Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 38 (Hunter's)

Dream





Hindi kaagad naka-imik ang mga magulang ko dahil sa aking sinabi.

May gustong sabihin si Daddy pero walang kahit anong salita ang gustong lumabas sa bibig niya.

Tumuro siya sa kung saan.

"Sinasabi mo bang...apo din namin si Hartemis?" hindi makapaniwalang tanong niya sa akin.

Marahan akong tumango. "Anak ko si Hartemis. Anak naming ni Ahtisia," pagkumpirma ko.

Muling napasinghap si Mommy. Napatakip siya sa kanyang bibig dahil sa ginawa kong kumpirmasyon.

"Paanong nangyari? Bakit hindi mo sinabi sa amin?" tanong ni Daddy.

Marahas akong napahilamos sa aking mukha. Hindi ko alam kung kaya kong magpaliwanag ngayon, masyado pa akong naguguluhan. I can't even think straight.

"It's a long story. I-I need to go...I need to talk to Ahtisia," paalam ko sa kanila.

"Hundson!" madiing tawag ni Daddy sa akin. Hindi na siya nag-abala pang pigilan ako.

Ramdam ko ang galit, pagkabigla, at disappointment sa klase ng pagtawag niya sa akin.

I understand. Disappointed din naman ako sa sarili ko.

Mabilis ang ginawa kong pagkilos. Nagbihis kaagad ako at naghanda para puntahan si Ahtisia. Hindi ko din alam kung anong sasabihin ko, hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin...bahala na. I need to see them now.

Nasa may sala na sina Mommy at Daddy. Walang imik si Mommy pero ramdam kong may gumugulo sa kanya. Seryosong nag-uusap sina Daddy at Kuya Hobbes.

Nawala ang tingin ko sa kanila nang makita ko ang pagpasok ni Alihilani mula sa labas. Masama na kaagad ang tingin niya sa akin.

"Umuwi na si Hartemis?" tanong ko.

Hindi ko alam, ni ang banggitin ang pangalan ng anak ko ay parang nag-aalalangan ako. Hiyang hiya ako, hiyang hiya ako sa kanya. Pakiramdam ko ay hindi ako deserving sa kanya, sa kanila ng kapatid niya...sa kanila ng Mommy niya.

"Bakit mo tinatanong? Hindi mo naman kaano-ano ang batang 'yon," galit na sabi ni Alihilani sa akin.

Hindi ako nakasagot, tinanggap ko ang matalim niyang tingin sa akin hanggang sa lapitan na siya ni Kuya Hobbes para pakalmahin.

"Shh...Baka ma-stress kayo ni Baby," malambing na paalala ni Kuya sa asawa.

Mas lalo akong kinain ng guilt. Nasaan ako ng mga panahong nasa ganitong kalagayan si Ahtisia? Nasa America, nagtatago, natatakot...naduduwag at walang ginawa kundi ang kaawaan ang sarili.

I made a wrong decision. Alam ko sa sarili ko 'yon. Pero sino bang hindi nagkakamali? Sino bang tao ang nagdesisyon na lahat ng desisyon nila ay tama kaagad? Paano mo ba malalaman na tama ang desisyon mo?

I maybe the best in our class, I top the boards. Pero sa buhay, hindi lahat ng desisyon mong akala mo ay tama...tama. Nagdesisyon ako ng mga panahon na 'yon na puno ako ng takot, puno ng pride. Na baka kaya ko namang harapin ang lahat ng 'yon mag-isa.

"Look...I don't know what to say. Hindi ko din ipagtatanggol ang sarili ko. Hindi ako magpapaliwanag. Kahit anong rason ko..." pag-uumpisa ko.

Hindi ako makapagsalita ng maayos, parang kung may anong bumara sa lalamunan ko.

"Kahit anong rason pa ang meron ako...mali ako. Walang kahit anong bagay ang makakapagbago na mali ako. Iniwan ko si Ahtisia ng mga panahong kailangan niya ako...iniwan at itinanggi o ang mga anak ko...kasi duwag ako."

Nakita ko kung paano namula ang mga mata ni Alihilani habang nakatingin sa akin. Alam kong nasasaktan siya para sa kapatid niya.

"Hindi mo deserve ang kapatid ko...lalong lalo na ang mga baby niya," madiing sabi niya sa akin bago halos nalukot ang mukha niya dahil sa pag-iyak.

Kaagad siyang niyakap ni Kuya dahil sa pagiging emosyonal na.

Tumayo si Daddy at kaagad akong hinarap.

"Anong ginawa mo?" tanong niya sa akin.

Alam kong narinig niya ang lahat, hindi lang siguro siya makapaniwala.

Hinarap ko siya. I need to face the consequences now.

"Hindi ko po pinanagutan si Ahtisia. Itinanggi ko din ang mga anak namin...hanggang sa malaman kong nawala si Hermes," diretsahang sagot ko kay Daddy.

"Seb!" sigaw ni Mommy.

Sandaling tumigil ang lahat sa akin, ilang segundong parang nawala ang pandinig ko dahil sa lakas ng pagkakasuntok ni Daddy sa akin.

"Bakit?" sigaw na tanong ni Daddy.

Hinarap ko siya, tiningnan ko siya diretso sa kanyang mga mata. Paano ko sasabihin sa kanila na natakot ako? Natakot ako ng mga panahong 'yon dahil akala ko mamamatay ako? Na natakot akong sabihin sa kanila ang mga problema dahil ayokong mapahamak sila.

"Dahil hindi pa ako handa sa responsibilidad," pagsisinungaling ko.

I'm not ready that time...but I'm willing to be ready. I'm ready to marry her after passing the boards. I'm ready to be her husband and father our kids. It's just that...maybe I'm not ready to die.

Kaya naman noong mga panahong 'yon, wala akong ibang nagawa kundi ang tumakbo, magtago.

Muling napasinghap si Mommy nang galit akong hinawakan ni Daddy sa kwelyo.

"Nakakahiya ka," madiing sabi niya sa akin bago niya ako binitawan.

Tinanggap ko ang lahat ng masasakit na salita. I deserve that.

Kagaya nang inaasahan ko, hindi ako tinanggap ni Ahtisia. Ramdam ko ang galit niya sa akin. Ni ang ipakita at ipahawak sa akin ang anak namin ay hindi niya pinahintalutan.

"Kuya Wil, si Hermes...nasaan?" bungad na tanong ko kaagad sa kanya.

Hindi ko kayang tanggapin, hindi ko tatanggapin ang mga litratong ipinadala sa akin.

"Anong ginagawa mo dito? Tigilan mo na si Ahtisia," pagtataboy niya sa akin.

Hindi ako natinag. Wala na akong pakialam kahit pa umiiyak ako sa harapan ni Kuya Wil. I just need Ahtisia's word para sabihin sa aking hindi totoo ang sinasabi nila na wala na ang anak namin.

Ang mga salita ni Ahtisia ang panghahawakan ko, ang paniniwalaan ko. Si Ahtisia ang paniniwalaan ko simula ngayon.

Mas lalong bumigat ang dibdib ko nang makita ko siya. Gusto ko siyang yakapin, gusto kong magsumbong sa kanya. I need her warmth, I need her...and our twins.

"Yung anak natin...wala diyan di ba? Si Hermes, wala diyan..." tanong ko sa kanya.

Hindi ko tatanggapin ang litrato ng puntod niya. Hindi si Hermes 'yon, wala doon ang anak namin.

Dumagdag na lang sa pamamanhid ng buong katawan ko ang lakas ng sampal niya sa akin. Wala na akong maramdaman, wala nang mas sasakit pa sa nararamdaman ko ngayon.

Sising sisi ako.

"Ang kapal ng mukha mong sabihin 'yan!"

"Hindi mo deserve ang mga baby ko!"

I'm sorry...I'm sorry. Hindi ko alam kung anong tamang salita ang pwedeng ko pang sabihin. Sa lahat ng kasalanan ko.

Lumuhod ako, kahit alam kong kulang pa 'yon. Hindi sapat na lumuhod lang ako sa harapan niya. Kahit buong araw akong lumuhod sa harapan niya...hindi sapat.

"Let me hold her...please, Ahtisia. Let me hold my baby," paki-usap ko sa kanya.

I don't even deserve a chance with them...but I will do things right and just this time with my second life.

"I'm sorry for the lost," Piero said.

Ramdam ko ang tingin ni Kenzo sa akin. Tinanggap ko ang lahat ng masasakit na salitang sinabi niya sa akin. Ang galit niya sa akin noon ay muling nagbalik.

"Sudden infant death...more common sa mga batang lalaki," sabi ni Kenzo sa akin.

Ipinaliwanag niya sa akin kung ano ang nangyari sa anak namin. Tahimik kong tinanggap lahat ng detalye.

Paano mo mapapatawad ang sarili mo, Hundson?

Hindi ko mapapatawad ang sarili ko, habang buhay kong dadalhin ang nangyari sa anak namin dahil sa mga kagaguhan ko.

"It's an unexplained death. Your son didn't wake up the next day..."

Para akong binuhusan ng mas malamig pang tubig nang malaman ko ang araw kung kailan nawala ang anak namin.

"Same day as your operation."

Ni ayoko nang pumasok sa trabaho, mas gusto ko na lang maghintay sa labas ng apartment ni Ahtisia. Gusto kong malapit ako sa kanilang dalawa, kahit hindi nila ako pinapansin. Maghihintay ako hanggang sa matanggap nila ako. At kung hindi man dumating ang araw na mapatawad niya ako...maghihintay pa din ako.

Nakakatawa lang isipin na humihingi ako ng kapatawaran sa kanila kahit alam ko sa sarili kong hindi ko deserve 'yon. Ni hindi ko nga kayang ibigay 'yon sa sarili ko. Hindi ko ibibigay sa sarili ko ang kapatawaran.

My son's death will hunt me until my last breath.

"Respetuhin mo ang desisyon ni Ahtisia. Hindi ka niya gustong makita dito. Ginugulo mo lang sila," sabi ni Kuya Wil sa akin ng minsang maabutan nanaman niya ako sa labas ng apartment ng mag-ina ko.

"Hindi ko sila iiwan," sabi ko sa kanya.

Inirapan niya ako.

"Matagal mo na silang iniwan," masungit na sabi niya sa akin.

"Andito na ako. Hindi na ulit ako aalis," laban ko sa kanya.

Sumimangot lang siya sa akin. Tumayo siya sa tabi ko at tumingin sa malayo.

"Hayaan mong ang mga Villareal ang magsabi kay Ahtisia ng tunay niyang pagkatao," seryosong pagkausap niya sa akin.

"I don't care kung anong totoong apelyido ni Ahtisia...I just want her and our baby," sabi ko kay Kuya Wil.

I feel relief nang malaman ko kung sino ang totoo niyang pamilya. I just didn't expect na alam ni Kuya Wil. Kailan pa?

"Gusto kong makita si Hermes. Anong itsura niya?" tanong ko kay Kuya Wil.

Kakapalan ko na ang mukha ko kahit alam kong galit din siya sa akin.

"Umuwi ka sa inyo...humanap ka ng baby picture mo."

Sa tuwing sinasabi nila sa akin na kamukhang kamukha ko ang anak namin...mas doble ang sakit at bigat sa dibdib.

"Ang ganda ni Hartemis, kamukha ng Mommy niya...sweet din," tipid na ngiting kwento ko kay Kuya Wil.

I need to talk to someone.

Tamad akong nilingon ni Kuya Wil.

"Ang dami mong nasayang na panahon. Noong ganito kaliit si Hermes at Hartemis..." kwento niya sa akin, ipinakita pa niya sa mga kamay niya kung gaano kaliit yung sinasabi niya.

"Kaya silang buhatin ni Ahtisia sa magkabilang kamay..."

"May picture?" tanong ko.

Gusto ko siyang makita na hawak ang mga baby namin.

Ngumisi siya sa akin. "Wala kang karapatang makita 'yon. Noong mga panahon na tinalikuran mo sila...tinapon mo na din yung karapatan mong makita ang mga panahon na 'yon. Ngayon ka lang bumalik di ba?"

"Tanggapin mo lang kung anong meron ngayon...galit ni Ahtisia. 'Yon lang ang nararapat para sa'yo...pero yung masasayang oras na kasama niya ang mga anak niyo...para sa kanya lang 'yon," sabi ni Kuya Wil sa akin.

Parang kutsilyo na paulit-ulit na tumutusok sa dibdib ko ang mga salitang binibitawan niya.

"Yung mga ala-ala ni Hermes...para kay Ahtisia lang 'yon," pahabol pa niya sa akin.

Hindi ako naka-imik. I want to atleast meet our son...eventhough I don't deserve it.

Tahimik ang buong bahay sa tuwing umuuwi ako. Hindi din ako pinapansin ni Daddy hangga't hindi ko daw inaayos ang mga desisyon ko sa buhay.

"Hunter, can you give this to Ahtisia and Hartemis..." sabi ni Mommy sa akin.

Sinalubong niya ako pagkababa ko ng hagdan matapos kong maligo at magbihis.

Iniabot niya sa akin ang mga paper bag na may lamang mga laruan at damit para kay Hartemis.

"Mommy bakit po?" tanong ko sa kanyang nang makita kong emosyonal siya.

"Naging unfair ako sa kanya..." she said.

Kumunot ang noo ko.

"Nung sabihin sa akin ni Alihilani na apo siya ni Atheena...ni ayoko siyang tingnan. Walang kasalanan ang bata...it's just that, sariwa pa din sa akin ang nangyari sa Kuya mo. I know it's wrong..."

"I'm sorry for treating her that way. I'm sorry for treating your daughter that way. She doesn't deserve that kind of treatment," Mommy said.

Hindi ako naka-imik. Tinanggap ko ang yakap ni Mommy. I feel bad for my baby. Kasalanan ko kung bakit ganito ang nararamdaman niya ngayon.

"Babawi ako sa kanila. Babawi po ako sa mag-ina ko," paninigurado ko kay Mommy.

"Dalhin mo sila dito, Hundson. I want to meet her...sila ni Ahtisia."

I don't know yet. Ni ayaw nga akong makita at kausapin ni Ahtisia.

Kumunot ang noo ni Mommy at napatakip sa kanyang ilong.

"Sobrang tapang ng perfume mo. Masyadong matapang para kay Hartemis kung lalapit ka sa kanya," sabi ni Mommy sa akin kaya naman sinubukan kong amuyin ang sarili ko pero wala naman akong naamoy.

Nagpalit ako ng damit bago ako tuluyang umalis. Dumiretso ako sa companya dahil kailangan daw akong maka-usap ni Piero.

"Ano bang kailangan mo?" iritadong tanong ko sa kanya.

Nginisian niya ako. "At bakit nagmamadali ka? Tatambay ka nanaman sa labas ng apartment ni Ahtisia, e wala naman sila doon. Bobo amputa..."

"Gago," inis na sambit ko.

Mas lalo akong nagtaka nang dumiretso kami sa opisina ni Kuya Hob.

"Alam po ni Sir Hobbes na pupunta po kayo?" tanong ng Secretary ni Kuya sa amin.

"Hindi. Makiki-aircon lang kami..." sagot ni Piero dito.

Namula ang babae at ngumiti dahil sa sinagot ng pinsan ko.

Nakita ko kung paano nagbago ang ekspresyon ni Piero dahil sa nakita.

"Kung ako kay Alihilani...dapat lalaki ang secretary ni Hob," sabi niya kaya naman ang ngiti ng babae ay kaagad na nawala.

Mabilis itong nagpaalam sa amin kaya naman tumuloy na kami papasok sa loob ng opisina nito.

"Si Amaryllis lang ang gusto kong pakiligin," sabi niya sa akin.

Inirapan ko na lang siya bago ako dumiretso pa-upo sa couch ni Kuya.

"Dalian natin dito. May pupuntahan pa ako," reklamo ko sa kanya.

Tumawa siya at preskong umupo sa kaharap kong upuan.

"Pagpasok ni Hob dito...malalaman mo kung gaano ka ka-bobo."

Sinamaan ko siya nang tingin. Matapos 'yon ay hindi ko na siya muling kinausap pa. Inabala ko ang sarili ko sa phone ko, kung saan saan ako tumingin ng mga litrato para lang makakita ng picture ni Hartemis.

"Sino nagsabing pwede kayong pumasok dito?" tanong ng kararating lang na si Kuya Hob.

Halos matigilan ko nang makita ko kung sino ang kasama niya. Naramdaman ko ang tingin ni Piero sa akin habang nakangisi.

"Told yah!" natatawang sabi niya sa akin kaya naman kaagad ko siyang inirapan.

"Oh, nanganak ka na, Hobbes?" tanong pa ni Piero sa kanya.

Hindi maalis ang tingin ko sa anak namin. Parang kanina lang ay nagt-tyaga ako sa mga litrato niya sa phone ko, ngayon ay nandito na siya sa harapan ko.

Halos lumutang ako sa ere, hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. Mukhang kumportable siya habang hawak ni Kuya Hob. Ilang beses kong narinig ang mga ingay niya.

Umupo siya sa tabi ni Piero bago niya inayos ang pagkakakarga sa anak ko. Nakaka-inggit. Gusto ko din siyang hawakan ng ganoon. Gusto ko din siyang kargahin, pero sa tuwing malapit siya sa akin...naririnig ko ang boses ni Ahtisia.

Ayaw niyang malapit ako sa baby namin. Pakiramdam niya ay hindi safe si Hartemis pag nasa paligid ko. 'Yon din naman ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko mapapahamak lang sila pag lumalapit ako sa kanila.

Tumunog ang phone ni Kuya para sa isang tawag. Tumayo siya at kaagad na inabot si Hartemis sa katabing si Piero.

"Hawakan mo muna."

Tumingin si Piero sa akin. May laman ang mga tingin niya.

"Ayoko nga. Kaninong anak ba 'to?"

Sinamaan ko ng tingin si Piero bago muling bumaba ang tingin ko kay Hartemis. Nakita ko ang titig niya kay Piero, hindi pa talaga sanay sa ibang tao ang baby namin.

Tanginang Piero.

Inilapag niya si Hartemis sa tabi niya kaya naman kita ko kung paano gumuhit ang pagtataka sa mukha ng anak ko. Gusto kong lapitan siya para kuhanin siya sa pinsan ko pero wala akong lakas. Hiyang hiya ako sa kanya.

Bumaba ang tingin ko sa mahigpit na pagkakahawak niya sa tinapay. Ang liit ng kamay, parang bigla akong natakot na hawakan siya, pakiramdam ko masasaktan siya sa klase ng yakap na gusto kong ibigay sa kanya.

Mahal kita, Hartemis. Mahal ko kayo ni Hermes. Mahal na mahal ko ang Mommy niyo. Naging duwag lang si Daddy...I'm sorry kung naduwag si Daddy.

Na-ikuyom ko ang kamao ko nang makita ko kung paano siya sinubukang pa-iyakin ni Piero. Pilit niyang kinuha ang tinapay na hawak ng anak ko at ibinato 'yon sa aking harapan.

May kung anong sakit na gumuhit sa dibdib ko nang marinig ko ang iyak niya. Tumayo ako at kaagad na lumapit dala ang tinapay na hawak niya. Sinuntok ko si Piero sa braso kaya naman natatawa siyang napa-daing.

Dahan dahan akong lumuhod sa harapan ng anak ko. Kaya kong lumuhod ng paulit-ulit sa kanilang. Sa kanya, kay Hermes, at lalo na kay Ahtisia.

Tiningala niya ako habang umiiyak, namumula ang kanyang mukha. Mas lalong tumambok ang pisngi dahil sa pagkakasibi. Napatitig ako sa mukha niya, kamukha niya ang Mommy niya.

"Kanino ba kasing anak 'to," pahabol pa ni Piero.

Akin. Gago!

"Tahan na..." marahang sabi ko sa kanya.

Nakikita ko ang mga mata ni Ahtisia sa kanya. Hindi ko gustong makitang umiiyak si Ahtisia, pero parang si Ahtisia ang umiiyak sa harapan ko ngayon. Nakuha niya ang mata ng Mommy niya.

I want to hug her, gusto kong marahang punasan ang luha sa pisngi niya. Gusto kong yakapin ang anak ko...gustong gusto ko.

Pero hindi nagtagal ang tingin niya sa akin, nag-iwas siya ng tingin at kaagad na hinanap si Kuya Hob. Para bang gusto niyang ipamukha sa akin na hindi niya ako kailangan.

Naglahad siya ng kamay pagkalapit ni Kuya, mabilis siyang nagtago sa leeg ni Kuya Hob habang umiiyak.

Kahit nag-uusap silang dalawa ay hindi ko maalis ang tingin ko kay Hartemis. Mahal na mahal ko siya.

Para siyang anghel habang natutulog sa bisig ni Kuya Hob. Sobrang amo ng mukha, hindi niya deserve ang kagaya ko. Hindi nila deserve ang kagaya kong gago.

Pero hindi ako susuko. I'm willing to change...I'll change and be the better version of my self for them. That I promise.

"Aalis na kami," paalam ni Kuya Hob sa amin.

Ma-ingat siyang tumayo para hindi magising si Hartemis. Bago pa man siya tuluyang umalis ay tumingin siya sa akin.

"Damn it, Hundson. Duwag ka pa din?" galit na asik niya sa akin kaya naman tinawanan kami ni Piero.

Lumapit si Kuya sa akin, tumayo ako ng ma-realize ko kung anong gusto niyang gawin.

Ma-ingat niyang inilipat sa bisig ko ang tulog na si Hartemis. Hindi ko napigilang mapaluha ng mahawakan ko siya. Mariin akong napapikit, nagtagal ang halik ko sa noo niya, lumipat 'yon sa pisngi.

"I'm sorry," marahang bulong ko sa kanya.

Para akong tangang umiiyak habang tumatawa habang pinagmamasdan ang anak ko.

Ma-ingat kong hinaplos ang tungki ng ilong niya. Ang lambot ng pisngi niyang namumula pa din.

"Ang ganda ng anak ko," pagmamalaki ko sa kanilang dalawa.

Tumayo si Piero at dinungaw si Hartemis.

"Tingin. Hindi naman..." pang-aasar niya sa akin kaya naman tinulak ko ulit siya dahilan para bumalik siya sa pagkakaupo.

Gusto ko mang hawakan nang matagal ang anak namin ay alam ko ang limitasyon ko. Hindi 'to gusto ni Ahtisia. I respect her decision kaya kailangan kong maghintay. Hanggang sa matanggap na nila ako ng buo. Maghihintay ako kahit gaano katagal.

Nalaman ko kay Kuya na kukuhanin ni Ahtisia si Hartemis sa kanila kaya naman sinundan ko sila.

"Pwede ko bang malaman kung sino ang ama nina Hermes at Hartemis?" tanong ni Alihilani sa kanya. Kahit alam naman na naming ang totoo.

Tama nga naman. Iba pa rin sa pakiramdam na marinig ko mismo kay Ahtisia.

Pero mas lalo lang akong nasaktan sa narinig ko mula sa kanya. Itinanggi din niya ako kagaya ng ginawa ko sa kanila. And that's ok. I understand.

Nakita ko ang takot sa mukha ni Ahtisia. I gave her that, the trauma.

"S-si...uhm. Si Hugo. Classmate ko siya nung college. Siya ang totoong Daddy nina Hermes at Hartemis," sagot niya dito.

Ako ang Daddy nina Hermes at Hartemis.

Kaya naman nang makita ko si Hugo ay hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at kaagad ko siyang nasuntok. Mas dumoble pa ang frustration ko nang malaman kong nasa loob siya ng apartment nina Ahtisia.

Malaya niyang nakakasama ang mag-ina ko. Inggit na inggit ako.

Sinubukan ko pang sundan sila hanggang sa mall pero hindi ko na kinaya. Hindi ko kaya na makitang masaya sila na kasama ang ibang lalaki. Masaya si Ahtisia kasama si Hugo, kumportable si Hartemis sa kanya.

Kung sakali ba...si Hugo ba ang papalit sa akin sa kwentong 'to? Kung sakali bang may mangyari, mas magiging masaya ba si Ahtisia kay Hugo?

Kaya ko bang ipagkatiwala si Ahtisia at Hartemis sa ibang lalaki? Kaya ba niyang gawin yung mga bagay na hindi ko nagawa para sa mag-ina ko?

Dala ang mga laruan na binili ko sa mall ay umalis na muna ako para pumunta kay Hermes. Pinalitan ko ang bulaklak na dala ko din nung nakaraang araw. Inayos ko ang pagkakalagay ng bola at ilang laruang sasakyan sa itaas ng lapida niya.

"Kaya ka ba wala...kasi nandito ako?" tanong ko sa kanya.

Ayokong isipin na kaya nabuhay ako ngayon ay dahil nawala ang anak namin. Kung 'yon nga ang dahilan...mas lalong hindi ko kayang tanggapin.

"Hindi deserve ni Daddy na mawala ka para mabuhay ako. Mas magiging masaya sina Mommy at Hartemis kung ikaw ang nandito," sabi ko sa kanya.

Kung nandito si Hermes, kaming dalawa sana ang magp-protekta kina Ahtisia at Hartemis.

"Magpapagawa tayo ng bahay...yung may malaking courts sa likod. Magba-basketball tayo. Tuturuan kita," sabi ko kay Hermes.

Sayang.

Buong maghapon kaming magkasama ni Hermes. Kinakausap ko siya na para bang nandito siya, na kasama ko siya.

Ilang beses akong humingi ng tawad. Aminado akong hindi ako ang klase ng Ama na gugustihin kong makitang inspirasyon ng anak ko.

"Hindi ko sasayangin ang 'to. Pangako ko 'yan. Babawi ako kina Mommy at Hartemis...kahit gaano katagal," pangako ko sa kanya.

Nag-away lang ulit kami ni Ahtisia nang magkita kami. Sa kanila ako dumiretso pagkagaling ko kay Hermes. Naunahan ko pa silang maka-uwi.

Pinagsarhan niya ulit ako ng pinto. Pagod akong bumalik sa pagkakahilig ko sa pasimano sa harapan ng pintuan nila.

Mula sa labas ay rinig ko ng ingay ni Hartemis. Mukhang kinakausap niya ang Mommy niya. Tipid akong napangiti ng marinig ko ang tawa ni Ahtisia.

I'm ok with this for now. Kahit may pader na nakaharang sa aming tatlo ay ayos lang. Ang mahalaga ay masigurado kong ayos ang mag-ina ko. Naningkit ang mga mata ko nang muli nanamang kumidlat ng malakas.

"Uwi na!" sigaw ni Kuya Wil mula sa kabilang pintuan.

Tipid akong ngumisi. Hindi ako aalis dito. Kaya kong matulog dito, babantayan ko sila.

Pero masyadong malakas ang buhos ng ulan. Ilang beses ding nagpatay sindi ang ilaw kaya naman narinig ko sigaw ni Ahtisia mula sa loob dahil sa gulat.

"Ahtisia...ayos lang kayo?" tanong ko sa kanila. Sinubukan kong kumatok pero hindi naman niya ako pinansin.

Ilang beses kong napansin ang paglapit niya sa may bintana. Kita ko ang anino niya dahil madilim sa labas at ang ilaw ay nanggagaling sa loob.

"Nandito pa ako," sabi ko.

"Hmp!" pagmamaktol niya mula sa loob at kaagad na lumayo doon.

Natawa na lang ako. Pinatay niya ang ilaw sa loob tandan a matutulog na sila.

"Good night," bulong ko sa hangin.

Lumipat ako sa nakaparadang sasakyan ko sa harapan ng bahay nila para doon ako matulog. Natuyo na sa katawan ko ang nabasa kong damit dahil sa anggi ng malakas na ulan kanina.

"I have a proposal to make. Pag nakuha mo ang bagong project ni West...hahayaan ka naming mag stay dito sa companya," sabi ni Mr. Luis Villareal sa akin.

"I'll work for that..." paninigurado ko.

I need to stay here, para mas malapit ako kay Ahtisia.

Nginisian niya ako. "Engr. JC Fontallian ang makakalaban mo sa position," paalala niya sa akin.

Mas lalo akong nanggigil na makuha ang position bilang head engineer sa bagong project.

"You know, we keep our enemies close. Pero ikaw yung klase ng kalaban na ayaw naming mapalapit sa amin...lalo na sa pamangkin ko," mapanuyang sabi niya sa akin bago siya tumayo. Hinawakan pa niya ang balikat ko.

Alam kong hindi magiging madali 'to.

Mabigat ang pakiramdam ko nitong mga nakaraang araw, marahil dahil sa pagod at puyat. Maaga akong uuwi ngayon para magpahinga sandali, mamaya kasi ay pupunta ulit ako kila Ahtisia.

Mag-isa lang ako sa elevator pababa sa may ground floor. Bumukas ang elevator sa sumunod na palapag. Nagkagulatan pa kaming dalawa, hindi sana siya papasok nang kaagad ko siyang hilahin papasok.

"Ano ba, Hunter!" asik niya sa akin.

"Saan ka pupunta?" tanong ko sa kanya.

Kaagad niyang inalis ang pagkakahawak ko sa kanya. Halos magsumiksik siya sa gilid ng elevator para lang makalayo sa akin.

"Uuwi muna ako para magpahinga. Anong gusto niyong dinner?" tanong ko sa kanya.

Sinamaan niya ako ng tingin.

"Can you please stop acting na maayos tayo. Hindi tayo ok...at hindi na magiging ok," giit niya sa akin.

"Ahtisia," tawag ko sa kanya.

Ramdam ko ang galit niya, ang disgusto niya sa presencya ko. Hindi pa sana siya baba sa sumunod na palapag pero lumabas na siya para lang maka-iwas sa akin.

I need to give her space. I need to respect her space. Pero hindi ako titigil.

"You don't look ok," pun ani Mommy pagkauwi ko sa bahay.

"Pagod lang po sa trabaho."

Naligo ko at nag-ayos bago ako humiga sa kama para umidlip. Hindi naman ako nahirapang matulog dahil na din sa bigat ng nararamdaman ko.

"Daddy...Daddy, wake up na po!"

Nagulat ako nang magising akong may batang lalaki sa tabi ko. Malaki ang ngiti niya sa akin, halos mapaawang ang bibig ko ng makita kong kamukha ko siya, para akong nananalamin.

"Let's play na po. You're always sleeping..." nakangiting sabi niya sa akin.

Tumayo siya sa harapan ko. Nilaro ang pamilyar na bola...bolang binigay ko kay Hermes.

Hermes?

"Hermes," tawag ko sa kanya.

Nilingon niya ako kaya naman kaagad ko siyang hinila at niyakap. Hindi ko napigilang umiyak habang yakap ang anak ko. Mas lalo akong nagulat nang makita kong umiiyak na din siya.

"Daddy don't leave me here. I don't want to be alone...don't leave me here," umiiyak na sabi niya sa akin kaya naman mas lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa kanya.

Marahan akong tumango. "Hindi ka iiwan ni Daddy," pangako ko sa kanya.

Pero natigilan ako ng marinig ko ang isa pang iyak ng batang babae. Hindi lang iyak 'yon ng batang babae...dalawa sila.

"Si Mommy at Hartemis...looks like they miss us," sabi ni Hermes sa akin.

Kumunot ang noo ko. What do he mean by that?

Biglang nagbago ang mood niya, ang kaninang nakangiting si Hermes ay kaagad na kumawala sa yakap ko.

"I hate you! I hate you so much! Hindi kita Daddy! Hindi ikaw ang Daddy ko!" sigaw niya sa akin.

"Sana hindi na lang ikaw ang Daddy namin. You hurt me and Hartemis! You hurt Mommy!"





(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro