Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 12: Hope and How It's Lost


      "Get a pack of those Heineken beers in can," utos sa kanya ni Phoenix. Muli nitong hinarap ang hilera ng mga imported wine na nasa rack.

      Kasalukuyan silang nasa supermarket ng mga sosyal at bumibili ng good-for one-week na grocery supplies. Kung siya ang masusunod, sa grocery store na malapit sa penthouse na lang siya mamimili. Kaya lang, nagpumilit itong sumama. At dahil ito ang amo, wala siyang nagawa. Kaya lang, gusto na niyang magsisi na hindi siya tumutol sa pagsama nito sa kanya. Mukhang iba kasi ang depenisyon nito ng grocery dahil puro alak ang sina-shopping ng masungit!

      Napatingin siya sa malaking cart na tinutulak niya. May tig-dalawang bote na roon ng mamahaling brandy at tequila. At base sa pagtingin-tingin nito sa iba pang bote ng alak, mukhang mamimili pa ito ng iba pa. At nagpapakuha pa ito ng beer!

      Inihinto niya ang pagtulak sa cart at hinarap ito. "E bakit?"

      Nagtataka itong tumingin sa kanya. "What do you mean bakit?"

      "May kinuha ka nang alak dito. Namimili ka pa 'ata ng dagdag. Tapos kukuha pa ako ng beer?" Namaywang na siya. "Gagaling nga 'yang paa mo, pero lusaw naman 'yang atay mo kakalaklak ng alak."

       Pinakatitigan siya nito, matagal. Nailang na naman siya. May dala ring hilo ang pagtitig nito sa kanya. Puyat siya nang nagdaang gabi dahil sa pagbibigay ng meaning sa lintek na shiny shimmering heart.

      Lumapit si Phoenix sa kanya, bahagya siyang niyuko bago, "Wala ng laman 'yong bar..." Natigilan ito habang nakatitig sa kanya. "Just go get the beers, Gabbie," anito, bago nagbuga ng hininga. Idiniretso nito sa cart ang hawak nitong dalawang bote ng mamahaling wine at muling tumingin-tingin sa wine rack.

      Umirap siya at dismayadong tinulak ang cart patungo sa kabilang dulo ng wine section kung saan naroon ang pinapakuha nito.

       Nakukunsumi siya. Nawawala na ang epekto ng kilig na dulot ng shiny shimmering heart. Napupuno na naman kasi ang inis meter niya para sa amo niyang masungit at matigas ang ulo.

       Kanina, pagbukas niya ng cellphone, punumpuno ang inbox ng lahat ng social media accounts niya. Pati ang group chate ng pamilya Centeno puno rin ng kantyaw. Pero maliban sa pamilya niya at kina Brandy at Jelaine, hindi niya sinagot ang ibang messages. Baka mamaya ma-bash na naman siya ng mga echoserang froglets. Kakabalik pa nga lang niya sa Facebook dahil nga kinuyog siya noon ng mga fans ni Phoenix nang maaksidente niya ito.

      Tikwas ang ngusong binuhat niya ang 24-can pack ng Heineken Beer. Dahil puyat siya at hindi full-bars ang enerhiya niya, nahirapan siyang ilipat iyon patungo sa cart. Buti na lang may dumaan na lalaki at tinulungan siyang magbuhat.

      Nagpakilala ang lalaki. Nathan daw ang pangalan nito. Matangkad, guwapo, bakas ang nagpipintugang muscles nito sa suot nitong dri-fit shirt at higit sa lahat maaliwalas ang mukha nito. Hindi tulad ng amo niyang ka-lebel ng mga imortal ang kaguwapuhan kaya lang pinaglihi naman sa kunot-noo at kasungitan. Nakangiti siyang nagpaalam kay Nathan.

      Pagkaalis na pagkaalis ni Nathan, siya namang pagsulpot ni Phoenix sa tabi niya.

      "Who's that? Kilala mo?" anito.

      "Nathan daw."

       "Daw?" Umiling-iling ito bago inilagay ang dagdag na dalawa bote ng alak sa cart. Bumaling ito sa kanya, pinakatitigan siya bago ngumisi. "Hindi ka type no'n."

      Awtomatiko ang pagtikwas ng nguso niya. "Madumi talaga utak mo, 'no? Tinulungan lang ako no'ng tao. Malay ko bang singbigat ng hangin sa utak mo 'yang beer na pinapakuha mo."

      Natawa lang ito. "Ikaw nga d'yan..." Bumulong-bulong ito. Hindi niya naintidihan.

      "Anong sabi mo?" naiinis niyang tanong.

      "Nothing," kaswal na sagot nito bago nagpatiuna sa paglalakad.

      Nagngingitngit niyang tinulak ang cart at sumunod dito. Maya-maya pa may dumaan na babae. Sumisigaw ang kasosyalan nito mula ulo hanggang paa. Litaw ang magandang hulma ng katawan nito sa suot nitong skinny jeans at fitted white blouse. Sinundan ng tingin ni Phoenix ang papalayong babae. Pagharap nito sa kanya, abot-tainga na ang ngiti ng masungit.

      "Ngiting-manyak ka na naman," aniya, tunog imbyerna. "Type mo?"

       Sandali itong nag-isip, hinayon ng tingin ang aisle na dinaanan ng babae bago ibinalik ang tingin sa kanya. "Rockin' body but..." Umasim ang mukha nito at umiling.

       Umirap siya kunwari. "Wow, choosy ka pa niyan, ha?" Ngumiti lang ito bago muling naglakad. "B-bakit ano bang type mo?" lakas-loob niyang tanong habang binabagtas nila ang aisle ng frozen meats.

      Sandali itong nag-isip. "Tall, long-haired, with soulful brown eyes and kissable lips.

      "'Y-yon lang," natetensyong tanong niya. Pasimple niya kasing chini-check ang sarili niya kung pasok ba siya sa standard ng masungit.

      "With a rockin' body of course and big..." Ipinuwesto nito ang dalawang kamay sa dibdib nito.

      Lihim siyang nasamid, niyuko ang kanyang nananahimik na mga future. Napangiwi siya.

      Disqualified.

      "In short, everything that's not you," kaswal nitong dugtong.

      Kumibot ang labi niya. "I-itsura mo! H-hindi rin naman kita type sa sungit mong 'yan! Haller!" Pinilit niyang iikot ang mga mata niya para mas convincing.

      Ramdam niyang gustong umatungal ng puso niyang inosente at marupok. Kaya naman para ma-distract siya kumuha siya ng tig- isang supot ng Schublig at Hungarian Sausage.

      "Get some more varieties," anito habang inilalapag niya ang sausages sa cart.

      "Ha? 'Yan lang naman ang kinakain mo na sausage?" takang tanong niya.

      "Get some of those Italian Garlic and Andouille. Also some T-bone steak. I'll be grilling tonight. My guest would love those."

      "Guest?"

      "Yeah, I have a special guest coming over tonight."

      Guest. Walang s. Meaning, isa lang.

      Tinambol ng kaba ang dibdib niya. "Si P-Penny?" pasimpleng tanong niya habang inilalapag sa cart ang iba pang items na inutos nito na bilhin.

      "No. Penny's in the US. It's her friend who's coming over," kaswal nitong sagot, bumaling pa sa kanya. "You know, Nikki Salvatierra."

      Imbes na sumagot, tumango lang siya at tinulak ang cart. Pakiramdam niya kasi may kumukurot sa puso niya nang pinong-pino. Kumpirmado, walang meaning ang shiny shimmering heart. Lintek kasi ang puso niyang inosente at marupok. Ba't ba niya kasi naisipang bigyan 'yon ng meaning? E paulit-ulit nga nitong sinasabing hindi siya type nito.

      Babalik na ba sa pakikipag-date si Phoenix? At makikita niya 'yong lahat?

      Lihim siyang tumikhim nang biglang humapdi ang lalamunan niya.

      'Yon na ba 'yon? Gano'n ba ang pakiramdam ng nagseselos?

      Hindi na sila nag-usap. Tahimik nilang binaybay ang aisle patungo sa cashier. Pagdating sa cashier, ibinigay nito sa kanya ang credit card nito. Muntik na siyang malula! Umabot ng singkwenta mil ang bayad ng lahat ng pinamili nila. Mahal pala ang mga alak na binili nito. Kung sa ibang pagkakataon baka nangaral na naman siya. Kaya lang, wala sa mood ang katarayan niya. Nakikipagluksa 'ata sa puso niyang lihim na biktima ng karupukan.

      Kahit na nang nasa sasakyan sila pauwi, tipid siyang makipag-usap kahit na panay ang daldal nito. Pagdating sa penthouse, habang abala siya sa pag-aayos ng mga pinamili nila, lumapit ito sa kanya at sinabing, "You can go home today, Gabbie. I'll be busy tonight."


*****


      Nikki Salvatierra.

      Maganda, maputi, matangkad, brown eyes, namumutok ang labi sa fillers pero papasa nang cheapanggang version ng labi ni Angelina Jolie, at higit sa lahat, malaki...

      Yumuko siya at muling tinignan ang kanyang dibdib na tila nabiktima ng usog kaya hindi gaanong lumaki.

      Lintek!

      Napaisip siya tuloy kung lumaklak ba siya ng ilang kilong Vitamin C noong bata siya, lumobo rin kaya ang hinaharap niya?

      Napapailing siyang tumungga sa bote ng beer, dumakot ng cornik na nasa platito at inisang subo iyon.

      "Ang laki ng problema mo, girl! Parang ayokong makinig," ani Brandy, tumungga rin sa bote ng alak na hawak nito.

      Pasado alas-onse na ng gabi at katatapos lang ng duty ni Brandy sa ospital. Sadya niyang hinintay matapos ang shift nito para may kasama siya ngayong mag-umiyak para sa puso niyang lihim na sugatan.

       "Wala akong problema!" angil niya bago isinuksok ang hawak niyang cellphone sa bag niya.

      "Sa lagay na 'yan wala ka pang problema, ha? E pa'no na lang kung meron talaga? 'Yong sa true lang ha, nakaka-shokot ka girl!" anang bakla, natetensyong uminom ulit sa bote ng alak.

      Umirap siya nang maalala si Phoenix at ang bisita nito ngayong gabi. Wala sa sarili siyang napalabi. Nasa inuman siya pero ang isip niya naro'n sa penthouse─ sa masungit at sa babaeng pinagpala sa boobelya!

      Ano na kayang ginagawa ng mga ito?

      Natigilan siya, marahas na ipinilig ang kanyang ulo. Nagmamadali siyang uminom ng alak na para bang kaya niyong hilahin sa ibang direksyon ang daloy ng isip niya. Pagkatapos ay pabagsak niyang inilapag sa mesa ang bote ng alak, yumuko bago naguguluhang isinubsob ang kanyang ulo sa palad niya.

      Nagtotoyo na 'ata siya.

      Ano na ba itong nangyayari sa kanya? Hindi naman siya dating gano'n a.

      Gano'n na ba talaga kasama ang tama niya kay Phoenix?

      Gano'n ba talaga ang pag-ibig? Nakakabaliw? Nakakaengot?

      "Gabbie," ani Brandy marahan pang tinapik ang braso niya. Nag-angat siya ng tingin. "Sabihin mo sa 'kin ang pangalan, girl? Sasabunutan ko para sa 'yo."

      Kumurap-kurap siya, pinakatitigan ang kaibigan. Tumikhim siya bago alanganing nagsalita. "M-may kaibigan ako. G-gusto niyang malaman kung pa'no mag-move on?"

      Nagbuhol ang kilay ng bakla. "Knows ko ba 'tong friend mo?"

      "H-hindi," tanggi niya, uminom ulit ng alak. Tumikhim siya ulit bago dumiretso ng upo.

      Sandaling nag-isip si Brandy. "'Yong friend mo, gaano sila katagal ng dyowa niya?"

      Umiwas siya ng tingin, inatake ng hiya. "H-hindi naging sila."

       Ilang segundo ring nagtumanga ang kaibigan sa harap niya. At nang mahimasmasan ito, mabilis na uminom ng alak sa bote. Nakunsumi 'ata sa sagot niya.

      Weird ba talaga 'yon? 'Yong magmo-move on kahit hindi naging kayo ng gusto mo?

      Inilapag ni Brandy ang bote ng alak sa mesa, umayos ng upo, tumikhim bago, "Kawawa 'yang kaibigan mo, girl. Sabi nga ni Beshie Dumbledore, "Dark and difficult times lie ahead." Kasing-kulimlim ng kili-kili ko ang kinabukasan ng love life niyang kaibigan mo."

      Lalo siyang ninerbyos.

      "E... e a-ano gagawin niya?" mangiyak-ngiyak niyang tanong.

      Pumulot ng cornik si Brandy. "Wala," kaswal nitong sagot.

      "Wala?" pag-uulit niya, lukot ang mukha.

      "Truli, waley! Kasi alam mo ang feelings, kapag pinipigilan mo lalong lumalala. Kaya kung ako d'yan sa kaibigan mo, go with the flow. Hayaan niya ang sarili niyang magmahal. Love until it hurts no more."

      Lalong nalukot ang mukha niya.

      Love until it hurts no more.

      Mukhang mali siya ng kinausap. Dapat si Jelaine na lang sana ang inaya niyang lumabas. Kaya lang may sariling lakad ang babaita. Inis niyang hinagod ng kamay ang kanyang buhok.

      Hindi niya matatanggap ang payo ni Brandy. Ipinangalan lang siya sa mga bayani pero hindi siya martir. Maayos pa ang takbo ng lohika niya. Dinidikta ng isip niya na dapat tigilan na niya ang anumang nararamdaman niya kay Phoenix kaya lang ayaw ng puso niya.

      So anong gagawin?

      "Guwapo ba 'yang love ng friend mo?"

      "Oo naman," mabilis niyang sagot.

      "Matangkad?"

      "Natural!"

      "Maganda ang katawan?"

      "Sobra!" Awtomatikong namula ang kanyang pisngi nang maala ang eksena noong unang gabi niya sa penthouse. Noong namilipit sa sakit ang masungit at nagkaroon siya ng free access viewing sa katawan nito.

      Ngumiti ang bakla, kinikilig. "Malaki?"

      Namilog ang mga mata niya. "Hoy! Sobra ka!" naeeskandalo niyang bulalas.

      "Ang paa! Kung malaki ba ang paa niya 'ka 'ko!"

      Umirap siya. "Malamang! Basketball player si Phoenix e."

      Napasinghap si Brandy, gulat na napatitig sa kanya. Maging siya man ay gulat na tinutop ng kamay ang bibig. Kaya lang huli na. Nasabi na niya ang sikreto niya.

      "Aha! Love mo na Fafa Phoenix, 'no?"

      Hindi siya sumagot. Natetensyon niyang kinagat-kagat ang loob ng kanyang pisngi. Mabuti na lang tumunog ang cellphone ni Brandy bago pa man siya tuluyang gisahin nito. Mabilis nitong inalabas ang cellphone nito upang lalo lang mapasinghap pagkatapos.

      "Oh my God!" bulalas nito. Iniharap nito sa kanya ang screen ng cellphone nito. Bumungad sa kanya ang picture nina Phoenix at Nikki, masayang nagsasalo sa isang candle lit dinner sa patio ng penthouse. At sa caption nakasulat ang, 'Wonderful night with my gorgeous visitor.' May kasama iyong champagne flute at rose na emoji.

      "Si Nikki ba ang bagong dyowa ni Phoenix, girl?" wala sa sariling tanong sa kanya ni Brandy, ang mga mata nasa cellphone pa rin nito.

      Hindi siya nakasagot. O mas tamang sabihing, wala siyang kakayanang sumagot. Pakiramdam niya kasi parang may dumagan na kung anumang mabigat na bagay sa dibdib niya at ayaw siya niyong tantanan kahit na anong pilit niya. Nanakit na rin ang lalamunan niya dahil sa pinipigil na iyak.

       Gano'n niya kagusto si Phoenix? To the point na iiyakan niya talaga ito dahil lang sa bumalik ito sa pakikipag-date?

      "Girl, cry me a river ka talaga?" untag ni Brandy sa kanya maya-maya.

      "H-ha?"

      "Umiiyak ka na, girl." Nahimigan niya ang pag-aalala sa tinig nito.

      Madali niyang hinawakan ang kanyang pisngi. Totoo nga, basa iyon ng luha. Hindi niya namalayan na totoong umiiyak na pala siya. Nanginig ang labi niya, lalong nanlabo ang mga mata sa bagong pagngilid doon ng luha. At nang tuluyang iyong tumulo, pumikit siya-- huminga nang malalim, marahang nagmulat bago marahas na ipinunas ang kanyang palad sa kanyang pisngi.

      Hindi siya dapat umiyak. Siya ang naglagay sa sarili niya sa ganoong sitwasyon. Wala siyang dapat sisihin kundi ang marupok at inosente niyang puso.

      Lumakas sa tainga niya ang kanta mula sa videoke.

      It must have been love
      But it's over now
      It must have been good
      But I lost it somehow
      It must have been love
     But it's over now
     From the moment we touched
     Till the time had run out

     Lintek na 'yan! Bakit may themesong ang first heartbreak niya? Nananadya ba talaga ang tadhana?

     "Order ka ng isang bucket ng beer," mangiyak-ngiyak na utos niya kay Brandy.

     Nalukot ang mukha ng bakla bago ngumuso. "Ay, 'di ko feel maglasing ngayon e. May duty ako bukas ng hapon. At saka hindi naman ako sawi. Bonggelya ang love life ko. Maaliwalas. Kasing aliwalas ng ganda ko. Ikaw na lang magmukmok, Gabbie."

     Sinamaan niya ng tingin ang nag-iinarte at mapanglait na bakla.

     Mukhang na-gets naman nito ang pagbabanta niya kahit 'di siya nagsalita. Taranta nitong hinila ang dumaang waiter. "Isang bucket ng beer. 'Yong sub-zero. Tapos isang order na rin buffalo wings. The spicier, the better. Pampagising sa mga pusong sawi at bitter." Pilit ang ngiti na bumaling si Brandy sa kanya pagkatapos. "Ayos na?"

     Umirap siya, inubos ang laman ng bote ng beer na hawak niya.


*****


     "Bakla, gising ka pa?" tanong ni Gabbie kay Brandy. Magkatabi sila sa kama. Nakatagilid ito ng higa, patalikod sa kanya.

     Pasado ala-una na ng madaling-araw at kakauwi pa lang nilang dalawa ni Brandy. Doon siya sa apartment ng kaibigan tumuloy. Ayaw niyang umuwi sa kanila.Baka maeskandalo ang tatay at mga kapatid niya kapag nakita siyang nakainom.

     May dala nang hilo at windang ang nainom nilang isang bucket ng beer ni Brandy. Pero bakit gano'n, naghihimutok pa rin ang puso niya? Tila ayaw magtanda. Ayaw lumimot. Natatakot.

     Hindi ba dapat kapag lasing, bangenge na? Dapat matapang na. Dapat, wala nang nararamdamang sakit.

     Umungol si Brandy. "Nahihilo na 'ko girl. Sleeping beauty na tayo, ha?"

     Napasinghot siya. Naiiyak na naman siya.

     Gano'n na lang 'yon, itutulog na lang niya ang sama ng loob?

     Kanina akala niya, kapag lumaklak siya ng alak, makakatulog siya nang matiwasay ngayong gabi. 'Yon kasi ang drama ng mga sawi sa pelikula e. Kaya lang, hindi pala effective. Parang mas lalong na-highlight ang pag-eemo ng sawi niyang puso ngayong lumaklak siya ng alak.

     Wala sa sarili siyang napahikbi. "Bakla... normal lang ba talaga 'to... na nasasaktan ako?" aniya bago humagulgol.

     Umayos ng higa si Brandy. "Girl, h'wag na cryola. Lilipas din 'yan, promise!"

     "Lilipas din? E kailan naman 'yon? Gusto ko ngayon na. Now na!" himutok niya sa pagitan ng pagsinghot bago umupo sa kama.

     Napaupo na rin si Brandy at manghang tumingin sa kanya. "Ay, nagmamadali? May lakad?"

     Napahikbi siya. Alam naman niya, imposible ang sinabi niya.

     "Gaga na ba 'ko?" garalgal ang tinig niyang tanong.

     "Slight," anang kaibigan.

     Napahagulgol ulit siya. Lihim na pinagalitan ang puso niyang inosente, marupok at engot.

     Siya naman ang humiga nang patalikod kay Brandy. Niyakap niya ang isang unan, isinubsob doon ang kanyang mukha at doon itinuloy ang pagngawa.

     Ang gulo-gulo na ng isip niya. Puro tanong, wala namang sagot!

     Ano ba talaga ang gusto niya kay Phoenix? I-date din siya? Dyowain siya? Mahalin siya?

     Mahalin.

     I think I don't have a heart than can love, Gabbie.

     Lalong bumigat ang dibdib niya sa naalala. Nagmamahal siya ng isang taong puro landi lang ang alam at hindi marunong magmahal. Kundi ba naman siya isa't kalahating gaga.

     Ilang sandali rin siyang tahimik na nagngalngal sa unan bago niya iyon binitawan. Maya-maya pa, narinig niya ang mahinang paghilik ni Brandy. Nakonsensya siya dahil dinamay-damay pa niya ang kaibigan sa kagagahan niyang magpakalango sa alak.

     Muli siyang nagpunas ng luha.

     Siya si Maria Gabriela Tereza Centeno. Hindi siya ipinangalan sa mga kababaihang bayani kung wala siyang taglay na tapang. Pinapangako niyang 'yon na ang una at huling pagkakataon na iiyakan niya ang guwapong masungit na si Phoenix Castro.

     Marahan siyang napapikit bago muli ring nagmulat. Masakit na ang mata niya sa pag-iyak. Nag-aagaw na sa tino at bangenge ang tigkalahati ng huwisyo niya. Gayunpaman, pilit niyang inabot ang bag niya na nasa bedside table at kinapa roon ang cellphone niya.

     Kandaduling siyang nag-text kay Mac. Gusto niya itong makausap mamaya. Si Mac na lang ang naiisip niyang solusyon sa problema niya. Nang hindi niya mahintay ang reply nito, tumawag na siya.

     "Gabbie?" anang pamilyar na boses sa kabilang linya.

     "M-Mac, hindi k-ko na kaya. Pautangin mo ulit ako, please. Hindi na ko p-puwedeng magtagal do'n. Mahal ko na kasi talaga 'ata siya. Mahal ko na si Phoenix." Muli siyang napahikbi. Awang-awa siya sa sarili niya.

     Hinintay niya ang sagot ng kaibigan sa kabilang linya, kaso wala. Taka niyang tinignan ang cellphone niya. Malas. Dead-batt ang cellphone niya.


*****


     Kinabukasan

     Patamad na binabagtas ni Gabbie ang daan patungo sa penthouse. Alas-otso na ng gabi pero labag pa rin sa loob niya ang pag-uwi sa penthouse ni Phoenix. Biyernes at kagagaling lang niya sa raket niya. Bago umuwi, sinadya niyang tumambay muna sa kung saan-saan kaya siya ginabi.

      Kung siya ang masusunod, uuwi na lang siya sa kanila. Kaya lang sabi ni Mac nang maka-usap niya ito kanina sa presinto, sa susunod na linggo pa nito pwedeng makuha ang loan nitong 250,000 pesos na uutangin naman niya para ipambayad ng danyos kay Phoenix. Kung saan niya hahagilapin ang kulang para mabuo ang 500,000, hindi pa niya alam. Basta ang importante, makapaghulog siya ng bayad sa danyos kahit papaano.

     'Yon na lang kasi ang naiisip niyang paraan para huminto na sa katangahan ang puso niya. Naniniwala siya na kung gaano siya kabilis nabiktima ng charm ng masungit, sigurado siyang ganoon rin niya kabilis itong malilimutan kapag tuluyan na silang naghiwalay ng landas.

     Hindi kasi tama. Hindi tamang hinayaan niyang ang sariling magkagusto kay Phoenix.

     "Miss!" anang tinig sa likuran niya.

     Agad siyang lumingon. Ilang hakbang mula sa kanya, nakatayo ang isang babaeng pamilyar sa kanya ang ayos at bihis. Prumuseso ang kanyang memorya, pilit na inalala kung saan niya nakita ang babae.

     Tama! Ito ang aleng nagbenta sa kanya ng mineral water sa ospital noong isang araw. Pero parang may kakaiba rito na hindi niya mawari kung ano. Sa malamlam na ilaw mula sa kalapit na street light, tinignan niya nang mabuti ang ale. 'Yon pa rin ang damit nito. Nakasukbit pa rin sa braso nito ang maliit na ice box na lagayan nito ng binebenta nitong mineral water. Kaya lang wala na ang balabal na nakatakip sa mukha nito noon. Kitang-kita niya tuloy na mas lalong naging pamilyar ang mukha nito ngayon kaysa noong isang araw.

     Maya-maya pa, binuksan nito ang ice box at may kinuha roon. Kumislap ang talim ng kutsilyo na hinugot nito mula roon.

     Agad na bumangon ang kaba sa kanyang dibdib. Taranta siyang nagpalinga-linga, naghanap ng puwede niyang hingan ng tulong. Subalit dahil wala sa mainroad ang condo tower, bibihira ang dumaraan doon mapa-tao man o sasakyan.

     Marahang humakbang ang babae palapit sa kanya. "Inaagaw mo si Phoenix sa 'kin," mapait ang tinig na umpisa nito. Galit nitong binitiwan ang icebox, hindi inaalis ang mga mata sa kanya. Nang tumama ang mukha nito sa ilaw, doon lang niya napagtanto na ito rin ang babaeng kasama ni Phoenix noong madisgrasya niya ito.

     Taranta siyang napaatras.

     Ngumisi ang babae. "I am done waiting for you to go. So, I will just kill you myself!" banta nito na binilisan pa ang lakad patungo sa kanya.

     Awtomatiko siyang napatakbo. Ilang metro na lang mararating na niya ang condo tower. Doon, pwede siyang humingi ng saklolo.

     "I will kill you bitch!" sigaw ulit ng babae.

     Ni hindi siya lumingon, bagkus, lalo pa niyang binilisan ang pagtakbo.

     "Kuya Piolo! Tulong!" histerikal niyang sigaw sa matandang security guard na siyang nakabantay sa guardhouse.

     Napatayo ang matandang guard, hinugot ang radyo nito sa bulsa. Hindi siya tumigil sa pagtakbo hanggang sa makarating siya sa lobby. At sa sobrang pagmamadali niya, nalaktawan niya ang ilang baitang ng hagdan na patungo sa reception area.

     Bumagsak siya at tumama ang tuhod niya sa baldosa, ilang metro mula sa reception desk. Napahiyaw siya sa sakit. Subalit, hindi pa man siya nakakabawi, may humatak na sa buhok niya mula sa kanyang likuran.

     Naabutan na siya ng babae!

     Mahigpit ang ginawa nitong pagkamal sa kanyang buhok. Hindi pa ito nakuntento, kinaladkad siya nito ilang hakbang sa kung saan habang nakasabunot sa kanya. Ramdam na ramdam ng anit niya ang sakit. Tuluyan na siyang napaluha.

     Naisip niya ang pamilya niya, ang lahat ng taong umaasa sa kanya, ang mga taong mahal niya. Hindi siya pwedeng mamatay nang gano'n gano'n na lang.

     Inipon niya ang buong lakas at nagpumiglas. Nabitiwan ng babae ang buhok niya. Kinuha niya ang pagkakataong iyon upang gumulong palayo. Subalit, mabilis siya nitong dinaluhong at ipinagitan siya sa mga binti nito. Nang magbanta ito ng pag-unday ng kutsilyo, awtomatiko niyang isinalag ang kanyang braso. Nahagip ng kutsilyo ang kamay niya.

     Napasigaw siya nang sumigid ang sakit sa sugat na kanyang tinamo. Napapikit na siya nang tuluyan. Mukhang doon na nga siya mamamatay.

     Hinanda niya ang sarili sa muling pag-atake ng babae, kaya lang hindi na 'yon naulit pa. Nang imulat niya ang kanyang mata, napapalibutan na siya ng unipormadong sekyu ng condo tower. Si Kuya Piolo ang mismong tumulong sa kanya sa pagbangon.

      Lumapit sa kanya si Paul. "Gabbie, are you okay?" nag-aalalang tanong nito. Mabilis itong naglabas ng panyo at itinakip iyon sa sugat niya sa kamay. "Sandali na lang nandito na 'yong ambulansiya," dugtong pa nito bago nilapitan ang isang pulis.

     Ni hindi siya makaimik. Hindik niyang pinagmamasdan ang babaeng nanakit sa kanya na patuloy pa rin sa pagwawala kahit na pinoposasan na ito ng mga rumespondeng pulis.

      "Hindi pa ako tapos sa 'yo! Akin lang si Phoenix! He's mine! He's mine!" sigaw nito habang nakatingin sa kanya. Lalong naghisterikal ang babae nang mapuno ang paligid ng ingay mula sa wang-wang ng patrol car.

      Maya-maya pa may matitibay na mga kamay na yumakap sa kanya mula sa kanyang likuran. Dahan-dahan siyang pinihit paharap dito.

     Nang mag-angat siya ng tingin, nakita niya si Phoenix. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala,takot, at marami pang emosyong hindi niya kayang pangalanan.

     Kusang tumulo ang luha niya. Sa dinami-raming bagay at emosyon kasi na gumugulo sa kanya ng mga oras na 'yon, isa lang ang klaro sa isip niya nang makita niya ito. Mahal niya si Phoenix. Kahit na bawal. Kahit hindi niya alam ang rason. Kahit mahirap. Kahit nagmumukha siyang engot. Kahit na alam niyang masasaktan lang siya. Kahit ni sa hinagap hindi siya nito puwedeng mahalin. Mahal niya ito kahit maraming kahit na.

     Marahan nitong hinaplos ang kanyang pisngi. Dahan-dahang pinalis ng daliri nito ang mga luha niyang tila walang balak tumigil sa pagpatak.

     Gusto niyang umatras─ pagbawalan ito sa ginagawa nito, dahil hindi iyon ang ipinangako niyang gagawin kapag nakaharap niya ito. Dahil hindi iyon makakabuti sa kanya─ sa puso niya. Kaya lang wala siyang kakayahan. Natural na sumusuko ang kanyang lohika sa puso niya pagdating kay Phoenix.

     Ilang sandali pa, niyakap siya nito. Maingat subalit mahigpit. At dahil wala rin siyang magawa, hinayaan na lang niya ang sariling makulong sa mga bisig nito hanggang sa dumating ang ambulansya. ###

4115words/10:33m/05182020
#AccidentallyInLoveHDG



























Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro