Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Holding Back Affection

CHAPTER SIX

“ANO’NG sabi ni Kuya nang pumunta d’yan kagabi? Nagalit ba nang todo?”
“Impy...” Apologetic kaagad ang tinig ni Psyche sa kabilang linya. Tinawagan niya ito nang makaalis na si Joen. Kinumusta niya ang kapatid kung maayos ba ito sa bahay niya at kung kasama pa rin nito ang kanilang Ate Hesione. Mabuti na lamang at hindi pala ito iniwan ng ate nila. Natakot din marahil ang kanilang Ate Hesione na isumbong niya sa kanilang panganay ang pagiging sugarol nito. “Pasensiya ka na. Dahil sa 'kin—”
“No, it’s all right. Inaasahan ko na 'yon. Gusto ko lang malaman kung anu-ano ang mga sinabi niya nang malaman niya na hindi ako ang kasama mo kundi si Ate Hesione.”
Dinig niya ang pagpapakawala ni Psyche ng hininga. “He wanted to know where you’re staying. Susugurin ka raw niya sa bahay ng Joen na 'yan.”
“At ano ang sinabi mo?” nagpa-panic na tanong niya.
“Ano’ng sasabihin ko? Hindi mo naman iniwan sa amin ni Ate ang address mo. Hindi ka rin namin ma-contact sa cellphone mo.”
Nakahinga nang maluwag si Impy. “Oo nga pala. Sorry, I forgot.” Sinadya niyang i-off ang cellphone para hindi siya matawagan ng Kuya Evenur niya.
“Bakit kasi hindi mo pa sabihin sa kanya kung saan ka tumitira ngayon? Lalo lang tuloy siyang naghihinala sa inyo ng Joen na 'yan.”
“Kilala mo naman si Kuya. Kahit na ano pa ang sabihin ko sa kanya, hindi iyon maniniwala na wala kaming relasyon ni Joen. At kung miracle of miracles ay mapapaniwala ko siya, I’m sure, iaalis niya ako rito at hindi ko na magagampanan ang responsibility ko sa batang iniwan sa akin ni Beck.”
May ilang bagay pa siyang inihabilin at inalam kay Psyche. Ibababa na niya ang receiver ngunit nararamdaman niyang parang may gusto pang sabihin ito. “May gusto ka pang sabihin sa 'kin, right?” hula niya.
“Eh... magpapasama sana ako sa 'yong kunin ang mga importante kong gamit sa 'min.”
“Kaya mo nang tumuntong uli sa bahay n’yo?” maingat niyang tanong. Base sa kuwento nito at ng kanyang Kuya Evenur, napaka-traumatic ng nangyari kay Psyche at hindi niya inaasahang magagawa na nitong mapalapit man lang sa pinangyarihan ng muntik nang pagkapahamak nito.
“May pasok naman si Mommy at si T-Tito kapag weekdays...”
“Sinabi mo na ba ito kay Kuya Evenur?”
“Hindi pa.”
“Palagay ko, dapat mo munang sabihin sa kanya. Kahit willing akong samahan ka, babae lang din ako. Hindi natin alam kung ano ang maaaring mangyari. Mabuti nang nag-iingat tayo.”
“Hayaan mo, tatawagan ko si Kuya mamaya.”
“Sige, pero huwag mong sasabihin sa kanya na ako ang kasama mo kung sakali. Ayoko munang magpakita sa kanya. Tatawagan na lang kita mamayang hapon para alamin kung ano ang napag-usapan n’yo ni Kuya.”
“Okay.”
“Napag-isipan mo na ba kung ihahabla mo ang stepfather mo?”
“Hindi ko yata magagawa, Impy.”
“Why not? Ginawan ka niya ng masama.”
“Ayokong... a-ayokong makaladkad sa eskandalo. Alam mo naman kung anong reputasyon mayroon ang ama natin. Paano kung ako pa ang baligtarin ng stepfather ko?”
Nagtagis ang mga bagang ni Impy sa narinig. Hindi naman niya masisisi ang kapatid. May punto rin ito.       
Pagkababa niya ng telepono ay nilapitan siya ni Anto. Nasa receiving room daw at naghihintay ang magiging yaya ni Joy-Joy. Nagtungo na siya roon.
Palangiti at may bukas na mukha ang babaeng nabungaran ni Impy na nakaupo sa armchair sa receiving room. Naglalaro marahil ang edad nito sa kuwarenta hanggang kuwarenta y singko. Nagpakilala ito bilang “Cedes.” Halos nasisiguro na niyang makakasundo ito ni Joen.
“Iisa lang naman ang anak ko at may sarili na siyang pamilya,” paglalahad nito nang tanungin niya kung bakit ang pag-aalaga ng bata ang naging opisyo nito. “Iyon namang asawa ko, humiwalay na sa 'kin kaya nag-iisa na ako.”
Napangiti siya. Sa nakikita niyang kasiglahan dito, hindi niya iisiping kahihiwalay lamang nito sa asawa. Well, may mga tao nga siguro na sadyang maganda ang disposisyon sa buhay.
“Ahm, Aling Cedes, halikayo sa itaas at nang makita ninyo ang aalagaan n’yo,” yaya niya rito mayamaya.
“‘Ate Cedes’ na lang, hindi pa naman ako katandaan.”
Napapangiting sinang-ayunan ito ni Impy.
Mukha ngang mahusay sa bata ang babae. Katunayan, nakasundo kaagad nito si Joy-Joy. Hindi man lang umingit ang bata nang palitan na ni Ate Cedes ang nadumihang diaper ni Joy-Joy, gayundin nang kargahin nito ang bata. Halata rin sa kilos ng mga kamay nito ang kasanayan sa trabaho.
Dakong hapon nang muling tawagan ni Impy si Psyche. Natawagan na raw nito ang Kuya Evenur nila. Hindi na raw matutuloy ang pagpapasama nito sa kanya dahil ipakukuha na ng kanilang panganay na kapatid ang mga gamit na nais makuha ni Psyche.
She wondered kung paano iyon gagawin ng kanilang Kuya Evenur. Most probably ay iuutos na naman nito sa sekretaryang si Arly. Her brother was really a slave driver. Mabuti na lamang at napagtitiisan ng sekretarya ang ugali nito.
Napanatag na rin siya. At least, hindi na kailangan pang umalis ni Psyche sa kanyang bahay.

“MAAGA ka yatang gumising. I thought na nagpuyat ka kagabi sa pagpipinta. May lakad ka?”
Sinulyapan ni Impy si Joen bago siya tuluyang maupo sa komedor. Mabibilang sa daliri ang mga pagkakataong nakakasabay niya ito sa pag-aagahan.
Dalawang buwan na ang lumipas mula nang ipanganak si Joy-Joy. Marami na ring nangyari mula noon.
Nakaalis na si Psyche sa kanyang bahay. Nakisuno ito sa apartment na tinitirhan ng isang kaibigan. Hindi na nito pinaalis ang tenant na umuupa sa sarili nitong apartment. Hindi raw kayang mapag-isa ng kapatid niya matapos ang nangyari dito. Nakahanap na rin ito ng trabahong mapaglilibangan.
Ang Kuya Evenur naman niya ay kasalukuyang nasa isang trip sa abroad. Sandaling nakaligtas siya sa paghahanap ng kuya niya.
Nagpipinta na rin uli si Impy. Ipina-convert ni Joen ang isang silid sa itaas at iyon ang ginawa niyang workroom. At higit sa lahat, nagagawa na niyang magsuot ng mga baby T-shirts at walking shorts na nasa itaas ng tuhod ang haba. Niregaluhan siya ng mga iyon ni Joen. Ilang araw din siya nitong kinulit bago niya nagawang isuot ang mga iyon.
“Two months na si Joy-Joy ngayon,” sagot niya habang ipinagsasalin siya ni Joen ng kape sa tasa. “Schedule na ng immunization niya. Dadalhin namin siya ni Ate Cedes sa pedia ngayong umaga.”
“This soon?”
“Oo. 'Yon ang nakalagay sa medical card niya, 'di ba?” Ito ang kasama niya nang huli nilang ipa-checkup sa pediatrician ang bata.
“Yeah, I remember now, DPT at anti-polio vaccine.” Suddenly ay nagkaroon ng worry lines ang noo ni Joen. “Kayanin kaya ng baby natin ang dalawang iniksiyon?”
Natawa siya nang mahina. “Ano ka ba naman, lahat ng baby dumadaan sa ganyang klaseng immunization at nakakaya naman nila.”
Tila hindi niyon napaglubag ang pag-aalala nito. “Ako na lang ang sasama sa inyo ni Joy-Joy.”
“Eh, may pasok ka sa office.”
“Isang araw lang naman akong a-absent.”
“Bahala ka,” aniyang nangingiti pa rin. Tingin ni Impy, kung maaari lang na si Joen ang umako ng turok ng karayom na para kay Joy-Joy ay gagawin nito.
Funny, may mga lalaki palang daig pang mangalaga, magsakripisyo,  at magmalasakit kaysa sa mga tunay na ama. Bakit nga ba ang mga pabayang ama pa ang madalas na nabibiyayaan ng anak? Gaya na lang ni Tom na siyang biological father ni Joy-Joy. Gaya na lang ng kanyang ama...
“Hey, bakit bigla ka yatang nalungkot? Ayaw mo bang ako ang makasama n’yo ni Joy-Joy?”
Sinikap ni Impy na ibalik ang ngiti sa mga labi. “No, of course not. May naalala lang ako.”  
“Siguro nami-miss mo na ang pamamasyal. Hindi na tayo nakalabas mula nang ibili natin ng mga gamit si Baby.”
“No, hindi 'yon. Alam mo namang busy na ako ngayon. Besides, makakapamasyal naman akong mag-isa kung gugustuhin ko.”
“Ah, alam ko na,” sabi nitong naging pilyo ang kislap ng mga mata. “Siguro, ako ang nami-miss mo. Hindi na kasi tayo nagkakatabi sa nursery room mula nang dumating dito si Ate Cedes.” Inaako na rin ng yaya ang pagbabantay sa gabi sa bata dahil stay-in ito roon.
“Asa ka pa,” pairap niyang sabi rito.
“Ikaw naman, Mommy, nag-iilusyon na nga lang ako, ayaw mo pang sakyan.”
Itinuon na lamang ni Impy sa pagkain ang pansin. Madalas na siyang nakakatanggap ng mga ganoong pagbibiro mula kay Joen ngunit asiwa pa rin siya kung paano magre-react doon.
Iniisnub mo na naman ako. Regaluhan kita ng daster diyan, makita mo.”
Puno ng panunudyo ang mga mata ni Joen nang muli niyang sulyapan. Hindi na siya nakapagtimpi. Bumulalas na siya ng tawa. “Puwede ba, kumain ka na lang nang kumain at nang hindi tayo tanghaliin sa pagpunta sa pedia,” saway niya rito nang mahimasmasan.
“Gusto lang naman kitang patawanin. Lagi ka na lang kasing seryoso. Honestly, nagmumukha kang babae kapag tumatawa ka.”
Sinakyan na niya ang biro nito. “'Lagay palang 'yon, mukhang lalaki ang tingin mo sa 'kin kahit ganito ang suot ko?” Hapit sa katawan ang suot niyang baby T-shirt na tinernuhan niya ng flared bottom jeans.
“Hindi naman sana. Kaso lang, suot mo na naman ang baseball cap na parang magha-hiking ka imbes na pupunta sa pedia.”
Nag-init bigla ang mga pisngi ni Impy. Nakasanayan na kasi niya ang bagay na iyon kaya kahit baduy nang iterno sa bago niyang getup ay hindi niya magawang alisin. Parang kalbo ang tingin niya sa sarili kapag wala niyon gayong nananatiling lampas-balikat ang buhok niya.
“Sige lang, kung saan ka masaya, suportahan ta ka.”
“Luma na po ang linyang 'yan,” ganti niya upang bawiin ang pagkapahiya.
“Kailangan, eh,” nagpapakuwela pa ring sagot naman nito.
Tinanghali na nga sila sa pagpunta sa pediatrician.

“DOC, HINDI ba puwedeng sa isang linggo na lang i-administer 'yong isang turok nitong baby namin? Kawawa naman siya kung dala-dalawang turok ang titiisin niya ngayon.”
Natawa ang bata pang babaeng pediatrician kay Joen. “Mr. Cordero, DPT vaccine lang naman ang ituturok sa baby n’yo. Ang polio vaccine niya ay ina-administer orally.”
Nakita ni Impy kung paanong ngumiwi si Joen nang turukan na sa hita si Joy-Joy. Ito ang kumarga sa bata nang mag-ihit ng iyak. “Sshh, baby, tahan na. Tiis-tiis lang nang kaunti. Huwag masyadong malakas ang iyak baka ka magka-tonsillitis. 'Tsus, nagpapaawa pa kay Daddy. O, hindi na, hindi na. Sige, umiyak ka na hanggang gusto mo.”
Ibig matawa ni Impy sa ginagawa nitong pagkausap sa bata habang hindi mapuknat ang pagsayaw rito. May palagay siyang hindi si Joy-Joy ang inaalo ng binata kundi ang sarili nito sa nakitang pagpalahaw ng bata dahil sa iniksiyon.
“Misis, ibabalik n’yo siya uli next month para sa isa pa uling DPT, polio, at BCG vaccines,” paalala sa kanya ng pediatrician.
“Kailangan ba talagang sabay-sabay ang vaccines niya, Doc?” singit ni Joen bago pa man niya maitama ang itinawag sa kanya ng manggagamot.
“Well, kung sobrang naaawa kayo sa pagturok sa kanya, hindi natin pagsasabayin ang dalawang injection. Ibalik n’yo na lang ang bata within the week kapag due na ang immunization niya next month. Pero wala naman kayong dapat ipag-alala kahit pagsabayin pa. Sa braso iniiniksiyon ang BCG at sa hita naman ang DPT.”
“No, ibabalik na lang namin siya rito nang dalawang beses next month,” pinal na pasya ni Joen.
“Kung lalagnatin nga pala siya, which most probably she would, huwag kayong mababahala. Normal reaction lang iyon ng body niya sa vaccine. Painumin n’yo lang siya ng paracetamol.”
“Naku, naman, baby, talagang pinahirapan ka ngayon ni Doc, ah?” baling ni Joen sa tahimik nang bata. “Masakit na nga, nakakalagnat pa ang itinurok sa 'yo.”
Natatawang binalingan si Impy ng pediatrician. “Paano ba 'yan, Misis, mukhang mahihirapan kayong sundan si Rebecca Joy kung ganyan ka-protective ang daddy niya.”
“Hindi naman—”
“Aba, susundan namin si Joy-Joy, Doc,” sabad kaagad ni Joen at hindi na siya nakapag-react. “Kailangan ko lang masanay sa pagpapaturok ng bata. Kung ako lang nga ang masusunod, isang dosena ang gusto kong maging anak para masaya.” Binalingan nitong muli ang hawak na sanggol. “Pero siyempre, hindi papayag si Mommy na gano’n karami ang maging kapatid mo, 'di ba, baby? Masisira ang figure ni Mommy.”
Out of frustration na maitama sana ang lahat ay nakurot na lamang niya si Joen sa tagiliran.
“Aray!” eksaheradong angal naman nito. “O, 'yan, baby, wala ka pa ngang tatlong buwan, ina-under na 'ko nitong mommy mo.”
Nagpaalam na lang tuloy si Impy sa pediatrician.
“Bakit ba kanina ka pa hindi kumikibo riyan?” untag sa kanya ni Joen nang pauwi na sila sakay ng kotse nito. Kanina pa ito salita nang salita ngunit hindi naman siya umiimik. Nakatulog na si Joy-Joy sa cradle na nasa kandungan niya. Panaka-nakang sinasalat niya ang leeg ng bata para alamin kung may lagnat na ito.
“Wala lang,” wala ring kabuhay-buhay niyang sagot.
“Babae naman ang pedia ni Joy-Joy. Kahit akalain niyang mag-asawa tayo, okay lang. Itatama ko naman ang maling akala niya kung nagkataong binata siya at matipuhan ka.
“Hindi ko maintindihan sa 'yo kung bakit parang sukang-suka kang maging mag-ama mo kami ni Baby kahit kunwari lang. Paminsan-minsan na nga lang akong mag-ilusyon na maging tatay, magagalit ka pa.”
Saglit nitong inalis ang mga mata sa daan at sinulyapan siya. Conscious namang pinaglapat ni Impy ang mga labi dahil napanganga na yata siya sa pagkaka-maang dito. “What?”  tanong nito.
“Ang bilis naman ng takbo ng imagination mo. Hindi ko ikinahihiyang mapagkamalang nanay ni Joy-Joy o asawa mo. Gusto ko lang itama ang maling akala ng iba, 'yon lang!”
Naging mapanudyo na ang hilatsa ng mukha ni Joen. “Ows, talagang 'yon lang?”
“Ano pa ba sa akala mo?” pasikmat namang ganti niya.
“Baka naman kinikilig kang mapagkamalan tayong totoong mag-anak ng ibang tao, ayaw mo lang magpabisto kaya idinadaan mo sa pagtataray.”
“Grr! Cordero, humanda ka mamaya pagdating sa bahay!” pikon na pikon na saad ni Impy. Kung tulad sana ng dati, tiyak na malulutong na mura na ang kanyang nasabi. Naalis na nga lang niya ang pagmumura mula nang madalas siyang punahin ni Joen tungkol doon. Hindi raw magandang makagisnan ng bata ang pagmumura na tiyak daw na gagayahin ni Joy-Joy sa kanya.
Inilagay niya ang mga kamay sa ilalim ng cradle at baka si Joy-Joy ang malapirot niya sa inis.
“Ikaw naman, para binibiro ka lang, masyado mo namang dinidibdib. Natutuwa lang akong makitang namumula ang pisngi mo kapag napipikon ka. Mukha ka kasing ipinaglihi sa makopa.” At sa kanyang pagkagulat, pinisil pa nito ang pisngi niya.
“Joen!”
“Natutuwa lang ako sa 'yo, nagagalit ka na.”
Inangilan niya ito. Cool na cool lang ang bruho samantalang umuusok na ang kanyang bumbunan. “Ayokong hinahawakan ako!”
Bahagya naman itong sumeryoso. “Bakit ba ayaw mong nilalapitan ka ng ibang tao kahit tulad lang ng pakikipaglapit ng isang kaibigan? Bakit ka nagagalit kapag nilalambing ka? Kahit ba pabiro, hindi mo magawang magbalik ng lambing sa iba?”
“Puwede ba, ihinto na natin 'tong topic na ito?” napipika pa rin na sagot ni Impy.  
“Bakit natatakot kang magpakita ng affection sa mga taong nakapaligid sa iyo?” pagpapatuloy pa rin ng binata na parang hindi siya nagsalita. “Huwag na ako, pero kay Joy-Joy na lang sana. Hanggang ngayon, hindi ko pa nakitang hinalikan mo siya o nilambing man lang. Hindi ko narinig na hinunihan mo siya kahit isang sintunadong nursery rhyme, samantalang maganda naman ang boses mo kapag naririnig kong nakikipag-videoke ka kina Coring at Anto.
“Hindi ka tuod, Impy. Tao ka. And no man, as the cliché says, is an island.”
“You’re asking too much, Joen. While in the first place, you don’t really know what you’re asking,” pabulong ngunit gigil na ganti ni Impy, pigil ang pagsungaw ng luha sa nag-iinit nang sulok ng mga mata niya. Bigla yata siyang nanghina. Daig pa niya ang nakipagtunggali ng lakas-pisikal. Ibinaling na lamang niya ang tingin sa labas ng bintana.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro