Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

/14/ Kahit Ngayon Lang

CHAPTER FOURTEEN:
Kahit Ngayon Lang

ASH

Sumisirko ang isip ko habang naiwan akong mag-isa dito sa kinaroroonan namin ni Art kanina. Nasa baba kasi siya ngayon dahil hiniram ng mga kasama namin ang gitara niya kaya naman ayun, napako na sa mga 'yon at nakikipagkuwentuhan.

Pumapasok naman sa isip ko lahat ng naging topic ng pag-uusap namin kanina. Kahit na medyo malabo pa rin sa akin ang tungkol sa relo ay wala akong magawa kung hindi pagnilaynilayan ang paliwanag niya. Hindi ko na din naman siguro magagamit yung relo dahil hindi ko alam kung nasaan na 'yon ngayon.

Hindi ko din maiwasang isipin yung tatlong pagkakataong nakalaan para magamit ang relong 'yon. Hindi pala siya pang-habang-buhay na gamit... May limitasyon din pala. Akala ko kasi noong una na once na nakuha o natagpuan ang relong 'yon, magiging masuwerte na ang may ari. Hindi pala.

Iniwan ko muna ang aking cellphone sa kinauupuan ko at dumiretso sa isang pinto na may nakalagay na 'Restroom'. Hindi ko kasi mainterrupt yung pag-uusap namin kahit na naiihi na ako kaya naman ito palang ang pagkakataon para magawa ko na 'yon.

Inihakbang ko ang kaliwa kong paa at nang makatapat ako sa pinto ay pinihit ko ang doorknob. Binuksan ko ito at bumungad naman kaagad sa akin ang naaninag kong dalawang nakatayo at yung isa ay nakasandal sa pader.

Napaatras na lamang ako at marahang binitiwan ang pinto. Nailagay ko ang aking  kamay sa aking bibig at nilisan ang lugar na 'yon.

Bakit naghahalikan sina Andrew at Kyle? Anong mayroon?

Nang makatalikod ako, nawala bigla yung urge ko para makaihi. Ewan ko ba? Nabigla ako sa nakita ko, pati ihi ko nawala.

Nang makabalik ako sa lugar kung saan ko iniwan ang aking cellphone ay nakita ko na kaagad si Art na nakaupo at nakabalik na. Natapos na siguro yung paguusap nila sa baba kaya nandito't katabi ko mamaya. Ilang hakbang pa din ang ginawa ko nang makita kong nakatungo siya at parang may ginagawa.

"Art?" saad ko.

Nakita ko namang hawak niya ang aking cellphone kaya naman ikinabigla ko ito.

"Ahh nandiyan ka na pala..." tugon niya at inabot niya sa akin ang hawak niya, "Si Claire, tumawag ulit."

Kinuha ko ito at binuksan upang tingnan kung may nag-missed call nga. Si Claire, nakadalawang tawag noong saglitan lang akong nagpunta sa C.R.

Pinindot ko ang numero na nandito sa screen upang tawagan siyang muli. Bakit kaya siya mapapatawag sa ganitong kagabi na?

"Hello Claire, Bie?" bati ko at nakita kong nakatingin lamang si Art sa akin.

"Bie, ba't 'di mo sinasagot tawag ko kanina?"
"Nasa banyo ako kanina, sorry..."
"Gano'n ba?"

Habang kinakausap ko siya ay parang paos o kaya naman garalgal ang boses ni Claire. Hindi naman ganiyan ang boses niya kanina noong tinawagan niya ako.

"Bie, okay ka lang?"

Narinig ko sa kabilang linya ang kaniyang pag-singhot at hindi ko malaman kung anong nangyayari sa kaniya ngayon.

"Oo Ash... Sumasakit lang yung ulo ko," tugon niya, "A-anong gagawin ko bie k-kapag masakit ang ulo? May gamot bang iinumin?"

Napakagat labi nalang ako dahil wala akong ideya sa isasagot ko sa kaniya.

"Nandiyan ba mommy mo? Si Tita?"
"W-wala eh... H-hindi pa siya nakakauwi..."
"Si Clan?"
"Katabi ko, nakatulog na din..."

Ramdam ko kahit sa boses lamang niya ang hirap na nararansan niya ngayon. Bigla tuloy akong napaisip sa kung anong nngyayari sa kaniya sa mga oras na ito.

"Try mong maghanap ng gamot diyan sa inyo..." mungkahi ko, "If kaya mong makatayo or what... mapapakiusapan mo ba si Clan na maghanap ng gamot?" pagaalala ko.

"Hindi eh, baka kung anong ibigay niya sa 'kin," sagot niya, "A-anong gamot Bie?"

Nagkaroon ng panandaliang katahimikan ang paligid dahil hindi ko alam ang isasagot ko. Naiilang din ako sa tingin ni Art dahil parang inoobserbahan niya lahat ng ikikilos at sasabihin ko. Nakakahiya.

"Paracetamol, Ash."

Naipaling ko ang aking ulo kay Art.

"Masakit ba ulo niya?"

Napatango na lamang ako at naririnig ko sa kabilang linya ang paggalaw ni Claire. Bakit ba naman kasi biglang sumakit ulo niya? Nakakabahala tuloy.

"May acetaminophen 'yon, for pain and fever," dagdag niya at ngumisi nang bahagya.

Agad kong ibinalik ang atensyon ko sa kausap ko sa telepono.

"Nilalagnat ka ba?" saad ko, "Take paracetamol..."

"S-sige maghahanap ako."

Naririnig ko dito ang pagdaing niyang sumasakit ang kaniyang ulo at para bang hindi naman siya ganito kanina. Nakakapagtaka nga lang.

"Bie, basahin mong mabuti yung nakalagay para hindi ibang gamot ang mainom mo... okay?"

"S-sige, I'll try to find s-some..." tugon niya at nabigla na lamang ako nang naputol ang tawag naming dalawa.

Nanatili sa isang puwesto ang aking paningin at ibinaba nang marahan ang cellphone ko. Iniisip ko tuloy lahat ng dahilan para sumakit ang ulo niya nang biglaan at gano'n gano'n lamang. Okay naman kami kanina noong nasa university pa kami, she even talked smoothly and I noticed that she's fine before and after the event.

Bumalik ako sa upuan ko kanina at ngayon ay nababalot ng katahimikan ang paligid. Gumagala ang bilog kong mata sa paligid habang naghihintay ng kaniyang message.

"Bakit daw?" mahinahong bigkas ni Art sa akin.

Napabuntong hininga muna ako bago tumingin sa kaniya.

"Hindi ko nga alam Art eh... Okay naman siya kanina pero ngayon, parang hindi..."

"Baka pagod lang siya or..." tumingin siya sa akin at umangat ang kaniyang dalawang kilay.

"Or what?" nanliit ang mata ko dahil sa ipinakita niyang ekspresyon.

"Uhmmm... M-may nang-y-yari ba sa inyo?" nauutal niyang ibinibigkas habang ako naman ay naghihintay na sabihin niya iyon. Napabuntong hininga naman ako at bahagyang inilayo ang tingin sa kaniya.
Anong gusto niyang iparating?

"Art... Bakit naman namin gagawin 'yon? Hindi pa kamk ready para do-"

Gosh! Bakit gano'n yung mukha niya? Ano bang ipinapahiwatig mo Arthur? Alam ko yung mga ganyang ekspresyon kaya please, tigilan mo 'ko hanggang hindi pa ako nakakapag-salita sa'yo.

"Bakit?" mahinahon ngunit nagtataka kong sinabi. Kahit na alam ko ang nasa isip niya, I managed to ask that question parin. Baka kasi sabihin, masyado akong pa-inosente.

"Wala lang..."

Lumabas sa kaniyang labi ang ngiti at umiwas nang tingin sa akin na para bang alam niya at nagkakaintindihan kami kahit na hindi niya sinasabi ang gusto niyang iparating sa akin.

"May gano'ng signs kasi Ash," dagdag niya nang biglang tumunog ang cellphone ko at nagbukas ang screen.

"May dinadamdam na nga yung tao, pag-iisipan mo pa nang gano'n..." kalmado kong bawi.

Bumungad ang wallpaper naming dalawa ni Claire at ang message niya sa akin several seconds ago. Nakalagay dito na 'I found one, bie.' pertaining to the paracetamol I said earlier.

"Okay Bie, please rest and message me if okay ka na." tugon ko ngunit hindi na siya muling nagreply.

Hanggang ngayon, tumatakbo pa din sa isip ko yung nangyari. Nakakabahala lang din kasi wala ako sa tabi ni Claire para matulungan or ma-assist man siya.

Nagkatapat naman ang tingin naming dalawa ni Art at ngayon ay nagsesenyasan kami kung ano na ang susunod na mangyayari. Wala naman akong ideya sa kung anong maaaring gawin ngayong nasa kalagitnaan na kami nang gabi.

Binasag ni Art ang katahimikan nang bigla siyang umimik. "G-gusto mo?"

Nakita ko ang hawak niyang bote na may laman na alak. Magkatabi kami ngayon at amoy na amoy ko ang nilalaman no'n, masyadong matapang ang amoy. Sa gilid naman ng upuan ay may apat na bote pa na kung titignan mo ay napakalamig.

Umiling na lamang ako, senyales na hindi ko gustong uminom ng inaalok niya.

"Bakit?" saad niya.

Gumulong ang mata ko papunta sa kinaroroonan ni Art. "Kahit kaunti lang..." pakiusap niya.

"S-sorry, hindi kasi talaga ako umiinom..."
"Tikim lang, pagbubuksan kita?"
"Hindi na Art... Salamat nalang..."

Nakita ko kung paano bumagsak ang balikat niya nang alisin niya ang kamay at bote sa pagkakaabot sa akin. Hindi talaga ako umiinom kahit tikim lang, parang masusuka ako na hindi ko maintindihan.

"Hirap pala 'pag may girlfriend..."

Kahit mahina ang tinig niya'y narinig pa din ng dalawang tainga ko ang kaniyang bigkas.

"Ano 'yon?" saad ko at inayos nang bahagya ang salamin ko.

"W-wala... Ang s-sabi ko ano..." nauutal niyang boses, "Mahirap pala kapag ganito..."

Art, huwag ka nang magpalusot, narinig kita kanina.

"Paanong ganito?"
"Yung ganito... Ako nainom, ikaw h-hindi..."

Unti-unti kong nasesense na nalalasing na 'tong lalaking ito kaya ganito na kaingay. Kung anu-ano na ang nasasabi at naiisip.

Ilang sandali pa ang nakalipas at halos maging jug na siya ng alak na iniinom niya. Taob ang lahat ng boteng nakalagay sa tabi ng upuan namin at talagang pulang pula ang pisngi, tainga, at ilong nitong si Art. Ganito ba talaga kalakas uminom si Art noong hindi pa kami nagkakahiwalay? Ang tindi.

Ang ilang lalaking nakikita ko pamula dito ay nakasandal sa kanilang upuan at yung iba naman ay pinaglalaruan ang karaoke at ang baraha. Sa totoo lang, nakakapanibago ang lahat.

Yung katabi ko naman ngayon ay nagpapakuha pa ng tatlong bote pa at hindi matigil sa pag-inom.

"Huy Art..." inalog ko ang balikat niya habang ang mga mata niya ay parang babagsak na at ang ulo niya'y gumegewang, "Tama na 'yan... Magmamaneho ka pa 'di ba?"

"K-kaya ko naman..." tugon niya at biglang tumayo ay humawak sa railings nitong kinaroroonan namin.

"Art naman, umupo ka nga dito... Baka mamaya mahulog ka pa diyan," dikta ko.

"Okay nga lang kasi ako..." natatawa niyang bigkas, "Hindi pa naman ako lasing Ash, kaya okay lang... ha."

Napapatantya na lamang ako dahil halata namang lasing na siya eh. Nagagawa pa niyang tumawa sa ganitong sitwasyon.

Nang maipakiusapan ko na siyang bumalik sa upuan namin ay napabuntong hininga siya at halos magsara na ang mata niya dahil sa antok na din siguro. Ilang sandali pa ay nakita ko naman sa hindi kalayuan ang naglalakad na si Andrew at nakita ko din na lumabas din si Kyle kasunod niya. Wala naman ako sa lugar para husgahan sila pero may nararamdaman akong something sa kanilang dalawa.

"Ilang taon na kayo ni Claire?"

Nabigla naman ako't napalingon sa kaniya. May hawak pa din siyang bote at iniikot-ikot niya ito na parang may tinitimpla.

Bakit naman niya natanong?

"T-twenty two na ako... Si Claire naman mag-t-"

"Hindi 'yon," nakangiti niyang sinabi, "Ilang taon na kayong magkasama ni Claire?" habol niya.

Nalunok ko na lamang yung laway ko't inayos nang bahagya ang dumudulas kong salamin.

"Limang taon."

Napatunghay siya't kitang kita ko kung paano lumaki ang mga mata niya't ngumiti. Ininom naman niya ang nasa loob ng bote at parang ineenjoy pa niya ito nang todo.

"Ang tagal ah..." sinabi niya't ngumiti na parang pilit, "Parang limang linggo lang yung tinagal natin noon 'no?"

Bakas sa mukha niya ang hindi ko maintindihang reaksyon. Parang may pait at disappointment kaya hindi ko maunawaan. Nakaramdam naman ako ng lungkot dahil sa narinig ko pamula sa kaniya, hindi ko naman inexpect na ganito yung kakahinatnan naming dalawa.

"P-paano mo siya nakilala?" bigla niyang tanong.

Narinig ko naman sa baba na parang may nililigpit silang gamit.

"Bakit mo naman natanong?" tugon ko, "Tama na 'yung pag-inom mo, magmamaneho ka pa..."

"Mahal mo?" sabay inom.

"Art... Nagliligpit na sila sa baba, tama na 'yan."

"Eh ako?"

Tumayo ako ngunit bigla niyang hinawakan nang mahigpit ang kamay ko.

Napatitig ako sa kaniyang namumulang mukha at masasabi kong mas naaninag ko nang mabuti ang mukha niyang walang pinagbago. Bigla na lamang siyang humalakhak at napasandal nang tuluyan sa upuan.

"Kayo d'yan? Hindi pa kayo magliligpit?" bungad ni Benedict na halos sumabog na din ang mukha dahil ito'y namumula.

Agarang binitawan ni Art ang kamay ko't tuluyang napapikit. Lasing na nga.

Parang dinaanan ng malakas na alon ang paligid dahil walang kahit isang kalat ang natira. Nang sabay kaming makababa ni Art dahil sa inalalayan ko ito ay nakarating kami sa tapat nitong resto bar. Nakita ko kung paano sila maglinis at mag-ayos ng mga gamit dito.

"Lasing ka na Chief?" bigkas ng kasama niya sa banda.

"Ako?" natatawang saad ni Art habang nakaakbay sa akin at pagewang-gewang, "Hindi ah... Limang linggo lang 'yon..." sabay tawa.

Sumakay na ang ilang hindi nakainom at ilang lasing na sa kotseng sinundan namin kanina. Si Art naman ay pinasandal ko na kuna sa isang upuan. Naiwan kami nina Kyle at Andrew dito pati na din ang kausap ni Art kani-kanina lamang.

"Mukhang 'di kaya ni Art na makapagmaneho..." sinabi ni Andrew habang pinag-iisipan namin kung paano kami makakaalis sa lugar na 'to.

"Ako nalang... Alam ko naman kung saang apartment nakatira si Chief," salubong ng isa pa naming kasama. Tahimik lamang si Kyle habang pinapakiramdaman ko silang dalawa ni Andrew.

Matapos ang palitan ng usapan namin ay napagdesisyunan na naming isakay ang lahat sa sasakyan niya. Pinakuha niya sa akin ang susi ng sasakyan sa bulsa ni Art at ngayon ay nakapasok na kami. Si Kyle ang katabi ng lalaki sa unahan at kaming tatlo naman nina Andrew at Art ang nandito sa backseat.

Nabigla naman ako nang simulang paandarin ang kotse. Parang biyaheng langit na 'to at nagsisimula na akong kabahan. Hindi naman siya lasing pero ang bilis magpatakbo.

Ilang minuto pa lang kaming nakakalayo sa pinanggalingan namin kanina ay nakiusap ang dalawang kasama namin dito sa loob na bababa nalang daw sila sa isang terminal ng jeep. Sinang-ayunan naman ito ng nagmamaneho.

Nakarating kami sa terminal at naiwan na kaming tatlo dito nina Art sa loob. Nagpaalam na ang dalawa at nakita ko kung paano sila biglang nawala nang umandar muli ang sasakyan namin. Gusto ko na sanang balaan o pakiusapan siya na dahan dahan lang sa pagmamaneho pero hindi ko magawa. Nahihiya ako.

Nakalagay ang ulo ni Art sa balikat ko habang nakapatong sa hita ko ang bag kong dala. Nagvi-vibrate yung cellphone ko pero hindi ko makuha dahil maiistorbo ko ang pag-idlip ng katabi ko kapag gumalaw ako. Mamaya nalang siguro.

Bigla na lamang huminto ang sasakyan at hindi ko napansing nandito na kami sa aming dapat puntahan. Nasa tapat na kami ng apartment ni Art.

Inalog ko muna nang bahagya ang ulo niya upang gisingin siya at nangyari naman. Agad siyang napaakbay sa akin at tinulungan ko naman siyang makarating sa room kung nasaan naninirahan itong lalaking 'to. Mabuti na lamang at nakapasok na kaagad kami nang hindi pa isinasarado ang main gate nitong gusali.

Nakapasok na kaagad kaming dalawa sa loob nitong room niya at nakita ko ang napaka-ayos na kapaligiran at madilim na paligid. Tanging bukas na bintana lamang ang nagbibigay liwanag dito sa loob. Ilang sandali pa ay inabot sa akin ng lalaki ang susi at nagpaalam na uuwi na din siya.

"Commute ka nalang?" mahinahon kong tanong.

"Oo... May nabiyahe pa naman siguro..." tugon niya at nagpaalam nang tuluyan at umalis.

Binuksan ko ang ilaw dito at bumungad sa akin ang kulay blue na mga pader at ang higaan niyang nagulo ang ayos dahil sa kaniyang hindi maayos na pagkakahiga. Sobrang linis ng paligid at talagang kahit maraming gamit dito sa loob ay nakaayos ang mga ito.

May ilang nakalagay sa pader na mga vinyl. May malaking speaker din. May mga nakapatong na papers sa table at may maliit na ref din sa gilid.

Nakuha ang aking atensyon nang makita ko ang mga cassette sa ilalim ng isang video player at ang ilang mga paintings.

Nandito nga ang portrait ko. May ilang gasgas ngunit ang ganda nito'y hindi nabubura o nasisira.

Nang hahawakan ko sana ang painting ay biglang nagvibrate ang cellphone ko sa aking bulsa. Agad ko itong kinuha at binuksan.

"Ash, magt-twelve na, nasaan ka na, may sleepover ka ba? Message me."

Nakita ko ang message ni Mommy. Hindi ko na lamang ito nireplayan at inilagay muli ito sa aking bulsa.

"Ash..." mahinang tawag ni Art sa akin kahit na siya'y nakapikit at nakahiga.

"Art... Uuwi na sana ako, maaga pa kasi ako bukas eh..." mahinahong paliwanag ko.

"Pwedeng dito ka muna?"

Nabigla ako't nagulat sa kaniyang sinabi.

"Kahit isang araw lang..." pagmamakaawa niya.

"Hindi kasi pwede Art, kailangan kong makauwi para hindi ako mal-"

"Please..."

Agaran niyang hinigit ang kamay ko at naramdaman kong naout of balance ako dahil sa ginawa niya. Bigla akong napataob papunta sa higaan at nakita ko kung paano mabilis na gumalaw ang kaniyang katawan upang makarating siya sa ibabaw ko.

Para akong naparalisado nang mangyari 'yon.

Namumuo ang aking pawis at hindi ko alam ang susunod kong gagawin. Ganito ba ang epekto kapag nalalasing? Kung anu-ano na lamang ang nagagawa't naiisip?

"Hindi ka uuwi..." seryoso niyang saad, "Dito ka lang... kahit ngayon lang."

END OF CHAPTER FOURTEEN

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro