Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

33rd🏹

33rd🏹   

"Arya, paabot naman ng patis," sabi ni Nanay. Nakatitig lang si Arya sa pagkain niya, ang lalim ng iniisip. "Naririnig ba ako ng batang eto?"

"Ako nalang po." Tumayo ako para abutin 'yung patis.

Biglang naalimpungatan si Arya at kinuha na niya 'yung bote ng patis. "Ako na. Eto po, 'Nay."

Nagsalin ng patis si Nanay sa platito. Pagkatapos, hindi na siya nakatiis. "Sabihin niyo nga, ano ba ang nangyayari sa inyong dalawa?"

"Po?" sabay pa kaming sumagot.

"May pinagawayan ba kayo?" tanong ulit ni Nanay.

"Wala naman po," sabay ulit kaming sumagot.

"E, bakit ngayon nalang ulit pumunta si Dylan dito? Ilang buwan ko na etong hindi nakikita," sabi ni Nanay.

"Na-miss niyo po ba ang gwapo niyong anak?" biniro ko.

"Ewan ko sa inyong dalawa. Pagusapan niyo 'yan at ayusin. Nagkaboyfriend lang, biglang iniwan ang matalik na kaibigan," sabi ni Nanay habang nililigpit ang mga plato. "Iwan niyo na 'yung mga plato. Ako na maghuhugas."

"Sige po. Balik na po ako sa kwarto," sabi ni Arya.

"O, saan ka pupunta, Dylan?" tanong ni Nanay.

"Uuwi na po?"

"Maaga pa. Andyan lang naman sa tapat ang bahay niyo. Tulungan mo na muna si Arya sa mga assignments niya. Marami na siguro siyang na-miss sa klase," sabi ni Nanay.

Tumingin ako kay Arya. Lumiban siya ng tingin at parang nailang. Sabi ko kay Nanay, "Kaya naman po ata niya--"

"Tulungan mo na ng matapos para makapagpahinga ng maaga," sabi ni Nanay.

Nakita ko si Arya na kinuha na ang mga libro niya at notes. Nilapag niya eto sa may mesita sa sala. Binuksan niya ang TV, sabay sabi, "Tulungan mo daw kasi ako. Uwi ka ng uwi."

"Kayat laway mo," sabi ko at pinuntahan siya.

"Ikaw lang naman makakakita," sagot ni Arya.

"Mahiya ka nga sa'kin," sabi ko at umupo sa sahig. Meron sigurong tinatawag na kapitbahay-zoned. "Ano pinapanood mo?"

"TV."

"Try natin manood sa radyo, maiba lang."

"'Nay, saan radyo mo?" Tumayo siya at hinanap nga ang radyo.

"Tumigil na nga kayo. Tapusin niyo na 'yang mga homework niyo para maagang makatulog," sabi ni Nanay.

"Sineset-up niyo lang kami," sabi ni Arya. Nabigla ako ng bahagya, pero hindi ko nalang pinahalata. Tumabi si Arya sa akin at sinabi, "Si Nanay kasi. Alam mo ba nung nalaman niya na naging boyfriend ko si Michael, sabi ba naman, Kung magbo-boyfriend ka, bakit hindi pa si Dylan?"

"Ano sabi mo?" tanong ko.

"Wala, sabi ko 'di kita type," sabi ni Arya.

"'Nay, alam niyo na po," sabi ko kay Nanay.

"Bata pa kayo. Maraming panahon para dyan. Ang sinasabi ko lang naman, si Dylan kilalang-kilala mo na," sabi ni Nanay.

"Hindi, 'Nay, friends lang talaga kami," sabi ni Arya.

"Friends?" inulit ko habang nakatingin sa kanya.

Hinampas ako ng Cattleya sa mukha. "Isa ka pa. Ayoko na ng pag-ibig. Awat muna. Pagod na pagod na ako."

"Gawa na nga lang tayo ng assignment. Miss ka na ni Ms. Matimtim. Lagi kang hinahanap sa akin," sabi ko sa kanya.

"Ako ata favorite student nun," sagot niya. "Hanggang saan na ba 'yung lesson kanina?"

Tinuro ko sa libro. "Hanggang dito. Kopyahin mo nalang etong notes ko." 

"Aba, sumisipag ka na ata," sabi ni Arya habang nagi-scan ng notes ko. 

"Magga-graduation na kasi."

"Baliktad! Kung kailan huli na tsaka ka naman nagpapakastudyante," sabi niya at biglang natawa. Pagkalipas ng ilang saglit, narinig ko siyang bumulong, "Na-miss ko 'to."

"Miss mo ko?" 

Tumingin siya sa akin. "Pwede din."

***

Mag-aalas syete na kami ng natapos sa lahat ng assignments namin ni Arya. Dito na din ako sa kanila naghapunan. Isa pa sa mga na-miss ko ay ang luto ni Nanay.

"Hatid ko na po siya, 'Nay," sabi ni Arya pagkatapos naming ubusin 'yung isang llanera ng leche flan. 

"Sa tapat lang naman ako nakatira," sabi ko.

"Baka masirenohan ka," sabi ni Nanay.

"Oo nga," sambit ko.

"Okay na po ako. Nagdadrama lang talaga ako kaninang umaga," sabi ni Arya habang tinutulak ako papalabas ng pinto. "Nakakahiya naman kasi kay Mr. Lopez na pinuntahan pa ako dito at tinulungan sa assignments."

Pinayagan ni Nanay na ihatid ako ni Arya sa amin. Tahimik lang kami na naglakad hanggang makarating kami sa may gate.

Kala ko hanggang dun lang sa may gate niya ako ihahatid, pero sinamahan niya ako sa loob ng bakuran. Pagdating namin sa may hagdan, bigla siyang tumigil at sinabi, "Jack-en- poy tayo."

"Ha?"

"Kung sino matalo siya ang unang magsasalita," sabi ni Arya.

"Tungkol saan?" tanong ko.

Hindi na niya ako sinagot at dumiretso na siya sa laro. "Jack-en-poy! Hali-hali-hoy! Sino'ng matalo ay siya'ng unggoy!" 

Nag-papel si Arya at ako naman ay bato. "Argh! Talo!"

"Well," sabi ni Arya, sabay kibit-balikat. "Ulit ulit."

Pagkatapos ng limang beses, doon ko nadiskubre na wala pala akong talent sa jack-en-poy. Tawang-tawa si Arya ng talunin ako ng tatlong sunod-sunod. 

"Hindi ko alam na mahirap pala ang jack-en-poy," sabi ko, nagtataka pa din kung bakit isa palang ang napapanalo ko. Na-stuck na ako sa unang baitang.

"Last ko na 'to," sabi ni Arya, sabay turo sa baitang na kinatatayuan niya. "Game!"

"Jack-en-poy! Hali-hali-hoy! Mukhang talo na naman ako, kaya bakit pa tayo naglalaro neto?" Nag-gunting ako tapos naka-bato naman si Arya.

"Yes! Panalo talaga ako! Paano ba 'yan? Nilampaso kita," sabi niya. 

Umakyat na ako at parehas kaming umupo sa may taas ng hagdan. "Ano ba kasi gagawin ng matatalo?"

"Unang magco-confess," sabi ni Arya.

"Ng alin?"

"Ng katotohanan," page-elaborate niya. 

"Katotohanan?" inulit ko.

"Oo," sagot niya. "Kung ano ba talaga ang iniisip mo tungkol sa mga nangyari sa atin ngayong mga nakalipas na buwan. Mga ganung bagay."

"Ah." Eto na lang ang nasabi ko.

"Game na. Para din bumalik na sa dati ang lahat," sabi ni Arya. Tapos may naalala siya kaya pinigil niya muna 'yung sasabihin ko. "Una pala, sorry sa nagawa ko. Maling-mali. And, gaya ng pagkakaalam mo, gulong-gulo talaga ako noong mga panahon na 'yun."

"Okay lang naman. Naintindihan ko tsaka tapos na 'yun," sabi ko sa kanya.

"As in hindi ka na galit sa akin?"

"Hindi naman ako galit sa'yo," sabi ko.

"Talaga?" tanong niya at tumango ako. "Pero aminin mo, nagtampo ka."

Nagselos. "Oo, tampo."

"Sorry. Pwede pa ba daanin sa sorry?"

"Oo naman," sagot ko. "Kamusta pala? Okay ka lang ba? Nakausap ko si Michael kanina at malungkot 'yung tao. Ikaw, ayos ka lang?"

Huminga siya ng malalim at napaisip. "Ayos lang. Malungkot dahil sa mga nangyari. Break na kami ng ultimate crush ko."

"Ang dami niyo pa man din pinagdaanan, mula sa pagpapalagay mo ng number mo sa bola ng basketball," biniro ko.

Hinampas ako sa braso. "Ikaw kaya nakaisip nun."

"Kaya naman?"

"Kakayanin, syempre," sagot ni Arya. Pero bakas sa mukha niya ang lungkot. "Okay na din na ganito. May mga bagay talagang hindi para sa'yo."

"Gusto mo ng icecream?"

"May sakit ako," sabi niya. "Pero pag magaling na ako, libre mo, ha."

"Sige, sagot ko na icecream mo," sabi ko sa kanya. 

"Alam mo ba kung bakit kami nag-break?"

"Bakit?"

"Dahil sa'yo," sagot niya. 

"Sa akin?" 

"Lagi daw kasi kitang iniisip. Na kahit magkasama kami, parang nasa ibang lugar ang prisensya ko," sabi ni Arya.

"'Wag mo kasi akong isipin masyado. Ayan tuloy," biniro ko.

Tumawa siya. "Oo nga eh. Ang ironic lang kasi last time, pinipilit ko na mag-work out kami ni Michael at kalimutan na natin 'yung nangyari noong New Year's Eve. Pagkatapos, ganito naman din ang kinalabasan."

"Baka talaga tayo ang para sa isa't isa," sabi ko sa kanya.

"Oo nga, e. Naiisip ko na din 'yan," sagot ni Arya.

"Papasok ka na bukas?"

"Oo," sagot niya.

"Sabay na ba ulit tayo o haharangin pa kita sa may school ng napaka aga?"

"Sabay nalang tayo. Napagod din kaya akong gumising ng sobrang aga nun," sabi ni Arya.

"Mga naiisip mo kasing gawin, extremes."

"Tatanggapin mo pa ba ako bilang kaibigan? Kahit na sobrang maling-mali ang nagawa ko sa'yo?" tanong niya sa akin.

"Ikaw pa, lakas mo sa'kin," sabi ko sa kanya. Nag-extend ako ng kanang kamay, sabay pakilala, "Dylan Lopez nga pala. Pwede ba kitang maging kaibigan?"

Kinamayan niya ako at humawak ng mahigpit. "Ariane Chavez. Arya nalang, for short. Dyan lang ako sa kabilang kalsada nakatira. Lagi mo akong makikita."

Nung pabitaw na siya, hinigipitan ko ang hawak sa kamay niya. "May gusto pala akong idagdag. Baka may crush ako sa'yo, warning lang. Magandang alam mo na ngayon palang."

Nag-blush siya ng bahagya bago nakarecover. "Ako din. Baka ma-develop ka sa'kin, ha?"

"Paano pag nangyari 'yun?" tinanong ko siya at sabay kaming tumayo.

"Malalaman natin," sabi ni Arya.

"Na-miss kita," sabi ko at niyakap siya. "Andito lang ako bilang kaibigan mo. Aantayin ko hanggang maka-recover ka na sa breakup niyo. Pag dumating ang araw na 'yun, may itatanong ako sa'yo."

"Ano itatanong mo?" sabi niya.

"Wala, tsaka nalang," sabi ko sa kanya. 

Habang hawak ko siya, unti-unti ko nalang narinig ang mahina niyang hikbi. Humawak siya ng mahigpit sa akin habang umiiyak. Hindi ko na tinanong kung bakit; alam ko naman ang dahilan.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro