Chapter 1: The Encounter
"Tay! Ano na naman po ba 'yan?" nakasimangot na reklamo ni Gabbie nang madatnan niya ang ama na nakasampa sa bumper ng owner-type jeep na nasa kanilang garahe. Nagdadabog niyang ibinagsak ang kanyang bag sa sofa sa sala bago binalikan ang ama sa garahe.
"Malapit na 'to, anak. Kaunting pihit na lang ayos na," anang tatay niya, ang atensyon nasa makina pa rin ng sasakyan.
Nagbuga ng hininga si Gabbie, dismayado. "Di ba nag-usap na po tayo, Tay? Bawal na kayong tumanggap ng raket. Paano kung tumaas na naman ang BP ninyo? Sinong tutulong sa inyo? Parang wala lang sa inyo 'yong pagtaas ng presyon niyo noong isang linggo a. Paano kapag naulit ulit yon? Wala pa naman kami maghapon─"
"Opo 'Nay. H'wag po kayong mag-alala, Nay. Tapos na po, Nay," nakangising putol sa kanya ng Tatay niya. Nanulis ang nguso niya. Tinutukso na naman siya ng tatay niya. Bumaling sa kanya ang ama bago, "Paabot nga ng saklay, Nak."
Inabot niya ang saklay nitong naglaglag sa sahig. Agad siyang na-guilty sa pagtatalak niya. Tatlong taon na mula nang maputol ang kaliwang binti nito nang maaksidente ang minamaneho nitong jeep. Gusto kasi siya nitong bigyan ng kaunting salo-salo nang makapasa siya sa Physical and Occupational Therapist Licensure Exam. Kaya naman kahit hindi gaanong nakakondisyon ang jeep na minamaneho nito, sumige pa rin ito sa pasada. Ayon, nawalan ng preno ang jeep. Pero dahil ayaw nitong mapahamak ang mga pasahero nito, sinalo nito ang lahat ng impact nang sadya nitong ibangga ang sasakyan sa puno. Nagfifty-fifty ang tatay niya sa ospital. Ngunit dahil na rin sa tulong ng mga kakilala niyang ortho doctors sa ospital kung saan siya noon nag-OJT bilang physical therapist, nabigyan ng sapat na tulong medikal ang tatay niya.
Nang makatuwid ito ng tayo ay pinaghila niya ito ng upuan, Namaywang siya bago muling nangaral.
"Tay, 'di ba, sabi ko wala munang raket na ganito?"
"E may babayaran si Manny sa eskwela. At saka wala naman akong ginagawa rito. Hayaan mo 'Nak. Hindi naman ako gaanong napagod. Sayang din kasi ang kita. At saka 'di ba, nag-iipon ka rin para sa placement fee mo. Kaya hayaan mo na 'ko na tulungan ka kahit papano dito sa gastusin sa bahay."
May point ang tatay niya. Halos isandaang libo pa ang bubunuin niya para sa placement fee niya papuntang Dubai. Pangarap niya kasing makapag-abroad para makapag-provide siya nang husto sa pangangailangan ng pamilya niya. Matagal na rin kasing pumanaw ang nanay niya at mula noon siya na ang katu-katulong ng tatay niya sa pagpapalaki sa mga kapatid niya.
Apat silang magkakapatid. Si Tori, ang sumunod sa kanya, ay kasalukuyang 4th year nursing student. Bagaman, scholar ito at working student, marami pa rin itong mabibigat na gastusin na siya kalimitan ang umaako. Ang pangatlo naman ay si Manny. First year college ito sa kursong Education. Minsan suma-sideline din bilang tutor. At ang panghuli ay si Lala, ang bunso ng pamilya. Grade six ito at baliw na baliw sa Korean pop group na BlackPink.
Nagbuga siya ng hininga at humalukipkip. Umingay sa pandinig niya ang maingay na pag-ikot ng electric fan sa may mesita na malapit sa pwesto nilang mag-ama. Binalingan niya ang ama. Abala ito sa pagpupunas ng pawis nito gamit ang towellete na nakasampay sa balikat nito. Hindi man nito sabihin, sa pamumula pa lang ng mukha nito, alam niyang napagod ito nang husto.
Awtomatiko siyang nagsalin ng tubig sa baso mula sa pitsel na nakaabang sa kalapit na mesita bago iyon iniabot sa tatay niya. Pinanood niya ang inosenteng pag-inom nito ng tubig. Hindi alam ni Gabbie ngunit sa mga pagkakataong ganito, bumibigat ang dibdib niya. Naaawa siya sa tatay niya dahil pagkatapos ng halos taon, hindi pa niya ito nabibigyan ng maginhawang buhay. Ang akala niya noong makatapos siya ng pag-aaral, magiging maayos na lahat. Kaya lang, hindi pala ganoon kadaling i-achieve ang maginhawang buhay. Paano, ang mga magagandang oportunidad sadyang kadikit na ng mga mayayaman. Pero sa mga gaya niyang hikahos sa buhay, pati oportunidad pinaghihirapan nang husto. Hindi bale, maganda naman siya. 'Yon nga lang, beautypoor.
Umasim ang mukha niya. Sinuway niya ang sarili sa pag-iisp. Tumikhim siya at bumalik ulit sa pangangaral sa nakatatanda.
"Alam niyo po bang bawal sa inyo ang ma-dehydrate, Tay? Sa init ng panahon ngayon, sobrang uso ng heat stroke. At 'yang kakalawangin ninyong bentilador, walang panama 'yan sa init ng panahon na sinabayan pa ng init nitong makina na kinukumpuni ninyo."
Nangingiting umiling-iling ang tatay niya. "Akala ko ba, okay na tayo, 'Nak? May pinaglalaban ka pa pala." Natawa na ito. "Hay naku Gabriela, manang-mana ka talaga sa nanay mo."
Kusang rumolyo ang mga mata niya. Kahit kailan talaga siguro, hindi makikinig ang tatay niya sa kanya. Tama nga ang sabi ni Ma'am Cheng, ang boss niya sa trabaho, mahirap turuan ang mga matatanda.
Magrarason pa sana siya kaso umingit pabukas ang gate ng bahay nila. Sumungaw mula roon si Manny. May bitbit itong isang supot ng mga lutong ulam na kaninang umaga pa lang ay ibinilin na niya ang pagbili. Pinaglipat-lipat nito ang tingin sa kanilang mag-ama bago natatawang ngumisi.
"'Tay, nabuking ni Ate ang raket mo, 'no?" nakangising tanong ng bagong dating.
"Oo e. Walang lusot!" natatawang sagot ng tatay niya. "Heto nga at nangangaral pa si Mayora. Sige na Mayora, ituloy niyo na ang speech ninyo."
Humalaklak ang tatay niya at si Manny. Nag-apir pa ang mga ito na para bang hindi siya kaharap na pinagtatawanan ng mga ito. Aba't talagang nag-tandem pa talaga ang mga ito! Naningkit na ang mga mata niya sa inis.
"Sige makipagtawanan ka pa kay Tatay, Manuelito. Tignan ko lang kung makangisi ka pa ng ganiyan kapag chinika ko kay Amber na hinimatay ka noong nagpatuli ka dahil takot ka sa dugo." Natigilan si Manny. Siya naman ang ngumisi. "Hindi lang 'yon, sasabihin ko ring nangamatis 'yang si manoy dahil nasilip ni Aling Filomena diyan sa kabila habang nangunguha ka ng dahon ng bayabas para gawing panlanggas." Lalong napanganga si Manny. Tiklop talaga ang mapang-asar na kapatid kapag si Amber na ang pinag-uusapan. Ang Amber na tinutukoy niya ay ang anak ng may-ari ng panaderya anim na kanto ang layo mula sa kanila at ultimate crush ng kapatid niya.
"Wala kasing ganunan, Mayora este Ate!" reklamo nito, namumula ang pisngi.
"'Wag kang mag-alala, hindi ko ichi-chika mismo sa kanya. Ibubulong ko lang kay Heart kapag nagkasabay kami sa canteen." Nurse ang ate ni Amber na si Heart sa ospital rin na pinapasukan niya bilang physical therapist.
Natawa ang tatay nila. Napapadyak naman si Manny, kunsomido. "Ate naman e! Magka-chat na nga kami, sinasabotahe mo pa. Bigyan mo naman ako ng immortal support!"
Napahalakhak siya, balak niyang lalong inisin ang kapatid. "Immortal ka diyan! Mai-text nga si Heart." Kinapa niya ang bulsa ng scrubsuit niya. Wala doon ang cellphone niya. Mabilis siyang humakbang sa sala at hinalughog ang bag niya. Agad na binalot ng kaba ang dibdib niya dahil mukhang mabilis ang karma sa ginawa niyang pang-aasar sa kapatid.
Jusko! Nawawala ang cellphone niya!
Pilit niyang inalala kung nasa locker ba niya iyon o naiwan sa mismong therapy center kanina. Pumihit siya palabas ng bahay.
Paglabas niya ng garahe, nangangaral na si Manny sa tatay nila. "Tay, Sinabi ko naman na magpahinga na lang po kasi kayo. Para walang napapansin itong si Manang." Tinapunan siya ng tingin ng kapatid.
Umangat ang isang kilay niya, agad na dumipensa. "Sinong Manang? Excuses me! Twenty-six pa lang ako, 'no? Fresh na fresh. Mas fresh pa sa tindang pandesal nina Amber tuwing umaga."
"Totoo naman e! Manang ka, Ate. Manananggal ng kaligayahan! Palibhasa wala ka pang jowa!"
Nanikwas na ang nguso niya. "Ginawa mo pa talaga akong maligno, Manuelito!" Humakbang siya palapit sa kapatid at kinurot ito sa braso.
"Aray Ate! Galet na galet! Nanaket!" reklamo nito.
Umirap siya. "Deserve mo 'yan. Deserve na deserve mo 'yan dahil ino-okray mo ang ate mong maganda." Kumumpas siya, hinagod ng buhok niya palikod. "Akin na nga cellphone mo."
Humaba ang nguso nito. Napakamot pa ng batok. "Bakit naman, Ate? Sorry na. Hindi na mauulit. Para binibiro ka lang."
"May kailangan akong tawagan. Nawawala ang cellphone ko."
"Weh?"
"Hindi na ako nagbibiro. Akin na ang cellphone mo. Bilis!"
"Hindi mo ite-text si Ate Heart tungkol sa..."
"Hindi, dahil hindi siya chismosa gaya ko. Bilisan mo baka makauwi na 'yong guard sa center." Nakasimangot na ibinigay ng kapatid ang cp nito.
"Ten pesos per minute 'yan Ate, ha?" sabi pa nito ito bago pumasok sa loob ng bahay. Gahaman din talaga ang kapatid niya. Mana sa kanya, mautak pagdating sa kaperahan
Nag-dial siya ng numero. Sumagot si Kuya Josef, ang guard sa therapy center ng ospital. Buti na lang hindi pa ito rumo-ronda. Kunsabagay wala pang alas-sais ng gabi. Pinakiusapan niya itong i-check ang locker niya kung naroon ang cellphone niya. Nakahinga pa siya nang maluwag nang sabihin nitong naroon daw ang cellphone niya.
"'Tay, babalik po muna ako sa ospital," paalam niya sa ama nang tapusin niya ang tawag. "Naiwan ko po kasi 'yong cellphone ko."
"O e, ito ng owner ang gamitin mo, 'Nak. Nang matesting na rin," suhestyon nito. Kinse siya nang turuan siya nitong magmaneho. At siya lagi ang tiga-test drive sa mga kinukumpun nitong sasakyan.
Sandali siyang nag-isip upang sa huli ay pumayag din. Lulan na siya ng sasakyan nang muling lumabas ng bahay si Manny. Ibinalik niya ang cellphone nito bago nagbilin.
"Sunduin mo si Lala doon kina Aling Lolita. Nakita kong kuntodo na naman ang giling kanina kasama 'yong mga faney ng BlackPink. Delikado, baka magka-appendicitis na 'yon kakagiling. At saka si Tatay, pakainin mo na rin. Alas-siete 'yong gamot niya."
Hindi na niya hinintay na sumagot pa ang kapatid, iniatras na niya ang sasakyan palabas ng garahe.
Traffic ang main road papuntang Angelicum General Hospital and Medical Center, ang ospital na pinapasukan niya. Pagod siya sa maghapong trabaho at hinahanap na rin ng katawan niya ang pahinga. Kaya naman sa mga shortcuts siya dumaan. Wala pang isang oras, natanaw na niya ang gate ng ospital. Nang mahawi ang mga sasakyan sa kanyang harapan, agad niyang diniinan ang selinyador patungo sa maluwag na daan ng parking lot. Ngunit anong gulat niya, mula sa kung saan, may sumulpot na tumatakbong lalaki sa harapan ng kanyang sasakyan. Mabilis niyang inapakan ang brake. Napapikit siya at halos ngumudngod ang mukha niya sa manibela dahil sa biglaang paghinto ng sasakyan. Subalit... nakarinig siya ng kalabog na sinundan ng malakas na tili ng isang babae.
Agad siyang napamulat. Nanginginig siyang nag-angat ng ulo. Dinaig pa niya ang nakipag-marathon sa lakas ng kabog ng kanyang dibdib. Maya-maya pa, dumami na ang tao sa paligid.
Nabangga ba niya ang lalaki? Nakapatay ba siya? Susmaryosep! Manginginig na ba siya sa loob ng seldang maginaw?
Kabado siyang humakbang palabas ng sasakayan at tinignan ang biktima niyang nakahandusay sa daan na noon ay napapalibutan na ng maraming tao. Nakahinga siya ng maluwag nang marinig ang pag-aray ng lalaki. Buhay ito!
Agad na gumana ang utak niya. Hinawi niya ang mga taong nakikiusyoso at mabilis na dinaluhan ang nabundol niya. Sandali pa siyang natigilan nang mapansing pamilyar ang mukha ng lalaki. Kumurap-kurap siya, pilit inalala kung saan na nga ba niya nakita ang gwapo nitong mukha. Ang histerikal na pagngawa ng babae sa tabi nito ang nagpabalik sa huwisyo niya.
"S-Sir, saan po ang m-masakit?" natatarantang tanong niya.
Ngumiwi ang lalaki. Malakas na nagmura. "Get lost you stupid retard driver!" singhal nito bago muling umaray habang pilit hinahawakan ang kanang binti nito.
Pinagpawisan na siya ng malagkit. Tumingala siya at naghanap ng kakilala. Maya-maya pa sumungaw mula sa bunton ng mga tao si Dr. Matthew Lavigne, ang head ng Medicine Department ng ospital.
"What the hell happened...Phoenix?" Nagmumura nitong dinaluhan ang lalaki.
Parang may sumuntok sa sikmura ni Gabbie nang marinig ang pangalan ng lalaking nabangga niya. Truli, kilala niya ang lalaki.
Phoenix Castro. MVP Hall of Famer ng PBA. Model. Endorser. Lodi ng lahat ng faney ng basketball sa Pilipinas. Tinitilian ng bata, matanda, may ngipin o wala. Pantasya ng mga babae lalo na ng mga bakla. At higit sa lahat... ito ang nabangga niya.
Napasinghap si Gabbie. "Juskolerd!"
Dumating ang stretcher kasama ang mga nurses at hospital aide na rumesponde. Maingat na binuhat ng mga ito si Mr. Castro at doon inihiga. Panay pa rin ang mura ng lalaki. Ngunit bago ito makalayo, binalingan siya nito.
"You can never get away with this! I'll sue you, you retard!
Nilingon siyang lahat ng mga usyosero. Pakiramdam niya nagtaksil siya sa bayan at siya ang pumatay kay Lapu-Lapu.
"You'll pay for this," pa-irap pa na banat ng kasamang babae ni Mr. Castro bago sumunod sa grupo nina Dr. Lavigne papuntang ER.
Jusko! Wala siyang balat sa puwet pero nakakadalawang strike na agad ang kamalasan sa kanya sa loob lamang ng halos dalawang oras. Una, nakalimutan niya ang cellphone niya sa locker. Pangalawa, nakabangga siya ng basketball player!
Tiningala niya ang madilim na langit at humiling nang palihim. Tama na po, Lord! Kalilimutan ko na po ang pagiging chismosa . Hindi ko na po ipagkakalat na ako'y maganda. Magbabagong-buhay na po talaga ako.
Kaya lang, dumating ang head ng security ng ospital. Kasunod nito ang dalawang pulis.
"Patingin nga ng lisensya mo, Miss?" anang pulis na may kalakihan ang bilbil. Masama ang tingin sa kanya.
Umabot na sa ibang planeta ang nerbyos niya, mukhang naka-strike three na kasi ang kamalasan dahil wala siyang dalang lisensya. ###
2140words/4:15pm/01172020
#AccidentallyInLoveHDG
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro