Chapter 13
"Akala ko talaga hindi ka pupunta rito sa bahay."
Muntikan na kong mahulog sa upuan nang marinig ko ang boses ni Patrick. Mabuti na lang at mahigpit ang pagkakahawak ko. Tiningnan ko siya at agad ko rin siyang iniwasan.
Sabagay, matagal na rin naman akong nahulog sa patibong ni Patrick. Paano ba siya iwasan? Parang palagi na lang ako ang talo eh.
Kailan ba ko nanalo?
Huminga ako nang malalim. Hindi pala ako naglalaro, bakit ako aasa na mananalo ako?
Hindi ko alam kung bakit nararamdaman ko na naman ito, kahit ilang beses ko nang ipamukha sa sarili ko na wala akong karapatan na makaramdaman ng ganito ay hindi pa rin ako nakikinig. Panahon na siguro talaga para batukan ang sarili ko.
"Puwede ba 'yon? Sa birthday ko halos lamunin mo na lahat ang pagkain 'tapos sa birthday mo hindi ako pupunta? Aba! Saan ang hustisya roon, Patrick?"pabiro kong saad nang hindi siya tinatapunan ng tingin.
Siguro noong umulan ng katangahan, sinalo ko lahat.
Ewan ko ba, ang dami namang mas guwapo na lalaki kumpara kay Patrick pero bakit sa kaniya pa ako nagkagusto. Ako na siguro talaga ang tanga dahil nagkagusto ako sa katulad niya.
Sino ba naman kasing hindi magkakagusto sa kaniya? Guwapo, matalino, mabait, matangkad, maraming talento, at higit sa lahat, may takot sa Dios. Kumbaga, nasa kaniya lahat ng katangian na hinahanap ko.
Matangos ang ilong ni Patrick, iyong parang ginuhit talaga para lang sa kaniya. Bagay na bagay ang medyo singkit nitong mga mata sa pilikmata nito. May dalawa itong biloy na nakakaakit tingnan, iyong ngingiti pa lang si Patrick ay hindi ko na alam ang gagawin ko.
Narinig ko ang tawa ni Patrick at hinampas ako sa balikat.
"Grabe, pagkain lang pala ang habol mo sa akin. Hindi ko gets ang katawan mo, Jem. Hindi ka naman nalilipasan ng gutom pero bakit ang payat-payat mo?"
Nagkibit-balikat lang ako at tumayo upang umalis sa upuan ko. Ayoko talagang nagkakalapit kami, ang hirap kasing intindihin ng utak at puso ko.
Inuutusan na naman kasi ako ng utak ko na muling sabihin at magtapat ulit kay Patrick. Para saan pa, diba? Para magkaroon ng ikatlong pagkakataon na tanggihan niya akong muli? Batid kong tanga ako pero hindi ko na ulit gagawin iyon.
Tatlong hakbang pa lang ang nagawa ko nang bigla akong napahinto dahil may humawak sa aking braso. Natigil ako sa paghakbang at dahan-dahan na nilingon kung sino ang naging marahas na hawakan ako sa braso.
Mabalahibo. Malambot. Hindi masiyadong mahigpit ang pagkakahawak.
Agad akong tumingala upang alamin kong sinong nagmamay-ari ng kamay na iyon. Hindi ako makapaniwala sa aking nakita, paano iyon nangyari?
"Patrick?" gulat kong banggit sa pangalan niya at tiningnan kong muli ang kamay na nakahawak sa braso ko ngunit ibang kamay na ang aking nakita.
"Saan ka pupunta?"
Sasagot na sana ako sa tanong niya ngunit hindi ko na tinuloy dahil tinawag siya ni Faye at binitawan na ni Patrick ang braso ko.
Alam ko namang pangalawa lang ako, pero bakit ang sakit pa rin?
Labag man sa kalooban ko pero nagawa ko pa rin na tingnan ang dalawa. Kahit masakit ay nagawa ko pa rin na ngumiti upang maitago ang totoo kong nararamdaman.
Ako sana iyon eh. Ako sana ang mahal ni Patrick pero hindi niya lang ako makita dahil ang daming magaganda at mababait na kilala niya. Ako sana iyon kung maganda lang ako. Ako sana ang pipiliin niya kung hindi lang ako ganito.
Ngumiti ako. Ganito na lang palagi, dinadaan ko sa ngiti ang lahat. Dinadaan ko sa ngiti kahit ang sakit-sakit na. Dinadaan ko sa ngiti kahit nais kong lumuha. Dinadaan ko sa ngiti kahit tila tinutusok ng karayom ang puso ko.
Bakit nga ba? Wala eh, ganito lang kasi ako. Ako lang naman si Jemimah na hanggang ngiti lang ang kayang gawin. Ako lang naman si Jemimah na hindi kayang magustuhan ng taong mahal niya. Ganito lang kasi ako.
Napahinto ako nang maalala ko na naman ang pinag-usapan namin ni Sarita kahapon.
Bakit si Faye iyong nakita ko? Mukha talaga ni Faye ang nakita ko sa litrato. Si Faye ang tinuturo ni Sarita na naging dahilan ng kamatayan nito.
Pero paano nangyari iyon?
Posible kaya na...
"Jem." Boses iyon ni Faye na nagpataas sa mga balahibo ko. Parang gusto kong tumakbo bunga ng takot.
Pero bakit ako matatakot, diba? Hindi naman ako sigurado na siya talaga ang pumatay kay Sarita. Kasi paano naman gagawin ni Faye 'yon? Magkaiba naman sila ng panahon.
"Hindi kaya, reincarnation?"
"Reincarnation ang alin, Jem?" tanong sa akin ni Faye na hindi ko napansin na nakalapit na pala sa akin.
Umiling ako."Ah, wala." Tumawa ako nang peke at tumingin kay Patrick.
Loko talaga, gusto yata akong patayin sa selos.
Ngumiti ako nang pilit at nagpaalam sa dalawa.
"Wait, hindi ka pa kumakain. Join us muna, Jem." aya sa akin ni Faye pero tinanggihan ko.
Noon, hindi ko kaya na tanggihan siya. Paano ba naman kasi tatanggihan ang katulad ni Faye? Sa paraan pa lang kasi nang pananalita nito ay hindi mo magagawang tanggihan ang babae.
Tila kasi isa itong anghel sa hitsura nito. Sobrang maganda at mabait si Faye. Sa sobrang bait nito hindi mo masasabi na makakagawa ito ng masama. Sa ngiti pa lang nito ay madadala ka na.
Kaya siguro bagay sila ni Patrick.
Pero mabuti na iyong iwasan ko muna si Faye. Hindi pa rin ako sigurado na hindi nga siya ang pumatay kay Sarita. Mabuti nang layuan muna siya. Wala namang mawawala kung hindi ko siya lalapitan eh.
Hindi naman siya nakakatakot pero kusang tumatayo ang mga balahibo ko sa katawan. Hindi ko naman masasabi na kaya nitong manakit ng tao pero mas mabuti na rin na lumayo muna ako.
Ika nga nila, ligtas ang may alam.
"Kumain na ako, Faye. Kanina, non'ng hindi ka pa dumating. Mauna na ako, hindi kasi ako nakapagpaalam eh," pagsisinungaling ko at malalaki ang hakbang na ginawa upang makaalis agad.
Baka ako pa ang isunod niya. Ayoko pang mamatay.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro