Stranger
MAG-AALAS otso na pero hindi pa rin bumabalik si Aling Dolor. Nagising na kaninang bandang alas singko ang Nanay niya at nakakain na rin. Ngayon ay tulog ulit ito.
Kailangang maaga siya bukas para makabalik ulit siya sa ospital sa hapon. Na-check na rin kanina ni Miguel ang kondisyon ng Nanay niya. 'Pag nagtuloy-tuloy ang pagbuti ng pakiramdam nito ay pwede na silang lumabas dalawang araw mula ngayon.
Ingay ng bumukas na pinto ang nagpalingon kay Elie. Sa wakas ay dumating na rin si Aling Dolor.
"Ay salamat naman po Aling Do---Dok, kayo pala."
"Hi ulit," nakangiting bungad sa kanya ni Miguel. Hindi na nito suot ang puting coat nito. "Kumain ka na?"
"Hindi ko maiwan si Nanay," aniya.
"I'll be right back."
Wala pang sampung minuto ay nakabalik na si Miguel, may kasamang nurse. Takang tinapunan niya ito ng nagtatanong na tingin.
"This is Corinne. Corinne, Elie," pakilala ni Miguel sa nurse na kasama nito, "siya na muna ang magbabantay sa Nanay mo para makakain ka."
"H-ha? Naku huwag na," tigas na pagtanggi ni Elie, "parating na rin naman siguro si Aling Dolor."
"Isang oras lang naman."
Nagpalipat-lipat ang mata niya sa nurse at doktor. Nakakahiya talaga. At isa pa baka mapagalitan si Corinne. Mukhang hindi pa nito off.
"P-pero..."
Minamalas nga yata siya ng araw na 'to dahil doon naman nagpasya ang tiyan niya na tumawag ng pansin. Hindi na siya makakatanggi dahil dinig yata sa apat na sulok ng silid ang pagkulo nito.
"You're hungry. Come on. Ililibre kita," si Miguel.
Napangiwi si Elie, tutop ang tiyan. Wala na talaga siyang choice dahil buking na siya.
"S-sige. Salamat Nurse Corinne." Nag-aalangang tumayo siya.
"Corinne na lang. Ako na ang bahala sa Nanay mo," pagtataboy sa kanya ng babae.
Hindi rin naman sila lumayo ni Miguel. Dinala siya ng lalaki sa isang restaurant isang bloke ang layo sa ospital. Pero nang tuluyan niyang makita kung anong klase ng restaurant 'yon ay napatigil siya sa paghakbang.
"B-bakit dito? Ang mahal dito, Dok."
"Ako naman ang magbabayad," parang nanunuksong bawi ni Miguel.
"Alam mo bang isang serve ng pasta dito ay nagkakahalaga na ng two hundred pesos?"
"What about the taste?"
"In fairness, masarap."
"Mas dapat pala tayong kumain dito kung ganun."
Wala na siyang nagawa nang pagbuksan siya ng pinto ni Miguel. Lalo pa siyang na-impress nang makapasok sa restaurant. Maroon ang kulay ng carpet sa sahig at gold naman ang design na naka-print. Gawa sa mahogany ang mga mesa at silya. Nababalot ng puting tela ang bawat mesa.
Si Miguel na rin ang umorder para sa kanya. Hindi na niya tiningnan kung magkano ang bawat pagkaing inorder ni Miguel. Baka mabilaukan siya habang kumakain, sayang naman.
"So, what do you do? Alam mo na ang profession ko pero ikaw wala pa akong alam sa'yo bukod sa pangalan mo."
"Well, gusto kong maging teacher noon. Pero Business Management ang kinuha kong course sa college."
"May I ask why?"
Bahagyang dumukwang ang lalaki, nakatukod sa mesa ang mga siko at magkadikit ang magkabilang palad.
"Lahat ng mga choices ko sa buhay ay p'wede kong sumahin sa iisang salita."
"And that word is?"
"Nanay," sabi ni Elie na may ngiti sa labi.
"I see."
"Fourteen ako nang mamatay si Tatay. Imbes na mag-asawa uli para may katuwang siya sa buhay, mag-isa niya akong itinaguyod."
"You're lucky to have a mother like that," ani Miguel.
"Sinabi mo pa."
Dumating ang order nila. Hindi alam ni Elie kung saan unang titingin sa mga pagkaing nakahain. Halos maglaway na siya sa amoy na nasasagap ng ilong niya.
"Hindi kaya masyadong marami 'to?" tanong ni Elie habang pinaaikot ang tinidor sa pasta.
"Ipabalot na lang natin. Malay mo, mamayang hating gabi makaramdam ka ng gutom. At least may makakain ka."
Magana siyang kumain, nakalimutan na ang hiya sa binata. Sa gitna ng masayang kuwentuhan nila ni Miguel ay tumunog ang cellphone ni Elie. Base sa numerong nakikita niya, mukhang international call. Sino naman kaya ang tatawag sa kanya mula sa ibang bansa?
"Hello?"
"Hello iha, ang Tita Carol mo ito."
Agad ang pagkabog ng dibdib ni Elie. Ano'ng kailangan sa kanya ng ina ni Larkin? Simula nang mag-migrate ang mga Andres sa Canada ay hindi ito pumalya sa pagpapadala sa kanya ng mga greeting cards sa bawat okasyon. Minsan isang buwan ay tumatawag din sa kanya ang Mommy ni Larkin.
"Kamusta na po kayo?"
"Mabuti naman anak. Nasa labas ka ba 'nak?"
Sumenyas siya kay Miguel para maghanap ng mas tahimik na lugar.
"Opo. Naghapunan po kasi kami."
"Ah. Nagkita na ba kayo ni Larkin?" muling tanong nito.
"P-po?" gulat na tanong niya.
Nasa Pilipinas na si Larkin?
Sunday last week pa ang huli niyang dalaw sa bahay nina Larkin. Sa susunod na Linggo pa ang schedule niyang dumalaw ulit. Kung nakauwi na nga ang binata, malamang nagkasalisi lang sila.
"Noong Lunes pa siya d'yan ah. Hindi na kita natawagan na uuwi siya kasi sabi niya hindi na kailangan tutal magkikita din naman kayo."
Lalong lumakas ang kaba sa dibdib ni Elie. Hindi siya handang makaharap si Larkin!
Really, Elie? It has been eight years.
Hindi na siya nabigyan ng pagkakataong makasingit dahil nagsalita uli si Carol.
"Makikisuyo sana ako iha, pakitingnan mo naman ang kaibigan mo. Hindi ko pa kasi siya nakakausap simula nang makauwi siya d'yan," patuloy pa ni Carol.
Gusto niyang sabihing ayaw niya pero iba ang lumabas sa mga labi ni Elie.
"S-Sige po."
"Maraming salamat iha. Paano, patapos na ang break time ko. Mag-usap na lang uli tayo."
Wala sa sariling bumalik siya sa mesa nila ni Miguel. Napansin kaagad ng lalaki ang pag-iiba ng mood niya.
"Are you alright?" Halata ang pag-aalala sa boses ni Miguel.
"O-oo. Bakit?"
"Namumutla ka. Is it the food?"
Iling ang isinagot niya sa binata. Nagpatuloy siya sa pagkain pero kataka-takang busog na kaagad siya. Kalahati pa lang ang nababawas niya sa pagkain ay binitiwan na ni Elie ang kutsara't tinidor.
"I'm a good listener, in case you feel like talking."
Hindi siya kumibo. Tinimbang sa isipan kung kaya niyang magbahagi sa lalaki ng isang parte ng kanyang nakaraan.
"Hindi pa kita lubusang kilala, Doc."
"It's Miguel. We're outside the hospital now. Yes, I maybe a stranger in some ways but sometimes, talking to a stranger helps lighten the load. Promise, no judgment or whatsoever."
Tinitigan niya ang kaharap. Pilit niyang binasa kung may katotohanan ba ang mga salitang binitiwan ni Miguel. Hindi kumukurap na sinalubong nito ang mga mata niya.
She felt warm all over. May kung anong haplos ang dulot ng mga abuhing mata ni Miguel na nagbibigay ng panatag na pakiramdam. Sa huli, isang sumusukong buntong-hininga ang pinakawalan ni Elie.
"I used to have a best friend," panimula niya.
Naks! Umi-English na tayo ah.
Patuloy lang si Miguel sa pagkain nito, paminsan-minsang sumusulyap sa kanya para i-encourage siyang magpatuloy.
"Gaya ng gasgas na kuwento ng magkakaibigan, nagkagusto ako sa kanya. Hindi niya ako gusto. Nag-away kami bago ang graduation noong high school. To make the long story short, we broke up."
"Tapos?"
"Nakiusap sa akin si Tita Carol, 'yong Mommy niya. Tingnan ko daw ang anak niya. Nag-aalala na kasi dahil hindi pa niya nakakausap si Larkin mula nang makauwi galing Canada. Apparently, noong Lunes pa siya nandito."
Tumaas ang kilay ni Miguel. Uminom muna ito ng tubig bago nagsalita.
"Friday na ngayon. Check on him. She's worried about her son. Any parent would be, given the situation. Unless, may nararamdaman ka pa sa kanya." Nanunukso ang mga ngiti ni Miguel.
"Sus, ang tagal na noon."
"Natatakot ka bang magharap uli kayo?"
"Hindi ah," ingos ni Elie pero umiwas siya sa mga mata ni Miguel, "hindi ko ikamamatay kung magkaharap man kami uli."
"Mahirap no?"
"Ha? Ang alin?" takang tanong ni Elie.
"Magmahal ng one sided. 'Yong ikaw lang ang may nararamdaman tapos 'yong kabilang side wala. Napaka-unfair."
Makatitig naman kasi ito parang X-Ray Machine. Kita lahat ng buto mo.
Natahimik si Elie. Aaminin niyang mahirap pero kasalanan niya. Kaya nga siya nagtiis sa loob ng ilang taon di ba? Kahit ganoon, wala pa rin siyang gugustuhing baguhin sa nakaraan.
"If loving a person secretly is hard, then loving a person who knows how much love you can give is actually your revenge."
Miguel chuckled. "You're a wicked little thing, aren't you?"
"Sometimes, I try to be."
"So, dadalaw ka sa kanila para tingnan siya. 'Di ba?"
"Okay fine." Sumusukong naibagsak niya ang magkabilang palad sa mesa. "Bukas na bukas din ay pupuntahan ko siya."
"Do that. And to set the record straight, we've already met eight years ago."
"Ano?" Pinilit niyang hagilapin sa isip ang sinasabi ni Miguel pero wala siyang maalala.
"Naalala mo 'yong kumuha sa ID mo? 'Yong tumulong sa 'yo sa pag-akyat bahay mo sa kanila ni Mrs. Andres?" Kumikislap ang mga mata ni Miguel.
"I-Ikaw 'yon?!"
Nang muling ngumiti si Miguel ay nasilip ni Elie ang isang batang version ng mukha nito. Malinaw na bumalik sa isip niya ang nakaraan. Hindi makapaniwalang nailing ang dalaga.
"Mismo. Nice meeting you again, Elie."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro