27th🏹
27th🏹
Kinabukasan, nag-PSP lang kami ni Andy ng buong umaga. Bagot na din kasi siya sa bahay nila kaya pumunta sa amin. Bukod dun, tingin ko para din makasilay kay Lisa kasi grounded ang pinsan ko.
"Pre, talaga bang hindi pinapalabas ng bahay si Lisa?" tanong ni Andy.
"Pagkakarinig ko kahapon," sagot ko, habang nagawa ng combo. Ang hirap naman i-KO neto.
"Magpaalam kaya ako kay Tita Babes?"
"Hindi ubra. Bawal talaga magboyfriend si Lisa hanggang grumaduate ng college."
"Bakit naman?"
"Ayaw kasi niya na mangyari kay Lisa ang nangyari sa kanya," sabi ko.
"Ah, 'yun bang sa papa ni Lisa?"
Nakwento na din pala ni Lisa sa kanya 'yung tungkol sa papa niya. "Oo, 'yun nga, kaya malabo na pumayag si Tita Babes."
"Baka magbago ang isip pag nanligaw ako sa bahay," sabi ni Andy.
"Ewan ko. Pero alam ba ni Tita Babes na ikaw si Mahal?" tanong ko. Namula bigla mukha ni Andy. Bigla akong napahagalpak ng tawa. "Ang wala, akalain mong nahiya ka bigla!"
Siniko ako sa tyan. "Paano mo nalaman 'yun?"
"Ang lakas kaya ng sigawan nila kahapon. Rinig na rinig ko dito ang buong storya," sabi ko sa kanya.
"Nakakahiya. Si Arya narinig din?"
"Wala siya ilang araw na," sagot ko.
"Saan nagpunta?"
"Sa Masbate," sabi ko at kumuha ng tubig. Natalo ako ni Andy. "Umuwi sila noong New Year. Biglaan kasi may patay sila. Tita niya ata."
"Ah," sabi ni Andy. "Miss mo na?"
"Gago," sabi ko.
"Kala kasi ni Lisa nag-away kayo kasi hindi niya nakikita dito si Arya," sabi ni Andy. Binuksan niya ang ref at kinuha ang bote ng softdrinks.
Naiwan nga din ni Arya ang cellphone niya sa bahay nila, kaya kay Nanay ako nagtetext. Minsan nga, si Nanay na mismo ang ka-text ko. Natanong na nga ako kung gusto ko ba ng pasalubong.
Pagkauwi namin galing sa plaza noong Lunes, may nagbago kay Arya. Natutulala nalang siya bigla at may mga pagkakataong ramdam ko na iniiwasan niya ako.
"Tingin ko nga sinadya niyang iwanan ang cellphone niya," sabi ko kay Andy.
Kakasubo lang niya ng isang pirasong tasty na may palamang peanut butter. Habang puno ang bibig, tanong niya, "Sino?"
"Si Arya."
"LQ kayo?"
"Gago, anong LQ?"
"Eh bakit ganyan itsura mo? Nag-away nga kayo ni Arya?"
Napabuntong-hininga ako. "May ginawa kasi akong kalokohan noong New Year's eve."
"Ano?" usyosong tanong ni Andy. Iniwan na niya ang kinakain niya at lumapit. "Hulaan ko, hinalikan mo na, ano? Hindi mo na napigilan?"
"Ewan ko sa'yo. Kasalanan mo 'tong lahat," sumbat ko sa kanya. Nagsimula lang eto noong tinulak niya ako at biniro kami ni Arya na nauwi sa ewan ko ba.
"Kung hindi mo hinalikan, anong kinagalit ni Arya?" nagtatakang tanong ni Andy.
"Wala naman. Parang ano lang, may sinabi kasi siya tungkol sa umuulan ba dyan. Parang pagkakaintindi ko kasi ay tinatanong niya ako kung may nararamdaman na din ba ako na kakaiba..."
"Teka, anong ulan?"
"Basta. Makisakay ka nalang," sabi ko.
"Hindi ko nga maintindihan. Paano ako makikisakay?"
"Basta parang may sinasabi siyang pasaring na ganun. Sinabi ko lang naman ang totoo na may kakaiba na nga—"
"Langya! Sabi ko na at gusto niyo din ang isa't isa!"
"Ingay naman neto," sinaway ko. "'Wag ka ngang sumigaw. Nagumpisa nga kasi eto noong biniro mo kami. Ang gago mo kasi."
"Ano nga ginawa mo? Bakit ka sa akin nagagalit?" tanong ulit ni Andy. Napaisip ako kung ikwekwento ko pa ba dito o 'wag nalang. "Sabihin mo na. Para matulungan kita."
"Hinawakan ko lang kamay niya," sabi ko.
"'Yun lang?"
"Oo," sagot ko. "'Yun lang 'yun. Pero hindi katulad noong mga bata pa tayo na walang meaning. May meaning."
"Labo mo," sabi ni Andy.
"Naguguluhan nga din ako kung bakit ko ginawa 'yun."
"'Di ba sila ni captain? Not cool, bro."
"Ewan ko. Parang kwento niya nagkakalabuan sila noon. Eh eto ako, si gago, nakarinig lang ng nagkakalabuan, biglang nagpadala sa sitwasyon." Pahamak din kasi 'yung kanta at ulan.
"Kaya pala ganyan ka buong umaga. Tila depressed," sabi ni Andy sabay tumawa.
"Hindi ako depressed," nilinaw ko sa kanya. "Hindi ko lang alam kung paano aayusin eto."
"Dapat kasi hindi ka lumalampas sa linya kung hindi ka sigurado kung anong gusto mong mangyari," sabi ni Andy. May nag-text kay Andy, tapos sabi niya sa akin, "Uwi na ko, pre. Nag-text na si Mama."
Kinuha ko ang cellphone ko at sumama na palabas ng pinto. "Kain na din ako sa baba ng tanghalian. Ayaw mong sumama?"
"Mag-iipon muna ako ng lakas ng loob," sabi ni Andy.
"Kala ko matapang ka," sambit ko habang nababa kami ng hagdan.
"Dylan?" Sakto naman na papasok si Tita Babes sa gate. May dala siyang Andok's na supot. "Saan kayo pupunta?"
"Uuwi na po si Andy," sagot ko. Pagtingin ko sa kaibigan ko, eto at namutla bigla sa tabi ko. "Hoy, hindi ka ba uuwi?"
"Ah, oo nga," nabubulol na sagot ni Andy. "Hi po, Tita."
"Kain ka na dito," inalok siya ni Tita Babes.
Hindi makatingin ng deretso si Andy kay Tita Babes. "Hindi na po... Tita. Ano po, nag-text na din po kasi si Mama."
"Ah, ganun ba," sagot ni Tita Babes. "Sa susunod nalang. Ingat ka pag-uwi. Sumunod ka na sa loob, Dylan."
"Opo."
"Pre, ang lakas ng tibok ng puso ko. Nakakatakot pala," sabi ni Andy pagalis ni Tita Babes.
Tumawa ako. "Ganyan pala ang manliligaw sa bahay. Kailangan mo pang magipon ng maraming lakas ng loob. Good luck."
"Darating din tayo dyan," sagot ni Andy. "Una na nga ako at baka lumabas pa ulit ang tita mo. Mukhang hindi ko talaga makikita si Lisa ngayon."
"Umuwi ka na," sabi ko. Tumawa siya. Dagdag ko, "Sige na, ingat!"
Pag-alis ni Andy, kinuha ko ang cellphone sa bulsa ko at magtetext na kay Arya bago ko naalala na naiwan niya cellphone niya. Bakit ba siya ang lagi kong naiisip kapag may gusto akong ikwento?
Siguradong matatawa siya kapag kinuwento ko ang reaksyon ni Andy kay Tita Babes. Pati nga 'yung maaksyong pangyari kahapon bago nakumpiska ni Tita Babes ang cellphone ni Lisa at nakita ang mga texts ni 'Mahal', hindi ko pa din nasasabi sa kanya.
"Kuya!" tawag ni Lisa nung makita ako na papasok ng pinto. "Ano ba gusto mo..."
Ano nga ba? Bakit ko nga ba ginawa 'yun? Tama ba pagkakaintindi ko kay Arya? Tingin ko naman parehas kami ng naiisip.
Pero bakit niya ako iniwasan pagkatapos ng gabing 'yun? Mali ba na hinawakan ko ang kamay niya?
Nilapitan ako ni Lisa. "Hoy, Kuya Dylan, bakit hindi ka nasagot?"
"Ano ba tinatanong mo ulit?"
"Kung iced tea o Coke. Kumain ka na nga at nabibingi ka na."
***
Walang reply si Arya hanggang mag-seven. Baka busy na magayos ng gamit kasi nalate sila ng uwi. Inantay ko sila kagabi, kaso sabi ni Nanay ngayong umaga na ang dating nila.
Saktong seven, lumabas na ako ng bahay ang ni-lock ang pinto. Paglabas ko ng gate, nakita ko si Arya na naglalakad papuntang direksyon ng 711.
Nagtataka ako kung bakit nagmamadali siya at hindi ako inantay. Lagi naman kaming sabay pumapasok.
Dahil malayo-layo na siya, hindi ko siya agad naabutan. Tumawid si Arya at parang nagaantay sa harap ng 711.
May tumigil na sasakyan sa harapan niya at binusinahan siya. Pagkatapos, ngumiti siya sa nagbukas ng pinto mula sa driver's seat bago sumakay.
Ang gago, kotse 'yun ni Michael. Nagkaayos na yata silang dalawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro