Chapter 28
Makulimlim ang kalangitan pero hindi ko pa rin sinasara ang bintana. Kahit wala akong makitang bituin na palagi kong inaabangan tuwing gabi ngunit hindi ko pa rin magawang isara ang bintana.
Patuloy pa rin ako sa ginagawang pagtitig. Para kasi akong dinuduyan ng hangin na sobrang sarap naman sa pakiramdam. Iyong parang hindi ka magsasawa.
Pumikit ako upang mas maramdaman pa ang lamig ng hangin. Damang-dama ko sa aking balat ang lamig na bigay ng hangin.
Ang sarap.
Pero nang makarinig ako ng ingay sa baba ay agad akong nagmulat. Tiningnan ko kung anong ingay iyon.
Si Patrick ang nakita ko —
Ibig kong sabihin si Romeo.
Nakapandamit pantulog na ang binata ngunit lumabas ito ng bahay. Padabog pa nitong isinara ang tarangkahan. Tiningnan ko lang siya hanggang sa huminto ito sa kalsada.
“Saan kaya siya pupunta? Gabi na ah.”
Dali-dali kong kinuha ang bolero ko na nakasabit sa pinto. Agad ko itong sinuot upang hindi ako lamigin sa labas. Kailangan kong malaman kung saan pupunta si Romeo. Kailangan ko siyang sundan.
Tahimik akong lumabas ng kuwarto at pilit na huwag gumawa ng ingay. Mahirap na baka magising ang dalawa.
Nang makalabas ako ng pinto at patungo na ako sa gate ay doon pa lang ako nakahinga ng maluwag.
Mas lalo akong napangiti nang makitang hindi pa masiyadong malayo ang nalakaran ni Romeo. Saan kaya talaga pupunta ang lalaking ‘yon?
Nagmamadali akong sinundan siya baka makalayo at hindi ko na makita pa. Tudo tago pa ako tuwing malapit na ako sa kaniya. Mabuti na lang at hindi niya ako napansin.
Balak ko na talaga siyang tawagin pero pinipigilan ko ang sarili ko. Baka magalit siya kapag nalamang sinusundan ko siya.
Nakakapagtaka naman kasi talaga, sinong matinong tao ang lalabas ng dis-oras ng gabi? Wala, parang si Romeo lang. Masiyadong strict ang mga tao sa panahong ito.
Hanggang sa nakarating kami sa isang malaking bahay. Halatang luma na at parang walang nakatira sa bahay na iyon. Wala ni isang lampara na magbibigay sana ng liwanag sa malaking bahay.
Dalawang palapag iyon at may sira-sirang tarangkahan. Napapalibutan ng tatlong malalaking puno ng mangga na kahit madilim ay mahahalata mong hitik sa bunga.
Nanatili pa rin ako sa kinatatayuan ko. Nakatago ako sa isang puno malapit sa puwesto ni Romeo. Ilang minuto ang lumipas bago binuksan ni Romeo ang tarangkahan. Pumasok ito at hindi ko na nakita ang likod niya.
Anong gagawin niya sa bahay na ‘to? Hindi ba siya natatakot?
Biglang nagsitayuan ang mga balahibo ko sa katawan. Dala ng lamig ng hangin at ng takot na nararamdaman ko. Takot at pagtataka ang bumabalot sa akin. Hinigpitan ko ang hawak sa aking bolero at nagsimulang humakbang papalapit sa tarangkahan.
Hindi ko alam kung bakit ko siya sinundan. Siguro dala ng kuryusidad ay nagawa ko iyon. Pakiramdam ko kasi talaga may kababalaghan siyang ginagawa. Nakakapagtaka man at mahirap paniwalaan pero pakiramdam ko ay siya talaga si Patrick.
At kung anong dahilan niya at ayaw niyang makilala ko siya, iyon ang nais kong alamin.
Lakas-loob kong binuksan ang tarangkahan na kumapit pa sa kamay ko ang mga kalawang. Halatang matagal ng panahon na hindi nabubuksan o nadadalaw ang bahay na ‘to. Kaya bakit kaya pumunta rito si Romeo?
Napailing na lang ako at isinara ang tarangkahan.
Bumuga ako ng hangin at nilibot ang paningin. Sobrang dilim at tanging liwanag lang ng buwan ang gumagabay sa bawat kong hakbang. Saan kaya nagpunta ang lalaking iyon?
Nagpasiya akong pumasok sa nakabukas na pinto. Marahil ay doon pumasok si Romeo at nakalimutan nitong isara iyon.
Main door iyon ng bahay. Napapalibutan na rin ng mga bahay ng gagamba. Muntik pa akong napasigaw nang may biglang gumapang sa leeg ko pero dala ng takot na malaman ni Romeo na sinundan ko siya ay pinigilan kong sumigaw.
“Lintik na gagamba ‘yon! Kapag nahuli kita, gagawin kitang siopao!” nanggigil kong bulong. “Bakit naman kasi napakadilim dito? Hindi pa ba ito nadadayo ng Meralco?” Napapikit na lang ako nang may gumapang na naman sa mukha ko. “Lintik na mga gagamba ‘to! Kapag ako nakalabas sa taon na ito, lahat talaga ng gagamba sa bahay gagawin kong siopao!”
Dali-dali kong inalis ang gagamba na gumapang sa mukha ko. Akala siguro ng buwesit na gagamba na ‘yon ay pader ang mukha ko. Kung sa dibdib ko pa siya gumapang, maiintindihan ko eh. Talaga namang pader ‘to. Kairita!
Napunta lang ba ako sa 1914 para isampal sa mukha ko na flat chested ako? Edi wow!
Muli kong pinalibot ang paningin. Kahit halos wala akong makita ay pilit kong hinakbang ang mga paa at sobrang ingat upang hindi ako makalikha ng kung anong ingay.
Mabuti na lang din at naabot pa ng kunting liwanag ng buwan ang parte ng bahay kung nasaan ako nakatayo. Kahit papaano ay alam ko kung ano ang dapat kong iwasan.
Bawat hakbang ay may kaakibat na kaba. Baka may biglang humablot sa akin at ako pa ang maging siopao ngayon at sabihing trespassing. Lintik na talaga!
Nang makarating ako sa isang kuwarto kung saan ito ang pinakaunang silid na nadaanan ko mula sa main door. Pinihit ko ang busol ng pinto upang buksan iyon. Ang ingay na nalikha ay halos ikasira ng dibdib ko. Sana hindi ako narinig ni Romeo!
Mahina lang naman ang pagpihit ko kaya hindi masiyadong malakas ang nalikhang ingay pero halos lumabas ang puso ko sa pagpintig niyon.
Agad akong pumasok sa silid at sumandig sa pinto. Huminga ako nang malalim at halos habol ang paghinga. Kapag may tao sa kuwartong ito, ikakamatay ko talaga!
Yumakap ang katahimikan. Walang ingay. Nang kumalma na ang pagpintig ng puso ko ay dumausdos ako pababa patungo sa sahig. Sementado na ang sahig. Ito siguro ang tinatawag na yari sa limestone.
Biglang nagkaroon ng ingay, hindi ko alam kung saan banda nanggaling pero sigurado akong sa silid na kinasasadlakan ko ngayon nanggaling ang ingay. Muling bumalot ang kaba sa aking dibdib. Patay na talaga, nandito rin kaya si Romeo?
Gumapang ako papunta sa may aparador na nasa gilid ng silid. Isiniksik ko ang sarili upang magtago. Dahil kung tama nga ang hinala ko na nandito rin si Romeo, siguradong katapusan ko na talaga.
Ilang segundo lang mula nang makatago ako ay biglang nagkaroon ng liwanag. Hindi ko nakaya ang dilaw na liwanag na iyon kaya kusang ipinikit ko ang mga mata. Baka hindi ko mamalayan ay nabulag na pala ako. Ayaw kong umuwi sa 2021 na bulag. Dios mio!
Nang dumilim na ang paligid ay dahan-dahan akong nagmulat. May nakakasilaw pa ring liwanag pero hindi na katulad sa tindi kanina. Mahina na lamang iyon na naging dahilan ng pagkalaglag ng aking panga.
Hindi! Hindi maari!
Paanong nagkaroon siya ng pakpak? Isang malaking pakpak! Paano? Anong kababalaghan ito?
Dala ng takot ay mas isiniksik ko ang aking sarili sa aparador. At ang mas malala pa ay nakalikha ako ng ingay dahil naitumba ko ang isang bagay na hindi ako sigurado kung ano iyon dahil na rin hindi sapat ang liwanag na galing sa pakpak ni Romeo.
Lumingon si Romeo sa gawi ko. Tinakpan ko ang aking bibig upang pigilan ang balak kong pag-iyak. Tila naging talon ang aking mga mata na sagana sa tubig. Ayokong marinig niya ang aking mga paghikbi.
Bakit may dala siyang pana? Bakit parang ang damit niya ay katulad sa nakita kong suot ni Cupid?
Hindi kaya...
Pigil ang aking hininga upang hindi masabi ang laman ng aking utak.
Hindi kaya isang kupido si Romeo?
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro