Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 5

Binalot ng katahimikan ang lahat. Sa paglabas ng doctor ay siyang mabilis na pagpintig ng kanilang mga puso. Nagdasal na sila sa lahat ng santo para lang sa mga buhay ng kanilang minamahal. Hindi pa pwede.

Isang malaking tunog ang naganap kasabay ng pagsiklab ng malaking apoy. Mabilis ang pag-andar ng kotse na sinabayan pa ng pagbuhos ng ulan sa kalagitnaan ng gabi. Sa kabilang daan naman ay ang malaking truck na gumegewang pa at nawalan na ng preno.

Eksaktong pagtila ng ulan ay ang pagbanggaan ng dalawang sasakyan. Nagkalat ang mga piraso ng bawat isa habang tinutupok na ng apoy ang parehong sasakyan.

Isinugod sa ospital ang tatlong tao ngunit isa lang ang nakaligtas.

"Ginawa na po namin ang lahat ng makakaya namin pero bumigay na po ang pasyente. Hindi na nito kinaya ang matinding natamo. Sorry." umalis na ang doctor ngunit nanatili silang nakatanga sa isa't-isa, walang gumawa ng ingay at pinipilit na intindihin ang binigkas ng doctor.

Napaluha ang mag-asawa habang naglalakad palapit sa walang buhay na anak. Dahan-dahan nitong hinawakan ang puting tela at maingat na ibinaba.

Napuno ng luha at sigawan ang buong kwarto. Walang ibang nararamdaman kundi ang sakit habang pinagmamasdan si Laureen na punong-puno ng dugo at wala ng buhay.

****

Magdadalawang linggo na magmula ng mangyari ang aksidente. Nailibing na si Laureen at ang isa pang drayber.

Tahimik na pinagmamasdan ng ginang ang anak na mahimbing parin sa pagtulog. Isa-isang nagsilabasan ang mga luha sa kanyang mga mata ng maalala ang nangyari. Muntik ng bawiin sa kanya ang nag-iisang anak, muntik na.

Saksi siya sa bawat saya at pagluha ng kanyang anak. Sa bawat pagtawa nito na animo'y siya na ang pinakamasayang tao sa mundo. Ang bawat galit na rumirehistro sa kanyang mukha sa tuwing hindi nito nagugustuhan ang nangyayari.

Ang lahat ng emosyon na 'yun ay namimiss niya na. Dalawang linggo na ngunit heto parin si Knight at tahimik na natutulog. Walang alam sa nangyayari sa kanyang paligid.

Paano kaya sasabihin ng ginang na wala na ang babaeng minahal nito ng hindi nakikita ang anak na nasasaktan. Paano niya sasabihin dito ang mga naganap ng wala man lang pumapatak na luha mula sa mga mata nito.

Ayaw niya ng makita pang nasasaktan ang anak. Ayaw na niyang maging saksi ng pagluha nito dahil siya ang lubos na naaapektuhan.

Naging saksi siya ng mga panahong niloko siya ng girlfriend at kaibigan nito. Nakita niya ang bawat paglasing nito at pagpapabaya sa sarili. Nakita niya ang bawat pagpatak ng luha ng kanyang anak at ang bawat sakit na nakatarak dito. Umabot pa sa puntong muntik ng magpakamatay si Knight.

Sa mga panahong 'yun siya ang lubos na nasasaktan. Gabi-gabi siyang nagdadasal na sana matauhan na si Knight at makatagpo ng babaeng karapat-dapat dito. Ngunit napakalabo ng bagay 'yun dahil sobra-sobra ang pagmamahal nito kay Laureen.

Ngayon paano na. Sa paggising ng kanyang anak paano niya ipapaliwanag na wala na si Laureen. Ayaw na niyang makita pang masaktan si Knight.

Napahilamos ang ginang mula sa malalim na pag-iisip ng may marinig na katok mula sa pintuan. Binuksan niya ito at iniluwa si Gray. Ang nakababatang kaibigan nito, ang isa sa mga rason kung bakit nasaktan ang sariling anak.

Gayunpaman hindi niya magawang magalit dito. Wala siyang galit na nararamdaman dahil awa ang nakikita niya. Wala ng nanay si Gray at siya na ang itinuring nitong bagong ina. Ang tatay naman nito'y isang doctor at mas tutok sa trabaho. Halos mula pagkabata ay kasa-kasama na nila si Gray para narin nitong anak ngunit mas matimbang ang pagmamahal niya sa sariling anak.

"Tita," bakas ang lungkot at pagod sa mukha ni Gray habang nakatitig sa mahimbing na natutulog na kaibigan. Ngayon lang siya bumisita at nagkalakas ng loob.

Bigla siyang napaiyak ng yakapin siya ng kanyang itinuring na pangalawang ina. Duon ibinuhos niya ang sakit. Umiyak siya ng umiyak hanggang sa mapagod.

"Ano pong lagay ni Knight?" nasa malapit na kainan sila ngayon. Dito nila piniling mag-usap upang makakain at magkalakas ang kanilang mga katawan mula sa mga nangyari.

"Nagkaroon ng internal bleeding sa utak niya at dahil na rin sa malakas na pagbangga ay may posibilidad na magka amnesia si Knight. Ang sabi ng doctor noon comatose si Knight at hindi nila alam kung kailan ito magigising o kung magigising pa ba ito." tumayo mula sa pagkakaupo si Gray at agad na niyakap ang ginang. Nagbabadya na naman ang mga luha sa kanilang mga mata.

"Gigising siya tita, maghintay lang tayo." tumango nalang ang ginang at pinunasan ang sariling luha.

"Sana nga,"

****

Nagmamadali nuon ang ginang sa paglalakad papunta sa kwarto ng anak ng biglang may makabanggaan siyang babae. Nahulog ang kaniyang bag at nagkalat ang mga gamit. Nakalimutan niya yata itong isara dahil sa pagmamadali kanina.

Napatingin siya sa babaeng tahimik na pumupulot ng mga kubyertos niya. Parang biglang napaso ang puso niya ng makita ang pagod at puyat nitong mga mata. Halatang hindi na nito naaalagaan ang sarili.

Inabot sa kanya ng babae ang bag at hindi man lang siya binalingan ng tingin. Naglakad na ito ng mabilis patungo sa kabilang direksyon. Hindi niya man lang nagawang magpasalamat.

Ipinagpatuloy niya na ang paglalakad patungo sa kwarto ni Knight. Tumawag kasi si Gray kanina, siya ang nagbantay rito habang abala siya sa kanilang kompanya.

Ang sabi nito gising na raw si Knight kaya nagmadali itong pumunta. Hanggang ngayon hindi niya parin napaghahandaan kung paano niya sasabihin sa anak ang nangyari sa girlfriend nito.

Tiyak na masasaktan ito pero ang sabi ng doctor ay baka sa paggising nito ay magkaroon ng temporary amnesia. Bagay na pinagdasal niya, magmukha man siyang masama ay hindi niya na 'yun alintana.

Mas mabuti kong magkaroon ito ng amnesia, tiyak na makakalimutan nito si Laureen sa pansamantalang panahon. Makakapaghanda pa siya sa kahit konting panahon.

Maingat niyang pinihit ang pintuan at bumungad sa kanya ang anak na tahimik na nakaupo sa gilid. Tulala at tila malalim ang iniisip.

Inilagay niya ang bag sa lamesa at umupo sa tabi ni Knight. Kabado man ay pinilit niyang itinago iyon. Kailangan niyang malaman kung nagkaroon ba ito ng amnesia.

"Knight, natatandaan mo pa ba ako?" pagsisimula niya. Hinawakan niya ang kaliwang kamay ng anak habang masuyo nitong tinitignan ang reaksiyon nito.

"Ma, nasan ako?" napasinghap ang ginang ng makilala siya ng anak. Nagpakawala siya ng magkakasunod na buntong hininga at parang tinatambol ang kanyang puso sa sobrang kaba.

"Natatandaan mo ba lahat ng nangyari? Siya. Kilala mo ba siya?" kumunot ang noo ng binata sa narinig. Wala siyang matandaan at hindi niya kilala ang lalaking kanina pa niya kasama.

Wala siyang maalala at kanina pa niya pinipilit ang sarili ngunit mas lalo lang sumasakit ang ulo niya. Para siyang nanggaling sa isang gyera at puro matitinis na ingay ang naririnig niya sa utak.

"Hindi niya ako nakikilala, tita. Sa tingin ko mayroon nga siyang amnesia. Ang sabi naman ng doctor kanina ay temporary lamang ito at maaaring bumalik rin ang lahat pagkalipas ng ilang panahon." tumango na lamang ang ginang at tahimik na nagpasalamat sa kataas-taasan. Sa ngayon makakahinga pa siya ng maluwag.

Naiwan siya sa silid ng anak dahil may binili saglit si Gray sa baba. Natutulog na ngayon si Knight habang siya, kanina pa nakatunganga at pinagmamasdan ang sariling anak.

Ilang saglit pa ay dinalaw na siya ng antok at hinayaan ang sariling makaidlip habang hawak ang kamay ng anak.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro