Chapter 46
Zora
"Hindi magiging madali ang hinihiling mo pero hindi ko rin sinasabi na hindi mo makukuha ang iyong gusto. Ang kristal ng karagatan ang siyang nagbibigay kapangyarihan para malaman mo kung ano ang nangyari sa nakaraan at nagbibigay ng kapangyarihan at oportunidad upang makaya mong makabalik sa nakaraan. Pero matatagpuan mo lang ang kristal na 'yon sa dulong bahagi ng bansang 'to, kung saan napakaraming mga mababangis na rebelde na mga kapisanan na naninirahan doon."
Hindi na mawala sa isipan ko ang mahabang litaniya na 'yon galing sa Hari ng bansang 'to. Ni kahit anong gawin kong pagkalma sa sarili ko ay hindi ko magawa dahil sa mga bagay na gumugulo na ngayon sa isipan ko.
"Sinadiya nilang ilagay ang kristal ng karagatan sa kadulu-duluhan ng bansang 'to ay dahil sa alam ni Amang Hari na kayang-kaya 'yon protektahan ng mga rebelde. At hindi rin naman iyon magagalaw ng mga nilalang sapagkat ang kristal ay kumukuha ng maraming lakas sa gustong makita at pumunta sa nakaraan." Huminga ako ng malalim sa sinabi ni Reyna Sahaya, napatingala ako sa itaas ng karagatan kung saan hindi ko makita ang malaking araw. Walang araw sa karagatang 'to pero maliwanag na maliwanag at makulay na makulay pa rin ang buong paligid.
Kayang makita ni Astrum ang nakaraan at 'yon ang pinakamadaling paraan sana para malaman kung sino ang kumitil sa buhay ng ina ni Nyctimus. Pero hindi ko rin puwedeng ipahamak ang bata lalo na't nababawasan ang buhay niya kapag ginagamit niya ang kapangyarihan niyang 'yon. Delikado 'yon para sa kaniya, delikadong-delikado 'yon kaya mas minabuti namin ng asawa ko na pumunta mismo sa lugar na 'to.
Hindi ko naman alam na ganito pala kahirap at kadelikado ang malaman ang nakaraan. Akala ko no'ng una, ay kakayahan ni Deo ang malaman kung ano ang mga nangyari sa nakaraan pero tanging ang kaya niya lang palang gawin ay ang gabayan kami.
"Hindi ko alam na ganito pala kahirap sa bansang 'to, hindi ko alam na maraming batas ang naitala sa bansa niyo." Mahinang turan ko, napatingin ako kay Deo na ngayo'y mahimbing lang na natutulog sa kaniyang higaan. Halatang malungkot siya, halatang hindi niya nagustuhan ang anunsiyo ng Hari. Kahit ako rin naman, masakit para sa akin ang nangyari sa kaniya.
"Iyon ang dahilan kung bakit itinayo ko ang bansang Roha, Zora. Kasama ang namayapang asawa ko noon, masaya kaming itinayo ang Roha malayo sa bansang 'to." Natigilan ako dahil sa biglaang pagkuwento ni Reyna Sahaya. Hindi ko nga rin inaakala na sa lahat ba naman ng bansa ay dito pala siya galing?
Alam ko na noon pa na isa siyang sirena at namatayan siya ng asawa sa hindi ko malaman ang dahilan. Iyon lang ang alam ko tungkol sa kaniya.
"Tumakas kami rito dahil nga sa malupit na pagpapatakbo ni Amang Hari, ayoko sa pamamalakad niya at ayaw niya rin sa napili kong mapapangasawa. Hindi na ako nakatiis at nilangoy namin ng asawa ko ang kalaliman ng karagatang 'to hanggang sa maabot namin ang tanawin ng lupa. Napagpasiyahan naming dalawa na mamuhay at gumawa ng sariling bansa kung saan lahat ng mga nilalang ay puwedeng manirahan." Mahabang dagdag nito na siyang ikinangiti ko ng matipid.
Mabait si Reyna Sahaya, mabuti ang ginintuan niyang puso kaya hindi na ako nagtataka na maraming nilalang ang nirerespeto siya. Maliban sa napakaganda niyang mukha, ang personalidad niya ay ibang-iba rin sa mga nilalang. Mabait, maalagain, maaalalahanin at responsable.
"A-Anong ikinamatay ng inyong asawa, Reyna Sahaya? Kung ayos lang magtanong sa inyo ng ganitong klaseng tanong." Napansin kong natuod siya sa kaniyang kinakaupuan, napansin ko rin ang mabilis na pagdaan ng sakit sa kaniyang ekspresiyon. Akmang hihingi na sana ako ng tawad nang bigla na lang siyang ngumiti ng matamis.
"Namatay siya, namatay siya dahil sa pagpoprotekta sa akin. Ibinuwis niya ang kaniyang buhay para lang iligtas ako sa mga nilalang na ipinadala ni Amang Hari." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya at halos mahulog ang aking panga dahil sa narinig ko!
Pinatay ang asawa niya sa mga tauhan ng Hari? Ganoon siya kasama para gawin 'yon sa sarili niyang anak?
"P-Paumanhin, Reyna Sahaya." Mahinang paumanhin ko pero ngumiti lang siya sa akin ng matamis sabay iling.
"Ayos lang, masakit man pero kailangan kong tanggapin. Hinding-hindi ko siya makakalimutan, hinding-hindi siya mawawala sa isip at puso ko. At tiyaka para mas lalo kong maramdaman na nasa tabi ko lang siya, isinunod ko ang kaniyang pangalan sa anak naming lalaki... si Xalontt." Mahina at matamis nitong sambit sa akin. Ramdam ko sa boses niya ang saya nang sambitin niya ang pangalan ng kaniyang anak na siyang alam kong malaki na rin ngayon.
"P-Paano mo parin nasisikmura ang iyong Amang Hari, Reyna Sahaya? Ayokong magsalita ng masama sa kaniya pero, hindi maganda ang ginawa niya sa'yo lalo na sa namayapang asawa ninyo. Pinagkaitan ka ng kumpletong pamilya, pinagkaitan ang iyong anak ng isang ama at pinagkaitan kayong lahat ng isang makulay na buhay. Reyna Sahaya, p-papaano niyo parin nakukuhang makisalamuha sa inyong Amang Hari?" Tanong ko sa kaniya.
Kung ako 'yon, hindi ko alam kung anong magagawa ko at baka hindi ako makapagpigil at mapatay ko ang mga kadugo ko. Para sa akin, kahit pamilya ko sila, kung hahadlang sila sa kasiyahan ko ay hindi ako mag-aatubiling lumaban. Lalo na't nasa posisyon akong lumaban at may karapatan akong dapat ipaglaban!
"Zora, ayoko ng gulo. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo pero kailangan kong sumunod kay Amang Hari. Kailangan kong sundin ang gusto niya dahil kung hindi ko gagawin 'yon, mapapahamak si Ina." Mas lalo akong nalito sa sinabi niya at kasabay no'n ay ang pagkirot ng puso ko sa narinig ko. Hindi ko alam kung ano talaga ang ugali ng Hari pero base sa mga narinig ko kay Reyna Sahaya, masamang-masama nga talaga ito.
Nakaya nga niyang ipapatay ang asawa nito, kontrolin ang buhay ng sarili niyang anak, bihagin ang kaniyang ina, ano na lang kaya ang patalsikin si Deo sa bansa?
"A-Ang Reyna?"
"Hindi, Zora. Ang tunay kong ina ang tinutukoy ko, hindi ang babaeng kasama ni Amang Hari kahapon."
Ano?
"Ibig mong sabihin, ibang babae ang kasama niya kahapon? Asawa niya rin 'yon? T-Teka, nalilito ako Reyna Sahaya!" Huminga siya ng malalim at tinignan ako sa mga mata. Para akong nahipnotismo sa mga asul niyang mga mata na siyang ikinalunok ko dahil parang may kung anong mabigat siyang sasabihin sa akin.
"Si Ina ang siyang Reyna dito noon, siya ang minahal ng lahat. Pero nang malaman ni Amang Hari ang mabuting puso ni Ina sa ibang mga nilalang, pinarusahan niya ito at ikinulong. Ayaw ni Amang Hari ang mga mababait na kababaihan, ayaw na ayaw niya ang mga malalambot kaya gano'n kabigat ang parusa na ibinigay niya kay Ina. Ilang taon na rin ang nakakalipas kaya hanggang ngayon ay nando'n parin si Ina sa malaking selda." Natahimik ako sa ipinaliwanag sa akin ni Reyna Sahaya na para bang isang malaking kasalanan ang maging mabait!
"Kung napapansin mo, napakasamang babae kung tignan ang Reyna ngayon ng bansang 'to at ang iba pang mga kababaihan sa loob ng silid na 'yon. Ayaw na ayaw ni Amang Hari ang mabait, malambot at maaalalahanin kaya pinipilit ko ang sarili kong maging matapang sa harapan niya. Ikinulong niya ang Ina habang unti-unting binubura ang mga alaala sa mga nilalang kung gaano kabait at matulungin ang aking ina." Dagdag nito na siyang ikinahinga ko ng malalim. Grabe ang Hari ng Herozomia, parang may kung anong sakit sa pag-iisip ang ama ni Reyna Sahaya!
"Pumunta lang ako rito para sana bisitahin si Ina, pero nang makita kita rito ay agad na akong nag-alala. Zora, kailangan mong umalis kaagad pagkatapos mong kunin ang bolang kristal. Hanggang sa lalong madaling panahon!" Mahabang litaniya niya sa akin na siyang ikinaba ng puso ko kaagad. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa sinabi niya at parang nanginig ang mga tuhod ko dahil do'n.
"T-Teka Reyna Sahaya, kunin? Hindi ko kukunin ang kristal ng karagatan ng bansang 'to dahil h-hindi ko naman ito pagmamay-ari." Utal kong turan sa kaniya pero huminga lang ito ng malalim na siyang ipinagtaka ko ng kaunti.
"Nakaw lang ang kristal ng karagatan sa bansang 'to, Zora. At alam ko, alam ko Zora na kapag natagpuan mo na ang kristal na 'yon ay hindi ka hahayaan ni Ama na makatakas lang ng gano'n-gano'n lang. Simula nang itapak mo ang iyong mga paa sa bansang 'to na hindi binibigyan ng permiso, delikado na ang iyong buhay." Napalingon siya sa likuran ko kaya sinundan ko ang kaniyang mga tingin.
Agad akong kinabahan dahil sa sinabi ni Reyna Sahaya, kinabahan ako para kay Nyctimus. Paano kung hindi kami magtagumpay na malaman ang pagkamatay ng kaniyang Ina?
Mahimbing na natutulog si Nyctimus habang sumasabay sa alon ang mahaba nitong kulay kapeng buhok. Sinusundan ko ang paghinga ng kaniyang dibdib habang ang matikas nitong katawan ay tuod na nagpapahinga.
"Delikado kayo dito, Zora, kaya kailangan mong gawin ang misyon mo kaagad. Dalhin mo ang kristal ng karagatan sa nayon ninyo at doon niyo ipagpatuloy ang pagpaplanong malaman ang nakaraan. Gusto kitang tulungan, Zora, gustong-gusto ko. Pero kailangan kong iligtas ang Ina, sana maintindihan mo." Agad akong umiling sa sinabi ni Reyna Sahaya at hinarap siya. Kitang-kita sa mga mata niya ang lungkot.
Hinawakan ko ang mga kamay niya kahit alam kong wala akong karapatan. Pero ito lang ang tanging paraan na alam ko para malaman niyang naiintindihan ko ang mga sinabi niya.
"Huwag mo akong alalahanin, Reyna Sahaya. Kakayanin ko. At malaking-malaking tulong na sa akin ang mga impormasiyon na sinabi niyo, makakatulong iyon para sa amin ng asawa ko. Huwag kang mag-alala, Reyna Sahaya, gagawin ko lahat ang mga sinabi mo. Magtatagumpay ako at kukunin ko ang kristal ng karagatan." Lakas loob kong turan na siyang ikinatango ni Reyna Sahaya sa akin.
"Aasahan ko 'yan, Zora. Mag-iingat ka, mag-iingat kayo ng iyong asawa. At sa pagtagumpay mo sa misyon na ito, huwag na huwag ka ng babalik sa lugar na ito. Huwag na huwag kang babalik sa mapanlinlang na bansang 'to."
"Deo, handa na ako. Handa na akong lumusong papunta sa kadulu-duluhan ng bansang 'to para kunin ang kristal ng karagatan." Matapang kong harap kay Deo na ngayo'y nag-aalala na sa akin. Ngumiti lang ako sa kaniya ng tipid at hinawakan ang mga kamay niya.
"Bantayan mo si Nyctimus, bantayan mo ang iyong Panginoon... bantayan mo ang asawa ko." Dagdag ko.
"Pero Zora, kailangan kitang tulungan! Kailangan kitang tulungan para mapuksa ang mga kalaban! Hindi pupuwedeng ikaw lang ang susuong sa delikadong parte ng karagatang 'to!" Agad akong umiling sa sinabi niya at mas lalong tinitigan ang mga asul nitong mga mata. Tinuro ko si Nyctimus na siyang ikinatigil niya, hinay-hinay siyang lumingon sa asawa ko na siyang ikinaseryoso ng mga mata ko.
"Siya ang kailangan mong bantayan, Deo. Wala siyang malay, wala siyang lakas at hindi niya kayang lumaban. Kung hindi ko susundin ang sinabi ni Reyna Sahaya, lahat tayo ay mapapahamak dito." Natigilan siya sa sinabi ko at humarap ulit sa akin. Huminga siya ng malalim at tinignan ako ng maigi sa mga mata.
"Hindi ko alam kung paano kayo nagkakilala ni Prinsesa Sahaya pero sana nga ay matapos na 'to. Kung siya na nga mismo ang nag-utos at nagbigay ng mga salita sa'yo, hindi na ako kokontra pa." Alam kong nirerespeto nila si Reyna Sahaya lalo na't anak siya ng malupit na Hari na siyang nagpapatakbo ng bansang 'to.
"Delikado tayo Deo, sa pagtapak namin dito ay alam ko na talagang masasama ka sa problema namin. Kaya bilang kabayaran, iligtas mo na ang sarili mo at isama mo ang asawa ko. Hintayin niyo ako sa lupa, ako na ang bahala sa sarili ko dito." Kahit nagdadalawang-isip siya sa sinabi ko ay wala na siyang nagawa kun'di ang tumango. Alam niyang hindi siya mananalo sa akin at wala rin akong balak na magpatalo dahil alam ko sa sarili ko na kakayanin ko.
Para kay Nyctimus, para sa kalayaan niya mula sa nakaraan.
"Sasamahan ako ng mga kanang kamay ng Hari sa lagusan, ang mga nilalang na kasama natin sa silid ng pagpupulong kahapon. Sabi 'yon sa akin ni Reyna Sahaya, na narinig niyang ihahatid ako ng mga nilalang na 'yon."
"Zora! P-Paano kung mapahamak ka? Anong gagawin ko? A-At anong sasabihin ko kay Panginoon kapag gumising na siya?" Huminga lang ako ng malalim at ngumiti, kahit kinakabahan at natatakot ng kaunti ay dapat ko 'tong kaharapin. Kailangan ko 'tong tapusin.
"Alam kong delikado, at alam kong may plano silang lahat na masama sa akin. Pero huwag kang mag-alala, isa akong Dragon. Kung kakailanganin, lahat sila ay hindi ko pagbibigyang hawakan ako kapag may ginawa silang hindi masama sa akin. Lahat sila ay tutustahin ko." Tiyak kong turan sa kaniya pero ni hindi man lang nagbago ang kaniyang ekspresiyon sa sinabi ko. Mas hinigpitan ko na lamang ang pagkakahawak ko sa mga kamay niya.
"Kapag nagising na si Nyctimus... ang asawa ko, sabihin mo na lang muna sa kaniya na, mahal na mahal ko siya."
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro