Chapter 1
Year 2021
Hinalikan ko ang poster ni Piolo Pascual nang paulit-ulit hanggang sa magsawa ako bago pinatay ang nag-iingay na alarm clock.
Gusto pa talagang pumikit ng mga mata ko pero hindi na maaari dahil may online class pa ako mamayang alas-otso. Sa klase na lang ni Sir Jude ako matutulog dahil medyo boring talaga ang klase noʼn, magkukuwento lang iyon tungkol sa mga nangyari kahapon. Akalain mong may balak yata na mag-recap sa buhay niya.
Regalo pa ni Mama itong alarm clock na 'to noʼng kaarawan ko. Gusto talaga yatang gumising ako ng maaga para hindi ako mahuli sa klase pero mabuti na lamang ito kumpara sa niregalo nitong baso sa akin noʼng nakaraang kaarawan ko. Daig pa ni Mama ang mga kaklase ko noʼng high school.
"Hoy, Jem! Anong oras na? Abaʼy tanghali na hindi ka pa rin lumalabas sa kuwarto mo," sigaw ng Mama ko galing sa kusina. Napakamot ako sa ulo at muling tiningnan ang alarm clock.
"Mama, alas-sais pa lamang po, tanghali ka riyan," angal ko habang kinuha ang pantali ko sa buhok na nasa ilalim ng unan at tinali ang mahabang kulot ko na buhok. Hindi na ko nag-abalang magsuklay, ang hirap eh.
"Bumangon ka na, kinakalabit ka na ng araw!"
Wala na kong nagawa kunʼdi ang lumabas ng kuwarto bago makakuha ng sermon kay Mama. Kasi nga raw sila dati, hindi pa raw lumalabas ang araw ay gising na sila, na sila raw ganito, ganiyan. Halos kabisado ko na nga ang lahat.
"Bumili ka nga muna ng itlog doʼn sa labas," narinig kong utos ni Mama. "Doʼn ka kina Aling Marites bumili," dagdag ni Mama.
"Bakit doʼn?" nakasimangot kong tanong.
"Mahal doʼn sa kabila, ang laki ng patong. Balak yatang yumaman agad."
"'Ma naman eh, hindi pa nga ako nakakahilamos."
"Oh sige, maghilamos ka muna. Ako na ang bibili pero ikaw ang magluluto."
Ayan na naman si Mama sa mga taktika niya.
"Ilang itlog ba?" tanong ko. Ano pa nga bang magagawa ko?
"Lima, samahan mo ng kamatis at sibuyas ha?"
Napakamot na lamang ako sa kulot kong buhok at sumimangot na lumabas ng kusina.
"Hoy! Ang face mask mo, Jemimah! Baka mahuli ka ng pulis!" muling sigaw ng aking Mama.
Hay, COVID! Kailan mo balak umalis?
INAYOS ko ang mask nang biglang dumaan ang sasakyan ni Kapitan, ang aga naman ni Kapitan mag-ronda.
Dire-diretso lamang ang lakad ko para marating agad ang tindahan na tinutukoy ni Mama, medyo may kalayuan kasi ito kumpara sa tindahan na malaki raw ang patong. Hindi naman talaga malaki ang patong doʼn, nabalitaan ko kasi kay Papa na hindi raw pina-utang si Mama ng sardinas kagabi kaya nagkaganoʼn ang Mama ko.
Hindi naman talaga kami mayaman, hindi rin mahirap. Kumbaga, wala kami sa dalawa.
"'Yang si Jemimah, hindi magkakajowa 'yan."
Biglang lumaki ang tainga ko nang marinig ang boses na iyon ni Patrick, anak ni Aling Marites, nang makarating ako sa tindahan.
Tinaasan ko siya ng kilay.
"At bakit naman, aber?" tanong ko.
"Ang pangit mo kasi!"
KANINA pa ako nakatingin sa harap ng salamin habang ngumingiti at nagpo-pose pa. Gusto ko talagang mag-model pero hindi pinalad ng panahon, hindi naman talaga kasi ako kagandahan.
Ako 'yong babae na mapapatanong ka sa sarili mo kung tao ba talaga ako o hindi. Ni ako nga ay hindi kompermado kung totoo ba talaga akong tao o isa akong maligno kaya minsan wala akong confidence sa sarili.
Hindi na 'ko magtataka kung magkatotoo ang sinabi ni Patrick noong isang araw na hindi ako magkakaroon ng boyfriend kasi totoo naman na hindi talaga ako maganda.
Tiningnan ko ang litrato ni Sarah Geronimo na nakakabit sa dingding ng bahay.
"Lamang lang 'to saʼkin ng limang libong ligo, eh. Kapag ako talaga gumanda, who you kayong lahat saʼkin."
Agad akong napailing. Kahit pa siguro apat na beses ako maligo sa isang araw parang wala na talaga akong pag-asa.
Muli akong nag-pose sa harap ng salamin sa sala.
"Hay nako! Makapag-answer na nga ng isang activity. May balak yata akong patayin ng mga instructor namin," reklamo ko at kinuha ang cellphone ko.
Ito ang mahirap sa online class, wala kang classmate na pʼwede hingan ng papel, ballpen, pulbo, o 'di kaya ay answer sa mga activities. Tapos ang dami pang binibigay na activities, halos sabay-sabay pa ang deadline.
Dahan-dahan lang mga Ma'am at Sir. Isa lang po akong kalaban niyo, marami kayo.
"Tapos ka ng mag-monologue, Jem?"
Halos muntik ko nang itapon ang cellphone nang may biglang nagsalita sa likuran ko.
"Gusto ko lang kunin ang plato na pinahiram ni Mama kahapon. Hindi mo na raw kasi binalik," dagdag niya.
Wala ka talagang magandang naibunga sa buhay ko, Patrick.
"GOOD morning class," bati sa amin ni Sir Jude na naka-on ang video niya. Here we go again, education class.
Isa talaga siguro sa mga mali ko ang pagkuha ng education, ewan ko rin ba kung bakit ito ang kinuha kong kurso, hindi naman talaga ako matalino. Ano na lang ang sasabihin ng mga future students ko?
Pinindot ko ang camera icon at ini-off ang audio ko. Balak kong matulog, tinapos ko kasi ang PowerPoint presentation ko kahapon at nag-record sa report ko kaya nakararamdam ako ng matinding antok.
Inayos ko ng lagay ang cellphone na connected ang audio sa isang bluetooth speaker para kahit papaano ay magising ako kung sakaling tawagin ako ni Sir. Kinuha ko ang tali sa buhok ko at pinagpagan ang unan, nang akmang hihiga na sana ako ay nagulat ako sa sinabi ni Sir Jude.
"Open your cam, alam kong may matutulog na naman diyan!"
I open my audio.
"Sir, gusto mo milk tea? Libre ko po."
Nagtawanan ang mga classmates ko, ako lang pala ang naka-off ang audio.
"Sir, si Jemimah po. Matutulog na naman 'yan," saad ni Patrick.
Natatandaan ko na kung bakit ako napasabak sa Education dahil iyon sa lalaking ito. Tanggapin ko man o hindi pero naging crush at best friend ko talaga si Patrick. Siya kasi ang kasama ko noʼng mga panahong nag-enroll kami sa University.
"Magsisimula na naman ang bangayan ng mag-ex. Bakit hindi na lang kasi kayo magbalikan?" sabi ni Wilmira na naka-open ang cam at ngumunguya pa.
"Hala, Sir oh! Si Wilmira po, kumakain. Bawal 'yan eh!" sabi ng kaklase namin.
"Walang bawal-bawal kapag gutom na 'ko, Roderick! Tumahimik ka diyan!" pasinghal na sagot naman ni Wilmira kay Roderick.
Humikab ako at kinuha ang unan. Inaantok talaga ako, ang sarap matulog.
Nagpatuloy ang bangayan nina Wilmira at Roderick. Simula noong first year kami ay wala ng ibang ginawa ang dalawang 'yan kunʼdi ang magbangayan at mag-away sa walang kuwentang bagay. Kung face-to-face lang ang klase ngayon, puno na ng bugbog si Roderick.
"Guys," tawag-pansin ni Yaofe na putol-putol ang boses. Mahina na naman siguro ang signal nito. "Nandiyan pa ba si Sir? Brown out daw sa university eh," dagdag nito.
Salitang brown out lang ang naintindihan ko. Daig ko pa ang nanalo sa beauty contest. Agad kong tiningnan ang mga participants sa meeting upang makita kung nasa meet pa ba si Sir.
"Wala na si Sir guys, leave na tayo," saad naman ng class mayor namin.
Jackpot! Sa wakas makakatulog na 'ko!
Pinindot ko agad ang leave button at in-off ang bluetooth ng cellphone ko. Pagkatapos kong maayos lahat ng mga ginamit ko sa meeting ay humiga na 'ko sa kama.
Finally, I can rest.
"Jemimah! Patulong naman sa activity natin sa PE! Hindi ako marunong mag-Tiktok!" sigaw ni Patrick sa labas ng kuwarto ko.
Sinusumpa ko sa lahat ng engkanto na hindi ako natutuwa na naging kapitbahay ko ang lalaking ito!
Childhood best friend ko si Patrick, 'yong tipong kahit kulay ng brief niya noong Elementary pa kami ay alam ko. Nakita kong lumubo ang sipon niya at ang panahong inano ang ano niya.
Sabay kaming lumaki kaso hindi lang ako tumangkad. Hanggang sa nagtapos kami ng Elementary ay sabay kaming gumagawa ng mga assignments, sabay kaming gumagawa ng projects.
Halos lahat ay alam ko ang tungkol sa kaniya.
"Jem!" tawag na naman nito at kinatok ang pinto ng kuwarto ko.
Wala akong balak na buksan siya. Bahala ka sa buhay mo!
"Hoy, Jem! Ngayon ang deadline nito eh. Tulungan mo ko, sige na."
Akala siguro ng lalaki na ito ay nakalimutan ko na ang sinabi nito na ang pangit ko. Bakit naman ako magagalit, diba? Nag-describe lang naman siya.
Sanay kasi si Patrick na ginagawang biro ang kapangitan ko. 'Yong tipong pinagkakalat nito sa lahat ang kagandahan ko, pinagsasabi sa lahat ng barkada nito. Ewan kong ganoon lang ba nito i-appreciate ang beauty ko o napapangitan lang talaga siya saʼkin.
Pero kapag may kailangan siya ay ako naman ang nilalapitan. Bakit ganoon? Hindi ko siya maintindihan.
Ang ibig kong sabihin, bakit hindi ko maintindihan ang sarili ko? Bakit hindi ko kayang magalit sa kaniya ng matagal? Bakit pinagbibigyan ko pa rin siya?
"Jem? Buksan ko na ang pinto ha? Hiniram ko kay Tita ang susi, tagal mo kasing buksan eh," saad ni Patrick makalipas ang ilang minuto.
Kaya pala nawala ang ingay kanina kasi pinuntahan niya si Mama. Kinuha ko ang kumot at inilagay ko sa mukha ko. Ayokong makita na naman niya ang kapangitan ko.
Hinintay kong bumukas ang pinto pero sa halip na bumukas iyon ay narinig kong tumunog ang cellphone ni Patrick.
"Hello?"
Agad akong bumaba sa kama at lumapit sa pinto. Inilapat ko ang tainga ko roon upang makinig at alamin kung sino ang kausap ni Patrick.
"Ah, yes babe. Nakalimutan ko," sagot ni Patrick sa kausap.
Babe? Wala namang ibang babe si Patrick kunʼdi si Faye lang, ang girlfriend nito.
"Sure, pupuntahan kita ngayon. I love you."
Nagpakawala ako ng malalim na hininga at bumalik na sa kama.
"Tita, nasa mesa po ang susi ng kuwarto ni Jemimah. Pupunta muna ako sa girlfriend ko."
Parang sumikip ang dibdib ko.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro