Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3. Kiss

“O, SMILE na kayong dalawa. One… two…”

Hindi itinuloy ng ama ni Evangeline na si Engineer Valentin ang pagkuha ng picture. Nagkukulitan pa rin kasi sila ni Gideon.

Kasalukuyan silang nasa aplaya at naglalaro habang nakaupo sa kambal na trosong nakabaon sa gitna ng mga nakatanim na maliliit pang puno ng niyog. Doon sila nilapitan ng papa niya. Magkadikit ang mga bahay nila kaya nasa labas iyon ng kanilang mga bakod.

Magkatulong na itinanim ang mga puno ng niyog ng kaniyang papa at ng ama ni Gideon na si Tiyo Antero. “Tiyo” ang tawag ni Evangeline sa ama ni Gideon dahil sa kanilang lugar, “tiyo” o “tiya” ang tawag-paggalang sa mga taong kasing edad ng mga magulang kahit hindi ito kaano-ano.

Ang mga puno ay itinanim sa kabila ng pagtutol ng magkaaway nilang mga lolo: ang lolo Jose niya at ang Lolo Andres ni Gideon. Ang malalaking puno naman ng niyog sa kanya-kanya nilang mga bakuran ay tanim ng dalawang matanda.

Ayon sa ama ni Evangeline, may natira pa raw na film mula sa pagkuha ng pictures sa recognition day ng Kuya Junior niya. Inaanak ng mga magulang ni Gideon ang kuya niya kaya naging magkumpare at magkumare ang kanilang mga magulang.

Namaywang ang papa niya sa harap nila. “Tigilan na ninyo ang paglalagay ng sungay sa ulo ng isa’t isa,” saway nito sa kanila. “Mabuti pa tumayo kayo at mag-akbayan na lang kayong dalawa.”

Ganoon nga ang ginawa nila. Ang pose na iyon ang na-capture ng camera.

“Isa pa. Palit naman kayo ng puwesto.”

Sumunod uli sila sa utos ng papa niya. Pero nang pindutin nito ang camera, wala na palang film.

“Sorry, last na pala ‘yong kanina,” sabi nitong natatawa habang naaaliw na nakatingin sa nadidismayang reaksiyon nila ni Gideon. “Sige, maglaro na kayo. Ipapa-develop ko na ‘to.”

Naupo na lang siya uli sa ibabaw ng makinis na kambal na troso. Ginaya siya ni Gideon, muling umakbay sa kanya.

“Alisin mo na ang kamay mo. Wala na pong camera.”

“Iakbay mo nga din sa ‘kin ang braso mo,” utos nito sa halip na sundin ang sinabi niya.

“Bakit?”

“Basta lang.”

Sinunod nga niya ito. Nagtatanong ang mga mata niya habang naghihintay sa susunod na utos nito.

Gulat na gulat si Evangeline sa sumunod ng ginawa nito. Inilapit nito nang husto ang mukha sa kanya at hinalikan siya sa mga labi. Nakadilat siya at nagkabungguan pa ang kanilang mga ilong.

“’Yan,” nasisiyahang sabi nito. “Mags’yota na tayo mula ngayon.”

“Anong mags’yota?” Hindi alam ni Evangeline kung maiiyak o magagalit sa ginawa nito. “Mga bata pa tayo gusto mo nang makigaya sa matatanda?” singhal niya rito at mabilis na tumayo.

“Hoy! Saan ka pupunta?” sigaw ni Gideon nang tuloy-tuloy siyang naglakad sa buhanginan patungo sa malawak na lipyan ng noon ay kati nang dagat. “Gellie!”

Hindi siya lumingon. Nagpatuloy lang siya sa mabilis na paglalakad. Nakakaramdam na siya ng galit pero hindi niya maipaliwanag kung bakit. Ayaw naman niya na maging “s’yota si Gideon ng iba. Makipaglaro nga lang ito sa ibang batang babae nagagalit na siya. At pakiramdam nila, kapag nagsilaki na siya ay ito ang mapapangasawa niya.

Pero… basta! Nagagalit siya sa ginawa nito.

Wala sa loob na dinama ni Evangeline ang mga labi. Mainit at malambot ang pakiramdam niya kanina sa mga labi ni Gideon.

Gano’n pala ‘yon, naisip niya.
Naabutan siya ni Gideon. Hinawakan siya nito sa kamay at pinigilan sa paglalakad. “Bakit ba bigla ka na lang nagalit?” tanong nito na medyo galit na rin. “Sabi naman ni Tatay, talagang tayo daw ang magiging mags’yota paglaki natin, ah.”

“Eh kasi… kasi nakakahiya ‘yong ginawa mo,” pamaktol na sabi niya pero hindi naman hinihila ang kamay niya na hawak nito. Lumusong na sila noon sa hanggang bukong-bukong na tubig, ang lugar kung saan nagtatagpo ang tubig-dagat at ang tubig ng ilog.

“Bakit nakakahiya?”

“Baka pagtawanan ako nila Julie ‘pag nalaman nila ang ginawa mo.”

“Eh, di ‘wag natin ipaalam.”

Umahon sila sa hanggang binti nang lalim ng tubig. Narating na nila noon ang bukana ng lipyan. Iyon ang unahan ng pahabang lawak ng coral reef na ang dulo ay malapit na sa Grande Island, ang isla na sakop ng Subic Naval Base.

“Ikaw po ang baka hindi makatiis,” pairap na sabi rito ni Evangeline sabay bawi ng kamay niya. Binitiwan siya nito.

“Peksman, hindi ko sasabihin sa iba.”

“Cross your heart?”

“Oo, cross my heart pa.” Gumuhit ito ng isang imaginary cross sa dibdib.

“Mamatay man ang tatay at nanay mo at ang Lolo Andres mo?”

Saglit na natigilan si Gideon bago sumagot. “Pero ‘pag nadinig ko na nililigawan ka na naman ng Rey na ‘yon, sasabihin ko sa kanya.”

“Nakakainis ka!” irap niya rito. Nagpaluso-lukso siya sa pagitan ng mga bato at gasang para makaagwat uli. “Hindi ako nililigawan no’n, ano. Ang bata-bata ko pa nga, eh.”

“Hoy! Tamo ‘to, o, nang-iwan na naman. Gellie, hintay!”

Napilitan lang si Evangeline na bagalan ang paglalakad nang marating niya ang parteng madulas at nilulumot ang mga gasang.

“Sige na, magpa-promise na ako na hindi ko sasabihin sa iba na magbata na tayo. Kay Tatay ko na lang sasabihin.” Naabutan siya ni Gideon. “Ano ba kasi ang gagawin mo dito?”

“Ano pa, de mangunguha ng susô.” Sagana sa susong-dagat ang malawak na lipyan. Ang malalim na bahagi naman niyon ay tinutubuan ng seaweeds na madalas gawing ensalada ng mama niya.

“Wala ka namang lalagyan, ah.”

“Kasalanan mo,” sikmat niya uli rito. “Ininis mo kasi ako. Hindi tuloy ako nakauwi muna sa bahay.”

“Ang sungit mo. Tara na nga. Bumalik na lang tayo.”

“Ayoko! Kung gusto mo bumalik kang mag-isa mo.”

“Maligo na lang tayo sa ilog. Bukas na tayo manguha ng susô.”

“Ang kulit mo. Sabi nang manunusô ako, eh.”

“Saan mo po ilalagay ang makukuha mong susô, aber?”

Nagmamalaki na hinawakan ni Evangeline ang laylayan ng bestida niyang pambahay. “Dito sa damit ko.”

“Ngii, diyan mo ilalagay?
Mapuputikan ‘yan, sigurado. Makikita pa ang panty mo.”

Biglang nabitiwan ni Evangeline ang laylayan ng kanyang bestida.

“Buti sana kung ako lang ang makakakita. Bata naman kita kaya ayos lang. Eh, paano kung biglang dumating si Rey? Naku, tiyak kakantiyawan ka no’n. At pagtatawanan kita.”

“Hmp!” ingos niya rito sabay martsa pabalik.

“O, mang-iiwan ka na naman. Hoy, Gellie, hintay!”

Lalong binilisan ni Evangeline ang paglalakad. Halos magkasala-salabid na ang mga paa niya sa mga nakausli at hindi pantay-pantay na gasang at bato. Minsan na pagtapak niya sa isang malapad na gasang, umuga iyon at tuluyan siyang dumulas. Buka ang mga kamay na bumagsak siya sa batuhan.

“Gellie!”

Nakapagtataka na pamamanhid lang ang naramdaman ni Evangeline. Pagkahilo naman ang naramdaman niya pagkatapos. Tumama ang nguso niya sa nakausling bato. Nang damputin siya ni Gideon sa pagkakadapa, saka niya nalasahan ang dugo sa kanyang bibig at nagsimulang kumirot ang mga bahagi ng katawan niya na tumama sa mga gasang at bato. Ipinikit niya ang mga mata sa nakasisilaw na araw.

Pakiramdam niya umiikot ang paligid.

“Gellie?” Dinig niya ang may kahalong iyak na tawag ni Gideon sa kanyang pangalan.

Gusto niyang sabihin dito na buhay naman siya. Na huwag itong umiyal dahil lalo siyang natatakot. Pero baka mailunok niya ang dugo sa kanyang bibig kapag nagsalita siya. Kaya nga tahimik lang pati pag-iyak niya.

Naramdaman ni Evangeline na binubuhat siya ni Gideon. Nagmulat siya ng mga mata. Nasisilaw pa rin siya sa araw at lalong umikot ang paligid niya. Muli siyang pumikit.

“Buhay ka?” Biglang nahinto ito sa pag-iyak at sa pagbubuhat sa kanya.

Masakit tumango kaya iling ang isinagot niya kay Gideon.

“Niloloko mo naman ako. Buhay ka kaya.”

Sinikap ni Gideon na muli siyang buhatin. Pakapa na pinagsalikop niya ang mga kamay sa leeg nito. Halos kaladkarin nito ang kanilang mga sarili. Inot-inot silang nakarating sa buhanginan. Huminto ito roon.

“Ang bigat mo naman,” humihingal na reklamo nito. Parang ayoko nang maging s’yota ka. Papahirapan mo ako pag kinasal na tayo.”

Ano bang kasal ang pinagsasasabi ng lalaking ito? Hihimatayin na siya sa nararamdamang sakit sa bibig niya at buong katawan ay kung ano-ano pa ang dinadaldal nito.

Muli siyang binuhat ni Gideon. “Malapit na tayo, Gellie. Tahan na.”

Napansin na pala nito ang tahimik na pag-iyak niya. Nakadalawang pahinga pa sila bago nila narating ang kambal na troso.

Malakas na sumigaw si Gideon. Pinagtatawag ang lahat ng tao sa kanila pati na sa bahay nito. Pinilit niyang dumilat nang maramdaman niya ang mga yabag na paparating sa kinaroroonan nila. Hindi na gaanong umiikot ang paningin niya. Nakakubli na sa mga dahon ng niyog ang nakasisilaw na araw.

Ibinuka ni Evangeline ang bibig para magpasalamat kay Gideon pero naunahan siya ng sigaw.

“Evangeline!” tapos iyon ng mama niya.

“Gellie!” palahaw ni Gideon.

Nailunok tuloy niya ang ibang dugo sa kanyang bibig.


.................

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro