Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 50

Third Person




"Hugo!" Malakas na sigaw ni Lara habang nanlalaki ang mga matang nakatingin sa nagdurugong mga kamay ni Hugo. Unti-unting nanghina ang katawan ng lalaki habang unti-unti rin itong napapaluhod sa lupa na punong-puno ng niyebe.

Agad nataranta at nagsigawan ang ibang mga nilalang. Gustong-gusto nilang tumulong pero pinipigilan sila ng kani-kanilang isipan dahil nga sa takot na baka masali sila sa gulo. Ayaw nilang masali dahil nga sa karamihan sa kanila ay mahihina, ang iba naman ay bisita lamang galing sa ibang bansa at tanging gusto lamang ay ang makita ang mga niyebe sa Litrayad.

"Kung sino man ang gustong sumali sa gulo ay agad naming kikitilin ang buhay! Walang matitira sa inyo! Sige! Subukan niyong lahat makialam!" Sigaw ng pinakalider nila, lahat ay agad napaatras nang makitang lumiliwanag ang kaniyang hawak na espada.

"Isang Swordsman." Bulong ni Lara habang nanghihina na rin ang buo nitong katawan na siyang hindi parin niya maintindihan kung ano ang dahilan.

"Isang hangal! Isa kang hangal! Isang Prinsipe ang iyong sinaksak ng iyong espada!" Sigaw ng diwata sa kaniya na ngayo'y hingal na hingal habang nakatingin sa nakaluhod ngayong si Hugo. Nakangisi lang ang lider habang pinunasan ang kaniyang bibig na may bahid na ng dugo dahil sa pagbalibag sa kaniya kanina ni Lara.

"Wala akong pakialam! Wala akong pakialam sa kaniya dahil wla siyang kalaban-laban sa akin! Kung hindi lang sila nakialam, hindi sila hahantung sa ganiyan!" Malakas na sigaw ng lider habang ang mga kasamahan niya ay nakangisi lang na nililibot ang mga tingin sa paligid.

Lumapit si Lara sa nanghihina ngayong si Hugo, nanghihina rin itong nakatingin sa kaniya pabalik habang unti-unti nitong nasisilayan ang tipid nitong pagngiti.

"Maghintay ka, Hugo, gagamutin k-kita." Nanginginig na sambit ni Lara, itinapat nito ang kaniyang kamay sa kaniyang mga nagdurugong kamay pero agad itong kinabahan ng malala at nilukuban agad ito ng sobrang takot nang hindi gumagana ang kaniyang kapangyarihan.

"A-Anong nangyayari? Anong nangyayari?" Taranta nitong bulong sa sarili na siyang ikinangiti lang ni Hugo. Mas lalo siyang kinabahan nang mapansin niyang mas lalong nagdurugo ang kamay nito at napansin niyang parang may mga itim na 'tong kasama.

"H-Hayaan mo na, Lara. K-Kaya ko." Umiling lang si Lara sa sinabi ni Hugo.

"L-Lason?" Bulong ulit nito.

"Lara, kailangan mo ng makuha ang katawan mo." Nanlaki ang mga mata ni Lara nang biglang marinig ang nanghihinang boses ni Lethius.

"L-Lethius! Bakit ngayon ka lang? Ha? Bakit ngayon ka lang? At anong nangyayari sa akin? Sa katawan mo? Bakit hindi gumagana ang kapangyarihan ng katawang 'to?" Hindi na inalintana ni Lara kung sino man ang nakakarinig sa kaniyang malakas na sigaw habang kinakausap ang sarili. Mas hinigpitan pa lalo ni Lara ang pagkakahawak sa palapulsuhan ni Hugo para hindi kumalat ang mga lason galing sa pilak na patalim ng lider.

"L-Lara, nanghihina na ang kaluluwa ko, kailangan ko ng makabalik sa katawan na 'to. Kaya nawala ako ng ilang araw, d-dahil sobrang hina na ng enerhiya na meron ako kaya hindi na gumagana ang kapangyarihan ng katawang 'to!" Natigilan si Lara dahil sa tinuran ni Lethius, agad siyang nataranta at natakot. Ramdam niya ang panginginig at panghihina sa boses ni Lethius.

"P-Pero..."

"Lara, hindi mo na magagamit ang kapangyarihan na meron ang katawan na 'to lalo na't ang kapangyarihan ng totoong katawan mo ay nasa paligid lang. Tinatanggihan na ng enerhiya ng katawang 'to ang paggamit mo ng kapangyarihan ko dahil sa hinihila na ng totoo mong katawan ang kaluluwa mo! Kaya ka nanghihina dahil sa unti-unti ka ng tinatawag ng totoo mong katawan!" Mahaba nitong litaniya na siyang halos ikablangko na ng utak ni Lara. Nanginig ang mga labi niya at kahit nanginginig na ang mga kamay ni Lara ay nanatili siyang nakahawak ng mahigpit sa palapulsuhan ni Hugo na ngayo'y hinahabol na ang hangin para makahinga.

"Kailangan mo ng gawin ang tama, Lara. Nang mailigtas mo si Hugo!"

"Hulihin ang mga bandidong 'yan!" Lahat napalingon sa mga bagong dating, ang ibang mga nilalang ay agad nagalak dahil sa pamilyar sa kanila ang mga nilalang na ito na seryoso nang nakatingin sa mga bandido.

"A-Ang Snow Guild! Nandito ang Snow Guild! Pati na ang mga malalakas na miyembro ng Guild House nila!" Sigaw ng isa sa mga nilalang na nasa paligid lang habang napaatras ng kaunti ang mga bandido habang ramdam na ramdam nila ang galit ng mga nilalang.

"Dalhin si Prinsipe Hugo sa kastilyo! Kailangang malunasan agad ang lason na kumakalat sa katawan niya!" Rinig ng lahat na sigaw ng isa sa mga lalaki sa Snow Guild. Kitang-kita sa braso nito ang pagliwanag ng Guild Tattoo na hugis niyebe.


"P-Pero wala tayong manggagamot na kayang pagalingin ang lason galing sa mga pilak na sandata, Haroyo." Turan ng isang babaeng may makakapal na itim na kilay, may mahahabang pilikmata at natural na mapupulang labi. Ang matangos nitong ilong, depinang mga panga at ang singkit nitong mga asul na mata ang siyang mas lalong nagbigay sa kaniya ng kakaibang ganda lalo na nang hawiin ng malakas at malamig na hangin ang kaniyang mahabang itim na buhok.

Seryoso lang na tumingin sa kaniya ang lalaking tinawag nitong Haroyo na may matikas na pangangatawan at kitang-kita ng lahat kung gaano kasobrang puti ng lalaki. Ang mga mapupula nitong mata ay parang binabasa hindi lang ang pagkatao ng babae, kun'di parang ang kaluluwa rin nito. Napakatangos ng ilong na parang kinurba ng mga magigiting na Diyos, ang mga panga nitong nag-iigting dahil sa narinig mula sa babae at ang pula nitong buhok na siyang mas lalong nagbigay sa kaniya ng kaguwapuhang hindi pa nakikita ng lahat.

"Bibigyan lang ang Prinsipe ng lunas para hindi sakupin ang buo niyang katawan ng lason. Habang ginagawa 'yon, kailangan nating maghanap na kayang gamutin ang lason galing sa pilak na espada." Ramdam na ramdam ni Lara ang pag-aalala ng lalaking si Haroyo habang nakatingin na ito kay Hugo na ngayo'y namumutla na.

"Kayo na ang bahala diyan sa mga bandido." Seryosong utos ni Haroyo sa mga kasamahan niya na siya ring ikinatango nilang lahat.

Umalis sa harapan ni Lara ang isang babae na lumapit para tignan ang sugat ni Hugo hanggang sa lumapit si Haroyo para tignan ang kalagayan nito. Tumingin ito ng seryoso kay Lara.

"Akin na ang Prinsipe, ako ang magdadala sa kaniya sa kastilyo." Seryoso nitong sambit, walang nagawa si Lara at nanginginig nitong inabot ang kamay ni Hugo sa lalaki na walang pagdadalawang-isip.

"S-Sasama ako sa kastilyo!" Hindi na nagsalita si Haroyo at agad nang binuhat na walang kahirap-hirap ang katawan ni Hugo. Ni hindi na siya nito tinignan sa mga mata at sinagot pa.

Bago pa man makatayo si Lara ay bigla na lang itong napaluhod ulit sa lupa pero sa oras na 'to, ang babaeng tumingin kanina sa kalagayan ni Hugo ay tinulungan siya. Nanghihina niyang nilingon ang babae na ngayo'y nakangiti na sa kaniya ngayon. Kitang-kita niya kung paano kumislap ang magandang asul nitong mga mata habang hinahawi ng hangin ang maiksi nitong itim na buhok. May pagkakatulad sila ng mukha no'ng babaeng kausap ni Haroyo kanina.

"Batid kong gusto mong sumama sa kastilyo, tama? Tutulungan kita, ramdam kong nanghihina ang katawan mo. Bibigyan ka ng lunas upang bumalik ang iyong lakaw." Hindi na nakapagsalita si Lara dahil sa ubos na ubos na ang enerhiya ng katawan niya.

Alam niya sa sarili niya na hindi ni anong lunas ang kailangan niya, kun'di ang totoo niyang katawan mismo ang kasagutan ng lahat!

"Sumama ka na, Lara, k-kailangan mo ng makuha ang katawan mo!" Tumango na lang si Lara sa huling sinabi ni Lethius hanggang sa inalalayan na ito papatayo.

"I-Iligtas niyo ang diwata. Iligtas niyo siya." Bulong ni Lara na siyang ikinangiti't ikinatango ng babaeng tumutulong ngayon sa kaniya.

"Sina Ate Valliva na ang bahala sa kanila. Huwag kang mag-alala." Ngiting turan sa kaniya ng babae na siyang ikinahinga na lang ng malalim ni Lara at sabay tango.

Parang limang segundo lang ang dumaan nang na nasa harapan na sina Lara ng kastilyo. Halos mahilo siya dahil sa sobrang bilis ng takbo ng babae at ng lalaking karga-karga ngayon si Hugo. Kung hindi siya nagkakamali, mga Dracula ang mga lahi ng mga ito base na rin sa kani-kanilang presensiya na kagaya ng kaniya ina at ama.

Ilang segundo ang lumipas nang nasa harapan na sila ay hindi na nag-atubili pa o naghintay pa ng kung ano ang lalaki at agad ng pumasok sa loob ng kastilyo. Sumunod naman ang babaeng nakaalalay sa kaniya, nakahawak sa kaniyang mga kamay at minabuting hinawakan ng mabuti. Sumalubong kaagad ang Hari at Reyna na may sobrang pag-aalala na siyang ikinayuko ng babae at lalaki ng sabay bago humarap ulit sa mga may dugong bughaw.

"Lara anak! Hugo!" Malakas na sigaw ng Reyna at agad kinain ang kaunting distansiya nila ng lalaking nagngangalang Haroyo. Taka naman itong napalingon sa nanghihinang si Lara habang ang kasamahan naman nitong babae ay gano'n rin ang reaksiyon. Ang kani-kanilang mga Guild Tattoo ay hindi humihinto sa pagliwanag dahil sa nasa bingit ng kamatayan ngayon ang kanilang Prinsipe na siyang naglikha ng kanilang Guild House at ang siyang nagbigay sa kanila ng mga pangalan.

'Anak? Anak niya ang lalaking 'to? Paanong may anak ang Hari at Reyna na may kakaibang amoy at lahi? Nasisiguro akong hindi siya katulad naming mga Dracula!' Sa isipan ni Haroyo, gano'n din ang nasa isipan ng babae pero minabuti niya na munang mag-obserba lalo na't isa rin siya sa naguguluhan sa nangyari.

"Dalhin ang Prinsipe sa kaniyang silid! At tawagin lahat ng mga manggagamot!" Parang isang kulog ang malakas na pagsigaw ng Hari na siyang agad ikinatango ni Haroyo at walang anuma'y naglaho sa harapan nilang lahat.

Agad lumapit ang Hari sa Reyna at sabay nilang hinawakan ang kamay ni Lara. Umatras ang babae at yumuko sa kanila.

"K-Kailangan ko ng b-bawiin ang katawan ko... Mama, Papa. Kailangan ko ng bumalik sa katawan k-ko. Nanghihina na ang katawan ni Lethius, at hindi ko na rin magamit ang kapangyarihan ng katawang 'to kaya hindi ko nakayang gamutin si H-Hugo. Mama, Papa, dalhin niyo ako sa totoo kong katawan." Nanghihinang pagmamakaawa ni Lara na siyang agad na ikinatango ng mag-asawa na siyang alam nilang matagal na rin nilang hinihintay. Tumingin ang Hari sa mga kawal at tinanguan ito na siyang ikinatango rin agad ng mga kawal.

"Isarado ang buong kastilyo at panatilihing huwag buksan habang wala pang utos mula sa Hari at Reyna!" Malakas na sigaw sa isa sa mga kawal na siyang ikinatango ng lahat na kawal at agad nagmartsa ng mabilis papalayo. Nilingon ng Reyna ang babaeng nakaalalay kay Lara at tinanguan ito. Yumuko ang babae dahil agad niyang naintindihan ang gustong ipahiwatig ng kanilang Reyna at agad na hinawakan ang mga kamay ni Lara.

Hinawakan ng Hari ang kamay ng Reyna, at ang isa namang kamay ng Hari ay nakahawak sa balikat ni Lara. Ngumiti ang kasama nilang babae at agad pumikit, pinakiramdam niya ang buong paligid hanggang sa may kung anong enerhiya siyang naramdaman sa kaniyang kaloob-looban.

Pagdilat ng mga mata ng babae ay agad kinain ng saglit na liwanag ang Hari't Reyna, kasama siya at si Lara. Isang segundo ang makalipas ay agad nahinto ang lahat nang may malaking kristal na sumalubong sa kanila sa malamig na malamig na silid. Nagulantang ang babaeng kasama nila nang makitang may isang katawang nasa loob ng kristal na nakalutang. Namamangha itong pinapanuod kung paano kumislap at magningning ang bawat parte ng napakalaking kristal.

'Hindi ko alam na may ganito pala silang itinatago sa kastilyo.' Sa isipan ng babae habang nililibot ang tingin sa silid at habang unti-unting inoobserbahan ang malaking kristal.


'Teka, bakit kamukha niya ang lalaking hawak-hawak ko ang kamay? At tiyaka, ang lakas na 'to, hindi ito nanggagaling sa kristal! Mula ito sa katawan ng lalaki na nasa loob na kristal!' Sa isipan ulit ng babae, natigilan siya ng binawi ni Lara ang kaniyang kamay at hinay-hinay na pumunta papalapit sa malaking kristal kung saan kitang-kita ng dalawa niyang mga mata ang mahimbing ng pagkakatulog ng totoo niyang katawan!

Ramdam na ramdam ni Lara ang sobrang kaba, habang nanginginig nitong itinaas ang kaniyang kamay para abutin ang kristal. Kahit nanghihina ang mga tuhod nito ay nilabanan niya parin para lang makalapit sa katawan niya. Ramdam na ramdam niya ang pangungulila, na para bang hinihila ang buo niyang pagkatao ng kaniyang totoong katawan na nasa loob ng malaking kristal. May kung anong enerhiya na nakabalot sa katawan nito habang may kung anong enerhiya na pinipilit na ipagkaisa sila.

"L-Lara, oras na, oras na para makabalik na tayo ng tuluyan sa ating mga katawan. Oras na." Ramdam na ramdam na rin ni Lara ang sobrang panghihina sa boses ni Lethius na siyang ikinabuntong-hininga niya ng malalim.

Pumikit si Lara habang mabilis na tumitibok ang puso niya. Nilalabanan niya ang kaba at takot, ang nginig at sakit sa katawan. Nang idilat niya ang kaniyang mga mata ay seryoso nitong tinignan ang kristal at unti-unting hinawakan.

'Ano bang nangyayari?' Tanong sa isipan ng babae.

"Kinakabahan ako para sa anak natin, mahal. Paano kung... paano kung makalimutan niya ang mga memorya niya ngayon at bumalik sa dati ang lahat?" Nasasaktan na sabi ng Reyna sa kaniyang asawa, hinalikan siya ng Hari sa kaniyang noo at tinignan nila ang kanilang anak.

"Kailangan natin tanggapin ang lahat, mahal. Lalo na't alam natin na mangyayari at mangyayari ang mga bagay na 'to. Hinihintay lang natin ang tamang panahon at ang kaniyang tamang desisyon."

Bigla na lang nakarinig ang lahat ng unti-unting pagkabasag ng kristal nang tumapat ang mga palad ni Lara na siyang dahilan kung bakit napaatras ang lahat. Habang si Lara ay nanatili lang ang kaniyang mga kamay sa kristal na ngayo'y unti-unti ng nagliliwanag ang kabuuan nito.

"My real body, p-please don't take my new memories away. K-Keep them, especially my emotions." Bulong ni Lara sa sarili hanggang sa kinain ang buong silid ng sobrang liwanag na siyang ikinapikit nilang lahat. Dahil sa liwanag na 'yon, may kung anong malakas na enerhiya ang kumawala na siyang ikinatumba ng Reyna, Hari at ng babae sa sahig dahil sa pagkawalan ng balanse. Napaungol silang tatlo dahil sa nangyari.

Ilang segundo ang lumipas, unti-unting naglalaho ang liwanag, nawala na rin ang malakas na enerhiya na siyang umatake sa kanila at wala na rin ang napakalaking kristal.

Unang dumilat ang babae at sa pagdilat nito, agad siyang natuod sa kaniyang pagkakaupo sa sahig nang makitang may dalawang Lara na ang nasa harapan niya! Dalawang Lara ang nasa harapan niya pero magkaibang kapangyarihan at enerhiya!

Ang isang Lara na may damit ay nakahandusay na sa sahig habang wala ng malay, ang isa namang Lara na walang suot-suot sa buong katawan na tanging ang mga mahahabang buhok lang ang nakatabon dito ay malamig lang na nakatingin sa kaniya. Nagliliwanag ang mga berde nitong mga mata habang ang kaniyang buong katawan ay umaapaw sa enerhiya at kapangyarihan!

Huminga ito ng malalim na siyang ikinaba at ikinatakot ng malala ng babae, hanggang sa nasilayan na rin ng Hari at Reyna ang isa pang Lara at agad nilang naramdaman ang kakaibang enerhiya at malakas na kapangyarihan na nakabalot sa kabuuan nito.

"Kay ganda sa pakiramdam na makabalik ulit, sa aking totoong katawan."


********
A/N

If the pictures above are familiar to you, just imagine that it was part of the story. Especially to the other pic, just imagine that it was Lara na nasa loob ng kristal. Thank you!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro