EROS [4]
EROS' POINT OF VIEW
"A-anak? Naninirahan sa katawan ng iisang ta-tao? A-ano pong ibig niyong sabihin?" Kunot noong tanong ko. Palipat-lipat ang tingin ko sa mama ni Bonnie at sa notebook na hawak ko.
Mabilis siyang lumapit sa akin at inagaw ang diary. "Hindi mo na kailangan malaman pa kung anong ibig sabihin ko. Mapapahamak ka lang," aniya bago tumalikod sa akin. Nagsimula na siyang humakbang palabas sa k'warto pero agad siyang napahinto nang magsalita ako.
"Kilala mo po ba si Sitri?" Mahinahon at may galang kong saad. Hindi ko alam kung ito ang tamang panahon para pag-usapan si Sitri, pero kung may alam nga ang mama ni Bonnie tungkol sa kaniya, mabuti na ring malaman ko ang mga ito.
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. "Pa-paano mo nakilala ang demonyong 'yon?" may bakas ng pag-aalala sa tono ng matanda. Matamang tumingin siya sa notebook na hawak, bago muling tumingin sa akin. "Mag-usap tayo sa baba. Masama kung magtatagal ka sa silid na 'to," aniya kaya tumango ako at sumunod sa kaniya papunta sa unang palapag.
Mahigpit niyang hawak ang diary na tila ba ayaw niyang may ibang maka-agaw nito mula sa kaniya. Hindi ko alam kung gaano kahalaga ang mga nakasulat do'n at para bang takot na takot siyang ipabasa sa iba ang laman no'n. Mas lalo tuloy akong kinakabahan dahil marami rin ang pahina na nabasa ko.
"P-paano mo nakilala si Sitri?" unang tanong niya nang maka-upo na kami sa sofa sa may sala. Magkaharap ang inuupuan namin ngayon, at titig na titig siya sa akin dahilan para manatili akong hindi kumportable kahit pa naka-upo na ako.
"S-sa group chat po namin, in-add ni Gemma, isa sa mga kaibigan namin, si Sitri. Ang akala namin ay normal na nagdedeliver lang siya ng mga pagkain kaya um-order kami sa k-kaniya," nag-aalinlangan kong sagot. Naningkit ang mga mata ng mama ni Bonnie sa narinig.
"Nagdedeliver ng pagkain..." mahinang bulong niya sa hangin.
"Kilala mo po ba si Sitri?" muli kong tanong sa pangalawang pagkakataon.
Muli niya akong tinitigan pero agad din niyang iniwas ang mga mata niya. "Hindi. Hindi ko siya kilala," aniya bago tumayo. "Kapag tumila na ang ulan, maaari ka ng umalis," dagdag pa niya bago akmang maglalakad palayo sa akin.
"Nanganganib po ang buhay ni Bonnie," saad ko. Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko pero wala na akong ibang alas para makakuha ng impormasyon. Kailangan kong mapigilan si Sitri para hindi na niya kami magambala pa.
Muling tumingin sa akin ang mama ni Bonnie, diretso mismo sa mga mata ko. Dama ko ang pag-aalinlangan niya na tumugon sa sinabi ko. Mas lalo kong naramdaman na marami siyang nalalaman tungkol kay Sitri. Pero mas lalo naman akong nakukumbinsi na hinding-hindi niya sasabihin ang mga nalalaman niya base sa matalim niyang tingin.
"Kung sasabihin ba namin sa'yo ang mga nalalaman namin, may magagawa ka ba?"
Agad kaming napatingin sa matandang lalaki na lumabas mula sa pintuan na nasa unang palapag ng bahay. May tungkod itong gamit at mabagal ding naglalakad palapit sa amin.
"Heraldo, bakit lumabas ka pa ng iyong silid? Hindi ba't sinabi ko sa'yo na magpahinga ka na lamang?" ani ng babae sa kaniya. Tingin ko, asawa niya ito. Ang papa ni Bonnie.
"Matagal na akong nagpapahinga. Matagal na tayong tikom ang bibig. Kailangan na nating kumilos ngayon Elena," tugon ng matandang lalaki sa kaniya bago muling tumingin sa akin. "Sagutin mo ako, kung sasabihin ba namin sa'yo ang mga nalalaman namin, may magagawa ka ba?"
"Heraldo, anong laban niya sa demonyong 'yon? Isa lamang siyang binatang—"
"Sasabihin namin lahat ang alam namin tungkol kay Sitri, pero mangako ka sa amin..." naningkit ang mga mata ng matandang lalaki. "Mangako kang poprotektahan mo si Bonnie sakaling may mangyaring masama sa kaniya," aniya. May bakas ng tapang at poot sa tono ng boses niya.
Saglit akong napatahimik at napaisip.
Handa na nga ba akong makakuha ng impormasyon?
Hindi ba mas lalo lang akong malalagay sa peligro?
Pero nandito na ako.
Napatay ko si Louise dahil wala akong alam tungkol kay Sitri. Namatay si Dorrine, at nahiwalay ako kay Reydel dahil wala akong alam na kahit anong impormasyon tungkol kay Sitri. All this time pinaglalaruan niya kami dahil hindi namin siya kilala, at hindi namin alam kung ano siya.
Mas mabuting alamin ko na ang lahat ng tungkol sa kaniya hangga't kaya ko pa.
Kasabay ng malakas na pagkidlat sa labas, marahan akong tumango. "Pinapangako ko po," determinadong saad ko.
Marahan ding tumango ang papa ni Bonnie, bago dahan-dahang umupo sa sofa kung saan naka-upo kanina ang matandang babae. Umusog ito ng kaunti dahil tumabi sa kaniya ang asawa niya. Ngayo'y nasa harapan na namin ang isa't-isa, hindi ko maitago ang bilis ng pagtibok ng puso ko sa kaba.
"Matagal na naming kilala si Sitri," ani ni Heraldo. "Noong bata pa si Bonnie, binigay namin ang lahat ng luho niya. Lahat ng gusto niya ay agad naming binibigay sa kaniya dahil nag-iisang anak lamang namin siya. Nang ipanganak si Bonnie ay nawalan na ng kakayahang magbuntis muli ang aking asawa. Gayunpaman, masaya kami dahil biniyayaan kami ng sanggol."
"Lahat ng laruan, at maging mga pagkain na ninais nya ay binigay namin sa kaniya. Ngunit isang araw, bigla na lamang siyang nagkaro'n ng matinding karamdaman," pagkukwento ni Elena. "Ang sabi ng doktor ay may nakain si Bonnie na hindi kaaya-ayang pagkain, dahilan para magkaro'n siya ng matinding sakit. Lahat ng doktor ay nilapitan namin para ipagamot siya, pero wala maski isa sa kanila na nakapagsabi kung anong talagang sakit ni Bonnie."
Nanatili akong tahimik habang nakikinig. Maya't-maya ring tumitingin ang babae sa asawa niya.
"Lumipas ang isang taon, hindi pa rin gumagaling ang nag-iisa naming anak. Kaya natakot kami ng asawa ko na baka bawiin na siya sa amin. Kaya labag man sa loob namin, ay wala kaming ibang napagpilian kundi lumapit sa hindi dapat namin nilapitan," diretsong saad ng matandang lalaki. "May isa akong kaibigan na nagsabi sa aking humingi ng tulong sa isang demonyo. Ayaw namin no'ng una dahil alam naming hindi madali ang magiging kapalit, pero nawalan kami ng pamimilian nang mawalan na ng hininga si Bonnie."
"Agad naming tinawag ang demonyo, at humingi ng tulong na alisin ang sakit na dumapo kay Bonnie," naiiyak na saad ng babae. "Tumugon ang demonyo sa panawagan namin. Muling tumibok ang puso ni Bonnie, muli siyang huminga na parang walang sakit na nagpahirap sa kaniya sa loob ng isang taon. Tuwang-tuwa kami ng asawa ko dahil gumaling din sa wakas ang kaisa-isa naming anak na babae."
Hindi ko alam na may ganito palang history si Bonnie. Kahit matagal na kaming magkaibigan, wala naman siyang naikwento na ganito sa amin. O baka sinadya niyang huwag ipaalam sa amin?
"Ang saya na nararamdaman namin ay hindi rin nagtagal dahil sa hininging kapalit ng demonyong tinawag namin," muling saad ng papa ni Bonnie. "Ang sabi ng demonyo, kapalit ng pagbibigay niya ng pangalawang buhay kay Bonnie, kailangan siyang pagsilbihan nito habang nabubuhay siya."
"Natakot kami. Sino ba namang hindi matatakot na pagsisilbihan ng anak mo ang isang demonyo?" nanghihinang saad ng mama ni Bonnie. "Kaya tumakas kami. Lumipat kami sa malayo, at dito kami napadpad. Akala namin ayos na ang lahat. Akala namin mamumuhay na kami ng normal gaya ng dati. Pero hindi nagtagal, may napansin kaming kakaiba kay Bonnie."
Kumunot ang noo ko. "Kakaiba?" tanong ko.
"Minsan, pakiramdam namin hindi siya si Bonnie. Minsan kasi ay nagiging bayolente siya, malayo sa Bonnie na pinalaki naming mag-asawa. Madalas siyang magalit sa amin, pagkatapos ay biglang makikipag-usap sa amin na para bang hindi niya kami kinagalitan. Doon namin naisip na baka may kinalaman ang demonyo sa nangyayari," ani ni Elena.
"Hindi kami nagkamali dahil muli kaming binisita ng demonyo. Ang sabi nito, may kakambal ang anak namin na naninirahan din sa katawan ni Bonnie. May dalawang kaluluwa sa iisang katawan. Ayaw naming maniwala no'ng una, pero nagkaro'n ng katuturan ang mga napansin naming kakaiba kay Bonnie. Pinangalanan ng demonyo ang kakambal ni Bonnie na Andrea. Si Andrea raw ang magsisilbi sa kaniya, bilang kabayaran sa binigay niyang buhay kay Bonnie," saad ni Heraldo.
"Habang tumatanda, nasanay na kami na may dalawang personalidad ang anak namin. Kaya tinawag naming Andeng ang bayolenteng kakambal ni Bonnie, at pinilit naming mamuhay ng normal," ani pa ni Heraldo. "Ngunit 'di rin nagtagal, nagsimula nanaman kaming mamuhay sa takot. Ang kaluluwang nakatira sa katawan ni Bonnie, ay mas naging agresibo. Naging sunud-sunuran ito sa demonyo, at pinagsilbihan ito gaya ng kasunduan. Nagsimulang manakit si Andeng ng mga kalaro niya, hanggang sa kalauna'y... pumapatay na s-siya a-at... iniaalay ang mga kaluluwa ng mga napapaslang niya sa demonyo."
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig.
"P-pumapatay?" garalgal kong tanong bago sabay na tumango ang mag-asawa sa harapan ko. "Kung pumapatay si Andeng at nasa katawan siya ni Bonnie, i-ibig sabihin ba, nagmumukhang si B-Bonnie ang pumapatay?" tanong ko bago sila muling tumango. "A-alam ni Bonnie na pumapatay siya?"
Agad na umiling ang mag-asawa. "Hindi niya alam na may kakambal siyang kaluluwa. Ang alam lang niya ay mabilis siyang makalimot sa mga bagay, kaya siya nagsulat noon sa diary na ito," ani ni Elena bago ituro ang notebook na hawak niya.
Binalot kami ng katahimikan. Tanging ang buhos ng ulan sa labas, at maya't-mayang kulog ang nagbibigay ng ingay sa pagitan naming tatlo. Hanggang sa muli akong magsalita.
"S-si Sitri a-at 'yung demonyo ba ay..."
"Oo," sagot ng papa ni Bonnie bago marahang tumango. "Si Sitri at ang demonyong hiningan namin ng tulong ay iisa."
"Ngayong alam mo na kung ano si Sitri, sa tingin mo ba ay may magagawa ka pa?" mapanghamon na tanong sa akin ng matandang babae. "Ano sa tingin mo ang laban mo sa demonyo?"
--
An : Binitin ko ulit kayo dahil trip ko lang. Any thoughts? Alam ko marami pa kayong tanong dahil marami pa akong nakahandang sagot dito. Pero ilapag n'yo na lahat ng tanong niyo rito. Anyways, may #EroNie ba diyan? Haha.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro