3
"Tito Jasper!" Nakangiting kinawayan ni Gabrielle ang nakababatang kapatid ng kaniyang ina nang makababa siya sa bus.
"Gabrielle!" Ginulo-gulo ni Jasper ang buhok ng pamangkin nang malapitan niya ito. Pagkatapos noo'y kinuha niya ang dala nitong adobong baboy at ginataang alimasag na nakalagay sa magkapatong na tupperware. "Kumusta ang biyahe?"
"Ayos lang, tito. Hindi masyadong ma-traffic sa may SLEX. Dire-diretso lang ang naging takbo ng bus," sagot ng dalaga. "Si lola?"
"Naku, kanina pa 'yon nakaabang sa may bakuran. Tara na, kanina ka pa niya hinihintay."
May pananabik na sumakay si Gabrielle sa tricycle na pagmamay-ari ni Jasper. Iyon ang magdadala sa kanila sa bahay ni Lola Conchita na halos isa't kalahating kilometro rin ang layo sa main road.
~°~
"Lola?"
"Apo ko!"
Tila isang marubdob na pagkikita sa Maalaala Mo Kaya ang naging tagpo ng maglola. Mahigpit na yakap ang pinakawalan nila sa isa't isa.
"Lalo kang gumanda. Mamula-mula ang iyong kutis. Mukhang hiyang ka sa lungsod, ah?" ani Lola Conchita habang iginigiya si Gabrielle papasok sa bahay nitong may dalawang palapag. Tipikal na bahay sa probinsiya. Semi-bahay kubo. May parte na sementado ang dingding at mayroon namang bahagi na gawa sa kawayan. Ang bubong na may kisame ay gawa naman sa yero.
"Kung alam n'yo lang, 'la. Parang nai-stress na nga po ang balat ko sa polusyon doon. Nadadala lang po talaga sa skincare kaya hindi natutuyo."
Dumiretso sila sa hapagkainan. Doon ay ipinagsandok siya ng lola ng ginataang bilo-bilo na kaniyang paborito.
"Sabi ko naman sa iyo, dumito ka na lang sa Tiaong, eh. Maaalagaan pa kita tulad noong bata ka pa."
Isang ngiti ang sumungaw sa mga labi ni Gabrielle. Mabilis na ginunita niya ang mga panahon na alagang-alaga siya ng lola niya.
Sa Tiaong kasi sila unang naglagi sa poder ng lolo at lola niya. Tsaka lang sila humiwalay nang magsampung taong gulang siya, nang madestino sa Maynila si Mang Marlon. HR Specialist sa Nestle company ang kaniyang papa.
Pantay-pantay ang pagtingin ni Lola Conchita sa lahat ng kaniyang mga apo. Dangan lamang, si Gabrielle ang pinakasakitin noon dahil sa madalas na pagsumpong ng hika nito noong bata pa lamang ito. Kaya naman, ito ang madalas alagaan ni Lola Conchita. Doon nagsimula ang biro kay Gabrielle na 'paboritong apo' ng kaniyang lola.
"Gustong-gusto ko po, 'la kaso hindi ko po maiwan 'yong regular clients ko sa siyudad," may lungkot sa tinig ni Gabrielle nang sabihin iyon. "Hayaan n'yo po, mas dadalasan ko na lang ang pagdalaw rito. Maghihinay na lang po muna ako sa pag-confirm ng bookings para hindi hectic ang schedule ko."
Umupo sa tapat niya ang lola niya. "Mabuti pa nga. Huwag mong masyadong pagurin ang sarili mo. Paano kapag sinumpong ka na naman ng hika mo tapos wala ako sa tabi mo?"
Ipinatong ni Gabrielle ang kamay sa ibabaw ng kamay ng nag-aalalang lola. "La, I'm okay. At saka po, hindi na ako sinusumpong ng hika mula nang magdalaga ako." Nginitian niya ang matanda. "Kaya ko po ang sarili ko. Ako pa ba?"
"Ikaw talagang bata ka. O sige, kumain ka na. Alam kong nagutom ka sa biyahe. Sumandok ka pa kung gusto mo pa, ha?"
Magiliw na tumango si Gabrielle at pagkatapos noo'y nilantakan na niya ang bilo-bilo.
~°~
Sakay ng bisikleta ay tinunton ni Gabrielle ang buong barangay. Sa bawat pamilyar na lugar na madaanan niya ay nagbabalik-tanaw siya. Binabalikan ng alaala ang mga nangyari doon noong bata pa lamang siya.
Ang dating eskuwelahan niya noong elementarya palang siya ay pinasyalan niya. Ganoon pa rin naman ang itsura nito. Nagkaroon lang ng bagong pintura at nadagdagan ng ilang gusali.
"Ganoon ba talaga 'yon? Kung kailan kami umalis, saka naman gumaganda 'yong school?" Napatawa na lang si Gabrielle sa naisip habang muling itinitipa ang bisikleta.
Marami siyang mga kakilala na nakasalubong sa daan. Matatanda, mga kaedad, at mas bata sa kaniya. Lahat ng mga iyon ay hindi nakalimot na bumati sa kaniya. Doon kasi ay magkakakilala ang magkakabarangay. Hindi tulad sa siyudad na maski kapitbahay ay hindi mo alam ang pangalan dahil lahat ay abala sa kani-kaniyang buhay.
Sa kaniyang pagbibisikleta ay napadpad siya sa may burol kung saan kita ang kabuuan ng Tiaong. Bagama't hindi naman bago sa kaniyang mga mata ang tanawing iyon ay hindi pa rin niya mapigilan ang mamangha.
Sabik niyang kinuha ang DSLR na nakasabit sa kaniyang leeg at ipinitik iyon sa magandang senaryong kaniyang pinagmamasdan.
"Perfect!" ani Gabrielle habang pinagmamasdan ang kinuhanan niyang larawan.
Hindi naman siya nagtagal pa roon dahil nag-uumpisa nang dumilim ang paligid. Bago siya umalis ay kinuhanan niya ng larawan ang araw na unti-unti nang lumulubog sa kanluran.
~°~
Pagkakain ng hapunan ay inantok agad si Gabrielle dahil sa pinaghalong antok at pagod sa biyahe. Nakatulog siya nang alas sais ng gabi.
Naalimpungatan siya sa kalagitnaan ng gabi. Nang tingnan niya ang oras sa cellphone ay two fifteen palang ng umaga. Pinilit niyang muling makatulog pero hindi nakiki-cooperate ang kaniyang diwa at katawan. Wala siyang nagawa kundi bumangon na lang at mag-midnight snack.
Habang namamahaw ng kanin at ng tirang adobong baboy ay naisip niyang manood nalang ng clips sa Tiktok. Nakakasampung video palang siya nang makaramdam siya ng pagkabagot kaya ini-off na lang niya ang phone. Nag-focus na lang siya sa pagkain.
Sinubukan niyang manood ng TV pero wala naman siyang magustuhang palabas. Ang ending, pinatay lang niya iyon. Naiwan siyang nakaupo sa sofa habang tinitingnan ang repleksiyon sa patay na telebisyon.
"Ano ba'ng puwedeng gawin para hindi ma-bored?"
Ilang saglit lang ay napangiti siya dahil sa ideyang pumasok sa isip niya.
"Kukuhanan ko na lang ng aesthetic pictures 'yong mga makalumang gamit dito!"
Mayamaya nga ay nagsisimula na siyang pumitik ng mga larawan. Nagsimula siya sa mga antigong pigurin sa sala. Sa mga upuan at lamesang gawa sa narra. Mga banga, pati na rin mga plato ay hindi nakaligtas sa kaniya.
Nang sa tingin niya ay nakuhanan na niya ang mga dapat kuhanan ay dinako naman niya ang ikalawang palapag. Naging maingat ang kaniyang naging paghakbang para hindi magising si Lola Conchita niya pati ang natutulog na Tito Jasper niya at ang pamilya nito sa katapat lang niyang kuwarto.
Dinako ni Gabrielle ang pinakadulong kuwarto. Ang kuwarto na tinuluyan nila noong nakikitira pa sila roon. Ngayon ay ginawa na iyong tambakan ng mga gamit.
"Nostalgic," bulong ng dalaga sa sarili nang bumungad sa kaniya ang mga gamit na pamilyar na pamilyar sa kaniya.
Nandoon 'yong mga laruan nila ni Samantha at Kuya Sebastian niya na nakalakihan na lang nila. Isa na roon ang brick game na kung matatandaan niya ay madalas nilang pag-agawan ng mga kapatid niya.
"Uy, gumagana pa!" bulalas ni Gabrielle nang subuking buksan iyon. Naglaro siya ng isang round ng Tetris doon.
Sinimulan na niya ang pagkuha ng mga larawan. Aliw na aliw siya lalo pa at iba ang enerhiya niya sa pagpi-picture ng mga bagay na may sentimental value sa kaniya. Palagay niya kasi ay nasasamahan iyon ng puso at dedikasyon kaya maganda ang nagiging rehistro sa camera ng mga iyon.
Natapos na siya sa pagpi-picture ng mga laruan. Ngayon ay nadako naman siya sa gamit ng kaniyang mga magulang. Hindi na nga sana niya gagalawin iyon pero nakuha ng atensiyon niya ang isang drawer na bahagyang nakabukas.
"Ano kaya iyon?" Bumangon ang kuryosidad ni Gabrielle sa dibdib kaya nilapitan niya iyon.
Bahagyang malamlam ang ilaw sa dakong iyon kaya ginamit niya ng ilaw ng cellphone para tingnan kung ano ang naroon.
Cassette tapes.
Pinaghalo-halong tape ng iconic artists ng '90s ang naroon. Local man o foreign. Mayroong Air Supply, Spice Girls, Backstreet Boys. May Regine Velasquez din at Mariah Carey. Ngunit ang pinakamarami ay ang Westlife.
"Palaging sarado ang drawer na ito noon kaya hindi ko alam na may cassette tapes pala rito," saad ni Gabrielle sa sarili.
Kinuha niya ang cassette tapes sabay inihilera sa kahoy na mesa sa bodega. Tulad ng mga laruan ay kinuhanan din niya ng larawan ang mga iyon.
"Ise-send ko 'to kay mama mamaya. Matutuwa na naman 'yon for sure." Napangiti si Gabrielle kasabay ng pagliligpit niya ng cassette tapes.
Nang mailagay niyang muli ang mga iyon sa lagayan ay pinasadahan niya ng tingin ang cassette tapes.
"Napakarami pala nito."
Nahagip ng kaniyang tingin ang isang cassette tape na may nakasulat na Westlife Self-Titled sa gilid ng kaha. Kinuha niya iyon at muling dinala sa may lamesa kung saan naroon ang isang lumang cassette tape player na gumagana pa naman.
Isinalang niya ang cassette tape sa player. Hininaan lang niya ang volume, sapat na para marinig niya ang tunog. Nang pindutin niya ang play button ay umupo siya sa tumba-tumba na naroon sabay patong ng DSLR sa kaniyang kandungan.
Nag-umpisa nang lumatag ang melodiya ng kantang My Love sa buong silid.
An empty street, an empty house
A hole inside my heart
Unti-unting naramdaman ni Gabrielle ang pagbigat ng talukap ng kaniyang mga mata. Ang huli niyang matandaan ay para bang mas lumalakas at lumilinaw sa pandinig niya ang kantang My Love bago siya tuluyang lamunin ng antok.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro