14. Storm
NAKA-RECOVER kaagad ang ama ni Evangeline mula sa sakit nito. Nakabalik na rin sa trabaho makalipas ang tatlong buwan. Kung nagtataka man ang kanyang ina na hindi na pumapalya ang ama niya sa pag-uwi sa kanila, hindi na ito nagtanong pa.
Nanatiling civil lang ang pakikitungo nila ng papa niya sa isa’t isa. Kahit paano, natutuwa na rin siya na unti-unti nang nabubuo ang kanilang pamilya. Ikinukuwento niya sa kanyang kuya ang mga nangyayari sa kanila sa pamamagitan ng sulat. Lahat liban lang sa namagitan sa kanila ni Gideon.
Nang minsan na utusan siya ng mama niya sa bayan, napadaan siya sa dating bahay ng papa niya at ni Merla. May nakasabit na “For Sale” sa gate ng bahay.
Patapos na ang Agosto nang daanan ng napakalakas na bagyo ang kanilang lugar. Hindi lang hangin at ulan ang dala niyon, pati na rin ang naglalakihang alon.
Mabuti na lang at naisipan nina Evangeline na iligpit ang mahahalaga nilang gamit habang maaga. Nagkataon pa naman na sinusumpong ng rayuma ang Lolo Jose niya. Pero hindi pa man sila natatapos, sinalikwat na ng hangin ang bubong sa kanilang kusina. Sabay na napatili silang mag-ina.
“’Buti pa hakutin na natin palabas ang mga ito,” sabi ng papa niya na ang mga gamit nila ang tinutukoy. “Lilikas tayo ngayong gabi.”
Nagsisimula pa lang silang magbaba ng mga gamit nang makita niya ang mga magulang ni Gideon sa labas ng bahay. Nilapitan ni Tiyo Antero ang kanyang ama. “Sa amin na kayo sumilong,” alok nito. “Mas ligtas kayo doon.”
“Salamat.” Iyon lang ang nasabi ng papa niya. At ang ilang taon na hindi pag-iimikan ng mga ito ay nagwakas sa simpleng sagot na iyon.
Tinulungan silang maghakot ng mag-asawa. Ang lolo Jose naman niya ang kanyang inalalayan para makalipat sa kabilang bahay.
Sa bahay ng mga Del Pilar sila natulog. At dahil aapat lang ang silid ng bahay, nag-share na sa isang silid ang lolo niya at si Lolo Andres. Inokupahan naman ng kanyang mga magulang ang guest room, at ang silid ni Gideon ay ipinagamit sa kanya.
Habang naghahanda si Evangeline sa pagtulog, hindi niya naiwasan na sumagi sa isip ang naganap sa kanila ni Gideon sa mismong silid na iyon. Napakagat-labi siya nang maisip na ang maraming taon ng kanilang pagkakaibigan ay itinapon lang niya in a fit of rage and fury bilang pagrerebelde sa kanyang ama, doon mismo sa kamang kinahihigaan niya.
Noon lang din niya napagtanto, hindi siya ang dinungisan ni Gideon. Dahil sa kanyang ginawa, siya ang naglagay ng dungis sa kanyang sarili. How could she ever sleep in the same bed that she defiled?
Natulog siyang nagtitiis na mamaluktot sa makitid na love seat na naroon sa silid.
HUMUPA na ang bagyo kinaumagahan. Napakaraming bahay sa aplaya ang winasak niyon. Nagsimula nang magtayong muli ang iba.
Nadiskubre nina Evangeline na hindi lang ang bubong sa kusina ng bahay nila ang sinira ng bagyo. Dahil walang dike na magpoprotekta sa kanilang bahay, winasak ng alon ang halos kalahati niyon.
“Paano na tayo ngayon, Papa,” nag-aalala na baling niya sa ama.
“Huwag kang mag-alala, anak. Ipapaayos natin agad ito. Pansamantala siguro, makikisuno muna tayo kina Pareng Antero.”
Naisip niya ang bahay nito at ni Merla sa bayan. Pero masisikmura ba niya na tumira sa bahay ng dating kerida nito?
Tila nahulaan ng papa niya ang iniisip niya. “Kung inaalala mo ang pera sa pagpapatayo ng bahay, huwag kang mag-alala. Nabili na ang bahay sa bayan. Ang perang pinagbilhan noon ang gagamitin natin sa pagpapagawa nito.”
Nang akbayan siya ng kanyang ama at hapitin, isang mahina pero puno ng kombiksiyon na “I’m sorry” ang sinabi niya rito.
“Ako ang dapat na humingi ng tawad sa inyo ng mama mo at ng kuya mo. Patawad, anak.”
Mahigpit siyang yumakap sa ama. Maaaring sinira ng bagyo ang kanilang bahay, ngunit iyon naman ang naging daan para mabuo silang muli bilang isang pamilya. Pamilya na winasak ng bagyo ng pagsubok. Ngunit muling nabuo dahil sa pagmamahal at katatagan ng kanyang ina.
……………
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro