Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Prologue

"Mama, dalawang taon nalang ga-graduate na ako sa college. Malapit ko ng maabot ang pangarap ko para sa'tin," masayang sambit ng isang dalaga.

"Ngayon palang binabati na kita Aurora," masayang niyakap ni Thelma ang anak "Siya nga pala, pwede ko bang malaman kung anong kukunin mong trabaho pagkatapos mo sa kolehiyo?"

"Flight Attendant, mama. Gusto kong maging flight attendant pagdating ng araw," nakangiting wika ni Aurora habang nakatingin sa kalangitan.

"Kung 'yan ang gusto mo, hindi kita pipigilan, kahit pa alam kong masyadong delikado ang trabahong 'yan," bakas sa boses ng ina ang pagtatampo.

"Mama, alam mo namang matapang ako katulad mo e tsaka gustong-gusto ko talagang maging flight attendant, mama. Ang magsilbi sa bawat pasahero habang lulan ng eroplano sa kalangitan ang ikasasaya ko at alam mo naman ang mga patakaran at batas sa mga Airline. Sinisigurado nila ang kaligtasan ng bawat pasahero at maging sa mga trabahante nito–" magsasalita pa sana si Aurora ng takpan ng mama niya ang kanyang bibig.

"Oo na, alam ko namang hindi ka magpapatalo sa'kin e tsaka pangarap mo 'yan kaya hindi kita pipigilan. Ang akin lang ay siguraduhin mong walang mangyayaring masama sa'yo"

"Pangako mama, walang mangyayaring masama sa'kin. Salamat sa pagsuporta at pag-intindi sa'kin, mama."

Ngumiti lamang ang ina at nagpatuloy na sa pagkain. Masaya namang natapos ang araw ni Aurora sapagkat suportado siya ng kanyang ina at ngayon pa lang ay nakikita niya na ang sarili niya sa hinaharap.

Nakasuot ng pormal na kasuotan. Nagsisilbi sa mga pasahero sa loob ng eroplano habang suot-suot ang ngiting kailanma'y hindi mabubura. Bata pa lamang ay alam na niya ang gusto niya. Hindi kagaya ng ibang tao na hanggang sa pagtanda ay hindi parin nahahanap ang pangarap.

Nag-aaral ngayon si Aurora sa kolehiyo, sa kursong tourism. Dalawang taon na lang at abot-kamay na niya ang kanyang pangarap. Planado na rin ang bawat oras niya. Minsan nga ay nasabi niya sa sariling balang-araw maisasakay niya rin sa eroplano ang kanyang ina at pagsisilbihan ito. Gusto niyang maipadama sa ina kung gaano siya nagpapasalamat sa lahat.

Tanging ang ina lang ang nagpalaki sa kanya at tinatak sa isip na matagal ng patay ang ama. Ang ina ang matiyagang nagturo at nag-alaga sa kanya. Minsan naiisip niyang hindi sapat ang simpleng pasasalamat o kaya materyal na bagay upang pasalamatan ito kaya pumasok sa isip niya na sa unang lipad niya ay kasama ang ina.

Hindi maitatanggi na kahit alagang-alaga siya ng ina ay naiisip niya parin kung ano ang pakiramdam ng may tatay. Kung ano ang pakiramdam na magkaroon ng kompletong pamilya.

Minsa'y naglakas loob siyang magtanong sa ina patungkol sa tatay. Nadurog siya at mas kinamuhian pa ang ama ng malamang may asawa na pala itong iba. Masakit isipin na hinayaan lang siyang mamulat sa mundo na walang kinikilalang ama. Minsan napapaisip siya kung hindi ba sila sapat ng nanay niya, kung hindi ba siya sapat at nagawa pa nitong mag-asawa ng iba.

Ang masaklap pa ay nalaman niyang may mga anak na pala ito sa bagong asawa. Isang bagay ang posibleng dahilan kung bakit iniwan sila nito at 'yun ay ang pera.

Kayang isakripisyo ng tao ang lahat para sa pera. Iniwan sila ng nanay niya para lang sa pera at dahil 'dun ay mas kinamuhian pa niya ang ama. Ibinaon niya sa sariling matagal ng patay ang ama. Namuhay siyang may tinatagong sama ng loob at ito ang isa sa mga inspirasyon niya kung bakit gusto niyang maging flight attendant.

Gusto niyang ipakita sa ama kung sino ang sinayang niya. Gusto niyang ipakita na kaya niya kahit walang amang sumusubaybay sa kanya. Kaya niyang lumipad at maging mataas. Gusto niyang ipakita na hindi sila ang nawalan.

Galit siya dahil lang sa punyetang pera ay nagawa silang ipagpalit. Higit sa lahat galit siya dahil hindi man lang ito nag-abalang silipin siya. Marahil ay masaya na ito sa kinalalagyan niya at hindi na sumagi sa isip na meron pa pala siyang anak na nangungulila sa kanya sa matagal na panahon.

Balang araw titingalain rin siya. Balang araw masasabi niya rin sa ama na kaya nilang tumayo kahit pa kulang sila. Kaya niya at kakayanin niya para sa ina.

"Balang araw maisasakay din kita sa eroplano, mama" bulong niya sa sarili habang may ngiti sa labi.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro