Chapter 41
Zora
Hanggang ngayon, hindi pa rin talaga ako makapaniwala na nasa ilalim ako ng karagatan. Pinapalibutan ng mga naglalakihang kabibe, mga iba't ibang kulay na mga lamang dagat at mga malalakas na nilalang. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na nakasalamuha ko ang mga nilalang na kakaiba, na hindi ko pa batid ang ibang mga lahi.
Ang maganda kasi, kapag isa kang halimaw at nabigyan ka ng pangalan ay may kakayahan ka ng maging anyong tao. Kaya mo ng magpalit-palit ng anyo kapag may malakas rin na nilalang ang nagpangalan sa'yo. Kaya nga ang karamihan na nilalang ay hindi na pinipiling magkaroon ng pangalan dahil delikado, at ang ibang nilalang naman ay piniling huwag na rin magbigay ng mga pangalan dahil sa puwede silang manghina... o kung hindi talaga kakayanin, puwede silang bawian ng buhay.
Napalingon ako sa asawa kong mahimbing na natutulog. Napangiti ako nang makitang bumabalik-balik na ang kulay ng kaniyang balat at nararamdaman ko na rin na unti-unti niya ng nakukuha ang kaniyang lakas. Isa rin ako sa kinabahan dahil alam ko kung gaano kalakas ang kapangyarihan at enerhiya ng isang Charybdis, na parang lumelebel na rin naming mga Dragon kaya malaking enerhiya talaga ang mawawala.
Pero dahil sa kapangyarihan ni Lara, alam kong masusuportahan nito ang katawan ni Nyctimus lalo na't nag-ensayo rin ito para mas maging malakas at maging matatag.
"Gumising ka na mahal, kailangan mo ng malaman ang katotohanan." Bulong ko sa kaniya gamit ang mahinhin kong boses. Hinaplos ko ang guwapo niyang mukha hanggang sa napunta ito sa kaniyang buhok at inayos ito. Napangiti ako ng matamis dahil sa may itsura talaga ang asawa ko. Napatingin ako sa natural na mapupulang labi nito hanggang sa katawan nitong matikas.
Guwapo!
"Hanggang ngayon, hindi parin talaga ako makapaniwala mahal, na ako ang pinili mo maging katuwang sa buhay. Masaya ako dahil, minahal mo ako at hindi mo ako ikinahiya kahit isa akong lalaki na may pusong babae." Turan ko sa kaniya, hinaplos ko ang labi niya na siyang nagpatibok ng puso ko ng mabilis. Parang napaso ang mga kamay ko dahil sa ginawa kong 'yon at parang libu-libong boltahe ang gumapang sa buo kong katawan pagkatapos.
Hanggang ngayon, nararamdaman ko pa rin ang kilig kahit napakatagal na namin.
Bigla ko na lang naalala kung gaano ako kabaliw sa kaniya at gaano ako nasaktan sa mga sinabi niya sa'kin noon... na ayaw niya sa mga katulad kong bakla, at ang magugustuhan lamang niya ay mga kababaihan. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa mga oras na 'yon, hindi ko alam kung anong gagawin ko nang malaman mula sa kaniya na ayaw niya sa'kin.
Napangiti na lang ako, dahil sa dulo pala, ako parin ang nagustuhan niya. Ako parin ang nakatuluyan niya at siya parin ang naging ama ng anak namin. Wala akong pinagsisihan, at alam ng may kapal 'yon.
"Mahal kita, mahal. Mahal na mahal. Gagawin ko ang lahat para mabigay sa'yo ang lahat, gagawin ko ang lahat para lang maging masaya ka. Mahal, hindi ko hahayaan na ikaw lang ang mag-aalaga sa akin habang-buhay, hindi ko hahayaan na ikaw lang ang maghihirap para lang patagalin ang pagmamahalan nating dalawa." Litaniya ko, hindi ko namalayan na may luha na palang tumulo galing sa mga mata ko.
"Kahit hindi ako babae at kahit hindi ako ang pangarap mo no'n, gagawin ko ang lahat para lang mapunan ang kailangan ng relasiyon natin. Kahit hindi ako babae, gagawin ko ang lahat para maramdaman mo ang pagmamahal ko na mas dakila pa sa pagmamahal ng mga kababaihan." Dagdag ko at hinawakan ang mga kamay niya. Ngiti ko siyang hinalikan sa kaniyang labi at niyakap.
"Zora." Napalingon ako sa tumawag sa pangalan ko, tumayo ako sa kama at hinarap si Deo na seryosong nakatitig sa'kin.
"Kailangan mong sumama sa'kin, kailangan mong harapin ang Reyna at Hari ng Herozomia." Agad akong kinabahan dahil sa sinabi ni Deo at parang nanginig na lang bigla ang tuhod ko sa hindi malaman ang dahilan. Siguro ata ay dahil sa takot, na baka hindi malaman ng asawa ko kung sino ang pumatay sa kaniyang ina. At baka ayaw ng mga taga rito ang mga presensiya namin.
"K-Kakausapin ba nila ako? Ahm, ayaw ba nilang nandito kami?" Kaba kong tanong sa kaniya, huminga lang ng malalim si Deo na siyang ikinaba ko lalo. Mukhang hindi talaga naging maganda ang lahat, at mukhang nasali rin si Deo sa problema.
"Hindi ko alam, Zora, pero ang alam ko ay gusto ka nilang kausapin. Nakapagpaliwanag na ako sa parte ko pero mas gusto nilang ikaw mismo ang magsalita... galing mismo sa'yo. Tulog pa si Panginoong Nyctimus, kaya ikaw na muna ang papalit sa kaniya para ipaliwanag ang pagpunta niyo rito." Litaniya niya na siyang ikinahinga ko ng malalim.
Hindi puwedeng hintayin namin ang asawa ko na magising dahil alam kong hindi agad maipapasok sa utak niya ang mga nangyari papunta namin dito. At hindi ko rin siya puwedeng gisingin dahil nanghihina pa ang katawan niya... kakabalik palang ng kulay ng katawan at ng labi niya ngayon.
"Sige sasama ako sa'yo, handa akong ipaliwanag sa kanila ang lahat. Handa akong harapin sila." Ngumiti si Deo ng tipid na siyang ikinatango ko.
"Patawad Deo kung nasali ka sa problema namin, patawarin mo sana si Nyctimus. Alam mong gusto na gusto niyang malaman kung sino ang pumaslang sa kaniyang ina, kaya rin ako nandito para samahan at suportahan siya sa gusto niya." Dagdag ko habang parang hinahabol ang hangin dahil sa mabilis kong pagkakabigkas sa mga salitang 'yon.
"Naiintindihan ko, Zora... sobrang naiintindihan ko. At sana, maintindihan ka rin nila. Sana maintindihan nila ang parte ninyong dalawa ng Panginoon."
Alam kong hindi magiging madali lalo na't sarado ang mga mata't isip ng karamihan dahil nga sa batas nilang hindi agad nagpapapasok ng kung sinu-sino. Alam kong may problema rin si Deo, dahil siya ang nagpapasok sa amin dito. Pero handa ako, handa ako na harapin sila na may buong tapang.
Lumabas kami ni Deo sa tirahan niya at tinahak ang daan kung saan napakaraming nilalang ngayon na nagsisiyahan. Ang iba ay masayang nagkukuwentuhan at kumakain ng mga hindi ko alam na pagkain, ang iba naman ay napapansin ko pa rin na napapatingin sa gawi ko.
"Huwag mo sila pansinin, tulad ng ginawa mo kahapon. Kapag titingin ka sa kanila, mas lalo lang silang maiirita, at mas lalo silang magtataka." Tumingin na lang ako sa harapan dahil sa sinabi ni Deo. Para akong nanliit sa sarili ko nang marinig ko 'yon mula sa kaniya. Mukhang naiirita na pala ang iba sa presensiya ko, nakakahiya naman pala.
Ilang minuto ang lumipas hanggang sa kitang-kita ko na ang napakalaking kastilyo nila! Napakalaki, napakalapad at masasabi kong malaki talaga ang espasyo ng kastilyo nila. Mula sa kinakatayuan ko ay kitang-kita ko na ang ibang mga nilalang na nakabantay sa malaking pinto ng kastilyo, kastilyo na gawa sa matigas at matibay na malalaking bato.
"Kinakabahan ako, Deo." Bulong ko sa kaniya.
"Alam ko, natural ang nararamdaman mong 'yan. Pero wala tayong magagawa kun'di ang harapin sila." Kinakabahan akong tumango sa sinabi niya. Tama siya, wala kaming magagawa kun'di ang harapin ang mga nakakataas sa bansang 'to lalo na't wala silang kaalam-alam na nakapasok kami ng asawa ko. Alam kong hindi sila sang-ayon, at alam kong may kasalanan rin kami dahil sa mukhang napilit namin si Deo na dalhin kami na hindi siya nakakapaghingi ng tamang permiso.
"Ihanda mo na sarili mo, Zora, dahil sa pagpasok natin diyan ay maririnig mo ang mga bagay na hindi mo dapat marinig. Mga insultong salita at masasakit na pakikitungo." Huminga ako ng malalim at nakitang may usok pang lumabas sa bibig ko. Hindi ko rin namalayan na unti-unti na palang lumalamig ang buong paligid. Napaisip ako kaagad kung ang lamig ba ng karagatan ang nagpapalamig o ang panlalamig ng buo kong katawan dahil sa kaba at takot?
Hindi na lang ako nagsalita pa dahil sa hindi ko na alam kung anong sasabihin ko. Parang bigla na lang naging blangko ang utak ko at parang hindi na ako makapag-isip ng tama.
Huminga ako ng malalim.
Para kay Nyctimus, para sa asawa ko. Para sa katahimikan niya... para sa katahimikan ng pamilya namin.
Ilang minuto ay mas lalo pa akong nilukuban ng takot at kaba nang makapasok kami sa kastilyo at ramdam na ramdam ko ang masamang tingin galing sa mga kawal. Kinabahan ako lalo nang makita ang mga serbedora nila ay gano'n rin ang mga paninitig na ibinibigay nila sa akin. Napalunok na lang ako dahil do'n.
Unang beses kong naramdaman ang ganitong klaseng kaba na para bang luluwa na ang halimaw kong puso. Unang beses kong makaramdam ng ganito na para bang lahat ng mga nilalang ay nakatingin sa akin at ginagawan na ako ng masama sa kani-kanilang utak. Nakakamangha man ang kanilang lugar, nakakatakot naman ang mga nilalang na naririto.
Gusto ko mang intindihin sila, pero kapag nakikita ko ang mga tingin nila ay parang gusto kong kainin na lamang ako ng lupa.
"Dito tayo." Nabigla ako sa paghila sa akin ni Deo, ni hindi na nga ako nakapalag dahil sa biglaang panghihina ng mga braso't tuhod ko. Nagpadala na lang ako sa panghihila niya habang iniisip kung papaano ko haharapin ang mga nakakataas ng bansang 'to.
Hindi na naghintay pa ng utos ang mga kawal na nakabantay sa isang malaking silid. Nang malapit na kami makalapit ay agad na nila itong binuksan ng marahan na siyang pagbungad agad sa amin ng napakaliwanag na loob. Kasabay ng pagkamangha na siyang hindi ko alam na mararamdaman ko pa sa gitna ng kaba, bigla rin akong nakaramdam ng pamilyar na presensiya na nasa paligid lang.
"Nandito na ang hindi imbitadong bisita ng Herozomia, ang isang Dragon na siyang dinala ng isa sa mga Charybdis. Kung hindi ako nagkakamali, ang taong lobo ay malakas ang loob na nagpapahinga sa silid ng ating kasamahan kaya hindi siya makakadalo. Naghihintay na bumalik ang lakas, habang tayo rito ay nagkakagulo." Ang boses na 'yon ang siyang agad na pumuna sa akin pagkapasok ko, ni hindi ko man lang agad nadepina kung gaano kaganda ang loob ng kanilang silid pagpupulong!
Katulad ng sa kastilyo ng Mystic Emerald, may malaki at mahaba ring lamesa kung saan nakaupo ang mga hindi ko nakikilalang mga nilalang habang masama ang tingin sa akin. May iba pa na nakangisi at parang ipinapahiwatig sa akin na mali na pumunta ako sa lugar dito. May napakaganda at napakalaking aranya sa ibabaw naming lahat na gawa pa sa mga magagandang materyales na kabibe. Ang mga upuan na gawa pa sa mga batong ni kailanman ay hindi ko pa nakita dahil sa kinis at kulay abo nitong kulay. Ang mahabang lamesa nilang gawa sa matibay na kahoy na siyang mas lalong nagpaganda sa loob.
"That's trespassing, entering the beauty of our country is a crime if that specific someone has no permit! We have to punish them!" Kinabahan agad ako sa sinabi ng isa pang babae, nanginig agad ang kalamnan ko dahil do'n.
"Dapat ring parusahan ang Charybdis na siyang dahilan kung bakit nakapasok ang dalawang nilalang na ito." Agad akong umiling sa sinabi ng isa pa sa kanila. Ayokong mapahamak si Deo rito!
"H-Huwag, ako lang ang parusahan niyo. Ako ang parusahan niyo at huwag ang aking asawa, lalo na si Deo!" Sigaw ko sa silid, narinig ko pa ang iba na nagulat at napasinghap dahil sa sinabi ko. Kinakabahan ako at natatakot, at mukhang hindi na talaga 'yon mawawala.
"A-Asawa? Asawa niya ang taong lobo na 'yon? Teka, t-teka! May kakaiba sa nilalang na ito!" Sigaw sa akin ng isa pang lalaki, yumuko ako dahil sa hindi malaman ang dahilan. Ang lakas ng boses nila at masasabi mo talaga na may malaki silang responsibilidad dito sa bansa nila.
"Isa siyang bearer!" Sigaw pa ng isa sa kanila.
Anim silang nandidito, at mukhang wala pa naman ang Hari at Reyna nila na siyang ikinalma ko ng kaunti. Mukhang mas kailangan kong maghanda dahil sa alam kong hindi magiging madali ang usapang 'to.
Tama si Deo, kailangan kong ihanda ang sarili ko sa mga masasakit at nakakainsultong mga salita galing sa kanila.
"At tinawag niyang Deo ang Charybdis! Anong nangyayari dito?" Bago pa makapagsalita si Deo ay agad na kaming napalingon sa likuran namin kung saan doon kami pumasok. Parang bumagal ang lahat nang may tatlong panauhin ang pumasok na siyang ikinatigil ko. Ang nakita ko kaagad ay ang kasuotan nilang sumasayad sa lupa, kasuotang alam kong mamahalin at kakaiba sa lahat na kasuotan. Asul ang kulay, tinernohan pa ng puti ang kulay at parang nakasuot sila ng mahabang tela na natatabunan ang buo nilang katawan.
Suot-suot ang mga korona nila na gawa pa sa mga mamahaling perlas!
Bigla akong kinabahan, at mas dumoble ata ang takot ko nang marinig ang anunsiyo ng isa sa mga kawal!
"Magbigay pugay sa mahal na Reyna at Hari, at ang Prinsesa ng Herozomia!"
Natuod ako sa kinakatayuan ko at parang ayokong gumalaw dahil sa baka mapuna ako 'di sa oras! Nanatili akong nakatayo ng tuwid habang napapalunok!
"Zora?" Nanliit ang mga mata ko dahil sa pamilyar na boses na 'yon hanggang sa nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto kung sino ang nagmamay-ari ng boses na ito! Parang biglang nahulog ang puso ko nang makita kung sino ang papasok kasama ang dalawa pang mga nilalang na may malalakas na enerhiya!
Hindi ako nagkakamali, siya ang Reyna ng Roha! Siya ang napakaganda, at napakabait na Reyna na siya ring tumulong kay Lara para puksain si Evergreen!
"Reyna Sahaya!"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro