Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 10

Trabaho lang walang personalan

Oo nga't babae siya, madaling mahulog sa mga salita. Madaling malinlang ng mga pangako at madaling makuha sa panlabas na kaanyuan.

Babae siya ngunit 'wag ring kakalimutan na isa siyang binibini, isang binibining may pangarap at paninindigan. Katulad ng napag-usapan kailangan niya lang magpanggap, 'yun lang at wala ng iba.

Wala sa plano niya ang ma-inlove sa isang lalaking purong estranghero lang sa kanya. Itago mo man sa bato hindi siya magpapahulog dito. Hindi talaga.

Pasado ala una ng hapon ng bigla siyang katukin ni Knight sa kanyang kwarto. Napamura pa siya dahil muntik na siyang mahulog sa higaan nito dahil sa pagmamadali. Nang buksan niya ang pinto ay bumungad sa kanya si Knight. Suot-suot ang itsura nitong parang natatae.

"Bakit?"

"Let's go!" sa isang iglap ay hila-hila na siya ni Knight sa braso at hindi na nag-abala pang magtanong kong free ba ito.

Malutong na mura ang pinakawalan niya ng makapasok siya sa kotse at nagsimula na silang pumunta sa kung saan. Hindi pa naman siya nakakapagbihis ng matino. Naka short lang siya at oversized na damit. Nakatsinelas pa siya at gulong-gulo ang buhok.

Sa isang iglap ay nag-init ang kanyang ulo. Kakagising niya lang dahil nga napuyat siya kagabi at ngayon ay basta-basta nalang siyang dadalhin sa kung saan. Ang masakit pa hindi man lang ito nagsabi na may pupuntahan pala sila, hindi tuloy siya nakapag-ayos o kahit makapag hilamos man lang.

"Saan ba tayo pupunta?" kanina pa siya naiinip. Mahigit tatlong oras na yata silang nasa daan at naglalakbay sa walang katapusang kalsada. Masyado ring tahimik at ang maririnig lang ay ang kanilang paghinga. Nakaka stress sa bangs.

"Almost there." tipid na sagot ni Knight at ikinakunot ng noo ni Aurora. Anong almost there?! E kanina pa sila nagbibiyahe.

Sabi ng maliit lang ang pasensya niya. Pinipilit niya namang intindihin ang bawat liko ng utak ng kasama niya pero hindi niya talaga maiwasang hindi mainis.

"Nagpaalam ka ba kay manang o 'di kaya kay mama?"

"No, I'm not a child anymore and besides you're my girlfriend, so what's the problem?"

"Kung tatanungin kita ng tagalog, magtagalog ka" pagsusungit ni Aurora pero inirapan lang siya ni Knight at nagpatuloy lang sa pagmamaneho.

Makaraan ang ilang oras nakarating na sila sa lokasyon. Napatingin si Aurora sa relong suot at napa sapo sa kanyang noo ng makitang alas-singko na. Limang oras na pala silang nagbabyahe.

Bumaba na si Knight kaya sumunod na siya. Wala sa lahi ng binata ang pagiging gentleman kaya siya na ang nagkusa. Nakakahiya naman diba?

Literal na nanlaki ang mga mata niya ng bumungad sa kanya ang isang malawak na....sementeryo?

Ang akala pa naman niya dadalhin siya ni Knight sa isang mamahaling restaurant o 'di kaya'y sa isang romantic place, hindi siya na-inform na mahilig palang mag ghost hunting itong si Knight at ang malala pa sa sementeryo. Balak ba siyang takutin ng lalaking 'to o 'di kaya ay gahasain.

Palihim na dumampot si Aurora ng maliit na bato at itinago sa kanyang mga kamay. Nagsimula ng maglakad si Knight kaya wala siyang choice kundi sundan ito kaysa naman sa magpa iwan siya diyan baka may ligaw na kaluluwa pang magpakita sa kanya.

Hindi niya napansing tumigil pala si Knight sa paglalakad kaya nabangga niya ang matigas nitong likod. Dumistansya si Aurora ng ilang hakbang bago tignan ang tinititigan ni Knight.

Dumapo ang kanyang paningin sa isang puntod. Inagaw niya ang flashlight sa kamay ni Knight at agad na inilawan ang nakasulat rito.

Antonny Justine Alvarez

Sa pagkakatanda niya may binanggit si manang kanina. Anton ba 'yun? Tama, asawa nga ito ni Mrs. Olivia at tatay ni Knight.

Nabanggit rin pala ni Mrs. Olivia ang buong pangalan ni Knight. Ang sabi, Knight Juston Alvarez. Siguro ang second name niya ay kinuha sa papa niya, Justine nga lang 'yun at ang kanya naman ay Juston.

Naputol ang kanyang pag-iisip ng magsalita si Knight.

"I can't remember if nadala na kita rito or not pero kung hindi pa then I'm proud to say that he's my father, Anton. The late captain of fly emirates." sa pangalawang pagkakataon ay napahanga si Aurora, isang tanyag na piloto pala ang kanyang tatay.

Isang saludo ang kanyang pinakawalan sa puntod ng piloto at nagdadalawang isip kung itutuloy niya ba ang katanungang nabubuo sa isip niya. Sa huli ay hindi niya nalang itinuloy ang sasabihin marami pa namang pagkakataon. Itatanong niya nalang 'yun pagdating sa mansyon.

Nabaling ang kanyang paningin ng marinig ang mahinang paghikbi ng katabi niya. Sa tanang buhay niya ngayon lang siya nakakita ng lalaking umiiyak. Hindi niya tuloy alam kung anong gagawin niya sa mga ganitong sitwasyon.

Nanginginig pa ang kanyang kamay na idinampi sa balikat ni Knight. Tinapik niya 'yun bilang pagpapa alala na nandiyan lang siya sa tabi nito.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagbisita ay biglang nagsibagsakan ang tubig ulan. Wala silang ibang nagawa kundi ang tumakbo pabalik sa kotse. Nang makasakay ay ngayon niya lang naramdaman ang panglalamig. Magkakasakit pa 'yata siya.

Ilang oras pa ang itinagal nila bago makarating sa mansyon. Nanginginig na sa lamig si Aurora at kanina pa ubo ng ubo. Madali lang talaga siyang magkasakit kaya todo alaga ang kanyang nanay sa kanya dati.

Naligo lang siya ng mabilisan at agad na sumampa sa malambot na kama. Dala ng pagod ay mabilis siyang nakatulog. Ipinagdadasal nalang niya na sana hindi siya magka sipon kinabukasan.

"Laureen, Laureen?" magkakasunod na katok at pagtawag sa kanyang pangalan ang ginawa ni manang Elena. Pasado alas dyes na at halos gising na silang lahat pero hindi parin bumababa si Aurora.

Kanina nga lang din ay agad na pinaulanan ng sermon ni Olivia ang kanyang anak dahil sa pagtakas kay Aurora ng hindi man lang nagpapaalam. Ang akala nga lang din nila ay masyadong napagod sa byahe si Aurora kaya't hindi na muna nila inabalang gisingin pa pero mag tatanghali na hindi parin ito bumababa kaya kinatok na siya ni manang Elena.

Nakailang katok na rin ito pero hindi parin siya pinagbubuksan ni Aurora. Bumalik siya sa kusina at kinuha ang kumpol ng susi. Meron siyang duplicate sa kwarto ni Aurora kaya malaya siyang buksan ang kahit na saang parte ng mansyon.

Nang tuluyan niya itong mabuksan ay bumungad sa kaniya ang namamaluktot at giniginaw na babae. Agad niyang dinaluhan si Aurora at hinawakan sa noo. Masyadong mainit ito at lalagnatin pa yata ng ilang araw.

Tumakbo siya sa kusina at gumawa ng lugaw. Nag-init na rin siya ng tubig at kumuha ng gamot. Habang niluluto niya ang lugaw ay nakita niya si Knight na papasok sa kusina at pawis na pawis may hawak pa itong bola sa kabilang kamay.

Mukhang naglaro na naman ito sa gym ng basketball. Nang matapos itong uminom ay agad niyang ibinigay ang mainit na tubig at pamunas.

"Total ikaw naman ang dahilan kung bakit naulanan si Au–Laureen kahapon, ikaw na din ang mag-alaga sa kaniya." muntik pang magkamali si manang Elena ng banggitin niya ang pangalan ni Aurora buti nalang hindi ito napansin ng binata.

Umalis na si Knight dala ang plangganang may laman na mainit na tubig at ang bimpo. Siya naman ay binalikan ang lugaw na niluluto niya.

Kabadong naglakad papasok si Knight sa kwarto ni Aurora. Hindi niya naman sinasadyang magkasakit ito at isa pa, mahinang ulan lang naman 'yun. Masyado palang mahina ang katawan ng babae, sa bagay hindi na rin siya magtataka dahil sa unang pagkikita nila sa mansyon ay napansin niya ng maputla ito at halatang hindi na inaalagaan ang sarili.

Napabuntong hininga nalang siya at kinapa ang noo nito. Agad niyang inalis sa pagkakadampi ang kanyang palad ng maramdamang ang napakainit nitong noo. Para siyang napaso ng kumukulong tubig.

Nagi-guilty na rin tuloy siya. Hindi naman siguro nakamamatay ang lagnat 'di ba?

Magsisimula na sana siya ng biglang may mapagtanto. Hindi pwedeng siya ang gumawa nito dahil baka may makapa siyang iba. Isa pa baka pagkamalan siyang manyakis kahit pa sabihing girlfriend niya ito. Nakalimutan niya ang lahat-lahat kaya hindi niya rin alam kung may nangyari na sa kanilang dalawa ni Laureen.

Alam niyang siya ang may kasalanan pero hanggang noo lang ang kaya niyang punasan, hindi na pwedeng bumaba dahil baka maghabol lang siya ng hininga. Nang matapos ay inayos na niya sa gilid ang mga gamit at bumalik sa kusina upang sabihin na si manang na ang magtapos.

Mukhang naintindihan naman ito ng matanda kaya wala itong ibang nagawa kundi siya na nga ang magtapos. Inasikaso nalang ni Knight ang lugaw at tumikim ng kaunti.

Wala pa ring pinagbago ang luto ni manang, masarap pa rin kagaya ng pakbet na kinain nila kaninang tanghali. Nagdala siya ng isang mangkok na lugaw at kumuha na rin ng tubig. Nadatnan niya si manang na inaayos na ang plangganang pinaggamitan at ang pamunas, dali-dali niya namang inabot rito ang lugaw ngunit hindi ito tinanggap ng matanda.

Mukhang ipapamukha na naman nito na siya ang may kasalanan kaya nagkusa nalang itong gisingin si Laureen at pakainin ng lugaw. Tinapik niya pa ito ng ilang beses pero ayaw pa rin nitong dumilat.

Habang wala si manang ay sinamantala niya ang panahon. Inilapit niya ang kanyang mukha sa natutulog na Aurora at pinagmasdan ang napakaganda nitong itsura. Hindi niya tuloy lubos na maisip kung anong ginawa niya noon at nagkaroon siya ng ganito kagandang girlfriend. Hindi rin sila nakakapag-usap tungkol sa relasyon nila, hahanap nalang siya ng tamang oras para rito.

Napatigil siya sa paghinga ng biglang nagmulat ng mata si Aurora at nagkataong malapit ang kanyang mukha. Napa atras tuloy siya bigla at napakamot sa batok. Nakakahiya.

"Sabi ni manang uminom ka daw ng lugaw tsaka kumain ng gamot," mahinang sambit ni Knight at hindi makatingin ng diretso kay Aurora. Nakakahiya kasi.

Ang sabi niya ay hindi siya titingin dito pero automatik na lumipad ang kanyang tingin ng marinig itong tumawa at parang walang iniindang sakit. Napakunot noo tuloy siya at napa isip kung normal pa bang tumawa kahit nilalagnat na. Mga babae nga naman, nakakalito.

Ilang minuto pa bago niya na-realize ang sinabi. Bagong kahihiyan na naman.

Uminom ng lugaw? Kumain ng gamot?

Saan nanggaling ang salitang 'yun?Masyado yata siyang nasobrahan sa pagbabasketball kanina kaya naalog ang utak niya. Napamura nalang siya sa hangin tsaka lumabas ng hindi nagpapaalam kay Laureen na hanggang ngayon ay tawang-tawa pa rin.

"Oh, iho napa-inom mo na ba si Laureen ng gamot?" hindi na nag-abala si Knight sa pagsagot. Diretso lang siyang dumaan at tinungo ang sariling kwarto. Gusto niyang mapag-isa at sabunutan ang sarili sa nagawang kahihiyan ngayong araw.

Habang nagpapalit ng damit ay dinig niya pa rin ang tawanan ng dalawa sa kabilang kwarto. Sa tanang buhay niya alam niyang hindi pa siya napapahiya kaya nakakabawas ng pagkalalaki para sa kanya ang pagtawanan lalo pa ng mga babae.

Nakakapikon!

Bakit niya pa kasi naisipang suriin ang mukha nito e wala namang dyamante o kaya ginto roon. Marahas siyang humiga at kinuha ang sariling cellphone. Kumuha na rin siya ng headset at tsaka isinaksak sa magkabilang tenga at nagpatugtog ng rock song. Nakakabingi pero mas pipiliin niyang mabingi nalang kaysa marinig ang nakakapikong tawa sa kabilang kwarto.


Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro