CHAPTER 8
Hindi ko na lamang iyon pinansin at nagpatuloy na lang sa pagpunta sa aking mga gamit. Kaunti lang iyon pero alam kong mabigat.
“Ako na ang magbubuhat,” aniya nang ituro ang dalawang malaking maletang naroon.
Tumango ako at hindi na nakipagtalo. Ako naman ay binuhat ang ibang hindi naman sobrang bigat para mabilis na rin kaming makaalis. Naabutan kami ng landlord sa hallway at sinabing magtatawag ng taong tutulong dahil nakita niya ang buhat ni Mr. Silvano.
“Ito si Macoy tutulong, pamangkin ko. Para hindi kayo mahirapan gaano sa pagbaba.” Aniya at pumasok nga si Macoy sa bahay. Mukhang bata pa ito, siguro ay mas bata sa akin o ka-edad ko.
Kunot ang noo ni Mr. Silvano nang makitang nakatingin ako sa lalaki. Tinawag niya ako kaya naman nagpatuloy na ako. Dinala ko ang mga gamit ko at sumunod sa kaniya. Nagpasalamat ako sa landlord at kay Macoy sa pagtulong. Nagbigay naman ng pera si Mr. Silvano.
“Pang-meryenda n’yo po,” aniya sabay abot ng isang libo sa landlord.
“Naku! Ang laki naman nito, sir.” Anang landlord pero inaabot din naman ang isang libo.
Napakagat ako sa pang-ibabang labi at medyo nahiya sa galanteng pagbigay nito ng pera sa matanda.
“It’s fine,” aniya at ibinigay na nang tuluyan ang pera.
Nagpaalam na ako bago sumakay sa dalang Ford ni Mr. Silvano. Inatake agad ako ng panlalaking amoy ng sasakyan ni Mr. Silvano. Mukhang bawat sulok ng sasakyan niya ay pabango niya ang maaamoy mo. Nakatingin lang ako sa labas habang nagmamaneho siya. At kahit hindi ako nakatingin sa kaniya, ramdam ko naman ang titig niya sa akin. Naiilang ako pero tinapangan ko ang sarili ko na tingnan siya. Naabutan ko nga siyang nakatingin sa akin pero agad niyang binawi iyon at mas nag-focus sa pagmamaneho.
Ilang beses niya iyong ginawa at sa tuwing mapapatingin ako sa kaniya at magtatama ang paningin naming dalawa ay agad niya rin iyong binabawi.
“Have you eaten?” tanong niya nang ma-stuck kami sa traffic.
Saka ko lang din naalalang hindi pala ako nag-almusal dahil mas inuna ko ang pag-aayos kanina sa mga gamit ko.
“Uhm, hindi pa po, sir.” Tumingin siya sa akin kaya napabaling din ako sa kaniya. Kunot ang noo niya at mukhang medyo naiinis.
Ano ba’ng mali sa sagot ko?
“I already told you to call me by my name, not sir or not Mr. Silvano.” Aniya sa inis na tono na ikinagulat ko.
“P-Pasensya na, Da-Damon, hindi lang ako sanay pa.” Saad ko dahil totoo namang hindi pa ako sanay na i-address siya sa kaswal na paraan. Hindi ko naman din inasahang siya pa ang unang mag-ooffer na tawagin ko siya niyan. Akala ko ay matatagalan pa akong gumawa ng way para matawag siya sa pangalan niya.
“It’s fine. Just call me Damon whenever we’re out of work or if we’re alone.” Tumango ako sa sinabi niya kaya naman nanahimik na siya. “Dadaan ako ng drive-thru para um-order ng breakfast natin,” dagdag niya.
Mahal ba ang bilihin sa mga drive-thru? Mas okay sana kung mga sopas o lugaw na lang sa daan kanina dahil marami namang nagbebenta no’n. Napaisip naman ako kaya bigla akong nagsalita sa gitna ng katahimikan naming dalawa.
“Nakatikim ka na ba ng sopas? O lugaw? Champorado? ‘Yong mga regular na kinakain sa agahan?” Kumunot ang noo niya sa tanong ko.
Tumikhim siya at marahang kinagat ang labi. “Hindi pa.”
Tumango ako, “pansin ko nga. Kasi tuwing kumakain ako ng agahan sa mansyon mo, pakiramdam ko nasa magarbo akong piyestahan sa dami ng pagkain. Saka minsan pakiramdam ko nasa mamahaling restaurant ako dahil sa mga kakaibang pagkaing inihahain. Lahat ng natikman ko sa hapag ay first time ko. Masarap siya, pero… sana matikman mo rin ‘yong mga kagaya ng mga kinakain naming… mahihirap o ‘yong mga normal na mamamayan.” Mahabang litanya ko. Nahiya naman ako bigla dahil natahimik siya at mukhang may malalim na iniisip.
“I want to try that, too. I’m sorry, since I’ve been abroad for fifteen years, my taste bud is not fond of Filipino food.” Aniya na ikinakunot ng noo ko.
“May mga na-try ka na bang ibang Filipino dish?” tanong ko pa.
Tumango siya, “just adobo and sinigang. But… I don’t want to try it now since… that’s my father’s favorite. It just brings bittersweet memories now.”
“Gusto sana kitang… ipagluto ng mga iyan dahil paborito ko ang sinigang pero… dahil sabi mo ayaw mo nang matikman. Irerespeto ko ‘yan.” He gave me a small smile. “Pero… ‘yong mga agahang nasabi ko ba… gusto mong tikman?”
“Sure, basta ikaw ang magluluto.” I smiled widely when I heard that.
“Talaga? Sige! Ipagluluto kita bukas.” Na-excite ako bigla sa gagawing pagluluto. Ngayon na lang ulit ako makakapagluto ng para sa iba. Siyempre sanay akong ipagluto araw-araw ang pamilya ko at kay Carley sa tuwing nabibisita siya sa bahay, kaya ngayon ay masaya akong magluluto ako para sa boss ko.
“What do you want to eat?” napatingin ako sa kaniya nang magtanong siya. Nasa tapat na pala kami ng drive-thru sa isang sikat na fast food chain, na dalawang beses ko pa lang natitikman ang mga paninda dahil hindi naman kami bumibili niyan kapag simpleng araw gaya ngayon. Ah, unang beses ko pa lang sa drive-thru!
“Ah… kahit ano na lang,” susundan ko pa sana ng ‘po’ kaso baka magalit na naman siya.
Tumango siya bago sinabi ang order na pagkain. Hindi ko makabisado lahat ng mga sinabi niya. Hindi kasi siya nagpapa-order ng mga fast food kasi may personal chef siya sa pantry ng company. Doon lang ako kumukuha ng pagkain niya at pagkain ko na rin dahil iyon naman daw ang madalas na gawin ng sekretarya niya.
Iilan lang ang nakapilang sasakyan sa drive-thru kaya naman mabilis lang din naming nakuha ang order na agahan. Medyo marami nga iyon dahil tatlong paper bag ang inabot sa amin.
“Pagdating na lang natin kainin ito,” tumango naman siya at hindi na nagsalita pa para kumontra.
Sa basement kami dumiretso. May ilang staff na rin na naroon para siguro kunin ang mga bagaheng dala namin. Hindi nga ako nagkamali dahil kinuha nila ang dala naming mga gamit ko at sila na mismo ang nagdala ng mga iyon sa elevator. Hanggang sa makarating kami sa condo unit na lilipatan ko ay tahimik kaming dalawa ni Mr. Silvan—Oh, Damon. Ako ang may dala ng binili niyang agahan habang siya ay may isang luggage na dala.
Nang pumasok kami sa loob ng condo unit ay agad akong namangha sa laki ng buong unit. Siguro ay kasing laki ito ng kuwarto ni Damon sa kaniyang mansyon. O kasing laki ng kaniyang opisina? Dahil malawak ito at p’wede na para sa isang pamilya. Kung tutuusin ay p’wede na talaga ito sa isang pamilya.
“Ang laki naman ng unit na ‘to,” saad ko habang inililibot ang tingin sa buong unit na halos kumpleto na sa gamit. Mas malaki pa ito sa bahay namin sa probinsya kahit na may second floor iyon.
“This is one of the smallest units here. Sa floor na ito ay may tatlo o apat na ganito kalaking unit.” Aniya na ikinamangha ko.
“Sa… inyo rin ba itong tower?” tanong ko sa marahang boses.
Tumingin siya sa akin, “yeah. Dito pinapatira o pinaparenta ang mga empleyado ng company na may malalayong bahay, it’s convenient since the company is just near here.” Tumango ako sa paliwanag niya. “For you it’s free since you’re my secretary.” Dagdag pa niya.
“P’wede nang tumira rito ang may tatlo hanggang apat na miyembrong pamilya.” Saad ko nang makita ko ang lawak ng unit. “P’wede pa ngang anim o pitong miyembro.”
“I don’t think so? Isa lang ang kuwarto,” aniya na ikinakunot ng noo ko.
“Alam mo ba na sa probinsya namin, may mga kaya lang sa buhay ang may malalaki at concrete na bahay? At hindi karamihan ang may concrete na bahay sa baryo namin. Kakaunti lang. Mas marami pa rin ang light materials ang bahay dahil iyon ang kayang bilhin sa paggawa ng bahay.” Ani ko habang may ngiti sa labi. This is a genuine information, hindi dahil gusto kong maawa siya. Gusto ko lang malaman niya na malaking bagay na talaga ang ganito kalaking bahay sa amin — sa akin.
“You’re always so thoughtful,” I smiled even wider.
“Binabalak ko ngang ipagawa ang bahay namin sa susunod na buwan… pero… may mas malaki pa akong problema kaya iyon muna nag uunahin ko.” Pahaging ko habang nakatingin sa malaking espasyo ng unit.
“What big problem is that? Care to share?” tanong niya bigla. Kuryoso sa kung ano man iyon.
Huminga ako nang malalim, kailangan ko na bang sabihin at magpaawa? Tumingin ako sa kaniya. Kinagat ko ang pang-ibabang labi dahilan kung bakit napatingin siya sa labi ko. Nagtagal ang tingin niya roon bago inangat iyong muli sa aking mga mata. Pero hindi nakaligtas sa akin ang pagbaba muli ng tingin niya sa labi ko.
“Nasa hospital kasi ang nanay ko. Kaya rin ako nagtrabaho sa kumpanya mo rito sa Manila dahil alam kong malaki ang pasahod dito sa Maynila kaysa sa probinsya at bibihira ka makahanap ng maayos na trabaho. Malapit na ang sahod kaya… bibisita ako kay Nanay at sa kapatid ko sa Sabado. Kailangan ko na ring bayaran ang ibang bills ni Nanay.” Nag-iwas siya ng tingin habang umiigting ang panga. “Gaya nga ng sabi ko noong nakaraan, wala na akong tatay, kaya ako at si Nanay ang nagtataguyod sa pang-araw-araw namin. Huminto ako sa pag-aaral dahil gusto ko siyang tulungan sa pagtatrabaho lalo pa at kolehiyo na rin ang kapatid ko. Gusto ko, kahit siya na lang ay makapagtapos sa pag-aaral. Maganda ang grades niya mula noon pa at masugid sa pag-aaral kaya panigurado naman akong hindi ako agrabyado sa pagpapaaral sa kaniya.” Dagdag ko sa pagkukuwento.
“Kailan pa may sakit ang Nanay n’yo?” He asked before walking towards the glass door in the veranda. Nanatili ako sa kinatatayuan.
Malakas ang tibok ng puso ko at nanlalamig ang aking mga kamay pero pinipilit kong magsalita nang maayos para hindi niya mahalatang kinakabahan ako at mapanitili itong totoo. Dahil totoo naman talaga ang mga ikinukwento ko. ‘Yon nga lang ay parte ito ng plano ko sa pagpapaamo sa kaniya.
“Noong isang buwan lang,” sagot ko. Tumango siya. “M-Mag-almusal na tayo?” pagbabago ko ng topic dahil mukhang lumalalim masyado ang iniisip niya.
Pumunta ako sa kusina at inayos ang mga dalang paper bag na may lamang agahan. Natahimik naman kaming nag-almusal. Inabala ko ang sarili ko sa pagtingin sa condo unit habang nag-aalmusal at iniisip na igugugol ko ang buong araw na walang pasok sa pag-aayos ng unit.
“Dito ka ba kakain ng tanghalian o… uuwi ka na?” marahan kong tanong. Iniisip na baka gusto niyang dito kumain at ipagluto ko siya pero wala pa naman akong binibiling groceries. Mga delata ang natira sa binili ko noong nakaraan kaya paniguradong hindi niya iyon kakainin.
Umiling siya, “may pupuntahan pa ako kaya hindi na ako rito makakapagtanghalian. You can order food in the room service or you can personally check the cafeteria here in the first floor if you want.”
Iyon nga ang nangyari. Kumain lang siya roon ng agahan at nang mag-alas onse ay umalis na rin para asukasihin ang kailangan niyang gawin. Hindi ko alam iyon pero mukhang personal na bagay kaya hindi na ako nagtanong sa kaniya. Inabala ko na lang ang sarili sa pag-aayos.
Kumpleto na halos ang mga gamit. Sa sala ay may sofa set at coffee table sa gitna, may flat screen T.V., may mga speaker pa sa ilalim nito, may mga halaman din, may mga divider pa p’wedeng paglagyan ng mga figurine o picture frames.
Pumunta ulit ako sa kusina at gano’n din, kumpleto na halos: may induction stove at mayroon ding stove na may gas, may oven, may coffee maker gaya sa opisina, may mga bagong plato at baso at tasa, may mga bago ring gamit pangluto roon. May malaki pang ref. Hindi ko alam kung binili ba iyon ni Damon o sadyang libre na itong mga ito rito? Siguro ay… libre? Pero may gano’n ba? Mukha kasing mamahalin, e. May maliit na dining table at apat na upuan.
Isa lang ang banyo rito, malapit sa kusina. Pumasok ako roon at nakitang may kalakihan din iyon, sapat na para may sapat na espasyo sa pagligo, sa pagdumi, dahil sa unang pasok mo ay bubungad sa iyo ang malaki at mamahaling washing machine. Maganda at tama ang lawak ng banyo.
Sumunod ay ang veranda naman ang pinuntahan ko. Nasa pang-15th floor ako kaya mataas at kita ang halos buong syudad sa puwesto ko. Tama lang din para kung gusto kong tumambay at magmuni-muni. May mga halaman din sa gilid kaya natuwa ako dahil may didiligan ako sa umaga. Sa apartment kasi ay wala kang makikitang halaman. Depende kung bibili ka. May sampayan din doon.
Ang huli ay ang kuwarto ko. May queen sized bed at may T.V. ulit doon. May malaking cabinet para sa mga damit ko, may study table pa at may sofa at coffee table. Simple lang din talaga kaya natuwa ako.
P’wede na talaga itong pang-isang pamilya.
Nailing na lang ako at sinimulan na ang pag-aayos. Hapon na nang matapos ako kaya naman naligo ulit ako dahil maalikabok. Nang makita kong alas kwatro na ay naisipan kong mamalengke. Dahil wala akong pagkain mamaya. Hindi ko pa alam kung saan ‘yong sinasabi ni Damon pero siguro ay sa susunod ko na pupuntahan iyon. Gusto kong subukan ang kusina ng unit. Mukhang masarap magluto.
Naglalakad ako sa gilid nang may madaanang mamahaling restaurant. Nanlaki ang mga mata ko nang may mamataang pamilyar na mukhang naroon.
“B-Bakit siya nandiyan? At… si-sino ‘yang kasama niya?” bulong ko habang pinagmamasdan iyon.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro