Scandal
"BUNTIS si Roxanne. Si Larkin ang itinuturong ama." Mahina ang boses ni Francia pero tinalo pa nito ang pagsabog ng granada. Nabingi si Elie. Umiling-iling siya, hindi matanggap ang narinig.
"H-hindi totoo 'yan," aniya.
Natawa pa siya ng pagak. Mataas ang pangarap ni Larkin. Hindi ito gagawa ng anumang ikakasira ng pangarap na 'yon. Higit sa lahat, hindi nito magagawang saktan ang ina. Siya siguro kayang saktan ni Larkin pero hindi ang Mommy nito.
"Ayon sa sabi-sabi, wala pa ring malay si Roxanne nang dalhin sa ospital kahapon. May nag-leak na impormasyon na nagkumpirmang buntis siya. Kung paano ay hindi ko rin alam."
Kaya pala dumating ang Mommy ni Larkin at ang Daddy ni Roxanne. Catholic school ang St. Claire. Malaking eskandalo ang nangyayari. Wala sa loob na kinapa niya ang bulsa. Tatawagan niya si Larkin.
The subscriber cannot be reach. Please try your call later.
Hindi mapakaling palakad-lakad siya. Sa huli ay pinili niyang lumabas ng classroom, malayo sa maiingay na kaklase. Hinayaan siya ni Francia at hindi na siya sinundan.
Sinubukan niya ang land line pero walang sumasagot. Hindi siya sumuko, inulit pa niya ang pagda-dial. Naka-anim na subok siya bago narinig ang boses ni Larkin sa kabilang linya.
"Elie..."
Pinanginigan siya ng tuhod sa relief na naramdaman.
"Bakit ngayon mo lang sinagot? Kanina pa ako tumatawag!" mangiyak-ngiyak na sumbat niya.
"Akala ko kasi kung sino na naman," namamaos ang boses na sagot ni Larkin. Malamang hindi ito nakatulog nang maayos.
"Hindi ako naniniwala sa balita. Hindi mo magagawa 'yon."
Kulang sa siglang napapalatak si Larkin. "At least dalawa na kayo ni Mommy."
"Dahil kilala ka namin," giit niya.
"Thanks for the vote of confidence."
"Larkin---"
"Goodbye Elie."
Pinutol na ni Larkin ang tawag. Nag-dial siya uli pero wala nang sumasagot. Napapadyak si Elie, marami pa siyang gustong itanong. Hindi pa siya handang tapusin ang pag-uusap nila.
"Elie!"
Isang humahangos na Francia ang nalingunan niya. Naalarma siya sa pamumutla ng kaibigan. Habol nito ang paghinga nang tumigil sa tapat niya. "Dinig na dinig sa labas ng guidance office, nagkasigawan ang parents nina Larkin at Roxanne. Idedemanda daw ng rape ni Mr. Vera si Larkin!"
"Ano?!"
"Siguro baka ayaw panagutan ni Larkin."
"Dahil wala naman talaga siyang pananagutan kay Roxanne!"
"Paano mo nasabi?"
"Kilala ko siya, Fran. Kabisado ko ang likaw ng bituka niya. Pati na nga siguro paghinga niya kabisado ko. Kaya hindi ako naniniwalang ginalaw niya si Roxanne. Dahil hindi si Larkin ang klase ng lalaking tatakbuhan ang responsibilidad."
"Hindi kaya biased ka lang dahil sa nararamdaman mo kay Larkin?" maingat na tanong ni Francia.
Hindi magawang ma-offend ni Elie, naiintindihan niya kung bakit ganoon ang iniisip ng kaibigan. Kahit sino naman ganoon ang iisipin.
"Walang kinalaman ang nararamdaman ko sa kanya," aniya. "Pero hindi rin kita masisisi kung mag-isip ka ng ganyan. Hindi ko maipaliwanag pero naniniwala kong nagsasabi ng totoo si Larkin."
"Wait, kailan kayo nag-usap? Sinubukan ko siyang tawagan kanina pero hindi ko makontak."
"Sa land line nila. Nasa bahay siya, nagmumukmok. Sandali ko lang siyang nakausap. Binabaan na niya ako agad ng telepono."
"Mukhang seryoso si Mr. Vera na magdemanda," nag-aalalang sabi ni Francia. Wala siyang naidugtong sa sinabi ng kaibigan.
"Pupuntahan ko siya sa kanila."
Nag-ring ang cellphone niya. Number ni Larkin ang nakarehistro. Mabilis pa yata sa Mach 5 ang ginawa niyang pagpindot.
"Hello, Larkin?"
"Iha, ang Tita Carol mo 'to."
May kabang sumalakay sa dibdib niya. Naipahid niya sa palda ang namamawis na kamay bago sumagot. "Kayo po pala, Tita."
"Kinumpiska ko ang cellphone ni Larkin. Nabalitaan mo na ba ang tungkol sa kanila ni Roxanne?"
Napakurap si Elie. Tahimik naman sa tabi niya si Francia.
"O-opo. Pero hindi po ako naniniwalang magagawa niya 'yon. Kilala ko po siya. Hindi niya kayo magagawang i-disappoint. Lagi niyang bukambibig ang mga plano para sa sarili, pati sa inyo."
"Salamat iha. Hindi na babalik ng school si Larkin. Hindi na rin siya a-attend ng graduation. Dalawin mo naman siya sa bahay. Hindi pa niya alam ang tungkol sa balak na demanda ni Mr. Vera."
"Hindi n'yo na po kailangang makiusap, Tita. Kahit may tampuhan kami, hindi ko matitiis ang anak n'yo."
"Magsusungit siya, magsasalita ng kung anu-ano at ayaw kang harapin. Pero kilala mo ang anak ko, iha. Sana ay huwag mo na lang pansinin. Kahit hindi niya sabihin, kailangan niya ang karamay ngayon."
"Opo."
"Nandito pa ako sa opisina ng abogado namin. 'Pag hindi ka niya pinapasok, may susi doon sa tool box sa garahe."
"Sige po, Tita."
Pagkatapos nilang mag-usap ng Mommy ni Larkin ay agad siyang nagpasyang umalis. "Paano ang practice?" tanong ni Francia habang nakasunod sa kanya palabas ng classroom. Nilingon niya ang kaibigan, tinapunan ng tipid na ngiti.
"May bukas pa naman."
"Sandali, ipapahatid kita kay Caloy. Tatawagan ko lang s'ya."
"Sal---aray!" Bumangga si Elie sa kasalubong. Si Jayson pala.
"Sorry," hinging-paumanhin ng kaklase. Namumutla ito. Butil-butil din ang pawis sa noo at gilid ng mukha. Napansin niyang mailap din ang mga mata ni Jayson.
"Jay? Okay ka lang? May masakit ba sa 'yo?" hindi mapigilang tanong ni Elie.
"H-ha? H-hindi. O-okay lang ako."
Tinuro niya ang mukha ng kaklase, "Namumutla ka kasi. Patingin ka sa clinic baka kung ano na 'yan."
"Ah. Ganoon ba? M-mabuti pa nga. S-saan ka pupunta? Magsisimula na ang practice," sabi nitong sa sukbit niyang bag nakatingin.
Medyo lumapit siya ng kaunti kay Jayson. Ewan niya kung bakit pero hindi siya kumportableng marinig ng iba ang sasabihin.
"Pupuntahan ko si Larkin. Hindi ako mapakali hangga't hindi ako nakakasigurong okay lang s'ya."
Napaatras si Jayson. Guni-guni lang ba niya o talagang mas lalong namutla ang kaklase?
"S-sige. Balitaan mo na rin ako. Nag-aalala din ako para sa kanya. Pa-save ng number ko."
Nagpalitan sila ng number ng kaklase. Pagkatapos ay umalis na siya papunta sa parking lot. Naabutan niyang naghihintay doon si Caloy. Hindi nagtagal ay bumiyahe na sila papunta sa bahay nina Larkin. Binigay niya ang direksyon sa driver sa bahay ng kaibigan.
Nakailang tawag at katok na siya sa gate ng mga Andres pero walang nagbubukas. Wala siyang pagpipilian kundi akyatin ang bakod kung gusto niyang makapasok.
Minsan na itong ginawa ni Larkin. Naiwan nito sa bahay ang susi kung kaya inakyat nito ang bakod. Tanda pa niya kung saang bahagi ng bakod umakyat si Larkin at doon niya balak umakyat.
Kung hindi siya nagkakamali ay may tinuntungang bato si Larkin noon. Kailangan lang niyang hanapin sa likod ng mga halaman.
Hanggang balikat na niya ang taas ng mga halaman. Halos lamunin na siya ng mga dahon. Hindi nagtagal ay nakita na rin niya ang hinahanap.
Pagkatapos ihagis ang back pack sa loob ng bakuran ay humanda na siya. Natuwa pa siya dahil sapat ang taas ng batong kinatutuntungan para makasampa siya sa pader.
"Hoy! Ano'ng ginagawa mo?"
Sa gulat ay dumaplis ang kamay ni Elie. Hindi siya makapiyok, napapikit na lang siya nang maramdaman ang pagkahulog. Pero ang inaasahang pagbagsak sa semento ay hindi nangyari. May mga brasong sumalo sa dalaga.
Pagmulat niya ng mga mata ay nakangising mukha ng lalaki ang sumalubong sa kanya. Naitulak niya ang lalaki kasabay ng mabilis niyang pagtayo.
"S-sino ka?"
"Ako dapat ang nagtatanong sa 'yo." Ngumuso ito sa direksyon ng bahay nina Larkin. "May balak kang hindi maganda sa kapit-bahay ko 'no?"
"W-wala no! Kaibigan ko ang may-ari ng bahay. Kanina pa 'ko tumatawag pero hindi ako pinagbubuksan. Wala akong choice kundi akyatin ang bakod nila," paliwanag niya.
Tinaasan siya ng kilay ng lalaki. Hindi niya masiguro kung sino ang mas matanda sa kanila. Baby-faced kasi ito. Kung ano ang kalahating lahi nito ay hindi rin niya matukoy. Malalim ang bilugang mga mata ng lalaki.
Makapal din ang mga pilik-mata. Mamula-mula din ang may kanipisang labi. Ni isang bakas ng tigyawat wala siyang makita. Wala sa loob na nakapa niya ang malaking tigyawat sa noo.
"Sige, ipagpalagay nating naniniwala ako. Akina ang ID mo para makasiguro ako. Tutulungan pa kitang makasampa sa bakod nila. Kunin mo na lang sa akin ang ID mo mamaya 'pag uuwi ka na," anito saka umunat ang isang braso, "Ayun ang bahay namin."
"A-ano?!" hindi makapaniwalang bulalas niya. Mamaya ipahabol pa siya nito sa aso eh. "Hindi ba pwedeng hintayin mo na lang ako?"
"Hindi. Ang init dito." Inilahad ng lalaki ang kamay, "ID mo."
Wala siyang magawa kundi sumakay sa gustong mangyari ng lalaki. Tumupad din naman ito sa sinabi, tinulungan siyang makasampa sa bakod nina Larkin. Hindi nagtagal ay nasa loob na siya ng bakuran.
Maingat siyang pumasok sa loob ng bahay pagkatapos mabuksan ang pinto. Tuloy-tuloy siya sa kuwarto ng kaibigan. Kakatok na sana siya nang mapansing nakaawang ang pinto.
Base sa naririnig niya, naglalaro ng computer game ang kaibigan. Nakaupo ito sa sahig. Gulo ang buhok at naka-pajama pa rin.
Alam niyang alam na nito na nakapasok siya pero hindi siya nito nilingon. Umupo si Elie sa kama ng kaibigan at pinagmasdan ito. Hindi na niya alam kung gaano sila katagal nanatiling ganoon. Sa wakas ay nagsawa na rin si Larkin sa ginagawa.
"Bakit ka nandito?" tanong nito pagkatapos bitiwan ang nilalaro. Hindi pa rin ito tumitinag sa pagkakaupo sa sahig.
"Nag-aalala ako sa 'yo."
"Okay ako. Ngayong nakita mo na, puwede ka nang umalis," matabang na pakli ng binata.
"Larkin..."
"Huwag makulit, Elie. 'Pag nalaman ng Nanay mo na nandito ka pagagalitan ka 'non. Hindi ka ba natatakot? Rapist ang kasama mo."
"Larkin! Hindi totoo 'yan!"
"Idedemanda na nga ako. Imposibleng hindi mo pa alam ang balita?"
"Sino'ng nagsabi sa 'yo na idedemanda ka?"
"See for yourself," patamad na inihagis nito sa kandungan niya ang cellphone.
Sa nanginginig na kamay ay binasa niya ang message na natanggap ni Larkin. Galing kay Roxanne. Ayon sa babae ay hindi nito mapigilan ang ama sa binabalak.
"W-Wala kang kasalanan."
"I'm getting tired, Elie. Umalis ka na."
naman(s
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro