Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 24

Passed




Halos ilang minuto akong nakatingin sa mga greetings para sa kanya. Sa mga ganitong pagkakataon, gusto ko siyang makita. Gusto kong makita kung paano siya maging masaya dahil sa achievement na nakuha niya.

Siguradong proud na proud ang parents ni Hunter dahil sa pagiging top notcher niya. Saan sila magce-celebrate? Magwo-work ba kaagad siya? Anong mga plano niya?

Gusto kong ulit marinig yung mga plano niya para sa aming dalawa...para sa amin ng magiging baby namin.

Masaya ako para kay Hunter, at the same time ay ramdam ko din ang pagbigat sa aking dibdib. Marahan kong hinaplos ang sinapupunan ko, hindi pa siya halata pagtitingnan lang, pero pag hinawakan mo na...ramdam kong hindi ako nag-iisa. May kasama ako...

"Tears of joy ba 'yan, o ano?" tanong ni Hugo sa akin ng ilang minute lang ay nag-video call siya sa akin.

Ni wala pa nga ako sa tamang pag-iisip nang sagutin ko ang tawag niya.

Hindi ako umimik, ni hindi ako makatingin sa screen.

"Makakasama sa baby na palaging umiiyak ang Mommy niya," sabi niya sa akin kaya naman saglit akong sumulyap sa kanya.

Bukod sa parents ko ay siya pa lang ang nakaka-alam kung bakit hindi na talaga ako papasok. May kung ano kay Hugo na magaan kaagad ang pakiramdam ko. It's easy for me to share everything with him.

"Hindi ako umiiyak," sabi ko sa kanya kaya naman natawa siya.

"Sige, magpapanggap akong hindi ka umiiyak," sabi niya sa akin.

Natawa ako ng makita ko kung paano niya takpan ang mga mata niya mula sa kabila.

"Napaka mo!" suway ko sa kanya.

Ilang minute niyang pinagpatuloy ang pagka-usap sa akin na nakatakip sa kanyang mga mata ang palad niya.

Sa tuwing hindi ko kausap si Hugo ay nagmumukmok lang ako sa aking kwarto. Kung minsan ay nanunuod ng mga movie, pero sa kalagitnaan ay nakakatulog din kaagad. Pansin ko ang pagiging antukin ko.

"Ma'am Ahtisia, ito na po yung mga vitamins at gatas na pinapabigay ng Daddy niyo," sabi ng isa sa aming mga kasambahay nang katukin niya ako sa aking kwarto.

Bigla akong nakaramdam ng excitement sa laman ng mga paper bag. Nang ma-isa-isa ko na 'yon ay kaagad akong bumaba papunta sa kitchen para magtimpla ng gatas.

Habang ginagawa ko 'yon ay binabasa ko ng mabuti ang nasa likod ng carton, maraming benefits 'yon para sa amin ni Baby. Gagawin ko ang lahat para maging healthy kaming dalawa.

Napa-angat ako ng tingin ng maramdaman kong may pumasok sa kitchen. Mas lalo akong napatigil sa ginagawa ng makita kong si Mommy 'yon. Mula sa akin ay bumaba ang tingin niya sa aking ginagawa.

Tumikhim siya nang makita niya ang hawak ko. Pakiramdam ko ay hindi pa din nagsi-sink in kay Mommy na buntis nga ako.

"Mag-usap tayo..." seryosong sabi niya sa akin.

Kaagad kong tinigil ang pagtitimpla ng gatas. Tumunog pa ang baso ng tumama ang kutsara dahil sa panginginig ng kamay ko...sa takot?

"Sino ang nakabuntis sa 'yo?" tanong niya sa akin.

Parang naputol bigla ang dila ko, hindi ko alam kung anong isasagot sa kanya. Madaling sabihin na si Hunter, pero pakiramdam ko ay delikado kung malaman ni Mommy.

"Hindi mo sasagutin?" tanong niya sa akin dahil sa matagal kong pananahimik.

"A-ayoko na po siyang pag-usapan, Mommy. Wala naman po siyang balak na...wala naman po siyang balak na panagutan kami ng baby ko," sagot ko sa kanya habang pinipigilan kong umiyak sa harapan niya.

Mapanuya siyang ngumisi. "Ang tanga mo talaga. Magpapabuntis ka na lang..." sabi niya at hindi na natuloy pa.

"K-kaya ko naman pong palakihin ang baby ko na...mag-isa," sabi ko pa. Kahit ang totoo ay takot ako, kahit ang totoo ay hindi ko din alam ang gagawin ko.

"Ahtisia, hindi ako nagkulang sa pangaral sa 'yo para lang mabuntis ng kung sinong pontio pilato na wala naman palang balak panagutan ka. Sino yang hayop na 'yan, papatayin ko..." galit na sabi niya kaya naman mas lalo akong natakot para kay Hunter.

Hindi kami maayos ni Hunter ngayon, pero hindi ko naman kaya na may mangyaring masama sa kanya dahil sa Mommy ko. Kilala ko siya...walang sinasanto ang galit ni Mommy.

"Malalaman ko din 'yan. Humanda sa akin 'yang gagong 'yan..." banta niya.

Sandali pa siyang nag-iwas ng tingin na para bang may malalim siyang iniisip. Nang makabawi ay muli niya akong nilingon.

"Aayusin ko ang pag-aaral mo. Mag-home school ka muna, isang semester na lang...ako na ang bahalang kumausap sa university. Pag graduate mo...sumama ka sa Daddy mo sa kung saang lupalop ng mundo. Wala akong paki-alam..."

"Basta't wag kang makita dito sa Manila na buntis ka. Pag-uusapan nanaman tayo," dugtong pa niya.

Nakita ko kung paano may tinipa si Mommy sa phone niya, nag-paalam siya sa akin nang may tumawag sa phone niya. Mukhang desidido siya na malaman kung sino ang naka buntis sa akin.

I have an urge to call Hunter and tell him about this. Paano kung malaman ni Mommy? Baka saktan siya.

"Stop it. Wag mong gagawin 'yan. Ipakita mo sa kanya na hindi siya kawalan...wag kang maghahabol ulit," giit ni Hugo ng sabihin ko sa kanya ang plano ko.

"Pero Hugo...siya pa din ang Daddy ng baby ko," sabi ko sa kanya.

Mariin siyang napapikit. "Tinanggi niya ang baby mo. Kung hindi ka pa nasaktan para sa para sa sarili mo...masaktan ka naman para sa bata," he said kaya naman namahid ang buong katawan ko.

"Isipin mo na lang ang pakiramdam ng baby mo dahil itinanggi siya ng ex mo," sabi pa niya kaya naman natahimik ako.

"Gusto ko lang namang..."

"Kayang niyang protektahan ang sarili niya, Jimenez ang lalaking 'yon. Kung masaktan man siya ng Mommy mo...deserve," sabi ni Hugo at natawa pa.

Napabuntong hininga ako. Galit ako kay Hunter, pero hindi ko kailanman na-isip na gumanti sa kanya.

"Masyado ka kasing mabait...nakakatakot ka tuloy," sabi pa ni Hugo kaya naman kumunot ang noo ko.

"Bakit ako nakakatakot?" tanong ko sa kanya.

Umayos ng upo si Hugo, humarap siyang mabuti sa screen at tumingin sa akin.

"Pakiramdam ko pag nagalit ka ng sobra...sasabog ka. Di ba nga, masamang magalit ang tahimik at mabait," sabi pa niya sa akin.

"Hell hath no fury like a woman scorned."

Bukod kay Hugo ay mas lalo kong naramdaman ang presencya ni Daddy. Hindi kagaya ng dati ay mas madalas na siyang umuwi ngayon, kung ano ano din ang pasalubong na dala niya para sa akin.

"Pag may kailangan ka...wag kang mahihiyang magsabi," marahang sabi niya sa akin na kaagad kong tinanguan.

"Thank you, Daddy..." sabi ko sa kanya bago ako yumakap.

Naramdaman ko ang pagyakap niya sa akin pabalik. Mas ramdam ko ang love ni Daddy sa akin ngayon, hindi naman kasi nagbago 'yon kahit ngayon alam niyang hindi naman niya ako totoong anak.

May kung ano sa pakiramdam ko na sana ganito na lang palagi. Sana palagi na lang nandito si Daddy sa amin. Mas lalo kong naramdaman ang inggit kay Ate Alihilani dahil totoo siyang anak ni Daddy.

"Pag babae...siguradong kamukha mo, maganda," sabi pa niya.

Kita ko ang excitement ni Daddy dahil sa magiging baby ko.

"Ready na po kayong maging Lolo, Daddy?" tanong ko sa kanya.

Kaagad siyang tumango. "Oo, naman. Masaya kayang may baby sa bahay...baka mag-iba na din ang Mommy mo kung sakali," sabi niya pa sa akin.

Dahan dahang nawala ang ngiti sa labi ko.

"Kahit kailan ba...hindi niyo po natutunang mahalin si Mommy?" tanong ko sa kanya. Bigla akong nakaramdam ng kirot sa dibdib ko para kay Mommy.

Tipid na ngumiti si Daddy, pareho kaming naka-upo sa aking kama. Kinuha niya ang kamay ko at marahang hinawakan 'yon.

"Nung naging kami ni Atheena, kasing ganda mo siya..." pag-uumpisa niya.

"Hindi siya matapobre, kahit hindi ako mayaman no'n...naging totoo siya sa akin. Alam ko din kung paano siya itrato ni Don Joaquin, kaya naman hindi ko din siya masisisi kung bakit siya naging ganyan. Nagkahiwalay kami...hanggang nakilala ko si Cleo."

"Mas mahal niyo po si Tita Cleo," sabi ko.

"Mahal ko si Atheena...noon, minahal ko ang Mommy mo. Pero mas minahal ko si Cleo," sabi niya pa sa akin.

Tipid akong napangiti at napayuko, bigla akong nasaktan para kay Mommy.

"Importante din ang Mommy mo sa akin, nag-aalala pa din ako kay Atheena, kaya nga minsan kahit hindi ko gusto ang mga ginagawa niya...nagagawa ko," kwento pa niya sa akin.

Natawa si Daddy at hinaplos ang buhok ko ng maghari ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

"Minsan, may taong dadaan sa buhay mo na...kahit may pagmamahal ka pa, hindi na pwede," pangaral niya sa akin.

"Oo, may pagmamahal pa ako sa Mommy mo. Pero palaging natatalo 'yon ng pagmamahal ko para kay Cleo."

"Nasasaktan po ako para kay Mommy," pag-amin ko sa kanya.

Hinila ako ni Daddy para yakapin.

"Pero yung pagmamahal ko sa 'yo bilang anak ko...walang nagbago," paninigurado niya sa akin.

Tinanggap ko 'yon, wala naman kasi akong karapatan na magdemand pa sa pagmamahal na kayang ibigay ni Daddy sa akin. Kahit kasi saang anggulo mo tingnan, si Ate Alihilani dapat ang nasa pwesto ko. Siya dapat ang kasama at inaalagaan ni Daddy.

"May surpresa ako para sa 'yo," sabi ni Daddy sa akin ng sumunod na araw.

Magkasabay kaming bumaba sa hagdan, nakita naming naghihintay si Mommy sa baba. Napansin ko ang pag ngiti niya habang nakatingin sa amin ni Daddy, nag-iba din ang aura niya, para bang mas kalmado siya ngayon.

Ramdam ko ang saya ni Mommy dahil palaging umuuwi si Daddy sa amin. Alam kong pansin din niya ang pagiging supportive ni Daddy sa pagbubuntis ko.

"Kuya Wil!" gulat na sigaw ko ng makita ko siya sa labas ng front door namin.

Nginitian niya ako. Walang pagdadalawang isip akong lumapit sa kanya at yumakap.

Muli siyang ini-hire ni Daddy. Dahil sa pagbubuntis ko ay sinabihan niya akong wag na munang mag-drive mag-isa.

"Umalis po kayo sa mga Aves?" tanong ko sa kanya ng magkaroon kami ng chance na mag-usap na dalawa.

Hinila ko siya papunta sa may kitchen, ipinagtimpla ko pa si Kuya Wil ng kape kahit sinuway na niya ako.

"Kinusap ako ng Daddy mo. Sinabi niya sa akin ang kalagayan mo, kaya..."

Tipid akong ngumiti kay Kuya Wil nang makita kong sandaling bumaba ang tingin niya sa sinapupunan ko.

"Kaya pinili niyo po ako? Kasi ako ang paborito niyo?" pang-aasar ko sa kanya.

Hindi nawala ang pagiging seryoso ni Kuya Wil.

"Asaan ang tarantadong Hunter na 'yon?" tanong niya sa akin.

Napanguso ako, ayokong umiyak ngayon. Masyado pa akong masaya dahil sa pagbalik niya.

Marahan akong umiling. Mas lalong nagalit si Kuya Wil. Muli niyang sinabi sa aking hindi niya talaga gusto si Hunter para sa akin, na wala siyang tiwala dito una pa lang.

"Hinayaan lang kita dahil nakita kong masaya ka..." he said kaya naman mas lalo akong napanguso.

Pinagd-drive ako ni Kuya Wil sa tuwing may check-up ako. Siya din ang kasa-kasama ko sa tuwing may cravings ako.

May mga pagkakataon pinipigilan kong mag-stalk kay Hunter sa mga social media accounts niya. Hindi siya ma-post, pero nakita ko ang stories ng mga pinsan at ilang kaibigan niya tungkol sa celebration party niya.

Napaayos ako ng upo sa itaas ng aking kama ng makita kong may bago siyang story. Picture lang 'yon ng dagat. Sa ibabang bahagi ay may nakasulat.

607, The Nutcracker.

Matagal akong nakatitig sa story niya. Kahit ilang beses 'yong malipat ay pinabalik-balik ko pa. Wala sa sarili akong nagtipa ng message para sa kanya.

"Congrats, Hunter."

Walang isang Segundo ay nakita ko ang pag-seen niya dito. Tipid lang akong ngumiti, ang mahalaga ay nakita niya. Hindi na ako naghintay pa at umasa na sasagot siya, alam ko naman kasing hindi.

"May kasama po akong kaibigan," sabi ko kay Kuya Wil habang nasa byahe kami papunta sa mall.

Mag-uumpisa na din ang home school ko kaya naman kailangan ko ng bumili ng mga gamit at ilang libro. Kapalit ng pagiging casual sa akin ni Mommy ay kilangan ko pa ding maka-graduate at maging Engineer. Hangga't sinusunod ko ang gusto ni Mommy, hindi niya kami sasaktan ng baby ko.

"Lalaki?" tanong ni Kuya Wil. Tiningnan pa niya ako mula sa may rear view mirror.

Umayos ako ng upo at lumapit sa kanya.

"Opo," nakangiting sagot ko sa kanya kaya naman tumikhim siya.

Magkikita kami ni Hugo ngayon sa mall para bumili ng mga gamit. Bukod sa suot kong dress ay nakasuot din ako ng cardigan. Bumaba ang tingin ko sa sinapupunan ko. Halata na ang umbok sa tiyan ko.

"Mukhang malaki ang baby ko, Kuya Wil..." kwento ko sa kanya.

Pansin din maging ng mga kasama namin sa bahay ang biglaang paglaki niya. Nakita ko ang tingin nila sa akin pero hindi naman ako nakarinig ng kung ano mula sa kanila...sa ngayon.

"Kuya Wil, si Hugo..." pagpapakilala ko sa kanilang dalawa.

Nanatili ang blanking ekspresyon ni Kuya Wil habang nakatingin kay Hugo. Tumaas ang kilay ni Hugo ng tumingin siya kay Kuya Wil, nag-alok siya ng kamay dito.

"Kuya Wil..." pagbanggit ni Hugo sa pangalan nito.

Tipid na tumango si Kuya Wil sa kanya, napansin ko ang pagtagal ng tinginan nilang dalawa hanggang sa kinuha ko na ang pansin nila.

"Mabait po si Hugo, Kuya Wil," nakangiting sabi ko dito.

"Dapat lang," sabi ni Kuya Wil.

Natawa si Hugo at napakamot sa kanyang batok.

"Nasa mukha naman," laban ni Hugo sa kanya.

Pinanlakihan ko siya ng mata. Nagagawa niyang pakipagsabayan kay Kuya Wil, si Huter nga noon ay hindi na makasagot at tumatahimik na lang.

Una naming pinuntahan ang bookstore para humanap ng mga kakailanganin naming para sa last semester.

"After sa may frappe ha," sabi ko sa kanilang dalawa.

Hindi pa nakakapasok sa bookstore ay nasa kainan na kaagad ang isip ko.

Tahimik na nakasunod si Kuya Wil sa aming dalawa ni Hugo.

"Baby ba talaga 'yang nasa tiyan mo, O pagkain?" pang-aasar niya sa akin.

Hinawakan ko ang baby bump ko. "Baby, syempre..." laban ko sa kanya.

Habang abala si Hugo sa paghahanap ng libro ay naging abala naman ako sa pagtingin ng book para sa first time Mom. Imbes tuloy na libro para sa school ang dala ko ay libro para sa pregnancy ang una kong nakuha.

"Akin na ang mga 'yan," sabi ni Kuya Wil. Kaagad niyang kinuha sa akin ang mga librong hawak ko.

Matapos naming sa bookstore ay kumain na kami sa gusto kong kainan. Si Hugo at Kuya Wil ang lumapit sa counter para umorder. Mula sa mga pregnancy book na binili ko kanina ay nag-angat ako ng tingin mula sa labas ng kainan.

Napahinto ako ng may makita akong pamilya na mukha. May kasama siyang isang lalaki, at isang babae.

"Hunter..." sambit ko.

Walang pagdadalawang isip akong tumayo at lumabas ng café ng hindi man lang nagpapalam kina Hugo at Kuya Wil.

Diretso ang lakad ko sa direction na pinuntahan nila.

"Hunter..." tawag ko, kahit alam kong hindi sapat ang lakas ng boses ko para marinig niya.

Pumasok sila sa isang store, nilakasan ko ang loob ko at sumunod papunta doon.

"I'll go check something lang..." rinig kong paalam sa kanya nung babaeng kasama.

Lumipat ang tingin ko sa babaeng kasama niya, maganda ito. Bago niya?

"Amputa, kain dapat muna, e..." reklamo nung kasama niya.

"Ginusto mong sumama, di ba? Magtiis ka," nakangising sabi ni Hunter sa kausap na lalaki.

Nanatali ako ilang hakbang mula sa kanya. Nakatalikod siya sa akin, bigla akong nakaramdam ng kung ano. Gusto kong umiyak, miss na miss ko na talaga siya.

Gusto ko siyang yakapin, gusto kong makita siya ng malapitan, kahit ang amoy niya...gustong gusto ko.

Alam kong gusto din 'to ni Baby. Miss na naming siya.

Una akong napansin ng lalaking kasama niya, tumingin ito sa akin at nagtaas ng kilay bago niya tinapik ang braso ni Hunter at nginuso ako.

Tumulo ang luha mula sa aking mga mata, nabuhay ang kung ano sa katawan ko dahil sa presencya niya.

Nawala ang ngisi ni Hunter ng lumingon siya at makita ako. Bigla siyang naging seryoso.

"Hala ka, pina-iyak mo..." pang-aasar sa kanya nung lalaking kasama.

Tumikhim siya.

"Anong ginagawa mo dito?" tanong niya sa akin.

"P-pwede ka bang maka-usap?" tanong ko.

Sandaling nagtagal ang tingin niya sa akin. Napabuntong hininga siya bago niya ako sinagot.

"Ano pang pag-uusapan natin?" tanong niya sa akin.

"P-please?" sabi ko, hindi na inintindi ang tanong niya.

"Hunter..." tawag sa kanya ng lalaking kasama.

Bahagya niya 'tong nilingon.

"Hanapin mo na si Daena, umalis na tayo dito," utos niya dito.

"Amputa, ano ako? Utusan mo?" reklamo nito.

"Piero," tawag niya dito.

Labag man sa loob ng kasamang lalaki at umalis na ito kaya naman na-iwan na kaming mag-isa.

Kahit umiiyak ay nagawa ko pang ngumiti sa kanya, kinain ng ilang hakbang ko ang pagitan naming dalawa.

"Nagpa-check up ako...sabi ng Doctor, healthy naman daw si baby," sabi ko sa kanya. Baka sakaling gusto niyang malaman.

Wala siyang imik, mula sa aking mukha ay dahan dahang bumaba ang tingin niya sa aking sinapupunan.

Lumabas ang hikbi sa aking bibig.

"Hunter...believe me, baby natin 'to," sabi ko sa kanya.

Kaagad na bumalik ang tingin niya sa mukha ko.

"Hindi pa din ba tayo tapos dito?"

Mas lalong bumuhos ang luha mula sa aking mga mata.

"Ang bilis mo namang talikuran kami...ang bilis mong bitawan kami," umiiyak na sumbat ko sa kanya.

"May iba ka na kaagad!" asik ko sa kanya.

Hindi ko mapigilan ang emosyon ko. Para akong batang umiiyak sa harapan niya.

Bahagyang nalukot ang noo niya dahil sa sinabi ko.

"Dapat galit ako sa 'yo, dapat hindi ka naming papansinin...pero gusto kitang makita," sabi ko pa sa kanya.

"Gusto ka naming makita ni Baby," sabi ko at pumiyok pa.

Napuno ng luha ang aking mukha.

"Tama na, Ahtisia. Wag na nating ipilit," sabi niya sa akin pero marahas akong umiling.

Kaagad akong lumapit sa kanya para yakapin siya, naramdaman ko ang paninigas niya dahil sa ginawa ko, ramdam na ramdam ng sinapupunan ko ang katawan niya, medyo nahirapan akong abutin si Hunter dahil sa umbok ng tiyan ko.

Gusto kong iparamdam sa baby ko ang presencya ng Daddy niya. Na kahit hindi naming siya kasama palagi ay may Daddy siya. Ayokong maramdaman niya ang pakiramdam ko ng malaman kong hindi ako totoong anak ni Daddy.

Ayokong dumating ang araw na sasabihan ang baby ko na putok siya sa buho dahil lang wala siyang Daddy.

"Ahtisia!" tawag ni Kuya Wil sa akin.

Nanatili ang yakap ko kay Hunter, hinayaan niya lang naman akong gawin 'yon. Pero mas masakit dahil hindi ko naramdaman ang pag ganti niya ng yakap sa akin.

"Ahtisia..." tawag din ni Hugo.

Wala akong pinansin sa kanila, ramdam kong gusto din 'to ng baby ko. Hindi na lang para sa akin, para na lang sa baby ko.

"Kuya Hunter," tawag ng babaeng kasama niya kanina.

"Ahtisia, tara na..." seryosong tawag ni Kuya Wil sa akin. Hindi na siya naka-tiis at lumapit na talaga sa amin.

Nanlalabo ang aking mga mata ng tinangalain ko si Hunter, kagaya kanina ay wala pa ding ekspresyon ang kanyang mukha.

"Hunter..." tawag ko sa kanya. Pero nag-iwas na siya ng tingin sa akin.

Naramdaman ko ang paghawak ni Kuya Wil sa braso ko. Na-iyak na lang ako at nagpa-ubaya na sa kanya. Kagad akong umiyak sa bisig ni Kuya Wil habang iginagaya niya ako palayo kay Hunter.

"Bakit nilapitan mo pa ang lalakin 'yon," tanong niya sa akin.

Hindi ako naka-imik. Hindi ko din alam kung bakit lumapit ako kay Hunter. Gusto ko lang talagang makita siya.

Tahimik kaming tatlo habang naglalakad pabalik sa parking space ng mall. Wala ding imik si Hugo kahit pakiramdam ko ay marami siyang gustong sabihin.

Iyak lang ako ng iyak hanggang sa makarating na kami sa sasakyan.

"Hindi gusto ng baby na umiiyak ang Mommy niya," marahang sabi ni Hugo sa akin bago ako tuluyang pumasok sa sasakyan.

Hinila niya ako at niyakap.

"Hindi kayo deserve ng lalaking 'yon. Siya ang nawalan...hindi kayo," sabi niya pa sa akin kaya naman humigpit lalo ang yakap ko sa kanya.

Muli akong nagkulong sa kwarto ko at umiyak. Nang mapagod ako ay nahimasmasan din naman.

Nalaman ko mula kay Hugo na umalis si Hunter ng bansa para sa una niyang project bilang Engineer. Mas lalo akong kinain ng lungkot, hanggang kailan siya doon?

"Darating ang araw na mawawala na ding 'yang nararamdaman mo para sa lalaki na 'yon," sabi ni Hugo.

Mukhang napagod na siya sa pagpapaintindi sa akin na dapat ay hayaan ko na si Hunter.

Madaling sabihin na wag na akong maghabol, na wag ko na siyang hanapin, pero hindi madaling gawin 'yon. Lalo na't umasa ako sa mga pangako niya, sa mga plano niya sa amin. Mas magiging madali siguro kung ako lang yung iniwan niya...pero iniwan niya maging ang baby ko.

"I already told you, hindi makakabuti sa baby kung palagi ding stress si Mommy," pangaral sa akin ni Doc.

Tipid akong ngumiti at hindi na umimik, alam ko naman 'yon, pero minsan kahit anong pigil kong umiyak ay kusang lumalabas ang luha, bigla na lang akong kinakain ng lungkot.

Naghanda ako para sa ultrasound. Pinagpalit niya ako ng damit at pinahiga sa hospital bed katapat ng isang monitor. Nasa labas ng clinic si Kuya Wil, ang sabi pa ni Hugo ay sasama siya, mala-late lang pero susunod.

"Tingnan natin kung kamusta na si Baby..." nakangiting sabi ni Doc habang ginagalaw niya ang Transducer sa ibabaw ng tiyan ko.

Kaagad akong tumingin sa may Sonogram para makita ang baby ko.

Tahimik lang si Doc nung una hanggang sa kinabahan ako dahil sa pagkagulat niya. May tinuro siyang dalawang bilog mula sa may monitor. Napaawang ang bibig ko, hindi ko alam kung nasaan doon ang baby ko.

"Oh my..." she said sweetly.

Malaki ang ngiti niya ng lingonin niya ako.

"Congrats, you're having a twin," sabi pa niya na ikinalaki ng mata ko.

"T-twins?" hindi makapaniwalang sambit ko.

Kaagad uminit ang magkabilang gilid ng mata ko at naiyak sa tuwa.

Hindi ko ma-explain ang saying nararamdaman ko dahil sa sinabi ni Doc sa akin. Now it made sense kung bakit mas malaki ang tiyan ko kesa sa normal na laki nito.

Masaya kong ibinalita kay Kuya Wil ang nalaman ko sa Doctor. Masaya siya para sa akin, nasa byahe pa lang kami pauwi ay sinabi ko na kaagad 'yon kina Daddy, maging kay Hugo.

Ginawa kong inspiration ang mga baby ko nang mag-umpisa ang last semester. Magiging Engineer ako para sa kanila, gagawin ko ang lahat para sa kanilang dalawa.

Nag-aral ako ng mabuti kahit medyo mahirap, medyo maselan ang kalagayan ko dahil dalawang buhay ang nasa loob ng sinapupunan ko.

Walang ibang nasa isip ko kundi ang mga Baby ko. Kaagad na napunan ang pagkawala ni Hunter, ngayon...dalawa pa silang ibinigay sa akin.

"Congrats, Anak...I'm so proud of you," sabi ni Daddy at kaagad akong niyakap ng malaman nilang kasali ako sa roll or graduating students.

Hindi ako naka-aatteng ng graduation dahil na din sa kagustuhan ni Mommy at sa connection niya sa university. Ayaw niyang makita ng lahat na malaki ang tiyan ko.

Nag-focus kaagad ako sa pagre-review para sa board exam. May ilang araw na halos hindi ako makapag-aral dahil masama ang pakiramdam ko.

Naputol ang pag-rereview ko ng may kumatok sa aking pintuan, napa-ayos ako ng upo dahil nakita kong si Mommy ang pumasok. Bumaba ang tingin ko sa hawak niyang baso ng gatas. Ang kasambahay naming ang nag-aakyat non, kaya naman nagulat ako dahil siya ang may dala.

"Nasabi ko kay Everette ang tungkol sa pagbubuntis mo," sabi niya sa akin.

Nagulat ako. Siya kasi ang nagsabi na hindi dapat makalabas ang tungkol sa dito.

"He's willing to be the father of the twins," she said kaya naman napatayo ako sa gulat.

"No," madiing sabi ko.

"Ahtisia, wag kang tanga!"

"Ayoko po, Hindi ako papayag!" laban ko sa kanya.

Mas lalo siyang nagalit. "Ano na lang sasabihin ng Lolo mo at nang ibang tao pag nalaman nilang nabuntis ka at hindi pinanagutan?" giit niya.

"Wala po akong pakialam sa sasabihin nila, Mommy. Ang importante sa akin ay kami ng mga baby ko..." laban ko pa din.

Mas lalo siyang nagalit, hinawakan niya ako sa braso ng mahigpit kaya naman napadaing ako.

"Magpakasal ka kay Everette, siya ang ipapakilala mong ama ng mga anak mo..." utos niya.

Kaagad kong binawi ang braso ko mula sa pagkakahawak niya.

"Hindi po!" laban ko, hindi sinasadyang tumaas ang boses ko kaya naman nagulat siya at kaagad akong sinampal.

Dinuro niya ako.

"Itinanggi ka ng Jimenez na 'yon?"

Hindi ako naka-imik. Hindi naman na ako nagulat pa, Knowing her, hindi titigil hangga't hindi nakakakuha ng sagot.

"Humanda sila sa ganti ko. Humanda ang mga Jimenez sa ganti ko," banta niya bago niya ako tinalikuran at iniwang mag-isa.

Nanghihina akong napabalik ng upo, hanggang sa mapadaing ako dahil sa pag-guhit ng sakit sa aking sinapupunan.

"Mommy!" tawag ko sa kanya.

"Tulong!" sigaw ko.

Matapos ang ilang pagsigaw at pag hingi ng tulong ay nakita ko ang mabilis na paglapit ni Daddy sa akin.

"Daddy...ang sakit po," sumbong ko sa kanya.

Ilang months pa bago ang due date ko, hindi pa pwedeng lumabas ang mga baby ko.

Kaagad akong binuhat ni Daddy para dalhin sa hospital. Takot na takot ako para sa kanila, marahil sa pagod, puyat, at stress kaya ganito.

"The babies are safe now. Pero you need to be careful, maselan ang pagbubuntis mo. Pwedeng maka-apekto sa mga bata ang mga ganitong events," the Doctor said.

Tipid akong tumango, sinisi ko ang sarili ko dahil sa nangyari, nilagay ko sa kapahamakan ang mga baby ko.

"You need to be extra careful. Dalawang baby ang umaasa sa'yo,' sabi pa niya bago siya tuluyang nagpaalam.

Lumapit si Daddy sa akin para aluin ako.

"Ilang linggo na lang, board exam na..." pag-uumpisa niya.

Hindi ko din alam kung kaya ko, kailangan ko ding mag-double time sa pagaaral.

"Ayos lang kung sa susunod ka na mag-take," sabi ni Daddy sa akin.

Marahan akong umiling. "Gusto ko po, paglabas ng mga baby ko...Engineer na ang Mommy nila," sabi ko sa kanya.

Tipid na ngumiti si Daddy sa akin.

Ginawa kong inspiration ang mga baby ko, wala akong inisip kundi sila. Sa pagiging focus ko sa kanila ay nakalimutan ko si Hunter, nakalimutan kong kailangan namin siya.

Kaya ko pala na kami lang ng mga baby ko, tama sila...kaya kong palakihin ang mga baby ko kahit ako lang mag-isa.

Matapos ang ilang buwang paghahanda para sa board exam ko ay lumabas na ang result.

"Engineer Ahtisia Amelie Salvador," nakangiting pagbasa ni Daddy mula sa list ng board passer.


(Maria_CarCat)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro