Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

25th 🏹

25th 🏹

Natigilan ako kasi hindi ko alam kung paano gagalaw ng hindi magkakaroon ng awkwardness pagkatapos. Uurong ba ako? Baka ma-offend siya. 

Hindi ko naman pwedeng ituloy eto. Kainis. Tumigil ka nga, Dylan. Papairalin mo na naman ang talent mo at masisira ang pagkakaibigan niyo ni Arya kapag padalos-dalos ka. Bukod pa dun, magiging dakilang epal lang ka sa relasyon nila ni Michael. Bastusan ba 'to? 

Pero ano ba ang dapat kong gawin? Sa kasamaang palad, hindi ako makapagisip ng matinong solusyon. Nadi-distract ako sa lapit naming dalawa at hindi tumitigil ang pagkabog ng dibdib ko. 

Arya, gumalaw ka naman. Nakatitig lang siya—ng payapa—sa akin. Ako lang ba ang kinakabahan sa aming dalawa? Ano ba ang nangyayari sa akin? Si Arya lang eto. 

Shit. Naakit na ba ako sa kanya?

"Teka lang, parang déjà vu eto," sabi ni Arya.

"Oo nga!" Tumawa ako ng malakas. Nakahinga ako bigla. 

Biglang nilapit ni Arya sa akin ang mukha niya. Sa loob ng isang segundo, akala ko mauuwi na naman eto sa... ano, ayun. Katulad nung sa Tagaytay. Pero sa hindi inaasahang pangyayari, hineadbutt ako ni Arya.

"Ouch!" sabi ko, napahawak sa noo ko.

"Ano iniisip mo, ha?"

"Wala!" Tumawa ulit ako para isang tabi ang awkwardness na tila ako lang ang nakakaramdam. "Baka ikaw ang may naisip na kakaiba? Tsk! Baka na-fall ka na sa akin."

"Defensive," sambit ni Arya, nakahalukipkip. "Bakit ganyan tunog ng tawa mo?"

"Ganito naman talaga akong tumawa," sagot ko.

"Parang kabado ka na hindi mapaliwanag. At bakit parang namumula ka?" tanong ni Arya. Lumapit na naman siya sa akin at tumingkayad para maipatong niya ang kamay niya sa noo ko.

"Okay lang ako," sabi ko bigla at nagmamadaling pumunta ng kusina. "Okay lang... nauuhaw lang. Kailangan ko ng... tubig. Tubig. Malamig. Makikita ko eto sa ref."

"Ano ba nangyayari sa'yo? Syempre, nasa ref ang malamig na tubig. Ala naman nasa kalan?" sagot ni Arya. Oo nga, ano ba nangyayari sa akin? Si Arya lang 'to, bakit ako nagkakaganito bigla?

Pagkainom ko ng dalawang basong tubig, nahimasmasan ako. Delikado ang ganung proximity para sa mga magkaibigan. "Makapaglinis na nga."

Nagkibit-balikat lang si Arya at bumalik sa nilalaro niya sa cellphone ko. Saan ba humuhugot ng bad trip eto at tila hindi siya apektado sa lahat ng nangyayari sa paligid niya?

Nag-focus nalang ako sa paglilinis. PSP. Isipin ko nalang na ibibigay ni Arya sa akin ang PSP ko mamaya pagkatapos ko. Makakapaglaro na ulit ako.

"Nabunot ang wi-fi," sabi niya.

Sakto naman na binuksan ko ang vacuum kasi biglang ayaw gumana. Nasamid tuloy ako sa alikabok. Sinarado ko ulit 'yung vacuum cleaner, sabay sabi, "Nadali ko ata."

"Send ko selfies ko kay FB ni Arya Maganda," sabi niya.

"Nakasaksak na ulit," sabi ko. Buhatan ng sariling bangko. Siya naman ang nagpalit ng mga pangalan niya sa phone ko.

"Hindi mo pa nirereplayan si Kim. Magtatanghalian na."

"Paano ako magrereply kung ikaw nagamit ng cellphone ko?"

"Oo nga, noh?"

Natawa nalang ako sa kanya. "Mamaya na."

"Hindi ba kayo lalabas ngayong bakasyon?"

"Baka hindi na. Nagyaya siya kahapon, kaso parang nakakatamad gumala kapag walang pasok," sagot ko. Umupo na din ako set. Tapos na. Ayaw ng gumana ng vacuum cleaner. It's a sign na malinis na ang bahay.

"Lagi mo ba siyang tinu-turn down?"

Nag-isip ako. "Paanong turn down?"

"Kasi parang si Kim ang nagyaya na lumabas imbis na ikaw. Tapos lagi ka pang tinatamad," sabi ni Arya.

Parang ganun na nga. "Sa pasukan nalang."

"Gusto mo ba talaga si Kim?"

"Ewan ko," sagot ko, sabay inabot ang towel sa may table at pinunasan ang mukha ko. Naliligo na ako sa pawis.

"Huwag mo ng ituloy kung hindi ka naman seryoso."

"Siguro nga," sabi ko nalang.

Napa-buntong hininga si Arya. "Dylan, may problema ako."

"Halata nga. Kanina ka pa wala sa sarili. Ano 'yun?" Napatingin ako sa kanya. Si Michael ba?

Bago siya nakasagot, may kumatok sa pinto at pumasok. Si Lisa. May dala siyang mga tupperware. "Knock knock! Pasok na ako."

"Lisa!" bati ni Arya.

"Dito ka na daw kumain sabi ni mama mo," sabi ni Lisa. 

"Saan mo siya nakita?"

"Nakasalubong ko siya sa labas. Hindi na siya umakyat kasi nagmamadali. May bibilhin ata sa palengke."

"Mag-aalas dose na pala," sagot ni Arya.

Nilapag ni Lisa ang mga tupperware sa table. "Eto ang ulam at kanin at titimplahing juice."

"Naiwan ko pala cellphone ko sa bahay na naka-charge," sabi ni Arya.

"Oo, sabi din ng mama mo. Pero binunot na daw niya. Ikaw nalang daw kumuha sa kwarto mo kung gusto mo," sabi ni Lisa.

"Ako din ba may pagkain dyan?" tanong ko. Parang masarap 'yung puchero na dala ni Lisa.

"Marami naman eto. Dito na din ako kakain," sabi ni Lisa. Kumuha kami ng kanya-kanyang plato, kutsara at tinidor. Hinayaan na nila akong mauna sa pagsandok.

"Kuya, parang lagi kang ginugutom," puna ni Lisa.

"Nakakapagod kayang maglinis," sagot ko sa kanya habang nasasalin ng ulam.

"Ang kalat naman neto, parang bata," sabi ni Arya at kumuha ng basahan para punasan 'yung mga tulo ng sabaw sa table.

"Ano 'yung tinext mo sa akin kagabi? 'Yung ihihingi mo ng advice?" tanong ni Lisa habang nakain kami.

Lumungkot na naman si Arya bigla. "Hindi kasi kami okay ni Michael. Lisa, ganun ba talaga 'yun? Feeling ko kasi lahat ng galaw ko gusto niya sasabihin ko sa kanya."

"Ganun lang siguro 'yun sa umpisa," sabi ni Lisa.

"Pagkatapos, minsan kasi nakakalimutan kong mag-text..."

"Nagalit siya?"

"Hindi naman," sagot ni Arya kay Lisa. "Pag nalimutan ko mag-reply, magte-text siya after mga one hour ulit tapos tatanungin ako kung nagsasawa na ba daw akong kausap siya."

"May something," sabi ni Lisa, sabay kumpas ng kutsara niya. "Or baka naman nagsasawa ka na nga?"

"Hindi!" mabilis na sagot ni Arya. "Masaya nga ako kapag kausap siya. Pero hindi naman pwedeng i-text ko nalang siya maghapon. Syempre, sa bahay kailangan ko din maglinis at tulungan si Nanay kasi bakasyon."

"Ipaliwanan mo lang sa kanya ng maayos," payo ni Lisa.

"Sinasabi ko naman na tumutulong ako kay Nanay. Reply lang niya: Okay, I understand."

"Guilt trip ang drama!"

"Kagabi nga, nasagot ko na siya ng hindi maayos. Kasi 'di ba, lagi na nga kaming puyat gawa ng inaabot kami ng alas-dos o alas-tres kakatext..."

"Talaga?" nagulat ako. Bawal ba ang matulog kapag may buhay pag-ibig?

"Gabi-gabi 'yun," sagot ni Arya. "Kaya kagabi, mga bandang nine, nakaiglip ako saglit at hindi nakareply sa kanya. Antok na antok na kasi ako."

"Ano sabi niya?"

"Bakit daw siya kaya kong tiisin," sagot ni Arya.

"Ano sabi mo?" tanong ni Lisa.

"Nung naalimpungatan ako, parang biglang nainis ako at nasagot ko siya ng napapagod ako kasi buong maghapon na kaming magkausap," sabi ni Arya.

"Sinabi mo 'yun?" 'Di makapaniwala si Lisa.

"Oo," mangiyak-ngiyak na sagot ni Arya.

"Ano reply?"

"Tinawagan niya ako," sabi ni Arya. "Hindi ko sinagot. Tapos inignore ko lang lahat ng calls niya. After ilang minuto, nag-text siya na mas okay daw kung siguro kung personal nalang kaming mag-usap pagbalik niya sa pasukan."

"Nakaka-stress naman ang relasyon niyo," sabi ni Lisa.

"Hindi ba ganito ang lahat ng relasyon?"

"Ah... siguro. Ewan, hindi ko alam," palusot ni Lisa. Parang hindi niya pa din ata alam na matagal na naming alam ni Arya na sila na ni Andy. "Pero depende kasi 'yan. Minsan at first ganyan kayo tapos makukuha niyo din ang isa't isa. Magkakakilala, ganyan."

"Sana nga," sagot ni Arya.

"Meron din na hindi pala compatible," dagdag ni Lisa. Hindi nakakibo si Arya at patuloy lang sa pag-iisip. "Pero masyado pa naman maaga para masabi talaga. Pag-usapan niyo muna pagbalik niya. Try again. Sayang naman kasi kung hindi niyo susubukang ayusin."

"Siguro nga," sambit ni Arya. "Sana talaga maayos namin eto. Ayokong maging dalawang linggong pag-ibig lang kami ni Michael."

"'Wag mo masyadong isipin. Relax lang at maayos din ang lahat."

"Kain na," sabi ko sa kanila nung wala ng umiimik. 

"Inubos mo na, Kuya, ang ulam!"

"Ang tagal niyong mag-usap," sabi ko. Siniko ko ng mahina si Arya. "Ayos ka naman?"

Ngumiti siya ng bahagya. "Kaya naman."

Nag-thumbs up ako sa kanya. "Sabihin mo lang kung kailangan mo ng resbak."

Natawa siya bigla. "Sino? Kayo ni Andy?"

"Oo!" sagot ko na may halong yabang. "Kami ata ang mga siga sa kanto."

"Saang banda?" sabi ni Lisa. "Ikaw nga ang unang tatakbo kapag nakakita tayo ng multo."

"Hindi naman multo si Michael, huwag kayong mag-alala."

Tapos nagtawanan nalang kami.



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro