
/15/ Retrospection
CHAPTER FIFTEEN:
Retrospection
ASH
Grabe yung bigat ng katawan ni Art. Ang init na nga dito sa loob pupunta pa talaga dito sa harap ko't papatong. Iba talaga nagagawa ng tao kapag lasing.
"Hindi ka pwedeng umalis..." mahinang bigkas niya't ngayon ay magulo na ang ayos ng salamin ko. Nanlalabo tuloy paningin ko.
Bigla namang umangat ang isa niyang kamay upang alisin ang salamin na nasa mukha ko. Ako naman, nakailang kurap dahil blurred na ang paligid. Nang ilayo niya ito sa akin ay agad naman niyang hinawakan muli ang kamay ko't mas pumatong nang maayos sa akin. Ang bigat!
Nanlaki ang mga mata ko nang maramdaman kong dumikit ang labi niya sa aking noo.
"Dito ka lang Ash... D-dit-"
Naantala ang pananalita niya nang biglang umangat ang katawan niya't akmang aalis na. Ilang segundo pa lang na makaalis si Art sa harap at pagkakadapa sa akin ay may biglang lumabas sa bibig niya.
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Nasukahan na yung damit ko dahil sa napakagaling na galaw nitong si Art.
"Art!" mahinahon kong bulyaw nang makita kong napuno ang tiyan ko at ang kumot ng suka ni Art. Basa na ako ngayon at nakahiga parin.
Nang marahan kong maigalaw ang katawan ko't umupo sa gilid ng kama, nakita ko naman si Art na nakaluhod at nananawag ng uwak sa sahig nitong kwarto. Nagkalat naman sa sahig ang lahat ng ito at talagang umalingasaw kaagad ang amoy ng mga 'yon.
Bigla namang humiga si Art sa sahig at pumikit.
"Art... Tumayo ka d'yan..." dikta ko ngunit nakahilata na siya ngayon katabi ng basang sahig.
"M-may damit d'yan sa ano... Sa cabinet."
Agad ko namang hinubad ang suot ko at marahang inilagay ito sa isang sulok. Nakahiga pa din siya ngayon at para bang nageenjoy siya sa kaniyang ginagawa.
May ilang basa din sa kaniyang pisngi at napakalala naman ng kalagayan ng kumot na inalis ko sa kama.
"Ash... hindi mo pa s-sinasagot yung ano ko..." parang lutang niyang sinabi.
Itinaas pa talaga niya ang kaniyang kanang braso at itinuro ang kinaroroonan ko.
"Alin?" tugon ko.
"Yung ano..."
"Tumayo ka muna d'yan."
"Mahal mo 'ko?"
Natigilan naman ako sa paghahanap ng damit sa cabinet at bahagya akong napalingon sa kaniya.
"M-ma-malamig ang sahig Art, tumayo ka na d'yan..."
"Mahal mo parin ba 'ko?" natatawa niyang sinabi sa akin at ako naman ay agarang nagdamit, "Si Claire? Mahal mo ba talaga siya?"
"Art."
Bahagyang tumaas at naging matapang ang tono ng pananalita ko. Hindi ko alam pero may kakaibang nagtatalo sa isip ko ngayon ngunit binabaliwala ko na lamang.
Ayaw kong mapapunta itong diskusyon na ito sa hindi maganda at ayaw ko ding maging sanhi ito upang mag-ugat ang sama ng loob sa aming lahat.
Narinig ko ang mahihinang tawa galing sa kaniya habang sinusubukan niyang umupo sa sahig at dahan-dahang makatayo. Agaran naman akong napalapit sa kaniya dahil hindi pa siya makatayo nang matagal at naa-out of balance lang ang kaniyang katawan.
"K-kaya ko..." sabay tawa.
"Magpalit ka na ng damit, Art," bigkas ko, "Nabasa na din 'yan."
"D-dapat pala, Ash, hinanap na kaagad kita..." mahihina niyang sinasabi habang pinipilit makatayo nang tuwid, "Para hindi mo n-nakilala si ano... Siya."
Hindi ko na lamang siya pinapansin kahit na anong sabihin niya. Kumuha naman ako ng isang damit na nasa drawer at inilagay ito sa tabi para nakahanda na.
"Pero ayos lang..." sabay ngiti at tawa, "Mas matagal naman kayo 'no? Kaya huwag kang mag-alala."
Alam kong nasasabi lamang niya lahat ng ito dahil sa epekto ng nainom niya kanina. Kahit naman sino, kapag nakatagay ng limang pataas na bote ng alak ay tatamaan din.
"Art, magbihis ka na..."
Matapos kong sabihin iyon ay bigla na lamang siyang naghubad sa harap nitong cabinet kahit nagewang ang bawat lakad niya. Nang mahubad niya ito'y ibinato niya ang damit sa isang basket at malayang humilata at bumagsak papuntang kama.
Wala na akong ibang nagawa kun'di ang ayusin lahat ng naging kalat dito. Naging tahimik na ang paligid dahil nakatulog na nang matiwasay si Art.
Inilagay ko sa isang lalagyan na plastic ang aking nadumihang damit at inayos ko din lahat ng mga nagulo dito sa loob. Nakakahiya naman kung iiwanan ko nalang yung buong kwarto niya na magulo at parang napabayaan.
Hindi na din naman ako magtatagal dito. May kailangan pa akong asikasuhin para sa mga natitirang activities namin.
"Art."
Walang senyales na siya'y nagigising kaya naman hindi ko na muli tinawag ang kaniyang pangalan.
Naghanap nalang ako dito sa kaniyang mga gamit ng sticky note at kumuha ako ng isa. Dinampot ko din ang isang ballpen at saka isinulat ang aking nasa isip.
"Art. I need to leave. Goodnight. (Ibabalik ko nalang yung damit kapag nagkita na ulit tayo.)"
Dahan dahan kong inabot ang aking bag at yung mga nadumihang damit na nakalagay sa plastic na nasa gilid. Pagkatingin ko sa orasan na nandito sa loob ay mag-a-ala-una na kaya agaran akong kumilos.
Natigilan muli ako nang makita ko sa pader ang portrait ko.
Ilang sandali pa nang akmang isasara ko na ang pinto dahil sa aking paglabas ay may nagvibrate sa loob ng bulsa ko. Mas matagal ang paggalaw nito kaysa kanina kaya naman kinuha ko ito't tinignan.
Si Mommy. Tumatawag na.
"Ash?" malumanay at may halong pag-aalala sa tono ng boses niya nang pindutin ko ang green button, "Uuwi ka ba or may sleep over kayo?"
"Pauwi na po ako, may dinaanan lang po ako kanina," tugon ko.
"Sige anak, ingat sa biyahe."
Ang aking dalawang paa ay nakatigil lamang dito sa tapat ng pinto. Hindi ko pa naman tuluyang naisasara ito kaya naman kita ko pa din dito ang mga gamit sa loob.
Nanliit ang mga mata ko nang may bigla akong naalala. Kaya pala naman medyo blurred ang paningin ko ay dahil sa wala akong suot na salamin. Naiwan ko siguro sa loob.
Bumalik ako sa lugar kung saan huli kong nakita ang aking salamin. Sa totoo lang, medyo nahirapan ako kasi ang labo.
Nang makapa ko sa table ito ay agad kong isinuot at dahan-dahang mumulat. Tumama naman ang aking paningin sa isang gamit na para bang hinihikayat akong galawin at kunin 'yon. Yung relo na napapunta kay Art.
Halos maibato ko ang hawak kong relo nang may maramdaman akong kakaiba. Bakit parang nakuryente ako? Anong mayroon?
Sinubukan ko muling hawakan ito ngunit tanging nakakabigla at masakit na enerhiya at kuryente ang naramdaman ko. Parang hindi ako pinapayagang hawakan ko ang relong 'yon. Bakit kaya?
Ilang sandali pa bago ko pa magising at magambala ang pagtulog ni Art ay minabuti ko nang umalis at lisanin ang unit na ito. Kapag namalagi pa ako dito'y gagabihin ang pag-uwi ko't mahuhuli ako sa pagpasok bukas.
Ang gulo gulo na din ng isip ko lalo na't nagkasabay-sabay na ang mga nangyari ngayong araw. Nakakapagod sa totoo lang. Mas gugustuhin ko pang maging highschool student nalang ulit dahil kakaiba yung galawan ngayon sa college. Kapag hindi ka wise sa mga decisions mo, damay lahat ng mga posibleng maging resulta.
Nakailang metro na din ang layo ko sa apartment ni Art at ngayon ay naghanap na ako ng masasakyan.
May kung ano sa kalooban ko na para bang may gusto akong mangyari na hindi ko magawa. Parang may pumipigil sa akin na gawin ko ang bagay na 'yon dahil natatakot akong baka may maapektuhan.
Habang nasa biyahe ako ay sinusubukan kong tawagan si Claire. Mag-lilimang tawag na ako ngunit walang sumasagot, tulog na siguro siya. Sana naman ay naging ayos na siya matapos ang ginawa niyang pagtawag sa akin kanina.
Tumigil ang aking sinasakyan sa tapat ng subdivision namin kaya naman naglakad na lamang ako't tinahak ang pasikot-sikot dito sa loob. Ilang minuto din ang nakalipas at ngayon ay nandito na ako sa tapat ng bahay.
Nakita ko malapit sa second floor ng bahay ay isang bukas na ilaw galing sa loob kaya naman dali-dali akong nagtungo at pumasok sa loob ng bahay. Wala na akong nadatnan na ilaw sa salas kaya naman binuksan ko ito't pinagmasdan ang paligid.
Bumungad sa aking harapan ang nakahigang si Mama. May hawak na cellphone at nakatuwid ang higa sa kahabaan ng sofa.
Nang isara ko ang pinto ay narinig kong bumangon si Mama at tinitigan akong mabuti.
"Ash, nandito ka na pala..." mamaos maos niyang salubong.
Aakyat na sana ako ngunit bigla ko namang nasipa ang isang napakalaking kahon dito sa may paanan ng hagdan. Kung titignan mo ito ay mukha itong package.
"Anak, galing sa tito mo..." masigla niyang saad kahit bagong gising palang.
Nanlaki naman ang mga mata ko nang marinig ko ang kaniyang sinabi.
"May laptop siyang binili para sa'yo, magagamit mo daw 'yon sa magiging trabah-"
"Maaga pa po ako bukas, akyat na po ako..."
Naiwan sa katahimikan ang salas nang umakyat ako sa hagdan at madaliang binuksan ang pinto ng aking kuwarto. Nakatayo si Mama malapit sa package noong huli ko siyang makita.
Halos ilang taon na din ang nakalipas at sa bawat buwan ay may ipinapadalang package si tito sa amin. Wala akong pakielam kahit kotse pa ang ibigay niya.
Total naman, masaya siya na makita niya si Mama na masaya sa tuwing may ibibigay siya. Nakuha nga niya si Mama kay Papa e, kaya madali na para sa kaniyang mapa-amo ang nanay ko.
Ibinato ko ang bag ko sa higaan at ako naman ay agarang humarap sa salamin. Napabuntong hininga naman ako nang makita ko na lamang ang sarili ko dito. Nagflashback tuloy sa akin lahat ng nangyari noon pati yung nangyari ngayong araw.
Ilang minuto pa ang nakalipas ay naisa-ayos ko na ang lahat pati na din ang aking sarili matapos kong maglinis ng katawan. Binaybay ko na ang papuntang kuwarto at agarang umupo sa kama. Iniisip ko kung ano pa ang mga kailangan kong gawin bago matulog.
Nalingat ang aking paningin nang biglang umilaw ang cellphone ko't parang may lumitaw sa screen. Ginamit ko ang aking kamay at braso upang abutin ang cellphone malapit lamang sa aking tabi. Nang mabuksan ko ito ay nakita kong may nagmessage sa akin kaya naman agaran kong tinignan kung sino. Akala ko nga si Claire no'ng una ngunit si Benedict pala.
"Ash, pa-autograph nalang bukas," saad niya sa message.
Halos magdikit na ang dalawang kilay ko nang mabasa ko ang kaniyang sinabi. Anong mayroon na naman? Bakit kailangan ng autograph?
Ilang segundo ang nakalipas nang may inihabol siyang link sa akin. Nagdadalawang isip ako ngunit wala akong nagawa at hindi ko nalabanan ang curiosity ko. Pinindot ko gamit ang aking daliri ang nasa screen at napalipat naman ito sa panibagong app dito sa aking cellphone. Bumungad sa aking paningin ang isang picture na nakafocus sa amin ni Art at yung time na sabay kaming kumanta sa videoke.
Mabilisan kong ini-scroll ang screen ng cellphone at nakita kong nakailang-libong views na ito at marami na ding nag-react, nag-share, at nag-comment.
"Nag-viral yung video niyo!" maligayang sinabi ni Benedict sa chat.
Kahit ba mukha silang masaya sa nakikita nila, hindi ko maiwasang mag-alala. Hindi ako natutuwa sa nangyayari bagkus nababahala pa ako.
"Ben, bakit mo pinost?" tanong ko sa kaniya, "Hindi mo sinabi sa amin ni Art."
"No Ash," tugon niya, "Arthur knew."
Napahinto naman ako sa pagpindot sa screen at nagtaka.
"What do you mean?"
"Art told me na i-post ko sa social media yung video niyong dalawa na kumakanta."
Nailayo ko ang aking tingin galing sa cellphone at tumitig sa kawalan dahil sa pag-iisip. Sana hindi nakita ni Claire 'to.
Napabalik naman ang aking atensyon sa mga ilang nag-cocomment.
"My Yaoi heart is beating!"
"Ship na this!"
"Arthur D, please notice me!"
"Haba ng hair ni Federacion."
Napapikit na lamang ako't naihagis ang cellphone sa malaki kong kama. Kainis.
Pero bakit ganito yung nararamdaman ng kalooban ko? Parang nagbubunyi pa? Kaso hindi puwede! Hindi na puwedeng mangyari 'yon.
What if malaman ni Claire ang tungkol dito? I don't want to start a fire between the three of us.
Kailangan kong gumawa ng way to prevent this. I'm sure, malaking gulo ang mangyayari if hindi ko naipaliwanag nang maayos ito.
END OF CHAPTER FIFTEEN
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro