EROS [2]
EROS' POINT OF VIEW.
Napahawak ako sa sintido ko nang muling mamuo ang kirot dito. Hindi ko alam kung paano sumakit ng ganito ang ulo ko. Parang may iniikot na ugat sa batok ko, dahilan para sumakit ang sintido ko.
Minulat ko ang mga mata ko, pero bigo akong makakita. Gusto ko sanang magsalita pero hindi ko rin magawa. May madikit na bagay na nakadikit sa labi ko, at may kung anong bagay na nakataklob sa mukha ko.
Nakatali rin ang magkabilang kamay ko sa likuran ko, at ramdam kong naka-upo ako sa upuang gawa sa kahoy.
Ilang beses kong niyugyog ang katawan ko, sinusubukang makawala sa pagkakatali. Pero wala akong magawa. Masiyadong mahigpit ang pagkakatali sa magkabilang pupulsuhan ko. Bawat paggalaw ko ay lumilikha rin ng kirot sa mga ito, kaya wala akong nagawa kundi huminto sa pagpupumiglas.
"Hindi ka makakatakas," ani ng isang malamig na boses. Hindi ko maipaliwanag kung saan nagmumula ang boses niya kaya kung saan-saan ako luminga. Gusto kong tanungin kung sino siya, kung nasaan ako. Kung saan niya ako dinala at kung nasaan si Reydel.
Si Reydel.
Tama.
Huli ko siyang nakita no'ng pumunta kami sa lugar kung saan namin huling nakita si Dorrine. Pero bigla nalang akong nawalan ng malay matapos naming umikot pa ng ilang beses sa lugar. Sinubukan naming maka-alis do'n pero para kaming na-trap.
"Hindi ko kailangang magpakilala sa'yo, dahil hindi naman na kailangan. Kung hinahanap mo ang kaibigan mo, hindi ko maipapangakong ligtas siya," ani ng boses bago siya tumawa.
Ilang beses muli akong luminga-linga para hanapin kung saan nagmumula ang boses niya. Pero para 'yong umiikot sa buong lugar. Hindi ko alam kung nasaan ako, pero may ideya akong nasa kulob na lugar kami. Ume-echo ang boses niya kaya hindi ko masundan kung saan ito nagmumula.
Sinubukan kong magsalita, pero walang malinaw na salitang lumabas sa bibig ko. Para akong pipi na sinusubukang magsalita kahit hindi naman kaya.
"Don't exert too much energy. Kailangan mo pa 'yan para makaligtas sa lugar na 'to," monotonous na saad ng may-ari ng boses.
Naramdaman kong may lumalapit sa akin, kaya dagli kong inilayo ang sarili ko. Parang tanga lang dahil hindi naman talaga ako nakalayo. Nakatali ako sa upuan, at ang nagawa ko lang ay ilayo ng kaunti ang sarili ko. Ganito naman yata talaga gumana ang self defense mechanism hindi ba. Kahit hindi mo naman siguradong ligtas ka na, basta tingin mo naprotektahan mo na ang sarili mo, ayos na.
Unti-unting lumuwag ang pagkakatali sa pupulsuhan ko. Dahilan para agaran kong alisin ang mga ito sa lubid. Nakakapagtaka na hindi ko manlang naramdaman na may nagtanggal ng tali sa mga kamay ko. Parang may hangin lang na dumaplis dito.
Agad akong tumayo sa kinau-upuan ko, at lumayo. Muntik pa akong mawalan ng balanse dahil sa nakatakip sa mata ko. Sinubukan kong alisin ang bendang nakatakip sa buong mukha ko, pero hindi ko nagawa.
Madiin at mahigpit ang pagkakalagay nito sa mukha ko, kaya hindi ko alam kung paano tatanggalin. Pakiramdam ko rin nauubusan na ako ng hininga. Sakop ng benda ang ilong ko, hanggang sa leeg kaya nasu-suffocate ako.
"Maglaro tayo," saad ng boses sa nakakalokong tono. "Hindi ka nag-iisa sa lugar na ito. Bukod sa akin, may isa ka pang kasama. Ang kailangan mo lang gawin, ay mapatay ito, bago ka nito mapatay. Sa gano'ng paraan, hahayaan kitang makatakas sa lugar na ito. At ang buhay mo, ay magiging safe na," ani ng boses.
Malalim na ang bawat paghinga ko dahil sa kakapusan sa hangin. Gayunpaman, pinapanatili kong nakatayo ang sarili ko. Nanatili akong alerto sa paligid ko. Sinisikap kong maging handa sa kung ano mang p'wedeng bumulaga sa akin.
"Ito ang regalo ko para sa iyo, nawa'y gamitin mo ito, upang makatakas sa lugar na 'to," saad ng boses bago ko maramdamang may kung ano siyang isinusuksok sa kamay ko.
Para iyong hawakan. May kabigatan ito, at masasabi kong isang mahabang bagay ang hawak ko.
Hindi ko matanong sa kaniya kung anong gusto niyang gawin ko. Kung anong kailangan niya sa akin, kung bakit ako nandito at kung sino siya. Gustong lumabas ng galit sa bibig ko, pero sa tuwing sinusubukan ko, mas lalo lang akong kinakapos sa hangin.
"Tandaan, hindi ka nag-iisa rito. Patayin mo ang kasama mo sa lugar na ito, bago ka niya mapatay," ani ng boses bago ito humalakhak. Nakakabinging tawa na um-echo sa buong paligid. Pagkatapos, unti-unti itong nawala.
Nagsimula akong maglakad nang dahan-dahan. Kinakapa ko ang daan. Isang maling hakbang ay maaari akong mawalan ng balanse.
Tinutok ko sa harapan ang hawak kong bagay. Sa tingin ko, itak ito. Sa bigat at haba nito, pakiramdam ko matalim na bagay ito na maihahalintulad sa itak.
Wala akong alam sa kung anong gusto ng may ari ng boses na 'yon sa akin. Pero gusto kong maka-alis sa lugar na 'to kaya kahit hindi sigurado kung totoo ba ang sinabi niya na hindi ako nag-iisa rito, poprotektahan ko pa rin ang sarili ko.
Agad kong winasiwas sa buong paligid ko ang hawak kong itak nang maramdaman kong may gumagalaw sa paligid. Dama ko ang mabibigat na paghinga nito, at ang bigat ng bawat pagyabag ng mga paa niya.
Hindi ko napanatiling kalmado ang sarili ko. Kahit nawawalan ako ng balanse, patuloy ko pa ring winawasiwas sa kung saan-saan ang hawak ko. Hanggang sa may natamaan ako.
Tumumba ito sa sahig. Napa-ungol marahil dahil sa tama ko sa kaniya. Narinig ko ang tahimik na pag-iyak nito.
Hindi ko alam kung sino siya o kung ano siya. Ang alam ko lang, kailangan ko siyang mapatay bago niya ako maunahan.
Muli akong pumusisyon at nakiramdam. Hinanap ko kung saan nagmumula ang impit na ungol, hanggang sa matumba ako nang may matalim na bagay na bumaon sa hita ko.
Tanging impit na pagdaing ang nagawa ko. Sinubukan kong tumayo pero hindi ko nagawa. Sobrang lalim ng pagkakabaon ng matalim na bagay sa kanang hita ko, kaya wala kong magawa kundi manatili sa sahig.
Muli kong winasiwas ang hawak kong itak para hindi makalapit sa akin ang kasama ko. Hanggang sa muli ko siyang matamaan.
Hindi ako sigurado, pero pakiramdam ko wala ring nakikita ang kalaban ko. O marahil hindi siya sanay sa pakikipaglaban kaya natatamaan ko siya?
Tinanggal ko sa isip ko ang mga agam-agam ko. Ilang beses kong winasiwas ang itak hanggang sa may bumagsak muli sa sahig. Hindi na ako nagdalawang isip pa. Sa abot ng makakaya ko at sa natitirang lakas na mayroon ang katawan ko, nilapitan ko ang bumagsak sa sahig.
Dumadaing ito sa sakit. Umuungol dahil sa nararamdaman.
Kailangan kong iligtas ang sarili ko rito.
Kailangan kong makaalis sa lugar na 'to.
Itinaas ko sa ere ang itak na hawak ko, at mabilis ko itong inihampas sa sahig, kung nasaan ang kalaban ko. Ilang beses kong tinadtad ng saksak ito, hanggang sa hindi ko na marinig pa ang pag-ungol at pag-iyak nito.
Pumatay ako.
Ilang beses rumehistro sa utak ko ang salitang 'yon. Pero hindi ko magawang magsisi.
Kailangan kong makaligtas.
Hingal na hingal akong napa-upo. Hawak pa rin ng isang kamay ko ang itak. Ang isa naman ay pilit na tinatakpan ang dumurugo kong hita.
"Magaling." Mula sa kawalan ay muling bumalik ang boses. "Ngayon, ligtas ka na," anito bago unti-unting lumuwag ang bendang nakatali sa mukha ko. Sa pangalawang pagkakataon, wala akong naramdaman na kahit sinong nagtanggal nito.
Agad kong tinanggal ang nakatakip sa mukha ko.
Madilim ang lugar pero may ilaw sa mismong p'westo ko kaya napapikit ako sa loob ng ilang sandali. Nang makapag-adjust ang mga mata ko, una kong tiningnan ang nakabaong kutsilyo sa hita ko.
Napangiwi na lamang ako dahil sa itsura ng hita ko ngayon.
Sunod kong tiningnan ang katawan ng nakalaban ko. Ang katawang nakabulagta sa harapan ko ngayon.
Agad na gumapang sa buong sistema ko ang takot.
Agad akong nagsisi dahil sa ginawa ko.
Lasog lasog ang katawan.
Putol-putol ang bawat bahagi ng katawan.
Kalat na kalat ang tilamsik ng dugo sa buong lugar.
Pero may mas ikinatakot pa ako.
Kilala ko siya.
Napa-iling ako ng ilang beses. Kinukumbinsi ko ang sarili ko na hindi siya ang napatay ko. Na baka kamukha lang. Imposibleng siya ang nasa harapan ko ngayon. Hindi p'wede.
Pero kahit ilang beses kong isipin na hindi siya ang bangkay sa harapan ko, mismong mga mata ko na ang nagkukumpirma nito.
Napatay ko siya para mapanatili akong ligtas.
Napatay ko siya para makaalis sa lugar na 'to.
Putang ina.
Napatay ko si Louise.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro