Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 26

Arakiel.

Agad akong sumugod sa isa sa mga kalaban, sinuntok ko ito ng malakas sa panga na siyang ikinatumba nito sa lupa. Napahiga ito dahil sa malakas na epekto ng suntok ko, akmang tatayo na sana ito ulit pero hindi na ako nag-aksaya ng oras at agad sinipa ng napakalakas ang tiyan niya. Napalingon ako sa likuran nang may naramdaman akong kakaiba, umiwas ako kaagad nang may isa pang kalaban na gusto akong tamaan ng kapangyarihan niya. Pumikit ako ng ilang segundo at agad akong lumipad sa kinaroroonan niya at sinipa ito ng walang pagdadalawang-isip na kahit babae pa ito, pero nakaiwas ito at sinuntok ako sa tiyan. Napaatras ako ng kaunti pero hindi naman ako ganoon nasaktan.

Ramdam na ramdam ko nga ang pagbabago ng kapangyarihan at lakas na meron ako.

Gumawa ako ng espada na gawa sa kapangyarihan kong hangin at namuo doon ang isang metal na espada. Ibinato ko ito sa direksiyon ng kalaban pero agad din naman itong nakaiwas. Ngisi itong humarap sa akin ulit pero hindi ko 'yon pinansin at napangisi nalang sa sarili ko nang pabalik sa puwesto niya ang espada ko. Nagtaka man siya ay huli na nang malaman niyang may pabulusok na paparating sa kaniyang likuran na espada at tinamaan ang kaniyang bandang puso na siyang ikinaubo nito ng dugo. Kasabay ng pagkawala ng hininga niya ay ang paglaho din ng espada ko.

"Yah!" Rinig kong sigaw ni Zaporah hindi ganoon kalayo sa akin habang binabato niya ng mga bolang apoy ang mga gustong kumalaban sa kaniya. Napalingon naman ako kay Zora na ngayo'y inaatake na ang mga kalaban gamit ang kaniyang kapangyarihan sa pag-utos ng mga naglalakihang ugat galing sa lupa. Napalingon ako sa gusali kung saan may narinig na naman kaming pagsabog na siyang pag-usok ng makapal na halos sakupin na ang buong lugar.

Pero agad akong natigilan nang maramdaman ko ang pamilyar na mga presensiya. Nanliit ang mga mata ko para hanapin sa kung saan nanggaling ang mga presensiya na 'yon. Nadako ang mga mata ko sa gusali nang unti-unti nang humuhupa ang usok hanggang sa may maaninag akong walong anino na nakaharap sa amin ngayon.

"Ayan na sila. Ang mga nagtangkang pumatay sa amin." Bulong ko kay Zora ngayon na nasa malapit lang sa akin. Hinarap ko ito para tignan kung ano ang magiging reaksiyon niya at kitang-kita ko kung paano umigting ang mga panga nito na parang galit na galit. Kapag nakikita ko siyang ganito, naaalala ko si Reyna Lara. Kung hindi lang namin siya kilala at nalaman kung sino talaga siya, mapagkakamalan talaga namin silang magkapatid

"Mag-iingat ka, Arakiel. Kailangan natin manalo, kailangan natin silang pagbayarin sa ginawala nila sa inyo. Kailangan nating manalo para kay Lara. Kaya huwag na huwag mong papairalin ang puso mo, isipin mo munang mabuti kung paano nila halos sirain ang gusto nating kinabukasan para sa mga sarili natin." Natigilan ako dahil sa litaniya niya at napatingin sa puwesto ng mga kalaban. Tama si Zora, kailangan kong unahin kung ano ang dapat at hindi na pilitin pa ang mga bagay na hindi na muling maibabalik sa dati. Kung kalaban na si Heraphim, wala na akong magagawa do'n dahil 'yon ang pinili niyang landas.

Hindi ko lang talaga matanggap na dito sa lupang ito ko siya mahahanap muli, na dito sa mundo na 'to kami ulit magkikita. Pero hindi bilang isang malapit na kaibigan katulad noon, pero bilang magkalaban na.

Magsasalita na sana ako pero agad akong tumalsik sa kinakatayuan ko at tumama sa isa sa mga puno. Napaungol pa ako dahil sa lakas ng puwersa, napalingon ako sa puwesto ni Zora at nagulantang dahil sa inaatake na siya ng tatlong babae! Kailangan ko siyang tulungan!

"Zora!" Sigaw ko sa pangalan niya at akmang tatayo pero agad akong natuod sa kinakaupuan ko ngayong lupa dahil sa espadang gawa sa apoy na nakatutok ngayon sa leeg ko. Nagngitngit ang mga ngipin ko dahil sa babaeng nasa harapan ko na ngayon habang seryoso itong nakatingin sa mga mata ko.

"Paano kayo nabuhay? Alam namin na patay na kayo pero bakit muli kayong nabuhay? Sino ang bumuhay sa inyo?" Seryoso niyang tanong sa akin pero hindi ako sumagot. Tinignan ko lang siya sa mga mata at nakipagsukatan ng tingin. Napakalungkot mang isipin pero wala na akong magagawa, hindi ko ulit ibubuhis ang buhay ng iba para lang sa sarili kong kagustuhan na ibalik siya dati at gawin siyang kakampi namin.

"Kung sino man ang bumuhay sa inyo, masuwerte kayo. Pero parang hindi ata kayo natuto at pumunta pa talaga kayo sa guild namin? Gusto niyo bang mamatay ulit sa pangalawang pagkakataon?" Malayong-malayo na siya sa anghel na nakilala ko, malayong-malayo na siya sa babaeng minsan ko ng minahal. Ibang-iba na siya ngayon, ibang-iba! Ang mga mata niya ay mistulang nagbago, ang mga malalamig niyang tingin sa akin ay hindi ko mawari kung totoo ba o isang palabas niya lang. Hindi siya ganiyan tumingin sa mga mata ko noon.

"Heraphim." Tawag ko sa pangalan niya na ikinatigil niya. Hindi niya kayang pumatay, hinding-hindi niya magagawang pumatay dahil alam ko at kilala ko siya!

Hindi siya ang pumatay sa akin, nandoon siya sa araw na nilusob kami pero hindi siya kasali sa pagpatay. Ginawa lang siyang bitag para makuha ang loob ko at para makapasok sa lungsod.

"Wala kang karapatang tawagin ako sa pangalan na 'yan!" Sigaw niya sabay sa pagtaas ng kaniyang apoy na espada. Hindi ko alam pero natuod nalang ako, wala akong nagawa kundi ang pumikit nalang. Pinakiramdam ang paligid habang rinig na rinig ang sigawan ng bawat isa.

Hanggang dito nalang ba talaga ako? Bibiguin ko na naman ba ulit si Reyna Lara? At si Zora?

*********


"Kuya!" Napalingon ako sa tumatawag sa akin. Napangiti ako kaagad nang patakbong papalapit sa akin ang dalawa kong kapatid na babae. Dinamba nila ako ng yakap kaya gumanti rin ako sa kanila.

"Naligo kami sa batis, ang ganda pala doon! At tiyaka, may mga dalaga ring nandodoon habang nililinis nila ang kani-kanilang pakpak!" Sigaw ng bunso namin na siyang ikinatango ko nalang.

"Kuya, nandoon din pala ang babaeng gusto mo." Kinabahan naman ako sa sinabi ng isa ko pang kapatid. Kinakabahan man pero nasasabik din akong makita ang babaeng nagpapatibok ng puso ko.

Bago pa ako makapagsalita ay hinila na ako ng dalawa kong kapatid hanggang sa makarating kami sa batis. At gaya ng sabi nila, may mga dalaga ngang naglilinis ng kani-kanilang mga pakpak. Agad hinanap ng mga mata ko ang imahe ng babaeng gustong-gusto ko nang makita at nang mamataan ko ito ay agad akong ngumiti ng matamis habang nakatanaw sa kaniyang magandang wangis. Abala itong naglilinis ng kaniyang katawan habang naghehele pa kasama ang iba niyang mga kaibigang anghel.

"Lapitan mo na Kuya!" Sigaw ng dalawa kong kapatid kaya napakamot nalang ako ng ulo dahil sa kagustuhan nila. Kahit nakakahiya man ay lumapit talaga ako dala-dala ang bayong na may mga prutas sa loob. Nang makalapit ako ay kitang-kita ko ang mga mapaglarong ngiti ng mga kaibigan ng babaeng mahal ko. Tinawag ito ng isa niyang kaibigan na siyang dahilan sa paglingon nito sa akin at natigilan.

"A-Ahh, may dala akong prutas para sa'yo. Baka n-nagugutom ka na at tiyaka pwede mo rin itong ibahagi sa mga kaibigan mo." Hiya kong bigay sa bayong, napangiti lang siya sa akin habang naiiling na tumayo at kinuha ang mga prutas.

"S-Salamat."

Araw-araw ay ganoon ang senaryo namin, maliligo sila sa batis at hinahandaan ko siya ng mga prutas. Nag-uusap tungkol sa trabaho at sa mga masasayang nangyari kada araw namin sa buhay. Hanggang doon lang kami pero masaya na ako dahil sa nakikita at nakakausap ko siya. Kilala niya ako, at kilalang-kilala ko siya kaya wala kaming problema kung gugustuhin namin ang isa't-isa. Gustong-gusto ko siya, hindi ko lang alam kung ganoon din ba ang nararamdaman niya pero ramdam na ramdam ko naman na may pagtingin din siya sa akin.

"Anghel!" Agad akong napabalikwas mula sa pagkakatulog dahil sa parang kulog na sigaw ng kung sino man galing sa labas ng aming pamamahay. Nagulat din ang mga kapatid ko na siyang dahilan kung bakit din sila nagising sa kanilang pagpapahinga. Binuksan ko ang pintuan habang ang mga kapatid ko ay nasa aking likuran, pagbukas ko ay agad bumungad sa akin ang nakakataas na arkanghel na siyang ikinatigil ko. Agad akong yumuko para rumespeto at ganoon din ang mga kapatid ko.

"Nasaan si Diyosa Oviossa? Nasaan siya at bakit wala siya sa kaniyang silid, kagabi pa?" Nagtaka naman ako dahil sa sinabi nito. Nakita pa namin ang Diyosa noong bago pa kami umuwi sa aming tahanan!

"H-Hindi namin alam pero nasisiguro kaming nagkita pa kami bago kami umuwi dito sa tirahan namin." Kabado kong sagot. Hindi ko alam kung bakit ako kabado ngayon! N-Nasaan ang Diyosa kung gano'n?

"Tama po sinabi ni Kuya! Bago po kami umuwi dito, nakita pa namin si Diyosa Oviossa na naghahanda para sa kaniyang pagtulog!" Sigaw ng bunso kong kapatid.

"Walang Diyosa Oviossa ang namataan sa kaniyang silid at kayo lamang tatlo ang naatasan para bantayan siya! Ngayon, pumunta kayo sa konseho nang malaman kung sino talaga ang may sala sa pagkawala ng Diyosa! Hihintayin natin kung ano ang magiging hatol sa inyong tatlo kapag napatunayang siya ay nawawala."

Parang kidlat dahil sa bilis ng mga pangyayari. Bago pa kami pumunta sa konseho ng mga kapatid ko ay hinanap muna namin ang Diyosa at nagbabakasakaling nagbibiro lamang ito o baka namamasyal lamang. Pero umabot ang gabi na hindi siya nagpakita sa amin, napagdesisyunan naming magkakapatid na pumunta sa konseho na natatakot at kinakabahan dahil sa posibleng magiging hatol namin kung totoo ngang nawawala ito.

"Bilang parusa sa pagiging iresponsableng mga anghel, kayo'y hinahatulan na mawalan ng bisa ang inyong responsibilidad bilang mga anghel na tagahatid ng mga mabubuting kaluluwa dito sa Elysian! Kayo ay itatapon sa ibaba kung saan kasama ninyo ang iba't-ibang halimaw! Hindi na kayo puwede bumalik pa dito! Hindi na kayo puwedeng bumisita o kahit makatapak lang sa pintuan ng Elysian! Itapon sila!" Hatol sa amin ng nakakatandang arkanghel na siyang ikinasigaw ng mga kapatid ko dahil sa pag-iyak. Parang akong binagsakan ng mundo dahil sa narinig galing sa pinuno. A-Ano na ang gagawin namin kung wala na kaming tirahan?

"Pinuno! Kahit ako nalang! Huwag na ang mga kapatid ko! Ako nalang ang parusahan ninyo!" Sigaw ko rito pero parang wala lang siyang narinig at tumalikod ito sa amin.

"Huwag niyo po siyang parusahan! Kilala ko po siya! Hindi niya po iyon magagawa!" Gulat akong napalingon sa likuran nang makita ang kaniyang mukha na nagmamakaawa sa nakatatandang anghel. Natigilan doon ang aming pinuno at humarap sa babaeng mahal ko.

"Palabasin ang babaeng iyan, wala siyang permiso na pumasok sa konseho na hindi pinahihintulutan!" Seryosong turan ng pinuno na siyang ikinaba ko.

"Huwag niyo siyang gagalawin!" Sigaw ko pero ang mga kawal na anghel ay dinala ang babaeng mahal ko habang pumipiglas ito sa pagkakahawak nila. Kita ko ang butil ng mga luha sa kaniyang pisngi na siyang mas lalong nagpahina sa akin.

"Mahal!" Sigaw ko.

Ilang araw pa bago kami itapon sa lupa ay agad kong hinanap ang babaeng mahal ko pero ni kahit hibla ng kaniyang buhok ay hindi ko nakita. Kinabahan ako at natakot dahil sa posibleng ginawa ng mga kawal sa kaniya. Hinding-hindi ko sila mapapatawad kung may mangyaring masama sa mahal ko!

Napalingon ako sa mga kapatid ko na iyak ng iyak habang nakatingin sa akin. Parang piniga ang puso ko dahil sa kanilang madungis na itsura kaya walang pag-aalinlangan ko silang niyakap dalawa at hinalikan sa kani-kanilang noo.

"Magiging maayos din tayo. Babangon tayo at hahanap ng titirhan. Huwag kayong mag-alala, nandito lang si Kuya." Mahinang sabi ko sa kanila at sabay na hinaplos ng kanilang mga buhok gamit ang magkabila kong kamay. Napatingin ako sa kalangitan at hindi na napigilan pa ang luha na kanina pa nagbabadiya. Hindi ko alam kung paano ulit magsisimula kapag nasa lupa na kami ng mga halimaw, hindi ko alam kung paano ko bubuhayin ang mga kapatid ko! Pero bilang tumatayong Ama at Ina nila, kakayanin ko ang lahat! Mabubuhay kami!

Naiyak ako sa isiping nang dahil sa kapabayaan ko bilang anghel na tagabantay ng Diyosa, naapektuhan ang mga kapatid ko, ang buhay nila at ang magiging kinabukasan nila! Nang dahil sa pagiging iresponsable ko ay nasaktan ko ang babaeng mahal ko! Nang dahil sa akin ay bigla siyang naglaho!

**********

Napadilat ang mga mata ko dahil sa naalala at agad sinangga ang apoy niyang espada. Tinulak ko siya sa malakas na puwersa na siyang ikinalayo niya ng iilang distansiya mula sa akin. Tinignan ko siya sa mga mata at napagtantong hindi na nga siya ang babaeng minsan ko ng minahal. Hindi na siya ang babaeng kayang ibuwis ang buhay para lang hindi ako maparusahan, kami ng mga kapatid ko. Hindi na siya ang babaeng lage kong binibigyan ng mga prutas! At hindi na siya ang babaeng gusto kong makasama sa hinaharap!

Hindi ko siya hahayaang kunin ang buhay ko. Nangako ako sa Reyna, nangako ako kay Reyna Lara na magtatagumpay kami.

"Hindi na ikaw ang babaeng nakilala ko sa Elysium!" Sigaw ko sa kaniya at agad itong inatake gamit ang espada ko. Iwinasiwas ko ito sa kaniya pero sinangga lang niya ito gamit ng kaniyang apoy na sandata pero hindi ako nagpatalo at mas lalo pang idiniin ang pagkakahawak ko sa espada. Mas nilagyan ko pa ng lakas hanggang sa unti-unti siyang napapaluhod pero hindi ko inasahang sisipain niya ang tuhod ko na siyang ikinaatras ko malayo sa kaniya.

"Hindi ka na natuto." Seryoso nitong turan sa akin at sumugod na may dalawa na ngayong apoy na espada. Gumawa pa ako ng isang espada, ginaya siya at naghanda, sinangga ang mga atake niya hanggang sa walang gustong matalo sa aming dalawa.

"P-Paano mo nakayanang lumakas ng iilang araw lang? Sigurado akong p-pinatay ka na ng pinuno namin!" Sigaw nito na may halong pagtataka pero ngumisi lang ako sa kaniya at agad ibinato ang espada sa kaniya nang umatras ito ng ilang hakbang. Mabilis niya itong inilagan pero hindi niya nakita ang susunod kong atake. Huli na nang mapagtanto niya dahil natamaan na siya sa kaniyang kaliwang braso ng espada kong pabulusok na bumalik sa akin. Sinalo ko naman agad ang espada at hinarap siya.

Ni hindi ko nakikita ang pagsisisi sa kaniyang mga mata habang kinakalaban ako. Mukhang mali ata ako sa parteng umasa ako na mahal niya rin ako. Na may pagtingin din siya sa akin.

"Hinding-hindi ko sasayangin ulit ang pangalawang buhay na'to na ibinigay sa akin ng Reyna namin. At hinding-hindi ko sasayangin ang lakas na meron ako ngayon at hinding-hindi ko bibiguin ang Reyna Lara na ngayo'y nanghihina dahil sa kagagawan niyo!" Sigaw ko sa kaniya. Seryoso lang talaga siyang nakatingin sa aking mga mata, na parang may malalim na iniisip pero hindi ko naman kayang mabasa ang gusto niyang ipahiwatig gamit ang ekspresiyon niyang 'yan.

Nangako ako sa sarili ko noon na hinding-hindi ako mananakit ng babae dahil meron din akong mga kapatid na babae. Ayoko silang bigyan ng ideya na masama akong anghel kapag nakita nilang sinasaktan ko ang mga babaeng katulad nila! Pero kung ganitong klaseng sitwasiyon lang din naman, ang mapahamak kami sa kamay ng mga kababaihan ay hindi ako magdadalawang-isip na patahimikin sila. Kahit na ang babaeng kaharap ko ngayon ay ang mahal ko noon.

"Hinding-hindi namin kayo hahayaang maging matagumpay sa mga plano niyo. Mamamatay ulit kami bago niyo saktan ulit ang aming Reyna!"

Natigilan ako dahil sa biglaang pag-iba ng ihip ng hangin. Napatingin ako sa mga mata ni Heraphim na siyang mas lalong naging seryoso at malamig na nakatingin sa akin. Sa kanilang apat na mga babae, siya ang pinakamalakas kaya kahit ganito, kinakabahan pa rin ako dahil hindi din biro ang kakayahan niya bilang isang anghel ng apoy!

"Edi papatayin namin kayo ulit. Kasi hinding-hindi niyo rin naman kami mapipigilan, hinding-hindi niyo sila mapipigilan na patayin ang walang kwenta niyong Reyna dahil buo na ang kanilang desisyon." Diing saad nito na siyang ikinainis ko. Wala siyang karapatang sabihan ng walang-kuwenta ang Reyna namin dahil saksi ako sa mga naging napagdaanan nito. Binuhis niya ang buhay niya ng ilang beses para sa amin kaya hinding-hindi namin hahayaan na masaktan siya sa mga kamay nila ulit.

"Hindi ko aakalain na ang minsang babaeng minahal ko ay magiging kalaban ko. Masaya naman tayo noon diba? Pero alam kong kasalanan ko, naging pabaya ako sa trabaho ko at pati ikaw ay nadamay." Biglaan kong sabi at kitang-kita ko kung paano ito natigilan dahil sa narinig. Hindi siya nagsalita pero mas lalong nag-iba ang ihip ng hangin, uminit ito na para bang nakakapaso na ng kaunti!

"Wala akong pakialam sa pagmamahal mo." Hindi ko alam pero wala akong sakit na naramdaman sa sinabi niya. Parang isang ordinaryong insulto nalang ang pakiramdam pero hindi na ko nagsalita pa dahil sa biglang pag-iba ng kaniyang anyo. Lumiwanag ng kaunti sa kaniyang paligid at sa pagpikit ko ng sandali ay nakita ko na ang kakaiba niyang anyo.

Nag-aapoy ang mga pakpak niya ngayon mula sa dati nitong puting pakpak. Ang kaniyang buhok ay tila naging apoy dahil sa pagsabay nito sa daloy ng hangin. Mas lalong humaba ang kaniyang mga espada na gawa sa apoy na siyang mas lalong nagpalakas sa kaniya. Nag-iba ang kaniyang presensiya, mas naging malakas. Ang mga mata niya ngayon ay pulang-pula na parang kakulay ng dugo!

Huminga ako ng malalim at pumikit, naramdaman ko na naman ang pag-iba ng hangin dahil lumamig ito bigla at parang nilalabanan ang init ng hangin na nakapalibot sa amin. Nakaramdam ako ng malakas na enerhiya sa katawan ko na parang gusto nitong kumawala at hanggang sa pagdilat ko ay ang siyang paghangin ng malakas na halos tangayin ang mga nagliliyab na apoy sa kaniyang espada.

Napatingin ako sa mga mata niya, kahit malayo ay kitang-kita ko sa mga mata niya ang itsura ko ngayon. Nagbago ang kulay ng aking mga pakpak, naging ginto ito at mas lalong tumingkad ang kulay. Nakikita ko rin ang gintong 'halo' sa ibabaw ng aking ulohan, simbolo ng pagiging banal ko na anghel. Ang aking mga sandata na kanina ay gawa sa hangin, ngayon ay gawa na sa mga ginto.

Hinay-hinay akong tumingin sa kaniya at kita ko na ang paghahanda nito, naghanda rin ako para sa magiging malakas kong atake at ganoon din ang nababasa ko sa mga galaw niya. Mukhang nagpaplano rin siya ng malakas na atake, pero hindi ko 'yon iiwasan dahil sasabayan ko siya sa kagustuhan niya.

Ilang segundo ang lumipas hanggang sa sabay kaming umatake. Napakabilis ng mga pangyayari at nalampasan na namin ang isa't-isa habang hingal na hingal.

Napaluhod nalang ako sa lupa dahil sa hapdi na naramdaman ko sa aking tiyan at nakitang may malaking hiwa na ako doon. Umubo ako ng dugo sa lupa na siyang ikinaba ko pero hindi naman ganoon kalala ang sinapit ko. Napalingon ako sa likuran at nakita ang nakahiga ng katawan ni Heraphim sa lupa habang naliligo sa kaniyang sariling mga dugo. Nakita ko kung paano unti-unti naging normal ulit ang mga pakpak niya, ang kaniyang mga apoy na espada ay naglaho na rin kasabay ang mainit na ihip ng hangin.

Naglakas-loob akong lumapit sa kaniya na kahit kinakabahan at natatakot, sinuri ko pa rin ang kalagayan niya.

Hindi na siya humihinga.

Agad bumalik ang mga alaala naming dalawa noong nasa Elysium pa kami na siyang ikinatulo ng mga luha ko. Masakit, pero kailangan. Nakakapaghinayang ang lahat pero kailangan kong gawin ito para sa amin. Malaki na ang pinagbago simula noong hindi na kami nagkita, at mas lalong magbabago ang lahat dahil wala na siya at kailangan nang manahimik ng kaniyang labi.

"Mahal na mahal kita, Heraphim. Pero kailangan na nating magpaalam sa isa't-isa. Nagkatagpo man tayo noon sa tamang panahon, pero nagkita naman ulit tayo ngayon sa iyong maling desisyon. Paalam, Heraphim. Paalam sa'yo."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro