa at taksil na bakla. Imbes na magreklamo, natawa na lang ito. Taksil talaga! Walang silbing kaibigan!
Ilang sandali pa, hinawi ni Phoenix ang kurtina sa cubicle na kinaroroonan niya.
Manghang napatayo si Brandy. "H-h-hi!" anito, namilipit ang boses sa pagpa-pacute. Taranta nitong pinaglipat-lipat ang tingin sa kanya at kay Phoenix, pulang-pula ang mukha. Para tuloy itong windang na pusang hindi makaanak-anak.
Pinigilan niya ang matawa. "Phoenix, si Brandy, kaibigan ko at isa siya sa mga nurse noong na-confine ka. Brandy meet Phoenix, amo ko." Pagpapakilala niya sa dalawa. Magalang na nakipagkamay si Brandy kay Pheonix. Kahit na sure na sure siya, na kung ang bakla ang masusunod, mas gusto nitong maglambitin sa leeg ni Phoenix para sulit na!
Tipid lang na ngumiti si Phoenix bago binitiwan ang kamay ng bakla. "Can I talk to Gabbie alone?" seryosong sabi nito.
Mabilis na tumango ang bakla, nakaplaster pa rin sa bibig ang malawak na ngiti. "S-sure!" tarantang sagot nito. Bumaling ito sa kanya at pasimpleng kumaway, minulagatan muna siya nito bago tuluyang lumabas ng cubicle. Ito na rin ang nagsara ng kurtina.
Agad na nag-iba ang ihip ng hangin nang sila na lang dalawa ni Phoenix. Tila may pader na nakapagitan sa kanilang dalawa na hindi niya alam kung kailan naitayo. O baka feeling lang niya 'yon dahil siya ang awkward ang nararamdaman. Kanina pa niya kasi inuutusan ang sarili na kumalma, h'wag nang pabibiktima sa charm ng amo niyang guwapo. Para namang hindi siya nag-enjoy sa pagyakap nito sa kanya habang sakay sila ng ambulansya at patungo sila sa ospital.
Lihim niyang napa-irap. Pagdating talaga kay Phoenix sablay ang lohika niya, walang silbi.
Ilang minuto rin na tahimik lang na nakatayo si Phoenix sa paanan ng kama. Ramdam niya ang bigat ng mga titig nito. Parang gaya niya, marami rin itong tanong.
"Nakausap ko na si Matt. He will come and visit my house everyday, to check on you and─"
Mabilis siyang bumaling dito. "Hindi ba 'ko puwedeng umuwi?" putol niya sa sana'y sasabihin nito.
Kumurap-kurap ito bago nagsalubong ang mga kilay. "Y-you wanna go home?"
Marahan siyang tumango bago nagyuko ng ulo. Ang lakas ng pagtutol ng lintek na puso niya sa sinabi niya. Pero alam niya sa isip niya, ang layuan ito ang pinakamagandang gawin para sa sarili niya.
Dahil kahit na anong gawin niya, hindi para sa kanya si Phoenix. Not today. Not tomorrow. Not ever!
Kaya dapat ngayon pa lang, habang maaga pa, habang kaya pa niya, habang nakakapag-isip pa siya nang matino, iniiwasan na niya ito. Kinakalimutan.
"Ihahatid kita."
Umiling siya at nag-angat ng tingin. "Tinawagan ko si Mac. Susunduin niya 'ko."
Marahan itong nagbuga ng hininga, walang-ganang tumango-tango.
"Ayos ka lang?" hindi na niya napigilang itanong.
"Yeah! I'm... I'm fine." Ngumiti ito nang pilit.
Magkokomento pa sana siya, kaya lang hindi na niya itinuloy. Binago na lang niya ang takbo ng usapan.
"'Yong bill ko pala dito sa ospital-"
"I took care of it," putol nito sa kanya.
"Idagdag mo na lang sa utang ko sa 'yo."
"No!" mabilis at mariin nitong tutol. "It's... It's my fault." Umigting ang panga nito, gumalaw din ang adams apple. "Dapat noon pa ako nag-file ng TRO against Rosie when..." Nahihiya itong tumingin sa kanya. "She was actually running after me that night no'ng... no'ng nabundol mo 'ko."
Lihim siyang napatanga. Sinasabi na nga bang wala siyang kasalanan e! Lumitaw sa kung saan si Phoenix kaya niya ito nabangga! Kung hindi talaga dahil sa krung-krung na Rosie na 'yon hindi makakandalabo-labo ang buhay niya e!
Pero, tapos na 'yon. Hindi pa rin maiaalis ang katotohanan na nakabangga siya ng tao at wala siyang lisenya nang makadisgrasya siya kaya kailangan niya iyong panagutan.
Hindi na lang siya umimik. Bagkus ay inabala ang sarili sa paghaplos sa gilid ng sugat niya.
"Masakit?" nag-aalalang tanong nito, dahan-dahang lumapit sa kanya.
"Kumikirot nang kaunti," paliwanag niya.
Maingat nitong hinawakan ang kamay niyang may sugat, hinaplos iyon bago tumingin sa kanya. Nagtama ang kanilang mga mata. Awtomatiko ang pagtigil ng kanyang hininga. Masyado na namang malapit si Phoenix. Lumulundag-lundag na naman sa kung saan ang puso niya. Hinihigop na naman ng kung anumang agimat sa mata nito ang huwisyo niya. Napalunok siya tuloy nang wala sa oras. Maya-maya pa umangat ang gilid ng labi nito.
"Paano 'yan, baka magkapeklat 'yan? Hindi ka na makinis gaya ng pinagmamalaki mo. Hindi na makaka-jackpot ang mapapangasawa mo?"
Kusang nalukot ang mukha niya at agad na binawi ang kamay niya rito. "Naalala mo pa 'yon?" napapa-irap na sabi niya.
Bahagya itong natawa. "I remember everything that you say, Gabbie."
Pinaliit niya ang tinig at asar na ang sinabi ito. "Mahal ako ng mapapangasawa ko. Tanggap no'n kung anuman ang kapintasan ko," nagtataray niyang saad.
Ngumiti ito. "You're right. You're definitely right."
Umirap siya. Na-stress siya tuloy kung paano niya tatanglin ang peklat sa sugat niya kapag gumaling na 'yon.
Natahimik sila pagkatapos. Maya-maya pa, naramdaman na naman niya ang titig ni Phoenix sa kanya.
Sinalubong niya ang tingin nito. "B-bakit?"
"Where have you been, Gabbie?" seryosong tanong nito.
"Anong where have I been? E 'di ba nga pinauwi mo 'ko," sarkastikong sagot niya.
"I know. But I was expecting you to be home at 5 pm. Ilang oras na kitang hinihintay sa lobby. Hindi rin kita matawagan. Naka-off ang cellphone mo since this morning."
Pigilan man niya, may kilig na dulot ang nalaman niyang hinintay nito ang pag-uwi niya. Lihim siyang napairap at sinaway na naman ang puso niyang marupok.
"Biyernes ngayon. May raket ako 'di ba?"
Hindi ito agad nagsalita, tumitig lang sa kanya bago, "For once, can you honestly tell me where you have been going?"
"May raket nga ako," matabang niyang sagot.
"Raket?"
"Oo. Rumaraket akong private therapist."
Nagsalubong ang kilay nito. "Why?"
"Anong why? Natural kailangan ko ng pera. Pa'no makakapag-aral sina Manny at Lala kung wala akong kita? 'Yong gamot ni Tatay, pa'no mabibili kung wala akong maiaabot? Pa'no ang bayad sa kuryente, tubig, at saka pangkain sa araw-araw? Hindi naman humihinto ang mga 'yon dahil nawalan ako ng sweldo, 'di ba? At saka si Tori graduating na 'yon this year. Nag-iipon 'yon para sa review niya. Hindi niya puwedeng saluhin lahat ng resposibilidad ko," dire-diretsong paliwanag niya.
"Why didn't you just tell me?"
Umirap siya, kumibot ang labi. "E siyempre masungit ka. Baka hindi mo 'ko payagan."
Hindi agad ito sumagot tumitig lang sa kanya. Kapag kuwan'y, "I'm sorry," anito.
"P-para sa'n?"
"If I hadn't been too angry and irrational, I wouldn't have pushed you to work for me without pay."
Bumuntong-hininga siya. "E gano'n talaga. Parte 'yon ng pagbabayad ko ng danyos." Ngumiti lang ito kahit wala namang nakakatawa sa sinabi niya. "O ba't nakangiti ka?" aniya, tunog imbyerna.
Umiling ito. "It's just that, you make every struggle sound so lightly. Parang okay lang sa 'yo ang lahat even if in reality, it's not."
"A, 'yon ba? E siyempre, laki ako sa hirap. Kapag mahirap ka, hindi uso ang iiyak-iyak kasi mas nakakaiyak ang magutom. Kapag mahirap ka, hindi uso ang tatamad-tamad kasi ang mga tamad, walang karapatang kumakain." Dumako ang tingin niya sa bintana. Natanaw niya ang kadiliman ng gabi. Agad na bumigat ang pakiramdam niya nang wala siyang makitang ni isang bituin sa langit. "At kapag mahirap ka, problema mo, iyo lang. Walang tutulong sa 'yo. Walang sasagip sa 'yo. Dahil lahat ng kakilala mo, busy din kung paano iispelengin ang tadhana na madalas masakit magbiro." Bumaling siya ulit kay Phoenix. "E wala e. Gano'n talaga ang buhay. Sabi nga nila, life is a beautiful struggle. We take what it gives, whether good or bad, and trust God to make something beautiful out of it."
Natahimik si Phoenix. Lalo pang tumitig sa kanya. Mukhang pinagagana nito nang husto ang agimat sa mga mata nito. Maya-maya pa, ngumiti ito, at hinaplos ang pisngi niya. "You're always full of positivity. I like that in you."
Like? Napakurap siya. Tama ba ang dinig niya?
"H-ha?"
Lalo itong napangiti. "Yeah."
"A-anong sabi─"
"Kulasa!"
Sabay pa silang napalingon ni Phoenix nang mahawi ang kurtina sa cubicle na kinaroroonan niya.
"Mac!" wala sa sariling bulalas niya nang makita ang kababata. Naka-uniporme pa ito, humihingal at bakas ang pag-aalala sa mukha.
Agad na lumapit si Mac sa kanya, mabilis siyang niyakap. "Anong nangyari?" Binitiwan siya nito at natatarantang sinipat-sipat. "Sa'n ka nadale?" Bumaba ang tingin nito sa kamay niyang may gasa at maingat iyong hinaplos. "Ito lang ang tama mo? Sigurado ka?" Tumango siya. Umaliwalas naman ang mukha nito. Maya-maya pa, ngumisi. "Ba't kasi eengot-engot ka?"
Hindi na siya nakapagpigil pa, binatukan na niya ang kababata na marami na ngang tanong, nanlalait pa.
"Salamat ha? Kumakalma ako sa pang-ookray mo," aniya sabay irap.
"Masakit 'yon Kulasa!" reklamo ni Mac, panay himas pa sa nasaktang ulo.
"Aba't talagang nang-aasar ka pa!" Hahampasin pa niya sana ang braso nito kaya lang tumikhim si Phoenix. Magkasabay nilang nilingon ni Mac si Phoenix na noon ay nasa paanan na ulit ng kama.
Lalong nadagdagan ang hiya niya nang matanto niyang tinawag siya ni Mac na kulasa sa harap ni Pheonix! Juskolerd talaga! Pahiyang-pahiya ang ganda niya!
Mabilis niyang inayos ang pagkakaupo sa kama. Tumikhim rin siya at pinagbantaan si Mac sa pamamagitan ng mata.
"Mac, si Phoenix, a-amo ko. Phoenix si Mac, bestfriend ko," pormal niyang pagpapakilala sa dalawa.
Si Mac ang unang naglahad ng kamay. "Mac, pare."
Tinanggap naman ni Pheonix ang kamay ng kababata. "So, you're Mac, the bestfriend," anito, bago makahulugang tumingin sa kanya.
Umirap siya. Nang-iintriga na naman kasi ang mga mata nito. Pagod siya at windang, wala siyang balak patulan ang kapilyuhang naglalaro sa mga mata ng masungit.
Namayani ang katahimikan matapos magkamay ng dalawang lalaki. Natensyon siya tuloy, hindi niya alam kung bakit.
"Uwi na tayo, Mac," aniya, maya-maya.
"Sige 'Yong bill mo pala─"
"Nabayaran ko na," mabilis na singit ni Phoenix.
Natigilan si Mac kapagkuwan'y tumango-tango. Sumulyap muna ito sa kanya bago hinugot ang wallet sa bulsa nito. Naglabas doon ng ilang piraso ng tig-iisang libo at inabot kay Phoenix. Nagsalubong ang kilay ni Phoenix.
"Para sa bill ni Gabbie," seryosong sabi ni Mac.
Umiling si Phoenix. "No. It's already paid."
"Sige na, pare. Ako ang magbabayad─"
"I said. It's already paid. I took care of it," ani Phoenix, may diin ang bawat salita.
Nagsukatan ng tingin ang dalawang lalaki. Tila nagta-tantiyahan. Ramdam na ramdam ni Gabbie ang pag-angat ng tensyon sa pagitan ng dalawa. Hindi nalalayo ang taas ng mga ito. Pati hulma ng katawan halos pareho. Kung batak si Phoenix sa gym, si Mac batak sa training at paghabol ng mga snatcher at holdaper sa mga eskinita ng Maynila! Juskolerd! Pakiramdam niya tuloy nakapagitan siya sa dalawang pader na anumang oras, pwedeng magbanggaan at siguradong maiipit siya!
Nagmadali siyang bumaba sa kama.
"T-tara na, Mac!" tarantang aya niya sa kababata. Bahagya pa itong hinila sa braso. Noon lang naputol ang tensyonadong tinginan ng dalawang lalaki. Sumulyap sa kanya si Mac habang ibinabalik ang pera sa bulsa nito. "T-tara na," pag-uulit niya, pabulong.
"Hatid ko na kayo," nagmamadaling alok ni Phoenix.
"Dala ko 'yong owner ko," seryosong sagot ni Mac. Kinuha nito ang bag niya na nasa kama. Pagkatapos niyon, magkahawak-kamay silang lumabas ng treatment area. Tahimik na sumunod si Phoenix hanggang sa entrada ng ospital.
"G-Gabbie!" alanganing tawag nito sa kanya bago sila tuluyang makalabas ng ospital.
Agad niya itong nilingon. Ilang hakbang din ang layo nito, nakatitig lang sa kanya. Bakas sa mukha nito ang pag-aalinlangan. Para saan? Hindi niya alam.
Huminto siya sa paglalakad. Naalala niyang kailangan niya itong bilinan dahil mawawala siya ng ilang araw. Kusa siyang bumitiw kay Mac at nilapitan si Phoenix.
"'Yong gamot mo, tuloy lang 'yon ha? Tapos 'yong ankle flexions mo gawin mo lang nang dahan-dahan. Hanggang three repetitions lang. Don't overdo it. At saka─"
"Gabbie..." tawag ulit nito sa kanya sa mas malumanay subalit mas nag-aalalang tinig.
"A-ano?"
Tumitig lang ulit ito sa kanya bago dahan-dahang hinaplos ang kanyang pisngi.
"You take care, okay?" bulong nito, malungkot ang mga mata.
Ewan niya, pero bumigat ang dibdib niya sa ginawa nito. Alanganin siyang tumango.
"I-Ikaw rin. P-pagbalik ko, m-mag-usap tayo," aniya.
Tumango lang din ito. Mabilis siyang tumalikod at binalikan si Mac na nasa labas na ng ospital at naghihintay. Mabigat ang dibdib niya. Dahil ba makalipas ang halos isang buwan, 'yon ang unang pagkakataon na hindi niya makikita si Phoenix araw-araw?
Lihim na naman siyang nagreklamo. Ang arte-arte talaga niya. Dapat sinasanay na niya ang sarili sa gano'n. Darating at darating talaga ang panahon na maghihiwalay din sila ng landas ni Phoenix. Magkakanya-kanya din sila ng buhay. Maglilimutan.
Hindi para sa kanya si Phoenix. At kailangan, ulit-ulitin niya 'yon hanggang sa magtanda siya at nang matigil-tigil na siya sa karupukan at pag-iilusyon.
"Ayos na?" ani Mac sa kanya nang makalapit siya rito.
"Oo," mabilis niyang sagot, tunog hindi.
Tumango lang si Mac bago umakbay sa kanya.
*****
Katakot-takot na tanong ang sumalubong sa kanya pag-uwi niya sa kanila. Ang daming tanong ng mga kapatid niya, lalo na ng tatay niya. Kahit na nasagot na niya, tinatanong ulit nito. Siyempre sinasagot niya ulit. Para tuloy siyang sirang plaka. Si Manny, in-okray siya. Nananaba raw siya kaya siya nahabol ng baliwag na babae. Si Tori sinabihan siyang mag-artista na lang dahil chimis-magnet talaga siya. At si Lala naman, panay ang iwas sa kanya. Natakot 'ata sa bahid ng dugo na nasa damit niya. Makikitabi raw ito kay Tori sa pagtulog baka raw mag-transform siyang zombie mamayang gabi, mahirap na. Kaimbyernang bata! Kutsilyo naman ang dumale sa kanya at hindi naman mababahong zombie!
Maghahating-gabi na nang tantanan siya ng mga ito. Noon lang din nagpaalam si Mac na uuwi na.
Hinatid niya ito hanggang sa gate.
"Off ko bukas. Patambay dito ha?" anito.
"Bakit?" aniya, lukot ang mukha.
"Anong bakit?"
"Bakit dito ka pa tatambay, ang lawak ng bahay niyo? Aalog-alog nga kayo do'n ng kapatid at tatay mo." Retiradong pulis din ang tatay nito. Graduating naman sa course na Engineering ang kapatid nito. At gaya niya, matagal na ring ulila sa ina ang kababata.
"Basta!"
"Anong basta?" Umirap siya. "'Yang mga trip mo rin talaga Macario basta na lang! Ewan ko sa 'yo! Bahala ka na nga!"
Tumaltak ito. "Tignan mo 'to. Panay reklamo mo ro'n sa amo mo na masungit, e ikaw rin naman! 'Yang katarayan mo rin talaga basta na lang din!" Magaan niyang hinampas ang braso nito. "Tignan mo, nananakit ka pa."
"He! Lumayas ka na! Gabi na!"
Naiiling itong sumakay ng sasakyan. "Basta bukas ha?"
"Bahala ka!"
"Talaga, akong bahala!" nang-aasar na sagot nito bago pinaandar ang sasakyan palayo.
Pagkapasok niya sa bahay, nasa kani-kaniyang kwarto na ang lahat ng housemates niya. Dumiretso siya sa kusina at nagpa-init ng tubig na panligo. Mabilis siyang nag-half bath, nagpalit ng damit pantulog at nahiga sa double deck. Sa ibaba siya matutulog ngayon. Baka kasi mahirapan siya sa pag-akyat, kaya sina Tori at Lala muna ang magkatabi sa itaas.
Ilang minuto na siyang nakahiga subalit ang isip niya, gumagala pa rin. Hindi ba dapat makatulog siya agad? Kagabi pa siya maraming hanash sa buhay niya a. Tulog na dapat siya ngayon. Kaya lang hindi.
Ang isip niya abala na naman sa pag-iisip sa masungit. Patamad niyang inabot ang cellphone niya sa bedside table at nag-browse sa social media. Natukso siyang tignan ulit ang IG ni Phoenix. Gaga siya e, gusto niyang masaktan. Kaya lang naka-set to private na ang account ng masungit. Nanghinayang siya tuloy.
Napairap siya. Ano na naman ba 'yong ginagawa niya? Iiwasan niya tapos ii-stalk niya sa social media? Tindi rin talaga ng kagagahan niya e.
Ibinalik niya ang cellphone niya sa bedside table. Tumagilid siya ng higa at niyakap ang isang unan. Wala pang isang minuto, nag-vibrate ang cellphone niya.
Awtomatiko siyang nagmulat at inabot ang cellphone niya. Sumikdo ang dibdib niya nang makitang nag-text ang Masungit.
Phoenix Masungit, 12:15 am
Goodnight, Gabbie. Sweet dreams!
Pinagdikit niya nang husto ang mga labi. Ayaw niyang tumili. Baka maeskandalo ang buong Matulungin Street.
Mabilis niyang ibinalik sa bedside table ang cellphone niya. Mahigpit na niyakap ang unan sa tabi niya at mariing pumikit. Ilang sandali pa dinalaw na siya ng antok.
Sumunod sa kanya ang kilig hanggang sa panaginip.
*****
Naalimpungatan si Gabbie bandang alas-siete ng umaga kinabukasan. Naiihi siya at kailangan niyang pakawalan sa paghihirap ang pantog niya. Tahimik pa ang kabahayan nang lumabas siya ng kwarto. Sabado kasi kaya borlogs to the max pa ang mga housemates sa bahay ni Tay Manding.
Dumiretso siya sa banyo at doon nagpakawala ng sama ng loob. Humihikab siyang lumabas ng banyo pagkatapos. Papasok na sana siya ulit sa kwarto nang may makita siyang parang aparisyon ng kung sinoman sa sala. Umatras siya ulit. Nagsalubong ang kilay niya. Mukhang masyado siyang inuuto ng kilig dahil nakikita niya ngayon si Phoenix na nakaupo sa sala nila. Kinusot niya ang mata. Wala ring nagbago. Nasa salas pa rin nila si Phoenix, tumayo pa at ngumiti.
Tinampal-tampal niya ang noo. Hindi naman siya nabagok kagabi nang masubsob siya pero bakit parang may diperensya ang mga mata niya. Bumaling siya ulit sa aparisyon. Upang mapamulagat lang nang bonggang-bongga dahil nakikita niya pa rin doon ang bulto ni Phoenix!
"Goodmorning!" masayang bati nito. Kinuha pa ang bungkos ng makukulay na bulaklak na nasa mesita at inabot sa kanya.
"T-totoo k-ka talaga?" manghang tanong niya.
"Yeah," mabilis na sagot nito, nangingiti.
"P-pa'no... S-sino... Subalit... Datapuwa't..." naguguluhang bulong niya.
"Pinapasok ako no'ng bata."
Lala.
Naningkit ang mata niya. Gising na pala ito. Maaga siguro ang appointment sa mga kalaro nito. Malilintikan talaga sa kanya ang batang 'yon!
Tumikhim si Phoenix maya-maya, umiwas ng tingin. Humalukipkip siya.
"O bakit?" nagtataray na tanong niya.
"It's not that it's new to me or something. I have seen bigger, better and..." Bumuntong hininga ito, tensyonado. "I have a clear view of your boobs from here."
Napasinghap siya. Niyuko ang kanyang mga future. Manipis na long tshirt na puti lang suot niyang pantulog. At baka na bakat doon ang mga future niyang kinulang man sa sukat, loud and proud na kumakaway sa masungit!
Nahindik siya. Mabilis na itinakip ang mga braso sa hinaharap at nagtitiling pumasok ng kwarto.
Hindi lang ang kahabaan ng Matulungin Street ang nabulabog kundi ang kabuoan ng Barangay Happy Village.###
3549words/11:33am/05252020
#AccidentallyInLoveHDG
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro