Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 39

Zora

Agad akong napatulala nang makita ang sarili kong nasa loob ng malaking bola ng tubig kung saan nakukuha kong makahinga sa ilalim ng dagat! Hindi ko alam kung paano nagawa ito ni Deo, ang Charybdis, na makahinga ako at ang asawa ko na ngayo'y nanghihina parin at wala pang malay. Ngayon, hindi ko alam kung gaano na 'to kalalim pero masisiguro akong malayong-malayo na ang kalaliman na 'to sa lupa na nasa ibabaw namin!

"Hindi ko alam kung paano mo 'to nagawa Deo pero nakakamangha!" Galak kong turan sa kaniya, ngumisi siya sa akin at lumingon ulit sa paligid.

"Marami akong kakayahan, Zora, marami. At hindi lang sa pagmamanipula ng tubig ang kapangyarihan na meron ako. At tiyaka, mas lalo ko ring naramdaman ang paglakas ng enerhiya sa katawan ko nang mabigyan ako ng pangalan." Alam ko, sa litaniya niyang 'yon, alam kong may nagbago na sa kapangyarihan at lakas niya. Hindi bihira ang ang kapangyarihan at enerhiya na inalay ni Nyctimus sa kaniya kaya nasisiguro akong malaking-malaki ang pagbabago no'n sa kaniya. Mas naging malakas siya!

Nilibot ko ulit ang mga mata ko sa paligid at kitang-kita ko ang iba't ibang kulay ng mga isda! Namangha pa ako dahil sa may mga umiilaw pa at nagpapalit-palit ng mga kulay. Nakakamangha, nakakagalak at nakakasaya ng puso dahil sa nakikita ng dalawa kong mga mata! Na para bang nasa panaginip ko lang ang nangyayari ngayon!

"Hindi ko alam kung kailan gigising si Panginoong Nyctimus, masiyadong maraming enerhiya at kapangyarihan ang nawala sa kaniya matapos niya akong bigyan ng pangalan. Pero sana, magising na siya kaagad." Nilingon ko ang asawa ko dahil sa narinig mula kay Deo, kahit din naman ako ay nag-aalala dahil sa ginawa niya kanina. Wala rin naman akong magagawa dahil pinili niyang gawin ang bagay na 'yon, gusto niyang tumulong at mas lalo niyang gustong mapadali ang misyon na 'to lalo na't may naghihintay pa sa amin sa Mystic Emerald.

Ang anak namin, si Ozarus.

"Huwag kang mag-alala, Deo, gigising rin siya. Hindi ko nga lang din alam kung kailan at anong oras, pero gigising siya." Nakangiti ko na lang na turan na siyang ikinangiti niya at ikinatango. Ganitong-ganito rin kasi si Lara noon no'ng binigyan niya ako ng pangalan at ilang araw din siyang tulog dahil sa nawalang enerhiya sa kaniya.

"Hmm, mukhang nandito na tayo." Natuod ako sa sinabing 'yon ni Deo at agad humarap sa harapan, at halos malaglag ang panga ko dahil sa nakikita ngayon!

Sobrang laki ng bansa na meron sila!

Mula sa ibabaw, kitang-kita ko kung gaano kalaki ang proteksiyon na siyang bumabalot sa buong bansa. At sa kinakapuwestuhan namin, kitang-kita ko kung gaano rin kalaki ang kastilyo na meron sila! Napakadilim ng bansa pero makikita mo pa rin ang ganda ng anyo ng pinakamamahal nilang karagatan at lupain sa ilalim. Malaki at madilim pero mukhang gano'n naman ata talaga ang mga bansa sa karagatan diba?

Taka kong pinaliit ang mga mata ko nang mamataang may naglalakad sa banda roon!

"Ang proteksiyon na nakikita mo, Zora, 'yan ang dahilan kung bakit may nakikita kang naglalakad banda ro'n. May lupa sa ilalim ng dagat na'to, at sa kailalim-laliman na lugar na 'to ay binigyan ng kapangyarihan at proteksiyon galing sa isang Daemonicus upang mabigyan rin ng pagkakataong makahinga ang mga nilalang na hindi lumaki sa dagat." Paliwanag niya ma siyang ikinatango ko, mukhang kitang-kita sa ekspresiyon ko ang pagkalito dahil bago pa ako makatanong ay agad niya ng nasagot.

Teka, Daemonicus? 'Yon ba yo'ng mga nilalang na mas malakas pa sa mga Demon God? Mga nilalang na kaya nang lumikha ng mga kakaiba pang nilalang?

"Nakakamangha, hindi ko alam na may ganito pala sa ilalim ng karagatan! At mukhang puwede rin talagang tirhan na kahit anong mga nilalang." Sambit ko na siyang ikinatango niya.

"Pero pili lang ang mga nilalang na pinapayagang makapunta sa bansa namin, Zora. Ang mga nilalang na pinagkakatiwalaan at kilala na, ang siya lamang na hinahayaan naming makatapak sa mayaman naming bansa." Agad kong naintindihan ang gusto niyang ipahiwatig at alam ko ring nag-iingat lang din sila lalo na't ginto para sa kanila ang kani-kanilang tahanan, lalo na itong dagat.

Palapit kami ng palapit sa lugar nila at ang kasabay no'n ay ang pagtibok ng mabilis ng puso ko dahil sa galak at kaba. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ko rin alam kung ano ang itsura ko ngayon habang namamangha paring nakatingin sa kanilang lugar na punong-puno ng kakaibang lamang-dagat!

Kung sa malayo, para siyang abandonadong bansa at madilim pero nang makapasok kami sa parang kapangyarihang bumabalot sa kabuuan ng  bansa nila ay bigla na lang nagbago ang kulay ng kapaligiran! Halos mahulog ang panga ko dahil sa makukulay na mga magagandang bagay na nakikita ko!

"Isa 'yong panloloko sa mga kalaban, sa mga nilalang na gustong sirain ang bansa namin. Ilusyon para hindi sila magbalak na atakihin ang bansa namin." Tumango na lang rin ako sa sinabi ni Deo, mukhang ang dali ko talagang mabasa dahil agad niyang nasasagot ang mga katanungan na nasa isip ko pa lamang.

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula pero kitang-kita ko na ngayon ang makukulay na korales, ang mga iba pang mga lamang dagat na hindi ko na makilala. Ang gaganda, napakamakulay!

At tama nga si Deo, nagagawa naming makalakad sa lupa kahit nasa ilalim kami ng karagatan! At nagagawa na naming makahinga kahit wala na ang bumabalot sa amin na bolang tubig! Napalingon ako sa asawa ko na ngayo'y nasa likuran na pala ni Deo, bitbit niya ito na parang hindi ko man lang nakitaan ng bigat sa ekspresiyon niya!

May mga nilalang agad akong nakita at pansin ko na ang kakaiba nilang mga paninitig. Nahiya agad ako at napalingon kay Deo ulit, nginitian niya lang ako at tinanguan.

"Huwag mo na lang sila pansinin, ganiyan lang talaga sila sa mga bagong wangis." Wala akong nagawa kun'di ang ngumiti na lang ng tipid at tumango.

Ilang minuto pa kaming naglalakad hanggang sa may nakita na akong maraming nilalang na nakikipagsosyo sa iba pa! May mga nilalang na nasa anyong tao, mga sirena, mga Kraken at iba pang mga nilalang na nasisiguro kong hindi ko pa nakikita sa tanang buhay ko!

At isang Kraken! Kraken! Ang isa sa mga pinakamalakas na halimaw sa buong Maria!

Isa itong napakalaking pugita! Namumula ang mga mata habang parang mga malalaking kastilyo ang mga galamay nito sa laki at haba!

"A-Ang ganda!" Utal kong sambit habang tinitingala ang iba pang mga gusali na nakapatong sa mga naglalakihang mga kabibe! Sobrang napakalaki ng mga kabibe na siyang tinatayuan ngayon ng iba't ibang mga gusali, may mga iba't ibang itsura rin ng mga malalaking bato na siyang parang nagiging tirahan na rin ng iba't ibang mga nilalang!

"Ngayon, alam mo na Zora kung bakit hindi kami kaagad nagpapapasok ng kung sinu-sino? Dahil 'yon sa yaman na meron ang bansa namin, lalo na't sa bandang karagatan namin. Ang bansa ng Herozomia." Herozomia, isa sa mga bansa kung saan nasa ilalim ng dagat. At tama siya, napakaraming mga bagay dito na magaganda at nakakamangha.

Kung iisipin, napakasakit para sa kanila kung may kalaban man na susugod sa bansa nila. Alam kong iniingat-ingatan nila ang kanilang bansa lalo na't ang kanilang kaharian at mga mayayamang lamang-dagat.

Napatingala ulit ako sa kapaligiran, para talaga akong nakalutang sa kalangitan habang nakatanaw sa buong lugar. Sinong mag-aakala na makakahinga ako sa karagatan na 'to? Sa ilalim ng dagat? Kung hindi dahil sa kapangyarihan na nakabalot sa buong paligid, siguradong hindi ako makakagalaw at makakahinga ng ganito dito!

"Dalhin na muna natin si Panginoong Nyctimus sa silid ko, kailangan na kailangan niya talaga ng matinding pagpapahinga." Agad akong tumango sa sinabi ni Deo at sinundan ang kaniyang tinatahak na daan. Habang sinusundan siya, hindi ko maiwasang hindi mahiya sa mga kakaiba paring tingin ng karamihan. Tinitignan nila ako mula ulo hanggang paa na siyang mas lalong nagbibigay sa akin ng pakiramdam na pagkakahiya. Hindi talaga ako kumportable sa kani-kanilang mga paninitig na para bang isang kasalanan ang pagpunta ko sa bansa nila.

"A-Ang laki ng bahay mo, Deo." Utal kong sambit habang nakatanaw sa napakalaking bahay niya na gawa pa sa malaking kabibe! Malaking-malaking kabibe na para bang isang gusali kung tignan!

"Malaki 'yan sa anyo kong 'to pero maliit lang ang kabibe na 'yan kung nasa tunay akong wangis." Ngiting sagot sa akin ni Deo na siyang ikinatango ko na lang. Pumasok si Deo sa loob habang karga-karga nito ang walang malay na katawan ng asawa ko sa kaniyang likuran, wala rin akong nagawa kun'di ang sumunod na lang sa loob habang inililibot ang mga mata ko sa loob.

Simple lang pero makikita mo pa rin ang mga makukulay na mga korales, ang mga kakaibang bulaklak sa ilalim ng dagat ay nandidito rin at ginawa niyang pampaganda ng kaniyang tahanan. Sobrang lawak! Sobrang laki at lapad!

Tama nga siya, mukhang maliit nga lang talaga ang silid na 'to kung babalik siya sa tunay niyang anyo pero kung ganito lang palagi ang wangis niya, magiging malaki ang buong paligid.

Natigilan ako nang parang may kung anong mga nilalang ang umuuyog sa tahanan. Taranta akong napatingin kay Deo na napapahagikhik dahil sa reaksiyon ko.

"Deo!" Sigaw ko sa kaniya dahil sa hindi ko nagugustuhan ang ekspresiyon niya habang natatawang nakatingin sa akin ngayon.

"P-Patawad, Zora, hindi ko lang maiwasang hindi matawa dahil sa takot na nakarehistro sa iyong mukha." Umirap na lang ako sa ere dahil sa sinabi niya! Dapat alam niya na magiging ganito talaga ang ekspresiyon at reaksiyon na meron ako dahil nga sa una pang beses kong nakarating sa ganitong klaseng lugar! Bilang isang Dragon, nakakatakot at nakakakaba ang mga hindi pamilyar na mga bagay lalo na sa lugar na hindi ka pamilyar. Malay ko ba kung may mangyari sa akin ditong masama? Hindi pa naman ako marunong lumangoy at tiyaka, tiyak akong hindi magagamit ang anyo ko sa lugar na 'to!

O baka?

Si Oceana! Tama! Si Oceana, ang Water Dragon, kaya kong gayahin ang kapangyarihan niya kaya baka puwede kong gamitin 'yon inkasong may mga masasamang bagay na mangyayari sa lugar na 'to.

"Huwag kang mag-alala, ang mga Charybdis 'yon. Ang mga kaibigan ko." Hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinabi niya pero napabuntong-hininga na lang ako. Nakakakilabot kasi kung iisipin na magkasama lahat ng mga Charybdis sa iisang lugar! Malaki sila, malaking-malaki kaya hindi ko alam kung makakaya ko bang titigan ang mga nakakatakot nilang wangis kapag nagkaisa sila sa iisang lugar!

Mabuti na lang naging magandang lalaki si Deo, taliwas sa kung anong tunay niyang itsura na napakaraming ngipin na nakapalibot sa malaking bunganga niya!

"Mukhang may gagawin silang pagpupulong, at tiyaka, inaasahan ko na mangyayari ang sitwasiyon na 'to." Natigilan ako dahil sa biglaang pagbago ng tono niya. Naging seryoso bigla ang pananalita niya na siyang ikinatigil ko sa hindi malaman ang dahilan. Mukhang alam ko na ang ibig niyang sabihin, at sa pagpupulong na sinasabi niya.

"Dahil nandito ako, tama ba?" Mas lalong nasagot ang tanong ko nang tumango siya.

"Dahil nandito ka, at si Panginoong Nyctimus." Turan niya na siyang ikinaba ko sa hindi ko na naman malaman na dahilan.

Paano kong mapahamak kaming dalawa ng asawa ko rito? Paano kung, paano kung ayaw nila kaming nandito? Paano kung biglaan na lang nila kaming itapon papalayo sa karagatan?

Hindi puwede! Hindi maaaring hindi malaman ng asawa ko ang dahilan kung bakit namatay ang kaniyang ina! Hindi puwedeng hindi niya malaman kung sino ang pumatay sa pinakamamahal niyang ina!

"Pero huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa kanila, Zora. Ako ang magsasabi sa kanila ng lahat kung bakit naririto kayo. Ako ang magpapaliwanag sa kanilang lahat kung ano talaga ang misyon niyo dito. Huwag kang mag-alala, hindi ko kayo pababayaan ni Panginoong Nyctimus." Alam ko naman 'yon, alam kong hindi niya ako pababayaan lalo na ang asawa ko na siyang nagbigay sa kaniya ng pangalan.

"Magpahinga ka na muna, Zora. Alam kong pagod ka na rin, tatabi ka ba kay Panginoon o gusto mo ng ibang kwarto?" Agad na akong umiling at lumapit sa kaniyang likuran. Hinaplos ko ang mukha ni Nyctimus na parang lantang gulay.

"Huwag ka ng mag-abala pa, Deo, tabi na kami ng asawa ko. Ako na rin bahala sa kaniya, at tiyaka, salamat sa pagbuhat sa kaniya. Alam kong pagod ka na rin ngayon, paumanhin." Umiling siya sa litaniya ko at nginitian ako ng tipid.

"Handa akong gawin ang lahat para sa kaniya, Zora, lalo na't siya ang pinagsisilbihan ko. At tiyaka, maliit lang na bagay ang pagbuhat sa kaniya... hindi pa 'yon sapat sa regalong ibinigay niya sa akin." Umiling na lang ako sa sinabi nito dahil alam ko, kapag nagising ang asawa ko ay pagsasabihan niya si Deo.

"Hindi mo kailangang bumawi dahil sa ginawa niya sa'yo, Deo. Alam mo naman ang ugali ng asawa ko diba? Tutulong at tutulong talaga 'yan kung may nangangailangan."

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro