Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Jealous Impy

CHAPTER NINE    

“HAVE you tried painting murals?”

Napalinga si Impy kay Joen. Nasa pocket garden sila ni Joy-Joy nang mga sandaling iyon. Pinaaarawan niya ang bata. Si Joen naman ay bihis na upang pumasok sa opisina. Nakasanayan na nitong humalik sa bata tuwing bago ito umalis kaya sila nilapitan doon.

“Ipinabago kasi namin iyong art room sa school, pinalakihan,” patuloy nito. “Palalagyan namin ng mural paintings ang tatlong sides ng silid. Magko-commission kami ng mga artist para pintahan 'yon. Naisip kita.”

Napangiti siya. Naipakilala na siya ni Joen sa isang tiyahing may art gallery sa Megamall. Nakita at nagustuhan naman ng tiyahin nito ang kanyang mga ipininta. Regular na siyang magdi-display roon ng mga obra niya. Ngayon ay binibigyan na naman siya ni Joen ng trabaho. “I’m interested.”

Ngumiti rin ang binata. Ngiting sa pagdaan ng mga araw ay mas lalo yatang nagiging matamis sa paningin ni Impy. “Then, isasama kita roon mamayang after lunch para makita mo ang art room. Ibibigay rin sa iyo ng faculty ang suggestions nila.”

“Okay.”

Lumapit ito nang husto sa kanila at hinalikan ang bata. “Bye, baby. Huwag mong pahihirapan si Mommy at si Yaya.” Sa kanyang pagkagulat ay inakbayan siya nito at hinalikan din sa noo. “See you later, Mommy.”

“Ingat,” kinikilig man ay nagawa pa niyang ipahabol bago ito tumalikod.

Lately, Joen was treating them like a family. Nakadarama man ng tuwa at kilig doon si Impy, alam niyang mahihirapan siya nang husto kapag kinuha na sa kanila ang bata. Hindi lamang si Joy-Joy ang mami-miss niya. Si Joen din, dahil kapag kinuha na ni Tom ang bata, kailangan na rin niyang umalis sa poder ng binata. And she would definitely miss him, too.

Bumalik si Joen dakong tanghali. Pagkakain ay kasama na nito si Impy sa pagpunta sa Hebron Montessori School. Noon lang siya nakarating doon. Walang dahilan noon upang mapunta siya roon.

Malaki pala ang paaralan. Ang sentrong gusali at ang left wing ay inookupa ng elementarya. High school naman ang nasa right wing.

Isinama siya ni Joen sa unang palapag ng right wing. Isang silid na wala pang laman ang pinagdalhan nito sa kanya. “Ito ang magiging bagong art room nitong school.” Hinawakan siya nito sa siko. “Halika sa faculty office. Doon natin idi-discuss ang mga bagay na ipe-paint mo sa mural.”

Kasama sa kanilang meeting si Reese Miranda, ang babaeng minsan nang tumawag kay Joen sa bahay.

Hindi gusto ni Impy ang hilatsa ng mukha ng babae. Bagaman maganda ito, halata naman sa kilos ang flirty attitude lalo na sa pakikipag-usap kay Joen. Kapansin-pansin din ang pagkakahakab ng suot na uniform nito sa makurbang katawan at ang may kagaslawang kilos. Manhid na lang ang hindi makakapansin sa not-so-subtle na pagpi-flirt nito sa binata.

At ang lihim niyang ipinagngingitngit, mukhang nag-e-enjoy pa si Joen sa labis na atensiyong nakukuha sa babae.

Matapos ang meeting ay nagpaalam na si Impy kay Joen. Dadaan pa siya sa bookstore upang bumili ng mga art supplies na kakailanganin niya. Sa mall siya pumunta.

Nakabili na si Impy ng mga kailangan nang mapasulyap siya sa isang boutique. Naagaw ng pansin niya ang suot ng mannequin sa harapan niyon. Isa iyong summer dress na simple lang ang tabas. Powder blue ang kulay ng bestida at hindi mukhang dressy. May katernong strappy sandals iyon na kulay puti at mababa lang ang takong. Pumasok siya sa loob ng boutique.

Isinukat ni Impy ang damit sa kabila ng skeptic na tingin ng salesclerk. Naka-T-shirt, maong, at rubber shoes na naman kasi siya. Naaalangan siya. Para kasing hubad ang pakiramdam niya dahil hindi siya sanay na magbestida, ngunit nagustuhan niya ang pagkakalapat niyon sa kanyang katawan. Maaaring biased siya but the dress looked good on her.

On impulse ay binili ni Impy ang damit at sandals kahit wala siyang maisip na okasyong paggagamitan niyon.

“RECESS na po, Miss dela Cruz. Ihinto mo muna 'yan.”

Nilinga ni Impy si Joen na nakamasid sa bahagi ng dingding na napintahan niya.

“Malapit na palang matapos.”

“Yeah,” ayon niya. Apat na araw na siyang nagpipinta roon. “Hanggang mamaya na lang siguro.”

“Ang bilis mo palang magpinta. Samantalang iyong mga kasabay mo, nangangalahati pa lang.”

“Mas madali kasing gawin ang mural. At least, para sa 'kin.”
Tinagtag ni Joen ang braso niya kaya napilitan siyang ibaba ang paintbrush. Nagtaka si Impy kung bakit sa office nito siya dinala sa halip na sa canteen.

“Sa office na lang tayo kumain. Magulo sa canteen. May ipinabili akong snack natin doon.”

May nadatnan silang dalawang naka-styrofoam na baked macaroni at dalawang bote ng soft drinks sa opisina nito. Nasa ibabaw iyon ng coffee table na katapat ng isang mahabang sofa. Sisimulan pa lang nilang kumain nang may kumatok. Kasunod niyon ay ang pagsungaw sa pinto ni Miss Miranda.

“Oh! May kasama ka pala rito, Joen. Sorry to disturb you. Gusto ko lang ibigay 'tong club sandwich na ginawa ko para sa 'yo.” Tuluyan na itong pumasok at iniabot sa binata ang nakabalot na sandwich.

“Thank you, Reese. Hindi ka na sana nag-abala pa.”
“Alam mo namang malakas ka sa 'kin, eh.” Tila kinikiliti ng mga malignong tumawa pa ang babae. Tawang gusto niyang ikahiya bilang isang babae.
“Why don’t you join us?” yaya rito ni Joen.
“Some other time na lang, kapag wala nang ibang tao rito,” parang nanunukso pang sabi nito bago umatras. “Sige, Joen, enjoy my sandwich. Masarap 'yan.”
Hinati ni Joen ang sandwich nang muling sumara  ang pinto at ibinigay kay Impy ang kalahati. Tinikman iyon ni Impy. Muntik na niyang naibuga iyon. Mukhang ibinabad yata ni Miss Miranda ang karne niyon sa asin. Sobrang alat. Lumagok kaagad siya ng softdrink para malunod ang alat na naiwan sa dila niya.
“Paano mo nalulunok ang ibinibigay niyang sandwich sa 'yo?” hindi na nakatiis na tanong ni Impy kay Joen nang mapuna niyang kinakain pa rin nito ang tinapay.
“Nasanay na ako sa alat,” bale-walang saad nito na patuloy lang sa pagnguya.
“You mean, araw-araw mong pinagtitiisang kainin ang mga ibinibigay niya sa 'yo?”
“Hindi naman araw-araw. Kapag bagong suweldo lang niya ako binibigyan nito.”
“Hindi mo pa sinubukang sabihin sa kanya na maalat ang sandwich niya?”
“Nasabi ko nang minsan pero gano’n pa rin. Hindi ko na inulit, baka ma-offend, eh. Siya lang naman ang matiyagang magbigay sa 'kin ng sandwich.”
Napanguso si Impy. “Puwede mo namang sabihin ulit 'yon sa magandang paraan kung ayaw mo siyang ma-offend. Well, anyway, kung mahal mo naman kasi, of course, iingatan mong masaktan siya.” Mabilisan niyang inubos ang baked macaroni at soft drink. “Sige, lalabas na a—” Nabitin sa ere ang sasabihin niya nang makita niya ang pilyong pagkakangiti ni Joen habang nakatitig sa kanya. Sinikmatan niya ito. “At ano’ng inginingiti-ngiti mo riyan?”

“Naisip ko lang, naranasan ko nang mamura at masinghalan mo, sinisiko mo pa ako minsan, pinagdadabugan, iniirap-irapan, pero si Reese, hindi pa 'yon nagawa sa 'kin kahit minsan. Lagi siyang malambing. She’s always nice to me kahit laging maalat ang club sandwich niya.”

“So?” Nandidilat at nagbabanta ang mga mata ni Impy.

“So, that’s it. Naisip ko lang ang pagkakaiba n’yo,” pilyo pa ring sabi ni Joen.

“Talaga!” Tumayo na si Impy bago pa lumala ang panggigigil niya at masabunutan niya ito. “Salamat sa snack. Diyan ka na!”

“Sandali, bakit ba nagagalit ka? Totoo naman ang mga sinabi ko, ah?”
Hindi na niya ito sinagot at mabilis siyang lumabas ng pinto.        
Pagdating ni Impy sa bahay nang hapong iyon, kaagad na nagpaturo siya kay Coring ng pagluluto ng beef mami. Isinulat pa niya sa isang notepad ang eksaktong measurement ng mga ingredients at ang paraan ng pagluluto niyon.
“Ako ang magluluto ng almusal bukas, Coring,” sabi niya rito matapos siyang maturuan. “Puwede kang magpatanghali ng gising.”
“Hay, salamat. Ano ba’ng nakain mo at sinipag ka yatang bigla?”
“Wala lang.”
Nagkibit ito ng mga balikat at tinalikuran na siya. Nang makalampas ito sa kanya ay bumira ito ng kanta. “My morning starts to shine with teardrops in my eyes. And here I am alone, starting to realize that my days would be brighter if I could learn to hide. The feelings that I have for you keeps hurting me inside...”
Ngali-ngali na niyang batuhin ito ng sibuyas. Manang-mana talaga ito sa amo, magaling mambuska.
Napaisip si Impy habang pinasususo niya si Joy-Joy sa nursery. In love na nga yata siya kay Joen.

BUKOD sa beef mami, nagluto rin si Impy ng sinangag, pritong longganisa, at daing na danggit kinaumagahan. Naghiwa pa siya ng kamatis para sawsawan.
“Hmm... mukhang may bagong cook. Ano’ng nangyari kay Coring?” bungad ni Joen nang mapasukan siya nito sa komedor na naghahain.
“Pinag-off  ko,” simpleng sagot niya habang tahimik na nananalanging huwag na sana itong mag-usisa pa. Halos nakasisiguro na kasi siyang mauuwi lang iyon sa pagkapahiya kung sakali.
“Bakit?”
Bigla siyang napaisip sa tanong nito. Hindi nga pala siya ang amo ni Coring. Ano ang karapatan niyang bigyan ito ng off? “Actually, hindi naman talaga ‘off.’ It’s more like a ‘morning off’ dahil pagluluto lang naman ng almusal ang inako ko kay Coring.”
“But why?”
Nagkumahog si Impy na mangapa sa kanyang utak ng ikakatwiran. Dapat pala, nakaisip na muna siya ng isang convincing na dahilan bago niya ito nakaharap ngayon. “Naisip ko lang kasi na may Mother’s Day, Teacher’s Day, at kung anu-ano pa. So why not Maid’s Day? Para na rin pakonsuwelo kay Coring, 'di ba?”
“Oo nga naman,” wika ni Joen na napatangu-tango pa. “May katwiran ka riyan. Maganda 'yang naisip mo. Come, saluhan mo na ako.”
Sumunod si Impy at lihim na nakahinga nang maluwag. Magaan ang kilos na sinimulan niyang mag-almusal.
Humigop ito ng sabaw ng mami ngunit biglang napaubo. Kung hindi nito naagapan ng table napkin ang bibig, malamang na sa mga pagkaing nasa hapag ito napabuga.
“Bakit?” kinakabahang tanong ni Impy sabay tayo. Nilapitan niya ito at hinagud-hagod sa likod habang patuloy pa rin ito sa pag-ubo.
“May galit ka pa ba sa akin?” usisa ni Joen nang mahimasmasan.
“B-bakit?” ulit niyang naguguluhan sa tanong nito.
“Naitaktak mo yata rito sa mami ang lahat ng paminta. Ito namang sinangag, medyo mapait na sa sobrang pagkasunog ng bawang.”
Nanulis ang nguso ni Impy. Inihinto na niya ang paghagod sa likod nito. “Pero kung 'yong sobrang alat na sandwich ng kerengkeng na Miss Miranda na 'yon ang kinakain mo, hindi mo magawang magreklamo.”
“Eh, nasasabi naman natin ang lahat sa isa’t isa. Hindi na iba ang turingan natin, 'di ba?”
Gusto sana niyang sumagot pa ngunit naalala lang niyang ayaw nitong nagtatalo sila sa harap ng hapag-kainan.
Tahimik na tinapos ni Impy ang almusal nang hindi ito tinitingnan. Totoo naman ang mga sinabi nito tungkol sa mami at sinangag. Ibig tuloy niyang ma-guilty na kahit ganoon ang lasa ng mga iniluto niya ay inubos pa rin nito.
Matapos kumain si Joen at muling umakyat sa itaas, iginawa naman niya ito ng sandwich. Bacon and cheese sandwich iyon na may mayonnaise at lettuce. Gusto lang niyang bumawi kay Joen. Alam niya na masarap ang ginawa niyang sandwich. Na-master na niya ang paggawa ng iba’t ibang klase niyon. Dahil tamad siyang magluto ng ulam, sandwich ang madalas niyang kainin noong nagsosolo pa siya.
Nang iabot ni Impy ang sandwich kay Joen bago ito bumaba ng bahay ay lumitaw na naman ang mapanuksong tingin nito. “Uyy, she’s acting like a real mommy.”
“Baka gusto mong bawiin ko 'yang sandwich,” sikmat naman niya rito.
“Huu, ikaw naman, para binibiro lang, napipikon na agad. Huwag ka nang mahiya. Mommy ka naman talaga at daddy naman ako.” Inakbayan siya nito. Hindi niya magawang pumalag. “Maglalambing lang ako, Mommy. Ihatid n’yo naman ako ni Joy-Joy hanggang sa labas.”
Kahit papaano ay nakahinga si Impy na hindi mas grabe pa roon ang pambubuska nito. Kung tingnan kasi niya ang mga mata ni Joen, para bang bistado na nito ang lihim niyang damdamin dito.
Kinuha ni Impy ang bata kay Ate Cedes at inihatid nila si Joen hanggang sa labas ng bahay. Saglit muna nitong nilaru-laro si Joy-Joy bago hinalikan sa pisngi. Siya naman ang binalingan nito pagkatapos. “Salamat sa almusal at sa sandwich, Mommy. Hayaan mo, uubusin kong lahat 'to kahit na ano pa ang lasa.”
Inirapan niya ito. “Masarap 'yan, 'no! Tikman mo muna bago mo ipamigay.”
“Huwag kang mag-alala, hindi ko bibigyan nito si Reese. Tiyak kasing magseselos ka.” At bago pa siya makasambit ng pangganti, inismack na siya nito sa bibig. “Bye, Mommy,” ngiting-ngiting sabi ni Joen. Nanlalaki naman ang kanyang mga mata sa pagkagulat. Noon lang siya nito hinalikan sa bibig!
Magkakasunod na ingay ng doorbell ang gumulantang sa kanila. Paglingon nila sa labas ng gate na grills, ang nagdidilim na mukha ng Kuya Evenur ni Impy ang bumulaga sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro