Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Choice

LUNES. Last period na sa hapon nang matiyempuhan si Elie ni Roxanne sa CR. Palabas na siya at papasok pa lang ang babae. Wala gaanong tao dahil may klase pa. Bago pa siya nakalagpas kay Roxanne ay napigil siya nito sa braso.

"Mag-usap muna tayo," sabi ni Roxanne.

Takang sumunod naman si Elie pabalik sa CR. Nagulat pa siya nang i-lock ni Roxanne ang pinto.

"Gusto mo bang ma-extend ang deadline ng pagbabayad n'yo?" Hindi na nagpaliguy-ligoy si Roxanne.

"P-paano mong...kayo nga pala ang may-ari ng Ace Lending."

"Oo at hindi lang ang sagot na kailangan ko, Elie."

"Oo."

"Matutulungan kita sa isang kondisyon."

Namilog ang mga mata ni Elie. Ito na ba ang sagot sa dasal nila ng Nanay niya?

"Ano'ng kondisyon?"

"Baka hindi mo kaya," pambibitin ni Roxanne.

Halata ang gulat sa mukha ng babae nang biglang hawakan ni Elie ang magkabilang balikat nito. Desperation seeped into her bones.

"Parang awa mo na, Roxanne. Kahit ano. Huwag lang magbenta ng katawan o kaluluwa sa demonyo. Imbes na matuwa ang Nanay ko, mapapatay ako 'nun."

Bahagyang iniwas ni Roxanne ang balikat. "Iwasan mo si Larkin for two weeks. Don't tell anyone about our deal."

"P-pero..."

"Dalawang linggo lang, Elie. Wala kang ibang gagawin kundi magdahilan at umiwas sa kanya. Aaminin ko, gusto ko si Larkin. Hindi lang ako makalapit sa kanya because of you. Sa tuwing niyayaya ko siya, lagi ka niyang dahilan. Kesyo ihahatid ka pa, wala kang kasama, lahat na."

Hindi nakakibo si Elie. Iwasan si Larkin? Sobrang haba ng two weeks. Isa pa, kilala niya ang kaibigan. Hindi ito basta-basta tatanggap na lang ng dahilan.

But hurting Larkin is equivalent to hurting herself ten times over. Wala pa man ay hindi na siya makahinga. Pero may choice ba siya?

"Hindi mabubuwag ng dalawang linggong hindi pagkikita ang friendship, Elie. Taon na ang binilang ng samahan ninyo. All I ask is the chance para mapalapit kay Larkin."

Napakagat-labi si Elie. Si Larkin o ang Nanay niya? Kailangan niyang mag-isip. Hindi niya kayang mag-decide sa lagay niya ngayon.

"Puwede bang pag-isipan ko muna?"

"I'll give you twenty four hours."

"P-Pero... one week ang ibinigay ng Daddy mo sa Nanay ko. Di ba pwedeng ganoon din kahaba ang ibigay mo sa akin?"

"Okay, one week. Puwede mo akong i-text kung nakapag-decide ka na kahit hindi pa tapos ang isang linggo. Magkita tayo sa library."

"S-Sige."

Tuluyang bumagsak ang pinipigil niyang luha nang makaalis si Roxanne. Natutop niya ang bibig para pigilang mapahagulgol. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili pero patuloy ang pagdaloy ng mga luha.

Ramdam ni Elie ang ilang beses na pag-vibrate sa bulsa niya. Hindi na muna niya tiningnan dahil sa nanlalabong paningin. Nang masigurong maayos na ang pakiramdam ay binasa niya ang texts. Lahat galing kay Larkin. Tatlong magkakasunod-sunod na messages ang ipinadala ng kaibigan.

San ka na?

Tagal mo nman mag-CR!

Hoy! Nkdnap kna ba ng mga alien?

Natawa siya sa huling nabasa. Kasabay noon ay ang paglukob ng lungkot sa kanyang dibdib. Kakayanin kaya niyang ipaubaya si Larkin kay Roxanne? Sa loob ng dalawang linggo, maraming puwedeng mangyari. Muling namasa ang mga mata ni Elie. Wala pa man ay hirap na siya.

Nagreply siya kay Larkin. Pbalik na ko.

Gaya ng dati, inihatid siya ni Larkin pauwi nang hapong iyon. Nang makarating ng bahay ay iniwan niya Larkin sa sala. Medyo natagalan si Elie dahil nagbanyo pa siya. Pagkatapos magbihis ay sumaglit muna siya sa kusina.

Balak sana niyang ipaghanda ng meryenda ang kaibigan. Pero naunahan na siya ng ina.

"Ikaw na ang magdala nito sa kanya," ani Aling Rosita.

Nadatnan niya ang kaibigan na malayo ang tingin. Hindi nga nito namalayang nakaupo na siya sa tabi nito. Kundi pa niya pabirong pinitik ang ilong ni Larkin ay hindi siya mapapansin.

"Lalim ng iniisip natin ah. Ano'ng meron?"

Iling lang ang sinagot sa kanya ng binata saka dinampot ang baso ng juice. Isang lagok lang ang ginawa nito at isang kagat sa cassava cake.

"Wala ka yatang gana ngayon?" puna ni Elie.

"Masakit ang lalamunan ko."

"Tingin nga, baka namamaga na naman."

Pero iniwas lang ng binata ang mukha. Kumunot ang noo ni Elie. Pilit ang ngiting nakikita niya sa mukha ng kaibigan. Ni hindi umaabot sa mga mata nito.

"Namumula ang mata mo. Hindi ka naman mainit."

"Pagod lang siguro ako, El. Kailangan ko na sigurong umuwi para magpahinga," sabi nito saka tumayo.

Isinukbit na ni Larkin ang backpack sa isang balikat. Napatayo na rin siya, sumunod sa paghakbang ni Larkin palabas ng bahay.

"Pakisabi na lang sa Nanay mo na umalis na ako. Salamat kamo sa meryenda."

"Ingat ka," nasabi na lang niya bago sumakay si Larkin sa tumigil na traysikel.

Naghintay siya ng text ni Larkin pero walang dumating. Sa huli ay siya na ang kusang nagtext. Sa pagtataka niya ay hindi sumagot ang lalaki. Dati-rati naman wala pang sampung segundo sumasagot agad.

Habang naghihintay ay nagpasya siyang tapusin ang mga assignments. Pagkatapos ay nahiga na siya. Bumalik sa isip ni Elie ang naging pag-uusap nila ni Roxanne.

Two weeks lang siyang magtitiis. Two weeks na walang Larkin, walang maghahatid, walang mangungulit. Puwede naman siguro niyang kausapin si Larkin, ano?

Hihingi siya ng tulong sa kaibigan. Papayag siya sa kondisyon ni Roxanne pero kakausapin muna niya si Larkin. Siguradong maiintindihan siya nito. Partners in crime sila, ano ba naman 'yong magtulungan silang magpanggap. Tama, 'yon ang gagawin niya.

Sa naisip ay gumaan ang loob ni Elie. Hindi gaya kanina parang sasabog ang ulo niya. Hindi kailangang malaman ni Roxanne na kakuntsaba niya si Larkin. Alam niyang papayag ang kaibigan niya sa naisip. Ang kailangan lang ay maayos na pagpapaliwanag.

Nagtext uli siya kay Larkin. Usap tau tom.

Pero nagising na lang siya kinabukasan, nanatiling tahimik ang cellphone.

EXCITED siyang pumasok. Hindi siya makapaghintay na makausap si Larkin. Pilit niyang dine-deadma ang hindi nito pagrereply sa mga text niya. Nakasampu na yata siya mula kaninang magising siya pero walang sagot si Larkin.

Kaya ganoon na lang ang gulat ni Elie sa trato ni Larkin sa kanya pagdating sa school. Parang wala itong nakikita kahit magkasalubong sila. Kahit minsan ay hindi siya nito nilingon sa classroom. Tinangka niya itong kausapin pero laging umiiwas.

Last period sa araw na 'yon nang maubos ang pasensya niya. Madilim ang mukhang nilapitan niya ito. Kausap nito ang seatmate na si Jayson. Lumabas saglit ang teacher nila, may nakalimutan sa Faculty Office. Hinatak niya ang manggas ng polo ng binata. Wala siyang pakialam kung pagtinginan man sila ng mga kaklase.

"Ano bang ginagawa mo?" pabulong na sita sa kanya ni Larkin. Kahit nagpoprotesta ay nakasunod naman ito kay Elie.

Matalim ang matang nilingon niya ito. Duda siyang kaya niyang maging kalmado sa kondisyon niya ngayon. Kaya mas mabuting ilayo si Larkin sa karamihan. Doon sila napadpad sa school quad. Walang tao dahil may klase pa.

"Explain," aniya kay Larkin nang sa wakas ay tumigil sila. Malayo na sila sa mga mata ng ibang estudyante.

"Ano'ng ipapaliwanag ko?"

"Talaga namang---" ramdam ni Elie ang pag-akyat ng dugo sa ulo niya. Pigil ang sariling humugot siya ng hininga at sumubok uli. "Hindi mo sinagot ang mga texts ko."

"Nawala ang cellphone ko."

"Ah, so hindi cellphone yan?" turo niya sa namumukol na rectangle sa bulsa ni Larkin.

"Bakit, girlfriend ba kita para sitahin mo 'ko kung hindi ako nagreply sa texts mo?"

Nakakatawa. Isa sa mga features ni Larkin na gusto niya ay ang labi nito. Those same lips shattered her heart.

Para siyang sinuntok ng boksingero sa lalamunan. Ramdam na rin niya ang pangingilid ng luha sa kanyang mga mata pero hindi siya magpapatalo. Pinili niyang isuot ang isa sa mga maskarang kabisado niya; magtapang-tapangan.

"Hindi. Hindi mo ako girlfriend kaya hindi uubra sa akin 'yang pagsusungit mo. Hindi mo rin ako girlfriend para masindak sa paglaki ng butas ng ilong mo. Lalong hindi mo ako girlfriend para tiisin ang pagtrato mo sa akin na parang hangin. Kaibigan mo ako kaya may karapatan ako!"

"Yun nga e, kaibigan lang kita. Hindi mo pag-aari ang bawat paghinga ko, Elie. Tanginang pagkakaibigan 'yan! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, hindi ko na sana pinatagal ng ilang taon ang lintik na pagkakaibigang 'to!"

Kulang ang salitang gulat para ilarawan ang naging reaksyon niya sa narinig. Hindi niya alam ang pakiramdam ng break-up dahil hindi pa siya nagkaka-boyfriend. Pero pupusta siyang pareho ang pakiramdam na 'yon sa nararamdaman niya ngayon.

Masakit ang dating ng pagkakasabi ni Larkin noon. Parang ipinapamukha nito sa kanyang gustong-gusto na nitong umalis. Na walang bilang ang pinagsamahan nila.

Ang kaninang pinipigilan niyang luha ay tuluyang kumawala, nag-uunahang dumaloy sa pisngi niya. Marami pa siyang gustong sabihin pero sinarili na lang niya. Isa pa, parang nawala na rin ang kakayahan niyang magsalita. Malaki ang bara na sumasagabal sa lalamunan niya.

May kung anong dumaan sa mga mata ni Larkin pero hindi kumilos ang binata. Nanatili itong nakatayo sa harapan ni Elie.

"I think we need a time off."

Hindi makuhang matawa ni Elie. Para silang magkarelasyong nagko-cool off. Kung may nagsabi sa kanyang pwede pala 'yon sa mag-bestfriend, siguradong tatawanan lang niya noon. Pero ngayong nangyayari na sa kanya, walang katawa-tawa.

"Tama ka. Dapat noon pa natin tinigilan 'to," aniya sa boses na kulang sa lakas. "Di sana, hindi na kita minahal."

Pinilit niyang ngumiti kasabay ng pagdaloy ng mga luha. Humakbang siya paatras, palayo kay Larkin na ngayon ay namimilog ang mga mata sa sinabi niya. Pagak siyang natawa sa nakikita sa kaibigan.

"Nagulat ka? Ako rin eh, gulat na gulat nang magising akong isang araw mahal na kita. Pero 'wag kang mag-alala, hindi na kita guguluhin. Dahil simula ngayon, tapos na ang pagkakaibigan natin. Salamat sa lahat, Larkin Andres."

Umalingawngaw ang tunog ng bell sa palidid. Sa huling pagkakataon, pinagsawa ni Elie ang mga mata sa mukha ni Larkin. Slowly, she turned her back and walked away.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro