I'm A Woman, You Idiot!
CHAPTER TWO
PAGKAGALING sa opisina ng Kuya Evenur niya ay tumuloy si Impy sa kanyang bahay sa Tandang Sora. Hindi pa siya nakakababa mula sa sinakyang tricycle nang namataan niya ang isang babaeng buntis na nakaupo sa gilid ng gate na grills sa harapan ng bahay. Kinilala niya ang babae na naidlip na yata sa pagkakasandal sa grills, ngunit nakaalis na ang tricycle ay hindi pa rin niya ito makilala.
“Excuse me,” pukaw ni Impy sa nakapikit na babae sabay tapik sa balikat nito. Naiinitan na roon ay hindi man lang nito namamalayan.
Dumilat ito, agad na nagliwanag ang mukha. “Impy! Salamat naman at dumating ka na.”
Pamilyar sa kanya ang mukha nito.
“Kaaalis mo pa lang daw nang dumating ako kanina sabi ng kapitbahay mo.”
Tinitigan niyang mabuti ang babae. Nanlaki ang dati na niyang malalaking mata. “Beck?”
Nalambungan ng lungkot ang katuwaan nito. “Ako nga.”
Hindi makapaniwala si Impy na ang pinakaglamorosa at pinakasosyal niyang kaibigan noong college ay magmumukhang pindangga. Buntis pa ito ngayon. Mabilis niyang binuksan ang gate. “Halika, pasok ka,” anyaya niya rito nang mabuksan din ang front door. Sa sala, tinanggal niya ang mga nakakalat na magazines at tuwalya sa sofa at pinaupo ito roon.
Dahil mukhang uhaw na uhaw ang babae, mabilis siyang kumuha ng tubig sa refrigerator at iniabot dito. Nagpaalam siyang iiwan ito sandali para makapagpalit ng damit-pambahay.
“Nag-asawa ka na pala,” sabi niya kay Beck nang makabalik sa sala at hainan ito ng merienda. Hindi niya naiwasang mapuna na ang kutis nitong alaga sa health spa noong mga panahong iilan pa lamang ang mga iyon sa Pilipinas ay pekasin na ngayon.
Tinapos nito ang pag-inom at malungkot na ngumiti. “Hindi ako nag-asawa. Nabuntis lang ako.”
“Oh.” Hindi na malaman ni Impy kung ano ang sasabihin. Sa pagkakatingin nito sa kanya, naalala niyang bigla na may utang nga pala siya ritong pitong libo na ipinam-blowout niya sa mga kaklase noong mag-graduate sila sa kolehiyo. Sisingilin na ba siya nito?
“He’s a ramp model. Nakilala ko siya nang may mag-offer sa akin ng trabaho bilang production assistant sa kanilang modeling agency. Later on, tinulungan niya akong maging modelo rin. Doon nagsimula ang... a-ang affair namin.”
“You’re living with him?”
Nangilid ang luha sa mga mata nito. “Dati. Pero nang mabuntis ako, bigla na lang siyang nawala. Hinanap ko siya kahit mapabayaan ko ang trabaho ko. Pero lahat na ng maaari kong kakitaan sa kanya, napuntahan ko na. Tanggap ko na ngayong hindi ko na makikita ang taong nagtatago sa akin.”
“Alam na ba ito ng parents mo?” marahang tanong ni Impy. Ngayon lang niya naisip na sa loob ng ilang taon din nilang pagiging magkaibigan ay wala itong nababanggit tungkol sa immediate relatives nito.
“Matagal nang patay si Daddy. And my mom remarried a long time ago. Hindi ko na nga alam kung saang parte ng mundo siya nakatira.”
“I... I-I can let—I mean, if you want, you can stay here with me. P-puwede ka rito kung walang titingin sa 'yo.” Hirap na hirap si Impy na bigkasin ang mga salita. Malay ba niyang mag-alaga ng isang buntis, o ng magiging sanggol nito for that matter?
Muling nagliwanag ang mga mata ni Beck. “Salamat, Impy. Kaya nga ikaw kaagad ang naisip kong puntahan dahil alam kong hindi mo ako matitiis.”
Alanganin ang ngiting iginanti ni Impy rito. Ngayon pa lang ay iniisip na niya kung paano makukumbinsi ang Kuya Evenur niya na dagdagan ang kanyang allowance ganitong dalawa at magtatatlo pa silang mamumuhay nang magkakasama. Oh, God, I need a job very badly.
Nagpaalam ang babae sa kanya na makikigamit ng comfort room. Ipinasok naman niya sa kusina ang pinagkainan nila. Hindi pa ito gaanong nagtatagal sa CR nang marinig niyang sumisigaw ito. Napasugod siya roon. “Bakit?”
“Sumasakit na ang tiyan ko, Impy,” nakangiwing sagot nito, sapu-sapo ang malaking tiyan.
“Gosh! Kabuwanan mo na ba ngayon?”
“Oo.”
Inalalayan niya itong makabalik sa sala. “Okay, Beck, don’t panic. Ano ang dapat nating gawin? I mean, kailangan mo na bang magpadala ngayon sa ospital o hihintayin muna nating bumilis ang interval ng spasms?”
Helpless itong tumingin sa kanya. “E-ewan ko.”
Nasapo ni Impy ang noo niya. Wala siyang alam tungkol sa panganganak maliban sa ilang bagay na narinig pa niya sa iba. “Mas mabuti sigurong dalhin na kita agad sa ospital.” Ganoon nga ang ginawa niya. Nag-taxi sila patungo sa East Avenue Medical Center.
Diyos ko, magkasya po sana ang lilimang libong dala ko, maya’t mayang dasal niya habang palapit sila sa ospital.
Nasa emergency room na sila ni Beck nang pumutok ang panubigan nito. Mabilisan niyang f-in-ill-up-an ang mga kailangang dokumento at nag-aalalang naghintay siya sa labas ng delivery room.
Inabot na ng gutom si Impy ay hindi pa rin lumalabas doon ang doktor na nagpaanak sa kanyang kaibigan. Minabuti niyang kumain muna sa loob ng hospital canteen.
Habang kumakain, naalala ni Impy na buklatin ang handbag na dala kanina ni Beck. Naisip niyang kailangan pa nga palang makabili kaagad ng ilang gamit ng sanggol. Wala man lang naihanda ang kaibigan niya para sa panganganak.
Nagulat siya nang makita ang isang makapal na sobre sa loob ng bag. Puno iyon ng pera at may bank tag pa. Fifty thousand pesos! Kahit naman pala ma-Caesarian ang kanyang kaibigan ay may ibabayad siya sa ospital. Panatag na siyang kumain. Pagbalik niya sa labas ng delivery room ay hindi pa rin lumalabas ang doktor na nagpaanak dito.
Something must be wrong. Panay na ang dasal ni Impy. Hindi na rin niya makuhang maupo. Palakad-lakad siya sa pasilyo kahit nangangalay na ang mga paa niya.
Sa wakas ay bumukas ang pinto ng delivery room at lumabas mula roon ang isang doktor.
“Sino ang kasama rito ni Alarcon?”
Lumapit siya rito. “Ako po, Doc. Kumusta na po ang mag-ina?”
“Baby girl ang sanggol, malusog siya. She was delivered through Caesarian section. But I’m afraid her mother was not as lucky as her...”
Oh, God, no! Please, no!
“Na-eclampsia ang ina ng sanggol and her blood pressure shot up. Bumigay ang puso niya dahil doon. Mabuti na lang at hindi nadamay ang bata. Na-detect sana ito at naagapan kung regular ang pre-natal checkup niya. Unfortunately, in emergency cases like this, we could only do so much. I’m sorry, she didn’t make it.”
TEACH me what to do, God. Please, show me what to do. Paulit-ulit na sinasabi ni Impy habang lumuluha at nakasilip sa sanggol mula sa salamin sa labas ng nursery. Hindi siya marunong magdasal ngunit nang mga sandaling iyon ay bigla siyang natuto out of helplessness.
Mukha ngang malusog ang anak ni Beck. Maputi ito at pinkish ang balat.
Ayon sa doktor na nagpaanak sa kanyang kaibigan, kadalasan ay naaapektuhan din ang sanggol ng inang nai-eclampsia. Salamat na nga lang daw at hindi ganoon ang nangyari. Kung nagkataon, lalo na siyang matataranta kung ano ang gagawin. Sinikap niyang kalmahin ang sarili.
Bumalik si Impy sa waiting area ng ospital. Binulatlat niya roon ang nilalaman ng handbag ni Beck. Katabi ng sobre ng pera ay dalawa pang sobre. Pangalan niya ang nakalagay sa isa. Binuksan niya iyon at binasa.
Impy,
Ginawa ko ang sulat na ito just in case na hindi ko matagpuan si Tom and something bad happens to me. I want you to be the mother of my child. May natitira akong twenty-seven thousand sa ATM account ko. Makikita mo ang card at ang personal identification number noon sa wallet ko.
I know it isn’t much pero iyon lang ang pera ko. Naibenta ko na ang lahat ng properties na ipinamana sa akin noon ni Daddy.
Bahala ka na rin sa mga gamit na nasa apartment ko. Nasa ibaba nito ang address.
Don’t worry, hindi ka mag-iisa sa burden na iiwan ko. May kaibigan pa akong tutulong sa iyo. Nasa ibaba rin nito ang pangalan niya at phone number, pakitawagan na lang siya.
I know I have no right to dump on you this big responsibility. I want to be around longer but I don’t have any choice. I can feel something is wrong within me.
Mahalin mo sana ang anak ko na gaya ng pagmamahal mo sa iyong magiging mga anak. Bahala na ang Diyos na gumanti sa kabutihan mo.
Your friend,
Beck
Umagos na naman ang luha ni Impy kasabay ng pagmumura. Gusto niyang maglupasay nang mga sandaling iyon, gaya ng ginagawa ng mga bata na sobrang upset, but it wasn’t her style. Kagalitan man niya si Beck ay hindi na nito maririnig pa.
She felt something was wrong within her pero hindi man lang siya nagpunta sa doktor, hinagpis niya sa sarili. Ano ang malay niya sa pag-aalaga ng bata? Malayung-malayo sa isip niya ang pagkakaroon ng anak nang mga sandaling iyon. Ni boyfriend nga ay hindi pa siya nagkakaroon. At hindi pa niya naiisip na magkaroon. Ngunit ngayon ay mapipilitan siyang maging ina.
Walanghiya ka, Beck, pitong libo lang ang inutang ko sa iyo! Sobra-sobra naman ang hiningi mong kapalit! Kulang na lang ay magpapadyak siya sa frustration.
BABY Alarcon. Iyon pa lamang ang pangalan ng sanggol na nakatala sa record ng ospital dahil iyon ang apelyido ni Beck. Hindi pa napag-iisipan ni Impy kung ano ang ipapangalan dito. Higit na maraming bagay ang dapat unahin kaysa sa pag-iisip ng ipapangalan sa bata.
Nakabili na siya ng ilang gamit nito. Mailalabas na rin ang sanggol anumang sandali sa araw na iyon, ngunit hindi niya alam kung paano ilalabas ang bangkay ng ina nito na nananatili pa rin sa morgue. Things like that kept hovering on her already worry-filled mind.
Kung bakit naman hindi nakausap ni Impy ang taong nakalagay sa sulat ni Beck nang tawagan niya ito. Nagbilin na lamang siya sa nakasagot. Hindi niya alam kung nakarating iyon sa kinauukulan. Ine-expect niyang darating ito sa ospital sa araw na iyon. Inilarawan na nga lang niya ang hitsura at damit niya sa nakausap sa telepono at sinabing nasa nursery lamang siya. Hanggang ngayon ay hindi pa sumisipot sa ospital ang makakatuwang niya sa pag-aalaga sa anak ni Beck.
Sinikap ni Impy na ilabas muna ang sarili sa mga alalahanin. Nag-isip siya ng magandang pangalan ng bata. Kailangan niyang gawin iyon upang hindi siya mag-break down sa dami ng iniintindi.
Shawna? Madelaine? Abigail? Julianne? Goodness! Sumulat na rin lang sa kanya ng huling habilin si Beck, bakit ba hindi pa inilagay roon ang nais nitong maging pangalan ng anak?
Oh, Beck... Sa puntong iyon, biglang dumaan sa isip niya ang pangalang “Rebecca.” Tama! Rebecca ang ipapangalan ko sa baby. Dinagdagan niya ng “Joy” ang pangalang iyon. Kahit naman malungkot ang pagkakapanganak sa bata dahil sa pagkamatay ng ina nito, hindi iyon dapat maging hadlang sa magandang pangalang nararapat para dito.
“Excuse me, Miss?”
Napalingon siya sa pinagmulan ng tinig. She was met by a good-looking guy wearing rimless eyeglasses. Natitiyak niyang nagkita na sila ng lalaki. Dati rin ba niyang kakilala ito?
“Ikaw ba si Iphimedia dela Cruz?”
Hindi niya alam kung sobra na ang pagod niya at puyat kaya bumilis ang tibok ng dibdib niya. Ganoon ang nangyayari sa kanya nang mga sandaling iyon nang magsalubong ang mga mata nila ng estranghero. “A-ako nga.”
Inilahad nito ang kamay. “I’m Joen Cordero. I’m an old friend of Beck.”
Pakiramdam ni Impy ay para siyang nalulunod sa gitna ng Atlantic Ocean na nalawitan ng salbabida ng langit. Naiyak na naman siya. Dalawang kamay niyang nagagap ang nakalahad na palad ng lalaki at buong higpit na kinamayan ito. “Oh, thank God.”
“Where is she?” Alanganin na ang ngiti nito dahil yata sa ipinakita niyang reaksiyon.
“She’s dead at hindi ko alam kung saan ibuburol ang bangkay niya o kailangan pa ba iyong iburol,” aniya sa pagitan ng paghikbi. “Ilalabas na ngayon si Rebecca Joy... Pero paano ko lalakarin ang death certificate ni Beck kung walang maiiwan sa bata? Hindi ko alam kung saan siya ililibing. Wala akong kilalang kamag-anak niya,” litanya ni Impy sa lalaki habang halos mag-hysteria na.
Sa pagkataranta yata sa mga sinabi niya ay nayakap na lang siya nito. “Okay, calm down, Iphimedia. I’m sorry, I didn’t know na patay na pala si Beck. Don’t worry, tutulungan kitang gawin ang lahat. Tahan na, please.”
“Call me ‘Impy,’” aniya rito sa pagitan ng pagsigok.
“Yeah, Impy. It’s much easier on the tongue. You can call me ‘Joen.’ Hush now, Impy.”
Nang makalma na siya at kumalas na rito, saka lang niya naisip kung saan unang narinig ang mahinahong timbre ng boses ng lalaki. Marahil sa sari-saring bagay na umokupa at gumulo sa isip niya ay nakalimutan niya ang ilang pangyayaring nauna roon. “Ikaw 'yong mamang kasama kong nahulog sa kanal the other day!” she blurted out.
Napamaang ito. “You’re a real girl?”
“I’m a woman, you idiot!” sikmat dito ni Impy. Dagdag na naman ito sa mga taong napagkamalan siyang lesbiyana. Hinalughog niya sa kanyang backpack ang sulat na nakuha sa handbag ni Beck. Nang matagpuan ay isinalaksak niya iyon sa kamay ng lalaki.
“Ano ito?”
“Basahin mo. I’m sure, huling habilin din 'yan ni Beck. I got the same letter and I’ve felt miserable since then,” maktol niya na para bang ito ang may kasalanan ng lahat.
Napamaang ito.
“Binibigyan lang kita ng warning kung ano ang maaari mong mabasa riyan.” Tumayo na si Impy. “Nasa canteen lang ako kapag tapos ka nang magbasa.” Iyon lamang at iniwan na niya ito.
Mukhang edukado at may sinasabi ang lalaki. She could see it in his intelligent-looking eyes. Hindi na siya magtataka kung malalaman niyang dati itong nobyo ni Beck. Alam niyang mataas ang taste ng kanyang kaibigan sa mga lalaking ginugusto nito.
Nangangalahati pa lamang si Impy sa iniinom na kape nang puntahan siya roon ng lalaki. “Puwede ba akong maupo?” anito, seryoso ang mukha habang hawak ang isang tray na naglalaman ng baked macaroni, buttered bread, at isang basong orange juice.
Kung tama ang hula niya, gaya niya ay hindi rin nito nagustuhan ang nilalaman ng sulat.
Pinagalaw ni Impy ang isang balikat. “'Course.”
Inilapag ng lalaki ang dalang tray sa ibabaw ng mesa. “You want some?” alok nito.
Umiling siya. “Katatapos ko lang mag-merienda.”
“Inihahabilin din sa akin ni Beck ang bata.”
Napatangu-tango si Impy. “I suppose matutulungan mo siya sa pagbibigay ng sustento. Wala akong trabaho. Lalo akong mahihirapang maghanap ngayong titira na sa akin ang bata. Beck wanted me to be the mother of her child,” malungkot na saad niya.
“At gusto rin niyang maging tatay ako ng anak niya.”
Nahinto siya sa aktong paghigop ng kape at napamata rito.
“You see, hindi lang pagbibigay ng sustento ang kahulugan n’on.”
Nakamaang pa rin, naghintay si Impy na magpatuloy ito.
“Kung ang bilin ni Beck ay maging ina ka sa anak niya and she also wanted me to become a father to her child, mangyayari lamang iyon kung titira tayong tatlo sa iisang bahay.”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro