Chapter 46
Comment po muna mga loves.
~~~~~~~~
"Higit one week na lang, May. Magkikita na ulit tayo." Para na namang kambing etong si Leng-Leng. Belekoy naman ang nginunguya niya ngayon.
"Oo nga, eh." Hindi ba kami nagkikita ngayon? Heto nga at magda-dalawang oras na kaming nagcha-chat. Pero may tama siya. Higit one week na lang at matatapos na ang thirty days. At one week na lang, kasal ko na rin.
"Bakit malungkot ka yata riyan? Hindi mo ba 'ko na-miss?" Nag-pout pa siya.
"Of course I do miss you. It's just that," napabuntong-hininga ako. Saka napailing. "Never mind." Engagement party lang kasi ang sinabi ko sa kanya. Hindi ko pwedeng sabihin na totoong may pekeng kasal na magaganap. Ang labo. Totoo pero peke? Kapag nalaman niya, siguradong ipipilit niya na maging maid of horror ko siya.
"Ngapala bes, natanggap akong waitress sa Bangbang Ali. Pwede ka ro'n kapag ayaw mo na r'yan."
Napangiti ako. "That's good, bes. You deserve it." Isang sikat na kainan ang lugar na iyon. Dinarayo ng marami dahil bukod sa masarap ang mga pagkain, marami ring babaeng nagsasayaw ng naka-bra at panty lang. "Matagal ka na ring naghahanap ng trabaho. It's about time." Sabi ko pa.
"Marami pang bakante kaya pwede kitang ipasok doon kahit anong oras." Ngumuya muna siya bago nagpatuloy. "Bakit kasi nagtatagal ka pa riyan? Kitang-kita naman na hindi ka masaya. Gumanda ka nga, nabihisan at may malaking pera, hindi ka naman maligaya. Ano pa bang hinihintay mo?"
Napatingin ako sa tseke na nakapatong sa ibabaw ng aking hita. Ito ang bayad ni Brix dahil sa pagpayag kong maging fiancee niya, sa napipintong pagpapakasal ko sa kanya at bayad nang maangkin niya ang katawan ko. Kumawala ang hangin sa dibdib ko. Buti na lang hindi sa pwet ko.
Hinihintay ko ang araw ng kasal namin. Sabi ni Brix, haharap kami kay Judge Kruz. Magpapakasal at pipirma sa isang dokumento. Sabi pa niya, siya na raw ang bahala pagkatapos. Ang saya nga niya siguro kasi makukuha na niya ang hinihintay niyang posisyon bilang kaisa-isang tagapagmana ng mga Talaserna.
"Hawak mo pa rin ang tseke na iyan. Bakit kasi hindi mo pa ipapalit at nang maambunan mo naman ako?" Hindi ko kasi mabitaw-bitawan ang bayad sa mga pinagtrabahuhan ko. Ito nga siguro ang kapalit ng gabing ibinigay ko ang buong sarili ko kay Brix. "Grabe, May, kalahating milyon?! Pucha kung ako ang binayaran ng ganyan, hinding-hindi na ako aalis sa mga Talaserna, kahit pa api-apihin ako, tapak-tapakan at tusok-tusokin!"
Ang labo netong si Leng. Kanina lang sabi niya umalis na 'ko rito, ngayon naman sinasabi niyang kung siya ang nasa kalagayan ko ay hinding-hindi na siya aalis. Naalala lang niya kung magkano ang nakasulat sa tseke, pabago-bago na ang utak niya.
May narinig akong marahang katok. Mabilis akong tumayo at inilagay sa loob ng drawer ang tseke.
"Bes, someone is knocking on the door. Can I just call you back?" paalam ko kay Leng.
"But of course, bes. You know naman me, I know naman you. M'kay, bye."
Nakita kong nawala na siya sa screen. Inayos ko sandali ang aking sarili sa harap ng salamin. Simula nang may mangyari sa amin ni Brix, masyado na akong naging self-conscience. Siguro, dahil gusto kong maski paano ay mapansin din niya ako. Kaya nga sinusunog ko na rin ang kilay ko sa pag-aaral. Ginagaya ko kung paano manamit si Lily niya. Pinagtatawanan nga akong lagi ni Gloria. Kagaya ngayon na halter top na kulay puti at maikling maong na shorts lang ang suot ko. Kulang na kulang sa tela. Kaso ganito ang mga type ni Brix, eh.
Sana nga ay makita rin niya ako. Na kahit ganito lamang ako ay... Napabuntong hininga na naman ako. Bakit ba puro hangin ang dibdib ko? Ganito na lamang talaga ako. Hindi na ako magbabago. Hindi ako mapapansin ni Brix kahit ano pa ang gawin ko. 'Di ba nga, pagkatapos kong ibigay ang katawan ko sa kanya, paggising ko ay nagtatampisaw na sila ni Lily sa ilalim ng talon na patalon-talon pa habang walang pantalon? At ang kawawang ako, nakitalon na lang kay lolo at Sir Apolonio. Galing 'no! Lolo. Apolonio. Tanyanyo! Ka-rhyme.
Muling kumatok ang sinoman sa pinto. Si Gloria siguro, hahatiran ako ng hapunan. Mag-aalas otso na kasi ng gabi at hindi pa rin ako bumababa sa kwarto ng palakang naging prinsesa. Dami kasing 'wento ni Leng, 'la 'man 'wenta. Pero at least, nakakapag-praktis akong mag-ingles habang kausap siya. Ito naman si Gloria, papansin na may pahatid-hatid pa ng pagkain sa kwarto. Binu-bully lang naman niya 'ko. Bukod sa pinagtatawanan niya ang new look ko, palagi pa niya 'kong tinatanong kung saan ako nakabili ng gayuma. Ewan ko sa kanya, ba't niya naisip na may gayuma ako. Hindi pa naman ako matanda at ugod-ugod para magka-gayuma. Sa mga tumatanda lang iyon, 'no!
Tumayo ako para pagbuksan si Gloria. Laking gulat ko at hindi pala siya ang kumakatok.
"Hi." Bati sa akin ng lalaking may dalang tray ng pagkain. Nakakagutom namaaaan! Ang bango ng kare-kare at may bagoong pang kasama. Pero ang mas nakakagutom, eh yung tanawin ng mga muscles na mamutok-mutok, tapos may kasama pang abs na kumikintab-kintab, samahan mo pa ng walang damit at simpleng kulay asul na short pants lang. Ka-gwapo. Malalimon! "May sakit ka raw?" tanong niya.
Ako? May sakit? Oo tama. May sakit nga pala ako sa puso. "Y-Yeah, Brix. I'm six." Napahawak ako sa dibdib ko. "O-Ouch! I cannot brits."
Sa halip na tulungan ako para makahinga ay tumawa lang siya. Ang lalaking 'to andalas tumawa nitong mga nakaraang araw. Nababaliw na kaya siya?
"Puro ka talaga biro. Dinala ko na ang pagkain mo." Inilapag niya ang tray sa side table. Saka lumapit sa akin. Napasinghap ako nang damhin niya ang noo ko. Ang init ng palad niya. At ang bango niya. Amoy baby cologne, bagong paligo. "Wala ka namang lagnat. Napagod ka lang siguro. Ang sipag mo kasing mag-aral." Napalunok ako nang tabihan niya ako rito sa kama. Sheeet! Buti bagong ligo rin ako. Baka may balak siyang kung ano eh, buti na lang, I'm ready to be eaten. "Gusto mong subuan kita?"
Yung mata ko, parang lumuwa. Yung puso ko parang tumalbog na bola. At ang suso ko, parang nanigas. Why so sweet, Mr. T? Hindi ko talaga siya maintindihan kung bakit bigla siyang bumait ng ganito.
"U-Uhh, a-anong isusubo mo sa 'kin?" tanong ko.
Kumunot ang noo niya. "Food? May iba pa ba 'kong isusubo sayo?" Pengeng arinola, naiihi ako!
"Ha? Oo, sabi ko nga food, eh." Nag-smile ako sa kanya. Umurong na naman ang pwet ko nang isabit niya sa tenga ko ang nakalaylay na buhok sa mukha ko. Saka niya ako tinitigan sa mata. Anyomanyaman etyong chi Byix! Bakit niya ginagawa ang mga ito sa akin?
"Kain ka na." Aniya at saka kinuha ang bowl ng kare-kare. Sumalok sa kutsara at saka hinipan iyon. At itinapat sa bibig ko. Ako naman, ngumanga. "Masarap ba?" tanong niya pagkasubo sa akin. Tumango naman ako.
"Don't eat me. I have two hands." Sabi ko.
"A-Ano?" Nakita kong biglang namula ang pisngi niya. Natigilan din siya sa pagsubo sa akin. Bakit ano ba ang nasabi ko? Mali kaya ang sinabi ko? Tss, kulang pa talaga ako sa praktis.
"Sabi ko, huwag mo na akong pakainin. May dalawa naman akong kamay para gamitin, oh." Ipinakita ko pa ang mga kamay ko sa kanya.
"A-Ah," para siyang nahihiyang napatango-tango. "I thought it's something else, damn!" bulong niya. Kinuha ko na lang ang bowl mula sa kanya. Hinihipan ko ang mainit na sabaw nang muli siyang magsalita. "M-Mayumi, gusto nga pala ni lolo na..." Nag-iba siya ng tingin. Parang hirap siya sa gustong sabihin.
"Na?" kunot-noong usisa ko.
"N-Na dito ako matulog ngayong gabi." Saka siya nagkamot ng ulo. May kuto ba siya? "Bantayan daw kita dahil may sakit ka."
Natigilan ako sa pagkain. Wala naman talaga akong sakit, ah. Bakit biglang ganoon na lang sila mag-alala? Pati ang Brixander na ito, bihira na siyang bulyawan ako. Hindi kaya, gusto niyang bawiin ang pera ko at habang natutulog ako ay sa halip na ako ang gapangin niya ay nenenokin niya ang tseke kong nagkakahalaga ng kalahating milyon?! No way, amway, laway!
Hindi pa ako nakakasagot ay may bumulaga na naman sa may pintuan.
"Brix! I was looking for you all over the place and you're just here? Bakit ba naglalagi ka sa kwarto ng babaeng iyan?" Humihingal na bumungad si Lily. Langya namang kontrabida ng buhay ko, bigla-bigla na lang sumusulpot. "Honey, you have to call John! Hurry up. It's about one of your manager who's suspected of theft!"
Gulat na napatayo si Brix. Mabilis siyang lumabas ng silid na hindi man lang ako tinapunan ng tingin.
Bigla akong nakaramdam ng init. Akala ko ay naihi ako. Iyon pala ay tumapon sa akin ang sabaw ng kare-kare. Sinadyang tinapik iyon ni Lily. Napatayo ako dahil pakiramdam ko ay nalapnos ang balat ko.
"May lason ang sabaw na iyan!" Galit na nakatitig sa akin si Lily. "Hindi mo ba nahahalata si Brix? Hinuhuli niya ang loob mo para sundin mo ang lahat ng ipag-uutos niya. Para madali ka niyang itapon kapag hindi ka na niya kailangan." Pinagmasdan niya ang kumalat na sabaw sa sahig. "Linisin mo ang sarili mong kalat! Bitch!" Saka niya ako tinalikuran.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro