
/31/ You Allowed It To Happen
CHAPTER THIRTY-ONE:
You Allowed It To Happen
ASH
Naninikip na ang aking dibdib dahil sa aking nakita. Nangangatal ang buong braso ko at hindi ko makontrol ang aking sarili.
Bakit? Bakit 'to nandito? Bakit yung bagay na matagal nang nawala sa akin ay biglang magpapakita ngayon? Hindi ko alam kung anong gagawin ko dahil naguguluhan na ang utak ko kung bakit napapunta sa lugar na 'to yung relo na matagal ko nang hinahanap.
Gusto kong sumigaw ngunit hindi ko magawa sapagkat nanlalabo ang aking paningin dahil sa mga luhang namumuo sa mga mata ko.
Kinuha ko sa loob ang kumikinang na relo at unti-unti kong ninanamnam ang bagay na nasa aking kamay ngayon. Lahat ng alaalang bitbit ng relong ito ay bumaha sa aking pagiisip sa pagkakataong ito at talagang hindi ko maiwasang hindi lumuha. Ang bigat sa pakiramdam!
Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit nagagawa ng tadhanang makapagbiro ng ganito gayong hindi ko naman ninanais na gawin 'to at wala naman akong ginagawang masama. Bakit kung kailan unti-unting naayos ang lahat ay eto na naman, nagugulo na lang lagi?
Nang makita ko ang oras sa relo ay para bang naglabas ito ng puting liwanag sanhi upang masilaw ako at isara ang aking mga mata.
Nang imulat ko muli ang aking mata ay bigla akong nakaramdam ng lamig at para bang nasa ibang dimensyon o lugar na ako. Hawak ko pa rin ang relo ngunit nasa ibang lugar na kaagad ako.
Nakatayo ako sa isang lugar kung saan puro puting pader lang ang nakapaligid. Sa aking harap ay may mga upuang bakal at may isang malaking pinto. Nakakarinig ako ng mga naguusap na tao ngunit hindi ito malinaw para sa akin. Sinusubukan kong igalaw ang aking mga paa ngunit sa tuwing hahakbang ako sa gusto kong puntahan ay para bang hindi ako pinahihintulutan.
May isang kuwarto akong nakita at hindi malinaw sa akin kung sino ang mga taong nasa loob.
Pinipilit kong itulak ang pinto ngunit napakahirap. Hindi ko magawa.
"Ash... I'm sorry."
Bigla akong nakarinig ng isang boses na pamilyar sa akin. Sinusubukan kong sundan at ihakbang ang aking paa papunta sa tinig na iyon ngunit bigla na lamang akong nagising at nakabalik sa lugar kung saan ako nakatayo. Ang bigat na ng aking paghinga at ramdam ko ang aking paghingal.
Ilang sandali pa ay bigla akong nakarinig ng taong paparating sa kuwarto kaya naman nakuha nito ang aking atensyon. Nakita ko sa aking gilid ang pagbukas nang bahagya ng pinto at ang pagdungaw ng isang babae. Si Claire.
"Ash, hanap ka sa ba~"
Hindi ako gumalaw nang marinig ko ang boses niya. Nasa kamay ko pa rin ang relo habang akin 'tong tinitingnan.
"Ash, I k-kno~"
"B-bakit nasa'yo 'to, Claire?"
Napalunok ako nang lakas-loob kong itanong ang tungkol sa aking nakita. Hindi ako makatingin sa kaniya at tanging inis, galit, dismaya, lungkot, at awa, ang nananaig sa buong emosyon ko. Pinipilit kong hindi magalit ngunit nararamdaman ko ang dugo kong pilit pumupunta sa aking ulo. Humihinga na lamang ako nang malalim dahil ayaw kong makapagpakawala ng salitang pagsisisihan ko rin sa huli.
"Ash, b-balak ko na sanang s-sabihin... na... yung tungkol s-sa relo..."
"Paano napapunta sa'yo?"
Nanginginig ang buong kamay ko't nararamdaman ko ang pagtaas ng mga balahibo ko dahil sa tensyon na dumadaloy sa akin.
"Ash, sana maintindihan mo..."
Napapikit ako at tuluyan nang bumagsak ang luha sa mga mata ko.
Ang bigat! Sobrang bigat ng nararamdaman ko ngayon. Hindi ko maipaliwanag, hindi ko malinaw maunawaan kung bakit!
"Claire anong iintindihin ko?" aking pagiyak, "C-claire, apat na taon!"
Pinipili kong hindi sumigaw nang malakas dahil baka may ibang makarinig sa amin.
"I'm sorry... I'm so sorry, Ash," napuputol niyang sinasabi habang nakikita at nararamdaman ko sa mga mata niya ang takot, "S-sinabi kasi sa akin na i-itago ko 'yan hanggang hi-hindi nagiging maayos ang... lahat."
"Sino?" seryoso kong sinabi habang pinupunasan ko ang luha sa aking pisngi, "Sabihin mo, Claire, pakiusap..."
Bigla siyang natahimik at nagdadalawang isip kung sasabihin nga ba niya o hindi.
"Si T-tita... Mommy m-mo."
Naisara ko ang talukap ng mga mata ko nang marinig ko ang mga sinabi niya. Napahawak na lamang ako sa aking mukha at humihinga nang malalim.
"No'ng una kaming nagkita ng Mommy mo, may binigay siyang pouch..." paliwanag niya habang nakatalikod ako't huminga-hinga saglit. Hindi ko kinakaya yung mga nangyayari kaya sinusubukan kong kumalma, "ang sabi niya, ingatan ko... i-ibigay ko daw sa'yo kapag ayos na... l-lahat. Yung Janice ang nagabot ng relo sa akin... I'm sorry..."
"Claire... ang sa akin, sa tinagal-tagal, sa halos apat na taon, hindi mo manlang nagawang mabanggit sa akin yung tungkol dito?"
"H-hindi ako makahanap ng tamang oras at panahon," samo niya.
"Kung alam mo lang Claire kung papaano ako halos masiraan ng bait mahanap lang ang bagay na 'to tapos itatago mo lang rin sa akin?" paliwanag ko, "Dapat noong una pa lang na naibigay sa'yo 'to, dapat ibinigay mo na rin sa akin..." mahinahon at naluluha kong sambit.
"Sorry..."
Bago pa ako makapagsalita muli ay pinili ko nang ligpitin ang aking gamit dito sa kuwarto at iwan ang regalo para kay Clan. Sa sobrang taranta at taas ng emosyon ko ay hindi ko na nagawang asikasuhin nang maayos ang aking gamit at may ilang bagay na ring nagpapatakan sa sahig.
"Ash," tawag niya sa akin ngunit dumiretso na ako sa baba at mabilisang nilisan ang kuwarto.
"Oh Ash, uuwi ka na kaagad?" tanong sa akin ni Tita nang makita niya akong papalabas na.
"O-opo, may emergency lang po sa b-bahay," pagsisinungaling ko.
Hindi na ako nagsayang pa ng oras at minabuti ko nang maghanap ng masasakyan upang umuwi. Hindi na rin ako lumingon sa bahay na iyon dahil baka magtama na naman ang aming tingin ni Claire at mapagbalingan ko rin siya ng sisi.
Alam kong wala dapat kasalanan si Claire dito pero hindi ko rin maiwasang hindi isipin na sangkot rin siya dito. Sana malaman niya na sana noon pa ay ginawa na niyang isauli para ngayon ay hindi na umabot sa ganitong sitwasyon.
Huminto ang aking sinasakyan sa tapat ng aming gate at nakita ko naman ang isang nakaparadang sasakyan. Kilala ko na kung kanino ito kaya hindi ko na pinaglaanan pa ng mahabang atensyon.
Humihinga ako nang malalim dahil nararamdaman kong hindi magiging maganda ang mangyayari sa susunod at dahil na rin pinipilit pa rin ng mata kong umiyak at lumuha. Dali-dali akong lumapit sa pinto ng bahay at agarang binuksan ito. Sa pagkakataong ito ay nangilabot ang buong katawan ko nang makita ko si Mama at Janice na may inaayos sa lamesa habang ako'y nakatayo lamang dito.
"Ash, kumusta ang birthda~"
"Ipaliwanag mo 'to Ma..."
Nangangatal konng itinaas at ipinakita sa kaniya ang nasa aking kamay. Ang bigat na ng bawat paghinga ko at talagang kinokontrol ko lang ang aking sarili. Nakita ko kung paano mabalot ng kaba ang kanilang mga reaksyon lalo na si Janice na napahinto sa kaniyang ginagawa.
"Bakit kay Claire? B-bakit sa kaniya mo ibinigay at hindi sa'kin?" naluluha kong saad.
"Ash, please calm..." napuputol niyang sinabi habang papalapit siya sa aking kinatatayuan, "Let me explain."
"Nagsinungaling ka sa'kin Ma!"
Bumuhos ang aking luha habang binubulalas ko ang mga salitang 'yon. Pakiramdam ko'y napagkaisahan ako't natraydor. Hindi ko alam kung bakit nagawa nila 'to sa akin at bakit sa akin pa talaga?
"Ginawa namin 'yan for you to be safe... We just want to protect you, Ash." Nanginginig niyang paliwanag.
Gasgas na sa akin lahat ng sinabi niya dahil noon pa lang noong nasa ospital ako'y ganiyan na rin ang katwiran nila. Napapailing na lamang ako sa aking narinig dahil hindi ko na alam kung totoo pa ba ang mga sinasabi nila sa akin.
"Ma! Four years!" sigaw ko, "Ang tagal na panahon na bakit? B-bakit kailangan mo pang itago yung relo? Bakit kailangan mong idamay pa si Claire dito?"
"K-kung alam mo lang, Ash kung gaano ako nag-alala for you noong mga oras na 'yon, baka maintindihan mo ako."
"Paano kita uunawain ma? Paano po kita paniniwalaan ngayong itinago mo sa'kin yung tungkol sa relo?" naiiyak kong usal, "Pinagmukha mo akong tanga, Ma!"
Ilang sandali pa ay napitol ang palitan namin ng salita nang bigla bumaba ang isang lalaki sa hagdan at tila ba nagtataka kung anong nangyayari dito sa baba.
"Ash, ano 'to?" saad ng lalaking lumapit sa akin ngayon. Hindi siya karapatdapat na tawaging tito.
"A-ako na bahala dito, okay? I can handle this," tugon ni Mama sa kaniya sa malumanay na boses.
"Huwag na huwag mong pagsasalitaan ang mama mo nang ganyan!" seryoso at pagalit na tono niyang sinabi sa akin.
Nagpanting ang aking pandinig at para bang nakaramdam ako lalo ng galit nang marinig ko ang kaniyang sinabi. As if naman na nagawa niyang maging payapa ang lahat noong dumating siya sa buhay namin.
Magkatapat kaming dalawa ngayon at ikikuyom ko na ang aking kamao. Sa tuwing maaalala ko lang lahat ng mga nalaman ko ay hindi ko talagang maiwasang magalit sa kanila at sa kahit sino.
"You have no right to tell me what I should do because you are not my father."
Lakas loob kong sinabi. Nanindig lahat ng aking balahibo at ramdam ko ang kuryenteng dumaloy sa buong katawan ko.
Nakaramdam ako ng isang malakas na latay sa aking pingi nang makita ko si Mama na inilahad ang palad upang maabot nito ang aking mukha. Halos mawala ako sa aking sarili nang mapagtanto kong nagawa 'yon sa akin ni Mama. Nagawa niya ito sa akin upang ipagtanggol pa ang lalaking katabi niya ngayon.
"Anong nangyayari sa'yo... Ash?"
Kinuha ko ang aking gamit at tumalikod sa kanila.
"Tandaan mo... Ikaw!" saad ko at ginamit ang aking hintuturo upang itapat sa kaniya, "You destroyed us... Sinira mo ang pamilya namin..."
"Ash!"
"At ikaw Mama..." pinunasan ko ang aking luha bago sabihing, "You allowed it to happen... Mas pinili mong mawasak tayo dahil sa lalaking 'yan."
Isinarado ko ang pinto nang may lakas dahilan para gumawa ito ng malakas na ingay. Dali-dali akong naglakad papalabas sa aming gate at nagmadaling maglakad sa kawalan.
Ang bigat sa dibdib lalo na't hindi ko naman inasahan na ganito ang mangyayari. Bakit ba laging wala sa tamang oras ang lahat? Ang hiling ko lang naman ay mamuhay ng masaya pero bakit ganito ang ibinabato ng mundo sa akin?
Hindi ko alam kung saan ako balak dalhin ng aking mga paa ngunit ang tanging hiling ko sa ngayon ay magpakalayo-layo at kalimutan ang lahat.
Tangan ko ang relo at nakikita ko na naman itong nagliliwanag.
END OF CHAPTER THIRTY-ONE
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro