Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 42

Zora






Bago pa man makalapit sa akin si Reyna Sahaya, agad na siyang hinila ng kaniyang Amang Hari na siyang ikinaba ko. Kumunot ang noo ni Reyna Sahaya habang nakatitig sa ama niya, habang ang Inang Reyna naman nito ay masama lang na nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman dahil sa pakikitungo nilang lahat sa akin. Lahat sila ay inis at galit.

Mukhang mahirap nga talaga silang pakiusapan lalo na't galit agad ang nangunguna sa mga puso nila. Tila nasarado ang utak nila dahil sa pagkainis nila sa akin, dahil sa presensiya ko at ng asawa ko sa bansa nila.

Dapat ko pa ba silang intindihin? Kasi kung ganito ang pakikitungo lagi nila sa akin, hindi ko alam kung makakayanan ko pang magpatuloy. Malambot lang ang puso ko, alam ni Nyctimus 'yon at kahit kaunting mga ganiyan lang na tingin nila ay nababahala na ako at nakakapag-isip na ng hindi maganda.

Pero kailangan kong kayanin, kailangan na kailangan kong kayanin.

"Ama, anong ginagawa mo? Bakit mo ako hinihila?" Dinig kong tanong ni Reyna Sahaya sa kaniyang ama, pero tinignan lang siya nito ng seryoso hanggang sa nakarating na silang dalawa sa kanilang mga upuan. Nasa pinakadulo at sa gitna nakapuwesto ang Hari, habang nasa kaliwang upuan naman si Reyna Sahaya. Ang kaniyang ina naman ay nakatayo lang sa kaliwang tabi ng Hari habang inoobserbahan ang buo kong katawan. Pino ang kaniyang mga galaw tila para bang binibilang niya bawat galaw ng katawan niya.

"Nandito na ang nilalang na hindi nanghingi ng permiso, Mahal na Hari at Reyna. Isang kahangalan ang pumasok dito sa ating bansa kaya kailangan nilang maparusahan ng kaniyang asawang taong lobo." Napalingon ako sa babaeng may mahabang itim na kulot na buhok na hanggang baywang, nakatingin siya sa akin na para bang nandidiri.

"Asawa? Akala ko ba ay lalaki ang taong lobo na iyon?" Sopistikadang tanong ng Reyna habang ang mga mata nito ay nananatili lang sa akin. Lumingon ako kay Reyna Sahaya at binigyan ng klaseng tingin na parang nagmamakaawa na tulungan ako sa sitwasiyon na 'to.

"Isa siyang bearer, mahal na Hari at Reyna. Nilalang na lalaking kayang magdalang-tao." Sagot naman ng isa pang babae na may itim rin na buhok, pero hanggang balikat lang ang haba nito na siyang ikinahinga ko ng malalim.

"Anong ginagawa niyo? Bakit ganiyan kayo makaasta?" Napalingon ang lahat kay Reyna Sahaya dahil sa takang tanong nito, ang mga ibang panauhin sa loob ay parang binigyan siya ng tingin na para bang bakit pa tinatanong ni Reyna Sahaya ang sobrang halatang bagay?

"He went inside the country without being permitted, Princess Sahaya. And it's against the rules of our country, it's against Herozomia's regulations." Isa pang babae na may mahabang buhok na halos abutin na ang sahig dahil sa haba. Puti ang kulay nito at parang nagniningning kung titignan. Ang buhok niya ay parang kasing puti ng kaniyang maputing balat.

At tama siya, hindi kami nakahingi ng permiso para makapasok.

"Kilala ko siya, kaibigan ko siya, at mabait si Zora. Bakit parang kung makatingin kayo ay malaking-malaki ang kasalanan na nagawa niya?" Tumingin sa akin si Reyna Sahaya hanggang sa dumapo ang kaniyang mga mata kay Deo na nakayuko lang. Naawa ako bigla sa kaniya dahil alam kong may parte na sinisisi niya rin ang sarili niya kung bakit umabot ang lahat sa ganito.

"Isang Charybdis, pero kakaiba ang lakas at enerhiya niya kumpara sa iba pa niyang lahi. Nabigyan ba siya ng pangalan?" Dagdag na turan ni Reyna Sahaya, unti-unting umangat ang mukha ni Deo at hinarap ang Prinsesa ng Herozomia.

"N-Nabigyan ako ng pangalan, Prinsesa Sahaya. Nabigyan ako ng pangalan ng aking Panginoong Nyctimus." Sagot sa kaniya kaagad ni Deo na siyang ikinataka ng lahat dito sa loob ng silid maliban na lang sa amin ni Reyna Sahaya.

Matagal-tagal mula noong huli ko siyang nakita, ang araw na 'yon ay no'ng tinulungan nila ni Reyna Dianara na maging matatag si Lara no'ng hindi pa bumabalik si Ruthven sa kaniya.

"Panginoon?" Takang tanong ulit ni Reyna Sahaya, tumango si Deo.

"May sang-usapan ang mga taong lobo na may kakayahang magmanipula ng tubig at ang mga Charybdis. Napagkasunduan naming lahat na mga Charybdis na paunlakan ang mga taong lobo na maging kakampi nila sa lahat man ng bagay o sakuna. Pero tanging si Panginoong Nyctimus lang ang may malakas na kapangyarihan at enerhiya bilang taong lobo na may kakayahang magmanipula ng tubig ang kaya kaming tawagin... at ako ang naatasan sa kaniya." Mahabang paliwanag ni Deo na siyang ikinatahimik ng lahat.

"Reyna Sahaya, ang asawa ko rin ang nagbigay sa kaniya ng pangalan. Itinaya niya ang buhay at lakas niya para lang makapasok dito sa bansa ng Herozomia para malaman kung sino ang pumatay sa kaniyang ina." Agad kong segunda, tumingin na naman ulit sa akin ang lahat dahil sa sinabi ko. Bigla akong nahiya pero nilabanan ko na lamang ang kahihiyan na nararamdaman ko ngayon dahil wala akong ibang magagawa kun'di ang harapin sila.

Para 'to sa asawa ko, para rin 'to sa magiging tahimik naming buhay at sa kalayaan niya mula sa nakaraan.

"Tinawag niyang Reyna ang Prinsesa, alam niyang may sarili itong bansa?" Dinig kong sambit ng isa sa mga panauhin na hindi ko na lang nilingon.

"At anong kinalaman ng bansa namin sa pagkamatay ng kaniyang ina, Dragon?" Sabat ng isang lalaking may itim na buhok, may matikas na pangangatawan at napakatangkad kung tignan. Malakas siya, alam ko na 'yon, pero hindi ko lang batid kung nong klase siyang nilalang.

"B-Batid kong may kayamanan kayong kayang balikan at alamin ang nakaraan kapag hinawakan iyon. G-Gusto ko sanang... gusto ko sanang mapaunlakan ninyo ang aking asawa lalo na't nakakulong pa rin siya sa kaniyang nakaraan. At tiyaka si Deo, ang Charybdis na ito, ay walang kasalanan. Kami ang nagpumilit." Walang ni isa sa kanila ang nagsalita, na pati ang mga kamahalan ay mataman lang na nakikinig sa mga sinasabi ko.

Napahinga ako ng malalim at hindi ko alam kung ilang beses na akong napapabuntong-hininga sa harapan nila.

"Gusto lang tumulong ni Deo dahil sa ginintuan niyang puso, at hindi 'yon dahil sa responsibilidad niya bilang kasangga ng asawa ko sa lahat ng mga bagay. At paumanhin man kung nainsulto namin kayong lahat dahil sa biglaan naming pagpasok dito, paumanhin. G-Gusto ko lang talaga tulungan ang asawa ko, gusto ko na siyang makalaya at nang maging masaya na kami kasama ang anak namin." Dagdag ko, tumulo ang luha ko na kanina pang nagbabadiya. Hinayaan ko itong tumulo hanggang sa pisngi ko para makita nila kung gaano ako katotoo sa sarili at sa kanila!

"M-May anak ka na, Zora? T-Talaga?" Tumango ako sa sinabi niya at ngumiti ng matipid. Batid kong may anak na rin siya dahil mas nauna siya sa aking nabuntis, no'ng bumisita ako sa bansa ng Roha ay nagdadalang-tao na siya sa mga panahong 'yon.

"Ozarus, Ozarus ang kaniyang ngalan." Tipid kong sagot.

"Hindi! Hindi maaari! Kailangan parin natin maparusahan ang mga nilalang na 'yan, lalo na ang Charybdis na ito!" Turo ng isa pang lalaki na puti ang buhok, hindi nababagay ang kulay nito sa maitim nitong balat pero mapapansin mong siya ang may pinakamalaki at pinakamatikas na katawan sa lahat rito.

"Ano ba, Zamor? Hindi ka ba nakikinig?" Biglang sigaw ni Reyna Sahaya na siyang ikinatigil ng lalaki.

"Pero Prinsesa, nasa batas 'yon ng ating bansa." Sabat ng lalaking may itim na buhok.

"Galdejo is right, we have to follow the rules, Princess Sahaya. It's King's rules." Sabat ulit ng babaeng puti ang kulay ng napakahabang buhok. Napailing na lang si Reyna Sahaya at tumingin sa kaniyang Amang Hari.

Mukhang mabigat para kay Reyna Sahaya ang responsibilidad niya lalo na't may bansa siyang pinoprotektahan at inaalagaan. Tapos isa pa siyang Prinsesa sa bansang 'to, ako ang napapagod sa kaniya pero alam kong malakas at kayang-kaya niya ang lahat. Nakakamangha ang pagiging pagkapursigido niya bilang isang babae.

"Ama." Tawag sa kaniya ni Reyna Sahaya, seryoso lang akong tinignan ng Hari habang ang Reyna naman ay mukhang unti-unti ng nagbabago ang ekspresiyon habang nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung tama ba ang pagkakabasa ko sa ekspresiyon niya na parang namamangha pero naaawa sa akin

"Pauunlakan ko ang kagustuhan ng Dragon mong kaibigan, Sahaya. Pauunlakan ko siya lalo na't kaibigan mo pala ito. Ngayon ko lang nalaman na may kaibigan ka na, kaya masaya ako kahit kaunti. Batid mo kung ano ang batas dito kaya hindi ko dapat hinahayaan ang mga ganitong sitwasiyon ng gano'n-gano'n lang." Para akong binunutan ng tinik sa katawan dahil sa sinabi ng Hari! Halos tumalon ako sa tuwa dahil sa narinig ko habang taliwas naman ang mga reaksiyon ng ibang mga panauhin sa loob ng silid.

"Mahal na Hari!" Sigaw ng babaeng may puting buhok.

"Tumigil ka na, Ilaya, desisyon 'yan ng Hari. Huwag ka ng kumontra pa." Turan ng babaeng may maiksing buhok.

"Are you really okay with it, Sav? How about you, Jiama? Okay lang sa inyo?" Tanong niya sa dalawang babae na may mga itim na kulay ng buhok. Hindi sila nagsalita at lumihis na lamang ng tingin.

"Pero..." Lahat kami napatingin ulit sa Hari dahil sa pagsalita nito ulit.

"Kailangan kong parusahan ang Charybdis na 'yan, lalo na't hindi siya nagpaalam sa akin bilang Hari na may isasama siya sa ating bansa. Alam niya ang batas, alam na alam niya kaya kailangan niyang harapin ang parusa." Ang kanina'y tuwa ay biglang natigil, kasabay no'n ay ang paghinto ng pagtibok ng puso ko dahil sa sinabi ng Hari kaya agad akong napalingon sa direksiyon ni Deo. Kitang-kita ko ang gulat sa mga mata niya at pansin na pansin ko na parang natuod siya sa kaniya kinakatayuan. Unti-unti siyang lumingon sa akin at binigyan ako ng matamis na ngiti na siyang ikinakirot ng puso ko!

Bakit?

"Ama! Wala siyang kasalanan!" Protesta ni Reyna Sahaya pero parang walang narinig ang Hari!

"T-Tama, mahal na Hari! Wala siyang kasalanan! Kami ang nagpumilit! Ako!" Pero kahit anong laban namin ni Reyna Sahaya ay umiling lang ang Hari.

"Pinal na ang desisyon ko, at ang desisyon na 'yon ay ang pakawalan siya. Hindi na siya kabilang sa bansang 'to. Ang parusa niya ay siyang paglisan ng bansang Herozomia." Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ng Hari at nagulantang... napatakip ako sa bibig ko dahil sa narinig ko mula sa kaniyang mga bibig! Nanghina ang mga tuhod ko at nanginig ang mga labi ko, bigla akong kinabahan pa lalo at nataranta dahil sa sinabi niya!

"Nagmamakaawa po ako! Huwag niyo po siyang parusahan!" Sigaw ko ulit at dinig na dinig 'yon sa buong silid. Wala na akong pakialam kung parang baliw akong nagmamakaawa ngayon pero wala akong ibang alam na paraan para pigilan ang parusa niya!

"Huwag mong sigawan ang aming Hari!" Hindi ako natinag at nakatitig lang ako sa mga mata ng Hari. Ang kaniyang seryosong mga asul na mata ay nilalabanan lang rin ang paninitig ko.

"Pumili ka Dragon, ang tulungan ang iyong asawa na makuha ang kasagutan kung sino ang pumatay sa kaniya o iligtas ang Charybdis para mapanatili siya dito?" Napaatras ako ng kaunti dahil sa sinabi ng Hari at hindi ako makapaniwala dahil nagamit niya ang mga salitang 'yon laban sa akin! Agad nablangko ang utak ko dahil sa pagpapapili niya sa akin na siyang ikinahina ng puso at katawan ko lalo.

"M-Maawa po kayo." Halos bulong kong sambit hanggang sa napaluhod na lang ako sa sahig.

"Ama!" Sigaw ni Reyna Sahaya pero hindi siya dinapuan ng tingin ng kaniyang ama na siyang mas lalong nagpagulo sa akin.

"Z-Zora, ayos lang ako. T-Tulungan mo ang iyong asawa, tulungan mo si Panginoong Nyctimus." Nangilid pa lalo ang luha ko dahil sa malambot na pagkakasabing 'yon ni Deo kaya napalingon ako sa kaniya. Kitang-kita ko ang sakit sa mga mata niya na siyang mas lalong pumiga sa puso ko!

"D-Deo, paano ka? Ayokong mawalan ka ng tirahan!" Turan ko sa kaniya pero umiling lang siya sa akin.

"K-Kakayanin ko." Maikli niyang sagot, napakuyom ang mga kamao ko dahil sa nasasaktan nitong pagkakasabi.

Tumayo ako kahit nanghihina at hinarap ang Hari. Agad akong naghanda nang may mapagtanto ako, hindi ko alam pero bigla na lang akong ngumiti ng tipid. Nilakasan ko ang loob ko, nilakasan ko ang puso ko at matapang na hinarap ang lahat.

"S-Sige tatanggapin ko, tutulungan ko ang asawa ko. Pipiliin ko ang asawa ko." Ngumisi ang Hari sa sinabi ko, ang iba namang panauhin ay naiiling na lang habang nakangisi rin katulad ng ama ni Reyna Sahaya. Ang Reyna naman ay tahimik lang na nagmamasid sa akin, na para bang naghihintay siya sa susunod kong gagawin.

"Magaling ang iyong desisyon. Mautak." Nagngitngit ang mga ngipin ko dahil sa sinagot ng Hari.

"Z-Zora." Rinig kong tawag sa akin ni Reyna Sahaya pero hindi ko siya nilingon at nanatili lang ang mga titig ko sa kaniyang ama.

"Kung gano'n, maghanda ka na Charybdis, o Deo? Tama ba? Maghanda ka na, dahil simula ngayon ay wala ka ng tirahan dito sa Herozomia. Ikaw ay hindi na kabilang sa aming bansa, at parte ng karagatang ito." Turan no'ng Zamor na siyang ikinainis ko lalo. Hinding-hindi ko kakalimutan ang mukha niya, hinding-hindi ko siya makakalimutan.

"H-Handa na ako." Sagot naman ni Deo, napailing na lang ako at lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang kamay niya na siyang ikinagulat niya ng bahagya. Tumingin siya sa mga mata ko na siyang nagpangiti sa akin. Nagtaka siya sa reaksiyon ko, at sa paglapit ko sa kaniya. At mas lalong siyang natuod dahil sa pagkakahawak ko sa kanan niyang kamay.

Buong tapang kong hinarap ang Hari na ngayo'y nakangisi parin. Bumuntong-hininga na lamang ako at nagsalita.

"Kung papakawalan niyo siya sa bansang ito, kung hindi niyo na siya ituturing na taga rito, ayos lang." Kunot noo akong tinignan ng lahat habang ang ngisi ng Hari ay unti-unti ng naglalaho na siyang ikinangiti ko na lang ng matamis.

"Ako, ako ang kukupkop sa kaniya. Kaming mga taga Mystic Emerald, kami ang magiging bago niyang pamilya." Dagdag ko. Tuluyan ng nawala ang ngisi sa mga labi ng Hari, habang ang iba naman ay natatawa lang dahil sa sinabi ko. Lumingon ako kay Reyna Sahaya na ngayo'y nakangiti na sa akin, ngumiti rin ako sa kaniya pabalik at sabay kaming tumango sa isa't isa.

"Tonto! Hindi mo magagawa 'yon dahil isa ka lang hamak na Dragon na walang tamang lugar na tinutuluyan! Paano kayo mabubuhay, aber?" Sigaw ni Zamor, nagbago bigla ang timpla ko dahil sa nakakairita niyang boses.

"Tumahimik ka, hindi kita kausap. Huwag kang sabat ng sabat dahil hindi mo ako kilala. At tiyaka, baka nakakalimutan mong isa parin akong Dragon? At para malaman mo, hindi lang ako ordinaryong Dragon lamang, lalaki. Kaya kong gayahin lahat ng kapangyarihan ng mga Dragon, at kaya kitang kainin ng buo sa halimaw kong anyo." Lahat natigilan sa sinabi ko na siyang ikinaginhawa ng puso ko. Agad akong nakuntento dahil sa mga takot na nila ngayong reaksiyon habang si Zamor ay nag-iigting na ang mga pangang nakatingin sa akin.

Para silang nahinto at kinabahan dahil sa sinabi ko, at alam kong, hindi pagbabanta ang mga salitang 'yon.

Kala mo ah.

Humarap ulit ako sa Hari, at kay Reyna Sahaya. Nakangiti parin siya sa akin ngayon. Tumingin naman ako kay Deo na ngayo'y nakatingin din sa akin na parang hindi siya naniniwala sa sinabi ko. Binitawan ko ang kamay niya at hinawakan ang balikat niya, pagkatapos no'n ay humarap ulit ako sa Hari na hindi na matimpla ang mukha.

"Mabait ang Reyna sa lupain namin, pati na ang Hari at ang mga kaibigan kong mga nilalang. Malalakas din sila, katulad ninyo. Saksi si Reyna Sahaya do'n dahil minsan na rin siyang bumisita sa aming lupain." Walang may balak magsalita dahil sa sinabi ko na siyang ikinailing ko na lang.

Huminga ako ng malalim at ngumiti ng matamis.

"Kukupkupin namin si Deo, tutal ay naninilbihan na siya ngayon sa asawa ko, mas maganda kung sasama siya sa amin. At huwag niyo na sanang bawiin ang inyong sinabi kamahalan, dahil insulto 'yon sa inyong titulo bilang Hari." Ngiti kong sabi.

"Ngayon, magpatuloy na tayo sa kailangan namin at nang makaalis na rin kami sa bansang 'to."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro