4.3: Go, catch the woman!
4.3.
"Ang akala ko ba ay pupunta tayo ng perya? Bakit biglang may date kayong dalawa?" Mahahalata sa boses ni Yno ang pagkainis. Si Dameil naman ay tahimik lang habang nakapamulsa at mistulang nanonood lang sa pagtatalo naming tatlo.
Hindi ko sila masisisi. Nangako ako na pupunta kami ng perya para puntahan ang matandang babaeng pinagbilhan ko ng gayuma pero ito, biglaang date namin ni Wax. Hindi ko na nagawang tanggihan si Wax kasi nawala sa isip ko ang lakad namin nila Yno at Damiel.
"Paano ba iyan? May date kaming dalawa," singit ni Wax sa usapan. Nagkagat labi ako at sandaling nag-isip.
"Ano na lang? Isama na lang natin si Wax sa lakad natin saka para matapos na rin ito at wala nang date na magaganap!" galak kong solusyon sa problema namin.
ﮩ٨ـﮩﮩ٨ـ♡ﮩ٨ـﮩﮩ٨
Nang makarating kaming apat ng perya ay tuwang tuwa si Wax at nagmamadali pa, akala mo isa siyang batang ngayon lang nakapunta sa peryahan. Nagulat ako nang biglang hinawakan ni Wax ang kamay ko pero mabilis naman akong nakabawi sa pagkabigla para ngumiti.
Itatakbo na niya sana ako papunta sa pila ng sasakay ng Ferris Wheel pero bigla akong hinatak pabalik ni Yno. Pareho kaming nahinto ni Wax at naglingon kay Yno at tinaasan namin siya ng kilay.
"Akala ko ba ay hahanapin natin ang matandang sinasabi mo? Saan ka pupunta?" taas-kilay niya ring tanong. Nagbalik naman ako ng tingin kay Wax. Nakangiti pa rin siya at parang nakikiusap ang mga mata niya. Bumuntong hininga ako at nagbalik ng tingin kay Yno.
"Pagbigyan muna natin si Wax sa gusto niya at pagkatapos saka na natin hanapin ang matanda," sabi ko na lang at ngumiti.
Hindi na inantay pa ni Wax ang susunod na sasabihin ni Yno at tuluyan na akong hinatak. Wala na ring nagawa sila Yno at Damiel kundi ang sumunod na lang. Masaya kaming naglaro at sumubok ng mga palaro sa buong perya. Maging sila Damiel at Yno ay nakisama na rin at mukha pa nga silang nag-e-enjoy.
"Doon tayo!" hiyaw ni Wax at itinuturo ang Scary Clown House. Agad naman kaming sumang-ayon na tatlo at nagkaniya-kaniya ng bili ng ticket saka pumila. "Kapag may nakita akong clown, sasapukin ko!" pagmamayabang ni Wax.
"Anong sasapukin mo? Baka nga tilian mo pa!" bulyaw naman ni Damiel sa kaniya dahilan ng pagtatawanan namin.
Sabay-sabay naming inabot ang mga ticket namin at pumasok na sa loob ng House. Nang makapasok kami ay madilim ang buong paligid, may naririnig kaming mga tilian, sigawan at tawanan.
Dahan dahan kaming naglakad papasok sa unang pinto. Si Damiel ang nagbukas niyon. Nang buksan niya ang pinto ay may isa pang pinto at binuksan niya ulit iyon. Nangunguna sa amin si Damiel, kasunod niya naman si Wax at ako ang kasunod ni Wax, nasa likod ko naman si Yno.
Nang makapasok sa pinto ay nahinto kaming lahat. May anim pang pintuan na nakakakalat sa buong kwarto. Nagkanya-kanya naman kami ng lapit sa mga pinto. Pinuntuhan ko ang pinakaunang pinto at binuksan iyon. Naisalag ko ang balikat ko sa mga mata nang silawin ako ng napakasakit sa matang liwanag.
Saglit na nag-adjust ang mga mata ko sa liwanag at nang medyo makakita na ako nang maayos ay inilibot ko ang paningin ko sa kabuuan ng kuwarto. Maliwanag ang buong lugar at kitang kita ang bawat kanto ng kwarto, walang laman ang kuwarto maliban sa isang upuan na nakapwesto sa gitna.
"Wow, ang creepy. . ." bulong ko sa sarili at isinara na ang pinto. Pupunta pa sana ako sa isa pang pinto nang marinig ko ang tili ni Wax. Agad siyang hinanap ng mata ko at nakita ko siya sa pinaka huling pinto, nakahandusay sa sahig habang dinadaganan ng isang clown.
"Alis! Lumayo ka sa akin!" Tumakbo ako palapit sa kaniya at tinulungan siya sa pagtayo. Binuhat ni Yno ang clown--ang clown na isa lang palang manequin.
"Easy, boy. Manequin lang naman ang isang ito," natatawang sabi ni Yno at inakbayan pa ang manequin. Taranta namang tumayo si Wax at nagpagpag.
Saglit na katahimikan at sabay sabay kaming nagsihagalpakan ng tawa dahil grabe ang pagtili-tili ni Wax, manequin lang naman pala iyon. Tawanan kami nang tawanan habang si Wax ay nakabusangot dahil siya ang pinagtatawanan namin. Hindi ko namalayan na nakalabas na pala kami sa Scary Clown Booth.
"Kung nakita mo lang ang mukha mo kanina, pʼre! Grabe, nakakatawa!" Muling humagalpak ng tawa si Damiel at hinahampas-hampas pa ang likod ni Wax.
Ako naman ay natigil sa pagtawa nang makawit ang tingin ko sa matandang babae na nagtitinda ng kung anu-anong anting-anting sa mga nagdadan. Parang pamilyar siya.
"T-Teka siya nga." Napangiti ako namg malawak dahil hindi ko na pala kailangang maghagilap sa kaniya.
"Anong siya?" Rinig kong tanong ni Wax at tumingin din sa direksyong tinititigan ko.
Kumaway-kaway ako sa matanda nang mapansing nakatingin na rin siya sa direksiyon ko. Pero nagulat ako nang dali-dali niyang itinago ang mga ipinapaninda niya at nagmamadaling nagligpit. Nakunot ang noo ko sa pagtataka.
"Sinong tinitignan mo?" rinig kong tanong ni Damiel. Hindi ko sila sinagot o nilingon dahil sobra akong nagtataka sa ginagawa ng matanda pero. . .teka? Tinatakasan niya ba ako? Bakit?
"Siya iyon! Ang m-matandang babaeng sinasabi ko, siya iyon!" sigaw ko at itinuro ang matandang babae na ngayon ay halos tapos na magligpit at bigla na lang tumakbo.
"Tumatakas siya! Tumatakas na siya! Habulin na natin!" sigaw ko sa kanilang tatlo pero wala silang kibo at nagtatakang nakatingin lang sa akin. Napasabunot ako sa buhok ko ng hindi sila gumalaw at nagtataka lang na tinatanaw ang tinuturo kong matanda.
"Ang sabi ko ay habulin niʼyo!" sigaw kong muli ngunit mas madiin at malakas kaysa kanina. Taranta naman silang kumilos pero hindi pa rin sila tumatakbo kaya ako na ang tumakbo at humabol sa matanda.
//
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro