Chapter 30
Malakas na hangin, nagbabadyang babagsak na ulan. May panaka-nakang pagkulog at pagkidlat. Nanginginig man ay pinilit kong tumayong matatag. Nakaharap ako sa isang lumang bahay kung saan ko sinundan si Romeo noon bago ako nakabalik sa 2021. Bumalik na naman pala ako sa panahon ni Sarita, sa taong 1914.
Ganoon pa rin ang bahay, walang nagbago. Medyo nakabukas pa rin ang may kalawang na gate kaya siguro hindi pa rin nakalabas si Romeo.
Dalawang palapag na napakasayang, walang nag-aaruga at walang nakatira. Bakit ganoon? Kung siguro ay iningatan lang ito, hanggang sa panahon ko ay matatag pa rin ito.
Naalala ko noon, sabi ng isang guro ko sa History, kahit minsan ay hindi ako nakikinig. Ang mga bahay daw sa panahon ng Espanyol ay ang pinakamatatag na bahay. Totoo naman kasi sa barangay nga lang namin, may mga bahay pa rin na panahon pa raw ng Espanyol iyon itinatag.
Sana lahat, matatag. Hindi iyong isang buwan pa nga lang ay break na agad.
Bakit nga pala ako nandito?
Napailing na lang ako. Baka kasi naroon pa si Romeo sa loob, kailangan ko ng bumalik sa bahay nila Lolo habang nag-e-emote pa ang apo nitong napakaguwapo. Siguro naman continuation lang ito sa pag-alis ko rito. Ay duh! Kapag talaga natapos ang paghihirap ko, magsusulat ako ng story. Hindi na ako magiging tamad, promise.
Nakailang hakbang pa lang ako nang may bigla akong narinig na nagpagkalabog ng gate na puno ng kalawang. Napatigil ako sa paghakbang kahit mas gusto kong tumakbo palayo. Pero baka kung tumakbo ako ay mas mapansin pa ako no'ng nasa gate.
Walang ibang tao maliban sa amin ni Romeo, kaya panigurado na si Romeo nga ang nagbukas ng gate. Ngayon pa lang pala siya uuwi.
Anong oras na ba? Parang hindi pa rin naman madaling araw eh.
“Ayoko na. Gusto ko ng matapos na 'to. Pero paano? Paano ko tatapusin? Ni hindi ko nga alam kung paano simulan. Ang hirap!” bulong ko sa sarili. “Sana pala nagsagot na lang ako ng exam namin sa Algebra noon. Baka kasi ito ang parusa kapag nangungupya lang. Sir, naman. Unfair!”
Pumikit ako at niyakap ang sarili. Mas mabuting nakapikit kung makita man ako ni Romeo. Sasabihin ko na lang na nag-sleep walk ako.
“Ano ba talagang gagawin ko rito? May Sarita na hinihingi ang tulong ko. May Simeon na kung maka-blackmail ay parang anak ng isang mafia boss. May Margarita na addict kay Simeon, akala mo naman guwapo. May Antonyo na magaling magpinta at mukha ko pa talaga. May Romeo na isang Kupido pala. Ano bang gagawin ko?”
Napaupo na lang ako at sapo ang mukha. Ayoko na, naguguluhan na 'ko. Hirap na hirap na ako. Paano ko matatapos ito kung hindi ako maalala ni Sarita? Diba dapat magkakampi kami? Pero paano? Paano niya ko tutulungan kung hindi niya ako kilala kung nandito ako sa panahon niya?
“Hindi ko kaya 'to.” Tanging hikbi ko lang ang naririnig ko.
Muling lumakas ang paghampas ng hangin. Muli kong narinig ang pag-ingay ng tarangkahan, kasunod niyon ay ang paghampas ng kadena.
Kadena?
Hindi ko na napigilan ang sarili, nilingon ko na ang gate na tuluyan nang bumukas. Sigurado akong si Margarita ang bumukas sa gate kahit nakatalikod siya sa 'kin. Sa katawan palang niya at ang duguan niyang likod, wala ng ibang makakakuha ng gano'n. Maliwanag ang buwan kaya ang bawat kilos niya ay kitang-kita ko.
Umupo si Margarita pagkatapos maisara ang tarangkahan, kinuha nito ang binitawang kadena kanina.
Tulala akong pinagmasdan ang buong buhay. So, nandiyan si Sarita sa loob?
Hindi kayang pigilan ng mata ko ang pagluha. Dinudurog nang paunti-unti ang puso ko. Isipin palang na nasa loob si Sarita ay ang sakit-sakit na!
Nasa loob ang kaibigan ko. Nasa loob si Sarita. Tanggapin ko man o hindi, alam kong patay na siya. Pinatay siya ng walang hiyang si Margarita! Pinatay siya ng babae na 'to! Napakawalang puso! Ang sama niyang tao!
Grabe! Grabe talaga! Nakaya niyang pumatay para lang makuha si Simeon? Nakakatawa pero parang ang tanga. Para saan pa? Eh diba nakipagkalas na si Sarita para lumayo si Simeon at magkatuluyan na silang dalawa? Lahat ginawa ni Sarita para lang mapagbigyan siya. Alam kong nasasaktan din si Sarita. Nagkunwari siyang hindi na niya mahal si Simeon para lang magtagumpay si Margarita. Pagkatapos ito ang mangyayari? Grabe!
Akala mo naman guwapo si Simeon. Dios mio!
Pinahiran ko ang mga luha ko. Sumisikip ang dibdib ko tuwing iniisip kong gaano kaitim ang budhi ni Margarita. Kaya siguro gustong ilayo ni Sarita ang kuwentong ginawa niya upang hindi iyon makuha ni Margarita. Baka manunulat din ang babae na 'to at pati ang kuwentong sinulat ni Sarita ay nakawin pa.
Kahit sa panahong ito ay may mga taksil na pala talaga. Hindi talaga basta-basta dapat magtiwala.
Mahirap magtiwala. Mahirap ibigay iyon ng buo sa isang tao. Ngunit ang mas lalong mahirap ay ang lukuhin ka ng taong pinagkatiwalaan mo.
Humarap si Margarita sa gawi ko. Alam kong hindi niya 'ko nakikita kaya wala akong dapat ipangamba. Kitang-kita ko ang pagngiti niya. Ngiting tagumpay, ngiting demonyo.
Pero hindi iyon ang dahilan kaya nalaglag ang panga ko. Kun'di ang mismong mukha niya ang nagpayanig sa katinuan ko. Bakit? Paano? Hindi ba ako namamalikmata?
Humakbang si Margarita palapit sa kinatatayuan ko. Bawat hakbang niya papalapit sa akin ay hakbang ko rin papalayo sa kaniya. Posible kayang nakikita niya ako ngayon? Ako na ba ang sunod niyang papatayin?
Bakit ganoon? Bakit kilala ko siya? Bakit kamukha niya ang babae na kinamumuhian ko rin? Bakit kamukha niya ang babae na umagaw sa lalaking mahal ko? Bakit kamukha niya ang babae na umaagaw ng spotlight ko? Bakit kamukha niya si Faye?
Hindi kaya...
Si Faye at Margarita ay iisa?
Hindi kaya...
Si Faye ang tinutukoy ni Sarita na layuan ko? Na ilayo kay Faye ang sinulat niyang kuwento?
Dios ko! Mahabagin! Ano ba itong mundong pinasukan ko?
Mabibilis ang mga hakbang na ginawa ni Margarita o mas tamang tawagin sa pangalang Faye. Bawat hakbang niya ay tinatahak ang gubat na nasa likuran ko. Nilingon ko ang gubat na iyon, sobrang dilim. Maliban sa matatayog na puno ay wala na akong makita. Ni kahit liwanag ng buwan ay hindi kayang diligan iyon ng liwanag.
Paano na ako ngayon? Baka ako ang isunod niya. Nakikita na niya ba talaga ako? O baka nakikita niya talaga ako pero nagpanggap lang siya noon? Nakita niya kaya ako na nagmamanman noong pinapahirapan niya si Sarita?
Ako na ba ang susunod na papatayin niya?
Tinakpan ko ang aking bibig at nagtago sa malaking puno. Kung mamatay man ako, bahala na. Tatanggapin ko. Hindi ko na kaya ang nasasaksihan ko. Ang gulo! Mas lalong gumulo na nandito rin si Faye.
Kahit saan talaga ay agaw eksena siya. Bakit hindi na lang siya gumawa ng sarili niyang kuwento at magpakabida? Magaling siya 'di ba? Mas magaling siya sa 'kin 'di ba? Bakit 'di siya gumawa ng kaniya?
Huminga ako ng malalim nang dinig na dinig ko na ang mga yapak ni Margarita at ang bawat tunog na nalilikha ng hawak niyang kadena.
“Lord, kung mamamatay ako. Idamay niyo rin po si Margarita. Dapat pantay kami.” Pumikit ako nang huminto sa paghakbang si Margarita.
Ito na. Ito na ang katapusan ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro