CHAPTER 6
“I have an offer for you,” napatingin ako sa kaniya nang sabihin niya ‘yon. Seryoso siyang nakatingin lamang sa unahan, sa basement na halos wala pang tao dahil maaga pa naman at hindi pa uwian ng mga empleyado.
Agad akong kinabahan. Anong offer ang sinasabi niya? Nahahalata na ba niya ang ginagawa kong pagpapakainosente o naghihinala na ba siya?
“A-Ano po iyon?” Tumingin siya sa akin, siguro ay napansin niya ang pagkautal ko sa pagtatanong.
“I’ve already done this to my previous secretaries,” aniya na mas ikinakaba ko. Bakit ba kasi hindi niya ako diretsuhin agad? “I can give you a condominium. It’s free…” mukhang nag-alangan pa siyang sundan agad iyon. “But the water and electricity bill isn’t. If you will last for 2 years as my secretary the condominium will be yours. But if not, then you’ll leave the condo the moment you leave the company.”
Medyo nabunutan ako ng tinik sa dibdib nang marinig iyon. Akala ko kung ano na ang sasabihin niya. Akala ko ay kokomprontahin niya ako sa kung ano mang nahahalata niya ngayon sa akin.
“Uhm… may tinitirahan naman na po ako, sir. Saka… uh… nakapag-advance payment na rin po ako roon kaya… sayang kung aalis ako.” Lalo na at hindi naman din ako magtatagal sa syudad at sa kumpanya niya.
Kumunot ang noo nito at itinagilid ang ulo. Kitang-kita ko ang pag-igting ng kaniyang panga habang may malalim na iniisip. Natutop ko ang aking bibig. Hindi ko dapat tanggihan ito, ‘di ba? Isa ito sa p’wede kong gawing advantage para sa plano. Saka… gusto ko ring kahit paano ay maranasang tumira sa isang magandang bahay kahit saglit lang na panahon.
Nag-isip ako ng p’wedeng isagot para mabawi ang sinabi kanina. Kailangan kong kunin ang oportunidad na ito. Pero kailangan ko ring kausapin muna si Madam Berry tungkol dito.
“Uh… p’wede ko pong pag-isipan muna ang gusto n’yong mangyari, sir. Hindi rin naman po siguro… madalian ang paglipat? Kakausapin ko rin po muna si— uh ‘yong landlord ng apartment ko para makuha ko ‘yong advance payment na ibinigay ko.” Tumingin siya sa akin habang nagsasalubong ang dalawang may kakapalang kilay.
“You can think about the offer this week. No need to get the money you gave to your landlord, I can pay that once you agree to live in the condo.” Aniya sa isang nangungumbinsing tono.
I don’t want to admit this, but I’m tempted by his offer. Seryoso siya at mukhang kukumbinsihin ako kahit anong mangyari.
Napanguso ako at nag-isip. Tumango ako at sinabing pag-iisipan na lang muna ang gusto niyang mangyari. Binuhay niya ang makina ng sasakyan niya at pinandar na ito. Gaya ng ginawa niya kagabi ay ibinaba niya ako sa harap ng apartment ko kahit na masama ang tingin niya sa three-storey building na nasa harapan namin.
“Maraming salamat po sa paghatid. Ingat po sa pag-uwi!” Ngumiti ako sa kaniya at kumaway bago isinara ang pinto ng kaniyang sasakyan. At gaya ng ginawa ko kagabi ay hindi ko siya nilingon hanggang sa makapasok ako sa gate. Naghintay ako ng isa hanggang dalawang minuto bago narinig ang pag-andar ng kaniyang sasakyan palayo.
Hindi gaya kagabi ay may mga tao nang nakatingin sa akin nang papasok ako sa gate. Huminga ako nang malalim. Hindi rin naman nila ako kilala kahit husgahan nila ako sa isip nila. Siguro ay hindi normal sa kanila ang makakita ng babaeng… may naghahatid na magarang sasakyan. Hindi rin bumababa si Mr. Silvano sa kaniyang sasakyan kaya rin siguro kuryoso ang mga tao sa kung sino ang naghahatid sa akin.
Sa ilang linggo ko rito ay hindi naman din ako nakakalabas nang gaano dahil kapag Linggo ay nasa loob lang ako ng bahay at naglilinis, hindi ko magawang makipaghalubilo sa labas o makipag-usap man lang sa mga naroon dahil natatakot akong tanungin ng kung ano-anong mga tanong. Hindi ko rin sila kilala at ang mga ugali nila kaya hirap akong magtiwalang makipaghalubilo sa kanila. Sa mga tingin pa lang nila ay alam mo nang hinuhusgahan na nila pati buto mo.
Nang makapasok sa loob ng apartment ko ay may pumasok na agad na tawag mula kay Madam Berry. Mabilis kong sinagot iyon kahit na hindi pa nakakapagtanggal ng sapatos.
“Hello po, Madam.” Bungad ko sa tawag at umupo sa silyang malapit habang nagtatanggal ng sapatos.
“You’re doing well, Kaia! It’s a great news from my men that you’re getting along well with Mr. Silvano.” Aniya, halata ang ngiti at tuwa sa kaniyang tono pero hindi ko na lang pinansin dahil naging abala ako sa pag-iisip na may tauhan siyang nagbabantay sa akin. “It has been just weeks and you’re already having that kind of relationship with him. Ipagpatuloy mo lang ‘yan.”
Hindi ako agad makapagsalita dahil hindi ko alam kung paano sisimulan ang gusto kong sabihin sa kaniya.
“Uhm… Madam, may gusto sana akong sabihin…” nag-aalangan kong saad.
“Hmm? Ano ‘yon? Mag-aadvance payment ka? I can give you twenty-thousand right away for doing a great job!” aniya na ikinalaki ng mga mata ko.
“Ahm… kasi nag-ooffer po ng condo si Mr. Silvano. Ah… iyon daw po ang ginagawa ng company nila sa mga nagiging sekretarya niya. Libre raw po ang pagtira pero ang bills, gaya ng kuryente at tubig, ay akin na.” Natahimik siya at hindi agad nagsalita. Mukhang iniisip ang sinabi ko. “Magandang oportunidad din po iyon para mas… mapalapit kay Mr. Silvano.”
“Hmm? It could be a good opportunity but… are you sure you can do your job well after that?”
“Hindi naman po ako magpapabaya. Gagawin ko po ang lahat para makasigurong mas maganda ang trabahong gagawin ko.”
“Well, it’s up to you. I don’t care where you want to live as long as you’re doing your job well.” Aniya at pinatay na ang tawag kalaunan.
Humugot ako ng malalim na hininga bago nag-isip. Maaari kong gamitin ang condo para… ayain siya sa plano ko. Pero kailangan ko pa ring ayusin ang plano ko. Mas mabuti nang maging maayos kaysa magkaroon ng loophole ang planong ito.
Hindi ako p’wedeng pumalpak.
“Hi, Ate!” bungad ni Ven nang makatawag ako.
“Hello, Ven. Kumusta si Nanay? Gising pa ba siya?” tanong ko.
“Mukhang pagod ka, Ate, ah? Marami ka bang trabaho?” tanong niya nang mahalata sa boses ko ang lungkot at pagod.
Umiling ako kahit hindi naman niya kita.
“Hindi naman. Maaga nga akong nakauwi ngayong araw dahil maagang natapos ang mga appointment ni sir. Nagluluto ako ng hapunan ko. Kayo kumain na ba kayo?” tanong ko habang sinisilip ang niluluto kong tinola. Pangdalawang tao lang ang niluto ko. Uulamin ko bukas ng umaga ang matitira ko.
“Gano’n ba? Kumain na kami, Ate. Naihatid na kasi ang pagkain ni mama. Ako naman ay bumili sa canteen sa baba. Nga pala, Ate…” may pag-aalangan sa tono niya sa huling salita niya.
“Ano ‘yon?”
“Ang sabi ng doktor ay gusto ka niyang makausap kahit isang beses sa buwang ito. May mga sasabihin daw siya tungkol sa sakit ni Nanay. Ang pagkakatanda ko ay nagiging malignant na siya. Lumalaki at lumalala na ang cancer ni Nanay. Ate… natatakot ako.” Ramdam ko ang panginginig ng boses niya. “Ang akala ko ay magiging okay na siya dahil naaasikaso siya rito sa hospital, pero… bakit parang mas lumalala, Ate? Ang sabi ng doktor ay kailangan na rin siyang maagapang maoperahan bago mas lalong lumala.” Dagdag niya na mas nagpabigat ng dibdib ko.
Hindi ko kayang marinig ito ngayon. Pero alam kong dahil tumatagal na ang sakit ni Nanay ay mas lalo itong lalala. Hindi ko lang inaasahang mas mabilis sa inaasahan ko ang paglaki ng tumor niya.
Mariin akong lumunok bago nagsalita. “H-Huwag kang mag-alala, Ven. Gagawa akong paraan. Mag-cacash advance ako sa company para makapagbayad na rin tayo sa mga susunod na bills ni Nanay sa hospital, pati ang mga gamot at kung ano pa mang kailangan niya. Huwag kang mag-alala, ah? Gagawa si ate ng paraan. Magpakatatag ka, lalo pa at kasama mo si Nanay riyan. Huwag kang magpapahalata na pinanghihinaan ka ng loob, baka mas lalong mawalan ng pag-asa si Nanay lumaban. N-Next week ng Linggo, uhm… wala naman akong pasok, pupunta ako riyan sa hospital. Uuwi ako kahit maghapon lang para makausap ang doktor.”
“Pasensya na, Ate, kung sinasabi ko sa ‘yo ito kahit na paniguradong stressed ka rin sa trabaho mo ngayon bilang sekretarya. Hindi ko lang talaga alam kung paano itatago ito sa ‘yo. Pero dahil karapatan mong malaman, sinabi ko na lang.” Hingi niya ng pasensya. Naawa ako sa kapatid ko bigla. Hindi pa niya dapat dinadanas ang ganitong stress sa buhay lalo na at nag-aaral pa siya, pero ito talaga siguro ang panahon namin, ang tadhana. Kaya kailangan na lang talaga naming magpakatatag na magkapatid.
“Ayos lang, Ven. Mas mabuti rin na sabihin mo para malaman ko kung paano masolusyonan agad, ‘di ba? Huwag kang maglihim sa akin dahil si Nanay ang pinag-uusapan natin dito. At kahit hindi mo sabihin, si Ate Carley mo naman ang magsasabi sa akin dahil kinakausap ko rin naman siya tungkol sa lagay ninyo ni Nanay riyan.”
Natapos ang usapan namin na mabigat ang dibdib ko. Napasapo ako sa noo ko at napapikit nang mariin. Hindi ko na alam kung anong gagawin. Pero kailangan ko ring magpakatatag. Kailangan kong gawin ang mga bagay na kailangan kong gawin dito.
Kinabukasan ay gano’n ulit ang ginawa ko; maagang gumising, nag-asikaso, at pumunta sa bahay ni Mr. Silvano. Gising na siya nang makarating ako sa bahay niya, isang himala dahil madalas ay nagigising siya sa alarm clock niya. Hindi rin naman ako late dahil ganitong oras ako pumupunta rito.
“Good morning, sir. Maaga ‘ata kayong nagising.” Saad ko sa isang malumanay at maagang boses nang mag-angat siya ng tingin sa akin.
“Yeah, my mom called me early. Hindi na ako nakabalik sa pagtulog.” Sagot niya na tinanguan ko na lang.
“Iaayos ko na lang ito, sir.” Sambit ko at sinimulang ayusin ang mga folder na nagkalat sa coffee table at sa sofa.
Tumango lang siya at nagpatuloy sa pag-cecellphone. Bumaling ako sa ginagawa at nang mag-angat ng tingin sa mga frame na naroon ay nakita ko na naman ang picture ng mama ni Mr. Silvano. Magkahawig sila, kung hindi lang naging lalaki si Mr. Silvano ay magiging batang bersyon siya ng kaniyang ina. Habang ang nakuha naman niya sa kaniyang ama ay ang ekspresyon nito at ang ilong. Parehong maganda at guwapo ang mag-asawang Silvano kaya naman hindi na kataka-taka na guwapo rin ang kanilang anak. Sayang lang at nag-iisa siya, kung may kapatid pa siya ay paniguradong guwapo o maganda rin iyon.
“You’re looking too much to my parents,” napabaling ako kay Mr. Silvano nang marinig ko ang boses niya.
Nag-iwas ako ng tingin, “pasensya na po, sir. Ngayon ko lang po kasi napagmasdan nang matagal ang mga magulang mo.” Saad ko.
Tumango siya, “it’s fine. My mother’s abroad right now. And my father’s long gone. He was shot by someone…” aniya at hindi na pinagpatuloy ang gusto pang idagdag. “It was his enemy’s gunman.”
“Nakilala n’yo po ba ang nagpapatay sa tatay n’yo?” bigla kong tanong. Tinitigan niya ako. Doon ko lang napagtantong medyo hindi magandang manghimasok sa buhay niya lalo pa at empleyado niya lang ako. “Ah, pasensya na po.” Hindi ko na inasahan ang sagot niya.
Kaya naman gano’n na lamang ang gulat ko nang tumango siya at sumagot sa tanong ko.
“I already knew it. A year after I took over the company, my investigator found the man who killed my father. I also knew who his boss is. But before I meet that fucking man, someone already silenced him. I found him dead in an abandoned factory.” His peircing eyes looked at me as if I did something to him. Pero bigla ring nagbago iyon nang kumurap siya. “I was mad for not even meeting him alive. Pero wala na akong magawa, siguro ay senyales iyon sa akin na huwag dumihan ang sarili kong kamay para makakuha lang ng hustisyang nararapat para sa ama ko.” Aniya bago tumayo at dahan-dahang lumapit sa gawi ko.
Bigla kong naalala si Tatay, natagpuan din siyang patay sa malawak na palayan malapit sa bayan. Hindi siya nabigyan ng hustisya hanggang ngayon dahil walang may alam o nakakita sa nangyaring pagbaril sa kaniya. Hindi na rin itinuloy ang pag-iimbestiga dahil wala rin naman kaming pera upang maituloy ang hustisyang kailangan namin.
“Hindi n’yo po ba napakulong ang nag-utos na patayin ang tatay n’yo?” tanong ko nang medyo matahimik siya.
“Hindi. Dahil namatay naman sa sakit ang gagong ‘yon. Pero kahit nagdusa siya sa malala niyang sakit, hindi pa rin ako kuntento sa pagkamatay niya.” Aniya sa isang mababang boses. “Kung p’wede ko lang siyang pataying muli kahit na patay na siya, gagawin ko makaganti lang ako.”
Ngumiti ako ng tipid sa kaniya at naisip si Tatay. “Mas mabuti na rin po siguro na hindi kayo mismo ang pumatay at nakapatay sa mga taong iyon, sir. Kasi gaya ng sabi ng nanay ko: kahit gaano kasama ang tao, huwag mong pamaresan. Mas Mabuti nang sila lamang ang may masamang nagawa sa iyo o sa kapwa mo, huwag lang ikaw mismo. Kahit gantihan mo siya, hindi pa rin no’n mababago ang tadhana mo o ang nangyari sa ‘yo. Madudumihan mo lang ang kamay mo, magagaya ka lang sa kaniya na walang puso.” Nakatitig siya sa akin habang sinasabi ko iyon. Hindi siya bumalik sa kaniyang kama para umupo, nakatayo lamang siya sa harap ko at nakatitig sa akin. “Naalala ko ang nangyari sa tatay ko. Simula nang makilala siya ni Nanay ay siya na ang tumayong tatay sa akin, naging role model ko siya. Perpektong maging isang father figure para sa akin. Pero pinatay rin siya, ni hindi namin alam kung sino ang pumatay sa kaniya dahil iniwan na lang na parang hayop ang walang buhay niyang katawan sa isang damuhan. Kahit gusto namin kumuha ng hustisya, wala naman kaming makuhang ebidensya, at hindi sapat ang pera namin para sa mga kakailanganin sa imbestigasyon.” Tumingin ako sa kaniya.
“Your father must’ve been a bad guy, then?” he commented brutally.
Umiling ako. “Maging ako ay hindi alam kung ano talaga ang totoo. Hindi ko mahusgahan ang tatay ko dahil wala akong alam. Ipinagpasa-Diyos ko na lang ang lahat dahil wala naman akong ibang magawa. Bata pa ako noon at mas inuna ko ang pagkayod para sa pamilya.”
Nag-iwas siya ng tingin at nagpamulsa. “I’ll prepare now,” aniya bago lumakad papunta sa kaniyang banyo. Hindi ko alam kung bakit may nakita akong galit sa mga mata niya nang tumalikod siya sa akin. Hindi ko na lang pinansin dahil baka iniisip niyang nangingialam ako sa kaniyang buhay at sa mga gusto niyang mangyari kahit na isa lang naman akong sekretarya.
Hindi siya nagpahanda ng almusal gaya ng lagi niyang ginagawa. Dahil sobrang seryoso niya at mukhang wala na siya sa mood. Male-late na rin siya kaya siguro hindi na siya mag-aalmusal sa bahay niya. Pero boss naman siya, kahit anong oras ay p’wede siyang pumasok, ‘di ba?
Kahit sa sasakyan ay tahimik siya at diretso ang tingin sa harap kahit na nagsasalita ako at sinasabi sa kaniya ang lahat ng schedules niya ngayong araw. Tumatango lang siya pero wala nang ibang reaksyon doon.
Siguro ay iniisip pa rin niya ang mga napag-usapan namin? Sana pala ay hindi na ako nagsalita at nagtanong tungkol sa magulang niya. Mukhang magiging bad mood siya buong maghapon dahil doon.
Nang makarating sa kumpanya ay seryoso at madilim na awra agad ang ipinadama niya sa buong lobby kaya walang nangahas na bumati sa kaniya nang may ngiti, puro may takot at pangamba ang mukha nila. Siguro ay alam na nila ang dapat na gawin kapag ganito kaseryoso si Mr. Silvano?
Sabay kaming pumasok sa elevator, maging doon ay walang nangahas na sumabay, pinauna nila kami at halos ayaw tumingin sa amin. Papasara na sana ang pinto ng elevator nang may tumatakbong babae na sumigaw.
“Wait! Damon!” hinarang ko ang aking kamay sa pinto para hindi ito tuluyang magsara dahilan upang marahas na bumaling sa akin si Mr. Silvano.
Dahil sa ginawa ko ay nakapasok ang babae. Maganda, matangkad, makinis ang balat, may mga mamahaling alahas, bag, at damit, at nagsusumigaw ang katawan niya ng pagiging mayaman at sopistikada. Hindi ko siya kilala dahil hindi ko naman siya nakikita rito sa kumpanya.
“What the fuck are you doing here?!” inis na tanong ni Mr. Silvano sa babae.
Humalukipkip ito at mataray na tiningnan si Mr. Silvano.
“Is that how you greet your fiancee?”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro